16 Ang Pamana ni Lam-ang
IKALABING-ANIM NA HARAYA
ᜑᜃᜎᜊᜒᜅ᜔ ᜀᜈᜒᜋ᜔ ᜈ ᜑᜇᜌ
Ang Pamana ni Lam-ang
IYON na yata ang pinakamasarap na tulog ko. Wala na ang mga bangungot na gabi-gabi kong napapanaginipan. Wala na sa ngayon.
Pagmulat ko nang mata'y saka ko naramdaman ang hapdi ng bawat kalamnan ko, hapdi na unti-unti nagiging ginhawa. Natatakpan ang paningin ko ng asul na awra, ang healing bubble ni Lily. Ngunit ngayo'y nabawasan na kahit papano ang kaba ko na baka malunod ako, na baka hindi ako makahinga.
Pinanatili ko ang sarili na kalmado, dinama ang sakit ng katawan, sakit na tila dumaan ako sa matinding masahe o ehersisyo na alam kong ikagiginhawa ko rin pagkatapos.
Halos makatulog yata ako ulit bago pumutok at naglaho ang bula. Nasilaw ako sa mabilis na pagtama ng liwanag mula sa ilaw ng kisame. Puting-puti ang buong kwarto. Nasa clinic ulit ako ng Klab Maharlika, panambalan kung tawagin ni Rome.
May mangilan-ngilang binata at dalaga na nakahiga sa kanilang kama na katulad ko'y nagpapagaling. Ngayon ko lamang sila nakita.
"It was a tough cluster meet," agaw-atensyong sabi ng isang lalaki sa dulo ng aking higaan. Aakalain ko pang si Rome iyon dahil nakasalamin rin siya at maayos ang porma pero may kapayatan siya't malamig ang boses. Nakasuot ng varsity jacket. Halos kasing tangkad ko rin siya. "They're here to be medicated and cope," tukoy niya sa mga kasama kong nagpapahinga dito sa clinic. Saka ko lang napansin na ang iba pala doon ay pawang mga nurse na nagche-check ng kalagayan nila, mga katalonan o babaylan.
"Buti at nagising ka na!" sabi ng babaeng tangi kong nakilala sa kanila. Malawak ang ngiti niya sa akin. Nakahati pa rin ang buhok niya sa gitna at nakapuyod. May disenyo pang paru-paro ang ipit niya sa ulo.
Lumapit siya sa lalaking kumakausap sa akin. "Ito nga pala si Ian, Puno—I mean, dating Punong Maharlika ng chapter natin."
"I'm still your head," hindi niya pag-sang-ayon at napakunot pa ang noo. "Not until the transition."
Napatikhim na lamang si Lily.
"I apologize for not meeting you ahead of time, Liam." Matalim ang tingin niya sa akin pero parang ganito naman talaga ang tingin niya sa kahit na sino. "I can give you the good news already." Inilabas niya ang mga kamay na kanina pa nakalusot sa bulsa ng kaniyang jacket, inilahad iyon na para bang magpapaliwanag siya sa harap ng maraming tao. "In the coming weeks, you will be recruited and will start your training as a full-pledged Klab Maharlika member."
Napalunok lang ako ng laway. Parang wala pa 'yan sa isip ko. Parang gusto ko pang magpahinga muna nang mas matagal. Matatapos na ba ang bakasyon namin?
"Well, I know you and the extended division had a lot to take in. Hindi madali ang pinagdaanan niyo sa Ilocos." Tinutukoy niya siguro ang naging paglalakbay namin nina Rome at Gwen. "Although, that mission had been very productive, it's still not allowed to just go whenever you wanted to. That's Rule No. 1." Inilinga pa niya ang matatalim na mata kay Lily na ngayo'y napapikit na lamang.
Parang gusto ko tuloy mag-sorry sa kaniya. Ang tigas kasi ng ulo ko. Hindi ko sinunod ang plano namin kaya nadamay ko pa ang ilang miyembro ng Klab.
"But, I digress. What you did there? That's so heroic and brave. Lily told me."
Tipid na ngiti ang itinugon ni Lily.
"Ian!" Sabay-sabay kaming napalingon sa babaeng pumasok ng kwarto at humawi sa harang na asul na kurtina. Naka-ponytail ang mahaba at tuwid niyang buhok. Fit ang suot niyang T-shirt at jogging pants. Mukhang kagagaling niya lang sa gym. Humihingal pa siyang lumapit sa amin.
"I'm your head, don't just call me by my first name," striktong saway ni Ian. Iniisip ko na rin kung ano bang dapat kong itawag sa kaniya.
