7 Ang Misteryosong Kailianes

IKAPITONG HARAYA
ᜁᜃᜉᜒᜆᜓᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Ang Misteryosong Kailianes


"ASWANG!" sigaw ko at nanigas sa aking kinapupwestuhan. Naunahan ako nang pangingilabot. Anong gagawin ko? Mukhang wala namang nagising sa mga kapitbahay namin.

Tuloy-tuloy na lumapit ang matangkad na aswang sa kabaong, ibinaba sa gilid ang búhat na katawan ng saging.

Nag-isip ako ng susunod na gagawin. Rome, nasaan ka ba?

Sa panic ay binuhat ko na lamang ang isang kahoy na bangko sa gilid at buong lakas na ipinukpok sa likod ng aswang. Lumiyad ito at umungol. Nagtalsikan ang malapot na laway.

Hinarap niya ako. Parang buntot ng ahas ang mapulang dila niyang gumagalaw-galaw. Naghanda siyang sumugod.

Sa takot ay nagtatatakbo ako palayo ng trapal, sa gilid ng lamayan kung saan nakatanim ang ilang kamatis at talong. Naagaw ko ang atensyon ng aswang kaya ako ang pinuntirya niya.

Buti na lamang ay hindi na niya maitutuloy kung anumang balak niyang gawin kay Ninong. Kaso, ako naman ang parang gusto niyang kainin. Natakpan siya ng dilim pero kitang-kita ko ang mapupula niyang mga mata. "Pashaaway tla vhatha!" sigaw niyang parang uhaw na uhaw sa dugo at laman.

Sumugod siya. Nagtatakbo ako nang paurong. Gusto kong makaalis nang mabilis sa lugar na iyon pero ayoko ring mawala sa tingin ko ang aswang.

Bigla na lamang natunaw ang suot nitong gula-gulanit na damit at naging malapad na pakpak sa kaniyang likod. Napasinghap na lamang ako nang magsimula siyang lumipad. "Pahgkahun!"

May natisod akong malaking bato at napahiga sa lupa nang wala sa oras. Lintik!

Naliwanagan ng buwan sa langit ang kabuuan ng aswang. Anino niya'y pumaibabaw sa akin. Isinangga ko ang walang labang mga braso nang makitang bumubulusok na siya pababa nang may bagay na tumama sa pakpak nito at pagulong-gulong na natumba sa aking kaliwa. Mukhang malakas ang pagkakasapol.

Napalingon ako sa kanan kung saan nagmula ang atake. "Tumakbo ka na," babala ng kung sinumang gumawa noon sa aswang. Lumabas mula sa mga anino ang pigura ng isang taong hindi katangkaran. May suot siya sa ulong sombrero na parang gawa sa makinis na bao. Kulay-lumot ang damit at mahaba ang pantalon niyang maraming bulsa. Nakasuot din siya ng itim na sapatos na gawa sa balat. At ano iyong nakapatong sa likuran niya? Parang gawa sa pawid na madalas ginagamit bilang bubong pero sa kaniya'y mistulang naging kapa.

"Ako na ang bahala sa isang 'to." Mababaw at magaan ang boses niyang 'di bagay sa nakaka-intimidate niyang itsura. Lagpas tainga ang haba ng kaniyang buhok na halos matakluban ng suot niyang salakot.

Napalingon akong muli sa gawi ng aswang na ngayo'y dahang-dahang bumabangon habang umuungol. "Isthorvho!" Naghanda itong sumugod.

Ngunit ang bagong dating na estranghero ay nanatili sa kaniyang puwesto. Ibinababa pa nitong maigi ang kaniyang sombrero upang takpan ang kaniyang mukha. Nababaliw na ba siya?

Inilahad niya ang isang kamay. Ilang hibla ng puting liwanag ang gumapang sa kaniyang braso. Bumalot iyon sa kaniyang kamay na nagmistulang mahabang patalim.

Ikinampay pa ng aswang ang lupaypay na niyang mga pakpak ngunit mabilis na kumilos ang kaniyang kalaban. Inunday ng estranghero ang kaniyang brasong nababalot ng lumiliwanag na bagay na nagmukhang pilak sa ilalim ng buwan.

