15 Sa Mundo ng Haraya

IKA-LABINLIMANG HARAYA
ᜁᜃᜎᜊᜓᜈᜎᜒᜋᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Sa Mundo ng Haraya


ILANG beses ko pa bang mararansan ang pagbulusok pababa? Ilang beses pa ba akong sisisid sa ilalim ng ilog? Ito na ba ang katapusan namin ni Ysa?

Sinubukan ko pang palabasin muli ang usok ng abuhing aso. Kung makakapaghabi sana ako ng parachute o kahit anong pananggalang sa loob ng ilang segundo pero imposible.

Hindi sumama sa paglundag namin ang kapa at salakot ni Ysa kaya't wala ka mong paraan para makaligtas sa pagkahulog na ito.

Sabay kaming lumusong sa malamig na tubig. Sa taas na aming pinanggalingan ay naging tila putik ang likido sa pakiramdam. Malalim agad ang narating namin dahil sa pagbulusok.

Pero hindi ako sumuko. Hindi ako susuko.

Minulat ko agad ang aking mga mata. Tila malamlam na sinag ng buwan ang nagbibigay liwanag sa kapaligiran.

Walang isda o halaman sa paligid. Para kaming nasa loob lamang ng isang malaking water tank kaya't mas lalo akong nahirapang pigilan ang aking hininga dahil sa takot na dito na ang aking huling hantungan.

Ang nagbigay lakas lamang sa akin ay nang makita ko si Ysa, nakapikit lamang ang mga mata niya't unti-unti nang lumulutang. Sumuko na ba siya?

Lumangoy ako papunta sa kaniya. Hinablot ko ang damit niya at hinila siya pataas ng ilog. Nanghihina na ang mga kamay at braso ko pero inisip ko na lamang na hindi puwedeng dito magtapos ang aking kuwento.

Nang nakalutang muli ang aking ulo ay agad akong humigop ng hanging ihihinga. Iniangat ko rin si Ysa ngunit hindi pa rin siya nagmumulat. Lumangoy pa ako hangang sa makarating kami sa pampang na lupang nababalot ng maiiksing damo.

Inihiga ko siya doon at sinimulang mag-pump. "Gising, Ysa. Gising!"
Ibinuga niya ang lahat ng nalunok na tubig-ilog. Ako ang unang nasilayan niya pagmulat ng mga matang namumula dahil sa saglit na pagkalunod.

Nakahinga ako nang maluwag. "Okay ka na ba?"

"I'm fine." Agad siyang bumangon at pinagmasdan ang paligid. "Nasaan tayo?"

"H-hindi ko rin alam. Hindi kaya nahulog tayo sa isang portal?"
Mahamog ang paligid. Pakiramdam ko'y malawak ito ngunit hindi namin mawari kung hanggang saan dahil mukha lang itong parang na walang katapusan.

Pagtayo namin ay saka lumitaw ang imahe ng mga taong tila naliligaw o baka hindi lamang kami napapansin. Iba-iba ang pananamit nila, may mga babae at lalaki, bata at matatanda. Karamihan ay parang nagsasaya lang na namamasyal sa lugar na ito at ang iba naman ay 'di ko na maaari ang reaksyon.

Saka ko lang napansin na hindi naman nabasa ng ilog ang suot naming damit ni Ysa.

"Wala tayo sa reyalidad," hinuha niya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Hindi ito ang pisikal nating katawan."

Naalala ko ang sinabi ni Rome kung paanong nahahati ang kaluluwa ng tao sa tatlo, at ang ikatlo ay gumagala kapag tayo ay nananaginip.

"Nasa lugar tayo ng panaginip, ang haraya."

Naaalala ko na. Hindi man ito ang aking lugar pero ganito ang aking pakiramdam sa tuwing ako'y nagigising mula sa masamang panaginip, pakiramdam na parang pamilyar ang lahat pero alam mong may hindi tama pero madalas ay ibinabalewala lang dahil doon ako masaya hanggang sa unti-unting magpakita ang tunay na itsura ng bangungot.

"Tama ka, nananaginip tayo."

"Pa?" Napahawak si Ysa sa kaniyang bunganga nang may masilayan sa malayo. Mulat na mulat ang kaniyang mga mata.

"Anong nakita mo?"

"Si Papa." Agad siyang nagtatakbo.
Sumunod naman ako. Ang mga taong nakakasalubong namin ay para lamang mga hamog na lumalagpas din sa katawan namin. Unti-unti na nila kaming napapansin.

"Pa!" patuloy na sigaw ni Ysa.

Lumingon sa amin ang isang matandang lalaking nakaupo sa isang puting bench. Bigla na lang sumulpot ang upuan na 'yon. Siguro ganito nga sa mundo ng mga panaginip, bigla-bigla na lang naglalabasan ang mga bagay depende sa iniisip ng nananaginip.

Nasa trenta pa lang siguro ang edad ng lalaki. Nakasuot siya ng sumbrero at makapal na jacket. Umaliwalas ang mukha niya nang makita si Ysa na tumatakbo papalapit sa kaniya. Tumayo siya at naghanda ngunit nang sila'y naglapitan ay hindi nila nagawang yakapin ang isa't isa.

