Capitulo Sais



Capitulo Sais



Pagulong-gulong lamang ako sa hinihigaan ko. Sobrang lalim na ng gabi ngunit hindi ko pa rin magawang matulog. Baka maunahan pa ako ng mga kwagong makatulog kung saka-sakali lang. Masyadong okupado ang aking isipin. Hindi mawaglit ang ginawang paghalik ni Alejandro sa aking mga labi. Iyon ang aking unang halik! Oo, inaamin kong naniniwala na ako sa tamis ng unang halik ngunit ito'y hindi magandang bagay. Ang gusto ko ay ibibigay ko sa aking kasintahan na labis kong minamahal ang aking unang halik ngunit iyon ay ninakaw ni Alejandro.

Mariin akong pumikit at hinaplos ko ang aking mga labi. Hindi ko alam kung bakit nagustuhan ko rin ang paghalik niya sa akin at bakit bumilis ang tibok ng aking puso. Dapat ay hindi ko ito nararamdaman. Huminga ako ng malalim bago tumayo. Kailangan kong magpahangin kahit doon lamang ako sa azotea upang magawang maiwaglit sa aking isipan ang pangyayaring iyon. Dahan-dahan lamang akong lumabas ng aking silid upang hindi ko na maambala ang mga kasama ko sa bahay. Nang makarating na ako sa azotea ay umupo ako sa silyang tumba-tumba.

Dinama ko ang simoy ng hangin. Bukas ng umaga na ang balik namin sa Maynila dahil maraming naiwang trabaho si Alejandro doon. Ayon sa kanya ay mahirap daw maging isang senador. Ang pinakatrabaho daw nila ay mag-isip ng mga batas na talagang makakatulong sa ikagaganda, ikauunlad at kapayapaan ng mga mamamayan. Isang bagay na napakahirap na gawin!

Hindi ko alam kung paano ako haharap kay Alejandro. Syempre nakakailangan makausap ang taong nagnakaw ng unang halik. Para akong masisiraan ng bait dahil sa kanya. Hindi ko naman aakalaing gagawin niya iyon at talagang nagulo niya ang buong sistema ko. Napasabunot ako sa aking sarili. Hindi ko na alam ang aking gagawin. Sumandal ako sa aking kinauupuan.

"Victoria?"

Agad akong pumikit upang magpanggap na natutulog. Mas mainam na ganito ang aking gawin.

"Victoria—tulog na pala siya. Bakit dito ka natulog? Hindi mo ba alam na pwede kang kagatin ng lamok? Ayoko nga'ng makagat ka ng lamok dahil delikado 'yon. Uso pa naman ang dengue virus ngayon..." Tila naninermon si Alejandro sa isang taong kahit alam niyang hindi naman siya naririnig dahil tulog ay patuloy pa rin siya sa pagsasalita. Dahan-dahan niya akong binuhat. Hindi ko mawari kung bakit sobrang bilis ng tibok ng aking puso ngayon. "Siguro, nami-miss mo na ang pamilya mo kaya dito ka na sa azotea natulog?"

Nami-miss? Ayon sa aking mga nababasang librong kwento tungkol sa pag-ibig, wikang Ingles ito na may dalawang kahulugan. Una ay ang pangungulila sa isang tao at ang pangalawa ay pagtawag sa isang babaeng walang asawa. Base sa sinabi ni Alejandro, tungkol ito sa pangungulila ko sa aking pamilya na siyang totoo. Mayamaya ay naramdaman kung pumasok kami sa isang silid.

"Mahirap talagang malayo sa pamilya lalo na't mahigit isang daang taon ang layo ninyo." Inihiga niya ako sa isang kama. "Huwag kang mag-alala, habang nandito ka sa panahon namin, hindi kita pababayaan. Lahat gagawin ko, maprotektahan ka lang. I will give everything you like just to make you happy." Binigyan niya ako ng isang magaang halik sa aking noo. "Hinding-hindi ako aalis sa tabi mo, Victoria." Umalis na siya sa aking tabi. "Magandang gabi sa iyo. Sana'y maging maganda ang panaginip mo."