Nalaglag na lamang ang pugot na ulo ng aswang. Nakaharap sa akin ang malaking mga mata at parang bulateng nagkukumawag ang mahabang dila hanggang sa nawalan din ito ng buhay.

May kung anong itim na bato ang lumabas sa leeg ng aswang na ngayo'y dumuduwak ng masaganang dugo. Mabilis na tinapakan ng nagligtas sa akin ang bagay na iyon. "Mutya ng aswang," tukoy niya rito.

Huminga siya nang malalim saka lumapit sa akin. Namalayan ko na lamang na nakaupo pa rin ako sa lupa, parang duwag na tumatakas.

"Ikaw si Liam, tama?" tanong n'ya. Nagtama ang mga tingin namin. Iniawang niya nang kaunti ang suot na salakot at nasilayan ko ang kaniyang mukha. Makapal ang mga pilikmata niya. May pahid ng kulay kahel na pinta sa gilid ng kaniyang mga mata.

Inalok niya ang kamay sa akin ngunit nang makitang nababalot pa rin iyon ng kakaibang hibla ay agad niyang pinagapang pabalik sa pinanggalingan nito—sa suot niyang gintong kwintas. Pamilyar ang pendant nito, isang puting balahibo na hindi mawala-wala ang liwanag kahit anong dilim ng paligid.

Napansin niyang nakatitig ako doon kaya't agad niyang pinasok sa loob ng suot niyang kamiseta saka inalok muli ang kamay sa akin.

"Sino ka?" turan ko kahit pa nagpakilala na siya.

Bumuga muna siya ng hangin. "Buong araw na kitang pinaghahanap simula nang mabalitaan kong napaslang si Ninong Pedro."

"Ninong?"

Mukhang nagdalawang-isip pa siya bago sumagot "Y-you don't recognize me?" Hinubad niya ang suot na sunbrerong nanatiling nakasabit sa kaniyang leeg at itinitig ang mga kumikinang niyang mata. "I'm Ysa, your sister." Saglit lamang siyang ngumiti pagkatapos ay inalis rin ang tingin sa akin.

Naramdaman kong na-awkward-an siya sa pagtatagpo namin. Nahirapan akong huminga. Para akong inilubog muli sa malamig na ilalim ng ilog ngunit napalitan iyon ng maligamgam na pakiramdam. Gusto ko siyang yakapin ngunit malaki na siya, dalaga na. Napangunahan ako ng hiya.

"We'll catch up later but if you're thinking why, nandito ako para ipagpatuloy ang tungkulin niya." Sinundan ko ang tingin niya sa malayo, doon sa kabaong ni Ninong. "Kaya bumangon ka na diyan dahil marami pa tayong dapat pag-usapan."

Hindi na ako nagreklamo nang tulungan niya akong bumangon dahil medyo nanginginig pa rin ang aking mga tuhod. Mas natakot pa ako sa itsura ng aswang na iyon kaysa sa mga nauna ko nang nasagupa.

"Pasensiya ka na," usal kong hindi ko rin alam kung bakit ko nasabi. Siguro dahil pakiramdam ko'y may iba akong naabala sa tuwing inaabutan ako nang gulo at mapipilitan silang tulungan ang tulad kong hindi naman mukhang patpatin at lalampa-lampa pero sadiya lang talagang naninibago sa mga nangyayari at siguro nga'y nakatago lang sa loob ang kaduwagan. "Hindi ko sadiya na sa ganito tayo muling magkikita." Ngunit ang kausap ko'y kanina pa pala nakalayo.

Mabilis siyang nakapunta sa may tolda, iniisa-isa ang mga tao roong nakatulog na lang bigla nang dumating ang aswang.

"Sandali!" sabi ko. Medyo humahabol pa ang hininga't hindi pa rin bumabagal ang pagtibok ng puso.

"Mukhang nahuli ako ng dating," sambit niyang bakas ng pagkadismaya ang nasa mukha. "Nakilala mo ba ang gumawa sa kanila nito?"

