Capitulo Doce
Capitulo Doce
"Good morning!"
Lumingon ako sa gawi ng pinaggalingan ng boses na may ngiti sa aking labi. "Good morning, Alejandro." Ganting bati ko bago ipatong sa mesa ang niluto kong agahan. "Paumanhin kung hotdog at bacon lang ang naluto kong ulam para sa almusal. Tinaghali na kasi ako ng gising dahil napuyat ako sa binabasa ko kaya hindi na ako nakapaghanda ng breakfast para sa iyo."
Umupo sa kabisera ng mesa si Alejandro. "Tama ba ang naririnig ko ngayon?"
"Na ano?" Umupo ako sa kalapit na upuan.
"Na binati mo ako gamit ang English language."
Lalo akong napangiti. "Ah, iyon ba? Nais ko lamang sanayin ang aking sarili na magsalita ng lengwahe na iyon dahil karamihan ng mga tao sa panahong ito ay nagsasalita ng Ingles. Minsan ay pakiramdam ko'y parang may kung ano sa akin sa tuwing may kausap akong ibang tao at purong tagalog ang aking binibigkas."
"Magandang bagay na rin iyan. Don't worry, nag-aaral na rin ako ng Spanish language para sa iyo."
Kumunot ang noo ko. "Bakit naman para sa akin?"
"Ayoko kasing makita ka na nahihirapang pigilan ang sarili na magsalita ng Spanish dahil alam mong hindi ka maiintindihan ng mga tao. Marunong naman akong magsalita ng Spanish noon kaso hindi ko na maalala masyado dahil wala naman akong makakausap na gamit ang salitang iyon. Ngayon, magagamit ko na siya nang dahil sa iyo."
"Salamat, Alejandro." Nilagyan ko muna ng bacon ang pinggan ni Alejandro bago ako nagsimulang kumain. Nakakataba ng puso nang malaman kong pag-aaralan muli ni Alejandro ang wikang Español para lamang sa akin. Hindi ko tuloy mapigilan ang aking sarili na ngumiti habang kumakain.
"Uhm, Victoria."
"Hmn?"
"May gagawin ka ba buong maghapon?"
Huminto akong kumain at napaisip ako sa gagawin ko buong maghapon. "Wala akong klase ngayon. Marahil ay magluluto mamayang tanghalian at ipagpapatuloy ko lang ang binabasa kong libro. Ayaw naman ng mga criada mo na tulungan ko silang maglinis ng bahay kaya iyon lang ang maaari kong gawin buong maghapon. Bakit?"
"Gusto mo bang mamasyal ngayon?"
"Kung pagbibigyan ako ng pagkakataon, syempre oo. Halos apat na buwan na akong nandito sa panahon ninyo ngunit kakaunting lugar pa lang ang napupuntahan ko."
"Gusto mo bang mamasyal tayo?"
"Ngunit may pasok ka ngayon, hindi ba? Paano ang trabaho mo ngayon?"
Umayos ng upo si Alejandro at uminom ng tubig. "Pwede naman akong um-absent ngayon. Sa ilang taong nagtrabaho ako bilang senador, ngayon lang ako a-absent. Ano? Gusto mo bang mamasyal tayo ngayon?"
"Ngunit—"
"Pagkatapos mong kumain, maligo ka na kaagad. Okay?"
Napilitan akong tumango. Oo, nakakadama ako ngayon ng kasiyahan dahil mamamasyal kami ni Alejandro ngayon ngunit nag-aalangan rin ako dahil may trabaho siya ngayon. Isang trabaho sa gobyerno na mahirap talagang lumiban. Mamaya ay makakaabala pa ako sa kanya.
Nang matapos akong kumain ay kaagad akong pinaakyat ni Alejandro. Binilisan kong maligo at mag-ayos ng sarili. Simpleng puting bestida ang pinili kong suotin. Inilugay ko naman ang aking buhok at ang sinasabi nilang doll shoes ang pinili kong suotin. Nang masiguro kong ayos na ang aking itsura ay bumaba na ako. Napangiti ako nang makita ko si Alejandro sa salas. Medyo naninibago lamang ako sa ayos niya dahil parang simpleng tao lamang siya ngayon. Kausap rin niya ngayon si Don. Katulad ni Alejandro ay simple lanh rin ang ayos ni Don. Hindi ito mapagkakamalang tagabantay ni Alejandro. Para lang silang magkaibigan.
