6 Ang Kaluluwa sa Kakahuyan

IKA-ANIM NA HARAYA
ᜁᜃ-ᜀᜈᜒᜋ᜔ ᜈ ᜑᜇᜌ
Ang Kaluluwa sa Kakahuyan

SA LOOB lamang ng isang araw, ibat ibang klase ng mga maligno ang nakilala ko na dapat ko lamang katakutan ngunit sina Gwen at Rome na mismo ang nagpanatag ng loob akong loob. Ipinakita nila sa'kin na maging sila'y may sariling emosyon at karamihan ay wala namang balak na saktan ang mga tao.

Dahil doon, hinayaan ko na ang sarili kong mahiga sa loob ng tent na nakatayo sa gitna ng kakahuyang nagsisilbing tahanan ng misteryosong mga malignong nabanggit ko. Dala na rin siguro ng pagod at kirot ng mga nalamog kong kalamnang patuloy pa rin sa paghilom ay kusa ko nang kinuha ang isang unan at pumuwesto sa may kabilang gilid.

Katabi kong matulog si Rome na mabilis pa sa alas-otsong nahimbing agad. Kung ganoon lang sana kadaling makatulog, 'yung hindi kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko sa tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko.

Umusal ako ng maiksing dasal na sana'y hindi ako bumalik sa eksenang palagi kong napapanaginipan, sa ilalim ng katubigan at nalulunod. Pinagbigyan siguro ako ng mga anito dahil iba ang naging simula ng aking panaginip nang gabing iyon.

Nasa pampang kami ng isang mas malawak at mas malaking ilog kaysa nakasanayan kong Ilog Pasig malapit sa barong-barong namin. Ilang kataong nakasuot ng itim at puti ang kasama ko roong mga tahimik lang na nakatayo, nakatanaw sa mabilis na rumaragasang tubig ng ilog. Anong hinihintay nila?

Sa pulutong ng mga taong pinakamalapit sa pampang ay napansin ko agad ang mahabang buhok ng isang babaeng umiiyak. Panay ang punas niya ng luha gamit ang puting panyo habang inaalo ng ilan ding kababaihan. Agad ko siyang nakilala kahit nakatalikod.

"Ma?" mahina kong tawag hanggang sa unti-unting lumakas nang matiyak kong ang nanay ko nga iyon. Nagtatakbo ako papunta sa kaniya ngunit napatigil ako nang makitang kinakailangan ko pang tumingala para makita ang maamo niyang mukha. Hanggang baywang lang ng mga tao roon ang tangkad ko at nang makita ko ang repleksyon ko sa tubig ng ilog, nasilayan ko ang apat na taong gulang na Liam, tahimik ang mga matang puno ng kainosentehan.

Napagtanto kong bumalik ako sa nakaraan, sa huling araw na nakasama ko ang mga kamag-anak ko. May lumapit na mga taong nakaputi kay Mama na sa hinuha ko'y may ibang balakin at sinamahan siya papunta sa isang sasakyan.

"Ma!" pilit kong tawag ngunit tila hindi niya ako naririnig. Tuluyan siyang pumasok sa kotse kasama ng dalawang matanda. Saan nila dadalhin si Mama?

Sinubukan kong tumakbo ngunit mabilis akong napigilan ng lalaking may malalakas na braso. Nakatali ng putong ang mahaba niyang buhok. Yumuko siya para titigan ako. Si Ninong, noong kaedadan pa lang siya ng ama ko bago niya kami lisanin, noong maayos pang nakakakita ang mga mata niya, at noong ilang araw pa lang ang lumilipas nang mamatay ang kaniyang asawa.

"Liam," tawag niya sa akin sa malumanay na boses. Dumungaw na naman sa kalooban ko ang pakiramdam ng pagiging mag-isa. "May kailangan lang puntahan ang nanay mo. Magkikita rin kayong muli," sabi niya sa aking kahit siya'y hindi sigurado sa mga salita.

Tugma sa pagkakaalala ko, naroon lamang ako't tahimik na nakatayo, ni hindi umiiyak. Liting-lito sa mga nangyayari.

"Tama 'yan. Walang magbabago kung puro emosyon ang pinaiiral." Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon. "Simula ngayon, ako na muna ang magiging bantay mo," pagpapatuloy ni Ninong. Nang makita niyang wala akong reaksyon ay bigla niya akong kinarga.

Natanaw ko mula sa balikat niya ang malawak na ilog. Unti-unti ring nag-aalisan ang mga naka-itim na tao.

Sumagi sa paningin ko ang isang babaeng naka-belo, may karga-karga siyang batang babaeng isang taon pa lang ang gulang at basang-basa ang mukha sa pag-iyak.

