2 Ang Higanteng Hindi Nakikita
Ikalawang Haraya
ᜂᜃᜎᜏᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Ang Higanteng Hindi Nakikita
"NANANAGINIP ba ulit ako?"
Pak! Dumaplis ang sampal ng babaeng nagpakilalang Gwen sa pisngi ko. Kahit hindi ganoon kalakas, naramdaman ko naman ang hapdi. "Aray!"
"Ayan, gising ka na." Kumikinang sa dilim ang dilaw niyang mga mata na tila parang sa ahas.
"Anong ginagawa niyo rito? Mga akyat-bahay kayo, 'no? Wala kayong mananakaw." Uso ngayong panahon ang nakawan sa squatter area namin. Minsan, kahit mahirap at hikahos ay 'di pinalalampas.
"Mas malaki pa d'yan ang dapat mong problemahin," sagot ni Rome. 'Di tulad ng sa panaginip ko at sa lagi niyang ayos, mukha siyang sumuong sa giyera sa itsura niya—magulo ang buhok at madungis ang suot na hooded shirt na nagkulay-kalawang ang dating dilaw. Kahit ang kasama niya'y ganoon din. Saan ba sila nanggaling?
"K-k-klok." Nasamid bigla si Rome. Napakapit pa siya sa dulo ng papag at sumuka sa gilid. Kahalo ng ilang butil ng huli niyang kinain ay isang puting bato. "K-k-yak!" sigaw niya nang makita ang iniluwa.
"Ano 'yan?" bulalas ko na lang. "Ikaw ba si Darna?"
"Tawas," sagot ni Gwen. "Ginamit niya para masundan ka sa panaginip mo. Dahil kung hindi, baka tuluyan nang nakulong ang naglalakbay mong kaluluwa sa kabilang mundo."
"Saka na kami mag-e-explain," sabi ni Rome at pinahid pa ang tumulong laway.
"Kailangan mong sumama sa amin pero dapat mag-ingat tayo sa ating kilos." May pagmamadali sa salita ni Gwen. May kinuha siyang mabigat na bagay na nakasandal sa gilid ng papag kong higaan—isang kinakalawang na palakol at naghanda sa kung anumang kaniyang sasagupain.
Si Rome naman ay humawak sa kaniyang pulsuhan. May kung anong alahas ang nakapulupot sa kaniyang kaliwang braso. Saka ko napagtantong hindi 'yon basta mahabang pulseras, gawa iyon sa matibay na kahoy. Hinigit niya ang dulo noon. Kusa itong kumalas at dumiretso sa isang matuwid na sandatang singpayat siguro ng tatlong pirasong tingting. Hindi. Tingting nga talaga na kulay tanso na sa tibay ay parang kayang humiwa ng laman ng tao. May mantsa pa ang dulo nitong kulay pula. Dugo ba ang mga iyon?
Humarap sila parehas sa may gawi ng maliit na pintuan ng kwarto ko. Ni wala nga iyong pinto at diretso na agad sa balkonahe namin.
"Gwen, 'wag ka masiyado lumapit," suyo ni Rome sa kasama.
Umilag naman bigla ito nang makita ang hawak na tingting na tila ba matalas na patalim sa kaniya.
"Magdahan-dahan ka naman, Rome. Baka nakakalimutan mong maligno rin ako. Matamaan pa ako ng sandatang 'yan."
"Orlando knows who to attack."
"Stop calling your weapons stupid names."
"It's a cool name though."
"Bakit ang tagal ni Simm?" pag-iiba ni Gwen ng paksang kanilang pinag-uusapan. "Kala ko ba'y kayang-kaya niya ang mga kalaban?"
Sandata? Kalaban? Anong nangyayari?
Tumayo na ako nang husto at lumapit sa dalawa. "Maaari niyo bang ipaliwanag sa akin ang nangyayari?"
Nilingon ako ni Rome na bahagyang napapikit nang makitang wala pa pala akong saplot at naka-boxer lang dahil sa ganoon naman talaga ako matulog. "Puwede bang magbihis ka muna?"
