Kabanata 6
THE SUN, THE stars, the moon, and the clouds.
They're all the same. Kahit anong gawin kong paghanga sa kanila ay hanggang doon lang ang kaya kong gawin sa huli. Ang hirap abutin ng ibang mga bagay at minsan, mapagtanto ko na lang, bakit ko nga ba inaabot ang mga bagay na kay hirap abutin? Bakit nagpapakahirap ako, kung pwede ko namang itigil at tanawin na lamang ito sa malayo.
Minsan naiisip ko na, siguro kailangan ko ang kanyang atensyon? Dahil sa sobrang paghanga ko sa kanya ay walang ibang ninanais ang puso't isipan ko kung hindi siya lang.
Umabot na rin ako sa punto na napatanong ako sa aking sarili kung, totoo ba talaga ang pagmamahal ko para kay Evonne?
Nasaktan ako, sobra.
Tama. Totoong pagmamahal ang naramdaman ko para sa kanya. Hindi naman ako makaramdaman ng sakit kung hindi totoo itong naramdaman ko para sa kanya, 'di ba?
"Okay ka na ba?" Nakatayo sa aking harapan si Aldrid. May dala siyang canned beer na binili namin bago dumiretso sa tabing dagat na malapit lamang sa tinutuluyan niyang condo.
"Kailangan ko bang sagutin ang tanong na 'yan?" Sarkastiko kong tanong pabalik sa kanya.
Inabot niya sa akin ang isang canned beer na siyang tinanggap ko kaagad. "Sabihin nating, okay ka na. Nakalimutan mo na si Evonne at nakapag-move on ka na sa kanya."
"At bakit naman?"
"Ang panget mo kapag umiyak, alam mo ba 'yon?"
Inirapan ko si Aldrid bago sinimulang inumin ang canned beer. Ewan ko na lang sa loko na 'to.
Pinatay ko ang aking cellphone na kanina pa nagri-ring. Tama. Nagiging duwag ako ngayon. Dahil imbes na harapin ko ang problemang kinakaharap ko ngayon ay tinakbuhan ko ito.
Sawang-sawa na akong mabuhay sa mundong ito. Palagi na lang akong umiiyak at nasasaktan sa huli.
Worth it ba talaga lahat?
"Bakit ipinagkait sa akin ng tadhana na maging masaya? Kahit isang araw lang," tumingala ako upang tanawin ang mga nagniningning na mga bituin sa kalangitan.
"Baka hindi si Evonne ang taong magpapasaya sa 'yo?"
Nakita ko sa aking peripheral vision ang paglingon ni Aldrid sa aking gawi. Umiling ako at ngumiti nang mapakla sa kawalan.
Itinaas ko sa ere ang isa kong kamay. Pilit kong inabot ang mga bituing nakikita ko sa kalangitan, kahit imposible itong maabot. Minsan, wala namang masama kung susubukan ko ang mga bagay na hindi pa nasusubukan ng iba, 'di ba?
Katulad na lamang nitong ginawa ko—ang katangahang nauwi sa hiwalayan.
Ipinikit ko ang aking mga mata nang humampas sa aking mukha ang malamig na hangin. Unti-unti kong binawi ang aking kamay na may ngiti sa aking labi.
"Ang tagal kong nagising sa katotohanan, 'di ba?" Nilingon ko ang gawi ni Aldrid at dahan-dahang binuksan ang aking mga mata. "Ang tanga ko. Umasa ako na balang araw ay mamahalin din ako ni Evonne, pero sarili ko lang pala ang pinapaasa ko sa wala."
Tumingin ako sa aking kamay nang hawakan ito ni Aldrid. Ilang ulit niya itong hinaplos at nang tumingala ako ay nakita ko siyang nakangiti sa akin.
"Nagmahal ka lang," sabi niya sa seryeosong boses. "Nagmahal ka lang sa maling tao, okay? Kaya huwag mong sisihin ang sarili mo sa isang bagay na wala kang kasalanan."
"Nawala ka kasi—" Biro ko sa kanya na mas lalong ikinangiti niya.
"Pero tama ka, ang tagal mo ngang nagising sa katotohanan."
Hindi ako nagdalawang isip na hampasin si Aldrid sa kanyang komento. Akala ko pa namang seryeoso siya. Bumanat pa talaga ang loko.
"Kainis ka, alam mo 'yon?"
"Pero seryeoso," panimula niya bago huminga ng malalim. "Paano kung mahal ka talaga ni Evonne?"
"Seryeoso ka sa tanong mo? Pinapaiyak mo na naman ako," ininom ko ang beer na kanina ko pa hawak bago tiningnan ng seryeoso si Aldrid. "At saka, naniniwala akong si Rienna pa rin ang mahal niya. Hindi ako tanga—slight lang."
"Paano nga kung ikaw talaga ang mahal niya? Alam mo na, paano kong huli na niyang napagtanto ang lahat nang umalis ka sa buhay niya?"
"Isa lang ang masasabi ko," saad ko bago inubos ang laman ng canned beer. "Huli na talaga siya—masakit na, oy."
***
MAAGA AKONG NAGISING nang tumunog ang aking alarm clock. Bumangon ako upang sundan ang running alarm clock na hindi ko alam kung kailan ko ito binili at bumalik sa pagkahiga nang makuha at mapatay ito.
