14 Ang Ginintuang Kuweba ng Pagkatuklas
IKALABING-APAT NA HARAYA
ᜁᜃᜎᜊᜓᜈᜅ᜔ ᜀᜉᜋ᜔ ᜈ ᜑᜇᜌ
Ang Ginintuang Kuweba
ng Pagkatuklas
LUMAKI akong walang kalaro kung hindi ang aso lang namin. Sinanay ako ni Ninong sa pangaral niya na hindi sagot ang emosyon sa kung anumang problema. Bata pa lang ako, hindi na ako komportable na makipagkilala sa mga estranghero. Kaya sa tuwing nasa eskwelahan ay palagi akong nasa dulo ng classroom, tulog kapag bored o kaya'y nakatingin lang sa bintana, hinihintay na matapos ang klase.
Nagkaka-crush din ako no'n. Pero mas mabilis pa ako sa ipis kung umiwas. Nagagalit din naman ako, naiinis pero nagbibilang lang ako ng limang segundo para pakalmahin ang sarili. 'Wag maging sensitive. Pairalin ang utak. 'Yan ang mga naaalala kong salita ni Ninong.
Siguro nga'y tama siya. Dahil kung sinuway ko siya, baka napariwarang bata na ako. Mapusok o kaya'y basagulero tulad ng ibang batang kaedadan ko. Dapat behaved ako.
Akala ko okay na ito, ang tahimik lang, hindi masyadong nakikihalubilo. Pero alam ko sa sarili ko na may kulang, may mali.
Paano ko pa paniniwalaan ang pangaral na iyon ni Ninong kung ilang araw lang matapos niya akong iwan ay malalaman kong nagsisinungaling siya sa maraming bagay. Hindi sa bangungot namatay si Tatay. Walang sakit sa pag-iisip si Mama. May mga maling nagawa sa buhay ang bayaning pinagmulan namin. Hindi palaging tama ang nakasanayan. At higit sa lahat, hindi palaging utak ang solusyon.
Marami na akong kutob at hinala noon pa man pero hindi ko iyon pinakinggan. Isinantabi ko ang anumang pakiramdam na hindi ko kayang ipaliwanag. Namanhid na ako sa anumang reaksyon na malaya ko palang gawin.
Ngayong nakita ko nang muli si Mama, hanggang sa huli pinigilan ko pa rin ang bugso ng damdamin at inayon ang atensyon sa aming pakay.
Pero kasinungalingan ang lahat. Tama. Tama si Ysa. Madali akong maniwala sa mga bagay na sinasabi sa akin. Hindi dahil sa pinagkatiwalaan ko sila kung hindi dahil inalis ko ang kalayaang umalma pa. Nagpakakampante ako. Hindi palaging tama ang nasasagap ng aking pisikal na pandamdam. May bagay na dapat ko ring ginagamit kapanabay nito, ang aking puso.
Tinignan ko si Rome. Hanggang ngayon ay nakanganga pa rin siya, hindi makapaniwala sa mga rebelasyong narinig namin. Parehas na kaming nakatayo, hindi alam ang gagawin.
Bumagal ang paligid, halos hindi ko na marinig ang sarili kong pulso. Pumikit ako, nanlalamig ang aking katawan. Pinakiramdaman ko ang sarili. Hinahanap ng aking diwa ang sarili kong damdaming natatago sa kailaliman, nababalot ng sarili kong konsensiya. Gumawa ako ng matalas na espada at itinusok iyon hanggang sa bumukal ang tubig ng emosyon.
"Liam," tawag sa akin ni Mama. Napamulat ako at tinignan siya. Hindi ko maipinta ang reaksyon niya. "Anak, okay lang . . ."
"It's okay, Liam," sang-ayon ni Rome.
"Anak, sige lang. Okay lang ang umiyak. Hindi iyan kahinaan. Ilabas mo lang ang nararamdaman mo."
Sa mga huling salita ng aking ina ay may bagay na gustong kumawala sa akin. Ipinikit kong muli ang mamasa-masang mga mata hanggang sa hindi ko na napigilan. Umagos ang mga luha kong ilang taon kong pinigilan. "Ma . . ."
Niyapos niya ako nang mahigpit, init ng katawan niya ang muling nagpaningas ng loob ko. Isinandal ko ang mukha sa kaniyang balikat at hinayaan lang ang sarili na umiyak, tumulo ang mga luha sa kaniyang malinis na bistida. Naamoy ko pa ang mabango niyang buhok.
"Patawad, anak. Patawad," bigkas niya habang hinahaplos ang likod ko. "Sigurado ako na nasa mabuting kalagayan na ang ama mo. Maaaring ang Ninong mo rin. Maiintindihan ko kung hindi mo sila agad mapapatawad. Sa akin mismo ay hindi naging madali. Pero anak, huwag mong sasarilinin ang nararamdaman mo. Lalong bibigay yan. Hindi mo mamamalayang hindi mo na pala kaya, hanggang sa maubusan ka na ng oras para sumuko pa.
"Patawad kung ngayon mo lang malaman ang totoo. Tatandaan mo na kahit kailan ay hindi ka namin sinisisi sa nangyari. Pinili iyon ng ama mo. Mahal ka niya. Mahal na mahal ka niya."
Huminga ako nang malalim. Saka biglang bumuhos sa akin ang alala ni tatay noong araw na kami'y nasa ilog. Pinilit kong lumangoy sa malayo kahit pa tumataas na ang alon at hindi na maganda ang timpla ng panahon. Wala pa akong kamuwang-muwang no'n, ang mahalaga sa akin ay makita ko siyang masaya, proud sa layo ng aking narating. Nasaksihan ko kung paanong biglang nag-panic si Tatay. Lumusong siya at agad akong sinagip.
