Chapter 20
CHAPTER 20
Trip To Palayan
* * * * *
Care Billones
Dumating na ang araw ng Sabado at ngayong araw na rin ang gift giving ng LCU Youth Volunteers Org. Kahapon, nang makipagkita kami ni Tim kay Nur sa bahay nila ay agad din niya kaming pinaalis dahil may importanteng bisita ang kaniyang pamilya. Hindi na niya naipaliwanag pa kung sino ang mga iyon. Matulin na tila may hinahabol ang kaniyang pananalita kahapon. Dagli niya rin kaming pinalakad papalayo sa aming puwesto at inihatid sa kotse ni Tim. Para bang may itinatago siya o baka may sikreto siyang ayaw niyang ipaalam sa amin. Palingon-lingon din siya kahapon habang ipinagtutulakan kaming umalis na sa kanilang lugar.
Wala naman kaming nagawa ni Tim kundi ang sumunod. Naguluhan kaming dalawa ni Tim at hindi na rin ako nakapag-isip pa n'on. Pero, nakaramdam ako ng bigat sa aking kalooban at matamlay na pangagatawan. Ipinaalala na lang ni Tim ang gagawing gift giving ngayong araw sa munisipalidad ng Palayan. At walang anu-ano'y, sinagot iyon ni Nur ng, "Pupunta ako. Magkita-kita na lang tayo sa Palayan."
Tila may sumanib sa aking espiritu ng kasabikan at ang dugong dumadaloy sa aking ugat ay nagkasiyahan.
Kaya... ito ang aking pinanghahawakan ngayong araw-ang kaniyang pangako kahapon.
Kanina pa kami naghahanda para sa pagpunta namin sa Palayan-isa itong maliit na munisipalidad sa may kanlurang bahagi ng isla ng La Cota.
"Pakitulungan naman ako rito, oh!" namimilipit na sigaw ni Cris. Palabas na siya sa pinto ng club room na ito. Nakangiwi na ang kaniyang mukha habang buhat-buhat ang tatlong karton na may lamang laruan at mga stuff toys.
"Sabi ngang huwag mong kunin lahat," nakapamaywang na saad ni Minda. May lollipop sa kaniyang bibig at pulang-pula naman ang kulay ng kaniyang labi dahil na rin siguro sa sinisipsip niyang pagkain. "Ibaba mo 'yang iba. Ako na magbubuhat," yamot niyang dagdag.
May nag-aabang naman na van sa labas ng building na ito para ihatid kami sa Palayan. Habang nandito kami sa loob ng club room, pinag-uusapan namin ang magiging final na agenda roon. Nakasuot din kami ng isang kulay pulang polo shirt na may tatak na LCU Volunteer sa may itaas at kanan na parte ng damit. Kinapa-kapa ko pa ito at dama ko ang paglapat ng tatak sa bawat linya ng balat ko sa aking daliri.
"Habang dinadala ni Cris at ni Minda 'yong last boxes papunta sa van, I just want to announce something," panimula ni Tim na nakapamulsa sa kaniyang maong na pants. May sumilay ring tipid na ngiti sa kaniyang labi. Lahat ng mata at tainga ay nakatutok sa kaniya habang naglalakad siya papunta sa gitnang bahagi ng club room. "Nur will be joining us later. He will meet us at the orphanage in Palayan."
Ang target beneficiary ng aming gift giving ay isang private orphanage doon sa Palayan. Ang sabi ni Tim sa akin, simula pagkabata niya, lagi na siyang tumutulong sa bahay-ampunan na iyon at doon din niya nakilala ang ilan sa mga kaibigan niya na ngayo'y nasa Maynila at ibang bansa dahil inampon na. Mababait din daw ang mga namamahala sa orphanage na iyon.
Bigla namang pinagdaop ni Kaira, ang aming social media coordinator, ang kaniyang mga palad at nakabuo ito ng isang palakpak na tunog. "Talaga? Sasama siya?" nakangiti niyang tanong at mababakas sa tono ng boses niya ang kasabikan.
"Yes, Kaira. Care and I visited him yesterday. Unfortunately, 'di kami masyadong nag-usap but he promised to join us."
"Masaya akong makikita natin siya muli," komento ni Ronald na hanggang bibig na ang haba ng bangs. Hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako kung paano siya nakakakita. Baka ang mga buhok niya ang kaniyang mga mata.