Nang marinig ko ang pagbukas-sara ng pintuan, agad akong bumangon. Napasapo ako sa aking dibdib. Ang bilis talaga ng tibok nito. Napatingin ako sa pintuan. Labis akong nasiyahan sa sinabi ni Alejandro kahit na hindi ko naintindihan ang iba niyang sinabi. Nagawa pa rin ng mga salitang iyon na pagaanin ang aking loob.

Maaga akong nagising kinabukasan upang masiguro ko kung maayos lahat ng aking gamit. Dinala ko rin ang niregalo sa aking kuwintas ni Kuya Matias. Huminga ako ng malalim bago lumabas ng aking silid. Pagpasok ko sa komedor ay agad din akong tumalikod nang makita ko si Alejandro na kumakain ng almusal.

"Victoria, kumain ka na dito."

Humarap ako kay Alejandro at kiming ngumiti bago umupo. Agad akong pinagsilbihan ng criada. Habang kumakain ay hindi ko magawang lumingon kay Alejandro. Sadyang naiilang talaga ako sa kanya.

"Victoria, ayos lang ba talaga sa iyo na ngayon tayo aalis dito? Pwede ka namang magpaiwan dito."

"Ayos lamang sa akin na umalis tayo dito ngayon." Mahina kong sagot. Hindi ko kakayaning magpaiwan dito dahil lalo lamang akong malulungkot.

"Sigurado ka?" Marahan akong tumango bilang tugon. "Kung ganoon, mamayang alas diez tayo aalis."

Muli lamang akong tumango. Minadali kong kumain. May nais akong puntahan bago umalis dito. Nang matapos akong kumain ay agad akong tumayo. "M-May pupuntahan lang ako sandali." Hindi ko na hinintay ang tugon ni Alejandro at nagmadali na akong umalis. Medyo malayo sa bahay ang pupuntahan ko at lalakarin ko lang ito.

Medyo hinihingal ako nang marating ko ang nais kong puntahan. Nilukob ng kalungkutan ang aking puso nang makita ko ang isang patay na puno ng acacia. Ang puno na nasa hangganan ng Hacienda Saenz at Hacienda Irabon at naging dahilan kung bakit nakilala ko ang matalik kong kaibigan na si Luciana. Dito ko rin pinakilala si Kuya Matias kay Luciana. Dito rin ang nagsilbing tagpuan nila nang hindi pa pwede ang kanilang pag-iibigan sa aming mga magulang at sa mga magulang rin ni Luciana. Saksi ang puno ng Acacia sa pagmamahalan nila at saksi rin ito kung paano naghinagpis si Kuya Matias nang mawala ang babaeng labis na minamahal.

Hinaplos ko ang katawan ng patay na puno. Nakaukit pa rin doon ang pangalan ko, ni Kuya Matias at ni Luciana. Naalala ko noong kami ni Luciana ay trece años at si Kuya Matias naman ay dieciocho años, si Kuya mismo ang nag-ukit ng aming mga pangalan sa punong ito.

Napatingin ako sa lupain ng mga Irabon. May bakod na sa hangganan ng dalawang lupain. Naisip ko, sino na kaya ang nagmamay-ari ng lupain ng pamilya Irabon?

"Victoria!" Napalingon ako sa tumawag sa akin. Si Alejandro. "Nandito ka lang pala."

Bumaling ang tingin ko sa puno. "Anong nangyari dito? Bakit patay na halos lahat ng puno dito sa Hacienda Saenz?"

"Ah, ang sabi ng abuela ko halos nagsimatayan daw ang mga puno dito noong panahon na sinakop ng Hapon ang Pilipinas."

Biglang bumalik ang tingin ko kay Alejandro. "Ano? Nasakop tayo ng mga Hapon?"

"Oo. Maraming nangyari sa Pilipinas noong binenta ng España sa bansang America ang Pilipinas pero nagawa naman nating lumaya sa pananakop ng mga banyagang bansa. Hayaan mo, ituturo sa iyo 'yan ng mga personal mong guro."

