Capitulo Siete



Capitulo Siete



Sumikdo ang aking puso. Wala akong masabi. Masyado akong nabigla sa mga sinambit nu Alejandro.

"Victoria?"

"N-Nagtatapat ka ba ng iyong damdamin sa akin?"

"A-Ano?"

"Ang sabi ko'y nagtatapat ka ba ng iyong damdamin sa akin?" Dumaan ang katahimikan sa aming dalawa. Unti-unti na ring bumabalik sa normal ang pagtibok ng aking puso. "Alejandro?"

"May kailangan pala akong tawagan. Magpahinga ka na, Victoria." Nagmamadali siyang iniwan ako.

Sinundan ko na lamang siya ng tingin hanggang sa hindi ko na siya matanaw. Nakadama ako ng panlulumo dahil hindi sinagot ni Alejandro ang aking tanong. Hindi ko mawari sa akin sarili kung bakit umasa ako na oo ang sasabihin niya. Bumuntong hininga ako at inumpisa ko nang ligpitin ang aking gamit. Mas mainam na kalimutan ko na ang sinabi ni Alejandro kanina. Sa tingin ko'y dala lamang ng sobrang pagod kaya niya iyon nasabi.

"Victoria?"

Napalingon ako sa tumawag sa akin. "Bakit Alejandro?"

"Inimbita ako ni Senator Cervantes sa selebrasyon ng kasal nila ng asawa niya bukas ng gabi. G-Gusto sana kitang isama, kung papayag ka."

Taimtim ko siyang pinagmasdan. Parang wala lang sa kanya ang mga nangyari kanina samantalang ako, kailangan kong iwaglit sa aking isipan ang mga sinambit niya. Kimi akong ngumiti sa kanya. "Maaari mo naman akong isama. Ang problema lamang ay wala naman akong maisusuot para bukas dahil hindi ko naman alam kung anong sinusuot ninyo sa mga piging mayroon kayo."

"Huwag kang mag-alala. Bukas ng umaga ay darating na ang damit na isusuot mo. Sigurado akong magugustuhan mo iyon."

"Tiyak naman akong magugustuhan ko iyon dahil alam mo naman kung ano ang mga kasuotang nais ko."

"M-Mabuti kung ganoon."

Dumaan ang katahimikan sa pagitan naming dalawa na labis nga namang nakakailang. Tumikhim ako at kinuha ko ang aking mga gamit. "Maiwan na kita, Alejandro. Ipagpapatuloy ko na lamang sa aking silid itong mga takdang aralin na binigay sa akin ng mga maestra at maestro ko. Magandang gabi." Nagmadali akong tumayo at lumakad papalayo sa sala.

"Victoria."

Nilingon ko si Alejandro. "Bakit?"

"Malalim na ang gabi. Ipagpabukas mo na lang ang mga assignment—takdang aralin mo. Magpahinga ka na."

Tinanguhan ko lamang si Alejandro bago magpatuloy sa paglalakad.

"Magandang gabi rin sa iyo, Victoria. Maging mahimbing ang iyong tulog."

Huminto ako sa paglalakad at huminga ako ng malalim. "Ikaw rin, Alejandro." Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung ako'y makakatulog ng mahimbing sa gabing ito.


-----


Lumawak ang aking ngiti nang makita ko ang aking ayos sa harap ng salamin. Napakaganda ng aking suot. Nakakatuwang makakasuot ulit ako ng ganitong damitan. Tila ba'y nagbalik ako sa aking panahon. Napakaganda ng pagkakatahi. Oo, magaganda ang aking mga kasuotan ngunit mas maganda ang disenyo ng damit na ito na tila ba ginawa ito para sa akin.

Umikot ako sa harapan ng salamin. "Ang ganda! Hindi ko mapigilan ang aking sarili na labis humanga sa iyong gawa, Binibining Thalia."

"M-Masaya akong malaman na nagustuhan mo ang design ko. Ang sabi kasi ni Senator Navarroza, dapat daw katulad ng damitan noong Spanish colonial ang style ng damit. Pasensya kung hindi ko masyadong nagaya."

Nginitian ko ang binibining nagtahi ng suot ko ngayon. "Wala kang dapat ihingi ng paumanhin. Napakaganda ng iyong disenyo. Tila ba'y isa akong prinsesa sa suot ko!"