"So, let's go?" Inalis na ni Tim sa bulsa ang kaniyang mga palad saka kumawala ng dalawang palakpak.
Tumango ako pagkatapos niyang gawin iyon. Isa-isa na rin kaming nagsilabasan mula rito sa club room at nakipagkita kina Minda at Cris na nasa labas ng building na ito.
Tila may dumaan namang hangin sa aking labi at pininturahan niya iyon ng isang ngiti. Dama ko ang lamig na dulot niyon. Nakagat ko pa ang aking labi at mabilis na kumabog ang puso kong ito. May kung ano namang gumalaw sa aking tiyan. Hindi naman ako buntis o gutom. Baka... sadyang nasasabik lang akong makita muli si Nur at makasama muli nang matagal.
* * * * *
Katatawid lang namin mula sa border ng La Cota City at ng Palayan. Hindi mahigpit ang mga bantay sa border ng La Cota City dahil sa Palayan naman ang aming punta at school organization ang aming inirason.
Nakaupo ako sa likod ng van at nasa unahan ang ilang mga officers. Sa tabi naman ng driver's seat si Tim. Panay vibrate naman ang phone ko dahil text nang text sa akin si Aleks.
Aleks:
Nasaan ka?
9:09 AM
Bakit 'di ka pumasok? Wala ka ngayon sa klase.
9:11 AM
Jen told me that you're with the LCU Youth Vol Org.
9:15 AM
Are you really going to Palayan?
9:17 AM
Care! Go back here! Delikado!
9:20 AM
Wala akong lakas o motibasyon para reply-an ang mga message ni Aleks kaya pinatay ko na lang ang phone ko. Baka kasi tumawag pa iyon. We're friends but I think nawawala na talaga ang koneksyon ko sa kaniya dahil sa mga anti-Muslim sentiments niya. Hindi ko na kaya.
Isinandal ko na lang ang aking likuran sa malambot na upuan at hinayaan kong bisitahin ako ng espiritu ng kaantukan. Ibinaling ko pa sa kanan ang aking ulo at nakita ang masaganang bukirin ng munisipalidad ng Palayan. Kaya tinawag din itong Palayan dahil sa malawak nitong taniman. Napakatahimik. Payapa. Walang kaguluhan.
Sana ganito rin sa lungsod na aking kinalakhan.
Natatakpan na ng talukap ang aking paningin at hinayaan ko na lang na bumagsak ito.
* * * * *
"Care! Wake up!"
May tumatapik sa balikat ko at nakita ang mukha ni Minda na may berdeng labi. Napaatras na lang ang bagong gising kong ulo. Baka nakabuo na rin ako ng double-chin. Kanina pula iyon ngayon naging kulay lumot na. May nakasaksak na namang lollipop sa kaniyang bibig at sa palagay ko, berde rin ang kulay niyon.
Pakurap-kurap akong humikab at hinayaang pinalakbay ang aking paningin sa bintana ng van na ito. May natatanaw akong isang kulay asul na gusali na may dalawang palapag at may nakasulat na "The Great Palayan House." Nakikita ko rin na may kausap si Tim na isang babaeng may kaputian ang buhok pero nababakas pa rin ang kagandahan sa kaniyang kulubot na balat. Sina Cris at Ronald naman ay nagbubuhat ng kahon papasok sa gusali.
"We're here na. Ayusin mo muna 'yang buhok mo. Maganda kang babae pero ngayon, mukha kang bruha," walang emosyon at hintuang sabi ni Minda saka sinipsip muli ang lollipop. Nakabuo pa iyon ng isang 'di kaaya-ayang tunog na pumasok sa aking tainga. Bahagya akong ngumiwi.
"Heto, suklay." Inabot niya sa akin ang isang kulay pink na suklay at malugod ko rin iyong tinanggap. Lumabas na rin siya rito sa van habang inaayos ko ang aking sarili.
Matapos ang aking pag-aayos, bumaba na rin ako rito sa sasakyan at sinalo ko ang masaganang sikat ng araw. Napatingala pa ako at singkit kong tiningnan ang kulay asul na langit. May mga kaunting bahay rin ang matatagpuan dito at sa may 'di kalayuan ay ang taniman. Ang simoy naman ng paligid ay napakasariwa. Banayad din ang pag-agos ng hangin sa aking balat.
