15. Ang Pakikipagsapalaran ng Bayaning si Handyong

LABINLIMA
ᜎᜊᜒᜈ᜔ᜎᜒᜋ
ANG PAKIKIPAGSAPALARAN NG BAYANING SI HANDYONG

SA LAHAT naman ng makakalimutan ko, bakit naman ang huling requirement pa namin. Hindi ko na sinabayan sina Andrea at Lily sa pagbaba dahil walang-alinlangang tumakbo na 'ko agad nang marinig sa kanila ang masamang balita. Kakaligo ko laang, pawisan na agad ako. Kusang natuyo ang basang-basang buhok ko in an instant.

Pagdating sa baba, saglit pa akong nalito kung saan nga ba ako pupunta. Lahat ng estudyante ay nakalabas na sa kani-kanilang room. Ang ilan ay nasa ground, naghihintay ng pagsisimula ng program. Ang ilan naman ay kung saan-saan muna tumambay. Pilit kong isinisingit sa kanila ang bitbit kong stroller bag.

Masaya ang lahat. May mga naghahalakhakan at nagkukwentuhan. Paano'y paniguradong wala nang klase hanggang hapon at ang tanging gagawin nila ay manood lamang at pumirma sa attendance. Ako lang 'ata ang hindi natutuwa sa nangyayari.

Sa gitna ng lupon ng mga estudyante ay natanaw ko ang berdeng buhok ni Elmo. Ilang high schoolers ang binangga ko para lang makalapit sa kaniya.

"Elmo!" sigaw kong pilit ipinaibabaw sa malakas na tugtog ng musika. Nang makalapit ay agad ko siyang hinablot at niyakap. "Happy to see you!"

"Ate? Saan ka ba nanggaling?"

"Gwen!" gulat na tawag ni Simm. Kasama niya pala si Elmo kanina pa. Ngayon ko lang siya nakitang nagpa-panic. Alam ko na agad kung anong pinoproblema niya. "Mahigit isang oras na lang."

Frack! Anong gagawin namin?

"Ate, ginawa ko 'to. Baka makatulong." Inabot sa akin ni Elmo ang ilang pirasong papel. Binasa ko ang nilalaman at umusal ng pasasalamat sa Maykapal. "Lagi niyo kasi ako iniiwan. 'Yan, sinalin namin ni Sophia 'yung laman nung nahiram mong libro sa library."

Dinaanan ng mapanuri kong mata ang laman ng papel, mga linya mula sa epikong Ibalóng. Niyakap ko siyang muli nang mahigpit. "Hulog ka ng langit!" Binigay ko kay Simm ang ilang papel. "Script natin sa play."

"A-anong gagawin ko rito? 'Di ako marunong um-acting." Nakakatawa ang nagmamakaawang niyang mukha.

"Simulan mo na ngayon. Kailangan natin ng iba pang cast."

"At saan naman ako kukuha?"

"Hanapin mo si DM. Magkita tayo sa may gilid ng canteen in 15 minutes.
"Ha—"

Ipinatong ko ang mga kamay sa nanginginig niyang mga balikat at tinitigan sa mata. "Simm, we can do this okay? One-time lang 'to. After nito, tapos na. Kitakits."

Nakailang bulong pa siya bago ako tumalikod at umalis. May tiwala naman ako sa kanila kahit paano.

Tinungo ko ang Guidance Office, hila ang stroller ko. Hindi pa ako nakakapasok ng pinto ay nakabunggo ko na agad si Rome. Muntik pa niyang maitapon ang hawak na plastic ng softdrinks.

"G-Gwen?" Inayos niya ang suot na salamin sa mata.

"Rome, 'di mo ba kasama sina DM?"
"Disbanded na kami."

Bakit ko nga ba tinanong pa? 'Di na 'ko nagpaligoy-ligoy. "I need your help."

Hinablot niya bigla ang jacket ko at inaya ako sa tabi ng mga tanim na halaman kung saan walang masiyadong tao. "I'm in the middle of something," bulong niya.

"Anong something? Umiinom ka lang naman ng softdrinks. Masama 'yan sa umaga."

