Chapter 13
CHAPTER 13
Back To The Dorm
* * * * *
Care Billones
Natapos na ang Sunday Mass at naglalagi pa kami rito ni Papa sa labas ng simabahan. Sandamukal din na tao ang nag-aabang sa kaniya, karamihan mga supporter niya at ang ilan ay mga reporter. Nakikipagkamay pa siya sa mga tao at tinatanggap ang bawat panayam mula sa mga reporter. Lahat ng tanong ay patungkol sa mga batas na ginagawa niya rito sa loob ng La Cota City.
Dahil sa kasabikan ng mga reporter sa pag-i-interview kay Papa, naiipit na rin ako rito sa gitna. Nakangiwi ako at ang mainit na hangin ay dumadaloy sa aking balat. Medyo sumisikip na at hindi ako masyadong makahinga. May mga butil na rin ng pawis ang sumilip sa aking noo.
May humila naman sa aking kamay at nagpatangay na lamang ako roon. Para akong nakikipagbanggan sa libo-libong matitigas na unan.
At sa wakas, niyakap muli ako ng preskong hangin at huminga nang malalim. Pinunasan ko pa gamit ng aking palad ang pawis sa noo ko.
"Ma'am masyadong maraming tao ro'n," sabi ni Yaya Buning. Siya pala ang naghila sa akin.
Kinapa-kapa ko pa ang aking dibdib. "Salamat, Yaya. Muntik na akong 'di makahinga."
"Pumasok na lang po muna tayo sa kotse at doon na lang po natin hintayin ang papa mo."
Tumango na lang ako.
Mabuti na lang ay walang nagra-rally rito sa labas ng simbahan. Mabuti na lang din ay may respeto ang mga tao rito sa loob ng La Cota-maliban na lang sa iba.
Kotse ni Papa ang gamit namin ngayon kaya hindi rin si Kuya Ben ang driver nito. Pagpasok namin sa loob, binati agad kami ni Kuya Jam. Mas bata siya kay Kuya Ben. No'ng nabasa ko 'yong application niya para maging driver ni Papa, nagulat ako sa edad niya dahil mas matanda lang siya sa akin ng limang taon. He's twenty-five.
Umupo na ako sa likod ng kotse katabi si Yaya. Nakasilip lang ako sa labas habang pinapanood ang mga reporter at cameraman na buntot nang buntot kay Papa. Napansin ko rin 'yong mga supporter niya na todo ngiti. Hindi ko naman sila masisisi kung bakit nila binoto si Papa.
Maya-maya ay nakapasok na rin dito sa loob ng kotse si Papa. Ayaw niyang magpa-bodyguard kapag araw ng Linggo dahil simbahan lang ang habol namin at naniniwala siyang pinoprotektehan siya ng Diyos sa araw na ito.
"Where do you want to eat, Care?" bigla niyang tanong nang maisara niya ang pinto ng kotse. Ang mga mukha naman ng mga reporter ay nasa bintana at kinakatok-katok pa ito. Kulang na lang ay gumamit sila ng glue at ilapat ang kanilang labi sa bintana ng kotseng ito.
"Sa bahay na lang po," sagot ko.
"Jam, punta tayo sa restaurant na pinuntahan natin two days ago."
"Opo sir."
Rumolyo ang mga mata ko at napabuga na lang ako ng hangin. Tila nainis na rin ako sa mga reporter na nasa pagmumukha ko na dahil lapat na lapat na ang mga mic, camera at mukha nila sa bintana.
"Pa, sa bahay na lang po," bagot kong sabi habang isinasandal ang sarili sa upuan.
Pinaandar na ni Kuya Jam ang kotse. Nagbingi-bingihan na naman si Papa o sadyang 'di niya talaga narinig 'yon. Naramdaman ko naman na dumapo ang palad ni Yaya Buning sa braso ko kaya saglit kong inalis ang mata sa bintana at sa kaniya tumitig. Bahagya lang siyang ngumiti.
