2. My Bestfriend's Lover

DALAWA
ᜇᜎᜏ
MY BESTFRIEND'S LOVER

INALALA ko ang bawat date namin ni James. Hindi naman yun ganoon karami. Never pa rin ako nagpa-kiss sa kaniya. Hanggang holding hands lang kami. Pero halos masuka ako habang inaalala ang mga iyon. Kaya pala ni minsan ay 'di ko siya nakitang kumain ng kahit na ano. Lumalayo pa nga siya kapag inaalok ko siya ng malalasang pagkain. Sumasabay lang siya sa akin sa lunch para titigan ako. 'Yun pala ako na ang gusto niyang kainin.

"Akin ka lang, Gwen. You're mine!" sigaw niyang halos hindi ko maintindihan dahil sa bumubulang laway na may halong dugo sa bibig niya.

Hinihingal man sa bilis ng tibok ng puso ko, nag-isip agad ako ng susunod na gagawin. Agad kong ipinasok ang kamay sa aking bulsa at kinuha ang maliit na bote ng pepper spray. Ngayon ko lang magagamit 'tong pinabaon sa akin ni Lola.

Sa kakamadali ay nahigit ko rin ang cellphone ko. Tumalsik ito at nagtatalbog pa sa sahig bago pumatak sa paanan ni James. Shems.

Umungol muna siya nang makita ito sabay apak. Rinig ko ang pag-crack ng screen. Hindi naman ganoon karami ang chatmates ko pero nanghinayang pa rin ako dahil pinag-ipunan ko naman 'yon.

Lumapit ako saglit at dinampot ang cellphone para tignan kung pwede pang maisalba. Kahit 'yung tipong kayang pindut-pindutin. Dumungaw ang nakakatakot na mukha ni James. Saka ko lang naalala na may engkanto nga palang gusto akong kainin.

"Ahhhh!" sabay naming sigaw. Pinindot ko ang ibabaw ng pepper spray at sinigurong maubos ang lahat ng laman n'on sa mapupulang mata ni James.

Napaatras siya sa hapdi. Gumiya ako papunta sa may pintuan at nanalanging makakalabas pa pero sadiyang maliksi si James. Iniharang niya agad ang katawan sa harap ko. Mabilis na nawala ang epekto ng ginawa ko. Siguro'y sanay na siya sa ganoong pakiramdam. Sa pula ba naman ng mga mata niya ngayon.
Naubos na ang spray kaya hinigas ko na lang sa kaniya ang bote pati ang cellphone kong sira. Kailan kaya ako makabibili ulit?

"Para namang makakatakas ka pa." Naninikit ang uniform niya sa balat niyang tila nasunog ng apoy.

"Tulong!" sigaw ko. Baka sakaling marinig ako ng kabilang classroom.

"Ang ingay mo," sabi niya sabay sunggab sa akin. Hinawakan niya ang mga braso ko. Sa lakas ng pwersa, napasandal ako sa may pader kung saan nakasabit ang mga pangalan ng classroom officers.

Mahapdi ang pagkakahawak niya sa akin. Parang dinadampian ng bagong salang na kaldero ang balat ko. Inilapat niya ang isang kamay sa leeg ko at ang isa'y iginala-gala sa maganda kong mukha. "Ni hindi man lang kita natikman, Gwen."

Sinubukan kong tignan ang mapupula niyang mata. Hindi ko inalis 'yon para maagaw ang atensiyon niya. Kinapa ng isa kong kamay ang cardboard sa pader na may pangalan ko kasunod ng nakasulat na Muse. Tinanggal ko ito sa pagkakadikit at ipinasok sa malaki niyang bungangang naglalaway. "Ayan, tikman mo."

"Ahmskbsbjskl." Napaurong siya at panic mode na dinura ang nakaing papel. Nakawala ako saglit pero hindi pa ako nakahahakbang ay nasungaban na naman niya ako. Ngayon, mas mahigpit na ang hawak niya. Gumuhit ang matalas niyang kuko sa leeg ko.

"Tulong!" sigaw kong muli.

"Gwen!" Narinig ko ang mahinang boses na 'yon—kay Eya. Nasa likod siya ng pintuan. Umalog-alog ang pinto. Sinusubukan niyang buksan.

"Eya, andito ako sa loob. Tulong!"
Napapikit ako nang sa wakas ay bumukas ang pinto. Wow! Ang lakas ni Eya.

Gulat na gulat siyang nakita akong nakadikit sa pader, yakap ng isang engkantong mukhang demonyo.

"Eya, tulong!" sigaw ko pero hindi ko inasahan ang ginawa niya.

Dahan-dahang tumalikod si Eya na parang walang nangyayaring komosyon. Ipininid niyang muli ang pintuan at sinigurong naka-lock lahat ng doorknob.

