Capitulo Cinco



Capitulo Cinco:



Isang bagay lang ang masasabi ko nang tumuntong ang sinasakyan namin sa lupain ng San Pablo. Ibang-iba na ito sa dating San Pablo'ng alam ko. Kakaunti na lamang ang mga puno sa pinakabayan, iba na rin ang mga kabahayan, hindi na kalesa ang pangunahing transportasyon at iba pa. Napakamoderno na ng lugar na ito. Tila ako'y nalungkot dahil sa pagbabago ng San Pablo. Mabuti na lamang at umaga kami umalis ng Maynila ni Alejandro. Nakikita ko kung ano talagang nangyari sa bayan.

"Sa Hacienda Saenz ka nakatira, 'di ba?"

Nilingon ko si Alejandro. "Oo. Anak ako ni—"

"Victorino Saenz at Consolacion Saenz. May dalawa kang kapatid na lalaki. Si Matias Saenz at Manuel Saenz."

Nanlaki ang aking mata. "Paano mo nalaman?"

"Bienvenido a Hacienda Saenz."

Napatingin ako sa labas ng bintana at nakita ko ang sobrang lumang arko ng aming hacienda. Tila napabayaan ang hacienda at wala na ang naggagandahang puno. Karamihan ay patay na punong kahoy. Parang naging abandonadong lugar na ito.

"K-Kakilala mo ba ang nagmamay-ari ng aming hacienda ngayon?"

"Ang Abuela Caridad ko."

"I-Isa kang Saenz?" Hindi ko aakalaing apo ko pala ang binatang kasama ko. Kaninong apo kaya siya? Kay Kuya Matias o kay Manuel.

"Hindi. Adoptive—este ampon ni Manuel Saenz ang lolo ng Abuela Caridad ko." Huminto ang sinasakyan namin at naunang lumabas si Alejandro. Inalalayan naman niya akong lumabas ng kotse.

Pumikit ako upang damhin ang simoy ng hangin. Pinapakiramdam ko ang aking paligid na para bang nasa paligid ko lamang ang mga taong kasa-kasama ko noon.

"Victoria!"

Dumilat ako nang hawakan ni Alejandro ang aking siko. Kitang-kita ko ang takot sa kanyang mukha. "Bakit?"

"W-Wala! Pumasok na tayo sa loob." Ngumiti si Alejandro bago buksan ang pintuan. Nakaalalay rin siya nang kami ay pumanik ng hagdanan. Napangiti ako dahil kung anong ayos ng salas ay ganoon pa rin hanggang ngayon. May nabago nga lang ng kaunti. Nadagdagan lamang ng mga modernong bagay.

Naglakad ako papalapit sa pyanong palagi kong ginagamit noon. Hinaplos ko iyon.

"Tumutugtog ka ng piano?"

Nilingon ko si Alejandro. "Oo, palagi akong tumutugtog ng pyano sa amin noon." Binaling ko ang aking tingin sa pyano. "Ito ang palagi kong ginagamit noon. Nakakatuwa lang dahil nandito pa rin ang aking pyano."

"Talagang iningatan ng mga tumira dito ang mga gamit dito sa loob ng bahay. Ang huling habilin daw kasi ni Manuel Saenz ay panatilihing ganoon pa rin ang ayos ng bahay, sa labas man o sa loob at ang ingatan ang mga kagamitan. Umaasa kasi siyang babalik ang kanyang ate. Hindi lang masyadong malinis dito dahil wala nang nakatira pero may pinapapunta ako dito para maglinis kaso isa o dalawang beses sa isang buwan lang kung maglinis..."

May kirot na gumuhit sa aking puso. Tiyak akong nangulila ang aking mga kapatid sa aking pagkawala lalo na si Manuel. "Nais kong pumunta sa aking silid." Halos basag na ang aking boses. Nauna akong naglakad papunta sa aking silid ngunit pagdating ko ay may kandado ang pintuan.

"Sandali lang. Kukunin ko ang susi sa kwarto ng abuela ko." Iniwan ako ni Alejandro.

Hinaplos ko ang pintuan ng aking silid. May mga disenyong bulaklak na nakaukit sa pintuan. Pinaukit iyon ni Papa noong bago ako isilang ni Mama. Sigurado daw kasi siyang isang babae ang magiging pangalawa nilang supling.

"Heto." Si Alejandro na mismo ang nagbukas ng pintuan.

