Pambungad

PAMBUNGAD
ᜉᜋ᜔ᜊᜓᜅᜇ᜔
Kasaysayang Hindi Nasusulat

Maturog, duduayya
Maturogkad tay bunga
Tay lalaki nga napigsa
Ta inton dumakkel tay bunga,
isunto aya tay mammati
Tay amin nga ibagami.

MALAYANG tatanggapin ng tao ang anumang kaniyang kayang tarukin. Maging sariling paningin ay madaling linlangin.

Ang sabi sa alamat, anak ng isang dayo ang nakatuluyan ni Lam-ang. Ngunit, walang nakaaalam ng kasaysayan sa pagitan ng bayani at ng kaniyang unang mangingibig na bantay ng kalikasan.

Iyon na yata ang pinakamapait na gabi na naranasan ng dalawang nilalang na ang tanging naging kasalanan ay umibig nang lubusan.

Lumilom ang bahagi ng ilog na 'yon mula sa anino ng isang malaking lalaki. Hinahawi ng nanghihinang mga binti ang malamig na tubig habang sapo ng madungis na mga kamay ang butas ng kaniyang tiyan kung saan nananatiling nakasaksak ang sibat na siya mismo ang gumawa.

Kasabay ng pagdanak ng kaniyang dugo ang maalat na luha mula sa pighating nararamdaman nang makitang mas pinili ng iniibig niya ang bagong dating na bayani.

Isinumpa siguro siya ng mga anito dahil wala man lang lakas na nagmula sa kanila para talunin ang kaniyang karibal. Mabilis niyong nabawi sa kaniya ang sandata sa gitna ng kanilang labanan. Ilang bundok ang kaniyang nilagpasan nang siya'y tuhugin nito at paliparin sa kawalan.

Napaluhod na lamang siya sa may batuhan hanggang sa hindi na kinaya ang bigat ng katawan. Nagtampisaw ang kaniyang ulo't malagong buhok sa mababaw na ilog.

Hinintay niyang siya'y kainin na lamang ng kailaliman ngunit tulad ng inaasahan, sa tuwing malapit na siyang mawalan ng pag-asa, ay siya namang pagdating ng dilag na tulad niya'y sawi sa pagmamahalan—ang unang babaeng napaibig at inibig ni Lam-ang, isa sa mga nilalang ng katubigan sa Ilog Amburayan.

Inalala ng dilag ang mga pangyayari sa nakalipas na buwan. Inaasahan niyang hindi maganda ang magiging dating nito sa mga kasamahang elemento ng likas-yaman ngunit hindi niya kayang iwan ang isang kaluluwang nagdurusa. Nang makita niya ang lalaking nakahiga sa tubigan ay naalala niya yaong araw na una niyang nakita si Lam-ang na kagagaling lamang mula sa labanan sa bundok upang ipaghiganti ang amang hindi rin naman nadatnan nang buhay.

Alam ng dilag ang sakit na dulot ng pagkawala ng ama ni Lam-Ang dahil siya mismo'y naranasan ang mawalan ng mga magulang. Kaya't ipinangako niya noong mga sandaling iyon na hindi niya ito iiwan kailanman—pangakong mabilis ding maglalaho makalipas lamang ang ilang araw.

Nakatagpo siya ng taong tunay na tatanggap sa kaniyang katauhan, bilang bantay ng kalikasan. Walang karaniwang tao ang nakakakita sa kaniya at kung mayroon man ay madalas siyang pagtabuyan dahil sa malansang amoy at dalang kamalasan. Ngunit naiiba ang binata mula sa Nalbuan.

Nagsimula ang panliligaw ni Lam-ang bagama't kailangan pa niyang lumakad nang napakalayo at iwan ang kaniyang ina sa kanilang bayan para lamang makadalaw sa Ilog Amburayan.

Matanda na ang ina ni Lam-Ang kaya't paminsan-minsan lang din ito dumalaw ngunit kapag naman nangyari'y ang haring-araw na ang nahihiya sa kanila masulit lamang ang magdamag na magkasama.

Ilang kabilugan ng buwan ang lumipas at 'di naglaon ay nalaman ng kapwa niya bantay-kalikasan ang namamagitan sa kanila ng binata. Siya'y binalaan ng mga nakatatanda na pighati at kabiguan lamang ang hatid ng kanilang pagmamahalan. Kamalasan ang dulot nito sa mga nilalang na tulad nila kaya dapat ay agad na mawakasan. Siya'y binalaan na kung hindi niya titigilan ang pakikipagkita sa binata, pagpapalayas mula sa kanilang banwa ang parusa. Siya'y matutulad sa ilang napalayo sa kanilang tirahan at ngayo'y mistulang mga kaluluwang pagala-gala, walang isip at patutunguhan, tila malamig na hamog na kalauna'y ihihihip lang din ng hangin sa kawalan.