"May mga pinapaayos kasi sa akin si Ma'am Castillo. Absent 'yung kasama kong Student Assistant kaya ako lang mag-isa pupunta sa may TLE room para may kuhanin na mga papel."
Maluwang na ngiti ang nagrehistro sa bibig ko. "Exactly!"

"What?"

"May utang ka pa sa'kin, right? Remem—"

Tinakpan niya ang bibig ko. "Shhhh. Gwen, ano ka ba? 'Wag ka masiyadong maingay." Luminga-linga siya sa paligid bago nagsalita. "Siyempre hindi ko nakakalimutan. Pero bad timing ka kasi, girl."

"Right timing 'ka mo."

"Ano bang kailangan mo?"

"Kailangan kong makita ang logbook ni Ma'am Castillo sa Lost and Found. Kahit 'yung sa week lang na 'to."

"Para saan? Anong hanap mo?"

"Basta. Sumunod ka na lang." Pinanlakihan ko siya ng mata.

"'Yun lang ba?"

"Isa pa."

"Ano?" Medyo naiirita na siya sa kakulitan ko.

"'Di ba may props sa TLE room?"

"Then?"

"Well, I just wanna congratulate you. Ikaw na mamamahala sa Props Department ng Theatre Act namin mamaya."

"The heck?"

After naming mag-usap ay dali-dali na naming tinungo ang TLE room. Isang kwarto 'yon na halos gawin ng tambakan ng mga estudyante at maging ng ilang gurong umalis sa eskwelahan. Mga sapot ng gagamba at makapal na alikabok ang tumambad sa amin.

Habang inaasikaso ni Rome 'yung pinapagawa ni Ma'am Castillo, ako naman ay tamang hanap lang ng props na magagamit. Nakakita ako ng isang lumang white gown at isang mahabang tela na kulay pula.

Sa may bandang loob pa ay nakita ko ang mascot na ginamit ng school three years ago sa Sports Fest pero tinambak na rito kasi masiyadong kamukha ni Jolibee kahit hindi naman siya ang school mascot namin.

"Rome!" tawag ko. Muntikan pang malaglag ang maraming folders na hawak niya para lang makalapit sa kinaroroonan ko.

"'Wag mo ngang isigaw pangalan ko. Kinakabahan ako lagi sa boses mo, eh. Ano ba 'yon?"

"Kailangan namin ng big bad sa play, role ni Rabot."

"So?" Tinignan niya rin ang mascot sa tapat.

"Congratulations! You had just been promoted for the main role."

"Shut the—"

"Ano 'yon?" irap ko, "hmm?"

"Sabi ko nga."

Matapos naming dalhin ang mga folder sa Guidance Office, magkasuong naming dinala ang mga props papunta sa gilid ng canteen.

"Gwen, ambigat naman nito. Pwede namang mag-make-up na lang tayo."

"Daming reklamo. Ubos na oras namin."

Nilapag na muna namin ang mascot.

"Nasaan na sina Simm? Anong oras na, Rome?"

"10 to 9."

"10 minutes." Sumilip ako saglit sa may school ground.

Nakita ko si Ma'am del Valle na nagsasalita sa entablado. ". . . unfortunately, our Principal won't be here to witness the event." Sumagi bigla sa isipan ko ang mukha ni Principal Enrile, blanko at walang kabuhay-buhay. Kung ganoon ay hindi pa siguro nila nalalaman ang tunay na nangyari sa kaniya. ". . . 'Wag na nating patagalin pa. Narito ang Anti—"

"Asocial," bulong ni Andrea kay Ma'am. Magara siyang nakatayo sa dambana, ayos na ayos ang make-up. Katabi niya si Lily na kasing-putla na 'ata ng hawak niyang papel ang kaniyang mukha sa kaba. Kahit hindi ganoon kaganda ang turing sa akin ni Andrea, nanalangin pa rin ako na sana ay maayos nilang maitawid ang kung anumang gagawin nila.

"Anti-Social Club for their short presentation," pagpapatuloy ni Ma'am del Valle.

Itinuon ko ang tingin sa paligid. Dumarami na ang mga estudyante. May mga magulang rin kasama ang malilit nilang anak na nasa Elementary level. Bigla akong kinabahan.

"Miss Barbie!" Nilingon ko ang tumawag sa akin. Isang tao lang naman ang tumatawag sa 'kin no'n.

