Pangwakas

PANGWAKAS
ᜀᜅ᜔ᜏᜃᜐ᜔
Kasaysayang Muling Isusulat

Maturog, duduayya
Maturogkad tay bunga

Sa muling pagsapit ng araw sa Silangan ay siyang paglangoy muli ng mga isdang rarang sa Ilog Amburayan. 'Di magkandamayaw ang lipad ng mga tutubi sa mga halaman at damo sa paligid ng tubigan. Tahimik at payapa, walang ibang manggugulo sa dalawang mangingibig na doo'y naglalagi.

Humihimig ang luntiang binibini ng kalikasan. Nakakandong sa kaniya ang makisig na bayani ng Nalbuan, mahimbing na natutulog habang hinahaplos ang kaniyang mahabang buhok ng dilag na ngayon lamang muli nakaranas ng tunay na pagmamahalan.

Nawa'y ganito araw-araw. Nawa'y ganito gabi-gabi. Ang tanging hiling niya noon, ngayo'y ipinagkaloob na sa kaniya ng mga anito. Wala ng dayong aagaw sa binata. Wala na ang inang sagabal sa kanilang kasiyahan.

Sa kaniya na si Lam-ang at siya lamang, si Sarindang, ang lubos nitong iibigin magpakailanman.
Mabilis ding nalusak ng putik ang malinis na tubig ng panlilinlang. Walang makakatakas sa handog na sarap ng sariling lunas at pakana.

Sa labas ng haraya ay mistulang bangkay na walang buhay ang kaniyang katawang nakabitin sa hiblang gawa sa anino. Pirming nakapikit ang kaniyang mga mata, gising sa kasinungalingan, buhay ngunit hindi humihinga.

Mataman siyang pinagmamasdan ng ina ng kadiliman. Kahit nakaupo'y sintayog niya ang sampung puno ng akasiyang patong-patong. Balot ang katawan niya ng saplot na sa lagkit ay kusang kumakapit ang bawat aninong naroroon. Mas maitim pa sa gabing walang buwan ang kaniyang balat at tanging mga mata lamang ang umaagaw ng mumunting liwanag sa paligid upang makita nang maayos ang bagong huli.

Sa kaniyang gilid ay lumitaw ang higanteng naka-bahag. Putol na ang sibat nito't mas lalo pang lumuwang ang sugat sa mukha. Agad itong lumuhod sa harap ng dakilang dilag.

"Naririto na ako, Sipnget." Matapang ang boses ngunit halatang huwad.

"Sumarang," tawag ng dalagang tila kumakaluskos ang tinig sa bawat bigkas. "Nagamit mo ba nang maayos ang aking mga alaga?"

"Mapusok ang mga dakes, hindi marunong sumunod sa utos. Ngunit kahit papaano ay natulungan naman ako laban sa mga batang iyon."

"Walang silang isip, hangal. Hindi katulad nitong aribai. 'Di nga lang at likas rin siyang matigas ang ulo kaya muntikan na tayong makilala ng banwar." Nilingon niya ang babaeng nakasabit sa mga anino at mahimbing na natutulog. "Iba talaga ang nagagawa ng pagmamahal. Matulog siya ngayon sa sariling bangungot na siya mismo ang lumikha."

Bumangon na ang higanteng si Sumarang na hindi man lang naabot kahit ang beywang ng kausap na nilalang "H-hanggang kailan mo siya ikukulong?"

"Pinangunahan mo ba ako?"

Napapitlag siya. "H-hindi sa ganoon."

"Huwag mainip. Matutong maghintay. Baka matulad ka kay Rabot at sa iba pa. May tamang panahon sa lahat."

"Ngunit ang abuhing-aso? Nagtagumpay siya na mapaamo ito?"

"Ang aso ay kaniya. Ako ang naghandog noon sa ninuno niyang si Angalo. Si Angalo na mas pinili pa rin ang tulad niyang mangmang."

"Paano na natin sila magagapi?"

"Daig mo pa ang bata, Sumarang. Mga musmos lamang sila, mumunting pain sa mas malaking isda. Maging mapagmatyag. Marami pa ang muling babangon sa kanila. Sa takda ay magagamit din natin ang kapangyarihan ng batibat. Hayaan ko muna siyang magsaya sa kaniyang kahangalan.

"Maghanda ka, Sumarang. Tayo'y muling aangat sa kalupaan. Sa parating na digmaan, hindi mo malalaman kung sino ang kasagpi at kung sino ang tunay na kalaban."

isunto aya tay mammati
Tay amin nga ibagami.

******

Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa paglalakbay ng Klab Maharlika. Ito na ang katapusan ng ikalawang aklat ngunit marami pa akong gustong isalaysay.

Malayo ang tono at tema ng
Haraya ni Lam-ang
sa mga nauna ko nang naisulat.

Para ito sa lahat ng hindi madaling dalawin ng antok, sa mga lumalalim ang tulog at hirap makabangon, sa mga mahal natin sa buhay na nauna na tayong lisan, at sa aking nag-iisang kapatid na babae.
Sana'y masaya ka diyaan sa kabilang ibayo. Mahal ka namin! ( ˘ ³˘)♥

You may still read my other stories by clicking my profile. (◠‿◕)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top