Mukhang 'di naman nila papansinin ang mga katanungan ko. Naglakas-loob akong lumabas. "'Nong!" Malakas kong tawag. "Nin—"
Tinakpan ni Gwen ang bibig ko't pinagtulungan pa nila akong ipasok muli sa kwarto at pinaupo sa may gilid ng papag. Ibang klase rin ang lakas ng mga 'to.
"Shhh. 'Wag kang maingay," utos sa akin ni Rome. Saka ko lamang napansin ang pendant ng suot niyang kwintas. Isang dangkal ang haba noon na tila gawa sa kawayan. May ukang parihaba sa gitna kung saan kita ang lamang malapot na tubig na ngayo'y mabilis na kumukulo. "Ang langis. Andyan na sila."
"Sinong—" Ngunit bago pa 'ko makapagtanong muli ay sabay-sabay naming narinig ang tinig na 'yon. Parang ungol ng hayop na kinakatay, palakas nang palakas at palapit nang palapit mula sa pinanggagalingan papunta sa may pintuan.
Nagtaasan ang mga balahibo ko't bumilis na naman ang tibok ng pulso. Parang 'di ko na tatangkaing lumabas ulit dahil sa nakakatakot na ingay na 'yon.
Tumahimik lang ang dalawa at nakaabang sa parating. Krukkk. Sumilip sa pintuan ang nakayukong ulo ng isang nilalang. Kulubot ang abuhing balat at walang buhok. Bahagya ko lamang itong maaninagan dahil natatakpan ng anino. Hanggang sa humarap ito. Walang laman ang kaliwang mata, pugot ang ilong at bulok na ang lahat ng ngipin. Sa bibig niya nanggagaling ang ingay na 'yon.
"Dakes," bulong ni Rome.
"Baldadong engkanto," dagdag ni Gwen na kala mo'y mas nagpalinaw sa akin kung ano nga bang klase ang kaharap namin ngayon.
"'Wag kang gagalaw. Hindi niya tayo nakikita," paliwanag ni Rome. Hindi naman na ako kumibo dahil mukhang alam nila ang dapat gawin. Sinubukan kong pabagalin ang paghinga para hindi mapansin.
Tuluyan nang pumasok ang dakes sa kwarto. Payat ang katawan nitong parang trosong namatay sa tagtuyot at iisa lamang ang binti nitong inilulundag para makakilos.
"Hsss," sutsot ni Gwen. Nanlaki ang mga mata niyang tinititigan ang nilalang na para bang may hinihintay siyang mangyari ngunit bigla rin siyang nadismaya. "Hindi ko siya kayang mapasunod. Mukhang wala silang isip," bulong niya kay Rome. "Hindi na talaga gumagana mesmeraid ko pagkatapos ng laban natin sa yawa nung isang buwan."
Napalingon sa amin ang engkanto, mukhang nalaman na ang aming kinapupuwestuhan.
Agad na kumilos si Gwen at inunday ang hawak na palakol. Hindi na siya napigilan ni Rome.
Nakahanda na sana 'ko sa pagdanak ng dugo ng engkanto ngunit parang naging usok ang parte ng katawan nito't malinis na lumagpas lang ang sandata ni Gwen.
Hindi rin iyon inaasahan ni Gwen kaya nadala siya ng bigat ng palakol at napadausdos sa gilid.
Ngumiti lamang ang dakes bago lumundag muli palapit sa amin. Si Rome naman ang sumugod. Itinarak niya ang matalas na tingting na base sa palitan nila kanina'y mabisang panlaban sa mga maligno pero malinis din itong naiwasan ng engkanto. Parang gawa ang katawan nito sa usok, nagmimistulang hamog kapag gustuhin.
Naglaho ang dakes, kinain ng dilim. Nilinga-linga namin ang paligid nang marinig ko na naman ang mahinang ungol malapit sa kaliwa kong tainga. Nag-porma ang hamog at nabuo muli bilang katawan ng engkanto. Iniangil nito ang bulok na mga ngipin at akma akong kakagatin.
"Lumayo ka!" Otomatiko ko siyang nasuntok sa bungo na himalang tumalab. Malamang ay pisikal silang nahahawakan kapag sila mismo ay 'di inaasahan ang mangyayari.