Tumahan siya bigla nang magtama ang mga mata namin. Bumilis ang tibok ng puso ko. Alam kong siya ang bunso kong kapatid. At ito ang pinamalungkot na araw na naganap sa aming pamilya, kung kailan kami nagkahiwa-hiwalay.

Isinakay na ako ni Ninong sa unahan ng isang lumang jeep. Siya ang pumuwesto sa upuan ng tsuper at mahigpit na hinawakan ang manibela.

Minsan pa'y sinulyapan niya ako sa unahang salamin ng sasakyan, mga mata'y nangungusap. "Magiging ayos lang ang lahat," usal niya at sinumulan ang pagtakbo ng jeep.

Paglingon ko sa unahan ay sumambulat ang malaking bibig ng isang higanteng isda. Parang maliwanag na lente ng parating na trak ang mga mata nito

"Liam!" rinig kong sigaw ng kung sino hanggang sa tuluyang nilamon ng dambuhala ang sinasakyan namin.

Naramdaman kong muli na tila may nag-ahon sa akin mula sa malalim na pagkakatulog. Pagmulat ko'y sumalubong ang mukha ni Rome na punong-puno ng pag-aalala. Mahigpit ang hawak niya sa sandata niyang tingting.

"Binabangungot ka na naman," sabi niya at pilit pinakalma ang sarili na para bang nakita niya rin mismo ang mga nakita ko.

Pinunasan ko ang tumulong malamig na pawis sa noo ko at umupo nang ayos.

Nang makita niyang kalmado na ako ay umayos na rin siya ng upo sa tabi at isinuot ang salamin niya sa mata.

Tanging huni ng kuliglig at mga maliliit na ibon ang naririnig namin sa labas ng tent. Sana naman ay hindi namin nagambala ang pagtulog ni Gwen sa kabilang tent.

"Nanginginig ka kanina kaya nagising ako," sabi ni Rome habang nakatitig at nilalaro ang kaniyang sumpit sa leeg. Hirap man dahil sa suot na benda sa pilay na braso ay nagawa pa rin naman niyang maibalik ang sandatang tingting sa kabilang braso. "Sa sobrang tahimik mong tao, ni hindi ka sumisigaw kapag nagigising ka sa bangungot."

Siguro'y tama nga siya. Tahimik talaga akong tao at hindi pala-kuwento.

"You know you can tell us anything, right?" paninigurado niya ngunit hindi naman puwersado ang pagtatanong. Parang inaabangan niya rin talaga ako na sumagot. "Alam mo ba, karamihan ng mga Maginoong nakilala ko, madalas ding managinip. Hindi lang basta panaginip, minsan pangitain o kaya minsan dinadalaw sila ng mga anitong pinagmulan nila." Bumuntonghininga siya. "Samantalang ako na isang babaylan at ilang linggo nang nagsasanay, hanggang ngayon ay wala pa ring kakayahang kumausap ng mga anito samantalang iyon ang pangunahin naming tungkulin sa Klab bukod sa panggagamot. By this time, dapat may gabay na ako."

Nilingon ko siya.

"Companion spirit," sagot niyang nahulaan ang itatanong ko. "Maaaring hayop o matandang anitong matagal nang lumisan at nais maging gabay ng isang babaylan o katalonan. No one chooses me yet. Maybe they don't like me, not even my family in Bohol."

Napasinghot siya na parang sisipunin. Hindi ko naman alam ang dapat gawin o sasabihin.

Nanatili siyang nakatitig sa kwintas niya. "Hindi pa kami ganoon katagal magkakasama nina Gwen at Simm pero kilala nila akong likas na madaldal kaya pasensiya na kung nakukulitan ka sa akin." Napakamot siya sa ulo.

"Hindi naman," tugon ko. Lumunok muna ako ng laway bago nagsalita. "Napanaginipan ko ang bayan kung saan ako pinanganak . . . sa Ilocos. Nakita ko ulit si Mama, noong araw na kinuha siya ng mga tauhan ng facility."

Napalingon sa akin si Rome, handang makinig kaya tinuloy ko ang aking sinasabi.

"Four years old pa lang ako n'on pero ngayon, mas naiintindihan ko na. Nung iwan kami ng tatay namin, ilang beses na lang na nagigising si Mama kalagitnaan ng kaniyang pagtulog. Madalas din siyang mapag-isa at parang laging may kausap na 'di nakikita. Hanggang sa . . . halos hindi na niya kami makilala. Iba-iba ang sabi ng mga doktor. Baka raw maagang senyales ng dementia o mas malala pang sakit sa pag-iisip. Kaya napilitan ang mga kamag-anak namin na ipaampon ako ay Ninong. At si—" Napatigil ako. 'Di ko maalala ang pangalan ng kapatid ko. "At ang kapatid ko naman ay isinama rin ng iba pa naming kamag-anak. Dito na kami lumipat ni Ninong sa Maynila simula n'on. 14 years old na siguro ang kapatid ko ngayon. Grade 9 na siguro siya."