"Sir," biglang buka ng bibig ni Yaya. "Mukhang may sakit po si Ma'am. Kagagaling lang niya rin sa pilay niya."
Tinatapik-tapik naman ni Yaya ang braso ko na tila nagbibigay katiyakang makikinig si Papa sa kaniya.
Medyo magaling na rin ang paa ko. Hindi na rin ako iika-ika nang magising ako ngayon pero salamat pa rin kay Yaya dahil ginawa niyang palusot ang naging sitwasyon ko para makauwi kami. Kung makikinig nga ba talaga si Papa.
Napalingon si Papa mula sa front seat.
"Is she?" Tumitig siya sa akin. "Not feeling well?"
Huminga muna ako nang malalim bago ko siya sinagot nang mahinang, "Opo."
Sinenyasan niya si Kuya Jam na dumiretso na lang sa mansyon para doon kumain. Inutusan niya rin si Yaya Buning na i-message 'yong ibang kasambahay na maghanda ng pagkain para may makain kami kapag nakarating na sa mansyon.
* * * * *
Sa dining hall ang deretso naming ni Papa nang makauwi na kami. Hindi na sumama pa si Yaya Buning at kaming dalawa lang ni Papa ang nandito sa malawak na hapag. Nakaupo pa rin siya sa kabisera ng mahabang mesa at ako naman ay nasa kaniyang kaliwa.
Simpleng pagkain lang ang inihanda para sa amin: isang carbonara at teriyaki chicken. Kanina na rin kami nagsimula kumain ni Papa at walang lumabas na kung anong "ah" o "eh" mula sa kaniyang bibig. Awkwardness creeped in me. I am uncomfortable seating with my dad.
Nang natapos ko na ang pagkain, ipinatong ko na sa gilid ang tinidor na aking ginamit saka pinunasan ng table napkin ang aking labi. Iniatras ko na ang upuan at tumayo. Gusto ko nang umalis dito dahil nag-iiba na talaga ang pakiramdam ko kay Papa. Parang may mga langgam ang gumapang sa aking katawan na nagpadala ng kilabot. Nagsitayuan ang aking balahibo. Inihakbang ko na ang aking paa upang makalayo sa taong ito na hindi ko alam kung tao pa rin ba.
Parang hindi ko na siya kapamilya. Patay na ang pakikipag-usap naming kaya mas nararamdaman ko pa ang presensya ng mga kasambahay rito sa mansyon lalo na si Yaya Buning at Kuya Ben.
"Care," biglang pagtawag sa akin ni Papa. Palabas na ako ng dining hall na ito at nilingon ko ang kaniyang kinauupuan. Nakatalikod siya sa akin kaya ang katawan ng upuan at ang ulo niya lang ang tanging nakikita ko.
"I know you will not engage with me in a conversation. I did this kaya ka nagkakaganyan. Kaya, as your dad, I will give you the freedom you want. Maaari ka nang bumalik sa LCU with your friends," malamig pa rin ang pagkakasabi niya niyon pero tila may humipong kakaibang init sa aking puso. Though I wasn't feeling any love from him, he's still my dad and that's a fact.
"And, I am sorry for making a scene that night. I shouted at your friends. I am really sorry." Kahit nakatalikod siya ay ramdam ko pa rin ang taimtim ng mga salitang binibitawan niya.
Me too, Papa. I am really sorry for not being open to you.
Biglang may pumasok na dalawang kasambahay. Tumayo na si Papa at lumabas doon sa kabilang sulok ng dining hall na ito. Naging paisa-isa ang aking paghinga't bumibigat ito. Naitiklop ko ang aking labi at ang aking mata'y 'di muna ngumiti. Nangilid bigla ang mga luha ko. Para itong nasa bingit na banging takot malaglag sa aking pisngi. Itinungo ko na lamang ang aking ulo saka tinitigan ang makintab na sahig na gawa sa marmol. Nakikita ko rin ang repleksyon ko nang biglang tuluyan nang pumatak ang isang luha. Sumunod ay dalawa. Hanggang sa naging limang patak.