"Pwede namang hindi ninyo kami bantayan."
"Pero, Senator, delikado po."
Bumuntong hininga si Alejandro. "Ganito na lang, babantayan ninyo kami pero hindi kayo nakasunod sa amin para maiwasan ang usap-usapan at pagkailang ng mga tao. Nasa malayo kayo ng kaunti na parang naglilibot lang din kayo. Its kinda awkward having a—"
Tumikhim ako para malaman nilang nandito na ako. Nang lumingon sa akin si Alejandro ay kaagad ko siyang nginitian.
"Sige po, Senator. Ganoon na lang ang gagawin natin." Nagmadaling umalis si Don nang naglakad ako palapit sa kanila. Marahil ay may aasikasuhin ito bago kami umalis.
"Hello." Bati ko kay Alejandro. Bigla akong nakadama ng pagkailang nang pagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa. "Hindi ba maganda ang aking ayos?"
"You're very beautiful, Victoria."
Naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi. Hindi talaga ako nasanay sa mga pagpuri sa akin ni Alejandro. "Salamat."
Nginitian niya ako bago hinawakan ang kamay ko. Sabay kaming lumabas ng bahay at doon ay nakahintay na ang mga tagabantay ni Alejandro. Agad nila kami pinagbuksan ng pintuan ng kotse. Nauna akong pumasok sa loob bago si Alejandro. Muli'y hinawakan niya ang aking kamay.
"Hanggang sa entrance lang tayo ng subdivision, Don."
"Pero—"
"Sige na. Hayaan mong maranasan naman namin ang pag-commute ng mga ibang tao."
Hindi ko maintindihan si Alejandro sa nais niya pero batid kong may gusto siyang iparanas sa akin. Mga bagay na hindi ko mararanasan sa aking panahon.
"Kailangan mo itong suotin, Victoria." Ipinatong niya sa aking ulo ang isang itim na sumbrero. Sa pagkakaalam ko'y tinatawag nila itong bullcap. Nagsuot rin si Alejandro ng sumbrerong katulad ng sa akin.
Mayamaya ay huminto na ang sinasakyan naming kotse. Sa magkabilaang pintuan kami lumabas ni Alejandro. Nakita ko ang iba't ibang klaseng sasakyan sa daanan. Mga uri ng transportasyong wala sa panahon ko.
"Senator, sigurado ka po ba sa gusto ninyo?"
"Oo naman." Hinawakan ni Alejandro ang kamay ko at marahan akong hinila. Iniaangat niya ang kanyang kamay at may humintong jeep sa tapat namin. Kakaunti lang ang tao sa loob nito. "Sakay na tayo." Pinauna niya akong sumakay sa jeep bago siya. Sumakay rin si Don pati na ang apat pang tagabantay ni Alejandro. Nakaupo si Alejandro sa likod ng nagmamaneho ng jeep at katabi naman niya ako. Sa tabi ko'y isang ginang. Sa tabi naman ng driver umupo si Don.
Medyo naiilang lang ako dahil magkakadikit kami sa loob. Ganito ba talaga kapag sumakay ng jeep. Naramdaman ko ang kamay ni Alejandro sa balikat ko. Inaakbayan na pala niya ako. Nakatingin sa gawi namin ang ibang taong nakasakay sa loob ng jeep na talagang nagpailang sa akin.
Naglabas ng limangdaang piso si Alejandro mula sa kanyang bulsa. "Bayad po, Manong."
"Ilan?"
"Pito po, sa EDSA LRT station lang po."
Nang inabot ng driver ang perang pambayad ni Alejandro at binalik muli nito ang pera. "Wala po akong pangsukli d'yan."
"Sige na po. Keep the change."
"Pero po—"
"Ayos lang po iyon sa akin. Kahit kaunti lang ay makatulong ako sa inyo sa araw na ito."
