8. Monster's Home
WALO
ᜏᜎᜓ
MONSTER'S HOME
ANG huling sabi sa akin ni Simm, hintayin ko siya rito sa room namin. Aayusin niya lang daw ang lugar na pansamantala naming pwedeng paglagian sa school. We're practically homeless orphans. It feels weird but hindi rin ganoon kabago. Nasanay na talaga ako minsang mag-isa. I learned how to bathe myself, how to prepare my food, how to wash and iron clothes at iba't-iba pang gawaing bahay. 'Yan ang turo sa akin ni Lola. Matanda na rin kasi siya at siya lang ang bumubuhay sa kaniyang apo. Hinayaan niya akong gawin ang gusto ko, magkamali at matuto sa pagkakamali.
Kinuha na rin ni Simm ang stroller ni Elmo pero hindi ako pumayag na dalhin niya ang bolo. Mabuti na lamang ay may nakita akong lumang raketa sa likuran ng classroom namin. Kinuha ko ang lagayan n'on at ginamit para may pagtaguan ang sandata ko. Isinakbit ko ito sa aking katawan at siniguradong dama ko ang bolo sa aking likuran.
Lagpas ala-singko na. Nakauwi na lahat ng classmates ko. Hindi ko na rin naabutan si Lily. Sa ganitong oras, nasa bahay na sana ako, nagpapakain sa alaga naming isda habang hinihintay ang lutong hapunan ni Lola. Hay. Nami-miss ko na si Lola.
Bakit parang antagal naman ni Simm? Ang sabi niya mabilis lang siya. Hindi kaya binalikan niya ang Principal's Office para kuhanin ang espada niya o kaya ay mag-isang iniimbestigahan ang sapatos na 'yon? Hindi pwede. Sinabi ko sa kaniyang sabay naming haharapin ang kalaban. At ayokong gawin iyon sa maling paraan kaya sinabi ko sa kaniya na hintayin ang tamang panahon para makapuslit kami sa office nang hindi naninira ng school properties. May CCTV rin kasi sa paligid. 'Wag niyang sabihing maninira na naman siya ng pinto o bintana para lang makapasok? Hindi.
Malakas ang kaba kong lumabas ng classroom namin. Binilisan ko ang pagbaba sa hagdan at kumaripas na patungo sa Principal's Office. Baka sakaling maabutan ko pa siya. Dahil kung hindi, gulo na naman ang mangyayari. Ayoko pang ma-expel. Kung kailan naman malapit na ang end of school year.
Nakarating ako sa harapan ng opisina na humihingal. Pero wala akong naabutan doon. Sarado na ang lahat ng ilaw sa loob at naka-lock na rin ang pinto. Malamang ay nakauwi na sina Principal Enrile.
Nilinga ko ang paligid. Bukod sa magkasintahang naglalambingan sa may ilalim ng puno ng alatiris, wala na akong ibang makita kung 'di ang pagala-galang guwardiya. Agad niyang sinita ang magsyota at pinauwi.
"Hoy, bata. Bakit nandito ka pa?" tawag niya sa akin. Gwen naman, hindi kaagad nagtago. Lumapit siya at itinuro-turo pa ang batuta sa mukha ko. "Tama na ang lakwatsa. Lakad, umuwi ka na."
Hay. Bakit naman kasi hindi ko magamit ang mesmeraid ko. Wala akong nagawa kung hindi ang lumayo at kunwari'y pupunta sa gate.
"Kayo talagang mga kabataan, oh. Hindi pinapahalagahan ang paghihirap ng mga magulang niyo. Tsk. Tsk. Tsk," rinig kong sabi niya habang papalayo.
Dahil sa malalim na pag-iisip, nakarating nga ako sa gate dala na rin ng habit ko na sa ganitong oras dapat ay pauwi na ako.
Tinignan ko ang labas ng gate. Andon si Manong Driver, ang suking tricycle na madalas kong sakyan pauwi. "Miss, isa na lang. Pailaya 'to," tawag niya sa akin.
"Ahm. Ahhh." Narinig kong pinatakbo na niya ang makina. "W-wait lang po. Sasakay po ako." Dali-dali akong pumasok ng tricycle at sumakay sa charity. Sinubukan kong lingunin ang loob ng school pero hindi ko talaga makita si Simm o kaya ay si Elmo. Bahala na. Kailangan ko ring bumalik sa bahay namin dahil naroon ang mga gamit ko.
Kumusta na kaya si Lola? Baka sakaling bumalik na siya sa pagiging tao. Sana. Sana talaga.
Palakas ng palakas ang kabog ng dibdib ko habang papalapit kami sa Villa. Buti na lamang ay may naitabi akong barya sa bulsa para ibayad pagkababa ko.
