9. Si Gwen at ang Lihim na Kakahuyan

SIYAM
ᜐᜒᜌᜋ᜔
SI GWEN AT ANG LIHIM NA KAKAHUYAN

"S-SIMM? Hoy, 'wag kang magbiro ng ganiyan. Buhay ka pa ba?" Sinubukan ko siyang sampal-sampalin pero 'di siya kumikibo. Sasampal pa sana ako dahil medyo nag-enjoy nang marinig ko ang boses ni Elmo sa labas ng bahay.

"Master!"

"Dito!" tawag ko. Rinig ko ang ingay ng mga apoy niya. Lumiwanag ang buong sala namin sa berdeng ilaw nang pumasok siyang lumulutang. Nang makita niya ang kalagayan namin ay agad siyang lumapit.

"Natulog lang ako saglit, naglamyerda na kayo agad. Anong halimaw na naman ang sinubukan niyong galitin?"

Alam kong nagbibiro lamang siya. Kinilatis niya ang mga sugat na natamo ni Simm. "Buhay pa si Master. 'Wag kang mag-alala. Masamang damo 'to."

"Masaya akong makita kang muli."

"Ako rin. Dalhin na natin siya sa school para magamot."

"Paano?" Nanghihina na rin ako. Parang gusto ko ng mahiga at matulog.

"Lilipad tayo? Isa akong santelmo, 'di ba? Hindi pa nga lang ako gano'n kagaling magmaniobra kaya madalas ay pabulusok ang direksyon ko pero pipilitin ko."

Tinitigan kong mabuti ang mga mata ni Elmo. Alam kong nag-aalala rin siya pero hindi niya lang pinapahalata. "Okay." Binitawan ko si Simm. "May kukunin lang ako."

Tumayo ako at naglakad papunta sa kwarto ni Lola. Nadaanan ko pa ang bangkay ng Tandayag na unti-unti nang nagiging abo. Kinuha kong muli ang bolo, ipinasok sa lagayan nito at inilagay sa loob ng stroller bag ko.

Dumaan muna ako sa lamesa para kunin ang fish bowl ni Belle. Nagka-crack na ito pero buhay at lumalangoy pa rin siya sa loob. Nagpasiya na akong isama rin siya paalis.

Pagbalik ko sa salas ay karga-karga na ni Elmo si Simm sa likuran. Lumilipad na sila sa taas na dalawang metro.
Mabuti na lamang ay may available na strap ang stroller bag kaya naisabit ko ito sa likod ko. Muntikan pa akong matumba sa bigat.

"Tara na." Hawak ang bowl sa isang braso at ang inialok na kamay ni Elmo sa kabila, dahan-dahan kaming lumutang palabas ng bahay at pataas ng pataas hanggang sa lumiit ang itsura ng ancestral house sa paningin ko.

Humahampas ang malakas na hangin ng gabi. Para kaming talang lumalakbay sa kalangitan, sa ilalim ng manipis na buwan.

Tahimik ang buong eskwelahan nang kami'y dumating. Tulog na ang mga sekyo sa may guardhouse nang daanan namin ito habang kami'y lumilipad. Sa may likurang bahagi ng school kami idinako ni Elmo. Ngayon ko lang napansin ang isang tambak ng mga puno roon, hindi ito kalakihan para masabing gubat. Harapan lang kasi ng school na nasa tapat ng kalsada papuntang highway ang palagi kong nakikita. Pero medyo aware naman na rin ako sa bahaging ito dahil isa ito sa dahilan kung bakit hindi ganoon kainit sa school namin. Dumadaan ang ihip ng hangin sa maliit na gubat, nalilinis at napalalamig bago makarating sa aming eskwelahan ang preskong simoy.

Mataas na pader sa likuran ng school ang nagtatago nito mula sa publiko. Wala rin akong ibang nakitang daraanan maliban sa paglipad namin. Nasilip ko ang isang lumang taxi cab na naka-park sa gitna noon. Walang pasukan at labasan sa gubat. Paano naman nagkaroon ng abandonadong kotse rito?

Dahan-dahan kaming ibinaba ni Elmo sa madamong lupa. Agad niyang ipinasok sa backseat ang natutulog na si Simm. Naglaho na ang mga pakpak niya.

Niyaya ako ni Elmo na pumasok sa may frontseat, siya ang nasa driver's. Nang may marinig akong mga kakaibang ingay mula sa kakahuyan ay dali-dali akong pumasok. Inilagay ko ang stroller bag sa may gitna namin. Ipinatong ko ang fish bowl sa may unahan ng kotse at tumingin sa likod.