"Naku! Thank you po." Masayang inabot ng driver ang pera. "God bless you po!"
Napangiti ako sa ginawa ni Alejandro. Pasimple talaga siyang tumutulong sa mga tao sa paligid niya.
"Mamaya, sasakay tayo sa LRT." Bulong niya sa akin.
Nakakunot noong nilingon ko si Alejandro. "Anong klaseng transportasyon ang LRT?"
"Mamaya malalaman mo."
"Saan ba tayo pupunta?"
"Sa lugar kung saan pinupuntahan mo noon."
"Alin sa mga iyon? Limitado lamang ang aking napuntahan noon dahil kay Mama."
"Malalaman mo mamaya."
"Bakit puros malalaman ko mamaya ang iyong sinasagot?" Naiinis kong tanong sa kanya. Hindi ko rin mawari kung bakit kailangan namin magbulungan samantalang ang ibang nakasakay dito sa jeep ay malakas ang boses sa pagkwekwentuhan. At bakit sobrang lapit ng mukha ni Alejandro sa akin?
Marahan siyang tumawa. "Isa itong sorpresa. Gusto kong malaman mo kung saan tayo pupunta kapag nandoon na tayo para naman mas lalo kang ma-excite."
Napapailing na lamang ako. Umayos ako ng upo. Magaan akong hinalikan ni Alejandro sa noo.
"Huwag ka nang mainis sa akin."
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa aking labi. Parang nawala na parang bula ang aking inis sa kanya. Pinagmasdan ko ang aming magkahawak na kamay. Tila ba'y napakaperpekto sa isa't isa.
"Alejandro..."
"Hmn?"
"Masyado ata tayong malapit sa isa't isa. Baka sa paningin ng ibang tao ay masyado tayong nagpapadala sa bugso ng ating damdamin kahit ang totoo ay hindi pa kita novio." Bulong ko sa kanya.
"Hindi pa ba tayo?"
"H-Hindi pa sa n-ngayon." Bakit ba nauutal ako ngayon?
Napasapo sa dibdib si Alejandro. "Argh! Ang puso ko."
Namula ang aking pisngi nang magsitinginan sa amin ang mga kasama namin sa loob ng jeep. Mahina kong hinampas sa balikat si Alejandro. Ako'y nahihiya sa kanyang pinaggagawa. "Tumigil ka nga d'yan."
"Se—Alejandro, nandito na po tayo."
Naunang bumaba ng jeep ang mga tagabantay ni Alejandro bago siya sumunod. Nang ako na ang bababa, agad na nakalahad ang kanyang kamay upang ako'y alalayang bumaba. Nakatingin pa rin sa amin ang ibang pasahero ng jeep kaya kinawayan ito ni Alejandro. Marahil upang magpaalam sa kanila kaya ginaya ko na lang din siya.
"Nandito na tayo sa LRT station. Pumila na tayo!"
"Pero, Sena—"
"Don, kailangan natin pumila." Hinawakan ni Alejandro ang aking kamay at hinila papunta sa mga nakapila. Nagsisunod naman sila Don sa amin. May mga gwardiya na nag-inspeksyon sa amin bago kami umakyat.
"Ako na po ang bibili ng card natin." Agad kaming iniwan ni Don.
Tahimik kong inoobserbahan ang aking paligid. Tila may isang matigas na papel ang ginagamit ng mga tao upang makadaan sila sa isang makina. Kakaiba talaga ang panahong ito. Sobrang kahanga-hanga.
"Alejandro, heto ang beep card ninyo." May inabot si Don kay Alejandro. Iyon ang matigas na papel na ginagamit ng mga tao kanina. Isa pala iyong tarheta!
Binagay ni Alejandro ang para sa akin. Lumapit kami sa kakaibang makita. Inangat niya ang tarhetang hawak niya. "Beep card ang tawag dito, ito ang gagamitin natin para makadaan tayo dito. Gayahin mo lang ako." Idinikit niya sa makina ang hawak na beep card at iniurong niya ang may katamtamang haba na metal.
Ginaya ko ang ginawa niya. Nakakatuwa dahil may bago na naman akong karanasan sa isang makabagong panahon. Napangiti ako. "Kahanga-hangang bagay nito."