Nalasahan ko pang muli ang tubig ng ilog na aking nalunok. Pagmulat ko'y yakap-yakap na ako ni Mama, umiiyak. Marami nang tao sa pampang, karamihan ay nakapalibot sa isang gilid, sa gitna ay naroon ang walang buhay na katawan ni Tatay. Hindi iyon isang bangungot.
Naramdaman ko ring yumakap si Rome, ang maituturing ko nang una kong naging kaibigan kahit pa ilang araw pa lang kaming nagkakakilala sa dami nang aming napagdaanan.
Hindi ko alam kung gaano kami katagal na magkakayakap lang. Agad akong nagpunas ng luha at hinarap silang muli.
"Si Ysa?" nasabi kong hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman, kung galit ba, poot, awa o anuman.
Napataas ng kilay si Rome. "Liam, she deceived us. Ba't concern ka pa rin sa kaniya?"
"Hindi sa ganoon. Gusto ko lang malaman kung paano . . . bakit?"
"Normal lang na maguluhan," singit ni Mama. "Iisa na lang din ang kilala ko pang nagmula sa angkan ni Lam-ang na siyang maaaring makagamit ng agimat niya. Bukod sa iyo, iyon ay ang anak ng babaeng kinasama ng tatay mo dati."
Naalala ko na, ang eksena sa lumang bahay sa panaginip ko. May binanggit si Tatay na anak na babae ng kausap niya, na dapat niya itong balikan.
"'Yun na ang huli kong balita sa kanila. Hindi ko na rin alam kung anong nangyari sa babaeng iyon na nagma-may-ari ng agimat ng Tandang. Malakas ang kutob ko na ang Ysa na tinutukoy mo ang anak niya."
"Pero bakit? Bakit niya kakailanganin ang parehong agimat? Saan niya iyon gagamitin?"
"Hindi kaya kasagpi siya ng kalaban?" hinuha ni Rome. "Wala nang ibang puwedeng maging dahilan."
Naalala ko nung inatake niya ang batibat na nakadagan sa akin sa loob ng lagusan noon. Nakita niya rin ito. Pero kung kasabwat siya ng mga kalaban, dapat ay matagal na niyang kinuha sa akin ang agimat. Hindi naman ako ganoon kahirap talunin lalo na kung ikukumpara sa kaniya.
"I knew it! I can smell it from afar sa unang pagkikita pa lang namin. Malansa si girl," komento ni Rome.
"Paano natin siya pipigilan?"
"Anak, kung hindi ka pa ready ay okay lang."
"Hindi po. Ready na ako. Kailangan ko po itong harapin. Nakasalalay dito ang angkan natin."
"Kung ganoon ay baka maabutan niyo pa siya sa kuweba. Hindi madaling nakapasok roon. Bilisan niyo na."
"H-hindi po kayo sasama, Ma?"
"Anak, alam kong napaka-importante nitong misyon na ito, sa tatay mo, sa ninong mo, sa pamilya natin pero higit na importante ito para sa iyo. Nandito lang ako anak, hinding-hindi kita iiwan muli. Pero mayroon din akong misyon rito. Hindi ko na rin alam ang mangyayari sa akin kung ako'y lalabas sa harang na nakapaikot sa lugar na 'to."
"Tama siya, Liam.," sang-ayon ni Rome. "Sasamahan kita. Ililigtas ko sa kaniya si Bul-ul anuman ang mangyari. At siyempre para hindi muling mabuhay ang kasamaan." Determinado ang kaniyang tono.
"Pakatandaan mo ang bilin ko anak. Minsan ko nang nasaksihan na gamitin ng iyong ama ang agimat. Wala dito ang lakas kung hindi nasa loob mo. Minana mo 'yan sa ama mo."
Kumulo ang tiyan kong hindi ko alam kung gutom lang o dahil sa kabado.
"May tiwala ako sa iyo, anak, na gagawin mo ang tama sa huli, kapalit man ito ng iyong kapalaran. Huwag mong hahayaang maagaw niya ang aniwaas mo, ang kaluluwa mo, at maligaw sa kaniyang mundo ng haraya. Hihintayin ko ang muli mong pagbabalik, anak." Ngiti niya ang muling nagpagaan ng aking nararamdaman. Hinalikan niya ang noo kong may takip na telang puti.
Isang mahigpit na yakap pa at sabay na kaming lumabas ng kwarto ni Rome. Malalim ang paghinga ko habang lumilisan ng facility. Naaawa man ako sa mga taong naroroon katulad ng matandang nakilala ko kanina pero at least ngayon, alam ko nang tutulungan sila ni Mama.
Ngayon, ako naman ang tutupad ng sarili kong kapalaran.
Mabilis naming binalikan ang dinaanan namin kanina ni Rome. Walang nakapansin sa amin noong pumasok at lumabas kami sa bintana ng restroom hanggang sa makalusot muli sa butas ng bakuran.
Binalikan namin ang baleteng nilabasan namin kanina. Wala nang kahit anong bakas ni Ysa.
"Bul-ul, nandyan ka ba?" tawag ni Rome. "Bulululululul!"
Napatawa na lang ako. Ngayon ko lang ulit naramdaman ang ganito, yung tipong may bagay akong kailangang patunayan, hindi para sa kahit na sino kung hindi para sa sarili ko.
"Wala na siya, Liam."
"Makikita rin natin siya, promise. Ang problema natin ngayon ay kung paano tayo makakarating sa burol. Makakapasok ba tayo ulit sa lagusan, mag-aabang ng bangkang panghimpapawid para makisakay, o kakayanin mo bang makalikha ulit ng portal?"
