9 Ang Halimaw sa Sapa
IKASIYAM NA HARAYA
ᜁᜃᜐᜒᜌᜋ᜔ ᜈ ᜑᜇᜌ
Ang Halimaw sa Sapa
"HOY, babae!" tawag ni Rome. Ngayon ko lang siya nakitang ganito magalit. Ipinunas niya ang laylayan ng suot na dilaw na damit sa kumayat na laway at tirang suka sa bibig niya sabay tayo nang maayos at akmang susugod kay Ysa na hanggang ngayo'y matipunong nakatuntong sa ibabaw ng kabaong. "Muntikan na 'kong mamatay doon. Hindi ka nagda-dahan-dahan. Wala kaming magic cape na tulad ng sa iyo. 'Pag ako talaga . . ."
Inunahan ko na siyang awatin at hinawakan ang braso niya nang muntikan na naman siyang matumba. Tinignan ako ni Rome at tila may naalala. Kinalikot niya ang suot na sumpit sa leeg, inikot iyon at may lumabas na dalawang butil sa pinakadulo. "Buto ng pepper mint, enhanced flavor. Inani pa sa taniman ni Maria Sinukuan. Mainam pampatanggal ng sakit ng katawan." Inabot niya sa akin ang isa bago niya isinubo ang sa kaniya at nilunok. Mukha iyong candy, kulay pink pa ang kulay pero nang inumin ko ang butil, bigla kong naramdaman ang bawat lamog ng aking kalamnan. Namilipit ako sa sakit.
"Tatalab din 'yan, mga ilang minuto." Kalmado na siyang magsalita. Unti-unti ngang guminhawa ang pakiramdam ko. "Kung nandito lang sana si Lily, nagamit niya healing powers sa atin. 'Di ko pa kasi kabisado lahat ng herbs."
"Hindi ba, babaylan ka?" tanong ni Ysa nang nakangiti na nagpanumbalik muli sa inis ni Rome at ngayo'y nakataas pa ang isang kilay bago sumagot.
"Oo. Bakit?"
"Then you'll be useful." Yumuko si Ysa at may kung anong kinuha sa loob ng kabaong—isang pirasong kahoy na inukit para maging maliit na tao. Maitim ang pagkakakulay noon at barnisado. Bumaba na siya mula sa ataul sa ibabaw ng nawasak na paragos at lumapit sa amin.
Tumingala ako. "Wala na ba sila?"
"Kanina pa sila nakalayo," tukoy niya sa mga katataoan. "Marami pa silang extrang paragos kaya 'di na nila ito babalikan." Iniabot niya ang hawak kay Rome. Mukha iyong kalbo na nakaupo, tinatago ang katawan ng mga binting niyayakap ng kaniyang braso. Pamilyar ang ukit na 'yon, kamukha ng pinag-aaralan namin sa Araling Panlipunan. "This is a bul-ul statue. Malamang ay pag-aari ng isa sa mga bangkay na kinuha nila. Use this."
Napaurong bigla si Rome. "What? Ano namang gagawin ko d'yan? Idi-display?" mataray niyang tanggi.
"For us to succeed on our quest, we need help from people that knows more about what we are searching for. You can use this to summon spirits, specifically one."
Nabalot ng pagtataka ang mga mukha namin ni Rome.
"Ay, girl. Never ko pa na-try summoning skills ko." Naalala ko ang sinabi ni Rome kagabi sa tent, na isa sa tungkulin ng babaylan ay ang pagtawag sa mga anito pero hindi niya pa iyon nama-master.
Ako na ang umabot sa bul-ul na ayaw kunin ni Rome. Kung hindi ako nagkakamali, ang mga maliit na estatwang ito ay gumugunita sa mga pumanaw na ninuno ng mga Ifugao. Hindi ko akalaing literal pala itong nagagamit. "Sinong tatawagin natin?" tanong ko sa kailianes.