Nginitian lang ako ni Alejandro at hinila niya ako papunta sa mga taong tila ba'y may hinihintay. Kakaibang paligid. May mga mahabang upuan, nakasabit na telebisyon at mga taong naghihintay na tila ba'y nagmamadali. Mayamaya ay may narinig akong tunog sabay ng pagdating ng isang pamilyar na sasakyan. Isang tren! Makabagong tren. Kahit kailan ay hindi pa ako nakakasakay sa ganitong uri ng transportasyon.
"Heto na tayo." Mahinang sabi ni Alejandro. Nanlaki ang aking mata nang bumukas ang pintuan ng tren. Walang taong nagbukas nito. Kakaiba! Bigla akong hinila ni Alejandro papasok sa loob. Nilibot ko ang aking paningin. Wala nang bakanteng upuan.
"Alejandro, wala tayong mauupuan."
"Ganoon talaga dito, Victoria. May pagkakataong hindi ka makakaupo."
"Wala bang ginoo na tatayo upang makaupo ang isang binibini."
Marahang umiling si Alejandro. "Bihira lang ang ganoon ngayon. Pantay-pantay kasi ang tingin ng mga tao ngayon."
Nakadama ako ng kalungkutan. Paano ang mga matatanda na kailangang umupo katulad ng nakikita ko ngayon? Tiyak akong mahihirapan sila. Muntikan na akong mawalan ng balanse nang biglang umandar ang tren. Mabuti na lang at nahawakan kaagad ako ni Alejandro.
"Kumapit ka sa akin."
Sinunod ko ang sinabi niya. Humawak ako sa kanyang braso. Huminto ang tren at may nagsipasukan na mga tao kaya naging masikip dito sa loob. Inakbayan ako ni Alejandro at pinalapit niya ako sa kanya. Nagmukha kaming magkayakap ngayon. Ako'y naiilang dahil may ibang lalaki sa aking likuran. Talaga bang ganito dito? "Alejandro."
"Bakit?"
"N-Nakakailang."
"Kaunting tiis lang, Victoria." Humigpit ang pagkayakap niya sa akin.
Nanlaki ang mata ko nang may humawak sa aking pigi at pinisil pa iyon. Nilingon ko ang gumawa sa akin nito. Isang lalaking may itsura at nginisian pa ako nito.
"Bastos!" Sigaw ko.
"Victoria."
"Hinawakan niya ako dito." Tinuro ko ang aking pigi. Binaling ko ang aking tingin sa humipo sa akin. "Napakabastos mo!"
"Miss, wala akong ginagawang masama sa iyo."
"Anong wala? Sa tingin mo ba'y natuwa ako sa iyong ginawa. Napakabastos mo." Nanggagalaiti ako. Hindi ko akalaing hanggang ngayon may ganitong ginoo! Walang galang.
"Miss, sinabi kong—"
"Hindi ako natuwa sa ginawa mo sa girlfriend ko, Mister."
"Eh wala naman talaga akong ginawa sa kanya. Nag-eeskandalo lang siya dito."
Hinawakan ako ni Alejandro sa kamay at inilayo ako sa lalaking ito. "Hindi naman siya magagalit sa iyo kung hindi mo siya hinawakan doon."
Pagak itong tumawa. "Gusto lang magpasikat ng girlfriend. Baka gusto niyang maging artista kaya ginawa niya ito. Idadamay pa ako para lang mag-viral siya sa internet."
Napamaang ako. "Aba't—"
"Bakit niya gagawin 'yan kung kilala na siya sa buong Pilipinas? Alam mo bang bawal 'yang ginawa mo sa kanya? Sexual harassment 'yang ginawa mo."
Hinawakan ko sa braso si Alejandro dahil tumataas na ang kanyang boses at talagang nakuha na namin ang atensyon ng mga kapwa pasahero namin. Parang gusto na rin niyang saktan itong lalaki ngunit nagpipigil lamang siya. Ayokong umabot pa doon ang usaping ito. "Alejandro..."
"O, nag-aartista na pala 'yang girlfriend mo. Sumagi lang siguro ang kamay ko sa pwet niya."