"I'm really sorry," halos pabulong na sabi ni Rome. "We didn't know that. And thanks for having the courage to tell us. Naaalala ko sa'yo si Frank."

Si Frank? Dahil ba sa tahimik akong tao? Mukha na rin ba akong zombie sa lagay na 'to.

Napangiti siya nang makitang nagtataka ako.

"Iba na naman ang iniisip mo. What I mean is that Frank also misses his family especially his younger siblings. Hindi siya palakuwento tulad mo. Pero isang beses, while I'm practicing my vision powers, I accidentally touched him and witnessed a personal memory of him. I saw how happy he was noong nabubuhay pa siya, sa tuwing umuuwi siya sa trabaho at may dalang pasalubong para sa mga kapatid niya. Hindi na raw niya tanda kung ilang taon na siya pero hindi niya makakalimutan ang masasayang mukha ng mga kapatid niya. Hangang ngayon nga, dala-dala niya ang pagiging maasikaso sa amin, ang tinuring na niyang ikalawang pamilya."

Hindi ko alam na mata-touch ako sa kuwento ng isang patay na muling nabuhay. Ayoko na rin alamin kung paanong siya'y naging amalanhig.

"Bakit hindi niya sinubukang balikan sila?"

"Because he knows that they have already moved on. Mahirap man pero ganoon talaga. We need to accept the fact that sometimes you have to let go of people you loved in order for both of you to grow no matter how painful it is. Si Frank nga lang, literal na tinubuan ng damo sa ulo."

Sabay kaming napatawa at napabuntonghininga.

"Pero ikaw, Liam? How do you feel when you were talking kanina sa bonfire." Manipis ang kaniyang ngiti.

"Sa totoo lang," pagpapatuloy ko. "Natatakot ako." Hindi ko alam pero magaan ang loob ko kay Rome, pati na rin sa karamihan ng mga ka-miyembro niya sa Klab. Wala akong maalalang naging kaibigan kaya hindi ako madalas nagkukwento kahit kanino. "Natatakot ako na baka maranasan ko rin ang naranasan ni Mama. Natatakot ako noon na matulog dahil madalas ay may nagpapakita sa aking panaginip. Minsan, may mga araw na 'di ko alam kung panaginip lang ba o totoo ang mga nangyayari sa akin. Baka may sakit na rin ako sa utak."

"Well, kung meron man, sigurado akong hindi yun hallucinations." Tumawa siya nang bahagya. "At least ngayon alam mo na na may dahilan ang mga nararanasan mo, na may mga nilalang sa mundo na hindi basta-basta nakikita ng mga normal na tao."

Tama na naman siya. Pero 'di ko rin sigurado kung dapat ko pang ipagpasalamat iyon. Hindi nga siguro ako nababaliw, dala lang talaga ng pagiging hinlog ng isang bayani at anito pero kung ang kapalit naman noon ay pagkakahiwalay ko sa aking pamilya at kapahamakan nila, na nangyari na nga kay Ninong, parang mas gusto ko pang maniwala na nababaliw lang ako.

"Thank you," sambit ko sa kaniya. "Salamat sa pakikinig."

Malawak na ang ngiti niya at mahinang sinuntok ang balikat ko. "Siyempre, ikaw pa. I'm actually happy seeing you like that."

"Ha?"

"Like that, like you know, talking and feeling emotions. Nasanay kasi ako na natutulog ka lang sa fourth row ng classroom natin, eh. Akala ko nga, isa ka sa mga siga sa klase sa tangkad at laki mong tao. Si DM lang pala talaga ang kilala kong bully na wala namang karapatang maging bully."

Napalakas 'ata ang tawa naming dalawa.

"Just take it easy," pagpapatuloy ni Rome. "Embrace your emotions."

Napaiwas ako ng tingin sa kaniya at tumitig na lang sa unahan. Ibang-iba 'to sa nakasanayan kong mga pangaral ni Ninong.

"Sometimes, our feelings reveals our true strengths. Logic isn't always enough to magically solve our problems. May mga bagay na hindi mo makikita o mapapansin kung bukas ang isip pero sarado ang puso." Naramdaman kong lumingon na lang din siya sa tinitigan kong unahan ng tent. "Follow your instinct, your mind, and your heart."

