Chapter 2
Hinga . . . buga.
Hindi naman sana ganito magiging kabigat para sakin kung hindi ko siya nakikita. I mean, kung pwede lang maging parang switch ng ilaw yung mata ko para tuwing may hindi ako nagugustuhan, papatayin ko lang yung switch. Without tempting na buksan ulit.
Why? Sayang sa kuryente. Lalo na pag-on and off. Mapupundi. E kaso hindi naman switch ang mga mata ko para i-on at off kung kailan ko gusto. Walang bayad sa pagdilat at pagpikit pwera kung gusto mo talaga 'yong tipong hindi ka na didilat.
If you know what I mean . . .
And lastly, walang mapupundi sa mata ko. Magiging malabo pwede pa.
Hinga . . . buga.
"Reese!"
Napalingon ako kay Khein na inakbayan ako. Umupo siya sa tabi ko at may ini-slide na yellow paper sa harapan ko.
"Ano ka ba?!" naiiritang sabi ko sa kanya. "Manggulat ba naman daw!"
Humalakhak lang siya. "Nerbyosa mo kasi."
"Kasalanan ko pa?"
Umiling siya at tinuro ang papel na inilagay niya sa harapan ko. "Pa-check naman grammar, o. Tapos ka na ba sa reflection?"
Reflection—
Ah.
Ito na naman kami. Well, naumpisahan ko na pero hindi ko pa siya napapangalahatian. Dinaig ko pa ang may dyslexia dahil sa pagja-jumble ng letters sa sinusulat ko. Hindi ko na nga maintindihan.
Tiningnan ko ang papel niya. Sumingkit ang mata ko. "Ano ba 'tong sulat mo? Parang tae ng manok," asar ko sa kanya.
"I-check mo na lang. Dami mo pang sinasabi," aniya. "At saka, dinaan ko sa practice 'yan. Kala ko medtech ako ngayong college, e."
Sus. Palusot.
Matatalino ang mga kaibigan ko. Dalawa sa amin ang maingay pagdating sa oral recitation. At merong kagaya ko at ni Khein na more on tirada ang written works.
Nang tingnan ko 'yong gawa niya—ayos naman. Mukha lang kaming mga pabaya sa pag-aaral pero sinisipagan naman namin. Topic pala namin sa reflection ay diversity. Kung paano raw i-a-adapt at kung ano pagkakaintindi namin sa word na 'yon.
Five hundred word count. No more, no less.
"Okay naman." Binalik ko papel niya sa kaniya. "Nashu-shooketh lang ako sa terminologies mo. Sana all, maraming alam na terms."
"Napa-search pa ako sa dictionary niyan kung 'yan talaga meaning. In-adapt ko lang kasi sa mga books na binabasa ko," kwento niya.
Kaso yung atensyon ko, nasa iba na. Nasa harapan, sa lalaking sinusuklay yung buhok niya habang nakikipagtawanan sa mga kaklase rin namin. Tinatambol nila yung teacher's table, ginagawang beatbox at drums.
Hinga . . . buga.
Masarap lang pakinggan na jowa mo ang kaklase mo. Kasi malapit sayo, nababantayan mo, nakakasabay mo kumain ng lunch, same kayo ng assignment at pwede kayong magtulungan. Supportado kayo ng mga kaklsse ninyo.h At tuwing vacant time, pwede kayong maging sweet-sweet sa isa't isa.
Iyon ay ang mga advantage lang 'pag jowa mo kaklase mo.
Pero mas matimbang pa yata yung disadvantages. 'Pag pumiyok ka sa oral recitation, pahiya ka. 'Pag di ka naman nakasagot sa tanong sayo ng teacher kahit 1+1 pa 'yan at kabado bente ka, pahiya ka pa rin. 'Pag nababanggit ng teacher mo na masyado kang maligalig sa klase niyo, pahiya ka. At ang worst? 'Pag break na kayo, sinusubukan mo siyang kalimutan pero hindi mo magawa kasi nasa iisang section kayo.
Hinga . . . buga.
Ang hirap makalimot.
"Tinititigan mo na naman," sabi ni Khein sa gilid ko. "Ang useless nitong ginagawa mo kung 'di naman malubayan ng mata mo. Lapitan mo na kaya?"
Nag-make face ako sa kanya at ibinalik na lang tingin sa papel ko. Nagsusulat ako pero hindi ko maintindihan. Pucha, distracted na naman ako.
"Pakipot mo, Reese."
"Hindi pakipot 'yon. As if may choice akong tumingin sa iba, e siya 'yong nasa harapan? At saka, hello? Nag-iisip ako ng para sa reflection ko, 'no," depensa ko sa kanya.
Sasalita-salita siya, kala mo naman kay Kino lang dapat umikot mundo ko.
"Ba't ka defensive?" pang-uuyam pa niya.
Hindi ko na lang pinansin. Nang-aasar lang eh. Kung bakit ba naman kasi block sectioning kami. E 'di ayan, hanggang fourth year ko na siyang kaklase.
"Nagja-jamming sila, o," wika pa ni Khein.
Naririnig ko. Wala ba 'kong tenga? "Pake ko?"
Siniko ako ni Khein. Siniko ko nga pabalik. Tumawa lang ulit siya. Masisira na yata ballpen ko sa higpit ng hawak ko, e.