"Gising ka na rin," hapong-hapong saad ni Cris. Napitlag ako dahil bigla niyang ipinatong ang kaniyang palad sa aking balikat. Pawis na pawis siya at pinunasan iyon gamit ang isang kamay. "Natakot kaming gisingin ka kanina kasi baka magalit papa mong mayor na devil kung makaasta." Humahagilap pa siya ng hangin habang sinasabi iyon.
Bigla namang binatukan ni Minda ang kalbong ulo ni Cris. "Hoy!"
Agad na inalis ng lalaki ang nakapatong niyang palad sa aking balikat. "Samahan mo si Kaira do'n sa may sari-sari store na nakita natin kanina. Malapit lang 'yon. Nando'n na raw si Nur."
Namilog ang aking mga mata at hindi na napigilang makabuo ng isang ngiti. Nakuyom ko ang aking mga palad dahil sa pagkasabik. Nagtalunan naman ang mga pulso ko sa iba't ibang bahagi ng aking katawan.
"Ako na lang ang sasama kay Kaira," pagpresenta ko. Hindi ko na rin makontrol ang aking bibig sa paglabas ng mga salita.
"Oo, siya na lang Minda. I need to rest. Kakatapos lang namin ni Ronald magbuhat. Please?" Ipinagdaop ni Cris ang kaniyang kamay at kumurap-kurap na parang isang tuta sa harap ni Minda. Pinagtaasan lamang ni Minda ng kilay si Cris.
Napahagikhik ako sa mga ikinikilos ng dalawa.
"Anong tapos ka na?" pataray at bulalas ni Minda.
Itinuro pa ni Minda ang naglalakad na si Ronald na may dala-dalang kahon papasok ng gusali. "Hindi pa tapos si Ronald magbuhat. Tulungan mo ulit siya mamaya. H'wag ka na magreklamo. Samahan mo na si Kaira! Tapos bumalik ka rin dito! Bilis!"
"Opo, ma'am!"
Tumayo ng tuwid si Cris at sumaludo. Pagkatapos ay kumairpas naman siya ng takbo.
Humarap si Minda sa akin at hinila ang stick ng lollipop mula sa kaniyang bibig. Napabuga pa siya ng hangin.
Tumama ang mata ko sa stick ng kaniyang lollipop na tanging "stick" na lang talaga iyon.
"Mas kailangan ka rito sa orphanage, Care. This is your first-time volunteering with us kaya you need to be familiarized sa lahat-lahat. Halika, I will introduce you to the staff. Mababait sila."
Itinapon muna ni Minda sa may pinakamalapit na basurahan ang stick ng kaniyang lollipop at saka ako iginiya papunta kay Tim na nakikipag-usap sa mga staff ng orphanage. Ipinakilala ako ni Tim sa babaeng may puting buhok bilang bagong miyembro ng organisasyon. Siya pala si Ma'am Silvia, ang Directess ng The Great Palayan House.
Idinagdag din ni Tim ang isa sa impormasyong nagpasinghap sa ilang mga staff na na naririto-ang koneksyon ko sa mayor ng La Cota bilang anak nito.
* * * * *
"Ito na ang mga bata," sabi ni Ma'am Silvia.
Dinala niya kami rito sa isang malaking palaruan sa loob ng bahay-ampunan. Nagtatakbuhan ang ibang bata, naglalaro sa swing, nagpapadulas at may mga kumakain ng tsitsirya. Nabalot ng yabag at tawanan ang buong paligid na nagmula sa mga bata kaya tila binuhay niyon ang bata kong espiritu. Umabot sa tainga ang aking labi habang pinapanood sila. Pero nawaglit din ang ngiting iyon nang saglit kong napagtanto na, wala pala silang mga magulang upang bigyan sila ng lubos na kasiyahan. Tanging ang mga namamahala at ang kapwa nila mga bata ang naging sandigan nila.
Tinawag naman ng isang staff ng orphanage ang mga bata kaya lahat ay lumapit sa amin. Ipinakilala ni Tim ang grupo namin at dumiretso kami sa isang maliit na entablado na matatagpuan din dito sa palaruan. Iniwan na rin kami ni Ma'am Silvia at ng mga kasamahan niya.