"Si Ninong Pedro."
"Ano?"
"Hindi pa nakakatawid ang kaluluwa niya. Nagpapagala-gala pa lamang iyon dito sa kalupaan sa unang siyam na araw ng kaniyang pagkamatay. Naliligaw." Naalala ko ang pagpapakita ni Ninong sa akin kagabi na nag-udyok para pumunta kami sa burol. Siguro ito nga ang gusto niyang gawin ko.
Ipinagpatuloy ni Ysa ang pag-explain. "Walang ibang mas makakatulong sa atin ngayon kung hindi siya. Para ituro sa atin ang hinahanap natin."
Naghagilap ako ng sagot pantutol sa kaniya pero wala. Tama siya. Bukod kay Mama, si Ninong na lang ang kilala naming kamag-anak na maaaring makapagkumpirma ng lokasyon ng gintong tapis. Baka may alam din siya sa lunggang nagkukulong ngayon sa tatay namin.
Tinignan ko ang ukit na mukha ng bul-ul. Malalim ang uka para sa mata at manipis naman na guhit para sa bibig. Hindi ko ma-imagine na kayang i-contain nito ang espiritu ni Ninong. "Rome." Inabot ko sa kaniya ang kahoy.
Pinagtaasan niya ako ng kilay ngunit agad ring bumigay nang mapagtantong ito ang kailangan namin gawin kaya kinuha niya iyon at pinag-aralan. "How do you know so much about these things?"
Inayos ni Ysa ang suot niyang kapa bago sumagot. "May kakilala akong Manga-odon, Ilocano healers basically. I've learned some tricks from her."
"Well, that explains a lot."
"Nararamdaman kong malapit na tayo."
Nilinga ko ang paligid ng gubat. "Bakit ba tayo dito bumaba?" tanong ko kay Ysa nang magsimula siyang maglakad.
"Nasa pagitan tayo ng Ilocos Sur at La Union. Dito ang pinakamalapit na puno ng balete na puwede nating paglagusan papunta pa sa hilaga. 'Yon ang pinakamabilis na paraan para makarating tayo sa tamang oras." Naalala ko ang higanteng puno sa gitna ng Klab Maharlika sa Kamaynilaan. "This place has used our agimat before, or at least 'yang suot mong agimat ng aso. This used to be a dambana, a sacred place for anitos. Your babaylan companion may confirm."
Nilingon ko si Rome. Tumango siya bilang pagsang-ayon. "Remember when I tried to track you, Liam? Amoy ko rito ang scent na iyon, amoy bulaklak ng lily. At mas malakas pa. Sa tingin ko, dito nanggaling ang Ninong mo. Dito niya sinubukang gamitin ang kapangyarihan ng abuhing aso. Pero malamang ay bangkay ni Sumarang ang nabuhay niya."
Bigla akong kinilabutan nang maalala ang higanteng iyon, kung paano niya inihagis ang mahabang sibat na tumusok sa katawan ni Ninong habang ipinapasa sa akin ang agimat. Nilunok ko ang namuong laway sa aking lalamunan. Mukhang nasa tamang landas kami.
Lumiko si Ysa. Sinusundan niya ang ingay ng agos ng tubig.
Wala naman kaming nagawa ni Rome kung hindi ang sumunod.
"Here." Tumigil siya sa paglalakad. "This is a good location for summoning."
Nilinga namin ni Rome ang paligid. Nalilimliman kami ng ilang nagtataasang mga puno. Refreshing ang simoy ng hangin at ingay ng mga nag-aawitang ibong sumasabay sa ingay ng agos ng Ilog sa 'di kalayuan.
Naupo si Ysa sa ilalim ng punong talisay, ibinalot sa kaniyang katawan ang pawid at itinakip ang salakot sa kaniyang mukha. "Try all your might to call for Ninong Pedro's spirit. Mainam itong lugar. Plus, I need some rest."