"Eya, anong ginagawa mo?"

Hindi ko na halos marinig ang boses ko sa pag-ungol ni James. "Rawrrr. Takam na takam na 'ko."

Hindi ko na napigilang sumagot. "Aswang ka ba o engkanto? Kailan pa kayo nangain ng tao?"

"He's an Inlalabbuut to be exact," si Eya ang sumagot. Humarap na siya sa amin at may ngiti sa mga labi. "Don't play with your food, babe," tawag niya kay James.

"Babe?" malaking tanong ko. Binitawan lang ako ni James at lumapit kay Eya. Nagyapos sila at- eww! 'Di ko ma-explain ang paraan nila ng paghahalikan. I mean, may itsura naman si Eya 'pag nag-ayos pero 'di ko akalaing ganito pala ang type niya. Inlabubut nga.

"Sa wakas, malaya na tayong makapag-iibigang muli," bulong ni Eya sa engkanto. Humarap siya sa akin, mga mata'y tila sapusa. "Kairita ka, girl. Tagal kong nagtimpi sa'yo. Masiyado kang pabida."

"Ano?" pagtataka ko habang chinecheck ang mga sugat na natamo ko. "Parang ako dapat ang magsabi n'an sa'yo. Nung una pa lang, alam ko nang may crush ka kay James." To be clear, nakikipaglaro lang ako sa kanila. Masiyado silang mapusok kaya dinadaan ko muna sa kadramahan habang nag-iisip ng dapat gawin. Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa may upuan.

"Luh? Asa ka. Matagal nang kami ni James. Trabaho lang kaya ka niya niligawan. Dali mo namang ma-fall, beh." Pang-kontrabida ang litanya ni Eya, ah. Idol na idol talaga ako.

Mabilis kong hinablot ang ballpen sa may ibabaw ng armchair. Mukhang mamahalin pero bahala na.
Nakaharang sila sa may pintuan, ang tanging daan lang para makalabas ako. Hindi nila inasahang buong loob akong lumusob at itinarak ang ballpen sakto sa mata ni James.

Umungol lamang ito pero hindi pa rin natitinag.

"Ahahaha. Magaling. Magaling. Magaling," palakpak ni Eya. "Lakad, James. Masayang panoorin ang eksenang ito." Komportable siyang umupo sa table ni Ma'am del Valle at mataman lang kaming tinignan.

Mabilis na nahablot ni James ang kamay ko at pinilipit. Sa sobrang sakit, wala akong nagawa kundi bitawan ang ballpen. Inihawak niyang muli ang isang kamay sa leeg ko para ako'y sakalin. Ang hilig naman nito sa sakalan. "Hindi ako nagbibiro, Gwen. Akin ka lang," sabi niya sa garalgal na boses. Nguso'y isang pulgada na lamang ang lapit sa mukha ko.

Sinubukan kong magsalita ngunit sadyang mahigpit ang hawak niya. Naghagilap ako ng maihihinga.

"Ano 'yun, 'di ko marinig?" tuya ni James.

"Mukhang napipi ka ngayon, Gwen," gatong ni Eya sa isang tabi.

"S-sabi ko. Ambaho ng hininga mo!"

Namilog ang mapupulang mata ni James. Sa galit ay ibinuka niya ang bibig na may matatalas na ngipin at inilabas ang mahabang dila.

Ngunit bago pa makalapat ang dilang nababalot ng malaasidong laway, may kung anong matalas na bagay ang pumutol dito. Tumalsik sa mukha ko ang itim na dugo. Yuck!

Gulat na gulat ang dalawang kontrabida. Nabitawan ako ni James para mahagilap ang dila niyang nasa lapag na. Nilapitan siya ni Eya na may pag-aalala. Ako naman ay todo punas sa labi kong may danak ng dugo.

Saka ko napansin ang matalas na bagay na 'yon, parang manipis na patalim na sa sobrang haba ay umabot sa magkabilaang pader ng classroom namin. Agad kong nilingon ang pinanggalingan noon at nakita kong lumusot ito sa may bintana.
Kung may ikakukulubot pa ang noo ko ay ikinunot ko na sa pagtataka nang makita kung sino ang may hawak ng patalim na 'yon. Ang lalaking naka-itim na hood kanina sa hallway, 'yung barbarong kumakain ng sili. Nasa labas siya ngayon ng saradong bintanang gawa sa salamin, nakakapit ng mahigpit sa hawakan ng patalim niyang inilusot sa maliit na butas.

Sa sobrang pagtataka ko, hindi ko agad naintindihan ang sinasabi niya. "Buksan mo!"

