Capitulo Trece



Capitulo Trece



Hindi ko mapigilang humanga sa aking mga nakikita. Para akong bumalik kahit papaano sa aking panahon. Nandito pa rin ang mga lugar na makikita ko noon sa Intramuros. May modernong mga establisimiento ngunit nandito pa rin ang pakiramdam noong panahon ng Español.

Ayon kay Alejandro ay dinadayo daw ito ng mga banyaga at Pilipino. Halos nasira din daw ito dahil sa ikalawang digmaan na sadyang nakakalungkot talaga.

"Ito naman ang Manila Cathedral. Based sa research ko, nag-exist pa ito noong Spanish colonial pero nagiba ito noong around 1880 dahil sa lindol. Nakita mo ba ang dating mukha ng simbahang ito noon, Victoria?"

Marahan akong tumango at tiningnan ang simbahan. "Oo. Napakaganda nito noon." naglakad ako papasok sa simbahan at sumunod naman sa akin si Alejandro. May mga nagdadasal sa loob at hindi naman karamihan ang mga tao dahil hindi naman araw ng linggo.

"Dito kami nagsisimba ni Mama tuwing linggo noong hindi pa ako masyadong busy sa trabaho. Minsan kasabay namin sila Senator Cervantes kasama nila ang inalagaan nilang pamangkin."

May tinuring palang anak sila Tita Natalia. Kahit papaano ay napawi ang kalungkutan nila dahil sa pamangkin nila. Ngumiti ako. "Nasaan ang pamangkin nila?"

"Nasa America ngayon si Erica. Doon siya nag-aral ng law. Si Senator Cervantes ang nagpapaaral sa kanya. Kababata ko rin si Erica."

Nawala ang ngiti sa labi ko. Ibig sabihin babae ang pamangkin nila Tita Natalia at kababata pa ito ni Alejandro. Tumikhim ako bago naglakad palabas ng simbahan. Hindi ko dapat ito nararamdaman ngunit hindi ko mapigilang mainis.

"Victoria!"

Hindi ko pinansin si Alejandro at sumakay na ako ng kalesa. Tumabi siya sa akin at kinakalabit ako. Hindi ko siya nililingon dahil naiinis ako.

"Victoria—"

"Ilang taon na iyang pamangkin ni Tita Natalia?"

"Twenty-six years old na siya. May picture ako niya. Sandali lang." may kung ano-ano siyang pinindot sa hawak niyang cellphone bago pinakita sa akin ang isang larawan na may katabi siyang isang babae. "Ito siya."

Lalo akong napasimangot. Isang magandang binibini itong kababata ni Alejandro. Lalo akong nainis. Hindi ito nakakatuwa.

"Anong masasabi mo? Maganda ba?"

"Pangit siya. Hindi siya kagandahang binibini." tinulak ko palayo sa akin ang kamay ni Alejandro. "Nakakasira ng araw ang kanyang pagmumukha. Iminumungkahi ko na dapat ay ialis mo na iyan sa iyong cellphone dahil baka ito'y masira pa."

"Bakit naman masisira ang cellphone ko dahil sa lang sa picture na ito? Huling picture namin ito bago siya umalis ng Pilipinas. At bakit ko kailangang i-delete ito?"

"Mungkahi ko lang naman. Kung ayaw mong i-delete, eh, 'di bahala ka d'yan." inirapan ko siya. "Ginoo, maaari bang bumyahe na tayo? Nais ko sanang mapuntahan ang Iglesia de San Pablo de Manila—este," binasa ko ang hawak kong papel. "San Agustin Church po pala. Doon ko nais magdasal." hindi ko nililingon si Alejandro hanggang umalis na ang sinasakyan naming kalesa.

"Victoria, lumingon ka naman sa akin." Hindi ko siya pinapansin kahit ilang beses na niya akong kinalabit. "Victoria, may ginawa ba ako kaya ka naiinis sa akin?"

"Wala."

"Hindi ka naiinis sa akin?"

"Hindi."

"Humarap ka nga sa akin kung hindi ka naiinis sa akin."

"Nakakatuwang buhay pa rin ang lugar na ito." binaling ko ang tingin ko sa labas. Lalo lang akong maiinis kapag kinausap ko si Alejandro.

"Victoria."

"Huwag kang maingay! Pagtuunan mo na lamang ng pansin ang inyong larawan ni Erica."

"Nagseselos ka ba kay Erica?"