"DM!" Pangiti-ngiti pa siya habang tinitignan ang design ng bitbit kong stroller. Himalang complete uniform siya ngayon. Inapiran ko siya at sa kasama niya rin sanang si Frank pero ganoon pa rin ang itsura nito, tahimik at parang nasa ibang mundo. Ngayon ko lang napansin ang kulay lila niyang balintataw, kakulay ng kaniyang buhok.

"Ano 'yang dala niyo?" tukoy ko sa headdress na bitbit nila.

"I've heard you need some cast." Isinuot niya ang mukhang leon na sumbrero. "Presenting . . . Tandayag. And—" Pinatong niya ang isa pa na itsurang palaka sa ulo ni Frank na hindi naman nagreklamo. "Taong-buwaya."

Tumawa ako. "Pwede na rin. Thanks."

"Mamaya ka na magpasalamat kung maitawid natin ang dula niyo." Napalingon siya kay Rome. "Bro," seryosong tawag sa kagrupo niya rati. "Kumusta?"

"Okay naman. He." Awkward pa silang nagkamustahan. Hinayaan ko muna silang mag-usap.

"Ate, look!" yabang na sabi sa akin ni Elmo. May suot siyang mini-bahag pero bitbit pa rin ang stroller bag niyang Ben 10. Kasama niya si Simm.
Yumuko ako para tignan siya. "Woah! Astig. Mukha ka nang bayani ng Ibalóng."

"Syempre naman. Ako ang pinakamagiting sa kanila."

"Galingan mo mamaya."

"Gwen," tawag ni Simm, may kaba pa rin sa boses niya.

Lumapit ako sa kaniya. Inilapat ko ang mga palad sa sintido niya para pirming igiya ang tingin niya sa akin. "Look at me." Napalunok siya ng laway. Pero hindi naman siya umiwas nang inikot ko ang dala kong pulang tela sa ulo niya para magmukhang turban. "Ayan, mukha ka na ring taga-Ibalóng."

Hindi naman siya sumagot at hinipo-hipo pa ang bagong lagay na bandana. Bitbit niya sa likod ang mahaba niyang sandata. Saglit pa akong kinabahan pero hindi naman siguro ito mapapansin at aakalain lang na props namin.

Hinubad ko ang jacket ko.

"Are you sure?" pigil ni Simm. Tumango lang ako. Lumantad ang panloob kong school uniform pero ang pinakakapansin-pansin ay ang gintong kaliskis sa kabuuan ng aking mga braso. Kumikinang iyon kapag natatamaan ng liwanag ng araw.

'Di mapigilang mapatingin din nina DM at Rome. Sinuot ko na ang nakuha kong white dress kanina para takpan itong muli. Hinarap ko silang lahat. Naririnig ko nang tinatawag ang pangalan ng club namin. "Shall we?"

NASA backstage kami, sa likod ng kulay pulang tabing para sa last minute warm-up. Isinandal ko muna ang bag ko sa gilid.

Nagpa-panic sina DM at Rome sa pag-practice ng kanilang lines. Si Elmo naman ay panay lang ang posing, kunwa-kunwari ay may hawak na espada at may kaharap na kalaban.

Agad kong napansin si Simm na nananahimik sa may tabi. Gusot-gusot na ang hawak niyang script na malamang ay makailang beses na niyang binasa. Nakatitig lang siya sa kisame, kagat ang ilalim na labi.

Lumapit ako sa kaniya. Bigla na naman siyang nataranta sa harap ko.
"Oy, ako lang 'to. Kalma."

"Sorry. Kala ko white lady ka, eh."

Tinignan ko ang suot kong lumang white gown. "Harhar. Bagay kaya sa akin."

"Bagay nga."

"Alam mo, mas bagay sa 'yo kung huhubarin mo 'yang jacket mo. Ambaduy tignan." Ako na ang nagprisintang maghubad at hinawakan ko na agad ang laylayan ng jacket niya.

Panic mode niyang inalis ang mga kamay ko. Natatawa na lang ako sa reaksiyon niya. "Uy, wait lang," sabi niyang naka-pout pa ang mga labi. "Ako na. Ako na."