Nang magising akong muli sa reyalidad ay agad akong tumakbo palapit sa bintana at binuksan ito para makapasok siya.

Paano siya nakaakyat, eh nasa 4th floor ang classroom namin? Buti na lang at likuran na ng school ang gawi ng bintana, sa baba ay naroon ang maliit na garden na pinagtaniman namin ng kamatis at munggo two years ago para sa TLE project.

Nang makatayo ng maayos ang lalaki, may pinindot siya sa hawakan ng kaniyang espada at kusang bumalik ang patalim sa katamtamang haba.

"What the heck are you doing here?" tanong ko sa kaniya pero parang 'di niya ako napakinggan. Nakaharap lamang siya sa mga kalaban. May sigla sa kaniyang mga matang kanina'y puno ng kabugnutan nung kausap ko siya sa hallway.

"Ikaw!" turo ni James na nakatayo na, katabi ni Eya. "Sabi ko na nga ba at ikaw ang kilalang maligno-slayer. Dito ka pala nagtatago."

"Maligno ano?" singit ko sa usapan.

"Miss, kung wala kang ambag, manahimik ka na lang," sabi sa akin ng hambog na estranghero. Papatulan ko sana kaso mas makabubuting tumabi na lang ako. Ayokong madamay sa labanan nila.

"'Wag, James," pigil ni Eya. "Wala kang laban sa kaniya."

"Hayaan mo 'ko, babe. Para sa atin 'to." Matapos ang kadramahan ay mabilis na sumugod ang engkanto. Samantalang ang tinatawag nilang maligno-slayer ay nakatayo lamang at nakaangat ang espada.

Mabilis ang pangyayari. Nakita ko na lamang na humakbang si James ng dalawang beses saka tumigil at napaupo. Sapo na niya ang tiyang binabaha ng dugo. Mabilis ring lumapit si Eya rito.

Samantalang ang lalaking nakasagupa nila ay hindi ko man lang nakitang kumilos pero puno na ng itim na dugo ang espada niya. Paano nangyari 'yon?

"B-babe," bulong ni James, hawak ang magaspang na pisngi ni Eya. "Magbabalik akong muli." Unti-unti siyang natunaw. May kung anong itim na ispiritu ang lumabas sa katawan niya at kinain ng sahig. Tanging uniform lamang ang natira sa kawawang engkanto, akap ni Eya na nagdalamhati.

Tumayo siya hawak pa rin ang mga damit at hinarap ang maligno-slayer. "Humanda ka, Maharlika!" Umungol ito na sa sobrang lakas ay 'di ko mawari kung saan nanggaling ang ganoong kalaking boses. Pero bago pa ito kumilos ay agad na iniangat ng lalaki ang kaniyang espada at iwinasiwas na parang humahati lang ng tubig.

Matinis na tunog lamang ng sandata ang aking narinig. Tumahimik si Eya, nakatulala hangang unti-unting nahulog sa nakatayo niyang katawan ang pugot niyang ulo.

"Aaaahhhhh!" sigaw kong nawalan na ng poise. Wala na kong pakialam kung tumulo pa ang laway ko. OMG! First time kong makasaksi ng krimen at sa mismong classroom pa namin. Nanigas ang katawan ko at 'di makakilos. Pati pagtakas, nawala sa isipan ko. Hindi ko rin naman kakayaning humakbang papunta sa pintuan at lagpasan ang katawan ni Eya na lupaypay at duguan sa sahig. Gumulong ang ulo niya hanggang sa mapahinto sa paanan ng mesa ni Ma'am del Valle. Nakanganga pa rin ito at mulat na mulat ang mga mata. Masusuka na ko.

"Ligtas ka na, Miss." Inalok ng lalaki ang kamay niya sa akin. Mabilis ko itong tinapik palayo.

"S-sino ka? Mamamatay-tao!" Naluluha ako sa pagsigaw. 'Di ko na alam kung sinong dapat pagkatiwalaan. Nasaksihan ko lang naman kung paano ako inatake at kung paano napaslang ang boyfriend at bestfriend ko.

"Hindi sila tao, Miss. Mga maligno sila. At sigurado akong may kailangan sila kaya nagpanggap pa silang malapit sa'yo."

"Paano mo nasabe?"

"Kanina ko pa kayo pinagmamasdan sa hallway. Mga mata pa lang ng kasama mo ay alam ko nang may itinatago siya. Lalo na nung nilapitan ka ng engkantong ito kaya nagmanman ako."

"OMG. Serial killer ka ba? Paano ka nakapasok sa school. Ngayon nga lang kita nakita rito."

Napangiti siya. "Magkakilala na tayo kanina lang, 'di ba, Gwendolyn?"

"Simmón. Ora-GUN." Pinagdidiinan ko ang huling pantig. Paano ko naman makakalimutan ang ganoong kapangit na pangalan.