"Eh, whatever," kibit-balikat lamang ng bagong dating na dalaga. Maaliwalas ang awts niyang parang may nakatayong sinag ng araw sa kanyang nga ngiti.
Napatikhim na lang si Ian sa hindi nito pagsunod. "Sakit talaga kayo sa ulo, oy."
"Ano 'yon, Joy?" tanong ni Lily.
"Tawag kasi si Ian ng Chapter Advisor. Magsisimula na ang briefing."
Napatingin si Ian sa suot niyang relos. "All right, then." Nilingon niya muna sa Lily. Rinig ko pa ang pagbulong niya. "Kit has been found. I just hope na good news ang dala ng mga bagong recruit. We'll talk with them. Maggie at Max ang names nila. Sumunod ka after."
Ako naman ang tinignan niya. "Nice meeting you, Liam."
"Nice meeting you, too," bati ng naka-ponytail na babae. "My name is Joy, descendant of Apolaki." Pinigilan na siya ni Ian na kamayan ako dala ng pananabik at sabay na silang lumabas ng clinic.
Saka lang lumuwag nang tuluyan ang paghinga ko. Narinig yata ni Lily ang aking pagbuntonghininga.
"Pagpasensyahan mo na," sabi niya. "Ganiyan talaga si Ian. Nagmula siya sa angkan ni Idiyanale, anito ng kalinangan at kawang-gawa ng mga Katagalugan. Kaya palagi siyang seryoso at pormal kung magsalita. Parang business lang mga bagay-bagay sa kaniya."
"Ni hindi nga ako nakaimik, eh. Pakiramdam ko, sisigawan niya ako 'pag may nasabi akong mali," komento ko. Sabay na lang kaming natawa.
"Kadiwa ko siya dati. Marami nang nagbago. Mahabang kuwento."
Tumango na lang ako. "Salamat pala. Ikaw pa 'yata ang nagbantay sa akin."
"Trabaho ko 'yun. Saka ngayong araw lang. Simula nang bumalik kayo mula Ilocos, hindi ka iniwan dito ni Rome."
"Nasaan na nga pala siya? Sila?"
"Okay ka na ba? Nakakakilos ka na nang maayos."
Pinakiramdaman ko ang sarili. May hapdi pa sa bandang likuran at batok pero mukhang kaya ko naman nang makapaglakad. "Saan ko sila makikita?"
"Samahan na kita. Hinihintay ka nila sa headquarters. Ngayon ang libing ng Ninong mo."
Pagkarinig niyon ay nagmadali na akong bumangon.
***
HINDI na pala umabot ng ikasiyam na araw bago ilibing si Ninong. Sinamahan ako ni Rome papunta sa sementeryo na malapit lang sa lugar namin. Ngayon lang ako naglagi dito. Dahil bakasyon, mangilan-ngilan din ang nakita naming dumadalaw sa puntod ng mga mahal nila sa buhay.
Madagim na ang langit nang kami'y makarating. Naabutan namin sina Gwen, Simm, at DM na nakaupo sa isang mauseleo, malayo sa mismong libingan ni Ninong. Nakasuot sila ng puti lahat. Nakakapanibago kay Simm dahil sanay akong makitang naka-itim ito. Halatang-halata tuloy ang mga tattoo niya sa braso at leeg.
Si DM naman, sakbit pa rin sa balikat ang isang bag. Alam ko kung ano ang laman n'on. At iyon ang isa sa pakay ko rito.
Kalaunan ay hindi na rin ako nagpumilit pa na lumapit sa puntod ni Ninong habang isinasagawa ang seremonya. Kita ko lang mula sa malayo ang ilan sa kapitbahay namin. Pati kapitan namin ay naroon. Ni hindi ko man lang nalamayan nang ayos ang kaniyang burol.
Hindi na nila ako pinapunta doon dahil baka may makakilala sa akin. Mahirap na, baka kung ano pa ang mga itanong nila. Mula ngayon, hindi na ako tagarito. Hindi na ako ang dating Liam na nakatira malapit sa Ilog Pasig.
Matapos ang seremonya ay saka lang kami nakalapit sa bagong libing. Hinayaan lang nila ako na dalhin ang bitbit naming bulaklak.
Lumuhod ako at ipinatong ang dalang kandila sa kasesemento lamang na puntod. Sinindihan ko iyon. Tahimik lang kaming nakamasid. Hindi ko alam kung nananalangin ba ako o susubukang kausapin ang kaluluwa niya.