Ako na mismo ang nalungkot sa kalagayan ni Ysa. Nakasimangot ang mukha niya't malapit na uling umiyak. "Pa, bakit, Pa?" Para siyang batang nagtatanong sa magulang kung bakit siya nito hindi isinama na mamasyal pero sa pagkakataong ito, hindi na siya binalikan pa.

Pakiramdam ko'y nadudurog ang puso ko sa eksena. Ganitong-ganito rin ang naramdaman ko nang mas maintindihan ko ang sinasabi sa akin ni Ninong noon, na hindi siya ang tunay kong magulang, na ampon lang ako. Madali ko namang natanggap iyon dahil hindi naman pa ako ganoon katanda at katagal na nakasama ang mga tunay kong magulang. Pero si Ysa, alam kong napakalapit niya sa ama niya.

Base sa tantiya ko, ilang taon pa lang ang lumipas nang siya'y iwan nito. Hindi na rin tumanda ang kaluluwa ng kaniyang ama sa lugar na ito.

"Anak, ang laki mo na. Tignan mo, lalaki ka rin palang matapang at mapangahas katulad ng mama mo. Nakarating ka sa lugar na ito." Dinadaan lang niya ang mga salita sa biro pero tumutulo na rin ang luha ng ama ni Ysa.

Parang nagdadabog si Ysa sa kaniyang nararamdaman, galit, pagka-miss, pananabik. Gusto niyang yakapin muli ang tatay niya pero hindi niya magawa.

"Bakit? Bakit mo po ako iniwan?"

"Pasensiya ka na, anak. Nadala ako ng tamis ng aking mga pangarap. Naging makasarili ako. Hindi ako naging mabuting ama katulad ng inaasahan mo."

"Hindi po totoo 'gan. Mahal niyo po ako, 'di ba? Di katulad ni Mama na iniwan tayo?"

"Oo naman. Mahal na mahal kita. Mahal ko rin ang nanay mo kahit pa anong kasalanang nagawa niya."

"It's so unfair." Tuluyang tumulo ang luha ni Ysa. Yumuko siya para punasan ito.

Lumuhod ang ama niya para titigan siya sa mata. "Ito ang tatandaan mo, anak. Lumisan man ako, hinding-hindi mawawala ang pagmamahal ko sa'yo."

"Pero . . . pero sobrang lapit ko na. Malapit ko nang makasama ka ulit sana, Papa. Pinangakuan niya 'ko na bubuhayin ka niya ulit kapag nagising ko siya gamit ang agimat ni Mama."

"Kasinungalingan lamang ang alam ng tinutukoy mong nangako sa iyo. Ito na lamang ang natitira sa kaluluwa ko. Hindi tayo magkakaramdaman dahil nasa ibang antas ang diwa mo. Wala na ang pisikal kong katawan kaya't pang habang-buhay na akong maglalagi dito. Ikaw, may pag-asa ka pang gawin ang gusto mo sa buhay. Wag mo nang ulitin ang mga nagawa naming pagkakamali."

"Dito na lang ako, Pa. Mas gusto kong kasama kita."

"Anak, hindi maaari. Mahirap ang makulong sa sariling ilusyon. Mabuhay ka sa reyalidad. Hanapin mo ang katotohanan at maging malaya sa iyong tatahaking landas."

Tumahan na si Ysa sa pag-iyak. Lumunok siya ng laway bago nagwika. "Magkikita ba tayong muli, Pa?"

"Balang araw. Pero sa ngayon, 'wag lang mata ang gamitin mo upang makakita." Itinuro nito ang dibdib ni Ysa. "Gamitin mo ang iyong puso upang makaramdam. Okay lang na malungkot, mangulila pero sa bandang huli, doon mo mas mapapahalagahan ang ganda ng buhay na mayroon ka ngayon."

"Sorry, Pa. Sorry kung iniwan tayo ni Mama."

"Wala kang kasalanan, anak. Hindi mo man agad sila mapapatawad pero unahin mong patawarin ang sarili sa mga bagay na hindi mo naman kontrolado. Ikaw rin." Bigla siyang tumingin sa akin. Kanina pa pala niya ako napansin na malapit na sa kanila. "Alisin ang negatibong nararamdaman. Hindi ikaw ang ninuno mo. Hindi ikaw ang anumang hindi magandang karanasan ng iyong angkan."

Tumango lamang ako at pinigilang maiyak. Siguro kung kasama ko si Mama, ganito rin ang pangaral niya sa akin.

"Humayo na kayo, Ysa. Hindi magandang magtagal sa lugar na ito ang tulad niyo. Kailangan niyong mabalikan agad ang inyong nahihimlay na katawan."

"Ang mga espiritung nandito, katulad din ba namin sila na natutulog lang."

Luminga-linga kami sa paligid. "Karamihan pero ang iba dito ay katulad kong dito na mamamalagi, mga kaluluwang hindi muling makakabalik pa sa aming katawan."

"May pag-asa pa," rinig kong bulong ni Ysa. Napalitan ng determinasyon ang kaniyang awra. May pinaplano na naman siya. Hindi talaga siya sumusuko.

Humarap na siya sa akin pero nanlaki ang mga mata niya sa gulat.

"Bakit?" Agad akong kinabahan.

"Liam . . ."

"Anong meron?

"Gumising ka."

