Capitulo Diez



Capitulo Diez



Napasapo ako sa aking sentido nang biglang gumuhit ang sakit sa aking ulo. Labis atang naparami ang aking nainom na alak. Hindi ko alam kung bakit naparami ang aking inom kagabi ngunit hindi naman ako mahilig uminom ng alak sa amin noon. Mariin akong pumikit nang muling gumuhit ang sakit sa aking ulo. Sinusumpa ko na ang mga alak! Hindi ko na maalala kung ano na ang nangyari kagabi. Pinipilit kong alaalahanin ngunit lalo lamang sumasakit ang aking ulo. Bumuntong hininga muna ako bago tumayo upang makapaghilamos.

Mabilis akong nag-ayos ng aking sarili dahil nais kong, ako mismo ang magluto ng agahan para kay Alejandro. Ito na lamang ang nagiging sukli ko sa pagiging mabuti niyang tao sa akin. Nanlaki ang aking mata nang makita kong alas nueve na ng umaga. Naku! Nakakahiyang tinanghali ako ng gising!

Nagmadali akong bumaba at dumeretso kaagad ako ng kusina. Naroon ang mga criada na abala sa kanilang mga gawain. May mga bumati sa akin at ang iba naman ay marahang yumuko.

"Umalis na ba si Alejandro?" Iyon agad ang aking katanungan sa kanila.

"Hindi pa po, Ma'am. Mamayang hapon pa po ata siya papasok."

"Nag-umagahan na ba siya?"

"Opo, kasabay niya po sina Ma'am Cora."

Napasapo sa aking noo. Nakakahiya sapagkat ako ang dapat na nagluto ng umagahan nila. "Kung gayon, ako na lamang ang magluluto ng tanghalian. Sige, lumabas na kayo. Ako na ang bahala dito."

"Pero—"

"Sundin na lamang ninyo ang aking nais!" Mariin kong sabi kaya kaagad silang nag-alisan. Nagsimula naman akong kunin ang mga sangkap na aking lulutuin. Mabuti na lamang at nandito na ang aking mga kailangan sa pagluluto. Masasabi kong ang kusina ang isa sa mga paborito kong parte ng bahay na ito. Mabuti na lamang at hinahayaan ako ni Alejandro na pakialaman ko ang kanyang kusina.

Binuksan ko na ang stove at nilagay ko na ang kaldero nang may narinig akong isang pamilyar na boses na tila ba'y may pinapagalitan.

"Bakit ninyo hinayaang magluto siya ngayon? Nakitang lasing na lasing iyon kagabi kaya siguradong masama pa ang pakiramdam niya..."

Lumabas ako ng kusina dahil pinapagalitan ng mama ni Alejandro ang pobreng criada na wala namang kasalanan sa nais kong pagluto ng pananghaliang pagkain.

"You should—hija!" Lumapit sa akin si Señora Cora at magaan akong hinalikan sa pisngi.

"Magandang umaga po, Señora Cora." Nahihiya kong bati sa kanya. "Paumanhin po kung ako'y tinanghali ng gising. Nakakahiya po dahil hindi ko kayo naipagluto ng agahan."

"Naku! Huwag kang mag-alala, Victoria. Ayos lang iyon sa akin at isa pa, alam kong sobrang masakit ang ulo mo dahil sa nainom natin kagabi."

Matipid akong ngumiti. "Hayaan mo po't ako'y magluluto na para sa tanghalian—"

"No need, hija. Kailangan mong mag-ayos na ngayon. Remember, today is Alejandro's official filling of presidential candidacy in COMELEC, kaya dapat lang na ayusin mo na ang sarili mo."

"Ngunit—"

"Dapat ay nasa tabi ka ng anak ko. I like you for my son kay ikaw ang gusto kong maging first lady niya sa oras na maging presidente na siya ng Pilipinas."

Namula ang aking pisngi dahil sa sinabi ni Señora Cora. Labis kong ikinagulat ang kanyang sinabi lalo na't hindi pa kami magkasintahan ni Alejandro. Nakakatuwang nais niya ako para sa kanyang unico hijo.

"Kaya, sige na. Mag-ayos ka na ng iyong sarili. Dapat ikaw ang pinakamagandang possiblw future first lady ng bansang ito." Marahan akong tinulak ni Señora Cora palabas ng kusina.

"Pero kailangan ko pa pong tapusin ang aking niluluto—"

"No need to worry about that just go upstairs."