Ang balita namin ay naibalik na ng katataoan ang labi ni Ninong dahil wala pa itong tinatawag nilang pabaon, piraso ng ginto o barya na isinasama sa bangkay pambayad sa sinumang maghahatid sa alalia niya.
Kanina pa kinikilabutan si Rome. Nakikita niya raw ang ilang espiritu sa sementeryo. Pero ang kay Ninong ay hindi pa. Siguro'y naliligaw pa rin ito.
Lumapit sa akin si Simm at lumuhod. Naglabas siya ng ilang butil ng ginto mula sa kaniyang bulsa at inilagay sa puntod, mga piloncitos. "Nakikiramay ako," sinsero niyang sabi sa akin. Naamoy ko pa ang kanina pa niya nginunguya. Akala ko bubble gum. Sili pala ang trip nito.
Naramdaman ko ang paghawak ni Gwen sa aking balikat. Isa siya sa miyembro ng Klab na madali kong nakapagpalagayan ng loob dahil sa siya ay nagmula rin sa lahi ng isang bayaning umibig sa isang maligno.
Sama-sa naming dinama ang malamig na hangin. Hindi ako umiyak. Hindi dahil sa ayaw ni Ninong na maging emosyonal ako. Kung hindi dahil tanggap ko na. Kung nasaan man si Ninong, sana masaya siya. Hinde, alam kong masaya siya. Sabi nga ni Rome, napili ko na ang mga tamang tao bilang aking bagong pamilya.
Pagtayo namin ay biglang bumuhos ang ulan. Isinuot ko sa ulo ang talukbong ng aking kulay abong jacket. Nagustuhan ko na itong nakuha ko lang sa sampayan ng kapitbahay namin kahit pa tinahi ko lang ang nasirang manggas.
Nagsama sina Rome at Gwen sa isang payong. Si Simm at DM, mukhang sanay na sa ulan.
Makalipas ang ilang minuto ay naaninagan na namin ang kanina pa namin hinihintay. Sa tuktok ng mga puntod doon na patong-patong ay lumabas mula sa hamog ng ambon ang anino ng isang babae. Tumatama ang patak sa suot niyang salakot at pawid na kapa.
"Tumupad ka sa usapan," sabi ko sa kaniya.
Tumalon siya at maayos na nakalapag sa lupa malapit sa amin. Iniangat niya nang bahagya ang matigas na sumbrero. Tinitigan ako ng mga matang mapusyaw na brown ang kulay. Hindi ko talaga siya kapatid. Malayo ang hitsura namin. Ngunit kahit na ganoon, ramdam ko ang pagiging malapit namin na higit pa sa kaanak.
"Ang usapan ay usapan," sabi niya. "Hindi ko man kaagad makuha ang kapatawaran pero ito ang tanging bagay na maibibigay ko sa inyo bilang kapalit." Tinanguan ko siya.
"Simulan na natin."
Humanap kami ng mas maayos na puwesto. Nakakita kami ng tipak ng bakanteng lupa na hindi pa nagagamit bilang libingan. Pumagitna sa amin si DM. Hinubad niya ang suot na bag, naglatag ng malaking tela sa sahig, at maingat na inilagay doon ang laman ng kaniyang bag. Mula pagkagising ko, hindi ko pa siya naririnig na nagsasalita, paraan niya siguro ng pagdadalamhati.
Sabi ni Rome, mas mainam na gawin ang ritwal dito sa sementeryo. Mas malakas ang puwersa ng kabilang ibayo.
Kahit malakas ang ulan ay umupo na kami at inikutan ang telang naglalaman ng mga kalansay, ang natira sa labi ni Frank.
Bago kami bumalik ng Maynila pagkatapos naming magapi si Sarindang ay ipinangako namin ni Ysa ang isang bagay. Naitago niya ang nag-iisa na lamang na hibla ng gintong tapis ni Ines bago humihinang kuweba. Ang sabi ni Mama, isang beses na lamang ito puwedeng magamit. At para hindi na makuha pa ng masasamang elemento ay ito ang pinili naming paraan.
Gumuhit si Rome gamit ang sandata niyang patpat. Inilapag niya si Bul-ul sa gitna ng mga kalansay. Agad na naupo ang maliit na estatwa at pumikit. "Blblll..." panimula niyang himig.
Naghawakhawak kamay na kami at makalipas ang ilang saglit ay lumabas mula sa ilong at bibig ko ang kulay abong usok. Kumapal ito nang kumapal hanggang sa maghugis isang aso. Hindi maipagkakaila na kamukha ito ni Lobo.
