Chapter 33

CHAPTER 33

Drawing

* * * * *

Nur Ali Ibrahim

Lulan ng mga jeep, naghiwa-hiwalay kaming mga miyembro ng LACOFRA para maabot ang iba't ibang entrada ng La Cota.

Ang grupo namin ay papasok mula sa border ng La Dalampa. Pinamumunuan naman ni Kelsey ang iskuwadrang kinabibilingan ko. Sa aking palagay, bente mahigit ang jeep ang nasa pangkat na ito. Gumawa na rin kami ng estilo para maiwasan ang mga matang mapanghinala. Pinaglayo-layo ang bawat jeep ng pangkat na ito upang hindi halata ang pagkukumpulan sa daan. May malayong pagitan sa bawat isa at hihinto lamang kami kapag medyo malapit na sa border ng La Cota City.

Natatakpan din ng kurtina ang bintana ng jeep na ito upang 'di makita ng mga tao sa labas kung ano at sino ang sakay nito. Ang mga armas nama'y nasa gitna. Nakalagay ang mga baril sa mga kahong gawa sa kahoy at tumpok-tumpok lang ito sa sentro ng jeep na ito.

Inaamin kong kulang kami sa training, lalo na ako, kaya 'di ko alam kung makikita ko pa ba ang panibagong La Cota matapos ang digmaang ito.

"Anong ginagawa mo, Nur?" biglang tanong sa akin ng kasama kong nakasumbrerong pang-militar. Nakasandal ako sa dulo ng jeep na ito at inilapit niya ang kaniyang katawan sa akin. Tinitigan niya ang tangan-tangan kong phone.

"Dino-drawing ko lang ang babaeng . . . mahal na mahal ko," nakangiti kong sagot habang patuloy sa pagguhit sa screen.

"Hawig ni Care, ah." Bigla naman niyang tinusok gamit ang kaniyang daliri ang aking tagiliran. Nakadama ako ng pagkuryente at napitlag ako sa ginawa niya.

"Si Care naman kasi 'to," hagikhik kong sagot.

Narinig ko ang kaniyang pagsinghap kaya bahagya kong ibinaling ang tingin sa kaniya saka ngumisi.

"M-May gusto ka kay Care?"

Umiling ako. "Wala akong gusto sa kaniya dahil mahal siya." Ngumisi ako habang patuloy pa rin sa pagguhit at pagkulay sa mukha ni Care.

"Pamapag-ibig ka naman pala, Nur. Pero ang ganda ha. Ang galing mong mag-drawing. Kuhang-kuha mo 'yong mata niyang medyo singkit at medyo bilog. Ta's 'yong ngiti niya rin. Ano bang course mo sa LCU?"

"Multimedia Arts. Salamat at nagustuhan mo." Naglabas ako ng mapagkumbabang tawa sa aking labi.

"Pero, maipapakita mo ba 'yan kay Care?"

"Plano ko ngang ibigay sa kaniya 'to kapag tapos na 'tong laban natin kaso hindi ako sigurado kung buhay pa ba ako matapos ang digmaan na to. Kaya, baka mamayang gabi ko ibibigay sa kaniya. Ise-send ko na lang sa chat. Bahala na."

"Bakit mo naman iniisip na mamamatay ka, Nur? Hindi tayo mamamatay." Tinapik niya ang aking balikat at inilayo na niya ang kaniyang tingin mula sa akin at sa dino-drawing kong si Care.

Hindi sigurado. Pero sa lahat naman ng digmaan, may mga namamatay at may nabubuhay. Suwerte na lang kung kasama ako sa mga taong mabubuhay at makita ang resulta ng kinabukasan.

Care, kung mabuhay man ako matapos ang lahat ng ito, gagawin ko ang aking makakaya para mapasa-akin ka.

Mahal na mahal kita.