Napaisip ako nang malalim sa sinabi niya na agad ring naalis nang may bigla akong napansing dumaang anino sa harap ng tent namin. Kusang bumilis ang tibok ng puso ko. Ano 'yon?

Napansin din ni Rome at siya na mismo ang matapang na nag-unzip ng tent. Humakbang siya palabas at muling itinaas ang sandata.

Dahan-dahan akong sumunod sa kaniya pero wala namang bakas ng kahit na sino sa labas.

"Baka kung sinong maligno lang, pfft," pasya ni Rome.

"Saglit," bulong ko. Napatitig ako sa may tabi ng punong talisay, ilang dipa ang layo mula sa maliit na pond ng tiburon na si Belle na siguro'y mahimbing ding natutulog sa ilalim ng tubig. Nakita ng dalawang mata ko ang pigura ng isang lalaking naka-puti, mahaba ang buhok at may hawak na tungkod. Natatakpan ng anino ang kaniyang mukha pero alam kong nakatingin siya sa akin mula sa gilid ng puno.

Agad akong tumakbo paroon kahit nakayapak. Hindi ko na pinansin ang tawag sa akin ni Rome.

Pagkarating sa puno ay wala naman akong naabutan roon. Pero sigurado akong si Ninong 'yon, o baka nananaginip na naman ako.

Hinihingal akong naabutan ni Rome. "Bakit ka naman tumakbo rito?"

"Nakita ko si Ninong."

Kahit siya'y hindi makapaniwala sa sinabi ko. "P-pero, paanong—" Napayakap siya bigla sa sarili. "Bakit biglang lumamig dito. Nyiii!" Nakita kong nanginig siya nang bahagya sabay titig sa akin. "Liam, I think, Ninong mo nga iyon."

"'Pero paano? Nakita ko siyang pinaslang sa harap ko kagabi."

"I mean, hindi talaga ninong mo na muling nabuhay kung hindi alalia sa paniniwala ng mga Ilokano. Kaluluwa ng mga kababagong namatay na madalas ay pagala-gala lamang at nagpapakita sa mga mahal nila sa buhay. May napansin ka bang maliit na bolang liwanag na lumabas sa katawan niya kagabi?"

Hindi agad ako nakasagot pero tama ang pagkakaalala ko. Alalia pala ang tawag doon. Tumango ako. Kung ganoon, si Ninong pala talaga ang nakita ko. "Pero saan na siya nagpunta?"

"Hindi ko rin alam. Pero kung nagpakita siya sa 'yo, ibig sabihin ay may kailangan siyang sabihin bago siya tumawid sa kabilang dako."

Nag-isip ako'ng mabuti, pinakiramdaman ang sariling kutob. "Kailangan ko siyang puntahan."

"Ano 'ka mo?"

"Si Ninong. Kailangan kong puntahan ang labi niya.''

"Teka lang, Liam. Ang huling balita namin ay ibinuburol na siya sa barangay ng mga kapitbahay niyo."

"Yun na nga."

"Ang alin?" bakas ang pagkunot ng noo niya sa ilalim ng liwanag ng buwan.

"Gusto ni Ninong na puntahan ko siya ngayon." Agad akong nagtatakbo pabalik sa tent.

"T-t-t-teka." Nataranta na si Rome sa paghabol sa akin.

Pumasok akong muli sa tent para isuot ang hinubad kong sandals. Nilinga ko pa sa huling beses ang loob kung may naiwan ba ako pero wala nga pala akong kadala-dalang mga gamit kung hindi itong kwintas na pinaiingatan sa akin ni Ninong. Hinawakan ko iyon at naramdamang umiinit ito, tila sinasabing tama ang desisyon kong umalis.

Paglabas ng tent ay nakaharang agad si Rome sa daraanan ko, nakaturo sa akin ang sandata niya. "Delikado, Liam. Hindi ka puwedeng basta-basta umalis. May plano tayo," banta niya sa pinkamahinahong boses para 'di kami marinig ninuman lalo na ni Gwen.

Umangat ang ilang bula sa maliit na pond kaya naagaw ang pansin ni Rome. Dali-dali akong kumaripas ng takbo at nilagpasan siya, patungo sa mapunong bahagi ng gubat.

Agad rin naman akong napatigil nang mapagtantong hindi ko naman alam kung saan ako pupunta. Liam naman.

Naglakad lang si Rome palapit sa akin dahil alam din niyang wala naman akong ibang patutunguhan. "Liam, if you really think this is the right thing to do, then let me join you."

Nilingon ko siya at tinitigan nang diretso. "Kailangan ako ni Ninong ngayon. Ramdam ko na may gusto siyang sabihin sa akin, na dapat akong pumunta sa burol niya. Follow my instinct, 'di ba?"