Agad akong pumasok sa loob at nilibot ko ang aking paningin. Ito pa rin ang aking silid. Kung anong ayos nito noong iniwan ko, ganoon pa rin ngayon puno lamang ito ng dumi at alikabok na para bang wala nang pumasok sa loob simula nang mawala ako. Lumapit ako sa aking mga gamit. Nakita ko pa ang aking talaarawan. Nang binuklat ko ito, halos masira na ang kwaderno. Sobrang naninilaw at halos hindi na mabasa ang aking mga sulat. Binuksan ang aking aparador at napaubo ako dahil sumalubong sa akin ang mga kasuotan ko. Nagmadali akong lumapit sa mesita at binuksan ang maliit na baul kung saan nakalagay ang aking mga alhajas. Kinuha ko ang pulseras na huling naging regalo sa akin ni Kuya Matias at ang hikaw na galing naman kay Manuel. "Kuya, Manuel." Napahagulgol ako. Naramdaman ko ang marahang pagtapik ni Alejandro sa aking likuran.

"Hindi pinapabukas ng abuela ko ang kwarto mo. Ang sabi kasi sa kanya, dito raw nagpakamatay ang isang dalaga at nakakulong na ang kaluluwa nito dito na hindi matahimik."

"Hindi iyon totoo dahil ganito pa rin ang ayos ng aking silid nung ito'y aking iwan." Nilingon ko si Alejandro at pinakita ko sa kanya ang huling mga regalo sa akin ng mga kapatid ko. "Walang gumalaw sa aking silid. Hindi ginalaw nila Mama't Papa. Nandito pa rin ang aking mga gamit."

"Victoria—"

"May alam ka ba kung anong nangyari sa aking pamilya?"

"W-Wala."

"Ang mga criada ninyo. Baka may alam sila—"

"Wala rin, Victoria."

Hindi na ako nakaimik pa. Hindi ko alam ang aking gagawin. Ako'y labis na nag-aalala sa kung anong nangyari sa aking pamilya. Labis rin ang aking pangungulila sa kanila. Umaagos na parang ilog ang luha sa aking pisngi.

"Victoria." Marahan akong hinila ni Alejandro at ako'y kinulong sa kanyang bisig.

"Hindi ko alam ang aking gagawin, Alejandro. Ako'y nag-iisa lamang sa panahong ito at hindi ko alam kung paano ako babalik sa aking panahon." Napahawak ako sa aking dibdib dahil bigla akong nahirapang huminga.

"Victoria!"

"H-Hindi ako maka—" Bigla akong binuhat ni Alejandro at inilabas ako sa aking silid.

"Hinihika ka!" Iniupo niya ako sa sopa at nagdaling iniwan ako.

Pinipilit kong makasagap ng hangin upang makahinga.

"Here." Umupo sa tabi ko si Alejandro at pinatong niya sa mesita ang dala-dala niyang kahon. May kinuha siyang hindi ko mawaring maliit na aparato. "Open your mouth."

Hindi ko maintindihan ang kanyang sinambit. Unti-unti akong pumikit dahil para ba akong papanawan ng ulirat.

"Shit! I said—buksan mo ang bibig mo." Sinunod ko ang kanyang sinabi at ipinasok niya sa aking bibig ang hawak niya. May naramdaman akong parang usok o likidong usok sa loob ng aking bibig. Mayamaya ay bumabalik na ang aking paghinga. Sabay ng aking pagdilat ang pag-alis ni Alejandro ng bagay na ipinasok niya sa aking bibig. Puno ng pag-aalala ang kanyang mukha. "Ayos na ba ang pakiramdam mo?"

Dahan-dahan akong tumango. Isang utang na loob ang pagsagip niya sa aking buhay.

Hinila niya ako at niyakap ng mahigpit. "Sobra mo akong pinag-alala."

"Alejandro."

"Hindi ka makakapasok sa loob ng kwarto mo hangga't hindi pa 'yon nalilinis. You made me worried so much to you."

Hindi ko man maintindihan ang huling sinabi ni Alejandro, nagawa ng mga salitang iyon na pagaanin ang aking pakiramdam.


----


"Victoria."

Lumingon ako kay Alejandro. Nakasandal siya sa kwadro ng pintuan. Bumalik ako sa pagtingin sa labas ng bintana. Nalinis na ang aking silid. Nagkaroon na ng makabagong kagamitan sa loob na ginagamitan ng elektrisidad. Pinagmamasdan ko ang mga natirang buhay na puno na dati ay sobrang dami at sobrang lago.

"Victoria, hindi ka ba lalabas ng silid mo?"

Umiling ako. Ayokong lumabas sa aking silid. Pakiramdam ko'y bumabalik ako sa aking panahon kahit hindi naman.

Narinig ko ang pagbuntong hininga niya. "Victoria." Hinawakan niya ako sa aking balikat. "Kailangan mo magpatuloy sa iyong buhay. Huwag mong hahayaang makulong ka dito. Huwag mong isipin na nag-iisa ka sa mundong ito. Nandito ako. Tutulungan kita at hindi kita iiwanan. Magiging gabay mo ako."

