Chapter 18

CHAPTER 18

The Other Woman

* * * * *

Nur Ali Ibrahim

Tatlong araw na ang lumipas simula noong bumalik ako rito sa Maculay. Mabilis din naman akong nakapag-adjust sa paligid dahil na-miss ko rin ang simpleng pamumuhay rito-ang buhay probinsya na malasiyudad.

May kalakihan din ang aming bahay at may sarili kaming lupa rito. Ngunit dahil na rin sa pagdaan ng ilang pagsubok sa buhay namin, isa-isa itong nawawala. Ang van naming hindi man lang napaayos dahil kukulangin kami sa pera ay minabuti na lang na maging gan'on na iyon. Ang pagmamay-ari naming lupa ay hindi na sa amin ngayon. Nalulungkot lang ako dahil katabi lang ng aming bahay ang lupang iyon. Sakahan na ito ngayon at isa si Abi sa mga magsasaka roon.

Ngayon ay Biyernes kaya araw ng pagsimba ng mga Muslim. Narito kami sa isa sa pinakamagandang masjid na matatagpuan sa buong Maculay-ang Masjid Maculay. Kulay asul, puti at ginto ang pintura nito. Napakaaliwalas at napakalawak ng buong masjid. Ang dami ring tao at kita ko sa kani-kanilang mukha ang ang mga ngiting tila kumikinang sa tuwing tumatama ang sinag ng araw. Napagaan nito ang mabigat kong kalooban.

Hiwalay ang lalaki at babae kaya kami ni Abi ang magkasama at si Umi naman at ang kapatid kong si Aliya ang magkasama. Umupo na kami sa sahig na nilapatan ng asul na carpet at nagsimulang makinig sa sermon ng Imam. Maraming taimtim na nakikinig sa sermon ng Imam na nakapuwesto sa pinakaunahan at nakatayo sa isang maliit na entablado.

Nang matapos ang buong sermon ay nagsimula na ang pagsasambayang. Mabilis din itong natapos kaya nakipagkamay na rin ako sa mga ilang taong nandirito. Bigla na lang may tumapik sa braso ko habang nakikipagkamay sa ilang sumimba. Nilingon ko ang taong iyon at may malaking ngiti ang naipinta sa kaniyang mukha.

"Assalamu alaikum, Nur," bati niya at nakipagkamay sa akin saka itinapat sa kaniyang dibdib ang kaniyang kamay.

Napangiti rin ako dahil ito pala ang kababata kong si Faisal. Mas matangkad na siya sa akin ngayon.

"Uy, kumusta?" masigla kong tanong.

"Okay lang ako. Ikaw... kumusta sa La Cota?" Unti-unting naglalaho ang ngiti sa mukha niya pero ako naman ang nagbigay ng malaking ngiti para mapaalam sa kaniya na ayos lang naman.

"Okay lang din," tipid kong sagot.

"Wala ka namang naranasan na... masama doon?"

"Wala. Wala, Faisal," sabi ko habang iniiling-iling ang ulo at winawagayway ang kamay.

Napatango na lang siya. "Welcome back dito sa Maculay!" Sumilay muli ang masigla niyang anyo at binuksan ang kaniyang mga braso saka niya ako niyakap. Tinapik-tapik pa niya ang aking likuran. "Na-miss kita. Ang tagal na nating 'di nag-uusap. Simula noong nag-college ka sa La Cota, wala na tayong contact."

"Naging busy lang, Faisal."

Kumawala na siya sa pagkakayakap at hinawakan ang aking magkabilang balikat. "Kain tayo sa labas. Libre ko. Sino ba kasama mo rito?"

Saktong dumating si Abi kaya sinabi ko kay Faisal na kasama ko siya.

"Magandang tanghali po, salam," bati ni Faisal.

"O, Faisal, ikaw pala. Ang tagal na rin nating 'di nagkita."

"Ah, opo, e," nakangiwing sagot ni Faisal habang nagkakamot ng batok. "Wala na rin po kasi si Nur noon kaya hindi na po ako nagpapakita sa inyo."

"Ah, gano'n ba?" tangong-wika ni Abi. "O siya, lalabas ba kayo ngayon? Sigurado akong na-miss n'yo ang isa't isa."

"Opo, lilibre ko po siya."

Sa akin naman bumaling ang tingin ni Abi. "Umuwi ka rin, anak."

Natawa ako sa maikli pero nag-aalalang sinabi ni Abi. "Malaki na ako. Kaya ko na sarili ko."