Naabutan ko ang kanto namin na tulad pa rin ng dati. Parang walang nangyaring kababalaghan. Mabilis na lumubog ang araw. Madilim man ay binaybay kong muli ang bakanteng lote patungo sa ancestral house.
Malayo pa lang ay kita ko na ang natamong pagkasira ng bahay namin. Umuusok pa sa may likuran. Pinasok ko ang nasirang pinto. Kipkip ko pa rin ang susi namin pero hindi ko naman na ito magagamit pa.
Dahan-dahan akong pumasok, pinakikiramdaman ang paligid. Tahimik at mapanghi ang amoy. Siguro ay dahil sa dugo ng mga taong-buwayang napaslang dito.
Nilakasan ko ang loob para makaakyat muli ng hagdan papunta sa silid ko. Kusang tumulo ang mga luha sa mukha ko nang maabutan si Lola doon. Niyakap kong muli ang estatwa niya. Parang tinutusok ang puso ko nang makita ko siya sa sitwasyon na 'yon. Bakit hindi pa rin siya nagbabago? Kung totoo man ang mga anito, isa lang ang hiling ko— ang muling bumalik si Lola sa dating anyo.
Tinignan ko ang maamo niyang mukha at nangako, "La, alam na po namin kung sino ang gumawa nito sa inyo. Nasa school lang po siya. Si Principal Enrile po. Sisiguraduhin po naming matatalo siya para maibalik ko kayo sa dati niyo pong anyo." Sinubukan kong tumingkayad para halikan siya sa pisngi. "I love you, La."
Blob. Blob. Blob. Anong ingay 'yon? Lumabas ako ng kwarto at sumilip sa ibaba. Nasipat ko ang hapag-kainan namin. Sa katabing mesa ay naroon pa rin ang fish bowl ni Belle. Dali-dali akong napababa para puntahan siya. Isang araw na nga pala ang lumilipas. Ngayon lang uli ako nakadalaw.
Napausal ako ng pasasalamat nang makitang buhay pa siya at palangoy-langoy sa munting bahay niya. "Hello, bebe." Wala pala 'kong dalang maipapakain sa kaniya.
Sa isang upuan sa lamesa ay naroon din ang naiwan kong backpack. Agad ko itong kinuha. Naroon pa ang mga kagamitan ko sa school. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at nagmadali nang mag-impake.
Umakyat muli ako sa silid ko at kinuha ang ilang paborito kong damit at underwear. Pero sa dami nila, hindi ito magkakasiya sa bag ko. Kailangan ko ng mas malaki para may paglagyan rin ang dala kong bolo.
Kahit labag sa kalooban ko ay hinugot ko sa pinakailalim ng cabinet ko ang lumang stroller bag na kulay pink at may design na Barbie. Regalo ito sa akin ni Lola nung 7 years old ako. 'Di na ako nag-inarte. Ipinasok ko roon ang kaya kong ipasok na mga damit at gamit ko sa school. Itinago kong mabuti sa loob ang lagayan ng raketa na pinaglalagyan ng bolo. Kinuha ko rin ang alkansyang baboy ko sa may nasirang study desk ko pero sa tunog pa lang nito, halatang kakaunti lang ang laman. Kinailangan ko kasing mangupit noon para makabili ng make-up sa kaklase ko last month na hindi ko rin naman nagagamit dahil hindi naman kailangan.
Ibinaba ko sa hagdan ang stroller para pumunta sa kwarto ni Lola. Pagkapasok ay naamoy ko ang pamilyar na amoy. Parang dagta ng puno na may halong kapeng barako. Naghanap ako sa cabinet niya at kung saan man. Baka sakaling may naiwang pera si Lola galing sa pensyon niya. O baka andito pa 'yung madalas niyang sinasabi sa aking ipon niya daw para sa college ko. Don't judge me. These are trying times.
Hindi ako nagtagal sa kwartong iyon nang may narinig akong kaluskos sa may sala. Sinundan ba ako ni Simm? Buti naman at may makakatulong ako sa pagbitbit ng bag.
"Simm?" tawag ko pagkalabas ng kwarto pero hindi ko inaasahan ang naabutan. Isang malaking mamá ang nakatalikod at tila may hinahanap. Manipis ang hita at binti niya kung ikukumpara sa ma-muscle niyang katawan. Mabalahibo ang kanyang mga braso at makapal ang buhok. "S-sino ka?"
Napaurong ako. Ito na naman ang kaba ko. Nanigas ang katawan ko at maging ang aking lalamunan. Humarap ang estranghero at nakita ko ang malaking mukha niyang itsurang baboy-ramo. May mahabang sungay pa sa kabilaan ng kaniyang bibig. Hindi ako makasigaw sa sobrang takot.