Nilingon niya pa ako bago ito kumilos palapit sa lumiliwanag na tandang na lumabas naman mula kay Ysa. Nagsimulang maghabulan ang dalawang alaga paikot sa kalansay.
Kahit umuulan ay ramdam namin ang init, ang nagliliyab na kapangyarihan ng mga alaga ni Lam-ang. Hinawakan nang maigi ni Ysa ang gintong sinulid pero imbis na gawin ang susunod na hakbang ay iniabot niya ito sa sa'kin.
Hindi naman na ako tumanggi pa. Kinuha ko ang hibla, nagdasal nang tahimik at hinipan. Dahan-dahang lumapag ang sinulid sa kalansay.
Mas lalo pang lumakas ang hangin habang pabilis nang pabilis ang pag-ikot ng dalawang hayop hanggang sa madala ng bagwis ang mga kalansay at ang telang kinalalagyan nito.
Lumutang ang bul-ul sa taas na limang talampakan. Ang maga mata namin ay nakatuon sa kaniya kaya't hindi na lang namin namalayan na huminto na pala ang hangin at nalaglag sa lupa ang puting tela.
Muling nagbalik sa kalooban namin ni Ysa ang aso at tandang.
Si Rome ang naglakas-loob na lumapit sa kumot. May natatakluban itong hugis tao. Hinawi niya ang tela at bumungad sa amin ang inosenteng mukha ni Frank.
Akala ko pa'y ang mukhang zombie na hitsura ng isang amalanhig ang magbabalik sa amin pero hindi. Mukhang buhay na tao si Frank. Wala na ang inaagnas niyang balat at hugis bungong lalim ng kaniyang mga mata at pisngi. Wala na rin ang mga tumutubong damo sa kaniyang ulo. Malago ang kaniyang buhok. Makinis at maputi ang balat niya at may kasingkitan ang mga mata.
Wala siyang saplot at ang malaking tela lamang ang nagsilbing takip sa katawan.
Matangkad siya. Mukha siyang mas matanda sa amin ng sampung taon. Hindi ko alam kung ilang taon na nga ba talaga siya sa tagal niya nang namumuhay bilang patay, kung may sense man ang sinabi ko.
"Frank!" sabay pang tawag nina DM at Rome at hindi na nahiyang niyakap ang parang bagong gising na si Frank. Hindi ko akalaing maingay pala si DM kung umiyak, ngumangawa na parang matagal na panahong hindi namin nakasama ang amalanhig.
Napapalakpak na lang si Gwen. Maging si Simm ay hindi maitago ang ngiti.
Nang tumahan-tahan na sina DM at Rome ay lumapit sa akin si Frank. "Salamat," usal niya sa napakalamig na boses. Siguro mang-aawit siya dati o kaya dala lang nang matagal niyang paglalagi sa ilalim ng hukay.
"Iniligtas mo ako kaya quits na tayo," sabi ko naman sa kaniya. "Ginawa mo 'yon kahit pa hindi mo kayang makakilos nang maayos sa tubig bilang amalanhig."
"Humanga kasi ako sa katapangan mo, bata. Kung mapapahamak rin ang mga kapatid ko, gagawin ko rin ang ginawa mo."
"P-puwede ka naman naming tawaging Kuya?"
Napatawa siya. "Oo naman. Sino ga ang bunso sa inyo?"
"Siyempre ako," turo ni Gwen sa sarili. "Ako ang pinakabata sa amin."
"Excuse me," singit ni DM. "Maganda ka lang pero mas mukha akong bata sa 'yo. Literal na bampira 'to no." Pinilit pa niyang ilabas ang dimple kahit lubog na ang mga pisngi sa kapayatan.
Imbis na mainis ay parang kinilig pa si Gwen nang matawag na maganda. Nahuli ko pa tuloy ang matalim na tingin ni Simm kay DM.
"Ay, sorry boss," wika ni DM.
"Tumigil na nga kayo. Kababalik lang ni Frank, este, Kuya Frank. Ang kukulit niyo na agad," saway ni Rome.
"Group hug!" aya ni Gwen at sama-sama naming niyakap si Frank. Kami na ang nahiya dahil wala pa siyang saplot.
Ako ang unang kumalas sa kanila nang mapansing nasa isang tabi lang si Ysa, nagmamasid. Hinayan ko na muna sila na makipagkamustakan sa isa't isa.
Nilapitan ko si Ysa sa tabi ng puno ng mga narrang nakahanay malapit sa pader na hollow block na nagsisilbing bakod ng sementeryo.