"Sabay tayong gigising," sabi ko.

"Hindi iyon ang tinutukoy ko. Hindi ka nananaginip. Binabangungot ka. Gising!"

Napabalikwas ako sa sigaw ni Ysa. Para na naman akong umahon sa malalim na pagkalunod.

Pawisang-pawisan ang katawan ko nang bumangon ako sa malamig na sahig ng kuweba. Wala na ako sa haraya, sa lugar ng mga panaginip. Muli akong nagising.

Madilim ang paligid pero sapat na ang malamlam na liwanag na nagmumula sa mga kumikintab na ginto sa pader ng yungib para mahagip ng aking paningin ang tatlong katawan na nasa sulok ng masikip na parte kuwebang kinarorooan namin.

Nakilala ko agad ang suot nina Ysa, Rome, at Gwen. Natutulog ba sila? Hindi kaya'y biniktima din sila ng bangungot. Agad kong sinubukang gisingin si Rome pero nahipo ko ang basang noo niya, tumutulo ang saganang dugo mula sa kaniyang ulo hanggang leeg. Hindi ko maramdaman ang paghinga niya.

Maging sina Gwen at Ysa ay ganoon din, nakulayan ng pula ang kanilang mga pananamit. Anong nangyari? Natalo ba sila ni Sumarang? Nasaan ang higanteng kalaban nila?

Muli ko pang kinapa ang pulso ni Rome sa kaniyang kamay pero wala talaga. Hindi maari. "Rome, gising. Gumising ka." Hindi ko na napigilan pang tumulo ang aking mga luha.

Okay lang na umiyak.

You have to let us go.

Nabingi ako sa boses ng mga taong bigla ko na lamang inalala. Umiikot ang paningin ko. Napaupo ako sa sahig. Sobrang bigat ng puso ko. Naninikip ang aking dibdib at hindi ako makahinga.

"Masakit ba?" Isang pamilyar na boses ang nagpatingkayad sa akin sa kabilang sulok. Mula sa mga anino ay lumabas ang imahe ng malaking kawayan. Sa gitna noon ay ang aking ama na nakapikit ang mga mata at naka-krus ang mga kamay sa didib-katulad ng itsura niya noong una siyang nagpakita sa akin sa panaginip.

Ang kawayan! Bakit ngayon ko lang napagtanto na iyon ang kaniyang kulungan? Pero paano siya nakatakas ngayon? Hindi ko ba nawasak ng tuluyan ang mga agimat? Gumana ba ang gintong sinulid? Wala nang oras para itanong pa ang mga ito.

"Hindi ikaw ang tatay ko," sabi kong punong puno ng gigil na halos magdugo ang aking nga labi sa pagkagat ko rito.

"Hindi nga. Matagal na siyang patay." Napaurong ako nang humakbang ang imahe ni Tatay at lumabas siya sa pagkakakulong mula sa kawayan. Wala siyang saplot. Natatakpan ng hamog ang buo niyang katawan. Ibinuka niya ang kaniyang braso para ako'y yayaing yakapin. "Halika, Liam. Pagagaanin ko ang nararamdaman mo."

"Bakit? Bakit mo 'to ginagawa sa akin, sa amin? Ganoon ka ba kaduwag para hindi lumaban ng patas?"

"Patas? At kailan pa naging patas ang anumang labanan? Bago pa magsimula ang isang digmaan ay may nanalo na. Ganiyan kapatas ang turing ng mga anito sa kanilang likha. Kung walang dugong bughaw na nananalaytay sa'yo ay baka matagal mo na ring kasama ang iyong ama."

Nakakapangilabot ang malawak niyang ngiti nang hindi nagmumulat ang mata. Kamukhang-kamukha niya si Tatay.

Sinubukan kong tumayo kahit nanginginig ang mga binti ko. "Bakit mo kailangang idamay pa sila? Sana ako na lang. Kung agimat lang din naman ang kailangan mo'y matagal ko nang binigay 'yan sayo."

Iginawi niya ang ulo sa mga walang buhay na katawan ng aking mga kasama na parang tinitignan sila isa't isa. "Tinutulungan lang kita na mas mapadali ang pagtanggap mo sa paglisan ng iyong mga mahal sa buhay."

Dinura ko ang namuong laway na may halong dugo sa aking bibig. "Sa ating dalawa, ikaw na lang hindi pa nakaka-move on. Bakit hindi mo ipakita ang iyong sarili, duwag?"

"Matigas talaga ang ulo, manang-mana sa ninuno mo!" Naging mala-halimaw ang laki ng boses niya habang siya'y nagbabagong-anyo. Humaba ang magulo niyang buhok. Katawan niya'y nagmistulang plastic bag na sinasalihan ng dugo. Lumobo ito at nang hindi na kayanin ang bigat ay kumulubot na lamang ang kaniyang madungis na balat. Nag-anyo siyang batibat, ang nilalang na nakita kong nakapatong sa akin noong ako'y binangungot. "Mas gusto mo ba ang ganito kong anyo?"

Ipinakita pa niya ang matutulis na pangil sa ngipin.

Pinilit kong hindi matakot sa kaniya. Nangunguna ang galit at poot sa aking pakiramdam. "Ikaw ang dahilan ng lahat ng ito."