"Teka, hindi mo ba kami tutulungan?" angal ni Rome ngunit hindi naman na siya sinagot ng kausap. Naupo na lamang si Rome sa may gilid, ipinatong ang estatwa sa damuhan, pumikit, at nag-concentrate para simulan ang kung anumang ritwal na kakailanganin niya. "Liam. Puwede kang tumabi dito. Normally, we'll need chicken's or pig's blood para maka-attract ng anito pero baka presensya mo ay sapat na para mas mapadali nating matawag ang kaluluwa ng Ninong mo."
Naglakad ako palapit sa kaniya. Tama si Ysa, kailangan namin ng pahinga. Gising kami mula kaninang madaling-araw sa lamay. Hindi rin ganoon kabilis ang talab ng ibinigay na butil ni Rome kaya ramdam ko ang kirot ng kalamnan ko. Kung puwede lang sanang bumawi ng tulog. Nagugutom na rin ako.
Liam!
Napalingon ako kay Ysa. Ngunit para siyang tuod na nagpapahinga. Hindi naman siya kumilos. Pero sinong tumawag sa akin, parang boses ng babae.
Kukulbitin ko sana si Rome ngunit tahimik na rin siyang nagko-concentrate. Ayokong abalahin siya sa gitna ng ginagawa niyang ritwal.
Liam!
Pamilyar ang boses. Para akong ibinalik noon sa nakaraan, hinahalukat sa kailaliman ng utak ko kung sino ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Napalingon ako sa kanan. Ilang dipa mula sa kinapupuwestuhan namin ay naroon ang parang maliit na sapa. Siguro'y karugtong rin iyon ng ilog.
Hindi naman siguro ako maliligaw kung usisain ko saglit ang nakita kong katubigang iyon. Nauuhaw na rin ako.
Mabilis na nagliparan ang mga tutubing-kalabaw sa ibabaw ng malagong damong tumutubo sa gilid ng sapa. Mukhang matagal nang walang taong dumarako dito dahil halos matakpan ng lumot ang ibabaw ng tubig. Nagulat pa ako sa ilang palakang nagtalunan nang ako'y lumapit at lumuhod para idawdaw ang daliri sa kulay berdeng tubig.
Liam!
Napabaling ang aking tingin sa gitna ng sapa. Kinusot ko ang mga matang biglang nanlabo para siguruduhing totoo nga ang nakikita ko. Si Mama, nakalutang siya sa ibabaw ng sapa. Nakasuot siya ng itim na bistidang sa pagkakatanda ko'y suot niya noong huli ko siyang nakita. Nakadantay sa kaniyang kaliwang balikat ang dulo ng mahaba niyang buhok. At ang kaniyang ngiti, ngayon ko lamang muling napagmasdan.
Hindi kaya naramdaman din niya ang presensiya namin kaya't siya na ang umalis para katagpuin kami? Hindi ko nagawang tawagin pa si Ysa sa kapanabikan. Gusto kong tumakbo at yakapin siya. "Mama?" Nagkusang humakbang ang mga paa ko, nakatanim ang tingin sa maaliwalas niyang mukha. Parang bumalik sa pagiging apat na taong bata ang aking pakiramdam. Bahagya ko lamang naramdaman ang malamig na tubig sa aking binti hanggang sa aking baywang nang ako'y nagsimulang maglakad sa hindi naman kalaliman na sapa.
Liam, anak, tawag ni Mama na lalong naghalina sa aking bilisan ang paglapit.
"Ma!" pumiyok pa ako sa aking pagtawag, nangingilid ang mga luha. Hinawi ng mga braso ko ang mga nakaharang na lumot at dahon sa paligid. Hanggang didib ko na ang tubig. Maburak ngunit matibay ang ilalim ng sapang aking tinutuntungan.
Uwi na tayo, anak, sabi niya at yumuko pa. Inilahad niya ang mga brasong handa na akong yakapin.