"Fudge!" rinig kong sigaw ni Rome. Kinalikot niya ang suot na kwintas at isinubo. Hinipan niya 'yong parang sumpit at may kung anong butil ang lumabas mula sa kabilang butas nito na tumama sa kahoy na pader sa gilid ko. Nalaglag lamang ang bala sa tabi ng binti kong nakaluhod sa gilid ng papag. Naglabas iyon ng kulay dilaw na enerhiyang lumukob sa akin at humarang sa pagitan namin ng maligno. Ni hindi na niya ako malapitan, pinaguuntog lang ang bungo sa sanggalang na sa tingin ko'y hindi rin magtatagal.
Para akong aatakihin sa puso sa nasasaksihang kaganapan.
Narinig pa namin ang maraming ungol sa may pintuan at bumungad ang 'di bababa sa sampu pang nilalang na panay may depekto. May iba na kulang ng kamay, may ilan na tapyas ang panga.
Naghanda muli sa pagsugod si Gwen kahit alam niyang wala namang talab ang sandata sa kanila. Iniwasiwas niya iyon ngunit kumawala sa kaniyang pagkakahawak ang palakol, parang kutsilyong humiwa lamang ng usok na lumagpas sa mga engkanto. Narinig na lang namin ang tunog ng bakal sa may balkonahe.
Tuloy-tuloy lang na pumasok ang mga dakes.
Hindi sumuko si Gwen. Hinawakan niya ang sarili niyang kwintas na may berdeng bilog na pendant. Unti-unti itong nag-alab at naglabas ng kulay luntian ding apoy.
Napaurong saglit ang mga engkanto.
Pumikit si Gwen at pagmulat ay itinaas ang mga kamay sabay buga ng malakas na apoy mula sa kaniyang palad na siguradong tutupok sa kung anumang madaraanan noon. Kahit akong nasa kabilang dulo ng kwarto ay ramdam ang init pero hindi naman naapektuhan si Gwen ng kaniyang apoy.
Panandalian lang ang pagpigil niya sa kalaban. "Masiyado silang marami."
Blag! May ingay na nagmumula sa bubungan. Parang may mga nagtatalunan sa mahuna nang yero. Tuluyan itong nasira at dalawang nilalang ang bumagsak sa sahig—isa sa mga engkantong ngayo'y putol ang mga braso pero dalawa ang ulo. May kasagupaan itong lalaking nakasuot ng itim na jacket na halos masira na. Namumula ang kaniyang mga mata at may mga kakaibang hugis na nagliliwanag sa braso at leeg niya, mga tattoo.
Pilit niyang inaalis ang patalim ng kaniyang maiksing sibat na ngayo'y nakasaksak sa dibdib ng maligno.
"Simm!" sabay pang tawag nina Rome at Gwen sa bagong dating na lalaki na sa tingin ko'y kasing-edad ko lang.
"Cover your ears!" sigaw ng lalaki. Sumunod naman agad ang dalawa ngunit sa pagkataranta'y hindi agad ako nakapagtakip ng tainga sa kagustuhang makita at marinig nang maayos ang nangyayari.
Ginamit nang lalaki ang lakas niya at may hinigit ang malayang isang kamay sa bulsa ng kaniyang jacket—isang baril!
Anak ng engkanto! Ano itong pinasok ko?
Isinubo ng lalaking tinawag nilang Simm ang nguso ng mapanganib na baril sa malaking bibig ng dakes. Hayok na hayok iyong nagwala habang umuungol.
Ipinutok ni Simm ang gatilyo. Boom! Walang dumanak na dugo ngunit hindi na kumikilos ang kalaban. Mukhang nalunok lang niya ang inilabas na bala ng baril.
Napahawak ako sa taingang sumakit sa pagkakarindi dahil sa malakas na putok ng baril na sa tingin ko'y magpapagising ng kahit na sinong natutulog na kapitbahay sa aming lugar.