"Okay, okay, fine. We'll go right now kahit halos wala pa nga tayong tulog at pahinga."

Nakaramdam tuloy ako ng sundot ng konsensiya. Oo nga, ako pa nga ang nang-abala sa kaniya dahil sa pagkakaalimpungatan ko. Pero sigurado na ako sa aking pasya.

Bumalik siya saglit sa tent. Sinundan ko lang siya ng tingin. Paglabas ay inalis na niya ang benda sa pilay niyang braso. Maging ang suot niyang badge sa damit.

Gusto ko sanang tumutol. "Anong—"

Inikot niya ang braso't balikat niyang muntikan nang magpakaba sa akin. "As always, effective ang gamot ni Lily. Parang dati lang." Nagpameywang pa siya at ngumiti. "I'll lead you there pero quick lang. We'll go incognito. Maharlika goes by pair. Hindi na dapat malaman nina Gwen at Simm kaya tahimik ka lang sumunod sa akin sa may tagong daanan."

Blobrkruuu!!

"Sabi ko, tahimik lang."

"Hindi ako." Sabay naming nilingon ang pond. Nakasampa na sa pampang ang mahahabang palikpik ni Belle. Tila nakangiti ang malapad niyang labi at sumisilip ang 'di ko mabilang na pangil. Sigurado ba silang ligtas na alagang hayop ito?

Kruuu!

Napabuntonghininga na lamang si Rome. Nilapitan niya si Belle at tinulungang makaahon sa lupa. "Hindi puwede, delikado," sabi niya rito.

Kruuu!!! Pinagaspas pa ng Tiburon ang kulay dilaw niyang mga pakpak hanggang sa makalipad siya't pumantay sa mga ulo namin.

"At namba-blackmail ka pa, ah," sabi ni Rome na muntikan pang kutusin ng isa si Belle bago humarap sa akin. "Sama raw siya sa atin. Mabuti na rin at may free ride tayo para mas mabilis. Tara na." Huminga siya nang malalim at nagsimula nang maglakad nang hindi ako nililingon.

Magkapanabay kami ni Belle na sumunod sa kaniya sa pinakatahimik na paraan na kaya namin.

Mahigpit pa rin ang hawak ni Rome sa sandata. May kung ano siyang kinakalikot sa suot na sumpit sabay subo nito bilang paghahanda sa pag-atake na mas lalong nagpakaba sa akin kahit pa dahan-dahan lang kaming naglalakad sa ilalim ng liwanag ng buwang ilang oras na lang ay lulubog na.

Makalipas ang ilang minuto, napadako kami sa may mga puno ng kamatsile. Naaninanagan ko ang anino ng malaking pader na humaharang sa daan. Nakilala ko agad na iyon ang likuran ng school na pinapasukan namin. Kung ganoon, tama nga. Nasa likod lang ng eskwelahan ang kakahuyan. Ano kaya ang magiging rekasyon ng mga kaklase namin kapag nalaman nilang mga nagtatagong maligno ang nasa likuran ng school.

May kumaluskos sa bandang kaliwa, sa tabi ng palumpong ng sampaguita.

Mabilis na nagtago si Belle sa malagong dahon ng mga puno sa itaas, parang ibong dumapo lang sa sanga.

Hinawakan ni Rome ang braso ko at inayang yumuko. Tumingin siya sa akin saglit subo ang sumpit.

Krak. May natapakan akong bulok na kahoy.

Nagpatuloy ang pagkaluskos ng mga dahon ng sampagita at nagpakita ang isang malaking kambing. Ngunit imbis na normal na ulo ay mukha ng isang matandang may mahabang balbas ang nasa ulunan ng hayop. Ang nilalang na nakita ko rin sa kakahuyan nung nanggaling ako mula sa lagusan. Nakita kami ng mga mata nitong kulay dilaw ang balintataw. "Ulululululu!"

Patay. Akala ko'y nabulilyaso na ang plano namin kung hindi lang dahil sa mabilis na kilos ni Rome.

Hinipan niya ang sumpit at tumama ang bala nito diretso sa leeg ng kambing. Kulay berdeng itsurang tinik na isang dangkal ang haba ang tumusok sa leeg niyon. "Ulul—" Namuti ang mga mata ng maligno at natumba na lamang sa damuhan, nawalan na ng malay.

"Pansamantala siyang makakatulog." Hinawakan na muli ni Rome ang braso ko at lakad-takbo kaming lumapit sa pader habang nakayuko. "I'm sorry, Lucky," banggit niya nang nilaktawan namin ang nakahigang katawan ng taong-kambing.

"Pangalan niya ay Lucky?" tanong ko.