"Curious talaga ako, Reese. Bakit ka na-fall out of love? Ang perfect niyo na talaga eh. Kung sa standards pa sa couples, kayo ang standard ko. Sabi ko pa sa sarili ko kung maghihiwalay pa kayo, wag na lang akong mag-jowa," pagsasalita ni Khein sa gilid ko.
Another set of hinga buga bago ko tiningnan ang mga nabuo kong words.
Mapakla akong tumawa.
Ito na naman pala 'yong mga salitang sinabi niya sakin nung gabing nakipaghiwalay ako sa kanya:
"Reese, hangga't kaya pa . . . hangga't kaya pa, ipilit natin."
"Paano ako maghahanap ng iba kung gusto kong ikaw 'yong tanging deserve ko?"
"Isa pa, isang isa pa. Maibabalik 'yan. Makakayanan mo ako ulit mahalin. Ibabalik natin 'yang nararamdaman mo para sakin."
Tapos tanging pag-iling na lang nagawa ko.
Kingina, ang kirot.
"Umiiyak ka ba?" bulong ni Khein sa gilid ko. "'Wag ka umiyak, uy."
Suminghap ako sabay iling. Sabi ko, hindi na ako iiyak, e. Sabi ko, tama na. Nakipaghiwalay nga ako kasi ayokong umasa siyang kaya ko pa siyang mahalin ulit.
Wala naman akong iba. Pero talagang . . . talagang ubos na. Hindi na maisasalba pa 'tong nararamdaman ko.
"Sana, sinabi mo para 'di na umasang may tayo pa sa huli—gagi, bakit umiiyak 'yan?!" bungad ni Victoria nang makita ako.
Inilapag ni Aillyn ang siomai, milkshake na paniguradong sa labas ng school na naman nila binili at snacks sa arm chair ko.
"Pinaiyak mo, Khein?"
Mabilis na umiling si Khein. Hindi rin naman talaga siya ang dahilan. Madrama lang ako today. Masama ba?
Umirap ako sa kanila. "Mga OA. Nakakaiyak lang 'tong reflection. Ano ba kasing tingin niyo sa diversity, ha?"
Humila ng upuan si Victoria at inilagay 'yon sa harapan ko. Ganoon din si Aillyn. Bale, nakapabilog kami rito sa gitna ng classroom. Nasa fifty kasi kaming estudyante ng tourism. Kaya ayon, marami. At nasa gitna ako ng classroom.
The heart of our section kumbaga. Chos.
"Kung kaya mong lokohin ibang tao, kami hindi. Ano ba? Parang di tropa mula highschool," anas ni Victoria. "Sino bang problema?"
"Kaklase ba natin?" segunda ni Aillyn.
"Lalaki?" dugtong ni Khein.
"Ex mo?" wika ni Victoria.
"Mahal na mahal mo pa?" si Aillyn naman.
Kinumos ko nga mga nguso nila. Tinampal nila kamay ko dahil do'n. Ang dadaldal naman kasi. Why not i-broadcast na lang sa buong klase, ano? Nahiya pa mga bibig nila.
"Bagra ng pagkatao mo," sabi ni Victoria. "Ano nga kasi? Bakit iniiyakan mo na naman? Akala ko ba hindi mo na mahal?"
This time, mahina na boses niya. Hindi naman napapansin ng iba naming mga kaklase dahil mga busy sa sarili nilang business. Chismis, reflection, kumakain, jamming at kung anu-ano pa. Hindi sila mag-aaksaya ng oras para usisain ako sa problemang ako ang gumawa.
"Hindi nga. Pero hindi naman ibig sabihin no'n madali ko na siyang makakalimutan." Bumuga ako ng hangin at umiling. "Ewan ko."
"Pag-usapan niyo na lang kaya ulit? Baka may chance pa. Baka bumalik ulit 'yong feelings mo," suggestion ni Aillyn.
Magsasalita pa sana ako nang biglang may kumanta ng Ipagpatawad Mo ni Gloc 9. In fairness sa boses, maganda.
"Si Harold na naman," sabi ni Khein.
Kasunod no'n ay ang kantyawan sa harapan kaya napadako talaga tingin namin. Kahit ayokong pansinin, napapansin ko. Ito nga yung sinasabi kong gusto kong switch na lang mata ko, e. Para hindi ko na nakikita 'yong mga ganito.
"Reese, si Kino—"
"'Wag mo na tawagin. Talagang 'di makakamove on 'yan."
Napatingin sakin mga kaibigan ko dahil do'n. Si Kino kasi nakatakip ng panyo, malamang umiiyak na naman.
Hinga . . . buga.
Hindi ko nga sila tinawag nung ako umiiyak kanina. Tapos tatawagin nila ko ngayon?
Tumayo ako sa upuan ko kaya gumawa 'yon ng ingay.
"Saan ka pupunta?" usisa ni Khein.
"Sa labas. Papahangin lang."
Hindi na sila nakapagsalita nung lumabas ako. Naka-ilang beses kong pinakalma ang puso ko. Para akong nagpa-palpitate.
Hinga, Reese. Malalampasan mo 'to.
Nilanghap ko ng hangin na pwedeng langhapin, para lang gumaan ang puso ko. Pero ganoon pa rin. Inulit-ulit ko lang.
At nang ayos na 'ko, papasok na sana ng classroom—nakarinig ako ng boses.
"Reese, mag-usap naman tayo . . ."
Si Kino.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top