"Welcome to our headquarters!" masiglang bati ni Elmo. Nagbalik na rin siya sa "normal" niyang anyo. Mukha na uli siyang 10-years old na estudyante na may makintab na berdeng buhok. "Dito kasalukuyang naglalagi ang ilang malignong tulad ko, lalo na 'yung ibang hindi na nakapapasok ng Klab."

Sabay naming narinig ang ilang ungol at hagulhol sa paligid na nagpanginig sa katawan ko. "'Wag kang mag-alala, 'di naman sila nananakit ng walang dahilan." Ngumiti siyang hindi naman nakadagdag para mapakalma ang loob ko.

Iginawi ko na lamang ang atensyon sa backseat. 'Di ko mapigilang titigan si Simm. Kahit tulog ay nangangasim ang kaniyang mukha, tinitiis ang lahat ng hapding nararamdaman.
"Magiging ayos lang siya," sabi ni Elmo sa mahinang boses.  "Kailangan niya lang ng ilang oras para kusang maghilom ang kaniyang mga sugat."

"I shouldn't have refused to get his sword back. Sana pumayag ako na kuhanin namin ang sandata niya. King gumagana kang sana ang mesmeraid ko," panghihinayang ko. "Ano ba naman kasing pumasok sa utak ng Master mo at sumugod nang mag-isa nang walang kadala-dala."

"Ewan ko rin ba. Natutulog lang ako dito kanina habang inaayos niya ang taxi. Nilinis pa nga niya 'tong sahig na puno ng balat ng tsitsirya. Bumili pa nga siya ng air freshener, oh." Itinuro ni Elmo ang nakasabit na dilaw na pine tree sa may unahan ng kotse.

"Dito ba talaga ang tulugan niyo? Sa taxi?"

"Noon, sa iba't-ibang lugar pa kami nakararating dahil sa mga misyon namin gamit ang taxi na 'to. Simula nang dito kami naglagi sa General Escudero, itinuring na naming pangalawang bahay ang kotseng ito kahit sira at luma na. Madami na kaming napagdaanang laban ni Master kaya sigurado akong búkas ng maaga ay makakabangon na siya para makapagpagamot sa Klab Maharlika."

"Anong mga klaseng misyon ba ang tinutukoy mo?"

"Si Master ay dating kabilang sa Umalohokan Guild, ang opisyal na mensahero ng mga anito. Dahil na rin sa nagmula siya sa lahi ni Guidala, ang isa sa mga anitong-ibon ni Kaptan."

"Doon niya ba nakuha ang pakpak niya?"

"Oo. Pero 'di rin nagtagal ay umalis siya sa grupo dahil ayaw niya nang sunud-sunuran lang sa utos. Matagal ko nang tanggap na matigas ang ulo ni Master."

"Mukha nga."

"Pagkatapos noon ay nakasama siya sa isang grupo ng mga manlalakbay na Maharlika, ang Pintados."

Pintados? Nabanggit na nga rin ito ni Lily. Kaya siguro may mga tattoo siya.

"Itinuring niyang ama ang kapitan n'on na siya ring nagbigay ng espada niya. Wala na akong ibang alam sa nauna niyang pamilya."

Kaya pala gan'on na rin ang ingat ni Simm sa sandata niya. Unti-unting nagbabago ang tingin ko sa kaniya. May dahilan naman pala para siya magalit ng ganoon kanina nung na-confiscate ang espada niya.

"K'filan ang tawag sa sandata niya, dating pag-mamayari ng bayaning Maharlika ng Ilongo na si Tud Bul-ul."

"Gano'n ba talaga kahaba ang blade n'on?"

"Ayon sa alamat, kaya nitong humaba ng ilang ilog at bundok."

"Woah! Nakaka-amaze naman. Pero kanina nakita kong nag-iba siya ng anyo. May mahahabang siyang kuko saka itim ang mga mata niya. Pati tattoos niya, umiilaw ng pula imbis na puti."

"Iyon ang lahing aswang si Simm."

Nahulaan ko naman na pero itinanong ko na rin para sigurado. "Kaya ba hindi rin siya maituring na official member ng Klab?"

"Natumbok mo! Malaya pa rin siyang nakapapasok dahil sa dugong-bughaw na mayroon siya pero sa ngayon, sa tuwing may mga misyong hindi na kayang gampanan ng ibang Maharlika, kami ang gumagawa kapalit ng ilang piloncitos."

