Capitulo Once



Capitulo Once



"Tell about yourself, Victoria."

Napahinto ako sa pagsubo ng pagkain at uminom ng tubig. Nakakatuwang napakaraming inihandang pagkain ang mag-asawang Cervantes. Pawang mga paborito kong pagkain kaya napaparami ang kain ko ngayon. "Wala po akong maikukwento sa inyo, Senator—"

"Tito Inno na lang, hija."

Ngumiti ako. "Tito Inno. Katulad nga po ng aking sinabi kanina ay wala po akong makukwento sa inyo dahil hindi naman po interesante ang aking buhay."

"Lahat ng buhay ng tao ay interesanteng pakinggan. Huwag ka na mahiya, hija. Kahit kaunti lang na parte ng buhay mo ang maikwento mo ay ayos lang sa amin ng Tita Natalie mo."

Bigla akong tumingin kay Alejandro. Hindi ko alam ang aking sasabihin dahil hindi ko naman pwedeng ikwento ang buhay na mayroon ako sa aking panahon.

"Ninong Inno, ang masasabi ko sa inyo ay maganda naman ang buhay niya. She have a simple—"

"Hijo, hindi naman ikaw si Victoria. Bakit ikaw ang nagkukwento? I want to know what life she have."

"But—"

Hinawakan ko ang kamay ni Alejandro at binigyan siya ng isang ngiti. Pinapaalam ko na lamang na ako na ang bahala. "Senator—"

"Tito Inno na lang, hija."

"Tito Inno." Matipid akong ngumiti. "Tatlo po kaming magkakapatid at ako lamang ang babae sa amin."

"Ang iyong magulang?"

"Ano po..." Yumuko ako. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Sa panahong ito'y isa na lamang na alaala ang aking pamilya ngunit ayokong isipin na wala na sila.

"Ninong Inno, huwag mo nang itanong ang tungkol sa pamilya ni Victoria."

"Hijo, inuulit ko, hindi naman ikaw—"

"Darling, hayaan na natin si Victoria. Sa tingin ko, hindi pa siya handang ikwento ang tungkol sa pamilya niya." Nginitian ako ni Tita Natalia. "Mamaya ay ipapakita ko sa iyo, hija, ang mga collection ko ng books katulad ng ipinangako ko sa iyo noon."

Nanlaki ang aking mga mata. "Ako'y nasasabik na makita ang iyong mga koleksyong libro, Tita Natalia."

Isang matamis na ngiti ang ibinigay sa akin ni Tita Natalia. Ipinagpatuloy kong kumain. Tungkol sa politika ang pinag-uusapan nina Alejandro at Senator Cervantes—Tito Inno. Minsan ay sumasali sa usapan si Tita Natalia. Ako naman ay taimtim lamang na nakikinig sa kanila. Talagang naiiba ang panahong ito. May karapatan na sa lahat ng bagay ang mga kababaihan. Nalaman ko na may namuno na rin palang babae sa bansang ito. Nakakatuwa. Ayon kay Alejandro ay tatlong babae ang tatakbo ngayon sa posisyon bilang senador at malaki raw ang tsansang sila ay manalo dahil magaganda raw ang mga nagawa nila sa bansa.

"Saan kayo nagkakilala?"

Nagkatinginan kaming dalawa. "Sa Luneta po, Tita Natalie." Sagot ni Alejandro.

Nanlaki ang aking mata nang may bigla akong maalala. "Hindi ba't Bagumbayan ang Luneta? Bakit naging isang pasyalan ang lugar na iyon kung doon ginaganap ang paghatol sa isang  malaki ang kasalanan lalo na kung ito'y nahatulan na pilibustero o erehe?"

"Victoria, noon iyon. Binago na ang pangalan ng Bagumbayan. Makikita mo na doon ang monumento ni Doctor Jose Rizal."

"Si Señor Rizal?"