"Liam!" bigla akong napalingon sa likod. Bumalik bigla ang pagkaliyo ko. "Umahon ka!" Bakit ako sinisigawan ni Rome? Tapos na ba siya sa pagtawag?
Kasunuran niya si Ysa na ngayo'y gising na at puno ng pag-aalala ang mukha. "Shit!"
"Yow," tawag ko sa kanilang parang wala sa wisyo. "Nakita ko na si Mama!" Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko'y gusto ko sa kanilang ipakilala ang ina ko.
"Hindi 'yan ang nanay natin!" sigaw ni Ysa na parang nagpaahon sa akin mula sa pagkakalunod. Napalitan ang tuwa ko ng matinding takot at kilabot. "Berberoka 'yan!"
Liarmrrrr! Ang malambing na tinig ni Mama ay napalitan ng malalim na ungol ng hayop. Hindi ko alam kung bakit naisipan ko pang lumingon muli. Baka sakaling mapagmasdan ko sa huling pagkakataon ang mukha ng aking ina ngunit ang nakita ko'y walang buhay na tuod na kulay lumot at hugis katawan ng isang babae.
Saka ko lamang naintindihan na nalinlang lamang ako kanina. Pinagmukhang itsura iyon ng nanay ko pero mukhang totoong-totoo sa paningin ko.
Tumagilid ang tuod at dahan-dahang lumubog sa tubig. Napalitan ito ng dalawang malaking bolang nagliliwanag—mga mata ng isang dambuhalang nilalang sa ilalim ng tubig na sa tingin ko'y sumasakop sa kabuuan ng sapa.
Pinulikat ang mga binti ko sa takot. Nagsimulang umalon ang malumot na tubig, hinihigop ng berberoka. Pinilit kong makalangoy papunta sa pampang ngunit bawat kawag ng braso ko'y papalayo ako nang papalayo sa madamong lupa. Nakalunok na ako ng maruming tubig, lasang burak.
Nilingon ko ang puwesto nina Rome. Kahit sila'y di makalapit sa sapa at pinapanood lamang akong malunod. Mahigpit na hawak ni Rome ang bul-ul, nag-iisip ng gagawin.
Tumakbo palapit sa akin si Ysa ngunit bigla siyang natigilan.
"Hiya!" Mula sa tuktok ng isang puno ay tumalon ang isang lalaki. Hawak ng dalawa niyang kamay ang isang ukulele na ihahampas sana kay Ysa ngunit nakaiwas ito. Ligtas na nakatuntong sa baba ang maputlang lalaki at isinuklay pa ang kamay sa maiksing hibla ng kaniyang buhok.
"DM!" gulat na tawag ni Rome.
"Tinawag mo sila!" angil ni Ysa na halos mawalan sa balanse dahil sa ginawa niyang pag-iwas. "Traydor!"
"Hindi," pagtanggi ni Rome. "Sinubukan kong tumawag ng kaluluwa pero walang epekto."
Nagtatalo lamang sila. Samantalang ako'y malapit nang malunod. Ramdam ko ang malalim na paghinga ng dambuhala sa likuran ko. Pinilit kong ihakbang ang mga paa sa maputik na ilalim ng sapa.
"Liam!" Sa gilid ay agad na nagpakita sina Gwen. Dilaw ang kaniyang balintataw at nakalabas ang pangil. "We're looking for you all night!" Kasama niya si Simm na nakatutok ang hawak na baril sa gitna ng sapa, inaabangang magpakita ang berberoka. Katabi rin nila si Frank na lalo pang tumingkad ang kulay ubeng balat. Humulma ang balat niya sa payat niyang bungo. Para siyang bangkay na namatay sa pambubugbog at ngayo'y bumangon para maghiganti. Matatakot na sana ako kung hindi lamang siya nakanganga at ang mga mata'y umiikot na parang hindi pa desidido sa direksyong pagtitigilan.