Namumula ang mga mata niyang tumitig sa akin. Umusok ang malalaking butas ng ilong niya at sumugod. Dahil hindi proporsyon ang itaas at ibabang bahagi ng katawan niya ay hindi siya ganoon kabilis kumilos.
Nakaiwas agad ako nang bigla siyang tumakbo at binunggo ang pader kung saan ako naroroon kanina. Nagtalsikan ang mga alikabok at batong-tisa. Napadapa ako para makaiwas.
Saan naman nangaling ang taong-baboy-ramo na 'to? Hanggang ngayon ba ay binabantayan nila ang bahay namin?
Naka-recover agad ang maligno sa ginawa niya at muli akong hinanap. Kahit hingal na hingal ay tahimik akong nagtago sa ilalim ng lamesa namin sa may hapag-kainan. Shemay, anong gagawin ko?
Ang bolo! Kinuha ko ang oras at mabilis na pumasok muli sa loob ng kwarto ni Lola para balikan ang naiwan kong stroller bag. Dali-dali kong binuksan at pinaghahagis ang mga natiklop 'ko nang damit.
Sumugod muli ang kalaban. Napasigaw ako nang giniba niya ang pasukan ng kwarto ni Lola para lamang magkasiya. Umuungol siyang lumapit sa akin at biglang hinablot ng matataba at malalaki niyang kamay ang kwelyo ng uniform ko. Ni hindi ko man lang nahawakan ang sandatang gagamitin ko sana.
Makapigil-hininga akong itinaas ng halimaw at itinapat sa pangit niyang mukha. Magkasamang ungol at tawa ang binigkas ng malaki niyang bibig. Tila sinasabing sa wakas ay nakita na niya ang puntirya niya.
Kailangan kong makatakas. Gusto ko pang mabuhay. Akma niya akong kakagatin nang iniamba ko ang aking kamao at isinuntok sa namumula niyang kaliwang mata. Ramdam ko ang malambot niyang eyeballs. Sapul!
"Rrrrraaawwwrrr!" Naihagis niya ako sa malayo. Tumama 'ata ang likod ko sa may kanto ng higaan ni Lola. Pero hindi ko na 'yon ininda. Habang abala sa pagdadalamhati ang maligno sa nagdurugo niyang mata ay binalikan ko ang bag at kinuha ang bolo.
Tinanggal ko mula sa lagayan at lumiwanag ang ginto nitong patalim. Itinapat ko ang sandata sa halimaw. Nanginginig pa ang mga kamay ko nang muli siyang sumugod.
Huminga ako ng malalim. Nakailang hakbang siya bago ko ma-realize na katapusan ko na. Masiyadong malaki ang halimaw para sa maliit kong sandata.
"Rrrawwrr."
"Takbo!" sigaw ko sa sarili ko. Pinilit kong makalabas ng kwarto ni Lola papunta sa salas namin. Mga pader na isa-isang nagigiba ang naririnig kong humahabol sa akin sa likuran hanggang sa maramdaman ko ang bisig ng malignong inihahawi niya sa daan dahil hindi siya makakita ng maayos. Tumama ito sa tagiliran ko. Nadala ako ng mga braso niya at tumilapon malapit sa may harap ng pintuan namin.
Napasuka 'ata ako ng dugo nang dahil sa pagkakasikmura kong iyon. Para akong humihinga ng mga alikabok mula sa mga nagibang bato at nagpasikip ito sa dibdib ko. Kahit na umiikot ang paligid ay mahigpit ang hawak ko sa bolo.
Napahiga na lamang ako sa sahig habang naririnig ang pagwawala ng halimaw. Naaninagan ko ang mukha ng isang lalaking balbas-sarado. Tinatawag niya ang pangalan ko. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.
"Gumising ka, Gwen. 'Wag kang matutulog," bilin niyang puno ng pag-aalala hanggang unti-unti ko siyang nakilala.
"S-simm?" Bakit siya narito?
"T-tandayag?" tawag niya sa halimaw na hindi niya rin inaasahang makita. Iniwan niya akong nakahiga pa rin at mag-isang hinarap ang halimaw. Hinanap ko ang espada niya pero wala siyang kahit na anong dala.
Nakita na siya ng baboy-ramo. Nahihibang na ba siya? Sinubukan kong bumangon pero hilong-hilo pa rin ako.
Nasulyapan kong nagbago ang aura ni Simm. Dumilim ang kaniyang mga mata at naglabas siya ng mahahaba at matatalim na kuko. Kahit may suot na jacket, nakita ko ang lumiliwanag niyang mga tattoo sa balat ngunit imbis na puti katulad ng dati ay namumula ang mga ito. Parang binabalaan ang sinuman na may parating na panganib at kailangang mag-ingat sila sa kaniya. Tumubo sa kaniyang likuran ang malalaking pares ng pakpak. Itim ang mga balahibo nito't tatlong dipa ang lapad. OMG! Taong-ibon pala siya. Ito siguro 'yung namana niya sa anitong pinanggalingan niya. Sa kaniya ba ang narinig kong pagaspas ng mga pakpak na nagligtas sa akin kagabi?