"Wala sa nabanggit. Hay, Liam. Hindi ka na natuto. Hindi ba't sabi ko sa'yo, hindi palaging logic ang sagot. Makiramdam."
Napakunot lang ako ng noo.
Pumikit siya at huminto. Mga ilang segundo siguro siyang ganoon. Muntikan ko na nga siyang sampalin at baka binabangungot na pala siya pero pag mulat niya ng mata'y may aninong kumulob sa kinatatayuan namin. "Nandito na sila."
"Sino?"
Sinundan ko ang tinitingala niya at nakita ang isang malaking pating na may kulay dilaw na pakpak. Lumilipad ito sa taas namin, sakay ang tatlong taong hindi ko akalaing matutuwa ako na makitang muli.
"Need a ride?" tanong ni Simm. Siya ang nasa bandang ulunan, sa likod niya'y nakayakap naman si Gwen na malawak ang ngiti sa amin. Sa dulo ay nasilayan ko ang bampirang si DM. Pero hindi katulad ng masigla niyang awra, ngayon ay tila malungkot siya. Bitbit niya ang nasira niyang ukelele sa pakikipaglaban kanina kay Ysa. Nakasabit sa balikat niya ang itim na jacket ni Simm. Napalunok ako ng laway nang mapagtanto kung ano ang laman n'on.
Pagkalapag ng pating sa lupa ay agad na bumaba ang tatlo. Sana walang nakakakitang mga tao sa amin. Baka bigla nilang pagpiyestahan ang tiburon na si Belle.
"Oh my anitos, you're all safe!" Isa-isa silang niyakap ni Rome kahit ramdam ko ang hiya ni Simm. "sa wakas, gumana na rin ang telephatic link ko. Mabilis niyang na sa tao ang lokasyon namin, ah. By the way, where's Frank?"
Maging si Gwen ay biglang sumimangot. Tahimik lang na nilapag ni DM ang sakbit niyang jacket. Pagbuklat ay tumambad sa amin ang marami-raming piraso ng buto ng tao, may bungo pa at kumpleto ang mga ngipin maging ribs.
Hindi ko na pinansin ang amoy at sinabayan sila sa pagdalamhati.
"This was what I've found in the pond," paliwanag ni Simm. "I have managed to kill the berberoka pero . . ."
Agad na tumangis si DM at niyapos-yapos pa ang madungis na mga buto. Hindi ko alam kung dahil ba sa pag-iyak niya kaya namumugto ang mga mata niya o dahil natural na sa kanila iyon bilang bampira.
"Bakit mo kami iniwan, Frank? Wahhh!" Inalo-alo siya nina Gwen at Rome. "Ipagluluto mo pa kami ulit ng specialty mong sinigang kahit medyo bulok na yung sampalok. Wahhh!"
"I miss him too," tugon ni Gwen. Tumayo siya at tumitig sa akin. "Nas'an siya?" Si Ysa ang tinutukoy niya.
Napalunok ako ng laway. Naiintindihan ko ang nararamdaman nila. Matalik nilang kaibigan si Frank at ayon nga sa kuwento ni Rome, mabait ito at maasikaso. Naaalala ko noong nalulunod ako sa sapa, matapang niya akong iniligtas kahit pa kapahamakan niya ang kapalit.
"Gusto kong humingi ng tawad sa inyo," panimula ko. "Kasalanan ko ito. Naniwala ako sa kaniyang siya nga ang kapatid ko pero mali ako. Nasa kaniya na ang agimat ko. Malamang ay nasa Bantayan na siya para kunin ang natitirang hibla ng gintong tapis ni Ines."
"A single thread?" Hindi makapaniwalang tanong ni Simm. Napahalukipkip siya. "Then we must go na. We'll ride Belle. Sana lang, hindi agad siya bumigay sa bigat natin."
Malungkot na iniligpit muli ni DM ang mga buto ni Frank at isinabit ang jacket na lagayan sa kaniyang balikat. Sabay na sila ni Rome na sumakay sa dulo ng pating.
"Saglit," pigil ko sa kanila. "Hinarap ko sina Simm at Gwen. "Alam ko na wala akong karapatang hingin ito pero maari bang ako muna ang kakausap kay Ysa kapag nakita natin siya? Alam kong malaki ang kasalanan niya pero . . ."
May kutob ako. Sana tama ito. Magkaiba ang paniniwala sa pagtitiwala. 'Yan ang sabi ni Ysa. May lihim man siyang balak pero kahit papaano'y alam kong nagpakita pa rin siya ng katotohanan at pag-aalala sa akin.
"What is it, Liam?" tanong ni Simm, hinihintay ang sagot ko.
"Basta huwag niyo muna siyang paghigantihan. Gusto ko muna siyang makausap."
Bumuntong-hininga sila pero agad na lumapit sa akin si Gwen at ipinatong ang kamay sa balikat ko. "Tapos na kami sa phase na yan. Alam naming walang magandang patutunguhan ang paghihiganti. May atraso siya sa amin pero mas malaki ang atraso niya sa iyo. We don't overstepped someone's journey. Remember what I told you before? Hindi ba't hinayaan din kita na sumama sa kaniya?"
Tinangguan ko siya.
"It's because I believed in you, Liam. Kahit na tumakas ka sa kakahuyan no'n at sumuway sa plano natin, I still believe in you. That's what trust is."
Halos ma-iyak ako sa mga sinabi niya.
"I . . . " May sasabihin pa sana si Simm pero tinignan lang siya ni Gwen nang seryoso. "I agree as much as I hate it. Now, let's go!"