"Aba, huwag mo namang isisi sa'kin ang lahat. Alam mo ang kasalanang nagawa ng iyong angkan. Diyan naman kayo sanay, hindi ba? Ang itago ang pagkakamali."

"Hindi ako ang aking ninuno. Hindi ko itinatanggi kung anuman ang maling nagawa nila pero labas na ako roon. Ako si Liam Angalo, ang Maginoong tatalo sa 'yo."

Umatake na ako hangga't hindi niya pa inaasahan. Habang nagsasalita siya kanina'y naipuslit ko ang patpat na sandata ni Rome. Hindi ko man ito alam gamitin pero bahala na.

Ibinigwas ko ang tingting at humaba ito na parang latigo pero bago pa umabot ang dulo sa mataba niyang katawan ay mabilis niya itong nahawakan sabay hila kaya't ako'y napadausdos papunta sa kaniya.

Inihawak niya ang mataba niyang kamay na may matatalas na kuko sa aking leeg. Mahigpit ang pagkakasakal niya sa akin hanggang sa hindi na naramdaman na mga paa ko ang sahig. Nanghihina na ang mga braso ko para alisin ang kaniyang mga kamay sa aking leeg. Nauubusan na ako ng hininga.

"Tikman mo ngayon ang kapangyarihan ng isang aribai, ang paghihiganti ni Sarindang! Ahhhh!" Napaaray siya at nabitawan niya ako sa sakit na kaniyang naramdaman.
Nahulog ako sa matigas na lupa. Kinapa-kapa ko pa ang katawang puro pasa na at namamaga. Paglingon ko sa kalaban ay nakita kong may kumakagat sa mataba niyang binti, isang aso.

"Lobo?" Hindi ako nagkakamali. Kamukha siya ng aso namin ni Ninong. Pero paano?

Sa laki ng dambuhalang si Sarindang ay nagawa pa niyang sipain palayo ang asong kumagat sa kaniyang binti. Sa sugat ay lumabas ang magkahalong dugo at naninilaw na nana.

Narinig ko na lang ang pag-ungol ni Lobo.

"At nagawa mo pang magtawag ng alaga," galit na galit na sabi sa akin ng batibat.

Pero wala akong maisagot sa kaniya. Kahit ako ay naguguluhan.

Lumabas muli mula sa anino ang aso. Ngayon ko lang namalayang hindi niya kakulay si Lobo, hindi kulay chalk kung hindi kulay abo. Napaurong ako nang bigla itong tumakbo papunta sa sakin pero bago pa niya ako mabunggo ay bigla siyang naglaho na parang hamog. Sumabay sa aking paghinga ang pagpasok ng usok sa aking ilong at bibig.

Nasa loob mo ang kapangyarihan.

"Hindi maaari." Kahit si Sarindang ay nagimbal sa rebelasyong ito. "Hindi, nawasak na ang mga agimat. Paanong-"

Namuwati ang ngiti sa aking mga labi. Nagkaroon ako ng panibagong sigla. Manamis-namis ang aking panlasa.

Hindi ko pa noon maintindihan ang ginawa ng mga litao sa Ilog Amburayan. Ginising ng mga isdang-tutubi ang natutulog na abuhing aso. Ang agimat lamang ang naglalaman ng kaniyang kapangyarihan. At ngayong wala na ang nagkukulong sa kaniya'y katawan ko na ngayon ang magsisilbing kaniyang huling hantungan.

Magkahalong tensyon at hagulhol ang reaksyon ni Sarindang. "H-hindi ko akalaing mas pipiliin mo pa pala ang pasyang iyan. Wala nang ibang paraan upang isalin ang handog na kapangyarihan ng banwar. Ikaw." Itinuro niya ang nakadidiri niyang maduming kuko sa akin. "Ikaw na ang huling hinlog niya na maaaring makagamit ng kaniyang tinataglay. Sa paglisan mo'y doon na rin nagtatapos ang tadhana ni Lam-ang."

Tama siya. Sa pagkamatay ko'y kasama ko na rin ang alaga niya. Pinili ko ito. Ito ang tadhana ko.

"Sulitin mo iyang pasya mo. Humanda ka!" Sumigaw siya na halos magdugo ang mga tainga ko. Gumuho ang kisame at pader ng kuweba para magbigay espasyo sa mas malaking parang.

Kinain ng anino ang katawan ng aking mga kasama.

Lumambot ang lupang aking kinatutuntungan hanggang sa ito'y maging tubig. Muli akong lumubog sa pamilyar na ilog. Paano akong muling nakarating dito sa Amburayan?
Ipinagaspas ko ang mga braso para makaahon. Naliliwanagan ang paligid ng buwan sa langit.

Akala ko pa'y natakpan ito bigla ng mga patak ng ulan pero hindi tubig ang bumubulusok mula sa langit kundi libo-libong sibat. Si Sarindang, nagpaulan siya ng mga sandata.

Halos malunok ko ang tubig ng ilog nang ako'y lumusong pababa. Pero hindi ako nakaiwas sa kaniyang bala. Nasa tatlong sibat ang tumama sa aking katawan, isa sa balikat, isa sa hita, at isa sa aking dibdib. Humalo ang malapot kong dugo sa tubig. Ito na ba ang katapusan ko?