"Ha?" ako pala ang tinatanong niya. Abala kasi ako sa pagkapa ng buong katawan ko't mga suot na damit. Baka mamaya, may natira pang itim na itlog na 'di ko alam ay gumagapang muli papunta sa akin. "Ah . . . ha."

"Nakalog yata ang utak mo kanina."

Baka nga. "Ah, hinde. Wala. Wait. Hihinga lang ako," sabay buga ng hangin. Kung hindi ko lang ito kapatid baka nasapak ko na kanina pa. Pero baka nagbibiro lang naman siya. Nagseryoso na 'ko at binalikan ang tanong niya. "Gising pa sila nung dumating ako kanina pero sa tingin ko ay ang aswang ang gumawa n'an sa kanila. Siguro para matiyak na walang pipigil sa plano niya." Nilingon ko ang katawan ng saging na naiwan sa may ibaba ng kabaong, na ngayo'y kagulat-gulat na kulay brown na at nabubulok.

"Ang balbal? Imposible." Hinipo pa niya ang ulo ni Aling Bebang na kanina'y nagse-serve lamang ng alak sa mga nagi-inuman. "Balak niyang kunin si Ninong Pedro at palitan ng katawan ng saging. May kakayahan silang pagmukhain itong bangkay. Pero wala silang kakayahang magpatulog nang ganito karaming tao. Kung meron man, kakailanganin nila ng tulong ng iba, ng malakas na kapangyarihan para magpatulog ng isang madla sa isang kumpas lamang."

Nakaramdam ako ng panic at nagpalinga-linga. Kung tama ang sinasabi niya, baka hindi lang nag-iisa ang balbal. Baka grupo sila o baka may mas malala pang katulad niya na nasa paligid lang.

Sinagot ng kapatid ko ang nasa sa isip ko. "I can't feel any other aswang presence here. Don't worry. Usually, madadamot ang balbal kaya mag-isa lang sila kung umatake. Ayaw nila ng may kahati sa pagkain."

Napalunok na lang ako ng laway. Malayo ito sa inaasahan ko. Kung hindi ako nagkakamali, 14 years old na siya pero matangkad siya para sa edad niya. Siguro nasa lahi namin. At ang mga salita niya, ibang-iba kung ikukumpara ko sa kaedadan niyang siguro'y nag-aaral pa sa high school, naglalaro ng Barbie o Chinese garter. Kapatid ko ba talaga ito? Hindi ko lang agad nakuha ang koneksiyon dahil hindi naman kami ganoon kahawig sa isa't-isa. Iba ang inaasahan kong magiging tagpuan namin ngunit ito na nga siguro ang pinakahihinaty naming muling pagkikita.

Sinubukan kong hanapin sa mga mata niya ang tingin ng isang taong gulang kong kapatid noong huli kaming nagkita sa probinsiya, noong inampon kami ng mga mag-anak namin.

Malayo sa ine-expect ko. Mas marami pa siyang alam sa akin tungkol sa mga kababalaghang ito. Na-recruit din ba siya ng samahan ng Klab Maharlika? Pero wala akong makitang tsapa niya. Gusto ko mang matuwa na lumaki siyang matapang at marunong makipaglaban pero hindi ko maiwasang malungkot. Paano kaya kung sabay kaming lumaki?

"Saglit . . ." Nawala ako sa iniisip ko. Humawak siya sa ilong, nag-iisip o baka may naalala.

"Liam!" Napalingon agad ako sa lalaking tumawag sa akin mula sa pinanggalingan kong taniman kanina.

"Rome!"

Nilaktawan niya lang 'yung bangkay ng balbal na unti-unting nagiging abo. "Okay ka lang?"

Tumango ako. "Si Belle?"

"Pinatago ko muna siya saglit sa may damuhan doon sa lote. Hindi ko natiis. May na-vibes akong hindi maganda kaya nagpunta ako rito." Tinignan niya ang bago kong kasama na hanggang ngayo'y kinikilatis pa rin ang mga mahimbing na natutulog na kapitbahayan namin.

"Ah, si Ysa," subok kong pagkakakilala, "kapatid ko."