Wala na akong pagpipilian pa kundi sundin ang nais ng ginang. Hindi ko mawari kung bakit kailangan pang nasa tabi ako ni Alejandro sa oras na ianunsyo niya na opisyal siyang tatakbo sa posisyon ng presidente ng Pilipinas. Para sa akin ay hindi ako karapat-dapat sa tabi niya dahil alam ko sa aking sarili na hindi ako magtatagal dito sa panahong ito.



-----



Nilibot ko ang aking paningin nang lumabas ako sa kotse. Nasa harap kami ngayon ng gusali ng COMELEC. Ang sabi ni Alejandro sa akin habang kami'y nasa biyahe ay dito daw siya magpapasa ng application form para sa kandidatura ng pagkapresidente. Maraming taga-media sa labas ng COMELEC at kaagad kaming nilapitan nang makita nila kami.

Bumaling ang aking tingin sa kanya nang hawakan niya ang aking kamay at binigyan ako ng isang matamis na ngiti. Nakakahawang kanyang ngiti kaya ako'y napangiti na rin. Biglang bumilis ang pagtibok ng aking puso. Hindi mawari kung bakit ito nararamdaman. Napasapo ako sa aking dibdib.

Nawala ang ngiti sa labi ni Alejandro at napalitan ito ng pag-aalala. "Masama ba ang pakiramdam mo?"

Marahan akong umiling. "Hindi naman. Maayos naman ang aking pakiramdam. Sadyang nagulat lang ako sa mga reporter."

Bumalik ang ngiti sa kanyang labi at marahang pinisil ang aking kamay. "Mabuti naman."

"Senator Cervantes!"

Sabay kami ni Alejandro na sinundan ang tinuturo ng isang reporter. Tama, si Senator Cervantes nga at kasama niya si Tita Natalia. May ngiti sa labing lumapit sila sa akin ngunit dama ko ang tensyon sa dalawang senador.

"Hindi ko inaasahan na magkakasabay tayo dito, Senator Navarroza."

"Ako rin po, Senator Cervantes."

"Well I'm glad to see you here, my Godson." Bumaling ang tingin ni Senator Cervantes at alam kong tunay na ngiti ang ibinigay nito sa akin.

"Magandang araw po inyo, Senator Cervantes, Tita Natalia."

Nagkatinginan ang mag-asawa na tila ba nanghihingi ng senyales si Tita Natalia sa senador. Marahang tumango si Senator Cervantes kaya labis kong ikinagulat nang biglaan akong niyakap ng ginang. Naramdaman ko muli ang yakap ng isang ina na kay Tita Natalia ko mas naramdaman. Hindi ko napigilan ang aking sarili na gumanti ng yakap.

"Sana ikaw ang tunay kong anak." Humiwalay na ito sa akin at masuyong hinaplos ang aking pisngi.

Tipid na lamang akong ngumiti. Marahil ay nangungulila si Tita Natalia sa kanyang anak kaya niya iyon nasabi.

"Mauna na kami sa loob, Alejandro." Tinanguhan ako ni Senator Cervantes at ang magaang paghaplos sa aking pisngi. "Anak."

Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko na tinawag akong anak ni Senator Cervantes. Kumibit-balikat na lamang ako at sinundan na lamang sila ng tingin. Sadyang nangungulila ang mag-asawa sa kanilang anak at marahil nakikita nila ito sa akin.

"Pumasok na tayo sa loob, Victoria." Bulong sa akin ni Alejandro at tumango na lamang ako.

Magkahawak kamay kaming pumasok sa loob. Nakaguhit ang ngiti sa labi ni Alejandro at tanging tango lamang ang sinasagot niya sa mga katanungan ng mga reporter. Isang hinahangaang tao talaga si Alejandro. Ngayon ko lang nakita na maraming sumusuporta sa kanya sa kandidatura ng pagkapresidente. Masasabi kong napakataas na ang naabot ni Alejandro sa edad na veinte-otso. Isa sa pinakabatang presidente sa oras na manalo siya sa eleksyon.

Sa ngayon ay pinagmamasdan ko siya habang sinasagutan niya ang application for candidacy form. Katabi niya ang tumatakbo sa pagkabise presidente sa kanilang partido. Nginitian ko si Alejandro nang napatingin siya sa akin. Gumanti siya ng ngiti na labis na ikinabilis ng pagtibok ng aking puso.