Napalunok ako nang laway bago umalis dito sa dining hall. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ni Papa ngayon pero parang naawa ako sa kaniya.
Ako. Ako mismong anak niya ang pinagkakaitan siya ng pag-ibig, ang pagmamahal ng isang anak.
Paakyat na ako sa second floor habang pinupunasan ang aking pisngi nang makasalubong ko si Yaya Buning.
"Oh, Ma'am, umiiyak ka?" malambing niyang turan at agad siyang lumapit sa akin. Inaalo niya ako at ikinawit niya ang kaniyang bisig sa aking baywang. "Halika na. Akyat na tayo sa kwarto mo, Ma'am."
Hinahaplos niya rin ang aking likod para mapagaan ang aking loob. Hindi na rin siya nagtanong pa kung bakit ako nagtatangis.
Salamat Yaya dahil nandito ka.
* * * * *
Naimulat ko na lang ang mga pagod kong mata ko at sinalubong n'on ang book shelf na nasa gilid ng aking kama. Narinig ko ring tumunog ang cellphone ko kaya sa iniba ko ang posisyon ng pagkakahiga ko at humarap sa may side table ng kama.
Nakatulog pala ako dahil sa pagtangis ko kanina. Pakiramdam ko, namumugto ang aking mga mata dahil hindi ko masiyadong maimulat ito.
Nang mabuksan ko ang cellphone, alas singko y media na ng hapon. May notification din ako mula sa school at mga PM mula kay Jen.
Una ko munang binuksan ang e-mail mula sa school administration.
Good day student,
You will no longer attend your online classes. Starting tomorrow, you may now resume your regular classes on campus. In addition, please communicate with your professors regarding your missed activities since online exercises are different from regular ones.
Thank you!
Nagtagpo ang aking kilay habang naningkit ang mga mata. Sino naman ang gumawa nito? Pero bahagya ring umangat ang dulo ng aking labi dahil makababalik na muli ako sa LCU.
Sunod kong binuksan ang PM ni Jen.
Jen:
Hoy ano 'to? We received
a letter from LCU Dorm
Village Administration na
titira ka raw rito.
Namilog ang mga mata ko at napa-"what?" na lang nang maproseso ko 'yong sinabi niya.
You:
Sa'n nanggaling 'yan?"
Jen:
Admin. Nagulat na
lang kami ni Yarsi na
may pag ganito na.
Biglang may umilaw na bumbilya sa aking utak at nag-replay ang buong kaganapang nangyari kanina sa dining hall. Si Papa kaya ang may gawa nito? He withdrew me from my online classes and he wanted me to be with my friends and lived with them. Hindi ko alam. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.
Pero may bugsong gustong tumakas sa aking kalooban at nagbunga iyon ng isang patak ng luha. Umagos paibaba ang mainit na tubig sa aking bagong gising na pisngi. Nagsimula na rin akong suminghot.
Mahal ako ni Papa kahit hindi niya naipapakita iyon sa akin. Pero sana, mahalin niya rin ang mga taong nasa loob ng kinasasakupan niya. Siya ang ama ng La Cota City ngayon kaya dapat gampanan niya ang kaniyang pagiging ama. At, iyon ang tanging hinihiling ko.
* * * * *
Hindi ko alam kung ngayong gabi ba ako makikitulog at lilipat sa dorm nina Jen dahil wala na akong nakuhang balita bukod do'n. Agad akong pumunta sa opisina ni Papa rito sa loob ng mansyon.
Tuwing Linggo, nagta-trabaho pa rin siya bilang mayor ng siyudad. Hindi siya pumapasok sa city hall tuwing Sabado at Linggo kaya rito siya sa mansyon nagta-trabaho. Matagal nang may opisina rito sa loob dahil na rin sa mga businesses ni papa noon.
Nasa harap na ako ng pinto ng opisina niya at tatlong beses na kumatok bago ko pinihit ang knob ng pinto. Mag-a-alas sais na at nakatapat pa rin siya kaniyang computer. Maliit lang na kwarto ito. Sakto lang para sa mga gamit ni Papa.