Maingat kaming pumasan sa mahabang katawan ni Belle. Madulas ang kaliskis niya pero mahigpit ang hawak sa akin nina Rome at Gwen. Nasa pagitan nila ako. Anuman ang mangyari, alam kong nasa likuran ko lamang sila.
Umangat na kami at ipinagaspas ni Belle ang malapad niyang pakpak hanggang sa lumiit na lamang sa paningin namin ang facility na kinaroroonan ni Mama.
Hindi naman naging mahirap na mahanap ang lokasyon ng burol. Nakita namin sa daan ang ilang dakes, iginagapang nila ang mga itim na katawan papunta sa iisang direksyon hanggang sa dumami nang dumami ang lupon ng mga engkanto.
Nakikita na kami ng ilan pero abala sila na makarating sa paroroonan hanggang sa matanaw namin ang tuktok ng burol.
Hindi naman ganoon kataas ang mga punong nakapalibot kaya't mabilis namin itong nahanap.
Ibinababa ni Belle ang paglipad hanggang sa malinaw na naming mabasa ang nakasulat sa malaking kahoy sa bungad—Bantay Dayawan Hill.
Palubog na ang araw. Kulay kahel na ang langit pero mabilis na nagdilim ang paligid dahil sa pagkalat ng mga dakes.
"Saan tayo dadaan?" sigaw ni Gwen sa amin na halos hindi namin marinig dahil sa mabilis na hangin.
"Kita ko na!" bulalas ko nang mapansin ang bunganga ng isang kuweba sa bandang tagiliran ng burol. Natatakpan iyon ng mga dahon ng niyog. "Doon tayo!"
"Wait, andaming engkanto do'n, sure ba kayo?" paninigurado ni Rome. Hindi ko rin alam kung kaya ba naming lagpasan ang lupon ng mga dakes sa paligid no'n. Tila hinihintay lang kami na makababa. "Wala na bang ibang daan papasok?"
Wala na kong ibang matanaw.
"Screw it!" diin na sabi ni Simm. "Let's show them what Klab Maharlika can do." May paghahamon sa tono niya kaya kahit ang nalumbay na si DM kanina ay napangisi, kita ang kaniyang pangil na ngipin.
Inilabas ni Simm ang kaniyang mahabang sibat at iniabot ang baril kay Rome.
"Hoy, sure ka? First time ko 'to gagamitin."
"Ingatan mo 'yan kung hindi ibibili mo 'ko ng kapalit."
"Aba, may utang ka pa sa aking piloncitos, ha."
Si DM naman ay nakahanda na ang mahahabang kuko, bumabakat ang nga asul niyang ugat sa maputi niyang balat, hayok na sa laban. Itinapon na niya ang kanina pang dalang sirang ukelele. "Para kay Frank!"
"Get ready, guys." Tumayo si Gwen sa mismong likuran ng pating na aming sinasakyan. Hawak ang kaniyang berdeng agimat ay naghanda na siyang muli para magpaulan ng apoy.
Nagsitayuan na rin ang iba. Seryoso ba sila?
Inalalayan ako ni Rome kahit pa siya mismo ay takot sa taas ng aming kinaliliparan pero pakiramdam ko'y hindi lang 'to ang unang beses na aatake sila nang sama-sama. Nararamdaman ko ang excitement at kaba na rin sa gagawin namin.
Inihanda ko lang ang mga kamao. Hindi ko alam kung kaya ko pang gumawa ng sandata nang wala ang agimat ko.
Pabulusok na ang lipad ni Belle hanggang sa maabot ng aking tainga ang ungol ng mga engkanto. Itinaas nila ang mga kamay na may mahahabang kuko, 'yung iba pa nga sobra sa dalawa ang braso.
Nang isang dipa na lang ang agwat namin sa lupa ay sabay-sabay kaming tumalon at nag-umpisang ihambalang ang aming mga sandata't katawan.
Magaling umasinta si Rome dahil nasanay siya sa kaniyang sumpit. Malawak ang nasasakop ng apoy ni Gwen kaya nagkaroon kami ng espasyo malapit sa bunganga ng kweba. Habang sina DM naman at Simm ang malapitang umaatake sa kalaban.
Ako'y patuloy lang na umiiwas sa kanila, hinuhuli ang pagkakataong hindi nila inaasahan sabay atake habang solido pa sila bago sila maging anino muli.
Nasilayan ko ang bungad ng kuweba. Mukhang simpleng lagusan lang naman ito, madilim ang looban. Bigla akong nakaramdam ng matinding kutob. Nararamdaman ko ang agimat ko sa loob, ang abuhing aso.
"Go. We'll keep them away," bilin sa akin ni Simm. Alam kong higit sa kanilang lahat ay siya ang gustong makapaghiganti sa nangyari kay Frank pero iginagalang niya ang desisyon kong kausapin muna si Ysa.
"I can feel Bul-ul there. I'll come with you." Hindi na nagdalawang-isip pa si Rome at inaya na ako sa loob ng kuweba. Sumunod rin si Gwen sa amin matapos pagliyabin ang gilid ng kuweba kaya't hindi makalapit ang mga dakes.
Nilingon ko lang muli sina DM at Simm. Mas nanaig ang saya sa pakiramdam ko nang makitang nagsasayaw sila habang isa-isang pinapaslang ang mga kalaban.
"Gan'yan talaga kami sa bad malignos. Masanay ka na," paliwanag ni Rome. "Saan ba ang tungo natin?"
Hindi ko rin alam. Tuloy tuloy lang kami sa pagpasok sa loob hanggang sa unti-unting mawala ng liwanag. Ramdam lang ng aming mga paa ang matigas at madulas na sahig ng kuweba.