"Alejandro."

Hinawakan niya ang aking kamay. "Huwag kang matakot. Hindi kita papabayaan. Tulungan mo rin ang sarili mo na makasabay sa buhay na mayroon dito."

Umiwas ako ng tingin. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Masyado akong nalulumbay ngayon.

Muling bumuntong hininga si Alejandro. "Hihintayin kitang lumabas. Basta tandaan mo, nandito lang ako." Hinaplos niya ang aking mukha bago ako iniwan.

Napatingin ako sa labas. Napakaganda ng mga bituin. Pinag-iisipan ko ang sinabi ni Alejandro. Kailangan kong ipagpatuloy ang aking buhay. Nasa ibang panahon ako at dapat na makibagay ako sa kung anong mayroon dito. Halos buong gabi ay si Alejandro at ang kanyang mga sinabi ang laman ng aking isipan.

Pagkagising ko sa umaga ay nagmadali akong lumabas sa aking silid. Mukhang tulog pa si Alejandro at ang iba niya tagabantay. Dumeretso kaagad ako sa kusina at napangiti ako dahil may mga palayok at pugon pangluto. Agad kong kinuha ang palayok at nilinis ito. Nang matapos ako sa paglinis ng palayok, kinalkal ko naman ang laman ng ref. Nakakatuwang kahong gawa sa metal dahil sobrang lamig ng loob nito at nagagawang yelo ang isang tubig kapag ito'y inilagay sa bandang itaas na kaha ng ref. May pagkakataon noong nasa tahanan ako ni Alejandro sa Maynila ay tinitingnan ko kung paano magwala ang liwanag ng ref sa tuwing sinasara ito.

Kinuha ko ang karne ng manok at mga gulay na maaaring ilagay sa tinola. Hinanda ko na ang mga sangkap. Naglagay naman ng mga kahoy sa pugon at sinindihan ito. Inilagay ko na ang palayok at nagsimula nang maggisa ng bawang, sibuyas at luya. Napapikit ako sa bango nito. Umaawit ako habang nagluluto. Nakakagaan ng pakiramdam dahil ang tagal rin noong huling nagluto ako ng pagkain. Hinanda ko rin ang isang pugon at nilagay ang palayok na may lamang bigas.

"Ang bango naman ng niluluto mo, Manang Carla."

Napalingon ako sa gawi ng pintuan at nanlaki ang aking mata dahil kay Alejandro. Wala siyang suot na pangtaas na damit! Agad kong binalik ang aking tingin sa niluluto ko. Lumunok ako ng laway. "M-Magandang umaga, Alejandro."

"Victoria! Ikaw pala ang nagluluto. Magandang umaga rin." Lumapit ito sa akin. "Ang bango naman ng niluluto mo."

Umiwas ako kay Alejandro at kinuha sa mesa ang iba pang natitirang sangkap para sa tinola. Labis akong naiilang dahil sa ayos ng binatang kasama ko ngayon. Nilagay ko sa palayok ang mga sangkap at inihalo iyon. "Malapit na itong maluto."

"Wow! Lalo akong nagutom."

"Kaunting tiis na lang at makakakain ka na ng agahan." Lumayo ako sa kanya.

"Iniiwasan mo ba ako, Victoria?" Sunud-sunod ang pag-iling ko. "Bakit ka lumalayo sa akin at hindi ka man lang tumiti,,ngin sa akin."

Umiwas muli ako ng tingin. "Sa tingin ko'y ayusin mo muna ang iyong kasuotan bago mag-agahan."

"Oh! I'm sorry." Nagmadali itong umalis at para akong nakahinga ng maayos. Sadyang nakakailang talaga makasama ang isang binatang hubad baro. Hindi ba naisip ni Alejandro na may kasama siya binibini dito sa bahay?

Nang matapos na akong maguto, inayos ko kaagad ang mesa. Nakaayos ang bawat kubyertos sa kung saan ito dapat nakalagay. Ayon kay Mama, dapat maayos ang kubyertos sa harap ng hapag kainan upang ganahan lalong kumain ang mga kakain. Nagsasalin na ako ng tubig sa baso nang bumalik si Alejandro. Maayos na ang kanyang suot at mukhang bagong ligo pa siya. Sobrang bango niya. Pinigilan kong pumikit. Nginitian ko siya. "Eksakto ang iyong pagbalik, umupo ka na at nang makapag-agahan ka na." Agad namang sinunod ni Alejandro ang sinabi ko. Umupo siya sa kabisera ng mesa. Nilagyan ko ng kanin ang kanyang pinggan at inabot ko sa kanya ang mangkok na may lamang tinola. "Nasaan ang mga tagabantay mo? Sumabay na sila sa atin."