Hindi ko alam kung kailan ako nagpalit ng bed sheet, pati na ang amoy ng kwarto ko ay nag-iba na rin. O 'di kaya ay dahil ito sa dami ng aking ininom kagabi at wala ako sa tamang katinuan ngayong umaga?
"Shit," sabi ko sa aking sarili nang mapagtanto ang lahat.
Wala akong trabaho.
Hiwalay na kami ni Evonne.
Damn it. Gusto ko tuloy umiyak ulit sa sobrang gulo ng buhay ko. Para akong isang pusang gala na walang mapupuntahan.
"Kasalanan ko bang kay Evonne lang umiikot ang buhay ko?" Tanong ko sa aking sarili.
"Kasalanan mo talaga, kaya bumangon ka na riyan at kumain na tayo ng agahan."
At hindi ko inaasahan na may sasagot sa katanungan ko. Bumangon ako sa pagkahiga at nakita si Aldrid na nakatayo sa bukana ng pintuan ng aking kwarto habang nakasuot ng apron.
"A-anong ginagawa mo sa pamamahay ko?"
"Excuse me? Ikaw, ang nasa pamamahay ko."
Ang kulay itim na bed sheet, ang running alarm clock, at ang panlalaking amoy. Damn it! Ang tanga ko talaga at hindi ko napansin na wala ako sa aking pamamahay.
Babalik na sana ako sa pagkahiga nang may sumagi sa aking isipan. "Kung sa higaan mo ako natulog, saan ka natulog kagabi?"
Imbes na sagutin ako ni Aldrid ay ngintian niya lamang ako bago lumisan. Sinundan ko siya hanggang sa marating namin ang kusina.
Maraming mga katanungan ang nasa isipan ko at si Aldrid lamang ang makasasagot ng lahat. At mas lalong hindi matatahimik ang aking imahinasyon kung hindi niya ito masasagot ngayon. Jusko! May mapapatay talaga akong tao sa sobrang gulo ng aking ulo.
"Saan nga kasi?" Pangungulit ko sa kanya.
"Hulaan mo muna," tanging sagot niya bago nagpatuloy sa pag-aayos ng lamesa.
Tiningnan ko ang aking suot na damit. Wala namang nagbago, maliban sa hindi ko na dala ang aking bag. Wala namang kakaiba sa aking katawan, o kakaibang naramdaman.
Imahinasyon ko lang ang lahat.
"Bahala ka na nga lang," sabi ko sa sobrang pagkapikon.
"Sigurado kang hindi mo gustong malaman?"
Umupo ako katapat ni Aldrid at kakain na sana nang may sumagi sa aking isipan. Seryeoso kong tiningnan si Aldrid, mata sa mata, na para bang inaalam kung ano ang tunay niyang naramdaman.
Sa pagkakataon na ito ay ako mismo ang magtatapos sa kanyang mga biro.
"Hindi ako interesado, Aldrid." Saad ko, pero nagkibit-balikat sa akin si Aldrid at nagsimulang kumain. "Ito na lang ang sagutin mo, okay?"
"Ano naman? Na kung ano ang pinagsasabi mo kagabi maliban kay Evonne? Joker ka ba? Si Evonne lang ang bukang bibig mo hanggang sa makatulog ka."
Iwinawagayway ko ang aking kamay upang ipaalam na hindi iyon ang itatanong ko. Lasing ako, pero naalala ko kung ano ang pinagsasabi ko kagabi.
Naawa na nga ako sa sarili ko, e.
"Mahal mo pa ba ako hanggang ngayon?"
Tumigil sa kanyang pagkain si Aldrid at tiningnan ako. Sumeryeoso rin ang kanyang mukha habang bumagal ang kanyang pagnguya. At ako namang si duwag ay umiwas ng tingin at saka napakagat na lamang ng labi.
Damn it, hindi ko na lang sana tinanong.
Biro lang naman sana iyon at isa pa, matagal na panahon na iyon. Alam ni Aldrid ang sikreto ko at iyon ay ang lihim na pagmamahal ko para kay Evonne. Ang tinutukoy kong sikreto ni Aldrid ay ito—ang lihim niyang pagmamahal para sa akin.
Ang bawat tingin na ibinibigay niya sa akin na tila bang may ibang kahulugan. Sa tuwing nanunukso siya noon ay alam kong nasasaktan ang totoong Aldrid. Sad to say that I'm not assuming things, dahil nasa akin ang nawawala niyang diary noon na hindi ko isinauli nang matagpuan ko ito.
"Never—"
"Paano kung sabihin ko sa 'yong mahal pa rin kita hanggang ngayon? Na wala akong ibang nakitang babaeng hihigit sa 'yo?"
"A-ano?"
Nakita ko siyang ngumiti bago nagpatuloy sa pagkain. Ako naman ay naiwang nakatunganga sa sagot niya.
Paano niya nalaman kung ano ang ibig kung sabihin?
"Alam kong ikaw ang nakahanap ng diary ko noon, pinabayaan ko na lang. Kahit paano ay nasabi ko ang totoo kong naramdaman para sa 'yo, kahit sa pamamagitan ng mga sulat."
"Aldrid..." tawag ko sa kanyang pangalan.
"Kung tutuusin ay wala akong balak maghanap ng ibang babaeng mamahalin. Ikaw lang, sapat na, kahit hindi mo masusuklian ang pagmamanal ko sa 'yo."
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top