Napalingon ako sa grupo ng mga kababaihang sumusuporta kay Alejandro na impit na tumitili at tila ba'y nabihag sila sa ngiti niya. Tunay nga'ng nakakaakit ang kanyang ngiti sa labi. Ngiti na magpapabilis ng tibok ng puso ng kahit sinong binibining titingin sa kanya. Na maski ikaw ay bumibilis rin ang pagtibok ng puso sa tuwing nakikita mo ang ngito sa labi niya. Mariin akong pumikit. Hindi ko ito dapat na maramdaman.

Nang matapos na sila ay nagkamayan si Alejandro at ang kanyang running mate na si Senator Davis. Napatingin ako sa gawi nila, Senator Cervantes. Hindi ko mawari kung bakit ko nararamdaman na labag ako sa nais nina Alejandro at Senator Cervantes na magkatunggali sila sa posisyon sa pagkapresidente.

Isang malalim na pagbuntong-hininga bago salubungin ng ngiti si Alejandro. "Nainip ka ba?" Iyon ang tanong kaagad niya sa akin bago ako gawaran ng magaang halik sa aking noo.

"Hindi naman. Masaya akong makita na maraming tao sumusuporta sa iyo."

"Pero mas masaya ako dahil nandito ka. Pakiramdam kong tama ang desisyon kong tumakbo sa pagkapresidente dahil nandito ka sa tabi ko ngayon."

Parang may mainit na kamay na humaplos sa aking puso dahil sa sinabi niya. "Alam kong magiging mabuti kang presidente. Ang nais ko lamang ay maging ligtas ka palagi at maging malusog."

"Gagawin ko iyon para hindi ka mag-alala."

"Sana'y gawin mo iyon kahit mawala ako sa tabi mo."

Nawala ang ngiti sa labi ni Alejandro. "Huwag mo nga'ng sabihin 'yan." Hinawakan niya ang aking kamay at hinila ako palabas ng opisina. Nakasunod sa amin ang mga sumusuporta sa kanila at si Senator Davis. Ang iba ay sumisigaw ng 'President Navarroza' na tunay na napakagandang pakinggan.

Nakasunod rin sa amin ang mga reporter na sunud-sunod ang mga katanungan sa kanya.

"Ang maisasagot ko po ay sa oras na ako ang presidente ng ating inang bayan, gagawin ko ang lahat upang maiayos ang ating bansa. Abangan na lamang ninyo ang mga hakbang aking gagawin sa susunod na kahit hindi ako ang manalo ay gagawin ko pa rin upang makatulong sa mga mamamayang Pilipino."

Napangiti ako sa kanyang sinabi. Tunay na matulunging tao si Alejandro at iyon ay napatunayan ko. Ayaw lamang niyang malaman ng mga tao na siya'y tumutulong dahil hindi naman pagpapasikat upang manalo sa darating na eleksyon ang kanyang hangarin kundi ang tumulong.

"Senator, kailan po ang kasal ninyo ni Miss Victoria?"

Nagkatinginan kami ni Alejandro. Nakakagulat ang ganitong tanong ng reporter na ito. Wala namang sinabi si Alejandro na ikakasal na kaming dalawa.

"Hindi pa ito ang tamang panahon para pag-isipan iyan. May mga nais pa kaming gawin bago pagplanuhan ang ganyang bagay, hindi ba, Mi Amor?"

Marahan akong tumango bilang pagtugon.

"Ibig bang sabihin nito ay wala ka pang magiging first lady?"

"Victoria will be my first lady. Wala nang iba pang papalit sa pwesto niya dito sa puso ko. Kahit anong mangyari, kahit mapalayo siya sa akin, kahit nasa kabilang dako siya ng mundo, siya lang ang magiging first lady ng buhay ko at wala nang iba pa. Ganoon ko siya kamahal."

Hindi ko mapigilan ang aking sarili na kiligin sa sinabi ni Alejandro. Masyado akong nalulunod sa kagalakan. Sinabi lang naman niya sa buong Pilipinas kung gaano niya ako kamahal! Hindi ko tuloy mapigilan ang aking sarili na mamula ang buong mukha ko.

"Nakakakilig naman kayo, Senator Navarroza. You're so lucky to have him, Miss Victoria."

"Ah—"

"No. I'm more lucky because I have her beside me."

"Alejandro..."

"Hindi ako mawawala sa iyong tabi, Victoria. Wala nang iba pang binibini, ikaw lang. Pangako iyon."

"Huwag kang umalis sa aking tabi... Hindi na ako babalik sa panahon ko basta huwag ka lang magpapakasal sa binibining iyon."