"Oo, siya nga. Doon siya namatay sa Bagumbayan."

"Bakit?"

"Dahil nahatulan siya ng kamatayan sa kadahilanang napagbintangan siya na nagpasimuno ng rebelyon laban sa mga Español kahit hindi naman."

Marahan akong tumango. "Nakakalungkot naman ang nangyari sa kanya. Isa siyang maginoong binata."

"Sigurado naman 'yan."

"Totoo iyon. May pagkakataong nakasalubong ko siya sa Intramuros—"

"Victoria..."

"Paumanhin kung hindi mo nais na pakinggan ang aking kwento." Umiwas na lamang ako ng tingin. Sa tingin ko'y nagsawa na si Alejandro sa mga kinukwento ko sa kanya tungkol sa kung anong naranasan ko sa panahon ko. Naiintindihan ko naman iyon dahil sa panahong ito ay napapansin kong karamihan sa henerasyong ito ay hindi gustong makinig tungkol sa panahong pinanggalingan ko ngunit nasasaktan lamang ako dahil mukhang ayaw na rin ni Alejandro na makinig sa akin.

Hinawakan ni Alejandro ang aking kamay at bumilis ang tibok ng aking puso nang maramdaman ko ang paglapit niya sa akin. Damang-dama ko ang kanyang hininga sa aking tenga. "Gusto kong makinig sa kwento mo. Hinding-hindi ako magsasawang makinig sa iyo pero hindi tayo pwedeng magkwentuhan tungkol d'yan dahil nasa harapan tayo nina Tita Natalia at Senator Cervantes."

Dahan-dahan akong tumingin sa mag-asawang Cervantes.

"Mamaya, ikwento mo sa akin ang tungkol sa pagkikita ninyo ni Rizal. Huwag lang ngayon dahil baka kung ano ang isipin nila sa iyo."

Nawala na ang lungkot na nararamdaman ko at napalitan ng ngiti ang kaninang nakasimangot kong labi. "Sige."

"Ganyan. Ngumiti ka lang." Marahan niyang pinisil ang tungkil ng aking ilong. "Mas lalo kang gumaganda."

Ramdam na ramdam ko ang pamumula ng aking pisngi. Umiwas ako ng tingin. "Hindi naman."

"Totoo 'yon."

"Nakakatuwa naman kayong panoorin. Nagsusuyuan, napakatamis na anytime lalanggamin na tayo dito. Love is in the air."

Hindi ko magawang lumingon kina Tita Natalia at Tito Inno. Ganoon ba talaga kami ni Alejandro. Mas lalo atang pumula ang aking pisngi.

Napakamot sa ulo si Alejandro. "Tita Natalia, hindi naman po kami ganoon."

"Tama po si Alejandro." Pagsasang-ayon ko.

"Nagdi-deny pa kayong dalawa eh ganoon naman ang nakikita namin." Nilingon ni Tita Natalia si Tito Inno. "Parang ganyan din tayo, Darling. Kapag nagtampo ako sa iyo, kaagad mo akong sinusuyo tapos mawawala kaagad ang tampo ko at magiging sweet na ulit tayo sa isa't isa."

"You're right." Masuyong hinalikan ni Tito Inno ang likod ng palad ng kanyang esposa.

Napangiti ako. Nakakatuwang makita ang mag-asawang tunay na nagmamahalan dahil ang aking magulang ay hindi katulad nila. Tanging si Papa lamang ang umiibig sa kanilang dalawa. Marahil isang dahilan kung bakit pinipilit nilang pakasalan ko si Señor Linares na hindi man iniisip ang aking nararamdaman.

Lumingon ako kay Alejandro na ngayon ay nakatingin sa mag-asawang Cervantes at nakaguhit ang ngiti sa labi.  Napasapo ako sa aking dibdib na kay bilis ng tibok ng puso.

Puso maghunos-dili ka!



----



"Welcome sa aming library, hija!"