"S-Sumagi?" Pagak akong tumawa. "Kailan pa sumagi ang pagpisil sa aking pigi?"
"Alam mo, Miss, kung gusto mo ng mas maraming TV appearance—"
"Like what I've said, she didn't need that. She have too much TV appearance. Hindi mo lang siguro siya namumukhaan ngayon. Hindi ako pumapatol sa katulad mo pero sa oras na malaman kong may iba ka pang h-in-arass, sigurado akong makukulong ka. I'm watching you, Mister." Puno ng otoridad ang boses ni Alejandro.
"Bakit? Sino ka ba?"
"Si Senator Alejandro Navarroza 'yan." Sigaw ng isang pasahero.
"S-Senator Navarroza." Pinagmasdan nito ng mabuti si Alejandro.
"Pasensya na po sa gulong nagawa namin. Hindi po namin ito ginusto." Ngumiti si Alejandro na puno ng panghihingi ng unawa.
"Ayos lang po iyon."
"Ganyan rin po gagawin ko kung sakaling nabastos ang asawa ko."
"Senator! Pa-autograph naman."
Halos lahat ng tao ay gustong makausap at makamayan si Alejandro. Maski ako ay kinakamayan na rin nila. Mayamaya ay lumapit na sa amin sina Don dahil malapit na daw kaming bumaba. Ang lalaking nambastos sa akin ay si Don na ang kumausap.
"Gusto lang po naming mag-date na parang simpleng tao lang. Ganoon po talaga kaming dalawa." Nakangiting sagot ni Alejandro. Nag-offer pa nga ng upuan ang ibang pasahero pero tinanggihan namin iyon dahil nga malapit na ang estasyon na bababaan namin.
"Sobrang ganda mo, Ma'am."
Namula ako sa papuring natanggap ko mula sa isang grupo ng mga dalagitang mukhang papasok sa escuela. "H-Hindi naman masyado. Kayo ang tunay na magagandang dilag."
"Oh my gosh! Ang bait mo po." Impit silang tumili at yumakap sila sa akin.
Marahan akong tumawa at ginantihan ko sila ng yakap. Nakakatuwang mga dalagita.
"Ma'am Victoria, bababa na po tayo."
Tumango ako. Hinawakan ako ni Alejandro at may isinuot siya sa aking antiparang walang grado. Siya man ay may suot na antiparang kulay itim ang salamin. Nang bumukas ang pintuan ay kaagad niya akong hinila palabas ng tren at nakihalubilo kami sa mga taong papalabas. Pasimple niyang kinuha ang sumbrero ni Don at isinuot iyon. Ni hindi man lang napansin ng mga tao na nakakasalubong na nila ang isa sa mga senador ng bansang ito.
"Nandito raw si Senator Navarroza?"
"Nasaan na kaya siya?"
Hindi ko magawang lumingon sa dalawang binibining nasa likuran namin. "Alejandro, sa tingin ko kailangan na nating bumalik sa bahay mo. Hindi na maganda ang naidulot nitong paglabas natin." Halos pabulong kong sabi.
Ngumiti si Alejandro at hinawi ang aking buhok. "Itutuloy natin ito, Victoria. Huwag kang mag-alala, magiging maayos rin ang lahat." Magaan niya akong hinalikan sa noo. "Bihira ka lang makapaglibot kaya lubos-lubusin na natin."
"Alejandro..."
"Nandito tayo sa Luneta Park. Ipapakita ko sa iyo kung ano na ito ngayon." Kinuha niya sa akin ang beep card at idinikit iyon sa makina. "Dumaan ka na." Sinunod ko ang sinabi niya. Nang makadaan na siya ay muli niyang hinawakan ang kamay ko at bumaba na kami.
Lumayo sa amin sila Don kaya parang kami lang ni Alejandro ang magkasama. Napapatingin ako sa magkahawak naming mga kamay.
"Nandito na tayo sa Bagumbayan o mas kilala na ngayon sa pangalang Luneta Park. Dito banda ang Agrifina Circle..."
Nilibot ko ang aking paningin. Wala na ang malawak na lugar. Nagmistulang pasyalan na ang Bagumbayan. Napakagandang tingnan.