Bigla kong nilingon si Alejandro. "Ako? Magseselos sa binibining iyan? Ni hindi nga kagandahan iyan para pagselosan." pagak akong tumawa.

"Kung hindi ka nagseselos, bakit ka naiinis na may larawan kami ni Erica?" dahan-dahan siyang lumapit sa akin.

"H-Hindi ako naiinis, ah. B-Bakit ako maiinis?" Sobrang lapit na sa akin ng mukha ni Alejandro. Gahibla na lamang ang layo at hinapit niya ako. "L-Lumayo ka nga!" Bakit ba ako nauutal? Hindi dapat ako mautal!

"Hindi ka dapat mainis, Victoria."

Kumibot ang aking labi. Hindi nga naman dapat ako mainis. Wala naman akong karapatang mainis.

"Hindi ka rin pwedeng magselos."

Hindi rin ako pwedeng magselos. Nauna sa buhay ni Alejandro iyang Erica na iyan. Nanlaki ang aking mata. "Hindi ako nagseselos!"

"Kasi ikaw lang ang laman ng puso ko at hindi siya. Ikaw lang ang nanaisin kong makasama sa mga larawan ko."

Bigla akong umiwas ng tingin at kay bilis ng tibok ng aking puso. Napuno ng saya dahil sa aking mga narinig. "T-Tigil-tigilan mo nga ako, Alejandro."

"Bakit ako titigil kung nahulog na ako sa iyo?" Hindi ko na napigilang ngumiti. "Lalo kang gumaganda kapag ngumingiti ka. Ano bang mayroon sa ngiti mo at gustong-gusto kong nakikita?"

Tumikhim ako bago ko siya nilingon. "Señor Alejandro, wala namang espesyal sa aking ngiti. Natural lang sa isang tao na gustong makita ang kapwa niya na nakangiti."

"Alam ko na ang sagot sa tanong ko."

"Ano?"

"Dahil sa tuwing ngumingiti ka, lalo akong nahuhulog ang puso ko sa iyo."

Marahan akong tumawa. Mukhang ang puso ko yata ang nahulog.


-----


"Sigurado ka bang dito tayo kakain?" pabulong kong tanong kay Alejandro pagkapasok namin sa isang restaurante. Sobrang daming tao dito at baka pagkaguluhan siya sa oras na malaman ng mga ito kung sino siya.

"Oo naman. Wala naman nagsabing masamang kumain dito ang isang tulad ko."

Bumuntong hininga na lang ako. Umakyat kami at doon ay kaunti lamang ang kumakain. Pinili ni Alejandro ang mesa sa tabi ng bintana. Maganda namang pagmasdan ang tanawin sa labas ngunit tirik ang araw kaya medyo masakit sa mata.

"Dito ka lang. Mag-o-order lang ako ng pagkain natin."

Tumango ako bilang tugon bago umalis si Alejandro. Panaka-naka akong tumitingin sa mga kumakain at mga umaakyat-baba. Hindi ko alam kung nasaan sila Don. Noong sumakay kami ni Alejandro ng kalesa, hindi ko na sila nakita pa. Bumaling ang tingin ko sa labas. Kumunot ang noo ko. Tila ba'y kilala ko kung sino ang babaeng lumabas restaurante na ito. "Glenda!" kaagad akong tumayo at nagmadaling bumaba. Hindi ko na nagawang puntahan si Alejandro upang magpaalam para lang masundan ko kaagad si Glenda. Papalayo na ito nang makalabas na ako. "Glenda!" tawag ko sa aking kaibigan at tatakbo na sana ako nang biglang humarang si Don.

"Saan po kayo pupunta, Ma'am Victoria?"

Binaling ko ang tingin ko sa gawi ni Glenda. Malayo na ito at tuluyang nawala sa aking paningin dahil sa mga nagsidaanang grupo ng mga estudyante.

"Ma'am? Sino po ang hinahanap ninyo?"

"W-Wala. Akala ko'y nakita ko ang aking kaibigan."

"Pumasok na po kayo sa loob." iginiya ako ni Don papasok sa loob.

Nang makaakyat na ako, nandoon si Alejandro at mukhang bababa na para hanapin ako. Nakaguhit ang pag-aalala sa mukha niya. "Alejandro, paumanhin kung ako'y umalis—" nahinto ako sa aking sasabihin dahil niya akong niyakap. "Alejandro..."

"Akala ko bigla kang naglaho."

Lumayo ako sa kanya na nakakunot ang aking noo. "Bakit naman ako maglalaho?"