Nanlaki ang aking mga mata nang pumasok kami sa loob ng silid-aklatan nina Tita Natalia at Tito Inno. Napakaraming libro na tiyak akong hindi ko mapipigilan ang sariling magbasa nang magbasa.

"Anong masasabi mo, hija?"

"Isa po itong kalangitan! Marahil ay  pa ako matulog sa oras na mag-umpisa po akong magbasa ng libro dito sa silid-aklatan ninyo. Napakaraming librong mababasa!" Katumbas ng dalawang silid-aklatan ng aming bahay ang silid-aklatan na ito.

"I'm glad to hear that. Pwede kang pumunta dito para magbasa ng libro kahit kailan mo gusto. You can even borrow a book. Hindi ko ipagdadamot sa iyo ang mga libro namin dahil para na kitang anak."

"Maraming salamat po, Tita Natalia."

"Sige na pumili ka na ng librong gusto mong basahin."

Lalong lumawak ang ngiti sa aking labi at lumapit ako sa pinakamalapit na istante ng libro. Puros nakasalin sa wikang Ingles ang mga libro at nobelang galing sa ibang bansa. Lumipat ako at ganoon rin ang laman nito. May kinuha akong isang librong Ingles. Twilight ang pamagat ng libro. Susubukan kong basahin ito.

"Magandang libro 'yan. I really love Edward Cullen and Bella Swan's love story."

"Love story." Isang nobelang tungkol sa pag-ibig. Maganda siguro ang kwento ng librong ito. Lumingon ako kay Tita Natalia. "Ito na lang po ang aking hihiramin."

"Gusto mo bang hiramin din ang anim pang libro niyan? Mahabang kwento ang Twilight."

"Saka po muna. Titingnan ko po kung magugustuhan ko ang kwento."

"Hindi mo pa ba napapanood ang movie version niyan?"

Marahan akong umiling. Kahit kailan ay hindi pa ako nakakapanood ng palabas sa sinehan. Bihira lang din akong manood ng telebisyon dahil mas pinipili ko na lamang ang magbasa ng libro o hindi kaya ay nag-aaral ako.

"Bakit? Mostly in your age, napanood na ang movie version niyan."

Tanging ngiti na lamang ang sinagot bago binuklat ang libro. "Nagkataon lang po na marami po akong ginagawa kaya hindi ko napapanood ang palabas na iyan."

"Don't worry, I'll buy CD copy of that movie for you."

"Naku! Hindi mo na po kailangang gawin iyan."

"Para naman sa iyo kaya okay lang iyon." Napatingin si Tita Natalia sa hawak niyang cellphone. Mukhang may tumatawag sa kanya. "Its my niece from US. Excuse me, sasagutin ko lang itong tawag. Find more books to read."

"Sige po." Sinundan ko ng tingin si Tita Natalia na paalis ng silid-aklatan. Pinagpatuloy kong maghanap ng librong maaaring mabasa. May nakita akong mga libro na pwedeng basahin ngunit saka ko na lamang hihiramin kapag tapos ko na basahin ang Twilight. Napagdesisyunan ko na lamang na lumabas ng silid-aklatan at puntahan sa salas sina Alejandro at Tito Inno. Bitbit ko na rin ang librong hiniram ko. Tiyak akong magiging abala ako nito buong maghapon. Hindi ko alam kung isasama ako ni Alejandro sa kanyang opisina, pero kung sakaling nandoon ako maghapon ay may magagawa ako. Kahit iwan niya ako ng ilang oras dahil kailangan niyang dumalo sa kamara, ay ayos na sa akin iyon. Minsan naman ay inaasikaso ako ng sekretarya ni Alejandro at nakikipagkwentuhan rin ito sa akin.

Pagdating ko sa salas ay si Tito Inno na lamang ang nandoon. Binigyan ko ang senador ng isang ngiti. "Nasaan po si Alejandro?"