Nagpungay ang mga mata ni Rome. "Talaga ba?" dire-diretso niyang nilapitan at hinarap ang pangalawang banwar na nakilala niya. "Hello. My name is Rome, babaylan trainee." Pinagmasdan niya ang kakaibang suot ni Ysa. "Nice outfit. Is this your armor? Sa Ilocos chapter ka ba galing?"

Napasinghap si Ysa at nanlaki ang mga mata. "You're a Klab member?" tanong niyang parang may ginawang krimen si Rome. Mabilis siyang nagpalabas muli ng liwanag sa braso hanggang sa maging patalim at itinutok sa amin ni Rome.

"Bakit ka nagsama ng katulad niya?" tanong niya sa aking hindi inaalis ang tingin kay Rome.

Hindi ko siya masagot. Nagtataka rin ako bigla sa inasta niya. "Ysa, kaibigan siya. Tinulungan niya akong makarating dito sa burol ni Ninong. Sila ang nagligtas sa akin sa kalabang higante ni Lam-ang."

"Girl, you better calm down," subok ni Rome. Akala ko pa'y dadaain niya sa matiwasay na usap pero nakahanda na ang kamay sa pagguhit ng sandata niya sa kabilang braso. "I'm not a person to be mess with."

"Guys, guys!" Minabuti ko nang pumagitna sa kanila. "Puwede ba huminahon muna kayo?" Ramdam kong kumalma na si Rome pero ilang segundo ko pang tinitigan si Ysa sa mapusyaw na balintataw ng mga mata niya bago niyo pinaglaho ang liwanag sa kaniyang kamay.

"Liam, she doesn't looks like your sister to me." Napahawak si Rome sa kaniyang baywang.

"Don't listen to him," tutol ni Ysa. "Klab Maharlika is the true enemy. They are hunting us. They wanted the agimat for themselves."

Sabay pa kaming napasinghap ni Rome.

"No, girl! Baka 'yung chapter niyo lang. We don't want to harm any Maginoos like you two. Hindi kami perfect in all ways but Manila chapter is doing their best to protect its members."

"You shouldn't be here," tanging naitugon ni Ysa. "More enemies will come after us."

Hinarap ko siya at sinubukang pakalmahin. "Ysa, kapatid kita at dapat kitang pagkatiwalaan pero kilala ko si Rome. Kaklase ko siya sa school."

"He has a point," gatong ni Rome.

"Hindi ako kailanman ipinahamak ng Klab Maharlika. Sinubukan pa nga nilang iligtas si Ninong."

"And look where we are," seryosong sagot ni Ysa, "at Ninong's funeral. 'Wag kang palilinlang."

Bumilis bigla ang tibok ng puso ko. Naalala ko si Tatay. Parehas ng bilin niya sa akin sa pangitain. Hindi ko na muna iyon pinansin.

"Look, girl. I don't know what happened to your chapter's Klab but looks like we do belong from the same society," dagdag ni Rome.

Isinuot muli ni Ysa ang malapad niyang salakot na dumadagdag lalo sa kaniyang pagiging misteryoso. "Not quite. I've escaped from them and met the Kailianes, samahang may espesyal na tungkulin para sa mga banwar." Lumingon siya sa akin na parang gusto niyang marinig ko ang paliwanag niya. "Ninong is one of them, kailianes. They do sometimes interact with Klab Maharlika but they have the sworn duty of guiding us, descendants of the Ilocano hero."

Dapat ba akong makaramdam ng pagiging espesyal dahil sa may isang pangkat na nabuhay na ang tanging tungkulin ay 'wag mapariwara ang tulad kong may lahing bayani? Pero bakit parang mas nalungkot lang ako at nanlumo.

May kung anong napansin si Rome dahilan para ibaba pa ni Ysa ang suot na sombrero na parang ayaw ipakita ang kaniyang mukha.

"Oh. I . . . never heard of that." Ngumiti na lamang si Rome.

"You don't have to," dagdag ni Ysa. "They're supposed to work in secret, trained to be feared by malignos who will crossed paths with banwars." Kaya siguro napakaseryoso ng asal niya. Pinalaki siya sa ganitong klase ng pamumuhay. Naalala ko ang palaging turo ni Ninong, na 'wag padadaig sa emosyon. Gamitin ang isip, 'wag laging puso, pagdating sa mga desisyon. Kahit naman siguro sino na inaatake na ng mga aswang ay dapat na may malinaw na pag-iisip. Na-train nila nang maigi si Ysa.

