Capitulo Catorce



Capitulo Catorce



"Ma'am Victoria, pwede na daw po kayong umuwi sabi ni Senator Navarroza."

Umangat ako ng tingin kay Don at nilingon ko ang gawi nila Alejandro. Nakatayo siya doon at nakatingin sa akin. "Pakisabi kay Alejandro na ayos lamang ako dito."

"Sige po, Ma'am." iniwan na ako ni Don para lapitan si Alejandro.

Tinakpan ko ang akin bibig upang makahikab ako. Halos anim na oras akong naghihintay kay Alejandro. Hindi ko magawang pumasok sa loob kahit pa sinasabi ng tiya niya na pumunta ako sa loob. Hindi naman ako kamag-anak ng pasyente. Hindi pa nagigising ang pinsan niya na galing sa operasyon para matanggal ang bala ng baril sa balikat nito. Unti-unti akong pumikit dahil bumibigat na ang talukap ng aking mata. Dala ng sobrang pagod.

"Victoria."

Bigla akong dumilat at nasa harapan ko na si Alejandro. "B-Bakit?"

"Nagpaalam ako kina Tito Dan na uuwi na tayo. Alam kong pagod ka na rin."

"Ngunit hindi pa nagigising ang iyong pinsan."

"Tatawagin na lang daw nila ako kapag nagising na si Celestine." marahan niya akong hinila patayo. "Kailangan mo na ring magpahinga." inakbayan niya ako at naglakad na kami papalayo sa hospital room ng pinsan niya. Halata sa mukha ni Alejandro ang pagod. Alanganin na rin ang oras at maaga pa siyang papasok bukas.

"Hindi muna ako papasok sa trabaho. Kailangan ako dito bukas."

Napilitan akong tumango. Sobrang mahalaga si Señorita Celestine kay Alejandro. Napakaswerte nito sa kanya. Kailangan ko na sigurong ayusin ang aking mga gamit para sa oras na magising ang binibini, handa na akong umalis ng bahay. Ayoko naman na ako ang maging dahilan ng away nila. Tatanggapin ko na lamang ang alok ni Senator Cervantes na doon ako tumira sa kanila.

Inalalayan ako ni Alejandro na sumakay ng kotse. Tahimik kaming dalawa. Nakatingin lang ako sa labas habang bumabyahe kami pauwi ng bahay niya. Wala nang masyadong tao sa labas dahil gabi na. Nagulat ako nang biglang humilig sa balikat ko si Alejandro. Tulog na siya. Marahil dala ng sobrang pagod kaya mabilis siyang nakatulog dito. Napangiti ako at umti-unting umangat ang aking kamay para haplusin ang kanyang mukha. "Alejandro..." inabot ko ang kanyang kamay at unti-unti kong pinikit ang aking mga mata.

Ang biglang nagpagising ng diwa ko ang pagbuhat sa akin ng isang tao. Pagdilat ko ang mukha ni Alejandro ang bumungad sa akin.

Napatingin siya sa akin at gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. "Hindi na kita ginising dahil masarap na ang tulog mo. Kaya kinarga na lang kita."

"Maaari mo na ba akong ibaba? Nakakahiya dahil alam kong pagod ka at kinakarga mo pa ako ngayon."

"Sanay na ako, Victoria. Palagi mo akong hinihintay na dumating at nakakatulog ka na lang sa sofa. Hayaan mong gawin ko ito sa iyo." nagsimula na siyang pumanhik ng hagdanan.

Hindi na ako umimik at pinagmasdan ko na lamang ang kanyang mukha.

"Hindi ka pa nagdi-dinner, gusto mo bang kumain muna?"

"Ikaw? Gusto mo bang kumain muna?" Tumango siya kaya bumaba kami ng hagdanan at dumeretso sa komedor. Dahan-dahan niya akong inupo sa upuan. Tumayo ako. "Ipagluluto kita—"

"Huwag na. May pagkain naman sa ref, ima-microwave oven ko na lang."

Iniwan na niya ako bago pa ako makapagsalita. Tinuon ko na lamang ang aking atensyon sa bulaklak na nasa plorera. Kumuha ako ng isang tangkay ng pulang rosas at inumpisahang pitasin ang talulot nito. Aalisin ko na lamang ang mga ito sa mesa sa oras na bumalik si Alejandro. Bumuntong hininga ako at bigla kong naalala ang aking Kuya Matias. Si kuya ang mahilig pumitas ng talulot ng rosas sa tuwing naglalagay ako ng bulaklak sa plorera doon sa kwarto nito.