Bumuntong hininga ako. Marami palang paghihirap ang naranasan ng inang bayan. Marami din pala akong kailangang malaman sa kung anong nangyari dito.

"Pagbubutihan ko ang pag-aaral ko. Salamat sa iyong tulong, Alejandro." Muli'y bumaling ang tingin ko sa puno. Huling sulyap bago ako umalis. "Sige, mauuna na ako." Naglakad na ako papalayo kay Alejandro.

"Victoria."

Huminto akong maglakad ngunit hindi ko na siya nililingon. Naramdaman ko ang paglapit niya sa akin. "Bakit, Alejandro?"

"Iniiwasan mo ba ako?"

"H-Hindi ah. Bakit naman kita iiwasan?"

"Kung hindi mo ako iniiwasan, humarap ka sa akin."

Ginawa ko ang nais niya ngunit hindi ako tumingin sa kanya. "Hayan, maaari na ba akong umalis?"

"Tumingin ka sa mata ko." Hindi ko na sinunod ang gusto ni Alejandro. "Kung hindi mo ako iniiwasan, bakit hindi ka tumitingin sa mga mata ko? Kaya mo ba ako iniiwasan dahil sa ginawa kong paghalik sa iyo kahapon?"

"H-Hindi ah."

"Victoria, tumingin ka sa akin." Hinawakan niya ang aking mukha at iniharap sa kanya.

"Maaari bang bitawan mo—" Naputol ang aking sasabihin nang walang sabi-sabi'y hinagkan niya ako sa labi. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa ginawa niya at heto na naman ang aking puso, eratiko ang pagtibok. Hindi ko mawari ang aking sarili kung bakit ko nagugustuhan ngayon ang ginagawang paghalik niya sa akin. Hindi ito ang tama.

Mayamaya ay lumayo na si Alejandro. "P-Paumanhin, Victoria. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko na halikan ka. Para akong mababaliw kapag hindi ko ginawa 'yon."

Hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko rin napansin na sinampal ko na siya ng napakalakas. Agad akong umiwas ng tingin. Mariin akong pumikit. Bakit ako mahihiya? Iyon naman ang dapat gawin kay Alejandro. Dumilat ako at taas noong humarap ako sa kanya na may maayos na tindig. "H-Hindi ako manghihingi ng paumanhin sa aking nagawa. Iyan ang dapat sa iyo dahil hindi mo dapat hinahagkan sa labi ang isang binibini hindi mo naman novia! Hindi mo ba alam na parang hindi mo ako nirespeto sa iyong ginawa?" Nagmadali akong iniwan siya. Para akong nakahinga. Marahil ngayon ay hindi na muli itong gagawin ni Alejandro sa akin.

Malalim akong bumuntong hininga. Bakit pakiramdam ko, nagsisisi ako sa ginawa ko kay Alejandro?


----


Palakad-lakad ako sa salas ng bahay ni Alejandro. Kanina ko pa siya hinihintay umuwi dahil sobra na akong nag-aalala sa kanya. Mahigit tatlong linggo na kaming hindi nag-uusap at ganito palagi ang aking gawi tuwing gabi. Hihintayin siyang dumating at sa oras na marinig ko ang pagdating ng sinasakyan niyang kotse ay tsaka naman ako tatakbo papasok sa silid ko ngunit iba ngayon. Masyado nang malalim ang gabi at hindi pa umuuwi si Alejandro. Labis na akong nag-aalala sa kanya.

Napatingin ako sa orasan na nasa dingding. Alas dos y media na ng madaling araw. Ano na bang nangyari kay Alejandro?

"Ma'am, hindi pa po ba kayo matutulog?"

Nginitian ko ang criada na lumapit sa akin. "Hindi pa. Hihintayin ko pa si Alejandro. Sige na, matulog na kayo, ako na ang bahala dito. Alam kong pagod kayo sa maghapong pagtatrabaho."

"Thank you po, Ma'am."