"Umupo ka muna. Ilalagay natin ito para mas magmukha kang si Maria Clara." May pinakitang peineta sa akin si Binibining Thalia. Napakaganda ng peineta na iyon. May disenyo itong mumunting bulaklak na lalo pang pinaganda ng mga diamante.

"Gagamitin ko iyan? Paano kung maiwala ko iyan? Wala akong maipamamalit sa iyong peineta."

"Para talaga ito sa iyo. Pinagawa ni Senator Navarroza para sa iyo." Inilagay na niya sa aking buhok ang peineta. "Hayan! Lalong bumagay sa iyo ang hair comb na 'yan. Ang ganda mo!"

Ramdam ko ang pagpula ng aking pisngi. "H-Hindi naman masyado."

"Puntahan mo na sa baba si Senator."

Binigyan ko siya ng isang ngiti bago ko kinuha ang pamaypay na nakapatong sa mesa. Humarap ako sa kanya. "Binibining Thalia, sa tingin mo ba'y magugustuhan ni Alejandro ang aking ayos?"

"Malalaman natin sa oras na makita ka niya."

Tinanguhan ko na lamang si Binibining Thalia bago lumabas ng aking silid. Dahan-dahan ang pagbaba ko ng hagdanan dahil hindi magandang tingnan sa isang binibini ang pagiging magaslaw sa pagbaba ng hagdanan. Nakita ko kaagad si Alejandro na may kausap sa cellphone. Mukhang napakaimporte ng kausap niya ngunit nang lumingon siya sa aking gawi ay ipinasok niya sa bulsa ng kanyang pang-ibabang kasuotan.

Lumapit ako sa kanya. "Napakaganda nitong damit na inilaan mo para sa akin." Umikot ako sa harapan ni Alejandro. "Bagay ba sa akin ang damit na ito?" Unti-unting nawala ang ngiti sa aking labi dahil wala man lang siyang tugon. Tulala siya sa aking harapan na talagang nagpadama sa akin ng pagkailang. "Alejandro?"

Ilang beses siyang kumurap bago umiling.

Bigla akong nalungkot dahil hindi nagustuhan ni Alejandro ang aking ayos. "Kung gayon, sa tingin ko'y kailangan kong magpaiwan dito. Baka ika'y mapahiya dahil hindi kagandahan ang binibining kasama mo."

"No! Mali ka ng pagkaintindi. Maganda ka." Masuyo niyang bigkas at masuyo rin niyang hinaplos ang aking pisngi. "Napakaganda mong binibini, Victoria."

Naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi kaya kaagad akong lumayo. "Masaya akong malaman na nagustuhan mo ang aking ayos." Nilingon ko siya at nakuha ng aking atensyon ang hindi maayos na kwelyo ng suot niyang barong. Walang sabi-sabi'y lumapit ako sa kanya at tumingkayad upang maayos ko ang kanyang kwelyo. "Hayan, ayos na." Umangat ang aking tingin. Sobrang lapit namin sa isa't isa. Muntik na akong mawalan ng balanse dahil sa pagkagulat ngunit naging maagap si Alejandro at nakakulong na ako ngayon sa kanyang bisig. Sumikdo ang aking puso.

"Victoria—"

"Senator Navarroza, ready na po ang kotse ninyo."

Agad akong lumayo kay Alejandro at tinakpan ko ang aking mukha dahil sa labis na pamumula ng aking pisngi. Nakakahiyang nakita kami ng sekretarya ni Alejandro sa ganoong posisyon.

"Sige, susunod na kami." Dumaan ang katahimikan sa aming dalawa. Tumikhim si Alejandro. "Lumabas na tayo."

Tumango na lamang ako bago sumunod sa kanya. Pinagbuksan rin niya ako ng pintuan ng kotse. Tahimik lamang kaming dalawa habang bumabyahe. Ako'y naiilang dahil hindi ko alam kung anong aking sunod na gagawin. Huminga ako ng malalim at tumingin sa labas ng kotse. Napalingon ako kay Alejandro nang hawakan niya ang aking kamay. Mainit ang kanyang kamay na nagawang iparamdam sa akin na ligtas ako sa kanyang piling. Unti-unting gumuhit ang isang matamis na ngiti sa aking labi.