"It's Simm with double M... for short."
Aba, at mukhang hindi siya bad mood ngayon, ah. Hindi ako pinatulan. Masaya pa siyang nakapatay na siya ng dalwang estudyante.

Inialok niyang muli ang kamay niya para makipag-handshake nang biglang nagseryoso ang mukha niya.
Naramdaman ko rin 'yon at may naamoy na mabaho.

"Nakakaistorbo ba ako sa inyo?" tanong ng lumulutang na ulo ni Eya. Sabog ang magulo nitong buhok. At kita ko pa ang buto ng leeg niya sa parte kung saan nahati ang ulo niya. May mas ikakawirdo pa pala ang umaga ko.

Hinarap siya ni Simm. Mas mabilis na nakakilos ang ulo ni Eya dahil mas magaan na ito. Nang itataas muli ni Simm ang kaniyang espada ay dali-daling kinagat ni Eya ang braso niya. Kita ko pa ang pagbaon ng matatalas nitong ngipin. Nabitawan ni Simm ang espada niya. Pilit niyang ipinupukol ang ulo sa pinakamalapit na armchair para bumitaw sa pagkakakagat.

"Tatayo ka na lang ba riyan?" tukoy sa akin ni Simm.

Inalis ko ang aking pagkagulat at alinlangang lumapit sa kanila. Hinawakan ko ang buhok ni Eya at sinabunutan. Pinuwersa kong matanggal ang pagkakakagat niya sa braso ni Simm.

Hindi kaagad ako nakabitaw, hawak ang lumilipad na ulo ni Eya na pilit kumakawala sa pagkakasabunot ko. Umungol-ungol siya. Tila naghahanap muli ng mangangasab.

"Anong gagawin ko rito?" tanong ko. Nakuha na muli ng lalaki ang espada niya at isang malinis na hiwa ang nagpabasag sa bungo ni Eya. Kumalat sa uniform ko ang itim na dugo.

Napaupo ako sa sahig. Hihimatayin na 'ata ako. Nanginginig ang lahat ng aking kalamnan. Nakita ko kung paano unti-unting naging usok ang katawang-lupa ni Eya. Maging ang pugot niyang ulo. May lumabas na itim na itlog rito na agad na tinapakan ni Simm.

"Binhi ng aswang," paliwanag niya.

"Anong klaseng aswang 'yan?"

"Anananggal."

"Manananggal?"

"A-Na-Nang-Gal." Binaybay niya pa. Isang letra lang naman ang pinagkaiba. "Imbis na sa beywang ay sa ulo sila nahahati."

"Patay na ba sila?"

"'Yung aswang? Oo. Pero 'yung boyfriend mong engkanto, nakatakas ang espiritu niya. Sa tingin ko'y matagal bago siya makabalik sa lugar ng mga tao."

Nakita kong nagliwanag ang kanang kamay niya at lumitaw ang itim na hugis sa balat nito- isang tatoo na agad ring nawala sa paningin ko.

"Ano 'yun?" Naalala ko ang nakitang tattoo niya sa dibdib kanina.

"Marka ng katagumpayan. Madami ako n'an sa katawan. Gusto mong makita?" Pilyong ngiti niya sabay taas ng suot na jacket.

"Bastos!"

"Bumangon ka na riyan. Baka bumalik na mga kaklase mo sa classroom."

"Paano ang sugat mo?" Ang totoo'y wala naman akong pakialam pero nakita kong malala ang pagkakakagat sa braso niya. Nasira pa ang long sleeve ng suot niyang jacket.

"Maghihilom rin 'to mamaya. Hindi tumatalab sa akin ang kagat ng aswang." May pinindot siyang muli sa hawakan ng espada niya at kusang naglaho ang patalim. Itinago niya agad ito sa malaking bulsa ng jacket niya. "Sa susunod, mag-ingat ka sa mga sasamahan mo. 'Yan ang resulta ng kaharutan."

Aba't loko 'tong mokong na 'to, ah. Sa akin pa sinisi.

Tumalikod siya at tumalon mula sa bintana pababa.

"Sandali!" OMG. Nagpakamatay pa 'ata. Lumapit ako sa bintana at sumilip, wala nang kahit anong bakas niya, ni anino. Paano nangyari 'yon, eh, ang taas ng fourth floor?

Tinignan kong muli ang uniform ko. Naging usok na rin ang dugong kumapit dito. Mukha na uling malinis.

Bago pa 'ko makita ng sinuman sa ganoong sitwasyon ay kinuha ko na agad ang bag ko sa upuan at dali-daling lumabas ng classroom.

************************************
Thank you for reading.
。◕‿◕。

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top