Chapter 21

CHAPTER 21

Confrontation

* * * * *

Nur Ali Ibrahim

Tatlong araw na ang lumipas nang maganap ang gift giving sa Palayan. Hindi ko nga lang iyon masyadong na-enjoy dahil tila lumayo sa akin si Care noong mga panahong iyon. Sinsipat-sipat ko pa si Care pero hindi man lang nagtatagpo ang aming paningin. Nagkunwaring nakangiti na lamang ako no'n pero lungkot ang nangibabaw sa akin dahil hindi kami nagkaroon ng isang matagal na pag-uusap na kaming dalawa lang. At alam ko na rin siguro ang dahilan nang malamig niyang pakikitungo niya. May kinalaman siguro ang pag-anunsyo ko kay Omerah bilang babaeng mapapangasawa ko.

Masakit para sa akin na sabihin 'yon dahil alam ko sa sarili kong may special bond akong nadadama para kay Care na wala kay Omerah. Parang niloloko ko lamang ang aking sarili kung ipipilit ko pang pakasalanan ang babaeng ipinagkasundo sa akin. Ngunit, iyon ang gusto ng aking mga magulang at ayaw ko silang mabigo. Ang kaso, bawat araw ay mas lalo akong nahuhulog kay Care kahit hindi ko man lang siya nakikita.

Umalis na rin dito sa amin ang magulang ni Omerah at nagpaiwan naman siya. Kasama naman niya 'yong babaeng nadatnan ko rin dito sa sala noon na pinsan pala niya, si Jane. Pumayag naman ang magulang ni Omerah na dito muna siya maglalagi para daw makilala niya pa ako ng lubos. Sina Abi at Umi rin ang magbabantay at magsisilbing magulang ni Omerah habang nandirito muna siya.

Hindi na lang ako umimik habang pinag-uusapan nila ang bagay na iyon. Hindi ko rin kasi kayang ipaglaban ang aking sarili sa harap ng aking mga magulang kaya hinayaan ko na lang. Pero kahit na nagpaiwan pa si Omerah dito sa amin, wala pa ring umusbong na kiliti sa aking katawan. Wala akong nararamdaman para sa kaniya. Wala kahit katiting, kapiranggot, wala.

Marami akong niloloko: sarili ko, si Omerah, pamilya naming, at si Care.

Napabuntonghininga na lang ako habang iniisip iyon.

Para na rin may gawin si Omerah dito sa Maculay, sumama siya sa amin para magbantay ng aming tindahan, ang Ibrahim's Malong and Clothes.

Nang makarating kami rito sa bayan, tila nanumbalik ako sa La Cota dahil sa rami ng mga tao. Hindi nga lang nagsisitaasan ang mga gusali rito hindi tulad sa La Cota city.

"Malapit na tayo," sabi ko habang nauuna sa aming apat. Kasama ko ang aking kapatid na si Aliya, si Omerah, at ang pinsan ni Omerah na si Jane.

Pumasok na kami sa Maculay Mall, ang pinakamalaking mall dito. Maraming mga tao at tila naaalala ko ang aking pagbisita noon sa Divisoria sa Maynila.

Nang makarating na kami sa tindahan ng mga damit at malong, agad na kaming nag-ayos para makahanap ng mga kustomer. Pumunta agad ako sa dulo ng tindahan para tingnan ang supply ng mga malong.

"Kuya, ano'ng gagawin nila Omerah?" tanong sa akin ni Aliya habang tinatanggalan ko ng mga plastic ang ilang malong para i-display sa harapan ng tindahan.

"I-guide mo na lang sila paano makipa-usap sa mga bibili. Dito muna ako sa likod para ayusin 'tong mga supplies."

"Sige kuya."

Ngumiti ako't tumango nang nagpaalam na ang aking kapatid.

Nang matapos ko ang pagtanggal sa mga plastic at pag-ayos sa mga malong, agad ko itong dinala sa harapan para ihayag sa mga mamimili.