May napansin rin ako. Naglakas-loob na akong magtanong. "Ngayon ka lang ba nakadalaw sa burol ni Ninong?" Tumingin lang siya sa akin at hindi sumagot. "Bakit hindi mo pa siya dinadalaw?"

Kanina pa siya paikot-ikot lamang, nago-obserba pero ni hindi ko siya nakitang lumapit sa kabaong.

"Kamag-anak natin siya and I even belong to the group he was in, ang mga kailianes, pero hindi ko iyon ipinagmamalaki."

Napanganga ako sa sinabi niya. Hindi ko maintindihan.

Napaismid siya't itinaas ang mga kamay. "Look, I know you're close with each other and you know him better than me but . . . the reason why he's been hiding here in Manila imbis na sundin ang dapat niyang tungkulin sa aming bayan ay dahil matagal na siyang itinakwil ng mga kailianes."

Humuhulma lang ang salitang bakit sa isip ko.

"'Yang suot mong agimat ang isa sa pagma-may-ari ng bayaning kanilang pinagsisilbihan."

"Yes, girl," singit ni Rome, "Si Lam-ang."

Tinapunan niya lang si Rome ng matalim na tinging nagpaurong naman sa kasama ko. "Ang samahan ang dapat na mangalaga niyan, hindi tulad mong wala pang alam sa mga parating na panganib." Sintalas ng tingin niya ang mga salitang tila humiwa sa kalooban ko. Lalo pang lumawak ang anino ng kaduwagang pilit ko lamang itinatago. "But our ninong is very stubborn. Siya ang nag-ingat at nagtakas pa ng hinlog ni Lam-ang. Pinilit nyang siya muna ang gumamit habang hindi pa husto sa tamang edad ang magmamana." Parang siya mismo'y hindi rin pabor na ako ang tinutukoy niya sa tono ng pagsasalita nya.

Hinawakan kong muli ang maliit na pangil na pendant nito. "Kung ganoon, kaya ka naririto ay para bawiin ang agimat?" Handa na sana akong ibigay iyon sa kaniya. Baka mas nararapat siyang mag-alaga n'on.

"Are you stupid?"

"Ano?"

"Walang silbi ang pagpunta ko rito. Tama nga sila, hindi karapat-dapat ang tagapagmana. Sa tingin mo ba'y ibibigay 'yan sayo ni Ninong ng ganun-ganun lang? Pagkatapos, ilang salita ko lang ay handa ka na agad iabot 'yan sa iba. Ni hindi mo pa nga natitiyak ang tunay na kapangyarihang taglay n'an."

Wala na bang ikatatalas ang mga salita niyang tumatagos ngayon sa kalooban ko dahil masakit sabihing tama siya.

"Pero ikaw ang kapatid ko," tutol ko. "'Wag mo nang itago. Suot mo rin ang isa pa sa agimat ni Lam-ang."

Napaismid siya. Hinawakan niyang muli ang kwintas sa kaniyang leeg at inilabas ang nagniningning na pendant n'on—puting balahibo ng ibon.

"Tama ka," pagpapatuloy ko. "Sa ating dalawa, mas karapatdapat kang pagmanahan nito. Baka ito na nga ang oras para muling magsama ang dalawang agimat sa tunay na nagmamay-ari mula sa angkan ni Lam-ang. May tiwala ako sa 'yo."

"You're delusional," sagot niyang nagpawala bigla ng lungkot ko. Handa ko na sanang tanggapin ang tadhana ko. Ito na nga siguro 'yung tinutukoy ni Tatay sa pangitain at ni Ninong bago siya mamatay, ang dahilan para hanapin ko ang kapatid ko na siya palang nangangalaga ngayon sa agimat ng Tandang. Pero bakit parang tutol mismo ang kapatid ko? "I'm not here to get that. That's yours, stupid."