"Pumunta sa garden, hija. May kausap sa cellphone. Uuwi na ba kayo?" Tinapik ni Tito Inno ang bakanteng espasyo sa tabi niya kaya kaagad akong umupo sa tabi niya.

"Hindi ko pa po alam kay Alejandro. Ngunit sa ganitong oras ng gabi'y baka po mayamaya ay magyaya na po siyang umuwi. Maaga po kasi akong natutulog sa gabi at hindi sanay na magpuyat."

"Well that's a good thing. Mainam na hindi nagpupuyat ang isang tao pero sa propesyon namin ni Alejandro, imposibleng mangyari iyan. May mga trabaho kasing kailangan naming tapusin kaagad."

"Iyan po ang dahilan kung bakit may pagkakataon na ako'y nagpupuyat. Hinihintay ko po siyang dumating bago ako matulog sa tuwing ginagabi siya ng uwi. Minsan pa nga po'y nagigising ako sa aking silid, iyon pala'y dinala na niya ako doon."

"Sa iisang bahay lang kayo nakatira?"

Agad akong tumango. "Tito Inno, ganoon rin po siguro si Tita Natalia sa iyo. Sana'y umuwi po kayo kaagad upang hindi siya sobrang mag-alala sa iyo. Alam mo naman po sa panahon ninyong ito, delikado. Napapanood ko po minsan sa telebisyon ang kabi-kabilaang krimen. Maski rin po ako ay mag-aalala para sa inyo."

Pagkagulat ang gumuhit sa mukha ni Tito Inno. "Bakit ka nakatira sa bahay ni Alejandro?"

Napayuko ako dahil sa katanungan ni Tito Inno. "Alam ko pong hindi angkop sa isang binibini na tumira sa tirahan ng isang binata ngunit tanging si Alejandro lamang ang kakilala ko rito at siya din ang tumulong sa akin noong dumating ako dito. Para akong isang dayuhan sa bayang pinaggalingan ko." Nahihiya na talaga ako ngayon. Kapag alam ko na talaga ang pamumuhay ng mga tao sa panahong ito ay kusang loob akong aalis sa bahay ni Alejandro.

"You can stay in our house. There's a room that you can use here. Gusto mo ba?"

"Nakakahiya naman po, Tito Inno."

"Victoria, matutuwa kaming dito ka tumira. Since my wife met you, she became more happier like she saw you as her daughter. Maski ako ay ganoon rin ang tingin ko sa iyo kahit na hindi tayo masyadong nagkikita."

"Masaya po akong malaman na ganoon ang tingin ninyo sa akin. Hayaan mo po't pag-iisipan ko po ang inyong alok na dito ako tumira."

"Hihintayin ko ang sagot mo, hija."

Ngumiti na lamang ako. Katahimikan ang naghari sa aming dalawa ni Tito Inno. Pareho lang namin siguro hinihintay na bumalik si Alejandro.

"Maybe he's in the garden, hija."

"Po?"

"Siguro ay nasa garden si Alejandro. Baka nagmuni-muni siya doon sa hammock kaya natagalang bumalik dito. Noong bata pa siya, kapag nandito siya ay gustong-gusto niya maglaro doon. Puntahan mo na siya."

"Pupuntahan ko na po siya doon. Maiwan ko na po kayo." Nagmadali akong iniwan si Tito Inno. Gusto ko nang makita si Alejandro dahil baka kung anong nangyari na sa kanya habang nagmumuni-muni sa hammock. Hindi ko naman alam kung anong klaseng laruang pambata ang hammock kaya hindi ko mapigilang mag-alala.

Pagkalabas ko ng bahay ng mag-asawang Cervantes, hinanap ko si Alejandro. Nakita ko naman siya kaagad. Nakahiga siya sa isang duyan. Ah! Duyan pala ang ibig sabihin ng hammock. Panibagong bokabularyo para sa akin. Naramdaman niya siguro ang aking presensya kaya napatingin siya sa gawi ko. Gumuhit ang ngiti sa labi niya kaya gumanti ako ng ngiti bago lumapit sa kanya.