Lubusang sinakop ng dilim ang aming paningin. "Let me." Nagpaliyab si Gwen ng berdeng apoy sa kaniyang palad.
Sabay-sabay kaming napasigaw nang nagliparan sa ulunan namin ang ilang grupo ng mga paniki.
"Ahas!" Sa paanan namin ay papalapit ang ilang mahahabang serpyente. Ngunit lahat sila'y gumagapang papunta sa puwesto ni Gwen.
Saka ko napansin ang nagbagong balintataw niya, nakatitig sa mga ahas. Tila nag-uusap sila. Hanggang sa nag-iba ng direksyon ang paggapang nila sa sahig papunta sa bandang kaliwa.
Pinangunahan kami ni Gwen papunta roon. Totoo nga talagang may lahi siyang ahas.
Ilang hakbang at liko lang ay nakita na namin ang isang malaking bato na gawa sa ginto. Umaaninag ang liwanag ng apoy ni Gwen sa kalatagan nito. Sa gilid ay lumalabas ang mas maliwanag pa na ilaw mula sa loob. Ngunit hindi na magkaksiya kahit pa isang tao roon. Siguro'y dito nga ang lagusan na siyang ginamit ni Ysa.
Ramdam ko sa bahaging iyon ang presensiya ng agimat.
Sinubukan naming igulong ang bato ngunit hindi kaya ng lakas ng tatlong tao.
Halos mamatay ang alab na inilalabas ni Gwen nang matakpan kami ng anino ng dalawang higanteng walang ulo.
"Pugot!" sabay na sigaw nina Gwen at Rome. Maganda sila sa pag-atake pero ni hindi kumikilos ang mga maligno. Parang nakatingin lang sila sa puwesto namin kahit pa wala naman silang mga mata.
Dahan-dahan silang lumapit. Nararamdaman na nila kami?
Umurong ang dalawa kong kasama pero matapang ko silang hinarap.
Napatigil sa paglapit ang mga pugot at iniluhod ang mahaba nilang binti sa tapat ko.
"Ano'ng nangyayari?" pagtataka ni Gwen.
"I think they're giving respect," suhestiyon ni Rome.
"Kanino?"
Sumagot na ako. "Tanging hinlog lamang ni Lam-ang ang maaring makapagbukas ng lagusan. Sa tingin ko'y sila ang bantay ng kuweba at kinikilala nila ang pinanggalingan ko."
"Sana nga tama ka diyan," nanginginig pang sabi ni Gwen. "Sayang ang skin care ko gabi-gabi kung mapupugtan lang din ako ng ulo dito."
Nagpatuloy ang dalawang higante sa paglalakad at lumapit sa malaking batong ginto. Pinagtulungan nila ito na maihulonh sa tabi nmhangganh sa magkaroon ng sapat na espasyo para magkasiya kami.
"Tara na," aya ko sa kanila at pinasok na namin ang loob. Narinig kong ibinalik ng mga pugot ang takip ng lagusan.
Tumambad sa amin ang hindi ko mabilang na mga salapi at kagamitang lahat ay gawa sa ginto at makikinabang na bato. May ilan pa 'yata na gawa sa diyamante. Halos ga-tuhod namin ang taas ng mga gintong barya sa paligid kaya nahirapan pa kaming sumuong. Sa paligid ay nakatambak ang mga muwebles na gamit sa bahay, may upuan at lamesa, pinggan at kahit pa baryang panlaba. Lahat ay gawa sa ginto.
Wala kaming masabi. Kapwa mga nakanganga habang pinagmamasdan ang kayamanang ito.
"Wow, parang tayo ang nakatuklas ng Yamashita Treasure!" paghanga ni Rome. "Yayaman na tayo, my goodness."
"Baliw, hindi to sa'tin," saway ni Gwen. "Hindi mo ba ramdam." Dinampot niya ang isang pirasong porselas. "May sumpa ang kayamanang ito. May nagmamay-ari na. Baka kung ano pang mangyari sa atin kapag naiuwi natin ito."
Sumang-ayon ako kay Gwen. "Kung ito nga ang kinalilibingan ni Ines na aking ninuno kasama ang lahat ng kayamanan ng kaniyang angkan, dito rin natin makikita ang huling hibla ng kaniyang gintong tapis."
"Ayun na 'yung tinutukoy ng mama mo, Liam," turo ni Rome sa isang mahabang kasangkapan sa may bandang kanan. Para itong gawa sa kahoy na may maraming patpat na magkakadikit, isang makalumang panghabi. Sa pinakadulo ay nakalagay ang karete na sinabi ni Mama. Pero wala na iyong lamang sinulid, kahit pa ang huling hibla na kaniyang kinuwento sa amin. Wala na ang huling sangkap na kakailanganin sa matagumpay na muling pagkabuhay.
"Bl..Bl.." Agad na nagtatakbo si Rome papunta sa likod ng gintong panghabi.
"Bul-ul!" Walang mapagsidlan ang saya niya sa muli nilang pagkikita ng estatwang anito. Yakap-yakap niya agad ito. "Sorry sorry, binigay kita sa babaeng :yon. Di na mauulit."
"Bl..." Matamlay ang reaksyon ng pagkakaukit sa mukha ng bulul. Napansin ko ring may lamat ang kaliwang binti nito.
"Okay lang ba siya?" tanong ni Gwen.
"Magiging okay lang siya. Once we return, I'll find a way to learn a spell kung paano maghilom ng kahoy, kung meron mang ganoon."
Pinulot ko ang maiksing patpat na nakalatag sa bunton ng mga gintong barya. "Sandata mo, Rome."