"Besh, calm down," alo ni Rome. Iniisip ko na lang na lumaki siguro siyang prangka magsalita. "Why don't you just tell us your reason for being here?"

Napangiti bigla si Ysa. "Namana ko siguro ang pagiging pasaway kay Ninong. I didn't just join the kailianes to fulfill their job. I'm here to finish what Ninong is supposed to do, to guide whomever the next right owner of the shadow canid, ang abuhing aso."

Parang may umihip na hangin sa mukha kong nagpahimasmas sa akin ngunit hindi pa rin nawawala ang kaguluhan sa isip.

Natigil ang pag-uusap namin nang sabay-sabay kaming napalingon sa paligid.

Dug. Dug. Wshhhh. Dug. Dug. Mahinang tunog iyon na narinig naming nagmumula sa bawat direksyon—tila hakbang ng malaking tao kapanabay ng ingay na parang may mabigat na bagay na kinakaladkad sa lupa.

"Sabi na nga ba," bulalas ng Ysa. "Walang kinalaman ang balbal. Nagkataon lang na andito rin siya. Nakatulog sila bilang paghahanda."

Nakaramdam ako bigla ng pagkataranta. Nagpa-panic na rin si Rome. "Para saan?"

"Parating na sila. Ang pasagad. Magtago kayo?"

Mabilis siyang nakakilos at nakatakbo agad pabalik sa taniman. Samantalang kami ni Rome ay hindi malaman kung saang sulok magtutungo.

"Dito. Dito. Dito." Tatakbong nagpunta si Rome sa may puwesto ng kabaong. Nakahawak na rin siya agad sa puluhan ng sandata niyang nakapaikot sa braso.

Palakas nang palakas ang yabag kaya wala akong nagawa kung hindi ang magtago rin. Nagsimula na ring tumahol ang mga aso ng kapitbahay ngunit sa hina ng tunog, hinuna ko'y maging sila'y takot lumapit sa lugar na aming kinaroroonan.

Gumawi ako sa kanan at agad na hinanap ang maliit na poso ng tubig doon. Madilim sa sulok no'n dahil doon ako madalas magtago kay Ninong nung bata pa ako kapag nahuhuli niyang natutulog na naman ako imbis na tapusin ang takdang-aralin.

Kita ko pa rin naman sa siwang ng yero ang umpukan ng mga naglalamay. Saan ba nagmumula ang kakaibang tunog na iyon? Aswang na naman ba o engkanto? O baka mas nakakatakot pa dahil ang kapatid kong mala-ninja na walang-habas kung makapatay kanina, ngayon ay maigi ring pinagtataguan ang nilalang na parating. Hindi na ba matatapos ang gabi na 'to ng wala kaming nakakasalamuhang elemento?

Tumigil bigla ang yabag na sa hula ko'y katabi na lamang ng trapal, naaninagan pa nga lamang ng anino. Na-imagine kong kagimbal-gimbal ang itsura nito. Nag-isip na ako ng dapat gawin kung sakaling ako na naman ang puntirya nila.

"Ungggg!"

Hindi ko inaasahan ang ungol ng isang hayop. Inihakbang ng nilalang ang kaniyang itim at matabang binti. Kakulay ng aspalto ang malaki niyang kuko sa paa. Natamaan ng liwanag ang mga sungay niyang katulad ng sa kalabaw. Tuluyang nagpakita sa liwanag ang isang itim na higanteng napayuko nang ipinasok niya ang sarili sa lugar. Ang dulo ng sungay niya'y kumakamot sa bubong na trapal. Blanko ang kaniyang mukhang parang binura. Nakasuot siya ng itim na tuxedo at pantalon na para bang alam niyang lamay ang kaniyang pupuntahan. Mas mahaba pa ang mga braso niyang umabot sa tuhod sa pagkalaylay kaysa sa binti niya. Imahe niya'y laman ng mga bangungot ng mga bata.

Umalingasaw ang magkahalong amoy ng kandila at bulaklak ng sampagita.

Halos masakop niya ang buong espasyo kaya't napahiga at natumba na lamang sa sahig ang mga nakikilamay na natutulog pa rin hanggang ngayon. Kung anuman ang sumpang ibinitaw sa kanila ay napakaepektibo.