Paghubad niya ay lumantad ang luma niyang school uniform pero malinis naman tignan. Kitang-kita ko ang mga tattoo niya sa braso hanggang sa leeg. May hugis bituin, leon, butiki, ibon at iba pa.

May mga ibang estudyante ring buhat sa ibang club ang naroon sa backstage pero hindi naman nila pinagtinginan si Simm. Totoo nga sigurong may mga lahing anito o maligno lamang ang nakakakita ng kaniyang tattoo.

"Sigurado ka na ba sa plano natin?" tanong niya sa akin.

"Sure na sure na." Kanina lamang habang nagsasaulo ang mga kasama namin sa play ay napagpasiyahan kong ilantad ang mga sarili namin sa madla. I mean, hindi naman mahahalata ng buong school na totoong kaliskis ang nasa katawan ko, maging ang tattoo ni Simm. Pero desperado na kaming mahanap si Rabot. Hindi ako natatakot sa kaniya. Baka ito na ang paraan para siya mismo ang lumapit sa amin.

"Presenting . . . Klab Maharlika!" anunsyo ni Ma'am del Valle mula sa likod ng tabing.

Dali-daling lumabas ang amalanhig na si Frank papunta sa entablado dala ang script ng narrator. Literal na kinakaladkad niya ang matitigas na binting sa hula ko'y inaagnas na. Halos makalimutan ko nang parte nga pala siya ng play.

Sumilip kami sa maliliit na siwang ng tabing habang naghihintay ng cue.

"S-Sa bayan ng . . . Abalon-Abi-Ibalóng . . .," panimula ni Frank. Napabuntong-hininga na lang kaming lahat. Walang kabuhay-buhay ang pagsasalaysay niya. Dahil siguro kasama sa naninigas niyang katawan ang mapuputla at nagbabalat niyang labi. "Ang dayong si . . . H-Handyong ay nakasagupa ng ilang kalabang maligno sa bayan ng Ibalóng."

"Go-go-go-go!" yakag ni DM kay Simm. Pumunta na sila sa entablado para sa First Act—labanan sa pagitan ni Handyong at ni Tandayag.

Nakisali na rin sa kanila si Frank bilang taong-buwaya. Natural na natural ang acting ni DM. Hindi man nakakatakot ang headdress nila, nagawa naman niyang gawing makatotohanan ang pagiging maligno dahil inilabas niyang kusa ang kaniyang mga pangil. Lalo ring mamutla ang kaniyang balat. I can't believe him. Talagang ipinakita niya ang pagiging bampira sa lahat ng manonood. Manghang-mangha naman ang mga ito.

Sana makita ni Joy at Conan ang play namin para kahit paano'y makita nila kung anong klaseng tao o maligno ang iniwan at sinaktan nila.

Si Simm naman, medyo awkward pang humanda sa labanan. Inilabas niya ang kaniyang K'filan ngunit sa katamtamang haba lamang. Medyo natakot sina DM at Frank lalo na't totoo ang patalim nito. Pero nagtanguhan sila, hudyat na galingan lang nila ang acting.

"Wow! Ang astig ni Master," paghanga ni Elmo. Ginaya-gaya niya pa ang bawat galaw ng master niya.

"Anong magaling do'n?" bwelta ni Rome. Wala na siyang salamin sa mata at suot na ang ibabang bahagi ng mascot habang hawak naman ng dalawang kamay ang ulo. "Pawasiwasiwas lang sila. Maniniwala na sana ako, eh, may pa-sound effect pa. Patawa."

"Matapos . . . matapos matalo ng bayani ang mga maligno ay isang malakas na anito naman ang kanilang nakaharap."

Sa sobrang aliw ko, nawala sa isip kong Second Act na pala. Kulang pa kami ng isang miyembro. Kanina ko pa naisip ang tamang cast para sa role na 'yon.

Umalis ako saglit at iniwan sila. Sa may kaliwang gilid ng school ground ay nakita ko si Lily, mag-isang pinapanood ang play namin. Sabik na sabik ang mga mata niya habang pinagmamasdan si Simm sa stage. I think, I'm giving her a favor pa nga sa gagawin ko.

"Psst. Lily," tawag ko sa mahinang boses. Nang makita niya ako ay agad rin siyang lumapit.

"Bakit?"