"Yes and yes. Laki ang tawag sa uri nila. Lucky din ang ipinangalan sa kaniya ni Hiyas." Ang weird.

Nagpatuloy na kami ngunit imbis na kulay puting pintura ng school, isang itim at mabalahibong nilalang ang sumalubong sa harap namin.

"Anak ng—Mameng?" tawag ni Rome. Sabay pa kaming tumingala at nakita ang tuktok ng higante pero ni hindi namin mawari ang mukha nito. "Natutulog siya."

"Ha?"

"Dalian na natin." Lumiko kami at nilagpasan rin ang itim na higante.

May hinanap si Rome saglit sa pader hanggang sa maaninagan ng liwanag ng buwan ang gatuhod na taas na butas.

"Ikaw na ang mauna. Baka biglang magising ang mga bantay. Nasa likuran mo lang ako," utos niya.

Hindi na ako nagdalawang-isip at paggapang na pumasok sa mabatong butas. Bumungad ang madamong lupa ng pamilyar na Science Park ng school. Sa gilid ay naroroon ang library at sa kabila naman ay ilang sasakyang naka-park. Kasunuran ko lamang si Rome. Ligtas kaming nakapasok ng school.

"Now what?"

Kruu! Si Belle na ang sumagot. Pakaway-kaway pa ang dalawang pakpak niya sa gilid na nababalutan ng magkahalong balahibo at kaliskis.

"Kagulat ka naman, Belle. 'Wag ka basta-basta susulpot." Tiningala ni Rome ang mataas na pader na malamang ay nilipad ng kasama naming pating para makatawid.

Kru!

"Tama siya," bulalas ni Rome, "Hindi maganda ang nararamdaman ko sa plano natin. May oras pa para umurong."

Paano niya naintindihang 'yun ang sinabi ng pating na 'to?

"Puwede ka nang bumalik kung natatakot ka," sabi ko sa kaniyang hindi itinago ang inis at akmang aalis na. Tinalikuran ko siya at nagsimula na lamang maglakad papunta sa gate ng school.

"Saan ka pupunta?"

"Kay Ninong," mariin kong sabi, pigil ang namumuong luha.

"Mas mapapabilis tayo kay Belle."

Agad akong napalingon nang mamalayang nasa gilid ko na pala sila. Lumilipad si Belle sa taas na tatlong talampakan. Nakaupo sa matibay nitong likuran si Rome na parang nakasakay lang ng motor. Nakalahad ang kanang kamay sa akin.

Kaagad ko rin namang tinanggap ang alok niya. Tinulungan niya akong makaupo sa likuran. Muntik pa akong malaglag nang kumaripas ng paglipad si Belle. Kumapit na lamang ako nang mahigpit sa madulas niyang buntot sa likuran.

Mabilis kaming nakataas. Tila maliit na laruan na lamang ang buong eskwelahan. Natanaw ko pa ang mapunong kakahuyan. Nawa'y hindi sila magalit kung sakaling malaman nilang tumakas kami. Ah, basta. Mabilis lang naman kami.

Nagsimulang tumigil ang pagkumpas ng mga pakpak ni Belle nang maabot namin ang taas na labinlimang dipa at hinayaang ang hangin ang magdala sa amin sa patutunguhan. Ni hindi na kami maabot ng pinakamataas na gusali sa gawi ng bayang ito. Ngunit nahirapan naman akong makakita at makarinig dahil sa malakas na hangin.

Narinig kong may sinasabi si Rome pero hindi ko agad naintindihan. "Ano 'yon?" tanong ko.

"Sabi ko, you really love your Ninong," sabi niya habang mahigpit na hawak ang salamin sa mata para hindi liparin.

Hindi agad ako nakasagot. "Hindi ko lamang siya basta ninong. Siya na ang nagsilbing ama at ina ko simula nang ampunin niya ako. Tungkulin na sana ay natanggap ko sa tunay kong mga magulang." May namuong laway sa lalamunan ko. Ni hindi ko sigurado kung narinig ba ng kausap ko ang mga sinabi ko pero tumugon siya.

"You deserved a family. I just hope you choose the right persons. Sana mahanap na natin ang kapatid mo," sabi niya sa nanginginig na boses.

Pababa na pala ang direksyon ng aming paglipad. Mukhang maging si Belle ay pamilyar na sa squatter na pinuntahan nila kagabi.

Lumapag kami sa may bakanteng lote kung saan ko huling nakita si Ninong at si Lobo. Amoy ko pa rin ang dumanak na dugo at maging ang marka sa lupa na huling pinaghimlayan ng aso namin.