Tinanguhan ko lang ito bago ako iwanan. Muli'y tumingin ako sa orasan bago umupo sa sahig. Dito sa salas ko na ginagawa sa ang mga takdang aralin na binigay sa akin ng mga maestra. Pinagtutuunan ko ng pansin ang asignaturang English. Nakakatuwang marunong na akong magbasa ng wikang ito. Mabilis raw akong matuto, ayon sa Maestra ng asignaturang ito. Ang ayoko lamang ay ang Matematika. Sumasakit ang aking ulo sa mga numero at kung paano ito sagutan.

Mariin akong pumikit dahil hindi pumapasok sa aking isipan ang daloy ng kwento na kailangan kong basahin. Masyadong okupado ni Alejandro ang aking isipan. Hindi ko mapigilan ang aking sarili. Labis akong nag-aalala kay Alejandro at para akong masisiraan ng bait. Paano kung may mangyaring masama sa kanya? Hindi ko alam ang aking gagawin.

Agad kong kinuha ang aking rosario at nagsimula akong magdasal para sa kaligtasan ni Alejandro. Tila tinupad ng Poong Maykapal ang aking dasal dahil mayamaya ay narinig ko ang tunog ng kotse ni Alejandro kaya nagmadali akong lumabas ng bahay. "Alejandro!" Walang sabi-sabi'y niyakap ko siya ng mahigpit. "Akala ko'y may nangyaring masama sa iyo." Nagsimula nang manubig ang aking mga mata. Para akong nabunutan ng tinik sa aking lalamunan.

"Victoria."

"Bakit ngayon ka lang umuwi? Hindi mo ba alam kung anong oras na ngayon? Hindi mo ba naisip na delikado sa daan tuwing gabi? Labis akong nag-alala sa iyo." Mas humigpit ang pagkakayakap ko sa kanya.

"Marami kasi kaming trabaho kaya ngayon lang ako nakauwi." Marahan niya akong tinapik sa likod. "Tumahan ka na. Huwag ka nang umiyak." Pinunasan niya ang luha sa aking pisngi. "Nandito na ako, huwag ka nang mag-alala."

"Para akong masisiraan ng bait sa kakaisip kung anong nangyari sa iyo."

"Hindi ko naman kasi alam na hinihintay mo pala ako." Hinila niya ako papasok sa loob at sabay kaming umupo sa sopa. "Pasensya na, Victoria."

"Huwag mo na ulit gagawin iyon. Umuwi ka sa tamang oras upang hindi ako mag-alala ng ganito sa iyo."

"Hayaan mo, gagawin ko ang lahat para makauwi ng maaga." Napatingin si Alejandro sa mesita na puno ng mga gamit ko.

Namula bigla ang aking mukha dahil nakita niya ang aking mga kalat. Nakakahiya. Baka isipin niyang sobrang kalat kong tao. "Paumanhin sa mga kinalat ko." Nagmadali akong niligpit ang aking mga gamit.

"Victoria." Hinawakan niya ang aking kamay. Hinila niya ako papalapit sa kanya at mahigpit akong niyakap. "Hayaan mo munang mayakap ka. Ang tagal noong huling nag-usap tayo. Na-miss kita ng sobra."

Na-miss niya ako. Dama ko ang lalong pagpula ng aking mukha. Hindi ko inaakalang mangungulila siya sa akin. "Alejandro."

"Huwag ka nang magalit sa akin, Victoria. Hindi ko kayang umiiwas ka sa akin. Pakiramdam ko, unti-unti kang lumalayo sa akin."

Hindi ako nakaimik. Hindi ko alam ang aking sasabihin dahil labis akong nabigla sa kanyang mga sinasabi.

"Siguro para sa iyo napakabilis nito pero dapat sabihin ko na ito sa iyo." Lumayo siya sa akin at sinalubong ang aking tingin. "Sa tingin ko, mahal na kita. Hindi pala. Mali. Mahal na kita, Victoria."

Para akong nabingi sa sinabi ni Alejandro sabay rin ng pag-eratiko ng aking puso. "A-Ano?"

"Mahal na kita, Victoria, kaya ako nagkakaganito. Kaya kita nahalikan ng walang paalam at hindi ako mapakali sa tuwing hindi kita nakikita dahil mahal na kita."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top