"Iyon ang Statue of Sentinel of Freedom or also known as Lapu-Lapu monument. Ang monumentong iyan ay regalo mula sa Korea dahil tinulungan ng bansa natin ang bansa nila noong magkaroon ng Korean War sa kanila. Nakita mo ang building na iyon? Iyon ang National Museum of Anthropology tapos ang katapat naman niya sa 'di kalayuan ang National Museum of Natural History..."
Taimtim akong nakikinig sa mga sinasabi ni Alejandro habang pinagmamasdan ko ang paligid. Hindi gaanong karami ang tao dito ngayon. Magkahawak kamay pa rin kaming dalawa habang naglalakad. Napakagandang lugar na ng Bagumbayan.
"May ice cream—este sorbetes. Gusto mo bang kumain nun?" Tinuro niya ang nagtitinda ng sinasabi niyang sorbetes.
Tumango ako dahil katakam-takam tingnan ang pagkaing iyon. Kaagad na bumili si Alejandro at binigay niya sa akin ang isa. Pinagmasdan ko ang sorbetes. Malamig siya.
"Tikman mo na bago matunaw." Inuumpisahan na niyang kainin ang sorbetes kaya nakigaya na ako. Halos mapangiwi ako sa sobrang lamig ng sorbetes. "Anong masasabi mo?"
"A-Ang lamig ngunit masarap." Tinikman ko ulit. "Keso ba ito?"
"Oo, keso iyang kulay dilaw tapos ang kulay kayumanggi ay tsokolate at ang kulay ube ay syempre ube flavor."
Sunod-sunod akong tumango. Kay sarap na pagkain nito! Muli kaming naglakad habang kumakain ng sorbetes. Halos manghinayang ako nang maubos ko ang sa akin. Si Alejandro naman ay kinukwento sa akin ang kung anong makikita dito sa Luneta.
"Pumunta tayo ng Japanese Garden. Sigurado akong magugustuhan mo doon." Hinila niya ako papasok sa loob ng sinasabi niyang Japanese Garden. Sinulat namin ang aming pangalan sa listahan ng mga pumasok doon.
Humanga ako sa aking nakita. Napakagandang hardin. Tila ba'y napakapayapa dito.
"Kukuhaan kita ng litrato dito." Lumayo ng kaunti sa akin si Alejandro. "Tingin ka sa akin, Victoria."
Tumingin ako sa mukha niya. Isang makisig na binata na may mabuting puso. Masaya akong siya ang kasama ko dito. Hindi ko tuloy mapigilang ngumiti.
"Beautiful."
Napapikit ako na tila ba'y galing ako sa isang hipnotismo. Lumapit sa akin si Alejandro at inakbayan niya ako. Pinagmasdan ko siya. Sobrang lapit ng mukha niya sa akin.
"Victoria..."
"Bakit—" Nanlaki ang aking mata nang bigla niya akong halikan sa labi. Mabilis lang iyon ngunit nagawang pabilisin ang tibok ng aking puso. Napasapo ako sa aking dibdib. Bago pa ako makapagsalita muli ay hinila na niya ako palabas ng Japanese Garden.
"Next stop, ang fountain. Maganda 'yan kapag gabi. Parang sumasayaw siya."
Napahawak ako sa aking mga labi. Dama ko pa rin ang pagdampi ng mga labi ni Alejandro sa aking labi. Para bang nais ko pang malasap ang kanyang halik. Mariin akong napailing. Ano bang pumapasok sa iyong isipan, Victoria?
"Ito naman ang monumento ni Dr. Rizal."
Pinagmasdan ko ang monumento ni Señor Rizal. "Mas makisig pa rin siya sa personal."
"Ano?"
"Si Señor Rizal ay mas makisig sa personal."
"Paano mo naman nasabi?"