Umuwi na si Abi at pumunta naman kami ni Faisal sa isang karenderya malapit dito sa masjid. Sa tuwing naglalakad kami, hindi ko talaga maiwasan na tumingin sa kaniya dahil ang laki na rin nang ipinagbago niya.

"Uy, Nur, baka matunaw ako, ah!" biro niya.

"Ang tangkad mo na kasi!" Tinapat ko pa ang kamay ko sa tuktok ng ulo niya. "Dati mas matangkad ako sa 'yo."

"Matangkad na ako pero mas pogi ka naman na!" banat pa niya. "Cute-cute mo!" Huminto kami sa paglalakad at kinurot niya ang pisngi ko. Napangiwi ako sa ginawa niya pero naglabas din ng isang malakas na halakhak.

Ganito talaga kapilyo si Faisal. Kahit noon pa, lagi na niya akong pinagti-tripan. Kung anong klaseng trip na ang nagawa niya sa akin tulad ng paglalagay ng bato sa bag, pagtatago ng cellphone ko, pagdo-drawing ng uling sa mukha ko at marami pang iba. Kapatid na rin ang tingin ko sa kaniya.

* * * * *

Umuwi na ako sa bahay at nagulat ako nang may isang itim na kotse ang nakaparada sa labas. Hindi pamilyar ang kotse na iyon kaya baka may bisita sina Umi at Abi.

"Assalamu alaikum," bati ko nang makapasok na ako sa loob. Tila naestatwa naman ako nang makita kong may mga bisita nga sila, pero hindi isang ordinaryong bisita. Narito na si Omerah-ang babaeng ka-arrange marriage ko.

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa pamilya ko at sa pamilya ni Omerah. Nakaupo sila ngayon dito sa sala. Katatapos lang din siguro nila magsambayang dahil naka-abaya pa si Omerah, ang mama niya at ang isang babaeng kasama pa niya at naka-kimon naman ang papa niya.

"O, nandito na pala ang anak ko." Biglang tumayo si Abi at lumapit sa akin. Inakbayan niya ako at doon lang nawala ang paninigas ng katawan ko. Naging mabigat ang paghinga ko at nanlalaki ang mga mata ko sa buong pangyayari.

"Alaykumu salam," bati ng papa ni Omerah. Tumayo na rin siya sa kinauupuan niya at lumapit sa akin. Inilahad niya ang kaniyang kamay kaya nakipagkamay na ako sa kaniya. Bahagyang namawis ang mga palad ko kaya agad ko rin itong ibinulsa sa aking suot na puting kimon. Huminga ako nang malalim at ibinilog ang aking labi para mailabas ang kabang-hininga kong ito. Napalunok pa ako.

"Umupo ka na anak," aya ni Umi kaya sumunod na rin ako.

Katabi ko si Umi at si Abi. Nasa isang sofa naman ang kapatid kong si Aliya at katapat namin ang pamilya ni Omerah. Nakapatong ang dalawang palad ko sa aking hita at kanina pa ito hindi mapakali. Para akong nagpa-piano kahit wala naman talagang piano. Nakagat ko na lang ang labi ko at nailipat ang tingin sa kapatid ko na sinesenyasan na kumalma ako. Bahagyang nanlilisik ang kaniyang mata at may binubulong sa akin pero 'di ko marinig. Pero batay sa galaw ng kaniyang labi, parang sinasabi niyang, "'Wag kang magpahalatang kabado!"

Napahilamos pa siya ng mukha gamit ang palad dahil halatang-halata ang pagkabalisa ko. Naramdaman ko rin ang mahinang pagtapik ng isang palad sa likod ko at si Umi pala ang gumagawa niyon. Huminga ako nang malalim saka ibinalik ang tingin sa pamilya ni Omerah.

"Nandito lang kami para i-settle na 'yong kasal nilang dalawa," biglang sabi ng papa ni Omerah. "Kailan ba ninyo balak?"

"Ano bang buwan ngayon?" tanong naman naman ng papa ko saka tumingin sa nakasabit na kalendaryo rito sa sala. "Ah, Setyembre."

"Maganda ba kapag sa December?" suhestyon naman ng mama ni Omerah. Maputi ang kaniyang ina na kahit madilim, makikita pa rin ang kaniyang anyo.

"Masyadong matagal," angal ng papa ni Omerah.

"Sa palagay ko, okay na ang Disyembre," sagot ni Umi. "Sapat na ang apat na buwan."

"Payag din ako sa Disyembre," sinegundahan naman ni Abi.