"H-Hindi ko alam." hinila niya ulit ako para yakapin. "Huwag kang bigla-biglang aalis. Pakiramdam ko iiwanan mo na ako ng tuluyan."

Mahina kong tinapik ang kanyang likod habang yakap-yakap pa rin niya ako. "Opo, hindi ko na ulit iyon gagawin."

Ngumiti siya at pinaupo na ako sa upuan. May mga nakahain na pagkain sa mesa. "Saan banda kakain sila Don?"

"Malapit lang din dito sa inuupuan natin."

Marahan akong tumango. Umusal muna ng panalangin si Alejandro bago kami nag-umpisang kumain. Prinitong manok ang aming ulam. Tamang-tama ang pagkakaluto at kakaiba ang lasa. Hindi na nakakapagtaka na maraming kumakain dito kahit pa may malaking estatwa ng nakangiting bubuyog sa gilid ng pintuan ng kainang ito. Pinaghimay ako ni Alejandro ng manok at tinanggal na rin niya ang nga buto nito.

"Hindi mo na kailangang gawin ito, Alejandro."

"Hayaan mo nang gawin ko ito." binalik niya sa akin ang pinggan ko. "Isawsaw mo sa gravy para mas masarap."

Ngumiti ako at sinunod ko ang sinabi ni Alejandro. "Masarap nga." nagpatuloy na akong kumain.

"Noong nag-aaral ako, sa ganitong fastfood chain ako kumakain. Para lang makatipid ng allowance ko at lumaki ang ipon ko para kung sakaling may biglaang project, hindi na ako manghihingi sa magulang ko. Nagdo-dorm din ako noon at talagang hindi alam ng mga magulang ko kung gaano ako katipid. Minsan nababalitaan na lang nila na biscuit lang hinahapunan ko kaya napapagalitan nila ako." marahan siyang tumawa.

Huminto akong kumain at tumingin sa kanya. "Hindi naman sa lahat ng oras ay titipirin mo ang iyong sarili dahil minsan nakakasama ito sa iyong kalusugan."

Matipid siyang ngumiti. "Noon naman iyon, kaya huwag kang mag-alala."

Nakahinga ako ng maayos. "Mabuti naman kung ganoon."

Uminom siya ng softdrinks. "Mas magandang magtipid at ipakita sa tao na simple lang tayo sa buhay kahit pa may marangya tayong pamumuhay. Mas maganda naman kasing simple lang tayo. Sa sinusweldo ko bilang senador, palaging may poryento ang pinili kong foundation. May pagkakataong tumutulong din ako sa mga school na kailangan ng financial assistant pero hindi ko pinapasabing ako ang gumastos. May mga napagtapos na rin ako ng kolehiyo pero tinatago ko kung sino ako. Mas magandang ganoon."

Hindi ko mapigilang ngumiti. Hinawakan ko ang isa niyang kamay at pinisil iyon ng mahina. "Pinagmamalaki kita, Alejandro. Ikaw ay may tunay na busilak na puso."

"Salamat. O, tikman mo itong mashed potato nila. Ito ang gusto kong side dished nila." sinubuan niya ako. Tumango-tango ako dahil nagustuhan ko ang lasa nito.

Nagpatuloy na kaming kumain. Paminsan-minsa'y nagkukwento ng mga nakakatuwang bagay si Alejandro. Minsan naman ay kinukwento ko ang tungkol sa amin ng kaibigan kong si Luciana. Bihira lang kaming sabay kumain ng tanghalian kaya masaya ako. Kinukwento niya ngayon ang tungkol sa pagpasok niya sa escuela na nakabihis pambabae dahil kailangan daw magbihis babae ang mga lalaki sa grupo nila para sa both nila noong foundation day ng paaralan.

Hindi ko napigilang tumawa."Ibig mong sabihin ay ikaw lang ang nagsuot ng pambabaeng damit?"

"Oo, ako nga. Pinagkaisahan nila ako. Mga loko-loko. Nakakahiya iyon dahil ako ang naging usap-usapan ng mga estudyante sa school namin. Isipin mo, ang unico hijo ng mayor ng San Pablo ng mga panahong iyon, mas maganda pa daw sa pinakamagandang babae sa school." napapalatak pa siya.

"Ikaw ang pinakamakisig na binata sa escuela ninyo. Nakakatuwa naman." malakas akong tumawa. Napahinto ako dahil nakakahiya. Hindi angkop sa isang binibining tumawa ng sobrang lakas sa isang publikong lugar. Nagmumukhang gusto nang mag-asawa kapag ganoon. "Paumanhin." uminom ako ng softdrinks.