Nanlabo na ang aking paningin. Sa bigat ng aking pakiramdam ay hinayaan ko na lang na magpalutang-lutang sa tubigan, ulo'y nakaliyad sa madilim na langit.

Sa oras ng kahinaan ay siya namang pagdating ng pag-asa.

May munting liwanag na lumabas sa sugat sa aking dibdib. Ito na ba ang alalia ko? Tuluyan na bang aalis ang kaluluwa ko para maglakbay sa kabilang ibayo?

Pero nanatili lang ang liwanag hanggang sa maghugis ulo ng isang aso. Para akong binuhusan ng kumukulong tubig nang maayos kong makita ang abuhing aso. Nakatingin lamang siya sa akin, parang alaga na naghihintay sa utos ng kaniyang amo. "Lobo?"

Himalang tumango ito.

"Puwede bang tawagin na lang kitang Lobo?" tanong ko na muntikan pang mawaglit dahil sa nalalasahan ko ang sariling dugo.

Grrr. Awoooh!

Tumahol ito nang napakalakas, nguso'y nakaliyad rin sa langit. Ako na lang ang hinihintay niya. Bumalot sa katawan ko ang makapal na usok. Naibsan kahit papa'no ang sakit na naramdaman ko.

Hinila ako ng hamog papunta sa pampang Bumangon ako at isa-isang hinigit ang mga sibat na bumutas sa aking katawan. Usok ng abuhing aso ang tumapal sa mga sugat at naghilom dito.

Nakita kong patalikod na sana si Sarindang, inihahakbang ang mabigat niyang mga paa pero nasindak siya nang muli akong bumangon. "Hindi maari."

Ramdam ko ang biglang daloy muli ng aking mga dugo. Tinanggal ko ang maruming puting bandana sa aking noo. Ganito siguro ang nararamdaman ng Klab Maharlika kapag nakikipaglaban.

Katulad ng ginawa ni Ysa gamit ang kapangyarihan ng kaniyang tandang ay nagbuo rin ako ng baluti sa aking katawan na gawa sa makapal na usok ni Lobo. Humarap muna sa'kin ang lumulutang niyang ulo bago siya naglaho upang mas bigyan pa ako ng lakas.

Ipinagdikit ko ang mga kamay at lumikha ng pinakamalaking espada na kaya kong gawin pero dahil gawa sa hamog ay napakagaan nitong dalhin.

"Raaahhhh!" Inilabas ko ang lahat ng galit na aking nararamdaman at tumakbo papunta sa puwesto ni Sarindang. Dahil sa bigat niya, hindi siya madaling nakatakas.

Ibinigwas ko ang aking kampilan. Solido iyong lumapag sa katawan niya pero imbis na siya'y mahiwa ay tumalbog lamang ang aking sandata at natilapon sa tabi.

Mabilis akong kumilos nang sumugod siya. Nakailag ako sa matatalas niyang kuko. Itinaas ko ang mga kamay at naglabas ng mga hibla ng sinulid sa aking mga daliri. Napag-practice-an ko siguro nang maayos ang sandata ni Rome na nagiging latigo at ginamit ang mga napanood kong kilos ni Ysa.

Sa mas ligtas na layo mula sa batibat ay parang mangingisdang nahuli ko ang kalaban mula sa pain. Ibinalot ko sa dambuhala niyang katawan ang mga hibla ng gawa sa matibay na usok. Naging solido ito at humigpit ang pagkakagapos kay Sarindang.

"N-nakuha mo siguro sa iyong ninuno . . . ang likas na galing sa paghahabi at p-paglikha," pautal-utal niyang sabi. "Ngunit ako pa rin ang puno ng iyong mga bangungot!"

Sa magkabilaang gilid ko'y tumubo mula sa lupa ang dalawang maitim na kawayang tapyas sa gitna. Abala ang aking mga braso sa pagpapagapos sa kaniya kaya't wala akong nagawa nang maglapit ang dalawang kawayan at nakulong ako sa loob nito.

Naputol ang mga hibla sa aking daliri. Sinakop ng dilim ang aking paningin. Ito na naman, ang pakiramdam ng nakakulong. Parang kusang kumakawala ang hangin sa aking baga. Kinapa ko ang pader na kawayan pero walang paraan para makaalis.

Naririnig ko ang tawa ng batibat. Kulob ang kaniyang boses. "Tikman ang parusang ninuno mo ang mismong naglikha." Totoo nga, sa ganitong paraan siya tinalo ni Lam-ang, ikinulong sa buod ng kawayan magpakailanman. Hindi ko ma-imagine ang hirap na dinanas niya sa loob ng ilang milenya, mag-isa sa kulungang ito.

"Kung gaano kapusok ang aking pagmamahal sa kaniya, ganoon din ang kapalit na poot para sa mga tulad mong makasarili." Umiiyak ba siya? "Itinakwil ako ng mga aribai nang dahil sa pag-ibig ko sa iyo ngunit mas pinili mo pa rin na ako ay iwan. Habang-buhay akong nagdusa sa bangungot na ikaw ang lumikha."

Nadudurog ang puso ko sa mga bawat salitang binibigkas niya. Naaalala ko si Mama, sa hirap at lungkot na dinanas niya ng iwan kami ng aking ama. Naalala ko si Ysa at ang sarili niyang ama. Bakit kung sino pang may mabuting kalooban ay sila pang nalilinlang ng mga taong mas pinili ang pansariling kaligayahan?