Muli akong bumuntong hininga. "Kamusta na kaya sila? Labis na akong nangungulila sa kanila."

"Ate Victoria!"

Tila ba'y narinig ko ang boses ni Manuel. Paglingon ko'y wala namang tao sa likuran ko.

"Victoria!" sabay ng pagtawag sa akin ang pagbagsak ng isang babasaging bagay at ang biglang pagyakap sa akin.

"A-Alejandro..."

"Huwag kang maglalaho. Please, huwag kang maglalaho."

Naguguluhan ako sa mga sinasabi niya. "Maglalaho? Bakit ako maglalaho?" mahina ko siyang tinulak palayo sa akin.

"W-Wala." tinalikuran niya ako at inumpisahang pulutin ang nahulog na pinggan.

"Ako na d'yan." tumabi ako sa kanya at kinuha ko ang mga mumunting bubog sa sahig.

Umalis siya sa tabi ko. Pagbalik niya may hawak na siyang walis at dustpan. "Bitawan mo na ang mga bubog na hawag mo. Wawalisan ko na lang 'yan." Sinunod ko ang sinabi niya at tumayo ako sa gilid. Mabilis ang kilos ni Alejandro. Bumalik ulit siya kusina at lumabas na may dalang isang plato ng carbonara. "Ito na lang ang kainin natin."

Tumango ako at umupo sa upuan. Si Alejandro na rin ang naglagay ng pagkain sa pinggan ko. Tahimik lang kaming kumakain. Pasimple akong tumingin sa kanya. Para siyang balisa. "Alejandro, ayos ka lang ba?"

"Oo naman."

Alam kong nagsisinungaling lang siya. Marahil ay nag-aalala siya sa pinsan niya kaya siya balisa. "Gusto mo bang bumalik sa ospital? Ayos lang naman sa akin na maiwan ako di—"

"No! Ayokong bumalik sa ospital na hindi ka kasama."

Nagtatakang sumubo ako ng pagkain. "Kung ganoon, bahala ka." uminom ako ng tubig. Kaunti lang ang kinain ko. Hinihintay ko lang matapos si Alejandro para mahugasan ko na ang pinggan. Pinagmamasdan ko lamang siya. "Alejandro."

"Hmn?"

"Kanina, parang narinig kong tinawag ako ng aking bunsong kapatid."

"Nakita mo ba siya o parang nagbago ang paligid mo?"

Kaagad akong umiling. "Hindi naman. Hindi ko rin siya narinig nang ako'y lumingon sa aking likuran." sinalinan ko ng tubig sa baso si Alejandro. "Marahil ay dala lang ng pangungulila ko sa aking pamilya kaya ko naririnig ang boses ng aking Manuelito." Iyon ang tawag ko kay Manuel kapag siya'y nilalambing ko. "Bigla ko kasing naalala si Kuya Matias kanina habang tinatanggal ko isa-isa ang mga talulot ng rosas."

"Victoria, siguro huwag mo munang masyadong isipin ang tungkol sa pamilya mo."

"Bakit? Imposibleng hindi ko sila maisip araw-araw."

Umiwas siya ng tingin sa akin. "Naisip ko lang kasi na nasasaktan ka palagi sa tuwing naaalala mo sila."

"Hindi naman sa lahat ng oras ay nasasaktan ako—"

"Magpahinga ka na, Victoria. Ako na ang bahala dito." tumayo siya at inumpisahang ligpitin ang mga pinggan na ginamit namin.

"Sigurado ka?"

"Oo naman. Pumunta ka na sa kwarto mo." lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa noo. "May klase ka pa bukas ng umaga."

Ngumiti ako. "Sige, magpapahinga na ako. Ikaw rin, magpahinga ka na." sabi ko bago ko siya iniwan sa komedor.


----


Kakalabas ko lang sa silid-aklatan nang makita kong tila ba'y nahihirapan si Alejandro sa pagsuot niya ng kurbata. Mukhang hindi matutuloy ang pagliban niya sa trabaho. Huminga ako ng malalim bago ko siya nilapitan. "Alejandro."

Nilingon niya ako at gumuhit ang ngiti sa labi niya. "Good morning, Victoria."

"Tanghali na, Alejandro. Good afternoon." nakangiting ganting bati ko sa kanya bago ko inayos ang kurbata niya.