"May dumi."

"Ha?"

"May dumi sa gilid ng labi mo." siya na ang kusang nag-alis ng dumi sa gilid ng labi ko.

"N-Naku! Paumanhin kung marumi akong—"

"Hindi mo naman kasalanan kung may smudge ng gravy ang gilid ng labi mo. Natural lang iyan dahil isa kang tao. Hindi naman all the time dapat perpekto ang kilos mo. Kaya kung may dumi ang gilid ng labi mo, ayos lang iyon. Kung gusto mong tumawa ng malakas, ayos lang 'yon." mahina niyang pinisil ang tungkil ng ilong ko. "Dahil isa ka ding tao."

Unti-unti akong ngumiti. "Tama ka."

"Kaya gawin mo lang ang sinasabi ng puso mo, Victoria."

May sasabihin pa sana ako kay Alejandro ngunit hindi ko na nagawa dahil biglang tumunog ang kanyang cellphone at nagpaalam na sasagutin lamang ang tawag. Pinagmamasdan ko siya habang may kausap siya sa cellphone. Mukhang may problema base sa ekspresyon ng kanyang mukha. Sandali lang pag-uusap dahil naglakad na siya pabalik dito.

"Umalis na tayo." puno ng pag-aalala ang kanyang mukha.

"M-May problema ba?"

"Nasa hospital ang pinsan ko. Kailangan ko siyang puntahan dahil may tama raw siya ng bala ng baril sabi ni Tita Lannie."

Kinuha ko ang dala kong sling bag at nagmadali kaming lumabas. Nakasunod sa amin sila Don at kaagad na nag-book sa sinasabi nilang Grab. Habang naghihintay kami, hindi mapakaling palakad-lakad. Pinipigilan ko siya ngunit hindi pa rin siya mapigil. "Alejandro."

Huminto siyang maglakad. "Matagal pa ba, Don?"

"Five minutes na lang, Senator."

"Hindi naman ma-traffic. Bakit ang tagal dumating n'yan?"

Hinawakan ko siya sa braso. "Alejandro, kumalma ka."

Huminga ng malalim si Alejandro bago humarap sa akin. "Hindi ko magawang kumalma dahil nag-iisang pinsan ko sa side ni Papa ang fifty-fifty ngayon."

"Alam ko iyon pero—"

"Mukhang nand'yan na ang maghahatid sa atin."

Bumuntong hininga na lang ako at sinundan ko ang tinitingnan niyang papalapit na kotse. Nang huminto ito sa harapan namin, kaagad na kinausap ni Don ang driver ng kotse. Pagkakumpirma na ito ang maghahatid sa amin sa ospital, kaagad akong pinasakay ni Alejandro at tumabi siya sa akin. Hindi pa rin siya mapalagay habang bumabyahe kami. Hinawakan ko ang kanyang kamay para mawala kahit papaano ang kabang nararamdaman niya.

Lumingon siya sa akin kaya binigyan ko siya ng isang matipid na ngiti. Kahit papaano ay nakitang kong kumalma siya. Marahan niyang pinisil ang aking kamay.

Umabot ng isang oras ang biyahe namin bago kami makarating sa hospital. Nakaabang na rin ang iba pang mga bodyguard ni Alejandro. Nagmadaling bumaba si Alejandro at sumunod ako sa kanya. Wala na ang suot niyang sumbrero at sunglasses kaya pinagtitinginan na siya ng mga tao.

Lumapit kaagad siya sa information desk ng ospital. "What is the room number of the patient Celestine Eustaquio?"

Natigilan ako. Si Celestine Eustaquio, ang pinsan niya na gusto niyang pakasalan noon. Kaya pala ganoon ang pag-aalala niya dahil ang babaeng nais pakasalan ang nasa ospital na ito.

"Nasa ICU po siya ngayon."

"Where's the ICU?"

"Ihatid ko na po kayo doon, Senator Navarroza."

Hindi ko nagawang sumunod kay Alejandro. Pakiramdam ko'y parang nawala lahat ng sayang naramdaman ko kanina at napalitan iyon ng lungkot at sakit dito sa aking puso. Nakita na ang nawawala niyang pinsan na si Celestine. Ibig sabihin ay mawawala na ako ng halaga sa buhay ni Alejandro.

Bakit ako sobrang nasasaktan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top