Hinablot niya agad ito at pinaikot ikot. Naglabas lang ang dulo no'n ng kaunting spark. "I have to recharge this." Hindi ko na rin maintindihan ang mekanismo ng mga gamit niya bilang babaylan. Nakita rin niya ang kwintas sa tabi. Naroon pa rin ang sumpit, sa loob nito'y patuloy na kumukulo ang langis, tanda ng kakaibang hiwaga ng lugar na aming kinaroroonan. "Ubos na ang butil sa loob. Kailangan na ring i-refill."
"Now where will we go now? Wala na ang sangkap na kukunin sana natin." Malungkot na pagkakasabi ni Gwen.
Tinignan lang ako ni Rome. Nag-aalala pa rin siya kay Bul-ul pero alam niyang kailangan kong magdesisyon ng sunod na hakbangin.
Gamitin ang puso, hindi laging utak.
Pumikit ako. Mabilis kong naramdaman ang init sa may bandang kaliwa namin. Mga tatlong dipa mula sa amin, sa pader ng kuweba ay may maliit na butas na halos matakpan ng isang gintong lamesa. May kung anong lumalabas doon. "Usok."
"Saan? May nasusunog ba? Ituro mo." Nag-panic agad sina Rome at Gwen.
"Hindi niyo ba nakikita yung kulay abong usok sa butas doon?" turo ko na nilingon nila.
"Liam," tawag ni Rome. "I think ikaw lang sa atin ang nakakakita. Told you, sometimes our heart can see things more clearly than our bare eyes."
"Kailan mo sinabi 'yan?"
"Liam naman."
"Biro lang." At sama-sama pa kaming nagtawanan makawala lang sa nararamdamang tensyon.
"HAHAHAHA!" Dumadagundong na halakhak ang sumabay sa amin sa pagtawa. Mula sa direksyon ng nakita kong butas ay mabilis na nagtipon ang maitim na anino hanggang sa humulma muli ang pamilyar na presensya, si Sumarang. "Lubusin niyo na ang huling kasiyahan niyo dahil ito na ang katapusan niyong mga maliliit na Maginoo."
Naghanda kaming tatlo sa pag-atake.
"Andito ka na namang kapre ka," komento ni Gwen. Hindi ko mapigilang matawa sa pang-aasar niya.
"Aba't may tatalo pa pala sa kaartehan ng babaeng banwar. Natatandaan kita." Ibinababa ng higante ang hawak niyang sibat, itinutok ang bakal na dulo noon sa mga nagkalat na ginto, ikiniskis na siyang kinairita ng aking pandinig. "Mga sagabal."
"Paano ka nakalabas ng portal at nakapasok dito?" Subok kong tanong pampalipas ng oras. Ramdam na nila siguro ang kaba ko dahil hindi ko alam kung paano ko siya kakalabanin, wala akong hawak na sandata. May kaunting lakas pa naman akong taglay na sana'y mas palakasin ng mga anito sakaling mapalaban nang wala sa oras.
"Itanong mo diyaan sa kasama mong baglan," tukoy niya kay Rome.
"Ba't sakin?"
"Bl?"
"Dinala lang ako ng lagusan mo sa bayan ng mga bahay-tisa at bakang walang sungay. Mas pinalapit ko lang ako sa burol na ito."
"Saan daw?" bulong ni Gwen sa amin.
Sumagot si Rome. "Hindi ko alam. Bahay na tisa, baka na sa . . . ay sa Vigan kaya 'yon? 'Yung may ancestral houses saka mga kabayong humihila ng kalesa? Tagal ko na kasi gustong pumasyal doon, eh." Nakangiti pa niyang suhestiyon sa sinabi ni Sumarang.
"Pero paano kang pinalagpas lang ng nga bantay na pugot?" tanong ko habang dahan-dahan kaming naglalakad pakaliwa. Sumasabay lang si Sumarang kaya't para makaharap namin siya ay naglalakad naman siya pakanan, palayo sa butas na aming puntirya.
"Hindi mo pa rin ba maintindihan, banwar?" Tanong niyang pasigaw na. "O baka nagtutulug-tulugan ka na naman. Sinabi ko na sa iyo na ako ang dapat na tagapagmana ng agimat ng abuhing aso, ang hayop na alaga ng aking pinagmulan. Tayo'y malayong magpinsan, hindi mo pa ba nahahalata?" Madilaw na halos magkulay kalawang ang malalaki niyang ngipin kapag nakangiti.
"Anong ibig sabihin niya, Liam?" tanong ni Gwen. Nananatiling nag-aalab ang apoy sa kaniyang palad.
"Si Angalo, ang higante mula sa alamat ng mga Ilokano, ang ninunong pinagmulan ni Lam-ang. Kung ganoon . . ."
"Tama, bata. Iisa lang ating pinagmulan. Kaya't hindi ko kayang matanggap na siya pa ang mas pinili ng mahal kong si Ines. 'Di hamak na mas malakas at mas makisig ako sa kaniya. Kung hindi lang dahil siya ang unang nakapagpaamo sa aso at tandang. Mabuti pang mga bantay na maligno, kinilala ang lahi ko."
"So that's why you came back? Bakit parang hindi mo naman hawak ang mga agimat? Nagsasayang lang siguro kami ng oras sa'yo," patutsada ni Gwen. Nakahawak pa siya sa baywang. Mukhang sanay na sanay na sa mga ganitong sagutan. Mapag-aralan nga sa sunod kung paano siyang hindi natatakot sa pakikipagtalastasan sa mga malignong sintaas ng mga gusali tulad ni Sumarang.
"Magtigil ka, binibini. Baka gusto mong pilipitin kita katulad ng ginagawa ko sa mga nahuhuli kong sawa. Kakayurin ko 'yang mga mata mo at sipsipin ang dugo at lason sa loob mo."