Tumango-tango na lang ako at biglang tumama ang mata ko kay Omerah. Ang pantay niyang kilay, mata, ilong at bibig ang sumalubong sa kinakabahan kong mata. Napakadalisay niyang tingnan at ang manipis at mapula niyang labi ay kumurba. Bahagya siyang ngumiti sa akin pero wala akong kakaibang naramdaman. Bigla na lang lumiwanag ang paligid at napalitan ng mukha ni Care ang mukha ni Omerah.

Nakangiti ngayon sa akin si Care habang pilyang nilalaro ang kaniyang hanggang sikong tuwid na buhok. Tumatawa. Nagpapa-cute. Ngumunguso.

Agad kong ipinikit ang aking mga mata at mabilis na iniling ang aking ulo. Bakit ba siya ang nasa isip ko? Bakit ayaw niyang umalis sa isip ko?

"Ayos ka lang, anak?" dinig kong tanong ni Umi at hinaplos niya ang likod ko.

Saka ko lang naimulat ang aking mga mata at tumapat sa kaniya, "Opo, Umi." Huminga ako nang malalim at ikinuyom ang mga palad. "Lalabas muna ako para magpahangin. Okay lang po ba? Kailangan ko lang sigurong magpahangin," diretso kong sabi sa kanila saka tumayo mula sa kinauupuan.

Bahagya akong yumuko sa harap ng pamilya ni Omerah. Nakita ko sa mukha ng mga magulang niya at sa isa pang babaeng kasama niya ang pagtataka. Nakakunot ang kani-kanilang noo lalo na ang kaniyang papa.

Nang maidikit ko naman ang aking tingin kay Omerah, walang reaksyon ang kaniyang mukha.

Maayos akong naglakad paalis ng sala. Narinig ko pa ang sinabi ni Umi at ni Abi habang naglalakad ako.

"Pagpasensyahan n'yo na ang anak ko. Kauuwi niya lang din kasi galing sa La Cota City. Stress lang siguro ang bata."

"Oo, tayo-tayo na lang muna mag-usap."

Mabibigat ang paghinga ko sa bawat paglapat ng paa ko sa de-tiles na sahig. Nang makalabas na ako, agad kong sinuot ang tsinelas ko at sinalubong ako ng preskong hangin ng Maculay. Luntian ang paligid at ang sinag ng araw ay lumulusot sa bawat sanga ng puno. Parang may mga spotlight sa hubad na lupa. Napatingin din ako sa kabilang parte ng lugar ng ito at natanaw ang lupang pagmamay-ari namin noon. May mga baka akong nakikitang namamahinga sa may silong ng puno.

Ipinamulsa ko na lang ang palad ko sa suot kong puting kimon at pinuntahan ang pinakamalapit na puno ng narra. Habang naglalakad ay pinagmamasdan ko ang luntiang paligid na hindi makikita sa lungsod ng La Cota. May mga paruparong malayang lumilipad, may mga huni ng ibong nagbigay panatag sa aking katauhan at ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat ay nagbigay ng kapayapaan.

Nang makarating ako sa puno, sumandal ako rito at nadama ang kulubot at matigas na katawan ng puno. Tumingala ako sa mga dahong isinasayaw ng hangin at ipinikit ang aking mga mata.

Hindi pa ako handa para pakasalan si Omerah.

Hindi ako handa.

Dahil... tila may nararamdaman na ako para kay Care.

Hindi ko alam pero nalilito ako sa damdamin ko.

Hindi pa natapos ang pagmumunimuni ko nang may narinig akong tumawag sa akin. Naidilat ko ang aking dalawang mata at hinanap ang boses.

"Nur!" sigaw ng boses na pamilyar sa akin.

Maya-maya, may dalawang taong bumungad sa nangungulila kong mga mata. Tila tinaklob ako ng isang mainit at masarap na kumot nang makita ko kung sino 'yon. Ngumiti ang aking mata gano'n na rin ang aking labi.

Si Tim na nakasuot ng fitted white t-shirt kaya halatang-halata ang medyo batak niyang pangangatawan at nakasuot pa siya ng black pants kaya lumutang ang angking kaguwapuhan niya. At... ang babaeng kasama niya ay nagpatayo sa aking balahibo dahil tila isa siyang bituing nagniningning sa gitna ng kalupaan. Ang pagduyan ng kaniyang itim na hijab ay mas lalong nagpatingkad sa kaniyang kagandahan.

Nagalak ang puso ko nang makita ko siya.

Ang babaeng nagbibigay liwanag sa aking madilim na daan.

Care Billones. I am delighted to see you again.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top