* * * * *

Malapit na kami sa tulay kung saan naghihiwalay ang munisipalidad ng La Dalampa at siyudad ng La Cota. Madilim na rin ang kalangitan nang bahagya naming binuklat ang kurtina ng jeep at sinipat ang labas. Nasa langit na ang buwan nang ako'y tumingala.

Ang gulong naman ng jeep na aming sinasakyan ay lumapat sa damuhang daan at huminto sa mga kumpulan ng mga puno. Inabangan naman namin ang ilan pang mga jeep para makumpleto na ang pangkat na ito.

Bumaba na kami sa jeep na ito at nagtago sa mga puno. Wala namang kabahayan dito at tanging malawak lang na damuhan at mga punong magiting na nagsisitayuan.

Mula rito sa punong sinasandalan ko, tanaw ko ang nagsisitaasang gusali at nagniningning na siyudad ng La Cota. Tatawid pa kami sa ilog na naghihiwalay sa La Dalamapa at La Cota.

"Maghanda na kayo," utos ni Kelsey na kabababa lang mula sa jeep na sinasakyan niya. Ang kaniyang suot ay lahat itim at ganoon din ang aming kasuotan. Sakto pa't gabi ngayon kaya kung tatawid kami sa ilog, makakapasok kami sa La Cota nang 'di namamataan. Depende na lang kung masaktuhan kami ng mga bantay.

"Nakahanda na ang mga bangkang sasakyan natin para makatawid sa ilog. Sarado ang mga borders ng La Cota City kaya ang mga tulay ay paniguradong bantay-sarado. Sa ilog lang tayo puwedeng tumawid," sabi ulit ni Kelsey.

Bigla namang inabot sa akin ng isang kalbo naming kasama ang isang mahabang baril na sintulad ng mga ginagamit ng mga militar. May kabigatan ito kaya hinawakan ko nang mabuti at maayos. Nabigla ang aking braso at naging aligaga ang aking daliri sa paghawak ng baril na ito. Isa namang hangin ang dumalaw para bigyan ako ng kaba.

Maya-maya, dumating na ang lahat ng miyembro ng pangkat na ito sa pamumuno ni Kelsey at nakayuko kaming tumakbo papunta sa pampang. Mabuti na lang at walang ilaw rito at tanging buwan lamang ang liwanag.

Nag-uunahan sa tibok ang aking mga pulso sa bawat pagtapak ng aking botang pangmilitar sa madamong lupa. Dinig ko ang mga kaluskos ng mga yabag ng bawat kasamahan ko at ang bawat hingal nila na nagmumula sa kanilang baga. Iyon ang naging musika ngayong gabi: kaba, takot, at ang pagiging makabayan.

Napapalunok na lang ako ng laway habang kinakabahang inabot ang pampang. May mga taong nakaabang na rito kaya in-assume kong pinagplanuhan na nina Kelsey ito noong nalaman ni Mayor Billones ang aming lokasyon.

Isa-isa na kaming sumakay sa bawat bangka at tinawid ang tahimik na ilog.

* * * * *

Nakakapagtaka lang dahil parang ang tahimik ng buong siyudad. Nakayuko pa rin kami habang isa-isa nang nililisan ang bangka. Narito na kami sa syudad ng La Cota.

"Malapit lang dito ang LCU. Doon muna tayo magtago. I will contact the other fleets that we're successfully landed inside the city. Go Go!" malumanay pero matigas na utos ni Kelsey.

Nakayuko pa rin kaming tumakbo at binagtas ang gilid ng pampang dito sa side ng La Cota City.

Pinagmamasdan ko ang buong paligid at wala pa rin akong nakikitang mga sundalo. Wala nga ring naging sagabal sa pagtawid namin sa ilog.

Huminga ako nang malalim at ang puso ko'y tila lalabas na sa aking dibdib.

Parang may mali.

Malapit lang ang likod ng LCU rito sa parteng ito kaya mabilis lang naming narating iyon.