Napalunok kami ng laway.
"Alam kong may lahi kang maligno, amoy na amoy ko ang lansa mo."
Sasagot pa sana si Gwen pero pinigilan na niya ang sarili.
"Ang aribai," singit ko sa usapan. "Siya ba ang tinutukoy mong amo mo? Ang nagsugo sa'yo?"
"Hmm. Mukhang nagkita na kayo ng nilalang ng kalikasan, ang pinagmulan ng mga bangungot. Oo, bata. Kasalanan ng ninuno mo kaya kayo ngayon ang makakatikim ng paghihiganting amin nang matatakam. Sandali na lang ay makikita niyo na ang pagbabalik niya sa kalupaan."
"Meh," walang buhay na reaksyon ni Rome. Inilagay na muna niya si Bul-ul sa maliit na bulsa ng kaniyang suot na dilaw na jacket. "Matatakot talaga kami sa kaniua. Sa laki mong tao, ikaw pa napasunod niya? Mas mautak pa 'ata ang mga lamang-lupa kaysa sa'yo."
"Sinusubakan mo ba ako." Ramdam ko ang gigil ni Sumarang. Mas humigpit ang hawak niya sa sibat. "Humanda kayo!"
"Go!" sabay na sigaw nina Gwen at Rome. Mabilis silang tumakbo papalayo, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ako naman ay nanatili sa puwesto. Nang malapit na sa akin ang higante ay nagpadausdos ako sa ilalim niya. Madali naman akong makagalaw dahil sa tipak ng mga gintong aming tinutuntungan. Nakakapa ako ng ilan na isinaboy sa kaniyang mukha.
Hindi pa nakaharap muli sa amin ang higante ay naglabas na si Gwen nang napakalakas na apoy na halos magkulay puti. Mabilis na tumulo ang mga pawis sa noo ko.
Si Rome naman ay muling ipinahaba ang kaniyang patpat at sinusubukang ihampas sa puwetan ng kalaban na parang nanay lang na pumapalo ng pasaway na anak.
"Go, Liam. You can do it!" huling sabi sa akin ni Rome bago ko buong lakas na binuhat ang gintong mesa para makapasok sa maliit na butas. Puro galos at paltos na ang aking mga braso at kamay.
Dilim ang aking naabutan. Mabilis na naglaho ang ingay ng pakikipaglaban. Hindi ako makapaniwalang ganito kalakas ang tiwala nila sa akin. Naisip ko sina DM at Simm sa labas ng kuweba na nakikipaglaban sa mga dakes. Samantalang sina Rome at Gwen naman ang nagsakripisyo para kalabanin si Sumarang. Wala nang oras para hilinging hindi sila mapahamak.
Last chance ko na 'to kaya dapat akong magtagumpay.
Lakad-gapang ang ginawa ko at kumapa-kapa sa gilid kahit pa nagmamanhid na ang aking palad hanggang sa makakita ako ng liwanag sa dulo. Pagpasok ko roon ay nasa loob na ako ng mas maliit na bersyon ng pinanggalingan namin kanina. Mukhang ito na ang puso ng kweba, sa kalagitnaan mismo ng burol. May munting liwanag sa gitna niyon.
Nang makita ko siyang nakaupo sa mabatong sahig ay parang bumagsak ang paghinga ko. Maging kilos ko ay bumagal. Nakatalikod siya sa akin. Malambot at mukhang walang buhay ang kapang pawid niya at ang salakot naman ay nabitin lamang sa kaniyang batok. Dahan-dahan akong naglakad paikot.
"Maturog, duduayya. Maturogkad tay bunga." Pamilyar ang himig na iyon. Saka ko nasilayan ang kaniyang pinagkakaabalahan. Suot niya sa leeg ang dalwang agimat at lumalabas mula roon ang imahe ng dalawang alaga ni Lam-ang. Gawa sa makintab na liwanag ang tandang na siyang nagbibigay ilaw sa parteng aming kinaroroonan. Sa usok naman gawa ang abuhing aso. Mabagal silang umiikot tila naghahabulan.
Sa baba, sa may sahig, ay naroon ang isang pirasong kawayang nangitim dahil sa sunog. Kung pagbabasehan ang kuwentong aking narinig, iyon siguro ang naging huling hantungan ni Sarindang bago siya talunin at ikulong ng mga Maharlika. Kung ganoon, ito pala ang pakay ni Yana noong dumaan kami sa Ilog ng Amburayan—para hukayin muli ang kawayan, ang bagay na nakita kong itinago niya sa akin noon.
Tahimik lamang si Ysa, mga mata'y mulat na mulat pero wala siyang balintataw at puno lamang ng puti ang kaniyang paningin. Mukhang hindi niya rin ako nakikita.
Wala na ang nilikha niyang benda para sa nabali niyang braso kanina. Iniangat niya ang isang kamay, hawak ng hinlalaki at hintuturo ang gintong hibla. Tumatama ang kinang noon sa paningin ko. Akma niya itong hihipan ngunit sa sobrang bagal ng paglapag ay nagkaroon pa ako ng pagkakataon na makalapit.
Sinubukan kong hablutin pero hinangin bigla ang sinulid at patuloy pa rin ang pagbagsak. Narinig kong may nag-crack sa kawayan, tila may gustong lumabas.
Nalalapit na ang oras ng iyong malaking pagpapasiya, naalala kong sabi ni Tandang Felicia. Pasyang magpapatuloy o maghihinto ng pamana ng angkan ni Lam-ang.
May tiwala ako sa iyo, anak, na gagawin mo ang tama sa huli, kapalit man ito ng iyong kapalaran, bilin ni Mama.