Sana maging maayos ang araw na ito.

* * * * *

Alas onse na ng umaga nang biglang puntahan ako ni Aliya rito sa dulo ng tindahan. Kumakain ako ng tinapay dahil dinatnan ako ng gutom at pumwesto muna rito kasama ang ilang mga nakatambak na supplies.

Habang naka-Indian seat at matiwasay na nilalagyan ng pagkain ang aking tiyan, narinig ko na lamang ang malakas na tawag sa akin ng aking kapatid.

"Kuya! Kuya!" Hinihingal pa si Aliya nang dumating siya rito sa dulo. Nagtataas-baba pa ang kaniyang balikat.

Tiningala ko siya at aking bibig ay umuwang. Kinuha ko ang isang bote ng tubig sa aking tabi upang maitulak ang tinapay papunta sa aking lalamunan.

"Bakit 'yon?" Inangat ko ang aking puwetan upang makatayo at pinagpag ang aking pantalon.

"Si Omerah, umiiyak! Nasigawan kasi siya ng bumibili kanina. 'Di niya alam kung ano ang isasagot."

Nailing ko ang aking ulo at napalagitik na lamang ng dila.

"Bakit 'di mo tinulungan?" Sinimulan kong ihakbang ang aking paa. "Nasa'n siya?"

"Nandoon sa harapan kuya. Busy rin kasi ako sa pakikipag-usap sa ibang kustomer. Huli ko na ring nalaman 'yon. Kasama niya 'yong pinsan niya ro'n pero wala rin siyang nagawa."

Napakamot na lamang ako ng batok habang binabagtas namin ni Aliya ang loob ng tindahan para makapunta sa unahan.

Naabutan kong nakatayo si Omerah kasama ang pinsan niya. Inaalo ng babae si Omerah.

Napabuga na lamang ako ng hangin at nakisimpatya na lang sa nararamdaman ni Omerah. "Do you need to go home? Nando'n naman ang mga magulang ko," panimula ko, hininaan at pinalambot ang aking tono.

Umiling siya habang nagtatangis. Nilinga ko naman ang paligid ngunit wala na ang mga mamimili rito malapit sa aming puwesto kaya baka umalis din iyon agad.

Nakayakap naman ang kaniyang pinsan at nangingilid na rin ang kaniyang luha.

"Aliya, iuwi mo na lang muna sila," lingon-sabi ko sa aking kapatid.

"Pero Kuya, wala kang kasama rito."

"Kaya ko naman. Iuwi mo na sila."

"No!" biglang sabat ni Omerah at garalgal pa ang kaniyang boses. "Ayaw kong umuwi!"

"Omerah, 'di mo naman kailangan tumuloy pa rito. Me and my sister can handle this."

Ikinalas niya ang kaniyang sarili mula sa pagkakayakap ng kaniyang pinsan.

"Gusto ko kasing may patunayan ako sa 'yo!" aniya habang pinupunasan ang mga luha gamit ang kaniyang itim na hijab. "No'ng isang araw, noong pumunta tayo sa bahay-ampunan, nakita ko na nag-iba ang mga mata mo doon sa isang babaeng kasama n'yo. Sino 'yon, Nur? Sino siya? Sino?" taas-boses niyang wika habang ikinukuyom ang mga palad.

"Sino ba?" balik-tanong ko. Hindi ko siya maunawaan.

Mapang-uyam siyang bumuga ng hangin at pinanlisikan ako ng tingin. "Maang-maangan tayo ngayon. Wow! 'Yong babaeng nilapitan mo agad-agad noong nandoon na tayo sa bahay-ampunan na 'yon!" Umaabante pa ang kaniyang ulo at bakas ang panggigil sa kaniyang labi.

Unang pumasok sa isip ko ay ang eksenang nakipagkumusta ako kay care. Si Care ba ang dahilan kung bakit siya ganyan?