"Victoria."

"Hmn?"

"Huwag mong gawin 'yan."

"Anong hindi ko dapat gawin?"

"Ang ngiti mo. Huwag mo akong ngingitian ng ganyan..."

Hindi ko naintindihan ang iba niyang sinabi dahil sobrang hina ng kanyang boses. "Bakit hindi kita pwedeng ngitian ng ganoon?"

"Basta." Umiwas siya ng tingin sa akin.

"Hindi kita maintindihan." Hindi na muling nagsalita si Alejandro kaya nanahimik na lamang ako at pasimpleng tumitingin sa magkadaop naming palad.

Mayamaya ay huminto ang sinasakyan namin sa tapat ng isang magarang tirahan. Punong-puno ng liwanag ang paligid. May isang ginoo na nagbukas ng pintuan ng kotse. Naunang lumabas si Alejandro at inalalayan naman niya ako. Agad na may lumapit sa aming mga taga-media o reporter. Iniharang ko sa aking mukha ang pamaypay na hawak ko. Hinawakan ni Alejandro ang aking kamay at marahan akong hinila papasok sa loob.

Marami nang bisita sa bulwagan. May ibang napapatingin sa gawi namin ni Alejandro. Nilingon ko siya at nakaguhit ang ngiti sa kanyang labi. Hindi ko mawari kung bakit tila naaakit ako kanyang ngiti.

"Senator Navarroza!"

Sabay kaming lumingon ni Alejandro sa tumawag sa kanya. May isang lalaki na halos kaedad ni Papa na papalapit sa amin. "Senator Cervantea." Nagkipagkamay si Alejandro sa lalaking tinawag niyang Senator Villamayor.

"I'm glad that you come here. Akala ko'y hindi ka na dadalo sa wedding anniversary namin ng esposa ko."

"Hindi ko naman palalagpasin ang wedding anniversary ninyo, Senator Cervantes, even though you're my number one opponent in presidential position."

"Oh please lets forget about that right now. Just call me ninong like the old times. Bakit hindi mo ako ipakilala sa binibining kasama mo ngayon."

"Sen—Ninong, this is my girlfriend, Maria Victoria Saenz. Victoria, pinakikilala ko sa iyo si Innocencio Cervantes, ninong ko at matagal nang kaibigan ng pamilya namin."

"Its nice to—"

"Mas nanaisin ng aking nobya na magsalita ka, Ninong, sa purong wikang Filipino."

Nagulat ako sa sinabi ni Alejandro. Pinakilala niya ako bilang nobya niya!

"That's good!" Bumaling ang tingin sa akin ni Innocencio Cervantes na isa rin palang senador. "Masaya akong makilala ang dalagang nagpatibok sa puso ng aking inaanak." Inilahad nito sa akin ang kanang kamay.

Ibinaba ko ang aking pamaypay. "Ikinagagalak ko pong makilala ka, Senator Cervantes." Nakipagkamayan ako kay Senator Cervantes. Nawala ang ngiti sa labi ko dahil tila ba natulala ito. Tumikhim ako at binawi ko ang aking kamay.

"Kamukha mo ang aking esposa."

Napalingon ako kay Alejandro. Humihingi ng kasagutan mula sa kanya kung totoo ang sinasabi ni Senator Cervantes. "Kahawig lang, Ninong."

"No. Kamukha niya. Hayaan mong ipapakilala kita sa aking esposa mamaya. May ginagawa lang siya pero mayamaya ay magpapakita na rin siya. Sigurado akong magkakasundo kayo. She's still cooking her specialty. You know your Ninang Natalia, Alejandro. Hindi siya papayag na wala ang specialty niya sa bawat okasyon na mayroon kami..."