Naglahong bigla ang dilaw na enerhiya sa paligid ko kasabay ng pagkawasak ng kahoy na pader sa gilid ko at pumasok ang ilan pang engkantong nakatatakot ang itsura.
Napanganga na lamang ako't hindi malaman ang gagawin.
Mabilis na kumilos si Gwen at muling nagsaboy ng nag-aalab niyang apoy ngunit tila wala naman itong talab sa mga mala-hamog na nilalang.
Nasilaw ako sa liwanag. May humablot ng braso ko.
"Ilayo mo ang banwár. Kami na ni Gwen ang bahala dito," rinig kong bilin ng lalaking magkabilaang hawak ang baril at sibat. Hindi na namumula ang kaniyang mga mata ngunit nagliliwanag pa rin ang mga tattoo sa leeg at braso niya.
Hindi ko na lamang namalayang tumatakbo na pala ako palabas ng kwarto. Iminulat ko ang mga matang bahagyang nabulag sa saring ng apoy. Nasilip ko pa sina Gwen at Simm na nakikipaglaban pa rin sa mga dakes. Sa kanila nakatuon ang atensyon ng mga ito.
"Bilisan natin," sabi ni Rome sa tabi ko. Halos kaladkarin na niya ako palabas ng bahay.
Agad akong dinapuan ng lamig ng hating-gabi. Mataas pa ang puwesto ng buwan sa maulap na langit. Dahil sa kaguluhan, ni hindi pa ako nakapagbihis. Nakayapak pa nga ako't tinitiis ang sakit dahil sa mga natatapakang bato sa daan.
Himalang tahimik ang mga kapitbahay namin. Ganoon ba sila kahimbing matulog kaya hindi nila namamalayang may kaguluhan nang nangyayari sa paligid. "Saan tayo pupunta?" 'Di ko na napigilang magtanong sa kasama ko.
"Basta malayo dito. Nasa may bakanteng lote si Belle."
"Sino?"
Inayos niya ang suot na salamin sa mata. "Alaga naming tiburon, flying shark."
Siguro nga'y nananaginip pa rin ako.
"Arf!" Pamilyar na tahol ang muling nagpabalik ng sigla sa akin sa magulong gabing ito.
"Lobo." Agad kong sinalubong ang asong bigla na lamang sumulpot sa gilid. Lumuhod ako para yakapin siya. Bumawi naman siya ng pagdila sa mukha ko. "Saan ka nanggaling? Nasaan si Ninong?"
Umungol siya at biglang nabahag ang buntot. "Arf!" Parang gusto niyang ituloy ko ang pagtakbo.
Hanggang sa maramdaman ko ang naramdaman din niya. Isang malaki at mapanganib na presensya ang biglang lumitaw mula sa kung saan. Nilingon ako ni Rome na parang nagsasabing naramdaman din niya iyon.
Bumababa ang temperatura, may kaunting pagyanig ang sahig. Sa may bandang masikip na eskinita sa kaliwa ay may malaking aninong lumabas. Sigurado akong mas mataas pa sa mga bahay-bahay rito ang taas ng taong iyon, kung tao man iyon. Ngunit ang mahirap ay hindi ko s'ya maaninagan nang maayos. Parang may nakaharang sa paningin ko para hindi makita ang buo niyang kaanyuan.
Malalim at mabigat ang paghinga ng higante na biglang natigil sa paglalakad. Parang nakita niya 'ata kami at pinag-aaralan ang mga batang kayang-kaya niyang mapatay sa isang hakbang. "Magandang gabi, Maginoo." Boses niya'y nagpanginig sa mga kalamnan ko.
"Shems," bulalas ni Rome. "Nakita niya tayo. Bilisan natin."
Hindi na ako nagtanong pa at tumakbo nang muli sa pinakamabilis na paraan na kaya ko. Sinundan lang namin ang direksyong tinatahak ng nasa unahan naming si Lobo.
Kumanan kami at makalagpas ng limang bahay ay nasilayan ko na ang bakanteng loteng may harang pa ng barbed wire. Ligtas naming natalon iyon kahit gatuhod namin ang taas. Ngunit rinig ko pa rin ang pagyanig ng lupa sa likuran dahil sa hakbang ng higanteng kasunuran namin.