"Hmm," imik ko habang ina-absorb ang lahat ng sinabi niya. Naka-ilang grupo na palamg nasalihan si Simm.

"Para siyang isang batang gala na patuloy na naghahanap ng lugar na tunay na kalinga sa kaniya." Nalungkot ako bigla sa mga salita ni Elmo. Iniba niya ang usapan at nagtanong. "Paano niyo pala natalo ang Tandayag kanina? Pagpugot lang ng ulo ang pwedeng makapatay doon."

"Ginamit ko ang bolo na bigay ni Lola." Binuksan ko ang dala kong stroller bag para kuhanin muli ang sandata at inilabas sa lalagyan nitong kaluban. Nagningning ang gintong blade nito.

"Sadiyang nakamamangha ang bolo ni Bantong, isa sa mga bayani ng Ibalong, ang kanang-kamay ni Handyong."

"Handyong?" Naalala kong muli ang panaginip ko nung gabing sinugod kami ng mga taong-buwaya.

"Si Handyong, ang ikalawang bayani ng Ibalóng na umibig sa halimaw na si Oryol, ang ninuno mo."

"Si Oryol? Ang babaeng-ahas. Sa kaniya nanggaling ang sandatang ito, hindi ba?"

Napakunot ng noo si Elmo. "Saan mo nasagap ang alamat na 'yan? Wala kasing nabanggit sa epiko."

"Sa panaginip ko. Nakita kong ibinigay 'to ni Oryol kay Handyong. Ang sabi niya ay pinanday ito sa apoy ni... Gurang ba 'yon?

"Gugurang. Ang mataas na anito ng Kabikulan. Kung ganoon totoo nga ang sabi-sabi."

"Anong sabi-sabi?"

"Ang apoy ni Gugurang na tinatawag na kalayo ay ninakaw ni Asuang. At nang mapabalik ito, isinumpa siyang ang apoy na 'yon ang tanging makatutupok sa kaniya maging sa buo niyang angkan, kasama na ang katulad ng Tandayag at nang hinahanap nating si Rabot. At dahil ito rin ang ginamit sa pagbuo ng talim ng bolong 'yan kaya 'yan lamang ang tanging makapapaslang sa lahi ni Asuang."

"You mean, ito ang makapapatay kay Rabot?"

"Oo. Maging ikaw rin na nagmula kay Oryol." Muntikan ko ng mabitawan ang sandata sa panginginig ng kamay ko. Kaya pala ganoon na lamang ang pagsugod sa amin ng army ni Rabot. Pero bakit hindi niya pa diniretso ang pagkuha nito? Bakit hinayaan niya pa akong mabuhay?

"Mukhang 'yan nga ang hanap ng halimaw ng kalibutan," sabi ni Elmo na tila alam ang nasasaisip ko. "Kaya siguro siya narito sa General Escudero para maghiganti."

"Maghiganti kanino?" Pero mukhang naiintindihan ko na. Ang sabi ni Ian, magkapatid sina Oryol at Rabot. At dahil mas pinili ni Oryol ang bayaning si Handyong kaysa sarili niyang pamilya, muli siyang bumangon ngayon. Ang halimaw na pinanggalingan ko ang dahilan ng kaniyang pagkapaslang."Pero paanong nabuhay siyang muli? Saka matagal na rin namang patay siguro si Oryol. Tahimik naman kaming namuhay ni Lola rito simula ng ipinanganak ako."

"'Yan ang hindi rin namin alam ni Master. Isa si Rabot sa dahilan kung bakit din kami napadpad rito."

"Kung ganoon, malaking tulong ang natuklasan namin ni Simm. Alam na namin kung nasaan ang hinahabol natin." Ikinuwento ko kay Elmo ang sapatos na nakita ko sa Office ni Principal Enrile at ang kakaibang kilos niya. Kaya siguro pinilit nitong i-confiscate ang sandata ni Simm. Siguro'y may alam rin ito sa misyon nila.

"Maybe it's fate," natatawa kong tugon.

Napakunot ng noo si Elmo.

"Isipin mo, kapangalan pa ng section ko ang epikong naglalaman ng alamat ng aking angkan. Maybe, destiny ang nagdala sa atin para makilala ng isa't-isa."