Iniangil ng higante ang patulis niyang mga sungay na hugis makitid na letrang U sa ibabaw ng malaki niyang ulo. Tuloy-tuloy siyang naglakad. Saka ko lamang naintindihan na kaya pala kakaiba ang tunog kanina ng mga yabag niya ay dahil may hila-hila siyang malaking karitela, paragos na ginagamit ng mga magsasaka. Nahawi no'n ang mga lamesang nakaharang hanggang sa makalapit siya sa kabaong. Inamoy-amoy niya iyon sabay ungol nang napakalakas. Itinangala pa niya ang ulo na parang gusto niyang umibabaw ang nililikha niyang ingay.

Sumunod ang panandaliang katahimikan. Hindi na ako mapakali sa puwesto ko at medyo nangangati na rin ang likod ko. Dapat na ba akong tumakbo palayo?

Whissshhhissh!

May kung anong bagay na nagbubuga ng malakas na hangin ang ngayo'y nasa itaas namin. Bigla na lamang natanggal ang bubong na trapal na parang dinala ng malakas na bagyo palayo. Bumungad sa amin ang maitim na langit ng gabi. Natatakpan ang buwan at mga bituin ng bagay na iyon, parang sa helicopter ang ingay.

Patuloy lang sa pag-ungol ang taong-kalabaw habang mag-isa niyang binubuhat ang kabaong ni Ninong gamit ang mahahaba niyang braso. Ipinatong niya iyon sa paragos na kinakaladkad niya kanina. Bigla na lamang may nahulog na dalawang malaking hook mula sa langit na saktong kumagat sa magkabilaang gilid ng paragos.

Tumigil saglit ang higante nang tila may nahagip ang kaniyang paningin kahit wala namang mga mata. Dahan-dahan siyang lumapit sa lamesang pinapatungan ng kabaong kanina.

"Tigil!" Tumayo si Rome mula sa kaniyang pagkakatago. Hawak ng kanang kamay niya ang tingting na sandata na ngayo'y diretsong nakatutok sa kalaban. Mas lalo akong kinabahan dahil alam kong hindi pa ganoon kagaling ang kaniyang braso.

"Rome," pabulong kong tawag. Bakit ngayon niya pa naisipang magpakita. Wala siyang laban.

Hindi natinag ang higante.

Isinubo ni Rome ang kaniyang sumpit ngunit bago pa siya makaihip ay inunday ng higante ang mahaba niyang braso. Nahagip si Rome. Parang simbigat ng bakal ang pagkakatama no'n kaya natumba na lamang si Rome sa sahig, sapo ang kaniyang ulo. Ihinampas niya ang sandata sa kaliwang braso at kusa iyong umikot muli. Hindi siya makatayo sa pagkaliyo.

Ni hindi pa nasiyahan ang higante at lumapit pang muli.

"Rome!" sigaw kong ako mismo ay hindi marinig dahil sa ingay ng malaking saksayang panghimpapawid sa itaas namin. Hindi ko na natiis kaya lumabas na ako sa aking lungga.

Napalingon ang higante sa akin na parang nataranta. Binuhat niya ang halos mawalan na ng malay na si Rome at ipinatong sa paragos katabi ng kabaong ni Ninong. Hinigit niya ang taling nakakapit sa paragos bilang hudyat. Unti-unting umangat ang kabaong kasama ang nanghihinang si Rome, pataas, paakyat sa kakaibang sasakyang umiibabaw ngayon sa kabahayan ng squatter area.

Bakit ang daming may interes sa bangkay ni Ninong? Hindi ko naman inaasahan na ganitong mga nilalang ang makikilamay sa amin. Saan nila dadalhin ang kabaong?

Hahayaan ko na lang ba? Pero ano'ng magagawa ko.

"Liam?" mahina na sa pandinig ko ang sigaw ni Rome.

Tumakbo ako at nilagpasan ang mga taong natutulog pa rin sa sahig. Kailangan ko siyang mailigtas ngunit sa isang iglap ay nakataas na agad sila ng isang dipa. Nakaharang sa daraanan ko ang matangkad na higante.