Inalis niya ang suot na salakot nang makita ako.
"Salamat sa pagpunta."
"No need to say thank you. Malaki ang atraso ko sa inyo kaya hindi ko rin maintindihan na kaya mo pa rin akong tanggapin sa kabila ng lahat."
"Sumunod ako sa instinct ko, Ysa. Alam kong hindi ka masamang tao. Niligtas mo ako sa batibat dahil dalawa lang tayong nakakakita sa kaniya. Wala kang pinahamak sa mga kaibigan ko. Hinintay mo rin na kusa kong ibigay ang agmita sa iyo kaysa pwersahang kuhanin ito. Alam ko ring totoo na binabantayan mo si Mama paminsan-minsan."
"Galit ang nararamdaman ko noon pero unti-unting naging pananabik at pagaasam. I miss my Mom, and my Papa. Maybe that's how Sarindang got me and used my own emotions to push through that plan. Still, it's my own mistakes that I will try to correct."
"At alamat sa iyo, muli kaming nagkita ni Mama." Nangingilid na ang kuha niya kaya iniba ko ang usapan. "Sasamahan mo ba kaming magdiwang? Welcome na welcome ka naman sa Klab."
Nakangisi siya. Siguro iniisip niya rin kung sakaling magkasama kami sa training. Kailangan pa nga ba niya ng training?
"I'm glad for your invitation. Technically, isa ka pa ring banwar na nangangailangan ng kailianes. Sa ngayon, ang mga kasamahan mo na muna ang mag-iingat sa'yo. Wag matigas ang ulo."
"Ikaw rin. 'Yung totoo, ilang taon ka na talaga?"
"I'm already 16. Alam ko namang nagduda ka rin noon. Hindi mo inasahang ganito ang lagay ng nakababata mong kapatid. Well, we're still like very far relatives as we are both came from one family tree. I enjoyed being your younger sister by the way."
Napakamot ako sa ulo sa hiya. Sana nga naging kapatid ko na lang siya. Para tuloy naghahanap ako ng taong aalagaan ko at gagabayan pero sa ngayon mukhang ako muna ang kailangang gabayan pa sa mundong matagal na niyang nilalakaran.
"Ito na ba ang huli nating pagkikita?" tanong ko sa kaniya.
"Pilit nilang pinaghihiwalay ang aso at ang tandang sa kadahilanang magdudulot ito ng kapahamakan. But since nagamit na natin ang gintong tapis, I think we don't have to do that anymore. Malaya na tayong pumili ng gusto nating gawin."
"Magbabalik ba ang mga kalaban?"
"Always. Hindi naman sila nawawala. Ganoon ang buhay bilang Maharlika. Nabanggit ni Sumarang na may digmaang paparating. Kung hindi nila magamit ang kapangyarihan ni Lam-ang, sigurado ako na hahanap sila ng paraan para magpalakas. Wala pa rin akong idea kung anong pinaplano nila. I guess, we have to still be vigilant. Practice your internal powers. Dapat sa pagkikita natin ulit, mas magaling ka nang gumamit n'an, ha?"
"Susubukan ko. Hintayin mo at baka mas mataas na ako sa paglipad kaysa sa 'yo." Natawa na lang kami. "Ano na'ng mangyayari sa 'yo?"
"I still have one mission, Liam." Sumeryoso na siya ng tono. Ngayon ko lang siya narinig na binanggit ang pangalan ko. "Pinlano ko na ito noong nanggaling tayo sa mundo ng mga panaginip, sa haraya."
Naalala ko muli ang espiritu ng kaniyang ama na nananatili doon. "Babalikan mo siya?"
"Hindi lang siya. Mga ligaw na kaluluwa ang naroon. They're all living in an illusion. I'll rescue them and lead them for a more peaceful journey papunta sa kabilang ibayo."
Tumango ako. Siguro si Ninong ay naglalakbay na rin. Kahit papano ay hindi siya na-stuck sa lugar na iyon. "P-pero paano mo iyon gagawin? Mag-isa ka lang?"
Naghalukipkip lang siya ng mga braso. "Well, I don't think our Klab chapter will accept me again that easily. I'm sticking out with the kailianes. I won't do it alone like what I did before."
Mula sa tuktok ng punong narra ay lumapag sa lupa ang tatlong misteryosong mga tao. Nakasuot rin sila ng baong salakot sa ulo at pawid bilang kapa sa iba't ibang ibang kulay.