Hindi na ako sumagot at hinablot agad ang braso niya. Patakbo kaming bumalik sa backstage.

"Gwen, wait." Binitawan ko na siya. Hinabol niya muna ang hininga bago magsalita. "Bakit mo ba 'ko kinaladkad rito?'

"Simm need your help." Napataas siya ng kilay at matamang nakinig sa akin. "We need you to act as Onos, your ancestral. Quick scene lang. Ta-try mo lang atakihin si Simm at kunwari ay aanurin sina DM at Frank."

"'Yun lang?"

"Madali lang, 'di ba?"

"Pero hindi ko pa gamay ang lakas ko."

"Hindi mo naman kailangang ibigay ang buong lakas mo. Kahit kaunting hangin lang na may ambon, okay na."

Huminga siya ng malalim. Alam kong inaalala niya ang kinuwento niya sa akin kung paano siya iniligtas noon ni Simm at kung paano siya nito ginabayan ever since. This is her time to repay. "Para kay Simm?" paniniguro niya.

"Yes, para kay Simm." Nginitian ko siya bago tinulak papasok ng tabing.
Nakita kong gulat na gulat sila sa bagong tauhang dumating. Nasipat ko pa si Andrea mula sa crowd na hindi makapaniwalang ang ka-club niya ay may parte sa play namin. Kasalanan bang matuwa sa miserable niyang kalagayan?

Gulat man si Simm ay sinunod na lang nila ang nasa script. Maging ako ay namangha sa ipinamalas ni Lily. Nagliwanag ang mga puting tattoo niya. Malamang ay kami-kami lang siguro ang nakakakita. Nagpasimula siyang maglabas ng marahang hampas ng hangin na may kasamang halumigmig.

"Woah!" Sabay-sabay na singhap ng madla sa realistic naming special effects. Maging ang mga teachers at school administrators ay napanganga sa nasasaksihan.

Samantalang sina DM at Frank ay tamang yugyog lang na kunwari ay inaanod ng baha, segway para maka-exit ng entablado. Natira si Simm na nakatayo. Halos madala ng hangin ang bandana niya sa ulo. Dahan-dahan siyang lumapit kay Lily na medyo nadala 'ata ng pag-acting dahil unti-unting lumalakas ang hangin.

Nagliparan ang mga papel namin. Ang watawat sa flagpole, tuwid na wumawagayway. Nagtaasan pa nga ang mga palda ng ibang estudyante at ang mga school administrators ay nahihirapan nang makapanood. Shems. Nasobrahan 'ata ako ng encouragement kay Lily.

Lumulutang na siya sa entablado. Nakapikit pa rin ang mga mata, dinadama ang lakas ng kaniyang kapangyarihan. Lalabas na sana 'ko nang makitang lumundag si Simm para yakapin si Lily pababa ng tanghalan.

Nang maramdaman niya ang yapos ni Simm ay mabilis na naglaho ang malakas na hanging may kasamang ambon at nagmulat si Lily. Nagtama ang gulát nilang mga mata. Tila tumigil rin ang kanilang paghinga.

"Okay ka lang?" rinig kong bulong ni Simm. Tumango lamang si Lily, 'di pa rin umaalis ang titig. Umalis na si Simm sa pagkakayakap. Parang ang intense ng scene dahil ang ilang manonood ay nag-aabang sa mangyayari. Maging ako.

Walang pasintabing pumasok muli si Frank para ituloy ang kaniyang pagna-narrate. "Sa wakas ay natapos ang delubyo at sakuna na dala ng anitong si Onos. Ngunit isang matinding kaaway ang 'di aasahang makakalaban ng bayaning si Handyong."

"Ate, ikaw na." Saka lamang ako natauhan nang tawagin ni Elmo. "Eksena mo na."

Pumikit ako, nag-internalize sabay pasok sa entablado at iwinawagayway ang laylayan ng aking white gown.

Nagpasintabi si Lily na bumalik sa backstage. "Thanks," sambit niya sa akin bago umalis.

Tumango lang ako at itinuloy ang acting.

Sinubukan kong kumanta-kanta para maisabuhay ang tauhan ni Oryol na isang magandang dilag na may nakaaakit na boses. "Hmm. Hmm. Hmm. Hmkk ahk ahk." Shems, nasamid pa. Bumara 'ata laway kong nagiging asido na.