Alam nila ang kapalit ng kanilang pagmamahalan. Masakit ngunit alam ng dilag na hindi ito nararapat. Ang bagay na nakapagpatiyak sa kaniya upang itigil na ito ay ang kaniyang naging panaginip isang gabing malamlam ang liwanag ng buwan. Nasaksihan niya si Lam-ang na lumalangoy sa kailaliman ng dagat, nakatuon ang atensyon sa isang maliit na lamang-dagat na tinatawag nilang rarang. Hindi niyon napansin ang higanteng berkakan na nagtatago sa dilim. Isinigaw niya ang ngalan nito ngunit tuluyang kinain ng halimaw ang binatang kaniyang iniibig.

Ipinagtapat niya ito sa binata at mula noon ay hindi na siya muling lumabas sa kaniyang banwa. Ilang araw ding nagpabalik-balik si Lam-ang at ilang gabi rin niyang tiniis ang lungkot hanggang sa hindi na muling nagpakita ang lalaki. Siguro'y natanggap nitong hindi talaga sila nababagay.

Nagpatuloy ang kaniyang mga panaginip. Kadalasan ay nagigising na lamang siyang lumuluha.

Lumabas siya saglit ng banwa upang ibsan ang hindi magandang pakiramdam nang mapansin niya ang isang makisig na lalaking nakahandusay sa batuhan sa gilid ng ilog. Mahabang sibat ang nakatusok sa tiyan nito.

"Lam-ang!" Ngunit paglapit niya'y mukha ng estranghero ang tumambad sa kaniya. Hindi ito si Lam-Ang. Balot ng mga markang tinta ang katawan nito, lumuluha ang mga mata't bumubula ang bibig ng pulang likido dahil sa sariwang hiwa.

Lumingon sa kaniya ang nag-aagaw-buhay na lalaki. "K-kilala mo . . . ang lapastangang iyon?" pilit nitong tanong kahit pa sumusuka na ng dugo. "Isa siyang mandaraya. Gumamit pa ng panlilinlang para lamang agawin ang babaeng akin na sanang pakakasalan."

Kahit takot ay mas lumapit pa ang dilag. Hindi siya makapaniwala sa ibinubulalas ng mamá. "A-anong iyong sabi? Ikakasal si Lam-ang?" Namumuo ang laway sa kaniyang lalamunan.

"Baka mauna pa nga iyon bago ako malagutan ng hininga," tugon ng estranghero. "Ines, sinta ko." Nauulol na yata ang lalaki't tinatawag nito ang babaeng mahal niya. "'Mas higit pa sa ginto ang aking n-nararamdaman."

"Saan? Saan sila makikipagtipan?" mabalasik niyang tanong ngunit nakatulala na ang lalaki sa bilog na buwan sa langit, naghihintay na lamang na kunin ng bantay sa kailaliman. "Sabihin mo sa akin kung saan sila matatagpuan."

Pabulong ang sagot ng lalaki. "K-kalanutian."

Natatandaan niya ang pook na iyon, karatig-bayan lamang ng Nalbuan. Kumaripas siya ng takbo palayo.

Bahala na kung ano man ang maging parusa ng matatandang bantay. Umiiyak siyang lumisan, 'di alintana ang bahagyang panghihina dahil sa unti-unting pagkakalayo mula sa kaniyang banwa.

Pagkarating sa bayan ay kaniyang naabutan ang bagong kasal—isang mestisang hindi niya mapapantayan sa ganda katabi ng lalaking pinakamamahal niya. Nahulí na siya.

Sinubukan pa rin niyang ipagtapat dito ang kaniyang pangitain ngunit malaki na ang pinagbago ni Lam-ang. Wala na ang dating kinang ng mga mata nito sa tuwing masisilayan ang nilalang ng kalikasan.

Pinilit pa rin ng bayani na ipagpatuloy ang pagsisid sa dagat para sa inaasam-asam na lamang-dagat na rarang kahit pa kapalit ay kamatayan—pag-ibig na tapat na sana'y ang dilag ngayon ang napaglalaanan.

Umuwi siyang sawi at lumuluha. Naabutan pa rin niya sa ilog ang karibal na unti-unti nang nawawalan ng malay.

"Mas mabuti pang malagutan na ng hininga kaysa masaksihang sa iba siya naging maligaya."

Ngunit iba ang nasa sa isip ng dilag. Hindi siya makapapayag na sa ganoon na lamang mauuwi ang lahat. "May isa pang paraan," bulong niya sa lalaki. "At kasama ka sa balaking ito. Pangako, makakamit din natin ang bagay na dapat ay sa atin."

Madaling linlangin ang paningin ng karaniwang tao. Ngunit ang tunay na pagmamahal, kailanman ay 'di mapaparam.

isunto aya tay mammati
Tay amin nga ibagami

*************************
Opening and ending line comes from an Ilocano Lullaby (Duayya).

Special thanks for MD_Serene for translating and explaining it to me. 😘

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top