Halos mangiyak-ngiyak ako nang malamang hinahanap pala nila kami ni Rome. Kung hindi nga lang ako kasalukuyang nalulunod.
May humugot sa binti ko at napailalim. Kinain ng lumot ang buo kong katawan. Napapikit ako't nahirapang magmulat sa maburak na tubig ng sapa. Hindi ko inasahan iyon kaya't lalo akong nahirapang makahinga.
Nakaramdam ako ng panic at ikinawag ang mga braso ko't binti. Tinadyakan ko ang tila malaking kamay na nakakapit sa paa ko't sumusubok na hilahin ako pailalim. Rinig ko ang mga sigawan sa ibabaw, boses ng mga kasama kong Maginoo.
Akala ko'y katapusan ko na nang may yumakap sa akin. Nawala na ang humihila sa paa ko. Inilangoy ako nang nagligtas sa akin paangat ng sapa.
Muli akong nakahinga nang makaangat ang ulo ko sa tubig. Naramdaman ko ang matigas na lupa sa likod ko. Nasa pampang na kami.
"Salamat," mahinang usal ko sa nagligtas sa akin, si Frank. Wala pa ring buhay ang mukha niya. Grabe ang tapang niya. Parang walang kinakatakutan dahil sa pagkakaalam ko'y mahirap kumilos ang isang amalanhig sa mga katubigan dahil sa matigas nilang katawan.
Nilamig ako sa damit kong basang-basa. Bumigat ang suot kong jacket dahil sa pagkakalubog na iyon. Ngunit bago pa kami makaahon nang tuluyan ni Frank ay bigla na lamang bumulwak ang gitna ng sapa. Lumutang ang ulo ng halimaw na natatabunan ng lumot. Kita lamang ang malalaki nitong mata at ang tuod na nakausli sa batok nito bago ito muling sumisid sa tubig na naglikha ng malakas na along parang may sariling buhay, mistulang mga galamay na nagdala muli sa amin pabalik sa ilalim ng sapa.
Nagawa kong makaangat, lumuluwa nang nalunok na tubig-sapa. Bula na lamang ang iniwan ng dambuhala ngunit wala na rin ang amalanhig na nagligtas sa akin.
"Frank!" hiyaw ni Gwen.
Nakita kong dali-daling hinubad ni Simm ang suot na jacket na inihagis niya sa pampang kasama ang kaniyang baril. Hinawakan niyang mabuti ang maiksing sibat na nakasabit sa kaniyang likod, tumakbo, at tumalon sa sapa para sisirin si Frank na sa hula ko'y nadalang tuluyan ng berberoka.
"Hindi!" sigaw ko at akmang lalangoy rin ngunit may mga brasong humugot sa akin paahon, sina Rome at Ysa. Dinala nila ako sa pampang.
Umiiling si Rome nang makita ko siya. Maging siya'y di makapaniwala sa kabayanihang ginawa ni Frank.
"Kailangan na nating umalis," seryosong sabi ni Ysa.
Nakita ko na lamang sa gilid na nakahiga na si DM, sira ang kaniyang ukulele at kinukusot ang mga namumulang mata habang umuungol na parang batang inaway ng kalaro.
"Anong ginawa mo?" tanong ko. Malalim ang hugot ng mga baga kong naghahanap ng sariwang hanging maihihinga.
"He tried to attack me," pag-amin ni Ysa. "Temporary blindness lang 'yan from my hard light."
"Mga kaibigan sila!" angal ko.
Tinignan lang ako ni Ysa sa mata. "Believe me, I know friends when I see one."
Aangal pa sana ako nang sabay-sabay kaming napalingon sa gawing kaliwa ng gubat. Madagim na ang langit, nagsisimula nang kumulog. Nangibabaw ang pamilyar na ungol ng mga halimaw. Krukk!
"Dakes!" takot na sabi ni Rome.