Nilingon ko si Alejandro. "Nagkatagpo na ang aming landas noong ako'y napunta sa Intramuros. May dala akong mga libro noon upang makapagbasa sa bahay ng aking pinsan. Habang ako'y naglalakad ay may mga batang bumanga sa akin kaya nabitawan ko ang aking mga dalang libro. May lumapit sa aking ginoo at hindi ko akalaing si Señor Rizal pala ang kumuha ng aking mga libro. Nagkaroon ako ng munting paghanga sa kanya noon dahil sobrang kisig niya at malambing ang kanyang boses." Napangiti ako nang maalala ko ang tagpong iyon.
"Naiinis ako kay Dr. Jose Rizal."
"Bakit naman?" Nagtatakang tanong ko. Bakit mabilis na nagbago ang kanyang timpla?
"Nagsiselos ako."
Lalo akong naguluhan sa sinabi ni Alejandro. "Nagsiselos saan?"
"Naiinis ako dahil si Dr. Rizal ang unang nakakita sa iyo. Paano kung nagkagusto siya sa iyo? Eh 'di hindi kita nakasama ngayon. Nagsiselos ako dahil nagkaroon ka ng pagtingin sa kanya samantalang sa akin hindi ko malaman kung may espesyal kang nararamdaman para sa akin."
Napangiti ako. Ako'y labis na natutuwa sa aking mga naririnig at sa inaakto ngayon ni Alejandro. Hindi ko akalaing cute siya kapag nagsiselos.
"Stop smiling at me, Victoria. Baka sa susunod maikwento mo sa akin na nakilala mo ang magkapatid na Antonio at Juan Luna."
"Sa totoo lang ay nagkakilala na kami sa isang piging—"
"Sumakay na lang tayo ng kalesa para makapaglibot pa tayo." Naglakad siya papunta sa isang kalesa.
Hindi ko mapigilang tumawa. Nakabusangot siya at talagang nakakatuwang pagmasdan. Kaagad akong lumapit sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay. "Hindi ko akalaing seloso ka pala, Senator Navarroza." Hindi niya ako pinansin. Kinausap niya ang kutsero. Nang matapos ang usapan nila ay inalalayan niya akong sumakay ng kalesa. "Pansinin mo naman ako, Alejandro." Parang wala siyang naririnig mula sa akin. "Bakit mo pinagseselosan ang taong wala na sa panahong ito?" Medyo naiinis kong tanong.
"Dahil hindi ko mapigilang magselos!" Sagot niya sa mataas na boses. Bumuntong hininga siya bago humarap sa akin. "Hindi ko lang mapigilang magselos, Victoria. Naiinggit ako kay Dr. Rizal dahil kahit papaano ay nagkaroon ka ng munting pagtingin sa kanya. Alam mo 'yung pakiramdam na frustrated ka dahil hindi man lang nagkakaroon ng kahit katiting na pagtingin sa iyo ang minamahal mo? Ganoon ang nararamdaman ko."
Inirapan ko siya. "Bakit? May pagtingin naman ako sa iyo ah."
"A-Ano?"
"Ang sabi ko, may pagtingin naman ako sa iyo." Natigilan ako sa aking sinabi. Teka! Umamin ba ako ng aking nararamdaman ng wala sa oras?
"May pagtingin ka na sa akin?"
"W-Wala akong sinasabi ah." Umiwas ako ng tingin. Nakakahiya ka, Victoria!
"Kasasabi mo lang kanina na may pagtingin ka sa akin." Pigil--pigil ang kanyang pagngiti.
"Hindi ko iyon sinabi. Namali ka lang ng iyong dinig." Pakiramdam ko'y pulang-pula ang aking buong mukha. Bakit ba dumulas iyon sa aking bibig?
"Victoria—"
"Kay ganda dito. Saan pala tayo pupunta?" Pag-iiba ko ng paksa.
"Victoria, sabihin—"
"Natutuwa akong dinala mo ako dito, Alejandro."
"Makinig—"
"Sana'y bumalik tayo dito." Muling putol ko sa sinasabi niya.
"Sabi ko nga namali ako ng dinig kanina. Pupunta tayo ng Intramuros..." May sinabi pa si Alejandro ngunit hindi ko na naintidihan. Tinuon ko na lamang ang aking atensyon sa mga nakikita ko ngayon. Mainam nang ganito ang aking gawin. Baka kung ano pa ang aking masabi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top