Ipinaliwanag naman ni Tim ang magiging agenda para sa gift giving ngayong araw. Magkakaroon ng palaro, kainan at ang mismong pamimigay ng mga regalo. Tuwang-tuwa naman ang mga bata sa aming harapan. Naghihiyawan sila dahil sa kagalakan.
Pero bago magsimula ang munting programa, dumating sa eksena si Cris, Kaira, Nur at isang babaeng nakahijab na kulay itim.
Maputi ang kaniyang balat na tila nagpadagdag sa liwanag at saya rito sa palaruan. Lumulutang ang kaniyang kagandahan at sa kaniya lamang lumalapat ang aking paningin.
Sino siya?
At... bakit niya kasama si Nur?
Nagsibabaan sina Tim mula rito sa maliit na entablado at nilapitan si Nur kasama ang dalawang officers at iyong babae Marahan akong lumapit dahil tila may kakaiba akong nadama sa hangin. Pinagmasdan ko ang hitsura ng babae. Palinga-linga lamang siya sa paligid at walang mababakas na emosyon sa kaniyang mukha.
Nailipat ko naman ang tingin ko kina Nur at nag-group hug ang buong barkada. Hindi na ako sumama dahil hindi pa naman ako officially belong sa kanilang barkada. May saya na umakyat mula sa aking puso at binalot niyon ang buo kong katawan. Narinig ko ang tawanan mula sa kanilang yakapan. Bigla namang tumama ang mga mata ni Nur sa akin kaya dumikit sa lupa ang aking mga sapatos.
Tila may nagluluto sa aking tabi at nadama ko ang pag-init ng aking pisngi.
Kumalas sa group hug si Nur at namilog ang aking mga mata nang bigla siyang naglakad papalapit sa aking puwesto. Nagsimulang manginig sa kaba at saya ang mga daliri ko at ang paglabas ng aking ngiti ay hindi na maitago. Natatanaw ko rin sa aking paningin ang officers na todo ngiti at malisyoso akong tinitapunan ng mata. Sa kabilang banda naman ay ang walang emosyong babaeng kasama ni Nur.
"Kumusta ka na? Pasensya na hindi tayo nagkausap kahapon," banayad niyang sabi nang humito na siya sa aking harapan. Napatingala pa ako sa moreno niyang mukhang may nakapintang isang tipid na ngiti. Itinaas pa niya ang kaniyang dalawang makakapal na kilay. "You look . . . nice today," mahina niyang komento at biglang tumungo habang nagkakamot ng batok.
Nakagat ko ang aking labi at gustong magpapadyak kaso hindi ko maiangat ang aking mga paa. Isang estatwa lamang ako rito sa aking puwesto.
"Uhm . . ." Umatras ng ilang hakbang si Nur at inihayag niya ang kaniyang mga kamay sa puwesto ng kasama niyang babae. "Guys-" nagpalipat-lipat ang kaniyang tingin, "-this is my soon to be wife. Meet Omerah."
Huminto ang pag-ikot ng mundo at tila saglit kong 'di nadama ang daloy ng hangin. Gúlat ang naging timbang ng paligid at mahihinang singhap sa aking tainga'y tumawid.
Doon lamang natanggal ang pagkakadikit ng aking paa sa lupa dahil bahagya akong napaatras. Sabi ko na nga ba, may kakaiba na akong naramdaman kanina.
Nalaglag ang aking balikat at tila gustong bumigay ng aking tuhod. Nawala ang ngiti sa aking labi at umawang lamang ito.
* * * * *
Mabilis natapos ang gift giving. Halos 'di ko na rin namalayan ang takbo ng oras dahil sa unexpected announcemet ni Nur. Iyon lang ang bukod tanging bumibisita sa aking isipan. Napagsabihan pa ako ni Minda kanina na ayusin ko raw ang aking sarili kundi isasaksak niya ang kaniyang lollipop na nasa bibig niya sa bibig ko. Doon lamang ako saglit na natauhan.
Tila nawalan ako ng gana makilahok sa programa ngayong araw. Naging kulay abo ang aking paligid at nabingi ako sa tawanan ng mga tao. Pero bakit?
Bakit ba ko masyadong affected?
Napasabunot na lamang ako sa aking sariling buhok habang nakasandal dito sa upuang nasa dulo ng van. Napalingon pa sa akin si Minda habang nakataas ang kaniyang kilay.
Tinakpan ko na lamang ng palad ang aking mukha.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top