"Pa?" tanong ko nang tuluyan nang makapasok sa loob.
"Hmm?" iyon lang ang sagot niya habang nakatutok sa harap ng computer.
"I just want to talk."
"Go ahead, Care."
Umupo ako sa isa sa mga upuang nakaharap sa kaniyang mesa. Hindi pa rin niya ako tinititigan kaya hinayaan ko na lang iyon. Baka abala rin talaga siya.
"About my online classes."
"Yes, I pulled you out from your online classes. You're healed now."
Tumango na lang ako. "And 'yong sa dorm."
"I communicated with your school. Puwede ka na ro'n muna. You may start packing now and sleep there if you want."
"Pa, I am really sorry-"
Tinanggal niya ang kaniyang salamin at humarap sa akin. Inialis niya rin ang kaniyang mga daliri sa keyboard at ipinagsalikop ang mga 'yon habang nakapatong sa mesa. Ang kaniyang mga mata'y nangungusap kaya roon lamang ako napatitig.
"You don't need to say sorry, Care. Wala ka namang ginawang mali. I want you to be free." Bahagya siyang ngumisi at itinango ang ulo.
"T-Thank you po, Papa."
"O siya, may trabaho pa ako, Care. Magpatulong ka na lang kay Yaya Buning at Kuya Ben kung gusto mong magligpit ngayon. Puwede ka pa rin namang bumalik dito para makipag-bonding sa mga kasambahay." Pagkatapos niyang sabhin 'yon ay isinuot niya na muli ang kaniyang salamin at lumapat muli ang kaniyang daliri sa keyboard para magtipa.
Gusto ko siyang yakapin para sabihing maraming salamat. Pero hindi ko rin kayang gawin dahil matagal-tagal ko nang hindi nayayakap si Papa at hindi ako sanay. Itinungo ko na lang ang ulo ko at nagpaalam na sa kaniya bago nilisan ang silid.
* * * * *
Natapos na rin ang pagliligpit namin nina Jen at Yarsi rito sa loob ng unit nila. Kanina pa ako naihatid nina Yaya Buning at Kuya Ben. Tulad noong nakaraan, sa kwarto ako ni Jen matutulog at sa sala naman siya dahil mas prefer niya roon dahil maaga siyang nagigising. Nagpasalamat na lang ako sa kaniya.
Pagsapit ng alas nwebe ng gabi, pumunta kaming Snak Hauz para mag-dinner. Hindi pa kami nakakakain dahil abala kami sa pagliligpit at pag-aayos ng gamit ko.
Napuno ng tawanan, ngiti, at kulay ang naganap kanina dahil makakasama ko na sila at matututo na rin ako paano maging isang independent young lady. I always admired them. At ngayon, kabilang na rin ako sa kanila.
Pagbaba namin sa monorail, agad na kaming pumasok sa loob ng Snak Hauz. Bukas ang Snak Hauz hanggang alas dose ng hatinggabi pero ang bar sa itaas ay hanggang alas singko ng umaga.
Kaunti na lang din ang tao rito at halos lahat ay nakapantulog na. May mga nakikita rin akong mangilan-ngilang estudyanteng gumagawa ng mga group projects nila.
Sinuhestyon kong sa Woods Area na lang ulit kami kaso medyo inaantok na rin daw si Yarsi kaya dumito na lang kami sa ordinary cafeteria.
Bumili muna kami ng makakain namin sa counter. Nagkaniya-kaniya na kami ngayon. I bought sinigang and one cup of rice. Tsitsirya naman ang kay Yarsi at dalawang slice ng pizza ang kay Jen. Ako lang ang nagkanin.
Papunta na kami sa uupuan namin nang madaanan namin si Nur na nakikipag-usap sa isang babaeng kilalang-kilala ko. Nagkatitigan kami ni Nur at itinaas niya ang kaniyang kilay saka biglang ngumiti. Nakasuot lang siya ng white t-shirt at isang itim na pants-pambahay na pambahay. Naestatwa naman ako nang saglit dahil sa ginawa niya. Naramdaman ko na lang na uminit ang aking pisngi at tila nahiya. Mabilis kong itinungo at ginalaw ang ulo para maharangan ng buhok ko ang mukha ko.