"No!"

"Bakit?"

"Ano kasi... Kasi ano—kasi gusto kong tayong dalawa lang ang sabay kumain dito." Napakamot siya sa ulo. "Sana, hindi mo mamasamain."

Muli akong ngumiti sa kanya at umupo sa tabi niya. Maayos akong umupo at kumuha ng pagkain. Napalingon ako kay Alejandro. Bigla kong pinalo ang kanyang kamay dahil nakasalumbaba siya na kanyang kinagulat.

"Bakit ka namamalo?"

"Hindi mo ba alam na kabastusan sa harap ng pagkain ang iyong ginagawa? Parang tinataboy mo ang gracia. Hala, umayos ka ng upo."

Pagkamangha ang nakaguhit sa mukha niya at katulad ng sinabi ko, umayos siya ng upo. Nang kinuha niya ang kanyang selpon, agad ko iyon kinuha.

"Bawal gumamit nito sa harap ng hapag kainan." Medyo nailang ako dahil hindi na nakakilos si Alejandro at nakatingin lang siya sa akin. Pakiramdam ko'y hindi niya nagustuhan ang akin mga sinasabi. "P-Paumanhin sa akin inakto." Napayuko na lamang ako.

"Kakaiba ka talaga." At nagpatuloy na siyang kumain. "Thank you for making my morning good."

Nais kong tanungin si Alejandro kung anong sinabi niya ngunit nadala ako ng hiya kaya nagpatuloy na lang akong kumain. Magbabasa ako ng mga librong may wikang Ingles at nang maintindihan ko siya kahit papaano.


----


Dahan-dahan akong lumapit sa pyano at umupo sa harapan nito. Halata na ang pagkaluma ng pyano pero kitang-kita na talagang inalagaan ito ng mabuti. Tumipa ako sa pyano hanggang sa patuloy-tuloy na ang pagtipa ko. Para bang bumalik ako sa sarili kong panahon kung saan palagi kong pinapatugtog ng pyano.

"Fur Elise."

Huminto ako sa pagtipa ng pyano. "Alejandro." Lumingon ako sa kanya.

"Fur Elise ang tinutugtog mo." Tumabi siya sa akin at nag-umpisang tumipa sa pyano. "Sabayan mo ako."

Napangiti ako at sumabay ako sa pagpapyano. Nakakatuwang ang isang katulad ni Alejandro ay magaling sa pagtipa ng pyano. Hindi mawala ang ngiti sa aking labi. Huminto ako dahil hindi na sumasabay sa akin si Alejandro at nakatingin lang siya sa akin. "Alam mo bang nakakailang ang pagtitig mo sa akin?"

Bigla siyang umiling na tila ba nagising sa isang panaginip. "Paumanhin." Humarap siya sa pyano at muling tumipa. Hindi pamilyar sa akin ang tinutugtog niya. Marahil ay musika galing sa panahong ito.

"Ang sarap pakinggan ng musikang iyan. Anong pangalan ng iyong tinutugtog?"

"Mundo."

"Mundo?"

"Oo. Isang kanta 'yon na tungkol sa pag-ibig."

Marahan akong tumango. "Maaari mo bang awitin iyon sa akin?"

Napakamot ng ulo si Alejandro at siya ay nakangiwi. "Hindi ako magaling kumanta."

"Sige na, awitin mo na para sa akin. Wala sa akin kung ika'y may sariling tono o wala."

Bumuntong hininga na lang siya. Mukhang pagbibigyan niya ako. Nagsimula siyang tumipa sa pyano. "San darating ang mga salita? Na nanggagaling sa aming dalawa, Kung lumisan ka, Wag naman sana, Ika'y kumapit na nang hindi makawala. Aking sinta, ikaw na ang tahanan at mundo. Sa pagbalik, Mananatili na sa piling mo." Humarap siya sa akin at sinalubong ang aking tingin. "Mundo'y magiging ikaw."

Tila ba'y hinihipnotismo ako ng kanyang tingin at sa isang saglit pa'y lumapat ang kanyang mga labi sa aking labi. Dahan-dahan akong pumikit. Para bang huminto ang pag-inog ng mundo. Nang hawakan niya ang aking mukha, para bang bigla akong nagising. Walang sabi-sabi'y tinulak ko si Alejandro at nagmadaling iniwan siya. Patakbo akong pumasok sa aking silid.

Hinaplos ko ang aking labi. Nakuha ni Alejandro ng walang sabi-sabi ang aking unang halik!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top