"Hindi ko napansin na tanghali na pala. Kamusta ang lesson mo kina Mr. Gomez at Ms. Ramirez?"

"Maayos naman. Malapit na naming matapos ang mga aralin. Ang sabi ni Binibing Ramirez ay maaari na akong kumuha ng ALS exam para daw makapag-aral na raw ako ng colegio." inayos ang kaunting gusot sa kanyang polo.

"Magandang balita 'yan. Galingan mo sa exam para makapag-college ka na. Ayos naman na ang ibang requirements mo para makapag-enroll ka sa college. Ano bang kurso ang gusto mong kunin."

"Gusto kong maging guro sa elementarya. Mahilig kasi ako sa mga bata kaya sila ang gusto kong turuan." napangiti ako sa ideyang maaari akong makapag-aral ng colegio. "Pinapili ako kanina ni Binibining Ramirez kung saang escuelahan ako mag-aaral. Nalaman ko na ang dating paaralan para lamang sa lalaki, ngayon ay pwede na rin doon mag-aral ang mga babaeng katulad ko."

"Naging equal sa paaralan simula noong sinakop ang bansa natin ng mga Amerikano. Sila rin ang dahilan kung bakit may public schools dito sa atin." huminga siya ng malalim. "Galingan mo, Victoria. Alam kong matutupad mo ang pangarap mo." mahina niyang pinisil ang tungkil ng ilong ko. "Para rin mahatid kita sa school. Supportive suitor mo ako."

Mahina akong tumawa. "Opo. Umalis ka na dahil kailangan ka na doon."

Hinawakan niya ang aking kamay. "Gusto mong sumama sa akin?"

Hindi na ako nag-isip pa kung may gagawin pa ako mamaya. Basta na lamang akong tumango. "Kung pupwedeng sumama sa iyo."

Gumuhit ang napakatamis na ngiti sa kanyang labi at hinawakan niya ang aking kamay. "Syempre hindi ako tatanggi. Maghapon kong kasama ang babaeng mahal ko, tatanggi pa ba ako no'n?"

Hinaplos ko ang kanyang mukha. "Huwag kang mag-alala. Masaya naman akong makita maghapon ang napakakisig mong mukha."

Eksaherado siyang sumimangot. "Mukha ko lang talaga ang habol mo. Ang duga naman no'n."

Hindi ko napigilang tumawa. "Oo, iyon lang." at tumakbo ako papalabas ng bahay dahil alam kong isang kiliti ang ibibigay niya sa akin.


----


Hindi ko mahabol ang mabilis na lakad ni Alejandro. Nasa loob kami ng ospital ngayon kung saan naka-confine ang kanyang pinsan. Tumawag kanina ang tiyuhin niya na nagising na raw si Señorita Celestine kaya kaagad kaming pumunta ng ospital. Halos tumakbo na ako sa kakasunod sa kanya.

Huminto si Alejandro sa harapan ng kanyang tiyo at tiya. Huminga ako ng malalim bago nginitian ang mag-asawa. "Good afternoon po."

"Good afternoon din, hija." ganting bati sa akin ng ginang.

"Where's Celestine?"

"Nasa loob na, hijo. Pumasok na lang kayo sa loob."

Tumango si Alejandro at hinila ako papasok sa loob.

"Kuya!"

Hindi ko pa nasasara ng tuluyan ang pintuan nang nawala sa tabi ko si Alejandro. Paglingon ko'y yakap-yakap na niya ang kanyang pinsan. Parang piniga ang puso ko sa aking nakikita. Pinipigilan kong tumulo ang aking luha dahil hindi nararapat na umiyak ako dito. Wala akong karapatang umiyak. Dumating na ang tunay na nagmamay-ari sa puso ni Alejandro.

"Sssh, tahan na Celestine."

"Kuya, ang sakit. Sobrang sakit. Hindi ko na kaya."

"Celestine, matapang kang tao. Kakayanin mo iyan. Huwag kang mag-alala. Nandito lang ako sa tabi mo."

Mapait akong ngumiti. Tumalikod ako sa kanila at nang bubuksan ko na ang pintuan ay tinawag ako ni Alejandro. Dahan-dahan akong humarap sa kanila at nanlaki ang mata ko nang makita ko ang mukha ng kanyang pinsan. "S-Señorita Esmeralda!"

Natigilan ang binibining katabi ni Alejandro. "Kuya, sino siya?"