"Nasaan na si Belle?" dismayadong bulong ni Rome. "Kung alam ko lang, sinama na dapat namin sina Frank."
Biglang lumiko si Lobo pabalik, papunta sa direksyon ng higanteng anino. Malakas niya itong tinatahulan. Parang gusto niya kaming mauna nang makaalis para iligtas kami sa kalaban. Hindi maaari.
"Liam!" tawag sa akin ni Rome na sumunod rin naman agad nang bumalik ako. Hindi ko puwedeng iwan ang alaga naming aso.
Nakailang hakbang pa lamang ako'y may kung anong mabigat na bagay ang bumundol sa aming dalawa. Lumipad kami palayo ni Rome at tumilapon sa damuhan. Saka ko lamang naintindihan na hinampas kami ng kung anumang matigas na bagay na hawak ng higante.
Tumama ang ulo ko sa batuhan at nanlabo ang paningin. Maging ang mga ungol ni Lobo ay humina dahil sa ingay na umalingawngaw sa tainga ko dala ng pagkatumba.
Naghagilap ako ng maihihinga. Nasipatan ko si Rome, ilang hakbang mula sa puwesto ko. Sapo niya ang nagdurugong sintido. Sa itsura niyang iyon ay malala ang kaniyang pagkakabagsak. Pero mahigpit pa rin ang hawak niya sa tingting na sandata.
"Huwag mo akong gambalain, kutong-lupa," tawag ng malaking anino sa aso kong nakikipagpatintero pa rin dito.
"Arf! Ar—" Tumilapon din siya dahil sa pagkakasipa. Lumapit ang malaking anino at naaninagan kong iniapak niya ang malaking binti sa aso ko. Parang latang napiyaot si Lobo at pirming tumanim sa lupa ng lote.
"Hindi!" Sinubukan kong bumangon. Umiikot ang paligid sa paningin ko pero humakbang pa rin ako.
"Kakatwang malámang nababalisa ang hinlog ng banwár sa isang salot," rinig kong sabi ng higante. Nai-imagine kong nakangiti siya ngayon habang pinagmamasdan ako palapit sa kawawa kong alaga.
"Lobo?" Hindi siya sumagot. Nakapikit siya at lupaypay ang katawang hindi gumagalaw. Nakabaliko ang dalawa niyang paa at maging ang leeg niya sa direksyong hindi na normal.
Lumuhod ako sa tabi niya at hinagod ang manipis niyang balahibo. Wala akong maramdamang kabog sa kaniyang dibdib. Hinayaan kong tumulo ang luha sa mga mata ko.
"Magiting na alagad," tuya ng hindi nakikitang higante. "Ibibigay ko ang nararapat na respeto sa matapang mong alaga. Nawa'y hindi siya mahirapan sa pagtawid sa kabilang dako," sabi niya sabay darak ng laway sa bibig na narinig kong dinura niya sa tabi.
Ang lungkot ay mabilis na napalitan ng galit. Tumayo ako at sinubukang harapin ang kalaban kahit hindi ko sigurado kung tama ba ang puwestong aking kinaroroonan. Nasamyo ko ang mapanghi niyang amoy. "Sino ka ba? Magpakita ka, duwag."
Sinlakas ng tambol ang halakhak niya. "Batang banwár, hindi pa lubos ang iyong paningin. Sayang at hindi mo nasaksihan ang muli kong pagbabalik sa anyong ito." Ramdam ko ang paglapit ng hininga niya sa mukha ko. "Hindi mo pa kayang tarukin ang halaga mo sa aming balakin. Nagkamali ng nabangga ang ninuno mong si Lam-ang. Ngayon, ikaw ang magbabayad ng kaniyang kataksilan."
"Anong pinagsasabi mo?" Mahina ang aking tugon dulot ng lamig ng hangin at sa nararamdaman na ring takot sa kalabang 'di nakikita.
"Hindi naman niya siguro ikakagalit kung mapilayan kita ng isa o dalawang binti." Naramdaman kong bumuwelo siya para umatake sa direksyong hindi ko nalalaman.