Napaurong ako dahil hindi ko inaasahang kanina pa pala kami may mga kasama. Narinig kaya nila ang pinagusapan namin?
"Yes po," sagot ng isang babaeng may mahaba at tuwid na buhok. Para siyang santa kung magsalita at kumilos. Puti at asul ang kulay ng mahaba niyang bistida. Mas matanda siguro siya sa akin ng limang taon. Nababasa niya ba ang isip ko?
"Michelle, pinagsabihan na kitang 'wag magbabasa ng isip nang hindi nagpapaalam," saway ng isang lalaking kulay pula ang suot na kamiseta. Magka-edad lang siguro sila. Bahagya pa akong naalarma sa higanteng palakol sa likod niya. Kulay ginto iyon at patulis ang magkabilaang dulo na tila karugtong ng sinag ng araw na disenyo sa mukha ng bakal nito. Himalang kaya niya itong buhatin.
"Ow, sorry. My bad. Hi, my name is Michelle. I love writing and singing." Mahinhin pa niyang pinagpag ang palda niya. "But I can fight too like my ancestor, Urduja of Tawalisi!" Bigla niyang itinaas ang mga kamao na parang may kasuntukan.
"I'm Ero, by the way, descendant of Apolaqui, an ex-Klab member," pagpapakilala ng lalaki na nakangiti pa kahit tumiwalag na sila sa Klab Maharlika.
"Anong ex-Klab? Babalikan natin sila. Hindi pa tayo opisyal na tumituwalag. Humanda sila sa paghihiganti natin," nanggigigil na sabi ng ikatlo. Di hamak na mas bata sa amin ang lalaking ito pero hanga ako sa tapang niya. Dalawang arnis naman ang sandatang nakalagay sa likuran niya. May suot siyang bahag sa labas ng kaniyang pantalon.
"Andrew, calm down. Vengeance isn't the solution. We'll do the right way to go back to where we belong," bilin sa kanila ni Ysa. Parepareho silang tumango bilang respeto.
Grabe, may mas wiwirdo pa pala sa samahan namin Nina Gwen at Rome. Kahit papaano ay may makakasama na si Ysa.
"We'll see you again, Liam. Take care."
"Ikaw rin, Salamat."
"Nice meeting you," huling sabi nung babaeng may mahabang buhok. Michelle 'ata ang pangalan.
Nahuli ko pang nagkukulitan ang dalawang lalaki sa likuran. Kung gaano kakalamado ang dalawang babae ay ganoon naman sila kasigasig.
Napasapo na lang ang palad ni Ysa sa kaniyang palad. "Bakit ko ba naisipang pagsamahin ang hinlog ni Apolaqui at Apo Init, dalawang anito ng araw?"
"Sinabi ko nang 'wag mong hahawakan ang sandata ko!" pagalit na sigaw nung may palakol.
"Para namang aagawin ko, Ero. Ganda kasi, eh," nakangiting asar nung Andrew ang pangalan. Mahilig siguro siya sa mga sandata o metal. Gawa rin kaya ang palakol na iyon sa adlawang ginto na sinasabi nilang isa sa pinakamakapangyarihang bakal sa mundo ng mga anito at maligno?
"Wala man ako n'an pero meron ako nito," itinaas ni Andrew ang kamay na may hawak na kakaibang bola.
"Ano 'yan?"
"Mata ni Amman." Binitawan niya ito. Pagpatak sa lupa ay pumutok ito't naglabas ng makapal na usok.
Pagmulat ko'y wala na sila sa harap ko pero nasilayan ko pa silang tumatalon-talon pataas at patawid ng batong pader. Hindi siguro niya alam na nakakakita ako nang malinaw kahit may harang na usok o hamog, isa sa bagong abilidad na natuklasan ko lang kahapon.
Para silang mga ninja sa kilos, mabilis na dumating at mabilis ding umalis.
"Liam!" tawag ni Rome. Tumakbo na ako papunta sa mga kaibigan para makabalik na kami sa headquarters bago pa lumakas ang ulan.
***
SA LOOB lang ng ilang araw naganap ang mga pangyayaring nagpabago ng aking buhay. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga natuklasan ko tungkol sa aking angkan at pinanggalingan, lalong-lalo na sa aking pamilya.
Hindi na siguro magkakatotoo ang hiling ko noon na magkasama-sama kaming muli pero unti-unti ko naman nang natatanggap sa tulong ng mga bago kong kaibigan.