"Uy, Nur!" narinig ko na lang na bati ni Jen.
"Dito rin kayo?" tanong ni Nur.
"Yeah, Care just moved in."
"Really?"
Narinig ko na lang na parang ginagalaw nila ang mga upuan. Dinig na dinig ko ang pagkiskis ng paang metal ng mga upuan sa sahig. Uupo ba sila? Makikisama ba sila? Eh, kasama ni Nur si ...
"Kelsey?" narinig kong tanong ni Yarsi.
"Yeah. I'm just talking with Nur. Patapos na rin kami mag-usap. And, I'm not here to make sabunot again kay Care. Ipinaliwanag ni Nur ang lahat tungkol kay Care Billones," litanya ni Kelsey sa pinakadisenteng boses.
"Please join us," anyaya ni Nur. Wala na rin akong magawa kundi umupo. Kinakabahan ako na masaya. Halu-halo! Nanginginig pa ang kamay ko habang hawak-hawak ang tray na ito.
Paulit-ulit akong huminga nang malalim.
Kalma lang Care. Sina Jen, Yarsi, Kelsey at Nur lang 'yan!
Ayun na nga, eh. Tuwing nandyan si Nur, aligaga ang buong kalamnan ko sa hindi malamang dahilan!
Inilapag ko na ang tray sa mesa at tumabi kay Jen. Nakatungo pa rin ang ulo ko at ipinikit ang mga mata.
"Hoy." Kinalabit pa ako ni Jen sa balikat, "'Yong sabaw mo, nakasawsaw buhok mo!"
Naimulat ko ang mga mata ko at napasinghap. Mabilis kong inangat ang buhok ko at tumilamsik ang ilang sabaw sa katapat kong tao. Nangasim at naipikit niya ang kaniyang mata dahil may talsik ng sabaw sa kaniyang mukha. Basa na rin ang dulo ng buhok ko.
"Oops," mahinang sabi ni Jen sa tabi ko.
Napahilamos na lang siya ng mukha at ngumiti lang sa harap ko.
"Ayos lang," sabi ni Nur at may kumawalang maliit na bungisngis sa kaniyang labi.
Bumilis ang tibok ng puso ko. Parang gusto ko lang ding paalisin ang lahat ng tao rito sa paligid para kaming dalawa lang ni Nur ang nandirito't magkaharap. Iniling-iling ko naman ang ulop ko at madiin na ipinikit ang mata. Parang kaunti na lang, mapipiga na ang eye ball kong ito.
Makalipas din ang ilang saglit, naibalik ko sa dati ang normal na takbo ng bawat pulso ko. Nawalan na rin ako ng gana kumain dahil nasawsaw na sa sabaw ang buhok ko. Nangamoy sinigang na rin ito.
Kaya pala nandirito si Nur at Kelsey dahil iniimbitahan ni Kelsey na sumali si Nur para sa protesta bukas. May balak gawing rally sa tapat ng city hall kasama ang ilang student organizations dito sa LCU.
"I am hoping that it would be a peaceful protest," komento ni Jen habang isinandal ang likod sa upuan habang nakahalukipkip.
"We are hoping, too," sagot ni Kelsey. "Hindi magkakaroon ng violence bukas sa end ng mga student. I just don't know lang what will happen sa side naman ng city government." Marahan namang ipinihit ni Kelsey ang kaniyang ulo para tumingin sa akin. "And, Care, I am really sorry for what I did to you. Bugso lang 'yon ng damdamin. I hope your dad's way of running the city will change."
Dama ko ang sinseridad sa bawat salitang inilalabas ni Kelsey sa bibig niya. Napatango na lang ako at napasulyap sa taong kaharap ko na si Nur. Bahagya lang siyang ngumiti sa harap ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top