Unti-unting sumisikip ang aking pinagkukulungan. Alam kong mali pa rin ang nangyari kay Sarindang ngunit hindi pagkakamali ang sagot sa isa pang pagkakamali. Ilan na ang nabiktima ng kaniyang bangungot. Ilan pa ba ang mamatay sa kanilang pagtulog?

Totoo man o hindi ang kaniyang nararamdaman, isa pa rin siyang manlilinlang. Hindi ko mapapatawad ang huwad na pangakong ibinibigay niya sa kaniyang mga biktima. Mga buhay kaming tao, may sariling pangarap, at hindi bagay na puwede niyang paglaruan.

Nag-ipon ako ng lakas at pinigilan ang pagsikip ng pader na kawayan. Gamit ang usok ng abuhing aso ay lumikha ako ng maliit na punyal. Itinarak ko ang talim nito sa kawayan at buong lakas na inihiwa hanggang sa makakita ako ng liwanag sa lamat na aking nalikha.

"Sadyang malakas talaga ang kapangyarihang iyong taglay. Nagagamit mo na nang husto ang alagang hayop ng iyong pinagmulang higante na si Angalo, ang handog ng anito ng kadiliman. Nararapat siguro na mapasakamay ko iyan upang masaksihan ko kung paano ito gamitin sa hustong paraan."

Iniamang ko ang mga braso sa pader na kawayan haggang sa mawasak ko ito nang tuluyan at makalabas ako sa kulungang nilikha ni Sarindang.

Wala na ang lungkot at galit sa kaniyang mukha. Puno na ito ng pag-aasam. Pagaasam na makuha ang aking kapangyarihan upang magamit niya at makapangbiktima pa nang mas marami. Gusto niya ito? Edi sa kaniya na.

Dahan-dahan akong lumapit.

"Tama yan, munting banwar. Wala ka nang takas. Ialay mo sa akin ang handog na abuhing aso."

Lumabas ang usok sa 'king katawan. Tinangay ito ng hangin hanggang sa mahigop ng malaking bibig at ilong ng batibat. Tumirik ang kaniyang mga mata habang nilulunok ang kapangyarihan ni Lobo. Ramdam ko ang unti-unting pagkahina ng aking kalooban. Tuluyan na ba akong iiwan ng aking alaga?

Nang makalapit ay ipinatong ko ang kamay sa kaniyang mukha. Inilabas pa niya ang dilang tila nasasarapan sa pagkain ng aking kapangyarihan. "Gusto mo to? Lamunin mo."

Bumilis ang pagdaloy ng usok mula sa akin papunta kay Sarindang na ngayo'y umuungol na sa halinang kaniyang nadarama.

Lumindol sa parang na aming kinaroroonan at nagkalamat ang lupang kinapupwestuhan ni Sarindang. Sa butas ay lumabas ang ilan pang asong gawa sa hamog. Pero hindi katulad ni Lobo ay kulay itim ang mga ito at mababangis ang hitsura. Sa palagay ko'y ito ang mga kapatid ni Lobo na alaga ng diwata ng kadilimang kaniyang pinagmulan.
Kinalmot ng mga aso ang katawan ng Sarindang, dinadala siya pailalim. Pero hindi niya iyon ininda. Takam na takam siya sa paghigop ng usok na parang hayok sa kapangyarihan.

Inalis ko ang kamay sa mukha niya at humakbang paurong.

Tumatawa ang batibat. "ito na. Ito na ang pinakahihintay ko." Napalitan ito ng pagtangis nang siya'y higupin ng lupa at kinaladkad ng mga asong anino pailalim. Tuluyan siyang naglaho. Hindi ko na maramdaman ang kaniyang presensiya.

Ibinigay ko lang naman ang gusto niya. Tinupad ko ang matagal na niyang pangarap. Siguro'y masaya na siya ngayon sa pinakailalim, lulong sa sarili niyang panaginip.

"Liam!" Naagaw ang atensyon ko ng sigaw ng isang lalaki. Paglingon ko'y naroon na ang Ilog Amburayan. Malalakas ang alon nito at sa gitna'y nakita ko si Tatay, nalulunod siya.

"Tay? Tatay!" Agad akong nagtatakbo sa tubigan, umiiyak. Naalala ko na, ang eksaktong eksena kung kailan niya ako iniligtas sa kapahamakan, kung kailan niya kami iniwan.

Nilamon siya ng alon. Walang takot akong lumangoy at nilusong ang malalim na tubig ng ilog. Ngunit wala na siya. Kadiliman ang aking inabutan. Nanatili akong nakalutang sa katubigan hanggang sa lumabas mula sa mga anino ang dambuhalang isda ng berkakan, ang halimaw na dahilan ng pagkamatay ni Lam-ang, ang siya ring paulit-ulit kong mapapanaginipan.