Tumawid pa kami ng kalsada pero walang mga sasakyan ang nasaksihan ng aking mga mata. Napapailing na lang ako habang nilalagutok ang aking dila. Tinitingala ko ang bawat gusaling nagliliwanag.

Binunggo naman ako ni Kelsey sa aking balikat.

"Hoy, Nur, bilisan ang paglalakad. 'Wag nang mag-sight seeing. Malapit na tayo sa LCU. Higpitan mo rin 'yang paghawak mo sa armas mo."

"Oo, salamat," tugon ko at yumuko muli. Nakisabay na ako sa pagtakbo nila.

Maya-maya, narating na namin ang gate sa likod ng unibersidad. Madali lang namin itong napasok dahil walang bantay. Napakadilim din dito at ang kuliglig at ang pagsasayaw ng mga dahon sa mga puno ang tanging lumutang na tunog.

"'Wag kayong gagamit ng flashlight," utos ni Kelsey.

Tanging anino lamang ng kaniyang anyo ang aking nakikita. Mabuti na lang at tinutulungan kami ng liwanag mula sa buwan.

"Let's find a building and rest there."

Sinundan namin si Kelsey. Habang naglalakad at naghahanap ng pagpapahingahan, malalaking tanong ang tumatatak sa aking isipan.

Isa bang trap ito?

Sini-set up ba kami ni Billones?

May kakaiba talaga akong nararamdaman kaya kung ano man ito, sana hindi kami mapahamak.

Madali rin kaming nakapasok sa isang gusali. Doon na namin pinaandar ang aming mga flashlight at pinailawan ang hallway. Bawat hakbang ng aking paa, kaba ang aking tinatapakan na tila umaakyat sa aking hita't pinapanginig ito. Nininerbyos ako dahil tila anumang oras ay baka may susulpot na military sa bawat classroom dito sa hallway at pagbabarilin kami.

Narating naman namin ang isang room kaya rito muna kami nagpasyang magpahinga.

"Hindi tayo puwedeng magpahinga lahat dito at gawing base itong classroom na ito," ani Kelsey sa pintuan ng classroom habang isa-isa niyang tinututukan ng daliri ang bawat kasamahan namin dito sa hallway. "Kayo, kayong grupo, umakyat kayo sa taas para doon maghanap ng pagpapahingahan ninyo. Kayo rin, maghanap ng ibang classroom. We need to spread. Just call me if there's an emergency."

Naghiwa-hiwalay na nga ang pangkat na ito at naghanap ng kani-kaniyang base. Sampu lang kami rito sa classroom na una naming nakita kasama si Kelsey. Pagpasok namin sa loob, sinalubong kami nang maayos at nakahilerang mga itim na armchairs at malinis na whiteboard.

Iginilid naman namin ang bawat upuan para magkaroon ng espasyo sa gitna para lapagan ng mga armas at tulugan.

Nang maayos na namin ang lahat, umupo muna ako sa isa sa mga armchair sa gilid at dinukot ang cellphone ko.

8:30 PM ang nakaimprenta sa screen. Natapos ko na rin ang digital art na ginawa ko para kay Care. Ito na rin ang oras para i-send ito sa kaniya.

You:
For you, Care ❤️
You sent a photo.
Please contact me here. This is my new number 09001011234
I need to save the battery of my phone, Care kaya hindi ko muna gagamitin 'tong mobile data ko.
Hope you are doing well.

Nakangisi akong s-in-end ang mga bagay na iyon. Tinitigan ko muli ang mukha ni Care na aking ginuhit. Ang kaniyang ganda ay nagpapagaan sa aking kalooban. Hinaplos ko ang mukha ng screen na tila hinahaplos ang totoong pisngi ni Care.

May luha na palang pumatak sa aking phone at hinagod ng kakaibang emosyon ang aking puso.

Magkikita pa tayo.

Makikita pa kita.

Magsasama pa tayo.

Mahal kita, aking Care Billones.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top