Nagliparan ang mga ibong kanina lamang ay masayang nag-aawitan sa ibabaw ng mga puno. Base sa ingay na parang bagyong paparating, higit pa ang dami ng mga engkantong papunta sa puwesto namin kaysa sa nasagupa namin sa Maynila.
"Umalis na tayo rito!" Hinila ako ni Ysa sa braso at napilitang tumayo. "Hindi natin kakayanin ang dami nila."
"Hindi puwede!" angal ko. "Nasa ilalim pa ng sapa sina Frank at Simm!"
"Gusto mo bang makitang muli ang mga magulang natin? Ipaghiganti si Ninong?" Napatigil ako sa tanong ni Ysa. "Kung ayaw mo, puwede kang maiwan dito. Ako na lang ang gagawa ng plano natin."
Nagsimula nang magpakita mula sa anino ng kakahuyan ang lupon ng mga dakes.
Maging sina DM at Gwen ay naghanda sa pagsugod.
"Gwen!" sigaw ko sa kanila. Naglabas siya ng berdeng apoy sa katawan para itaboy ang mga engkanto.
"Mauna na kayo!" Tumahimik ako para pakinggang mabuti kung tama ba ang narinig ko sa kaniya. "We'll try to hold them off." Nilingon ako ni Gwen kahit pa ilang maligno na ang muntikan na siyang sunggabin. "Mas importante na makarating kayo sa nanay mo. I trust you, Liam."
"P-Pero sina Frank?" Bumulwak muli ang gitna ng sapa at naglabas ng malalaking bula.
"'Wag mo silang alalahanin. Kaya na ni Simm ang pakikipaglaban sa berberoka."
Base sa laki ng dambuhalang iyon, nahirapan akong paniwalaan ang sinasabi niya.
Iniangat ni Ysa ang braso niya't nagsimulang magpaulan ng mga hibla ng liwanag laban sa mga engkantong sumusubok na lumapit sa amin.
Iniluwa saglit ni Rome ang subong sumpit. "Sasama ako!"
Hindi na nakaangal si Ysa. Hinila niya ang suot kong jacket at kinaladkad ako papasok muli ng gubat, palayo sa sapa. Kasunuran namin sa pagtakbo si Rome habang sinusubukan niyang patamaan ng mga butil ang mga lumulutang na dakes sa aming likuran.
Nawala na sa aking paningin sina Gwen at DM na patuloy na nakikipaglaban. Sana nga ay totoo ang sinabi ni Gwen, na makaliligtas sina Simm at Frank sa berberoka.
Inilabas ko na ang natitira pang lakas para sabayan si Ysa sa pagtakbo. Napakabilis niyang kumilos.
"Saan na tayo patungo?" Kahit si Rome ay nalilito na rin sa bawat liko namin. Ilang beses pa akong muntikan nang madapa sa mga nakaharang na bato sa daan at muntikan na ring mabunggo sa mga puno kung hindi lamang ako hila-hila ni Ysa.
"Aside from light, dakes are afraid of water. There's only one way out of here. Hingang malalim," kalmado niyang sabi. Hinawakan ng kabila niyang kamay ang braso ni Rome. Sabay-sabay kaming lumiko sa kanan.
Kusang nawala ang lupang tinutuntungan namin. Saka ko na lamang napagtantong tumalon pala kaming tatlo sa isang bangin at ngayo'y sabay-sabay na babagsak sa maingay na agos ng tubig ng Ilog Amburayan.
****************************
R.I.P. Frank and Simm ✝️
Cause of Death: eaten by a berberoka
One of my favorite Phillipine Mythological creature. In fact, this swamp monster was included on the first draft of Balete Chronicles but I have excluded it due to its non-Tagalog origin. Sa wakas, nagamit ko rin siya dito. I've used elartwyne's art as concept pero napakaraming fan art ng monster na 'to. Hehe. 💚
https://www.deviantart.com/elartwyne
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top