Ngunit sa pagkakataong ito, buo na ang aking loob. Imbis na lumangoy para tumakas na palagi kong ginagawa ay kalmado ko siyang hinintay. Ibinuka niya ang malaking bibig. Pumikit ako at hinayaan lamang ang sarili na kainin ng dambuhalang isda. Dinama ko ang takot na nabuo sa aking kalooban at hinayaan iyong kumawala. Hindi palaging utak ang solusyon. Huminga nang malalim, damhin ang emosyon at malaya itong tanggapin, yakapin.
Para akong sinabuyan ng malamig na simoy ng hangin. Pagmulat ko'y nasa loob na muli ako ng kuweba.

Berdeng apoy ang nagbibigay ng liwanag. Nabuo ang imahe ng mga taong nakapalibot sa amin, lahat sila'y nakangiti at nakaabang sa muli kong paggising.

Sa dulo ng aking pinaghigaan ay nakaluhod sina Gwen at Ysa. Balot ng galos ang kanilang mga balat, wala na sa ayos ang mga buhok at pananamit pero wala na silang pake sa hitsura nila pagkakita sa akin bagkus ay nakangiti lamang akong tiningnan. Ngayon ko lang nakitang ngumiti si Ysa na labas ang mga ngipin. Suot na niyang muli ang nagkagutay-gutay nang pawid na kapa at salakot.

Sa kaliwa ko'y naramdaman kong may nakaipit sa daliri ng aking kamay. Ang estatwang bul-ul, kagat-kagat ang aking hinlalaki. Sa tabi niya nakaluhod rin si Rome. Halos masira na ang kaniyang dilaw na kamiseta. Puno ng luha ang mga mata niyang hindi ako sanay na walang salamin. "Akala ko ba walang talab ang pagkagat sa daliri?" Mangiyak-ngiyak niyang tanong. "Gising ka na."

Mabilis akong bumangon para maupo at niyakap nang mahigpit si Rome. Hindi ko namalayang lumukuha na pala ako. "Hindi na ba 'to panaginip? Buhay kayong lahat?"

"Blbb," si Bul-ul ang sumagot. Nakalimutan kong nakakagat pa pala siya sa daliri ko. Kumalas ako ng pagkakayapos at maingat siyang ibinaba sa sahig. Ngayon ko lang napansin na tuluyan nang bumigay ang isa niyang kahoy na paa kaya naupo na lamang siya.

"Pasensiya na. Buong akala ko-"

"Ligtas kami, Liam," singit ni Gwen. "Mukhang matagal ang inilagi mo sa iyong pagtulog. Malalim ang pagkahimbing mo. Akala rin namin, hindi ka na magigising. Salamat kay Rome at sa kaibigan niya." Saka ko lang napansin ang kakaibang mga hugis sa hinihigaan kong puwesto. Gumawa pala ulit si Rome ng gaway.

"Salamat." Tinanguan ko ang bul-ul. "Anong nangyari noong tulog ako? Nasaan na si Sumarang?"

"Hindi rin namin alam," sagot ni Rome. "Naramdaman ko na lang ang pagkawasak ng mga agimat pagkatapos ay bigla siyang naglaho. Siguro panandalian lang ang pagkabuhay niya at nakatali iyon sa agimat na bumuhay sa kaniya."

"O baka tumakas lang siya," tuloy ni Gwen. "Hindi ba't nabanggit niya na may mas malaki pa siyang misyon bukod dito? Anuman iyon, maghahanda tayo."

Sinubukan kong bumangon pero napaaray ako sa sakit na nadama ng aking nga kalamnan. Namamanhid ang aking mga binti.

"Dahan-dahan," alalay ni Rome. "Ubos na ang laman ng sumpit ko kaya wala na akong maipakin na buto pampagaling. Kailangan na nating lumabas ng kuweba."

"S-si Sarindang?" tanong ng nananahimik na si Ysa. Halatang hindi pa rin siya okay sa mga nangyari, sa saglit naming pagkikita sa ama niya, at sa mga pagkakamaling nagawa niya. "N-natalo mo na ba siya?"

Ang totoo'y hindi ko rin alam ang sagot. "Kinain siya ng sarili niyang ganid. Sa tingin ko, matagal bago siya makabalik muli sa mundo natin. Isang bagay na lang ang kailangan para hindi ito mangyari. Ang kawayan."

Sabay-sabay naming nilingon ang piraso ng itim na kahoy malapit sa aming puwesto, ang kulungan ng batibat. Kung ganoon, panaginip lang pala talaga kanina ang lahat. Hindi niya nagawang makalabas. Pinaglaruan niya lang ang isip ko kaya akala ko'y dehado na kami.
"Hindi ko na kayang wasakin 'yan."
Gustuhin ko man ay nanghihina na ako. Matinding lakas ng katawan at pag-iisip ang nagamit ko kanina sa pakikipaglaban kay Sarindang.

Akmang tatayo si Gwen. Pinigilan ko siya.

"Si Ysa ang nararapat na magwakas nito." Alam kong maganda ang hangarin ni Gwen pero isa lamang ang paraan para matapos ito.
Napalunok ng laway si Ysa. "Ako? P-pero sira na ang mga agimat."

"Wala sa agimat ang kapangyarihan, Ysa," sambit ko sa kaniya. May matamis na nalasahan ang aking dila. "Nasa loob natin ang tunay na kalakasan. Wala ka nang dapat ikatakot pa."

Pagtataka at pangamba ang kaniyang reaksyon pero unti-unti niya ring naintindihan ang gusto kong sabihin.