Umakyat ako sa lamesa at dala ng instinct ay tumalon sa lakas na kaya ko. Napahawak ako sa kahoy na ilalim ng paragos. Muntikan pang madulas ang mga kamay ko pero kumapit ako nang mabuti at iniayos ang puwesto ng pagkakahawak ko. Nagngitngitan ang mga ngipin ko habang pinipilit na buhatin ang sariling katawan.

Rinig kong umungol muli ang higanteng aking nilagpasan. Pinilit kong tumungo at nakitang abala ang higante sa pakikipagpatintero. Si Ysa! Bumalik siya at ngayo'y tinulungan akong makaalpas.

Nasilayan ko lang na ginamit niyang muli ang agimat. Tulad ng hibla ang lumabas na lamang sa kaniyang palad. Inikutan niya ang halimaw, inakyat at pinailaliman. Mabilis ang kilos niya hanggang hindi ko na lang namalayan na nababalot na ng nagliliwanag na sinulid ang buong katawan ng higante. Para siyang insektong sinapot ng isang gagamba, hindi na ito makakilos sa higpit.

Tumingala akong muli at pinilit na akyatin ang paragos. "Rome!" tawag ko. Hindi na siya sumasagot. Siguro'y nahimatay na 'yon ngayon sa taas na ng aming pinaglalagyan.

"Stupid!" muntik pa akong malaglag sa sigaw ng katabi kong kailianes. Nasa batok na niya ang suot na salakot at iginagalaw ng hangin ang maiksing hibla ng kaniyang buhok.

"Paanong—"

Ngunti hindi pala siya lumilipad. Parang sumusunod lang sa hangin ang suot niyang kapa na ngayo'y malapad na nakabuka sa kaniyang likod.

Iginiya niya ang katawan para makalapit sa paragos. Pagkatapos ay binuhat ang katawan para makaupo sa ibabaw.

Tutungo sana ako para makita kung ano'ng nangyari sa kalaban niya.

"Wag kang titingin sa ibaba. Baka maliyo ka, mataas na ang kinaroroonan natin," sabi ni Ysa.

Pakiramdam ko'y isusuka ko ang mga kinain ko kagabi sa sinabi niya.

Inialok niya ang kamay sa akin. Agad ko rin itong kinuha. Magaspang ang palad niyang para bang sanay sa mga ganitong klase ng pakikipaglaban. Maingat niya akong tinulungan na makaupo rin sa ibabaw ng paragos.

Nalula ako bigla nang makitang mataas na ang nililiparan namin, mas mataas pa sa naabot namin ni Belle kanina. Shoot, si Belle, naiwan sa lote.

Ngunit saan ba papunta ngayon ang mahiwagang sasakyan na nagdadala sa kabaong? Kumapit ako nang mahigpit sa sulok at dahan-dahang nilapitan ang nakahigang si Rome sa kabilang side. Tuluyan na siyang nawalan ng malay. Buti naman, kung hindi baka atakihin siya sa puso kapag nakitang halos maabot na namin ang mga ulap sa taas ng aming inililipad.

"Wala na bang mas tatanga pa sa iyo," tuya ng kasama ko. Umupo siya sa ibabaw ng kabaong ni Ninong na para bang walang takot na malaglag. "Anong pumasok sa isip mo para sundan ang salipapaw ng katataoan?"

"Ano?" Iyon siguro ang tawag sa higanteng nakaharap namin kanina.

"Uhh! Mas tanga 'ata ako at napasunod rin."

Humahaging sa tainga ko ang malakas na ihip ng hangin. "Natangay nila si Rome," sagot ko. "Saan ba ito papunta?"

"Ito ang sundo ni Ninong, sundo ng mga Maginoong Ilokano na tulad niya."

"Sundo papunta saan?"

"Sa kabilang buhay!"

********************************
Here are some pictures of Ilocano people from the net na naging basis ko sa new character sa chapter na 'to.



Sa last picture ang naging basis siguro ng pasagad (sledge). You'll know more about katataoan sa next chapter.
🔥🔥🔥

Salamat kay zemperfortiz sa pag-correct ng term. 💗

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top