Nawala ang ngiti sa labi ko. Parang nais kong iumpog ang aking sarili nang biglang bumalik sa aking isipan an pinagsasabi ko kagabi. Hindi ko maalala ng buong ginawa ko kagabi ngunit ito ang masasabi ko. Kung anu-ano ata ang pinagsasabi ko kagabi.

"Victoria?"

Pilit akong ngumiti. "Maraming salamat, Alejandro."



-----



"Senator, iniimbitahan ka po ni Mrs. Cervantes for dinner. Kasama rin daw po si Victoria."

Nilingon ko si Alejandro at nagkataong nagkasalubong ang aming tingin. "Victoria, gusto mo bang mag-dinner kasama sina Tita Natalia at Senator Cervantes?"

Maghapunan kasama ang mag-asawang Cervantes? Mahigit isang linggo na rin noong huli ko silang nakita. Ngayon lang din ako sumama kay Alejandro dito sa opisina at ayon sa kanyang sekretarya ay nasa ibang palapag raw ang opisina ni Senator Cervantes. Sabik rin akong makita sila dahil parang may magulang ako dito sa panahong ito sa tuwing nakikita ko sila. Marahan akong tumango. "Magandang ideya na makasabay natin sila maghapunan. Ang sabi sa akin ni Tita Natalia ay ipapakita niya sa akin ang mga koleksyon niyang libro."

Napangiti si Alejandro. "Kung 'yan  gusto mo. Secretary Locsin, pakisabi kay Senator Cervantes na pupunta kami ni Victoria mamaya."

"Pero—"

"Pakisabi na ngayon bago siya makaalis ng opisina niya."

"Okay po, Senator."

Nasasabik akong makitang muli si Tita Natalia. Inilagay ko na sa sling bag ang dala kong libro dahil nag-aayos na rin ng gamit. Tumingin ako sa orasang nasa pader. Alas cinco na pala. Tapos na ang oras ng trabaho. Natapos ang buong maghapon na hindi ko man lang naintindihan ang binabasa kong libro. Pinipilit kong alaalahanin kung ano ang pinagsasabi at pinaggagawa ko noong ako'y nalasing. Bumuntong hininga na lamang ako.

"Victoria."

Umangat ang aking tingin. Nasa harapan ko na pala si Alejandro. "Bakit?"

"Kanina pa kita tinatawag pero parang hindi mo ako naririnig. May problema ka ba, Victoria?" Umupo siya sa tabi ko.

"Wala naman. Iniisip ko lang kung anong susunod na mangyayari sa binabasa ko."

Marahan siyang tumawa at hinawi ang buhok ko. "Mahilig ka talagang magbasa ng libro."

"Dahil iyon ang libangan ko bukod sa pagpapyano. Sa amin kasi para akong prinsesa sa mga palabas sa telebisyon na pilit pinapaaral sa akin ang tamang pagkilos ng isang binibini. Bawal ang maling kilos. Dapat pino ang galaw. Ang pagtugtog ng pyano at pagbabasa ng libro lamang ang tanging nagustuhan ko sa lahat ng tinuro sa akin. Gusto ko rin naman ang magburda." Huminga ako ng malalim. "Mas luminang ang aking talento sa pagtugtog ng pyano nang ako'y mag-aral sa La Concordia. Kaklase ko ang matalik kong kaibigan na si Luciana. Ang novia ng aking Kuya Matias. Minsan ay nagpapaligsahan kaming dalawa sa pagtugtog ng pyano ngunit sa huli ay walang nananalo." Tinakpan ko ang aking bibig at marahang tumawa. "Kung makikita mo lang kaming dalawa na nagpapaligsahan sa pagtugtog ng pyano, tiyak akong maiisip mo na may kaunting sira ang aming isipan. Hay! Sa tuwing naaalala ko ang mga alaalang mayroon ako sa La Concordia, hindi ko mapigilang matawa at mapangiti. Labis nga akong nagulat na hanggang ngayon ay nandyan pa rin ang escuela na iyon. Napahaba ata ang pagkwento ko."

"Wala iyon. Ayos lang sa akin na marinig ang tungkol sa naging buhay mo doon dahil naging parte iyon ng buhay mo." Hinawakan niya ang aking kamay. "Basta ikaw ang magkukuwento, buong puso akong makikinig sa iyo. Kahit pa may trabaho ako, titigil ako para sa iyo."

Nakakataba talaga ng puso si Alejandro. Pakiramdam ko'y unti-unti na akong iibig sa kanya.

At hindi ko alam kung tama bang maramdaman ko iyon para sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top