Pagkababa ay iniwas ko ang mga tingin doon dahil anumang oras, pakiramdam ko'y tutulo ang mga luha ko. Nagsimula akong maglakad patungo sa bahay namin.

"Sandali. Sasama ako," pigil ni Rome.

"Kahit hindi na," sabi ko. "Mabilis lang ako. Sisilay lang ako saglit. Isa pa, kailangan ng bantay ni Belle. Baka may makakita."

Hindi naman na umumik si Rome, pahiwatig na sang-ayon naman siya sa sinabi ko.

Ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Lumalagpas lamang sa paningin ko ang mga kabahayang araw-araw kong dinaraanan dati pagkagaling sa eskwelahan. Mabigat ang bawat hakbang ko, nakaramdam ng kaunting pag-aalinlangan. Sigurado ba ako sa gagawin ko? Kakayanin ko bang makita si Ninong sa kaniyang huling himlayan?

Naalala ko bigla ang kaluluwang nagpakita sa kakahuyan na tinawag ni Rome na alalia. May dahilan kung bakit ako ngayon narito at 'yun ang pinanghawakan ko.

Naaninag ko na agad sa malayo ang tumpukan ng mga taong nag-iinuman at nagsusugal sa ilalim ng bagong tayong trapal sa may harap ng barong-barong namin.

Dahan-dahan akong lumapit. Iilan lang ang nakikilala ko sa mukha. Ni hindi ko nga alam ang mga pangalan ng mga kapitbahay namin dahil hindi rin talaga ako palalabas.

Gayunpaman, madali nila akong makikilala kaya sinipat ko ang nadaanang sampayan at sumamsam ng nakita kong kulay gray na jacket. Kung sino man ang may-ari, kasalanan niyang hindi agad kinuha ang mga sampayin bago lumubog ang araw. Sinuot ko iyon, medyo may kalakihan sa akin pero hinayaan ko na lang. Agad kong itinalukbong ang hood.

Ayoko nang gumawa pa ng gulo sa lugar namin kung sakaling may makakita sa akin. Siguradong maging sila'y hindi alam kung paanong ipapaliwanang ang nangyari kay Ninong. Mabuti na nga lamang at kilala kami ng kapitan kaya naasikaso kahit paano ang burol. Wala naman kaming ibang kamag-anak dito na aasahan kaya alam kong baka wala pang tatlong araw ganapin ang lamay bago siya ilibing.

Naglakad ako sa tabi ng ilang kabataang naglalaro ng baraha sa may lamesa. Masaya silang kumakain ng libreng tinapay at kape. Buti pa sila, 'di alintana ang panganib na tatahakin ko dahil lamang sa nagtataglay ako ng dugo ng bayani at anito.

Nasilayan ko na ang kabaong ni Ninong. Simple lamang ang disenyo noon, ni walang bulaklak sa gilid o anumang litratong nakapatong. Ngunit sa dami ng mga tao ngayon sa lamay, alam kong maraming nakadaupang-palad si Ninong. Kahit halos hindi siya makakita at palaging nangangailangan ng alalay ay hindi niya inalintana iyon. Palagi siyang tumutulong sa nangangailangan. Ilan siguro sa mga ito ay nabigyan niya ng húling isda dahil dalawa lamang kami sa bahay ang kumakain, tatlo kasama si Lobo.

Sa tuwing nagpapatawag ang barangay ng makakatulong sa kanilang proyekto ay palaging boluntaryong sumasama si Ninong kahit pa ilang beses ko na rin siyang sinaway para na rin sa kalusugan niya. Pero madalas ay naiiwan ako sa bahay para bantayan ang aso namin. Bilin niya, mag-focus ako sa pag-aaral.

Dahan-dahan akong lumapit sa kabaong. Napalunok pa ako ng laway nang muling masilayan ang mukha ni Ninong. Magaan lang ang make-up na inilagay at kahit paano'y maayos ang kaniyang mahabang buhok at balbas. Para lang siyang natutulog at may sumisilip pang ngiti sa labi.

Napakapit ako sa gilid ng kahoy na kabaong. Gustong-gusto ko siyang hawakan at gisingin. Sabihin sa kaniyang nandito na ang inaanak niya, na maaga dapat kaming lumuwas dahil manghuhuli pa kami ng isda sa ilog. Ninong, may inuutos na naman si Kapitan. Ako na lamang ba ang pupunta? Ninong, may project sa school, kailangan ko ng tulong mo kasi malapit na ang deadline. Ninong, hindi ba kukuwentuhan mo pa ulit ako tungkol sa angkan natin, kay Mama at kay Tatay? Hindi corny para sa akin ang mga biro mo, 'Nong. Sabik na sabik akong makinig muli ng mga istorya mo tungkol sa alamat at epiko. Kahit ilang beses mo sa aking ilahad kung paano kayo nagkakilala ni Ninang Marsya, kung paano mo siya tunay na inibig at kung paano mo ako laging pangaralan kung sakaling ako naman ang mag-aasawa.