"Magandang binibini, ano ang ginagawa mo rito sa kagubatan?" tanong ni Simm.

"Ampangit ng acting mo," bulong ko.

"Parehas lang tayo."

"Oh, bayaning kay tapang. Ako'y iyong tulungan. May malignong gusto akong paslangin," himig ko. Nice, ganda pala ng boses ko.

"Nasaan ang malignong iyong tinutukoy? Ituro mo at akin siyang kakalabanin." Itinutok ni Simm ang espada niya sa kawalan.

Lumapit ako at hinawak-hawakan ang magulo niyang buhok. "Kay giting mo talaga, Ginoo. Ngunit para saan ba't kinakalaban niyo ang mga maligno?"

"Wala 'yan sa script."

"Sumunod ka na lang."

"'Yan ay . . . 'yan ay dahil ginagambala nila ang mga mamamayan ng Ibalóng."

"Tunay ba ang iyong paratang? Kung ang mga malignong ito ang naunang nanirahan sa bayang ito?"

"Ngunit . . . ngunit . . ." Nag-isip siya ng isasagot. "Teka, bakit mo ba sila ipinapagtanggol? Siguro'y isa ka rin sa kanila?"

Hinila ni Simm ang gown ko at sinira.
Sabay-sabay na napasinghap ang manonood nang makita ang kumikinang kong kaliskis.

Mabilis naming ibinaling ni Simm ang tingin sa madla, maging sa school administrators. Maaring isa sa kanila ang katawang pinagtataguan ni Rabot ngunit wala naman kaming napansing may kumilos ng kakaiba.
Nagpalakpakan pa sila dahil sa napakahusay naming make-up at costume.

Ngumiti lang ako at binalikan si Simm. "Tama ka, Ginoo. Ako'y tulad nilang maligno. Ngunit anong iyong gagawin kung wala naman akong ginawang mali?"

"Totoo nga. Ikaw ang mala-alamat na Oryol. Ngunit . . . Ngunit ang buong akala ko ay masasamá kayong mga maligno . . . na kayo ang umagaw ng teritoryo ng mga tao."

"Isang malaking kasinungalingan ang sinabi nila sa'yo. Gusto lang naming mabuhay ng matiwasay ngunit kami ang inyong ginambala."

"Kung ganoon, ako'y magbabalik sa aming kuta. Dapat nilang malaman ito."

"Sasama ako."

"At bakit naman?"

"Gusto kong ipakita sa kanila na hindi lahat ng maligno ay masama. Na wala sa hitsura ang bait ng kahit na sino. Na walang sinuman ang may karapatang manghusga ng kapwa niya nilalang batay lamang sa anyo. Na ang mga maligno'y tulad rin ninyong malalayang tao—may awa at diwa, may damdamin at halaga." Hindi ko rin alam kung saan nanggaling ang hugot ko.

"Rawrrrr!" sigaw ng isang bagong pasok na tauhan—si Rome suot ang kaniyang mukhang-Jollibee na mascot. Rinig naming nagtawanan pa ang ilang estudyanteng nakaaalala sa mascot na 'yon.

"Rome, mamaya ka pa," bulong ko.

"Antagal niyo kasi," sagot nitong halos hindi namin maintindihan sa loob ng costume niya.

"Hwah!" sigaw ni Simm. 'Di ko alam kung magugulat ba ako o matatawa. "Ang halimaw na si Rabot!"

"Hala. Oo nga," gatong kong kala mo'y may malaking naitulong.

"Humanda ka sa amin."

Sumugod kami ni Simm at kunwa-kunwari'y kumakalaban sa higanteng maligno. May pag-iwas at pagsugod pa kaming nalalaman. Kahit pawisan, tumatawa lang kami ni Simm sa ginagawa namin. Hindi naman mahirap iwasan si Rome dahil ito mismo ay hirap gumalaw sa suot niyang costume. Basta kami'y kumikilos lang at itinutuloy ang acting-an.

"Ugh!" sigaw ni Simm nang bigla siyang matamaan ng kalaban. Late react pa siyang natumba sa sahig.

"Hindi!" Maarte akong tumabi sa kaniya at kunwari ay umiiyak.