"Maaari," sagot ni Elmo nang maintindihan niya ang gusto kong sabihin. "Basta ako, naniniwala ako na may dahilan ang lahat ng bagay, kung bakit ako nagkabuhay, kung bakit natagpuan ako ni Master, kung bakit kami napapunta sa General Escudero, at kung bakit ka namin nakilala." Tinitigan ako ng malalim ng mga mata ni Elmo, may bakas ng kalumaan at kadungunan na natatabunan ng pagka-inosente.

"Mmm. Mmm." Sabay kaming napalingon sa umuungol na si Simm. Mukhang masama ang panaginip nito. Pero kita ko sa malamlam na liwanag ng buwan sa langit ang bahagyang paghilom ng mga sugat at pasa sa mukha niya. "K-k-k.." May gusto siyang sabihin.

"Ano 'yon?" Lumiyad ako para makalapit kay Simm.

"Ki-kist."

"Kish?"

"Kiss." Napataas ang kilay ko nang makitang nakangisi pa siya.

"Bastos." Nasampal ko siya nang malutong. Bumalik ako agad sa kinauupuan ko at tumalikod. Kadiri. Tulog na nga, pinaiiral pa rin ang kababuyan.

Hindi naman ito nagising at nagawa pang yakap-yakapin ang sarili. Maging si Elmo ay nagulat sa nagawa ko.

"Mukhang pagod na tayong lahat. Mabuti pa ay makapagpahinga na," sabi niya. Parang matanda na talaga siya magsalita.

"Buti pa nga."

Pagkatapos kong magpalit ng damit mula sa nakuha ko sa bahay ay pumwesto na ako sa passenger seat ng taxi cab. Dahil na rin sa lamig ng paligid at sa pagod ay mabilis akong inantok. Kahit papaano'y nakatulog naman kami ng mahimbing.

KINABUKASAN, maaga akong nagising. Hindi pa sumisikat ang araw nang lumabas ako ng taxi. Wala na si Simm. Tuyong dugo na lamang ang natira sa hinigaan niya kagabi. Malamang ay pumunta na siya ng Klab Maharlika para magpagamot kay Tandang Felicia. Mabuti pa siya, may medical insurance. Makapagpamasahe nga muli kay Lily mamaya. Medyo masakit pa rin ang mga kalamnan ko.

Hinablot ko ang naiwang pulang sumbrero ni Elmo sa driver's seat. Pagkalabas ay saka ko lamang nakita nang maayos ang pagkayupi ng unahan ng taxi. Tumutubo na rin ang ilang damo sa gulong nito.

"Elmo?" tawag ko sa batang santelmo. Saan naman kaya siya nagpunta? Napilitan tuloy akong maglakad-lakad sa gubat.

Kaluskos sa paligid ang muntikan nang magpatalon sa akin. Niyakap ko ang aking sarili sa takot. Dumudungaw sa peripheral vision ko ang ilang mga kakaibang nilalang na sumisilip mula sa likod ng mga puno at dahon, may maliliit na parang duwende at nuno, may mga singlaki ng bata. Meron ding mukhang itsurang tao ngunit kakaiba ang mga parte ng katawan. Inakala ko pang punong-kahoy ang ilan. At ang iba naman ay mga higanteng maiging nakapagtatago sa dilim. Kung hindi lamang umaga ay baka nahimatay na naman ako sa hilakbot.

Napansin ko ang isang kambing na nanginginain ng maninipis na damo sa may gilid. Lumapit ako para amuin siya. "Hello, little goat," bati ko nang bigla siyang humarap sa akin at bumungad ang mukha ng isang matandang lalaking nag-e-enjoy sa pagnguya. As in 'yung ulo dapat ng kambing, ulo ng tao. "Ahhh!"

"Ululululululullululullulul!" ingay na lumabas sa bibig niyang tila sinabayan pa ako sa pagsigaw. Natumba ako sa gulat, napadakot ng lupa at akmang ihahagis.

Pero nagtatatalon lang ang taong-kambing, paikot-ikot ang banlag niyang mga mata at 'di malaman kung natutuwa ba siya o natataranta.

"Lucky!" Agad na nagtatakbo ang kambing sa babaeng tumawag sa kaniya. Hindi pa ako nakakahinga ng maayos nang masilayan ko ang babae. Maganda siya, mahaba ang buhok pero imbis na sa tao ay sa kabayo ang kalahating katawan. Parang babaeng version ng centaur. Kusang nalaglag ang puso ko sa mga kakaibang nilalang na nakikita ko ngayon. Nanghina ang mga tuhod ko at nagpasyang gumapang na lang palayo.
"Sandali!" Napatigil ako. Ito na ba ang katapusan ko? "Paumanhin kung tinakot ka ni Lucky ngunit hindi kami nanakit. Lalo na ng kapwa namin maligno."