"Ilang araw na akong binabagabag ng pangyayaring 'yon, Nur. Unang beses kitang nakitang ngumiti, sumaya na tila nakulayan 'yang bagot mong buhay. Hindi ka ba masaya sa akin? Ilang araw na akong nag-stay sa inyo pero hindi ko nakitang bumalik 'yong ngiti na 'yon. Tapatin mo ako, Nur. Napipilitan ka bang mahalin ako?"

Nakagat ko ang aking labi habang may tila bagyong bumungad sa aking isipan at nakikipaglaban ako upang hindi ako matangay ng lakas ng ihip ng hangin.

Hinawi ko palikod ang aking malambot na buhok at bumuga ng isang 'di kumportableng hangin mula sa aking baga.

"Omerah, matagal ko na silang kasama. Syempre, sino ba ang hindi sasaya kung makikipagkita ka sa mga kaibigan mong iniwan mo nang biglaan?" matiwasay kong paliwanag.

"Pero, I'm here Nur. Mapapangasawa mo ako pero parang 'di ka masaya sa akin. Or baka naman, 'yong babaeng 'yon ay 'di mo kaibigan dahil ka-ibigan mo siya, ano?"

Naipikit ko na lamang ang aking mga mata at tiim-bagang akong yumuko. Blangko ang pumasok sa aking isipan. Tila may isang maitim na kalawakan ang sumasakop doon.

"Ano Nur? Sumagot ka. Sagutin moa ko!"

Iminulat ko muli ang aking mga mata at huminga nang malalim. Hindi ko idineretso kay Omerah ang aking tingin kundi sa aking kapatid na nakaawang ang bibig ngayon. Nasa ere ang kaniyang palad na parang nabitin sa pagtakip sa kaniyang bibig.

"Magpapahangin lang ako. Baka 'di na rin ako makabalik dito so ikaw muna magbantay kasama sila."

"Kuya?"

"Ikaw muna ang bahala. Kailangan ko lang mapag-isa."

Tinapik ko ang balikat ng aking kapatid at inangat na ang talamapakan ng aking mga paa. Dumiretso na ako sa labas ng tindahan at hindi na nilingon pa iyon.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa mga tanong ni Omerah. Ayaw ko siyang masaktan dahil paniguradong aabot ito sa pamilya niya at sa pamilya ako. Ayaw ko ring mawala sa akin si Care. Hindi ko na alam. Hindi ko na alam kung ano na nga ba ang susundin ko.

Lumipas ang ilang minutong paglalakad ay nahimasmasan na rin ang mabigat kong pakiramdam. Napadpad ako ng aking paa rito sa isang banging tanaw ang malawak na karagatan at bagsik na mga alon nito. Ang bawat pagtama naman ng ihip ng hangin sa aking katawan ay nagbigay ng panandaliang kapayapaan. Pinagmasdan ko ang araw sa itaas at tirik na tirik ito habang pinakikinang ang asul na dagat.

Umupo na lamang ako sa tuktok ng bangin na ito at binunot ang cellphone sa aking bulsa upang tingnan ang mga larawang ginanap noong gift giving. Nitong mga nakaraang araw, ito lamang ang tinitingnan ko upang mapagaan ang aking loob.

Palipat-lipat ako ng mga litrato hanggang sa mapadpad ako sa group picture namin kasama ang mga bata. Kahit na group picture ito, sa iisang tao lamang bumagsak ang aking mata-kay Care.

Nakatayo siya sa gilid at naka-peace sign. Ang kaniyang ngiti ay tila tumawid mula rito sa aking telepono at nahawa ako niyon. 'Di na mawala ang ngiti sa aking labi.

Nagmumukha na siguro akong timang dito. Mabuti na lang ay ako lang ang tao rito.

Ang hangin naman sa aking paligid ay tila nagkaroon ng bisig at niyakap ako nito. Mas lalo iyong nagpagaan sa aking kalooban.

Hindi man kami nagkausap nang matino ni Care noon, masaya na akong nasilayan ko muli ang nagniningning niyang kagandahan.

Magkikita pa tayo, 'di ba?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top