"Sumarang!" Napalingon ako sa lalaking bagong dating at humahangos pa. Madungis na ang suot niyang pang-alis. Isa na lamang ang suot na sapin sa paa. Putol ang hawak na tungkod at lalo pang nanlabo ang mga matang halos maubusan na ng itim na balintataw.
"Ninong!" tawag ko sa kaniya. Tumakbo ako palapit.
"'Nak," tawag niyang parang maluluha. May kung anong bagay siyang hawak, isang kwintas. Kumikinang sa dilim ang gintong tali nito.
"Aha!" bulalas ng higante. "Ikaw pala ang kailianes na nakaatas sa banwár na ito. Maraming salamat." Gumalaw ang anino nito na para bang aatakihin si Ninong bago ko pa siya mapuntahan.
Krashhh! Tumama ang puluhan ng sandata niya sa dilaw na enerhiyang bigla na lamang sumangga kay Ninong kaya't hindi siya natamaan.
"Lintik." Parang saglit na natigilan ang anino.
Paglingon ko sa kabilang gilid ay nakatayo na palang muli si Rome. Mahigpit ang hawak niya sa sandatang ngayo'y parang latigong humaba at nakapulupot sa kawalan na sa hula ko'y isa sa mga binti ng kalaban. Binitiwan ni Rome ang subong sumpit at sumigaw, "Go!".
Hindi ko na pinalagpas pa ang oras. Dali-dali akong lumapit kay Ninong na biglang napaluhod sa panghihina. Naglaho rin agad ang dilaw na pananggalang.
"Saan ka nanggaling, 'Nong? Anong nangyari? Bakit puro galos at sugat po kayo?" pag-aalala ko.
Pero nakatuon lamang ang puti niyang mga mata sa akin. "Patawarin mo ako, 'nak."
"Saan po? Wala naman po kayong kasalanan."
"Marami, Liam. Marami akong hindi nasabi sa iyo. Ngunit sinubukan ko. Ang akala ko'y kaya ko pero hindi."
"Wala po akong maintindihan." Mas gugustuhin ko pang sermunan na lamang niya ako dahil sa pagiging mainipin at pihikan kaysa makita siya ngayong kahit sa pagsasalita ay nahihirapan.
"Tanggapin mo ito." Isinuot niya sa akin ang gintong kwintas na hawak niya kanina. Maliit at patusok na bato ang pendant nitong hugis ngipin ng hayop. "Ano po ito?"
"Ang agimat ng abuhing aso mula sa ninuno mong si Lam-ang." My katotohanan nga ba talaga ng sinasabi niyang akala ko'y pawang mga kuwento lamang. "Sa iyo iyan nararapat. Patawarin mo ko, 'nak, kung sinubukan kong ilihim sa iyo ang lahat. Akala ko'y makikita ko siyang muli."
"S-sino po?"
"Ang mahal kong si Marsya." Ang namatay niya bang asawa ang tinutukoy ni Ninong? "Ngunit iba ang aking naabutan. Hanapin mo ang tandang. Siya ang magtuturo ng daan."
Sinlabo ng burak sa ilalim ng Ilog Pasig ang mga sinasabi ni Ninong. Lalo lang akong nalito at naguguluhan. Para akong batang naliligaw sa kagubatan.
Sabay kaming napalingon kay Rome na ngayo'y panay ang sugod sa higanteng anino. Sinusubukan niyang bigyan pa kami ng ilang minuto. Ngunit sadyang wala kaming laban. Muling tumilapon si Rome sa gilid.
"Wala nang oras," pagmamadali ni Ninong. Napaluhod ako bigla nang ipatong niya ang palad sa pawisan kong noo. Nagsasambit siya ng mga salitang hindi ko maintindihan.
Saglit pang nagdilim ang paningin ko at pagmulat ay kakaiba ang aking naramdaman. Parang gumagalaw ang lahat ng bagay sa kapaligiran. Nanghina ang katawan ko't parang gusto kong mahiga.