Nilabas ko na ang natitira ko pang tapang at humarap muli. Oo nga pala, maligno rin ako. Bakit ako natatakot?
Nakangiti ang babaeng-kabayo. May makintab siyang sungay sa noo, parang sa unicorn. Napapalamutian din ng mga alahas ang kaniyang leeg at mga braso. "Magandang umaga. Ngalan ko'y Hiyas. Isa akong Kabalan, Anggitay kung dito sa Katagalugan. At ito si Lucky, isa siyang... Laki. Pagpasensyahan mo na ang itsura namin. Bumati ka Lucky."

"Ulululululululul."

Nawala tuloy bigla ang takot ko at medyo natatawa. Nilunok ko ang namuong panis na laway sa bibig ko at tumayo. Mahigpit ang hawak ko sa sumbrero ni Elmo. Bigla tuloy akong nahiya sa reaksiyon ko kanina. Mukha naman silang mababait. "Ahm. Pasensiya na rin kung sinubukan kong tumakbo palayo. No offense. Nagulat lang ako."

"Ayos lang 'yon..."

"Gwen."

"Gwen. Sanay na kami. Mabuti na nga lamang at bihira lang may mapadakong timawa rito sa kakahuyan. 'Yung iba lang talaga sa amin ay napakapasaway at nagawa pang dumalaw sa paaralan niyo." Nahulaan niya sigurong estudyante ako sa itsura at sa asta ko na rin.

"Di-dito ba talaga kayo naninirahan?"

"Oo. Matagal na. Simula noong hindi na kami nakapapasok sa Balete. Masaya naman rito. Tahimik. Ngunit—"

Nakita ko ang pangambang biglang dumaan sa mga mata niya. "Ngunit ano?"

"Nararamdaman ko ang presensiya ng halimaw ng kalibutan. Maging ang kaniyang mga kampon." Bumilis ang tibok ng puso ko. "May parating na panganib ngunit alam ko ring nasa paligid lamang ang alab ng pag-asa."

May itatanong pa sana ako sa kaniya nang biglang may malaking mamang may mahahaba at itim na buhok ang lumapit sa amin. Halos tatlong tao siguro ang tangkad niya. Gawa sa baging ang sinturon at bahag niya.

"Manang Hilaw," tawag ni Hiyas. Babae pala 'yung itim na higante. "Nakita mo na kung nasaan ang batang santelmo?"

Itinaas ng halimaw ang mahabang braso at itinuro ang kaliwa namin. Napatingin ako sa direksyong iyon.
"Elmo!" tawag ko nang makita siyang nakaupo sa 'di kalayuan. May nagsilapitan pang ibang maligno sa pwesto namin, may mga mukhang gorilla na puti ang balahibo at ilan pang nagpapabago-bago ng anyo.

Bago pa ako kainin ng takot ay minabuti ko nang tumakbo palayo. Tumigil ako saglit at nilingon ang kabalan. "Salamat." Tumango siya bilang tugon.

"Ulululululul," sagot ng taong-kambing bago sila naglaho sa anino ng mga puno.

Nagpatuloy na ako sa paglapit kay Elmo. "Anong ginagawa mo riyan?" Nakasuot na agad siya ng school uniform at katabi ang stroller bag niya.

Nang akin siyang silipin ay pinagmamasdan niya pala ang isang maliit na pool ng tubig sa espasyong iyon. Malamang ay gawa ng dumaang bagyo nung isang linggo. Nakita kong nakikipaglaro si Elmo kay Belle. Saka ko lamang napansin ang fish bowl niya sa isang tabi na basag na.

"Magandang umaga, Miss Gwen. Sabi ko naman sa'yo, 'wag kang matakot sa kanila."

Umupo ako sa tabi niya at nakaramdam ng proteksyon kahit paano. Kung meron mang susugod sa amin, ipatutupok ko agad ng apoy ni Elmo. Huminga ako ng malalim at pinakalma ang sarili. Ipinatong kong maigi ang naiwan niyang sumbrero sa magulo niyang berdeng buhok. "Ahm, pwede bang ate na lang. Naiilang na talaga ako sa Miss Gwen. Kahit nga mas matanda ka sa amin, okay lang magpanggap tayong mag-ate?"