Kusa niyang nilapitan ang kawayan. Pinanood namin siyang maglabas muli ng liwanag sa kaniyang mga daliri. Ibinalot niya ang nga hibla sa piraso ng kahoy at sa ikatlong hila ay nawasak ito hanggang sa maging abo. Nasira na ng tuluyan ang tanging bagay na kumokonekta kay Sarindanng at sa aming mundo.

Nahuli ko pang nagpunas si Ysa ng kaniyang luha. Alam kong nanghinayang din siya sa pagkakataong makasama muli ang kaniyang ama.

Sabay sabay naming naramdaman ang malakas na lindol ng kuweba. Naglaglagan ang mga batong hiyas at ginto mula sa kisame at pader.

"Ano'ng nangyayari?" tanong ni Rome. Nakaramdam kami ng panic. Ngunit bago pa namin maisipang lumabas ng masikip na parte ng kuweba ay pumasok sa loob sina DM at Simm. Hawak-hawak ni Simm ang kaniyang batok at puno naman ng itim na dugo ang sibat na hawak ni DM habang yakap ang jacket na naglalaman ng labi ng Frank.

Pareho silang madungis ang itsura mula sa pakikipaglaban sa mga dakes. Agad na niyakap ni Gwen si Simm.

"Hindi na tayo makakalabas?" kagimbal-gimbal na anunsyo ni DM. "Wala na ang mga pugot na bantay. Tumakas na rin ang mga engkanto. Gumuho ang bungad ng kuweba kaya pumasok na kami sa loob para sunduin kayo."

"Pero paano tayo ngayon makakaligtas? Dito na ba tayo mamatay?" takot na takot na sabi ni Rome.

"Blb?"

"Tama."

"Anong sabi niya?" tanong ko.
"May suhestiyon si Bul-ul pero mapanganib ito. Hindi ko pa gamay kaya baka maglabas na naman siya ng force. Baka tuluyan nang gumuho ang kuweba. Siguro kaya pa namin na makabuo ng isa pang portal pero hindi ko alam kung saan tayo dadalhin no'n."

"Rome, may tiwala kami sa 'yo," pagsang-ayon ko sa kaniya.

"Humanay kayo pabilog."
Ginawa nga namin ang utos niya habang umiikot siya sa lupa gamit ang kaniyang patpat. Iniupo niya ang bul-ul sa gitna ng hugis at kami naman ay pumalibot.

"Pumikit kayo at damhin ang panawagan ng babaylan."

Naghawak-hawak kami ng kamay. Ramdam ko ang niyerbos ng nagpapawis na kamay ni Ysa. Hinawakan ko ang kamay niya nang mahigpit.

Patuloy ang paglindol. Rinig namin ang pagbagsak ng loob ng kuweba.

Wooosssh! Nagkaroon ng hukay sa gitna namin, dilim lamang ang nasa loob noon.

"Ngayon na!" Sabay-sabay kaming tumalon, segundo bago namin nasaksihan ang tuluyang pagguho ng kuweba kasama ang lahat ng kayamanang minana ng ninuno kong si Ines.

Sa sobrang bilis ng pagbulusok namin ay nawala ang pagkakahawak namin sa isa't isa. Sumisigaw kaming lahat, nananalangin na sana ay hindi ito ang huli naming hantungan.

Blagg! Bago pa kami bumagsak sa buhanginan ay sinalo ang aking mga katawan ng nagliliwanag na pananggalang. Si Ysa, sa oras ng pagkataranta namin at nakapaghabi pa siya ng malambot na telang gawa sa hibla ng kaniyang liwanag. Agad niya itong pinaglaho at ligtas kaming nakalapag sa lupa. Halos kapusin siya ng hingina sa kaniyang ginawa.

Kami naman ay mga kapwa hinihingal sa nangyari. "Nasaan tayo?"

Nasagot ang tanong ko nang masilayan namin ilang dipa ang layo ang matatayog na posteng may umiikot na elisi sa tuktok. Lagpas dalawangdaang talampakan siguro ang taas ng mga iyon at nakahanay sa dalampasigan. Mahunang pinagagana ng hangin ang nga elisi nila.

"Windmills! I think nasa Ilocos Norte na tayo," tuwang-tuwa na sigaw ni Rome. "Ang tagal ko nang gustong makapunta rito. Wow! At least alam na natin kung saan tayo dinadala ng portal."

Napaupo ako nang malamang ligtas nga kaming nakarating palabas ng kuweba at ngayon ay nandito pa rin sa reyalidad.

Bumuntonghininga ako at nakamamanghang pinagmasdan ang paglubog na araw sa kanluran. Kita namin ang mga mapunong burol at lambak ng Ilocos. Ang bayang isa sa mga nilikha nina Angalo at Aran ayon sa alamat.

Hindi ko alam pero naaalala ko ang bayaning si Lam-ang sa windmills, matayog at pinagagana ng likas na hangin.

Kailanman ay hindi ko hinangad na sumunod sa yapak niya. May sarili siyang pakikipagsapalaran. Ang pagkakamali ng nakaraan, ngayo'y tadhana kong itama at lumikha ng panibagong daang aking tatahakin.

*****
I was crying while writing this chapter. I don't know why. ಥ‿ಥ

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top