"Tapos na ba kayo?" Malalim na dagundong na tanong ng higanteng ngayo'y malinaw ko nang nakikita. Malaki ang mga mata niyang mulat na tila kailanman ay 'di kumukurap kahit pa bakas ang malalim na peklat sa parehas na pilikamata. Maging ang kaniyang bibig ay mas lumuwang dahil sa sugat sa kaniyang pisngi. Siguro'y hiniwa iyon ng dati niyang nakasagupa.
Mahaba ang nakatirintas niyang buhok. Naka-bahag lamang siyang kulay lumot at may ilang alahas na suot sa leeg at braso. Balot ang kaniyang katawan ng maiitim na tinta, mga tattoo katulad ng sa lalaking may baril kanina ngunit ang sa higanteng ito'y kakaiba ang mga hugis.
Halos maabot ng taas niya ang nagliliwanag na buwan sa langit. May hawak siyang mahabang sibat na tila ilang beses na niyang nagamit dahil hindi na diretso ang hawakan. Kuminang pa ang patusok na dulong patalim na may kawit sa gilid bago niya ito initsa at tuluyang tumusok sa likod ni Ninong. Lumabas ang talim sa dibdib niya. Tumalsik ang ilang dugo sa mukha ko.
Lumuluha si Ninong ngunit hindi tàkot ang ekspresyon ng kaniyang mukha kung hindi awa at pangamba. Ito ang unang beses na nasaksihan ko siyang umiiyak.
Ibinuka niya ang duguan na ring bibig at akmang magsasalita ngunit napangunahan na ito ng kawalan niya ng ulirat.
Binawi ng higante mula sa pagkakatusok ang kaniyang sandata.
Sumandal ang walang buhay na katawan ni Ninong sa akin na agad ko ring niyakap.
Hindi ko alam ang dapat na iasta. "N-Nong?" subok kong tawag pero naghalo na ang luha at laway ko sa pagsasalita. Hindi ko akalaing masasaksihan ko ngayong gabi ang pagpanaw ng taong kumupkop sa akin.
Sa mga oras na iyon, parang gusto ko lang yakapin si Ninong habang umiiyak. Wala na akong maramdamang init sa katawan niya, wala na siyang hininga.
Natuon ang atensyon ko sa isang nagliliwanag na bolang lumabas mula sa sugat niya sa likod. Para iyong munting gamo-gamo, mas malaki lamang nang kaunti at 'di hamak na mas maliwanag. Bigla rin itong naglaho.
"Argh!" Sigaw ng higante. Hindi pa siya tapos at tila may inaatake sa taas.
Nakita ko na lamang sa langit ang isang lumilipad na bagay—isang pating na may pakpak. Sa ibabaw nito'y nakatayo ang lalaking nagligtas sa amin kanina mula sa mga engkanto at si Gwen na malakas na inihagis ang kaniyang palakol. Tumaga ang patalim sa balikat ng higanteng nagpatumba rito.
"Mga Maharlika!" sigaw niya. Tumutulo ang malabnaw na dugo sa natamo niyang sugat. "Magbabalik ako." Bigla siyang nilamon ng anino.
"Liam!" tawag sa akin ni Rome. Maging siya'y malala ang lagay. Basag na ang salamin niya sa mata. Inalalayan niya ako sa paglapag ng katawan ni Ninong sa lupa.
"Kailangan mong magpahinga. Matulog ka muna." Pahina nang pahina ang boses niya.
Hindi puwede. Ayoko pang matulog. Natatakot ako.
Hindi ko na kinaya ang bigat ng katawan. Kusang pumikit ang mga mata ko. Nahuhulog ako sa kadiliman.
ಥ╭╮ಥ
[One week na walang update. Hahaha. At least bumawi ako sa wordcount. Hihi.
Again, this is a rough draft. Details are subject to change once na nabuo ko na ang outline ng story. Nasa Chapter 6 pa rin kasi ako sa pagsusulat. Hehe. Medyo mabagal kaya nakikinikinita ko nang I have to adjust para makahabol sa Wattys.
As always, thank you for reading.
( ˘ ³˘)♥]
Hindi. Hindi pa rin naman nakaabot hahaha. Pero sana ngayon. Yieee.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top