"Oo naman, Miss— Ate Gwen," sabi niya nang nakangiti. Lumabas ang malalalim niyang dimples sa pisngi. Ansarap sa ears na tawaging ate.

"Simula ngayon, ikaw na ang nakababata kong kapatid, okay?" sabi ko.

"Sige."

"Next time, turuan naman kita sa Po at Opo."

"Tiburon ang tawag sa lahi niya," singit niyang hindi pinansin ang huli kong sinabi. Tinutukoy niya si Belle.

"Ano?"

"Panahon pa ng Ibalóng nang mamuhay sila, mga pating na may pakpak at lumilipad."

"Ano 'ka mo? Pating?" Napatingin ako kay Belle na masayang lumalangoy sa gawa-gawang pool. Kaya pala mahilig siya sa karne. At kaya pala ganoon kalapad ang dalawang palikpik niya sa gilid. "Lumilipad sila?"

"Kailangan niya ng mas malaking lugar na malalanguyan. Ganoon naman dapat. Kailangan natin ng tamang espasyo upang yumabong at makamit ang tamang potensiyal. 'Di maglalaon, matuto na rin siyang lumipad para makahanap ng aasawahin."

"Lalaki si Belle?"

"Hindi ba halata?"

Napalunok na lang ako ng laway sa paliwanag niya. Parang natakot ako bigla kay Bella, este, Billy? Bill? Ano na bang itatawag ko sa kaniya?

"'Wag ka matakot, mabait na Tiburon itong alaga mo. Naalagan niyo kasing mabuti." Isinawsaw ni Elmo ang kaniyang mga daliri sa tubig at kusang lumapit si Belle. Idinikit lamang ng pating ang kaniyang ulo at katawan na parang alagang pusang nagpapalambing.

Nilakasan ko ang loob at idinawdaw rin ang aking kamay sa tubig. Lumapit sa akin si Belle at nakipaglaro. Tumampisaw pa ang tubig sa amin.

"Mabuti pa ay maghanda na tayo sa pagpasok," aya ni Elmo.

"Maliligo lang ako. Susunod rin ako agad. Bye, Belle. Mamaya na lang ulit," paalam ko sa alaga ko. 'Di ko na siguro papalitan pangalan niya.

Sabay na kaming tumayo ni Elmo at bumalik sa taxi. Kahit papaano ay nawala na ang takot ko sa mga umaaligid na maligno.

Nagpaalam siya sa akin na sa classroom na siya pupunta. Ako naman ay kinuha ang nahablot kong school uniform kagabi sa kwarto ko. Inilipad ako ni Elmo at dahan-dahan kaming bumaba sa may likurang bahagi ng school. Dala ko pa rin ang stroller ko para kahit papa'no'y may mapagtaguan ng bolo. Sana'y wala namang manghinala sa akin kung bakit ang isang Grade 10 na tulad ko ay gumagamit pa rin ng Barbie na bag.

Ala-singko pa lang siguro ng umaga. Wala pang kahit na sinong tao. Hindi na nagpahatid si Elmo sa building nila kaya dumiretso na ako sa may girl's restroom sa tabi ng Faculty Room. Mas maganda kasi ang CR dito, may shower at tuloy-tuloy ang daloy ng tubig. Kumpara sa banyo ng mga estudyante. Ni hindi man lang gumagana ang flash ng bowl kaya palaging mabantot at mapanghi.

Very refreshing sa pakiramdam ang pagligo ko sa maligamgam na tubig. Tila nadadala ng agos ang pagod na naranasan ko sa mga araw na dumaan.

Niyakap ko pa ang sarili ko sa masarap na pakiramdam nang may makapa akong magaspang sa aking braso. Ano 'yon? Galis ba ito? Pinatay ko ang shower para maayos na makita ang bagay na nakadikit sa mga braso ko. Parang malilit na plastic na may katigasan. Sinubukan kong alisin pero na-realize kong nakabaon pala ito sa balat ko.

Nanghilakbot ako sa takot. Muntik pa akong madulas sa basang tiles. Ano 'to? Ano 'tong nangyayari sa balat ko? Bakit may mga kaliskis?

************************************
Kaunting Kaalaman:
Ang Kabalan, Laki, Tiburon at Mamang Hilaw ay ilan lamang sa mga nilalang mula sa mitolohiya ng Bikol. And yes, Manang Hilaw talaga ang tawag sa mga higanteng 'yon. (◠‿◕)

Thank you for reading.
。◕‿◕。

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top