"Tama nga si Tito Inno, mukhang nagmumuni-muni ka dito."

Hinila niya ako pahiga sa tabi niya. "Hindi naman. Pinagmamasdan ko lang ang kalawakan."

Napatingin ako sa kalangitan. Napakaraming bituin na lalong nagpapaganda sa buwan.

"Narinig ko kanina na ino-offer ni Ninong Inno sa iyo na dito ka sa kanila tumira. Anong desisyon mo?"

"Hindi ko pa alam ang isasagot ko." Umangat ang aking kamay na tila ba'y abot ko ang buwan. "Isang magandang bagay na tumira ako sa kanila dahil natutulungan ko sila na maibsan ang pangungulila nila sa kanilang anak. Pero masasaktan sila sa oras na bumalik ako sa aking panahon." Bigla akong natigilan. Dahan-dahan kong binaba ang aking kamay. "Pati rin ikaw ay masasaktan." Halos pabulong kong sabi. Bakit ako nasasaktan sa ideyang masasaktan si Alejandro sa oras na mawala na ako sa panahong ito?

"Hindi 'yan mangyayari. Nangako ka sa akin na hindi ka na babalik sa panahon mo."

Bumalik sa aking alaala na nagako ako kay Alejandro noong nalasing ako ng sobra.

"Kaya hindi ako masasaktan. Siguro mararamdaman ko lang 'yan sa oras na may mahalin kang iba. Ayos lang sa akin na hindi mo ako mahalin basta hayaan mo lang ako na mahalin ka."

"Alejandro..."

"Nakikita mo ang mga star iyan?" Tinuro niya ang mga bituin at gumuhit para malaman ko ang mga bituin na sinasabi niya.

"Oo, bakit?"

"Ang ganda, 'di ba? Isang constellation na ang pangalan ay Andromeda."

"Ang ganda nga."

"Maganda ang pwesto dito para mag-stargazing. Marami kang makikitang bituin sa kalangitan na para bang nasa probinsya ka lang."

Lumingon ako kay Alejandro. Patuloy pa rin siya sa pagtingin sa kalangitan. Napakasarap pagmasdan ang mukha ng napakakisig na binata sa aking tabi. Dahan-dahang lumapat ang aking kamay sa kanyang pisngi.



O kay sarap sa ilalim ng kalawakan
Kapag kapiling kang tumitig sa kawalan
Saksi ang buwan at bituin sa pagmamahalan

Nating dalawa
Nating dalawa



Lumingon siya sa akin. Hinawakan ang aking kamay at masuyong hinalikan ito. Isang napakatamis na ngiti ang sumilay sa kanyang labi. "Mahal na mahal kita, Victoria."

Bumilis ang tibok ng aking puso at parang nalulunod sa kagalakan. Ikinulong niya ako sa kanyang mga bisig at bumalik ang tingin sa kalangitan. "Alejandro..."

"Hayaan mo munang ganito tayo, Victoria. Hayaan mo na yakapin kita ngayon habang sabay tayong nakatingin sa kalawakan."



O kay sarap sa ilalim ng kalawakan
Kapag kapiling kang tumitig sa kawalan
Saksi ang buwan at bituin sa pagmamahalan
Nating dalawa
Nating dalawa
Halika na sa ilalim ng kalawakan
Samahan mo akong tumitig sa kawalan
Saksi ang buwan at bituin sa pagmamahalan...



Hindi na ako nagsalita at kusa na lamang akong yumakap sa kanya. Masarap palang makulong sa bisig ni Alejandro. Napangiti ako at tumingin na rin sa kalawakan.



Nating dalawa
Nating dalawa

https://youtu.be/0gB02Dtqo8I

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top