"Dakilang Oryol, h-hindi ko kakayaning kalabanin ang halimaw na 'yan."

"Wahhhhh!" rinig naming sigaw ni Elmo. Lumabas na siya ng tabing, hawak ang isang gintong sandata—ang bolo ni Bantong!

"Elmo!" sabay naming tawag ni Simm. 'Di 'ko akalaing dala-dala niya mismo ang tunay na bolo. Nasilip ko na lang mula sa siwang ng tabing na bukas na ang stroller kong nakadantay sa backstage.

Tuloy-tuloy sa pagsugod si Elmo.
Si Rome naman, dahil sa katarantahan ay nadulas at natumba sa sahig. Ni hindi lumapat ang talim sa kaniya. Mabuti naman.

Natanggal ang ulunang costume ni Rome at gumulong sa entablado. Pinigilan ito ni Elmo at magiting na nagsalita sa harap ng madla, "Inihahandog ko sa inyo ang ulo ni Rabot!"

Umulan ng palakpak sa school ground. Manghang-mangha sila sa acting ni Elmo. Maging ang mga teacher at school administrators sa harapan ay tuwang-tuwang nagtatanguhan.

Sabay kaming tumayo ni Simm at tinulungan si Rome na makabangon.
Biglang pumasok si Frank para sa Final Act. "Dahil sa kagitingan ng bayaning si Bantong ay natalo ang kampon ng kasamaan. Dahil sa pagtutulungan at tunay na pagmamahalan nina Handyong at Oryol ay nagkaroon ng kaayusan sa bayan ng Ibalóng . . ."

Wait. Mahal agad? Bilis naman pumasok ng romantic plot. Walang development.

". . . Isinabay sa selebrasyon ang pag-iisang dibdib ng bayaning sina Handyong at Oryol." Muling pumasok sa eksena sina DM at Lily, pandagdag tauhan. Wala na kaming miyembro, may huling scene pa pala.

Lumuhod sa harap namin ni Simm sina Elmo, Rome at DM. Kasal na nga raw kasi ng two main characters. Yumuko lang ako biglang pagbibigay-galang.

"Kiss. Kiss. Kiss," kantyaw ng madla hanggang sa unti-unting umingay. "Kiss. Kiss. Kiss."

Bigla akong hinawakan sa baywang ni Simm. 'Di ko sinasadyang mapatitig sa kaniyang mga mata. Matingkad na itim ang mga iyon, kumikislap sa liwanag. Dinilaan pa niya ang labi niya para mamasa-masa.

"Hoy, maghunos-dili ka," bulong ko. Hindi niya pinansin ang sinabi ko at tuloy-tuloy na inilapit ang mukha niya sa mukha ko.

"Kiss. Kiss. Kiss." Napapikit ako hanggang sa maramdaman ang paglapat ng labi niya sa noo ko. 'Yun lang pala 'yon.

Muntikan pa akong mawalan ng balanse nang bigla niya akong bitawan. Mokong na 'to.

Humarap kaming muli sa madla, ngumiti at sabay-sabay na yumuko, hudyat ng pagtatapos ng aming dula.
Nagpalakpakan muli ang mga manonood.

"Maraming salamat, Klab Maharlika," bati ni Ma'am del Valle hawak ang mikropono. "Muli, isang masigabong palakpakan."

Sa gitna ng ingay ay isang bagay ang umagaw ng atensyon ko—si Lily, nakatayo lamang siya sa tabi, nakatulala. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at kay Simm. Nangingilid ang mga luha niya. Mukhang hindi ko gusto ang nahuhulaang bagay na naglalaro sa isipan niya.

Nang mapatingin si Simm sa kaniya ay biglang tumakbo palayo si Lily, pabalik sa likuran ng tabing, umiiyak.

"Lil—"

Pinigilan ako ni Simm. "Ako na ang kakausap."

Pinanood ko lamang siyang sundan si Lily. Nakita kong tuloy-tuloy silang tumakbo paikot ng school ground, palayo sa madla.

Shems, hindi naman ganito ang inaasahan kong mangyari.

************************************

I'm really sorry for the late night update. Sobrang pagod lang po sa work. I need hugs. ಥ‿ಥ

Thank you for reading. ❤

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top