Ninong, hindi na ako magrereklamo ulit sa pagkain. Susubukan ko nang makipaglaro diyaan sa kapitbahay. Mag-aaral na akong mabuti, promise po.

Pero kahit simpleng ubo na madalas niyang isinasagot sa akin sa tuwing nagiging matanong ako'y hindi ko narinig. Bakit kung kailangan kita, saka ka maagang lumisan?

Pinikit ko ang mga matang basa na ng luha, pinunas ang laylayan ng jacket sa tumulong uhog. Sinuway ko na agad ang bilin niyang 'wag magpapadala sa emosyon. Baka sakaling bigla siyang bumangon para pagalitan ako.

"Nakikiramay ako, utoy." Nagulat ako sa biglaang singit ng isang nanay sa tabi ko. Hindi ko matandaan kung saan ko ba siya nakita. Nakilala niya ba ako? "Hindi ko alam kung saang baryo ka galing pero sigurado akong isa ka sa mga natulungan ni Ka Pedro," tukoy niya kay Ninong. Mukhang hindi nga niya ako nakilala. Inayos kong muli ang talukbong ng suot na jacket.

"Napakabait niyang tao kahit pa dayo lamang siya dito noon. Napakabuti ng puso. Maswerte ang batang lalaking kaniyang itinuring na anak. Ikaw?" Lumingon siya sa akin. "Baka nakita mo ang inaanak niya? Lamar, Leo? Ano nga ba ang pangalan n'on? Hay, bihira kasi lumabas ng bahay. Tsk. Tsk. Tsk. Naawa ako sa batang iyon. Bigla na lang naglaho. Baka hindi niya pa alam na inatake ng akyat-bahay si Ka Pedro. Balita ko'y siya lang ang matapang na kumalaban sa nakawalang kriminal. Eh, ilang putok ng baril ang narinig namin kagabi."

Kung ganoon, iyon pala ang pagkakaintindi nila sa dahilan ng pagkamatay ni Ninong.

"Kahit 'yung ampon nilang aso, 'di pinalampas ng walanghiya. Ayon, nailibing na rin namin diyaan sa may tabing-ilog."

Gumuhit na naman sa isip ko ang pigura ng higanteng gumawa nito kay Ninong, si Sumarang, ang naging karibal ng ninuno kong si Lam-ang at ngayo'y muling nabuhay para singilin ang kasalanang wala naman kaming kinalaman. Napalitan ng galit ang lungkot na nararamdaman ko.

"Aling Berta," tawag ng isang mama sa may kabilang lamesa kung saan masaya silang nag-iinuman. "Parine ka, isang case pa nga."

"Hay, ang mga buwisit na mga 'to talaga," inis na pagtalima ng kausap kong babae kanina. "Para namang nagbabayad ang mga 'to sa tinda ko. Papunta na."

Gumaan kahit papano ang pakiramdam ko dahil sa mga sinabi niya.

Paalis na sana ako para balikan si Rome. Baka naiinip na siya. Pero humarang sa daraanan ko ang isang malaking mama. Ni hindi ko mawari kung nakasuot ba siya ng itim na damit o balat niya iyon. Parang may tumagas na nakasusulasok na amoy sa kinatatayuan namin, parang nabubulok na bangkay. Kamuntikan pa akong masuka.

Nagmadali na ako't nilagpasan ang mama ngunit nahagip ng tingin ko ang malaking bagay na hawak niya—putol na katawan ng saging. Bakit may dala siyang ganoon?

Papunta ang mama sa kabaong ni Ninong. Para siyang lasing kung maglakad. Siguro'y kasamahan nung mga nag-iinuman sa tabi. Saka ko lamang napansing tumahimik ang paligid. Ang kaninang mga bantay ng lamay na abala sa kanilang ginagawa ngayo'y mga himalang naka-ubob sa lamesa, mga tulog na! Ganoon ba kalakas ang tama ng alak sa kanila?

Tanging ang mamang nilagpasan ko ang gising. Sa sobrang pagtataka'y nagpasiya na akong lumapit.

Mabilis akong humakbang hanggang sa maunahan ko siya. Agad kong napansin ang gadangkal na haba ng matutulis niyang kuko na ngayo'y mahigpit pa ring nakahawak sa putol na katawan ng saging. Tiningala ko siya at nakita ang namumula niyang mga mata. Ngumiti siya sabay luwa ng napakahaba niyang dila. "Aswang!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top