Binaling ko na lamang ang aking atensyon sa paligid ko. Pinagmukhang panahon noon ang tirahan na ito. Lahat ay nakasuot sa kung anong suotan noon. Tila ba'y nagbalik talaga ako sa aking panahon. Para bang nasa isang selebrasyon ako ng isang Principalia at kasama ko ang aking pamilya. Si Papa na nakikipag-usap kina Don Gregorio Realonzo, Don Rafael Ferrer at Don Julian Pelaez habang si Mama naman ay nakikipagkwentuhan sa kanyang mga amiga. Si Kuya Matias, marahil ay nakatingin lamang siya sa labas ng bintana habang umiinom ng isang kopita ng alak at si Manuel naman ay nakikipag-usap sa kanyang mga kaibigan o sa mga nagagandahang dilag dito. Matipid akong ngumiti.

"Victoria."

Bigla akong lumingon kay Alejandro. "Ano iyon?"

"Ang sabi ko, iiwanan muna kita sandali dito."

Kumunot ang aking noo. "Bakit?" Alam naman niyang siya lamang ang kilala ko dito sa loob ng bulwagan ngunit iiwanan niya ako dito.

"Kukuhaan kita ng maiinom."

Marahan akong tumango bago ako iniwanan ni Alejandro. Pinagmasdan ko na lamang ang aking paligid. Mukhang lahat ng bisita dito ay magkakakilala. Malawak ang ngiti sa labi at may kanya-kanyang paksa silang pinag-uusapan.

"I've heard that you're the lucky girl stole Alejandro's heart."

Napalingon ako sa katabi ko. Isang may edad na babae ang nasa tabi ko. Kimi akong ngumiti bago ko ibaling ang aking tingin sa mga taong nagkakasiyahan ngayon. Hindi ko masyadong naintidihan ang sinabi nito.

"Tama nga ang asawa ko, nakikita ko sa iyo ang mukha ko noong kabataan ko."

Muli'y bumalik ang tingin ko sa babae. "Kayo po ang esposa ni Senator Cervantes?"

Marahan itong tumango at inilahad ang kamay sa akin. "Natalia Cervantes. Masaya akong makilala ka, hija."

Binigyan ko ng isang matamis na ngiti ito. Magaan ang loob ko sa kanya. Tila ba'y parang konektado ako sa kanya kahit hindi naman. "Masaya rin po akong makilala ka, Señora Natalia." At nakipagkamayan ako.

"Tita Natalia na lang, hija. Lahat ng nakakabata sa akin ay iyon ang tawag sa akin. Ano palang pangalan mo?"

"Victoria. Maria Victoria Saenz y Rioveros."

"You have a beautiful name, Victoria. Maria Victoria din ang gusto kong pangalan ng anak ko." Bakas sa boses ni Señora—Tita Natalia ang kalungkutan.

"Nalulungkot po ako dahil hindi po kayo nabiyayaan ng babaeng anak. Marahil ay naging mabuti naman pong anak sa inyo ang anak ninyong lalaki."

"Wala akong anak, hija. Magkakaroon dapat kaso namatay ang anak ko, pagkapanganak ko pa lang sa kanya. Babae siya at hindi na ulit ako binigyan ng pagkakataong magbuntis ulit."

Nalungkot ako dahil sa masalimuot na pangyayari kay Tita Natalia. Isang sumpa sa isang babae ang hindi biniyayaang magdalangtao at magkaroon ng sariling supling. Napakasakit sa puso iyon. Para bang hindi karapat-dapat na tawaging isang tunay na babae ang babaeng hindi maaaring magdalangtao. "Humihingi po ako ng paumanhin sa aking mga nasabi."

"Wala kang kasalanan, Victoria." Huminga ito ng malalim. "Siguro'y kasing edad mo na ang unica hija ko kung sakaling nabubuhay pa siya."

Niyakap ko si Tita Natalia upang maibsan ang kalungkutang nararamdaman niya. Ganoon ang ginagawa sa akin ni Kuya Matias tuwing ako'y nalulungkot. "Huwag ka na pong malungkot. Araw ng anibersaryo ng inyong kasal, marapat lamang pong maging masaya kayo."

"Hindi na." Hinaplos ni Tita Natalia ang aking mukha. "Ang gaan na kaagad ng loob ko sa iyo, hija."

"Ako rin po."

May narinig akong tumikhim sabay ng paghapit sa akin papalapit sa matikas na pangangatawan ng isang ginoo. "I'm glad to see you again, Ninang Natalia."

"Alejandro, mi hijo!"