Nang sumugod ang halimaw ay lumipad si Simm. Umatake siya mula sa taas ngunit mabilis ang kilos ng maligno. Nasuntok siya ng malaking kamao nito at siya'y tumalsik papunta sa cabinet naming may mga display na babasaging plato at baso. Nakaririndi ang tunog ng bawat pirasong nabasag. Paborito ni Lola ang koleksyon na 'yon.
Bumangon muli si Simm at bumuwelo sabay wasiwas ng kaniyang mga kuko sa makapal na balat ng Tandayag. Himalang tinablan ito at dumanak ang kulay itim na dugo.
Ikinumpas ni Simm ang malalaki niyang pakpak na lumikha ng malalakas na hanging nagpatigil sa halimaw na sumugod.
Kahit ako'y muntikan nang madala ng bagwis na 'yon. Kinuha ni Simm ang pagkakataon at sunod-sunod na pinuntirya ang halimaw ng kaniyang mahahabang kuko. Ramdam ko ang panggigigil niya sa pag-atake. Literal na nandidilim ang kaniyang paningin.
Naubos na siguro ang pasensiya ng kalaban niya. Tumindig ito ng ayos at nahablot ang kaliwa niyang pakpak. Gulat na gulat si Simm nang hilahin siya ng halimaw at inihampas-hampas sa sahig hawak ang nabali niyang pakpak. Kita ko ang pagsuka ni Simm ng dugo at pagkakalamog ng kaniyang kawawang katawan. Unti-unting humihina ang liwanag ng kaniyang mga tattoo.
Initsa siya ng halimaw at muling tumama ang katawan ni Simm sa isang pader na nag-crack pa dahil sa lakas ng impact.
"Hindi!" paos kong sigaw. Lalo akong nanghina nang makita ang sitwasyon na 'yon ni Simm.
Ako naman ang nasilayan ng Tandayag at mabilis na sumugod. Tumayo akong maigi sa makakaya ko, mahigpit na hinawakan ang sandata at nag-isip. Hindi ko siya kayang kalabanin nang harapan kaya tumakbo ako pakaliwa, papunta sa may hagdan.
Halos madapa pa ako sa mga baitang pero sigurado akong hindi niya ako masusundan dahil sa hindi kasiya ang malaki niyang katawan sa espasyo at isa pa ay kulang siya sa koordinasyon pagdating sa kaniyang mga binti.
Huminga akong muli ng malalim sabay talon mula sa second floor. Sakto kong itinusok ang gintong bolo sa batok niya. Lumagpas ang patalim hanggang leeg. Nakakakilabot na ungol ang inilabas ng halimaw hanggang sa ito'y mapaluhod.
Hindi ko pa rin binibitawan ang bolo. Gumalaw-galaw ang mga braso ng maligno na tila naghahanap ng mahahablot.
"P-pugutan mo..." rinig kong bulong ni Simm. Nilingon ko siya. Likong-liko sa kabilang direksyon ang isa niyang pakpak. Punong-puno ng pasa ang kanyang mukha at tumutulo na ang dugo sa kaniyang noo. Pero nakatayo pa rin siya at tinuturuan ako ng dapat gawin.
Binalikan ko ang halimaw. Hindi ko matanggal ang patalim kaya sinubukan kong ihiwa ito ng patagilid. Itinuon ko ang aking timbang hanggang sa makalas ko ang bolo. Nang lumuwag ay inikot ko ito sa leeg ng halimaw.
Bumagsak sa sahig namin ang malaki nitong baboy-ramong ulo at nagpagulong-gulong pa.
Napaupo ako sa pagod. Puno ng itim na dugo ang uniform ko. Dahan-dahang bumagsak ang malaking katawan ng halimaw. Hindi na ito kumikilos.
Ilang segundo bago ko na-realize ang ginawa ko. Pinugutan ko lang naman ng ulo ang halimaw na Tandayag na 'yon. Hindi ko alam kung mamamangha ako o manlulumo sa bangkay na nakahandusay na ngayon sa sala namin.
"Nice," mahinang sambit ni Simm. Dali-dali akong pumunta sa kaniya at nasalo ko pa ang nanghihina niyang katawan na muntikan na ring matumba. Wala ng kabuhay-buhay ang mga pakpak niya. Bumalik na rin sa dati ang kaniyang mga kamay at maging kaniyang mata.
Tinitigan niya ako. "You did it, Princess," huli niyang sabi hanggang sa hindi ko na maramdaman ang kaniyang paghinga.
************************************
Simm before the attack:
Thanks for reading!
。◕‿◕。
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top