"Celestine, siya si Victoria—"

"Kuya, iwanan mo muna kami."

"Pero—"

"Please lang, Kuya Alejandro." Kaagad na lumabas si Alejandro kahit pa siya'y nagtataka kung bakit pinapaalis siya ng kanyang pinsan. Pinsan nga ba niya? "Maaari ka bang lumapit sa akin?"

Tumango ako at mabilis na lumapit sa binibini. "Ikaw ba iyan, Señorita Esmeralda?"

Mapait siyang ngumiti bago umiling. "Hindi ako si Esmeralda. Ako si Celestine. Kakambal ko si Esmeralda pero sa magkaibang panahon kami pinanganak."

Naguluhan ako sa sinabi niya. "H-Hindi kita maintindihan."

"Sa tingin ko napunta ka rin sa nakaraan dahil kilala mo ang kakambal ko. Napunta rin ako doon at ayoko na bumalik pa dito pero heto ako ngayon. Nandito sa kasalukuyang panahon."

Mukhang alam ko na ang ibig sabihin ni Señorita Celestine. "H-Hindi ako napunta sa nakaraan. Galing ako sa nakaraan at napunta ako sa panahong ito."

Nanlaki ang mga mata niya. "May matandang babae bang nagbigay sa iyo ng kuwintas na ang pangalan ay Glenda?"

"Wala. Pero may kaibigan ako na nagngangalang Glenda at binigyan niya ako ng kuwintas." pinakita ko pa sa kanya ang suot kong kuwintas.

"Ibig sabihin dito ka sa panahong ito nararapat. K-Kailangan nating makausap si Ate Kiera." napasapo siya sa noo.

Kumabog ang dibdib ko. "Sinong Keira ang sinasabi mo?"

"Keira Silvano."

"Kaibigan ko siya! Ngunit paanong napunta sa panahong ito si Keira kung—"

"Dahil galing din siya dito. Nag-time travel siya sa panahon ng Español katulad ng nangyari sa atin." nilingon niya ako. "Sino ka ba ulit?"

"Ako ay si Victoria Saenz?"

"Victoria Saenz? Ang binibining dapat na papakasalan ni Linares Pelaez pero biglang naglaho?"

"Ako nga. Paano mo nalaman na ikakasal ako kay Señor Linares?"

"Napunta ako sa San Carlos taong 1893. Apat na taon ka nang nawawala sa panahon mo."

Tumabi ako sa kanya. "K-Kamusta ang aking pamilya?"

"Hindi ko alam. Wala akong masyadong balita tungkol sa mga taga-San Pablo." hinawakan niya ang kamay ko. "May binata ka bang iniibig sa panahong ito?"

"I-Iniibig?"

"Oo. 'Yong taong nagpapabilis ng tibok ng puso mo, ang palaging laman ng isipan mo, ang dahilan kung bakit minsan hindi ka makatulog sa gabi, ang nagpapasaya at nagpapakompleto ng araw mo. At higit sa lahat ay nagseselos kang may kasama at kausap siyang ibang babae dahil ang gusto mo, nasa iyo lang ang atensyon niya."

Biglang pumasok sa isipan ko si Alejandro. Lahat ng sinabi ni Señorita Celestine ay nararanasan ko lang dahil kay Alejandro. "Ibig sabihin ay umiibig ako sa kanya?"

"Kanino?"

"Kay Alejandro." nilingon ko si Señorita Celestine. "Sa iyong pinsan."

Ngumiti siya sa akin. "Sigurado akong mahal ka rin ni Kuya Alejandro."

"Hindi iyan totoo."

"Totoo 'yon. Hindi ka naman isasama ni kuya dito kung hindi ka niya mahal. Ito, advise ko lang sa iyo. Sa oras na makita mo ang iyong kaibigan na si Glenda, sundin mo kung anong nais niya."

"B-Bakit?"

"Dahil kung ayaw mong mawala sa piling mo si kuya, sundin mo ang sinasabi ni Glenda. Para iyon sa ikakabuti ninyo. Ayokong matulad ka sa akin."

Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin na ayaw mong matulad ako sa iyo?"

Tumulo ang luha sa pisngi niya. "Ayoko lang mangyari sa iyo ang ang nangyari sa akin ngayon. Sa pagsuway ko, nagulo ang dapat mangyari. Ngayon, hindi ko na makakasama pa ang lalaking labis kong minamahal. Hindi ko na makikita si Simoun."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top