"Lalo kang gumaganda, Ninang Natalia. Mukha ka pa ring dalaga. Turuan mo nga si Ninong Innocencio na mag-relax at huminto na sa pagbibigay serbisyo sa taong bayan."

Marahang tumawa si Tita Natalia. "Kilala mo naman si Inno, his number one goal in life is to serve his country. Hindi natin siya mapipigilan."

"That's why I want to continue what he did in our country. Its time for him to have fun."

Palipat-lipat ako ng tingin kina Alejandro at Tita Natalia. Nakakadama ako ng kaunting tensyon sa kanilang dalawa. "Alejandro." Bulong ko sa kanya. Bumaling ang kanyang tingin sa akin at naging malambot ang ekspresyon ng kanyang mukha. "Nasaan na ang inuming kinuha mo para sa akin?"

"Ay oo nga pala. Hindi ako nakakuha dahil may kinausap akong bisita dito. Sumama ka na lang sa akin para malaman ko kung ano ang gusto mong inumin—"

"Senator Navarroza!"

"Secretary Guevarra!" Nakipagkamayan si Alejandro sa lalaking tinawag niya sa ngalang Secretary Guevarra.

"I'm glad to see you here." Nginitian ako ni Secretary Guevarra at tinanguhan ko lamang ito. "Mrs. Cervantes, happy wedding anniversary."

"Thank you, Secretary Guevarra."

Tinanguhan nito si Tita Natalia. "Senator Navarroza, pwede ba kitang makausap ng tayong dalawa lang?"

Bumaling ang tingi ni Alejandro sa akin na tila ba nanghihingi siya ng permiso sa akin kung papayag ba siyang kausapan niya si Secretary Guevarra na sila lang. Ngumiti ako sa kanya. "Dito na lang muna ako. Natutuwa ako sa mga nakikita ko dito."

"Sigurado ka?"

Tumango ako bilang tugon.

"Huwag kang mag-alala, hijo. Sasamahan ko si Victoria dito."

Pilit na lamang tumango si Alejandro bago sila umalis.

"Umupo muna tayo doon, hija. Magkwento ka naman tungkol sa sarili mo." Hinila ako ni Tita Natalia sa pinakamalapit na upuan. "Alam mo bang kaibigan kami ng pamilya Navarroza. Si Alejandro ang tinuturing kong parang anak."

Matipid akong ngumiti kay Tita Natalia. Mukha naman kasing ganoon ang turing nito kay Alejandro. Napakaswerte siguro ng anak ni Tita Natalia kung sakaling nabiyayaan ito ng anak.

"Magkwento ka naman, Victoria, tungkol sa sarili mo."

Umayos ako ng upo. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin dahil malayo ang naging buhay ko sa pamumuhay ng mga tao dito. "H-Hindi naman po interesante ang aking buhay, Tita Natalia."

"Mga hilig mo na lang, hija. Ano bang hilig mong gawin araw-araw?"

"Magpatugtog ng pyano at magbasa ng libro. Iyon po ang aking hilig."

"Pareho tayo, hija! Marami na akong nabasang libro. Kapag may bakanteng oras si Alejandro, pumunta kayo dito. Idadala kita sa library ko. Sigurado akong may magugustuhan ka doong basahin."

Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ko. Hinawakan ko ang mga kamay ni Tita Natalia. "Isang magandang bagay na makapunta po sa inyong silid-aklatan! Sa amin ay palagi akong nagbabasa ng libro. Ang paborito ko ay ang librong El Ingenioso Hidalgo Don Quijote de la Mancha. Napakagandang nobela!"

"Nakakatuwa dahil pareho tayo. Excited akong makapunta ka doon."

"Mukhang close na kayo kaagad."

Sabay kaming napatingin ni Tita Natalia kay Senator Cervantes. "You're right, Darling. Kamukhang-kamukha ko si Victoria."

"Para kayong mag-ina tingnan."

Bumaling naman ang tingin ni Tita Natalia sa akin. Hinaplos nito ang aking mukha. Pakiramdam ko'y napakatagal kong nawalay sa aking ina sa nadadama ko ngayon sa kanya. Niyakap ko si Tita Natalia dahil sa pangungulilang nararamdaman ko ngayon.