Niyaya pa ako ni Rome na magpahinga muna sa may headquarters. Naabutan ko siyang nakaupo sa itaas ng sirang taxi, may hawak na baso at kumakain ang matamis na ice cream. Si Bul-ul naman ay himalang natutulog sa kaniyang kandungan. Hindi ko na tuloy matiyak kung sinasapian lang o totoo bang buhay iyong kasama naming maliit na estatwa.
Inilapag na muna ni Rome si Bul-ul sa gitna ng bubungan ng taxi at tinulungan akong makaakyat. Tinabihan ko siya sa pag-upo at nagsimula na ring kumuha ng makakaing ice cream mula sa malaki-laki ring tupperware na dala niya.
"Bigay ni Frank. Dumaan siya kanina," tukoy niya sa kinakain naming sorbetes.
"Totoo?"
"Oo. Abala siya sa pagtayo ng panaderya diyaan sa tapat ng school. Baka din daw mamasukan siya sa canteen para kahit papa'no mabantayan niya ang mga pamangkin niya sa school natin."
"Buti at nakita na niya ang mga kamag-anak niya."
Napansin niya 'ata na bahagya ako nalungkot. "'Wag ka na mainggit. Dadalaw-dalaw naman siya sa 'tin paminsan-minsan. Saka masarap 'yon magluto kaya sa canteen na tayo lagi kakain tuwing lunch."
Sinuntok niya pa ako nang mahina sa braso. Muntikan na kaming malaglag dahil sa mahunang bubong ng taxi. Halos mabulok na nga yata ito sa gitna ng kagubatan dahil hindi na nagagamit. "Paano ba 'to napunta dito?" curious kong tanong.
"Hindi ko rin alam. Sabi ni Simm, noong isang taon, pinahiram niya sa kaibigan niyang Maharlika rin kaso pagbalik sira na."
"Delikado pala talaga ang mga misyon ng mga Maharlika, ano?"
"Sinabi mo pa. Speaking of, kausap ng Council ngayon sina Simm at Gwen. May restructuring daw kasi katatapos lang ng cluster meet. May mga pagbabagong gagawin."
'Yun siguro ang tinutukoy nung ipinakilala ni Lily sa akin na lalaking nakasalamin. Ian nga ba ng pangalan niyon?
"I hope it's for the better." Huminga nang malalim si Rome. "Weeks ago, hindi pa nila pinapayagan na makapasok ang mga maligno sa Klab. Pero ngayon, baka kunin na nilang full member si Gwen. At least, natuloy ang pangako ng Head Maharlika noon sa amin."
"Uy, sabay tayo sa training, ha?" yaya ko sa kaniya.
"Oo naman. Kung pipiliin mo akong kadiwa sa official ceremony."
"May iba pa ba?"
Napangiti siya. "Nga pala, sina DM at Lily ngayon ang magkasama sa mission. Pinadala sila sa ibang lugar, 'yun lang ang balita ko. Maguindanao 'yata."
"Anlayo nun, ah? Wala bang chapter doon?"
"May involved na member ng Manila chapter sa nangyayari doon ngayon. Ganun talaga. Gagalugarin natin ang buong bansa para matalo ang masasamang loob, nasaan man sila."
Naalala ko si Ysa. Totoo nga kayang nagsisimula nang mag-aklas ang mga kalaban? Paparating pa lang ba ang tunay na digmaan?
"Patapos na ang bakasyon." Nabalik ang atensyon ko sa nagkukwentong si Rome. "Balak ko din sana na dumalaw sa pamilya ko sa Bohol." Pinagmasdan niya ang mahimbing na natutulog na bul-ul sa gitna ng bubong ng taxi. Ipinailalim pa ng estatwa ang mga kamay sa kaniyang ulo at nakabaluktot ang mga binti. Sa ngayon, nakapako lang ang kapirasong kahoy sa kaliwa niyang paang gawa sa ibang klase ng kahoy kumpara sa katawan niya dahil sa nasira iyon noong labanan namin sa Ilocos.
"Isasama ko si Bul-ul. Siguro kahit papano maging proud sila sa akin na may gabay na ako ngayon. May purpose na ang pagiging babaylan ko." Nakangiti siya habang sinasabi ang mga plano niya pero dama ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.
"Proud naman kami sa'yo, Rome," komento ko. "Gusto ko lang malaman mo."
"Thanks." Sumubo ulit sya ng ice cream. Mauubos na niya ang nasa baso niya. "Ikaw, ano'ng balak mo habang hindi pa nagsisimula ang training? May ilang araw pa bago matapos ang bakasyon."