Pinakinggan ko ang kutob ko. Sa pagkakataong ito, ito ang tamang gawin.
Hinablot ko ang mga kwintas sa leeg ni Ysa at buong lakas na pinigtas iyon. Naglaho ang tandang at aso. Bumalik bigla ang kaniyang mga balintataw na para bang nagising siya sa matagal na halusinasyon.
"Liam?" gulat niyang tawag sa akin.
Hindi ko siya pinansin bagkus ay inilapag ko ang mga agimat sa sahig. Nasa amin ang kapangyarihan ng paglikha at pagkawasak. Isa lang sa kanila ang kaya kong gawin ngayon.
Lumuhod ako, itinaas ang dalawang kamao. Naramdaman ko ang biglang pagdaloy ng karagdagang lakas sa katawan ko. Tila tumutulong ang mga nauna naming ninuno. Huminga ako nang malalim at ubod lakas na ipinukol ang mga kamao sa balahibo at pangil na pendant.
"Hindi!" sigaw ni Ysa ngunit wala na siyang nagawa.
Nagkaroon ng biyak ang lupang pinagbabaan ko ng mga agimat. Basag na ang pangil at putol na rin ang balahibo. Nilipad ng malamig na hangin ang mga buhok nito.
Ramdam ko ang biglang paglaho ng malakas na kapangyarihan. Tanging butil ng mga ginto at dyamante sa pader at kisame ng kuweba ang nagsilbing liwanag namin.
"Anong ginawa mo?" tarantang tanong ni Ysa. Sinubukan pa niyang ayusin ang mga agimat pero hindi na ito maibabalik pa sa dati.
"Katulad ng sinabi mo sa akin, Ysa. Nagkamali man ako pero ginawa ko ang nararapat sa huli."
"Hindi pa ako tapos. Hindi na niya matutupad ang hiling ko." Lumuluha siya. "Ito na lang ang huling pag-asa ko."
"Sino? Si Sarindang? Bubuhayin mo siya para saan? Ano ba ang hiling mo na sa tingin mo'y siya lang ang kayang tumupad?" pagalit ko nang sumbat sa kaniya. "Puno siya ng panlilinlang. Naloko niya 'ko, naloko ka rin niya. Kaya ba nagpanggap ka pa na kapatid ko para lang dito?"
"Hindi mo ko maiintindihan. Si Papa, magkikita na sana ulit kami."
"Ysa, bakit hindi ka na lang nagsabi sa akin ng totoo? Ganiyang-ganiyan din ang ipinangako niya sa akin. Nagpanggap siyang si Tatay para simulan ko ang paglalakbay na hanapin ang gintong tapis, kaya tayo nagkitang muli. Pero kasinungalingan lahat iyan. Kung may pagkakataon ay gugustuhin ko ring makita muli sina Ninong at Tatay pero hindi niya kayang buhayin ang sinumang mahal natin sa buhay!"
"Kasalanan 'to ng tatay mo," may galit na sa kaniyang tono. "Kung hindi niya itinakas ang aking ina, hindi sana ako iiwan ni Papa." Tuluyang tumulo ang mga luha niya. "Hindi sana niya piniling magpakamatay. Isang botelyang sleeping pills ang ininom niya at hindi na siya muling nagising. Kasalanan nila 'to. Pinatay niyo ang papa ko!"
Hindi ako makasagot sa mga paratang niya. Alam kong nagkamali si ama, hinde, mali talaga ng ginawa niya. Kasalanan ang pagtataksil na ginawa niya sa ina ko at sa ama ni Ysa. Alam ko ring naghahanap lang siya ngayon nang masisisi sa nararamdaman niya.
"Makinig ka, Ysa," subok kong pagpapakalma sa kaniya. Malungkot niya lang na tinitigan ang mga sirang agimat. "Kung mayroon mang tao na katulad mong nangungulila, ako 'yon. Handa akong damayan ka pero kailangan mo munang tanggapin na kailangan mo ng tulong. May tamang proseso sa nararamdaman nating kalungkutan. Hindi madaling tanggapin. Hindi mabilis. Pero darating tayo sa punto na 'yon. Ang mahalaga, tamang tao ang mga kasama natin." Mga salita ni Mama ang namutawi sa bibig ko. Ngayon naiintindihan ko na ang sinasabi niya.
"No! You don't have the right to say that to me. Don't ever compare my pain to yours."
"Alam ko. Pero kahit pigilan mo ako, piipilitin ko na intindihan ka."
"Bakit pa? 'Di pa ba sapat na nagtraydor ako sa inyo? 'Di ba dapat ay hinahablot mo na ako ngayon at dinadala sa mga kasama mo?"
"Diyaan ka nagkamali, Ysa. Magkaiba ang paniniwala sa pagtitiwala. Lahat tayo nagkakamali. Ngayon, hayaan mo akong ipakita sa'yo ang tamang direksyon."
Niyakap ko siya. Kapwa kami nabigla sa aming emosyon. Sinubukan niyang pumalag pero nadulas siya sa kinatatayuan kaya't sabay kaming natumba. Hinde, patuloy kang kaming nahuhulog. Tila kumawala ang mga kaluluwa namin sa aming katawan.
Nagbago ang paligid. Wala na kami sa kuweba. Mabilis ang simoy ng malamig na hangin. Pareho kami ngayong nasa taas na tatlumpung talampakan at bumubulusok pababa sa malalim na tubig ng ilog.
******
And that was the longest chapter I have ever written so far, clocking in by 6,000 words. (ᗒᗩᗕ)
Grabe, daming nangyari.
See you sa boss fight!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top