Ikinagulat ni Tita Natalia ang aking ginawa ngunit nagawa pa rin nitong gumanti sa aking yakap. "Oh, I feel like you're my daughter."

Nakakatuwa naman dahil pakiramdam ko naman ay para ko siyang ina. Napatingin naman ako kay Senator Cervantes.

"Pwede bang putulin ko muna ang kwentuhan ninyo. Isasayaw ko ang pinakamagandang babae sa buhay ko."

Marahan akong tumango bago nila ako iniwan. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sila'y nasa gitna ng bulwagan at sumayaw sa saliw ng malamyos na musika. Kitang-kita ko na labis nilang mahal ang isa't isa. Isang tunay na pag-ibig. Ako'y nakadama ng kaunting inggit. Gusto kong maranasan ang nakikita ko sa kanila. Ang tamis ng tunay na pag-ibig.

May ibang ginoo na nais akong maisayaw ngunit iyon ay tinanggihan ko. Mas nanaisin ko pang panoorin ang pagsasayaw ng mag-asawang Cervantes kaysa makipagsayaw sa mga ginoong hindi ko kilala.

Napatingin ako sa taong naglahad ng kamay sa harapan ko. "Alejandro."

"Maaari ko bang masayaw ang napakagandang binibining nasa harapan ko?"

Napangiti ako bago ko tinanggap ang kanyang kamay. Habang kami'y naglalakad papunta sa gitna ng bulwagan, tila ba'y huminto ang pag-inog ng mundo. Hindi ko inaasahan ang pagyuko ni Alejandro kaya marahan akong yumuko. Gumuhit ang isang masuyong ngiti sa kanyang labi bago inabot ang aking kamay at ipinatong sa kanyang balikat. Nasa baywang ko naman ang kanyang kamay at nag-umpisa na kaming sumabay sa saliw ng musika.

"Medyo naiinis ako."

Kumunot ang aking noo. "Bakit naman?" Nagtatakang tanong ko sa kanya. "Hindi ba naging maganda ang inyong usapan ng ginoong kausap mo kanina?"

Marahan siyang tumawa bago umiling. "Hindi iyon ang dahilan kung bakit ako naiinis."

"Ano naman ang dahilan kung bakit ka nakakadama ng inis?"

"Lahat kasi ng binata dito sa loob ay nakatingin sa iyo. Lahat siya ay nabihag ng iyong kagandahan. Hindi nga ako mapakali kanina habang kinakausap ko si Secretary Guevarra. Nakikita ko kasing may mga lalaki nang lumalapit sa iyo at gusto kang isayaw. Hindi ko alam ang gagawin ko sa oras na tanggapin mo ang paanyaya ng isa sa kanila dahil ang gusto ko ay ako lamang ang kasayaw mo."

Masuyo akong ngumiti. Parang lumobo ang aking puso dahil labis akong natuwa sa sinabi ni Alejandro. "Huwag kang mag-alala dahil ikaw lamang ang nanaisin kong maisayaw ngayon."

"Geez! Dont do that kind of smile. You made my heart melt."

Hindi ko naintidihan ang kanyang sinabi. Hindi pa ako kagalingan sa wikang Ingles. "Anong sabi mo?"

"Wala! Ang sabi ko, ang swerte ko naman dahil kasayaw ko ang pinakamagandang babae sa okasyon na ito."

"Kung gayon, maswerte din ako dahil kasayaw ko ang pinakamakisig na ginoo sa loob ng bulwagang ito." Pinigilan ko ang aking sarili na ngumiti ng malawak. Nakakatuwa lamang dahil namula ang pisngi ni Alejandro.

"Victoria."

"Hmn?"

"Huwag ka nang bumalik sa panahon mo. Dito ka na lang, Victoria. Ibibigay ko ang lahat sa iyo, huwag mo lang ako iwan." Puno ng pagmamakaawa ang mga mata ni Alejandro.

Hindi ko malaman ang aking isasagot. Biglang napuno ng ng katanungan ang aking isipan ngunit may isang bagay ang nangunguna sa aking isipan. Ang sulitin ang mga oras na kasama ko si Alejandro habang hindi ko alam kung ako'y makakabalik pa sa aking panahon o hindi na. Humilig ako sa kanya at dinama ang aming pagsasayaw.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top