Napatingin ako sa malayo. Dinama ang sariwang hangin ng kakahuyan. "Dadalaw ulit ako kay Mama sa facility. Hindi pa naging maayos ang pag-uusap namin nung huli tayong nanggaling doon. Miss ko na agad siya."
"Deserved mo naman 'yon. Ngayong alam ko na ang katotohanan, malaya ka nang gawin ang gusto mo."
"Salamat."
"Wala 'yon."
"Hindi. Salamat talaga. Buti at nakinig ako sa'yo. Akala ko dati, isip ang laging paiiralin. Pero ngayon, alam ko na na dapat hindi binabalewala ang damdamin."
"Well, that's all on you, though. Ako lang siguro ang isa sa nag-push pero sarili mong tapang ang nagtulak sa'yo para yakapin ang sariling emosyon. All this time, the enemy was actually manipulating your memories, your grief. We're sorry if hindi agad napigilan ng Klab iyon."
Hindi ko rin alam kung paano nangyari iyon, na bata pa lang ako ay iba na ang alaalang natatandaan ko. Malakas talaga siguro ang impluwensya sa akin ng reyna ng mga batibat noon, si Sarindang. Sa ngayon, hindi ko na ulit napapanaginipan ang ilog, ang isda, o kahit ang alaala ng isang batang babae bilang kapatid. Wala na ang presensiya ng bangungot.
Pero bakit ganoon? Parang may naiwang butas sa puso ko nang mawala ang mga ala-alang iyon? Parang mas nakaramdam ako ng lungkot at pagkukulang?
Pero sabi nga ni Rome at ni Mama, nasa proseso ito. Hindi naman isang araw lang ay kaya nang matanggap agad ang pagkawala sa buhay ng mga mahahalagang tao para sa atin. Mananatili ang butas na iyon pero mas palalawakin ko rin ang sariling damdamin para punuin ng magagandang ala-ala.
Hindi ko napansing nagkukwento pa rin pala si Rome. "Basta sa tuwing babangungutin ja ulit, dapat may taong nasa tabi para gumising sa 'yo."
Naalala ko ang sabi nya noog nakasakay kami sa likod ng pating na si Belle papunta sa burol ng Ninong ko. I just hope you find the right persons. "Nahanap ko na," sabi ko.
"Ang alin?"
Naagaw ang atensyon namin nang mahuli namin si Bul-ul. Gising na siya at ngayo'y nasa loob na ng tupperware ng ice cream at nanginginain kahit wala naman siyang malunok dahil gawa siya sa kahoy.
"Bl?"
Natawa na lang kami.
"Pasaway ka talaga, Bul-ul," pakunwaring galit ni Rome. "Sige ka, iiwan kita. Pupunta pa kami ni Liam sa Ilocos."
Mabilis na tumayo ang estatwa at hinarap kami. Nakakunot ang noong gawa sa ukit na kahoy. "Bll!" At nagtampo na 'ata siya.
"Babye!" tuya ni Rome bago tumalon pababa habang hinahabol ng maliit na estatwang kahoy.
Tinawanan ko lang sila at nanatili sa ibabaw ng taxi. Humiga ako at pumikit. Nakakapagod ang mga pinagagawa natin. Kaysarap matulog ngayon.
Bangungotin man akong muli, alam kong may mga tao sa tabi kong tatapik sa akin para ako'y makabalik muli sa reyalidad. At kung hindi man, sapat na ang mga natutunan ko sa nakalipas na araw para gisingin ang sarili. Payapa na akong makahihimbing.
Hindi na ako muling matatakot.
WAKAS
********
Yehey! You have just read the second installment of the award-winning Klab Maharlika series. Thank you so much for reading. ( ˘ ³˘)♥
Special thanks to my fellow writers who are inspirations for me to write a story based on Ilocano beliefs as they have Ilocano blood themselves.
MD_Serene as Michelle
descendant of Urduja,
Pangasinense warrior
zemperfortiz as Ero,
descendant of Apolaqui,
Tagalog and Kapampangan's
anito of sun and war
A_Phaser as Andrew
descendant of Apo Init,
Ilocano anito of the sun
(Hindi ko alam kung bakit favorite niyo sun deities. Hahahaha.)
At nagbabalik si Ian at
jhonarosejoy as Joy
from Klab Maharlika at ang
Sumpa/Hiwaga ng Ibalóng!
Maraming salamat sa pagsuporta!
P.S. May epilogue pa pero baka hindi ko na maihabol sa Wattys 2022 submission kaya extra na lang iyon.
ฅ^•ﻌ•^ฅ
Klab Maharlika will return...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top