13 Sa Pook ng Walang Hiwaga

IKALABINTATLONG HARAYA
ᜁᜃᜎᜊᜒᜈ᜔ᜆᜆ᜔ᜎᜓᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Sa Pook ng Walang Hiwaga


"TUMUWAD ka," utos ni Rome matapos niya akong yayain sa may mataas na pader na may maliit na bintana malapit sa bubungan.

"Ano?"

"Hindi ko naman sa sinasabing nagawa ko na ito dati pero nagawa na namin ito dati nina Gwen sa mga misyon. Nasa likod tayo ng restroom nila. Alam ko paano tanggalin yang harang sa bintana. Tutuntong ako sa likod mo."

"Okay. Okay." Sinunod ko nga siya at buong lakas siyang inalalayan na makaakyat sa balikat ko. Hindi ko na pinansin ang maduming sapatos niyang nakwtuntong ngayon sa suot kong gray na jacket pagkat pare-pareho naman na kaming madungis.

Ilang minuto lang ay ibinato niya ang plastic na harang sa bintana at dali-daling inilusot ang katawan niya sa masikip na butas hanggang siya'y makapasok sa loob. Narinig ko pa ang ingay ng pagbagsak ng mga gamit sa loob.

"Rome?"

Lumitaw ang ulo niya sa butas. "Nakatuntong ako sa drum." Inilabas niya rin ang isang kamay. "Umakyat ka na. Aalalayan kita."

Pawisan kami parehong nakapasok sa loob ng restroom. Naghilamos muna ako ng mukha at kahit papaano'y inayos ang magulong buhok.

"Ready?"

"Game."

Sabay kaming lumabas ng CR. Muntikan pa kaming makasalubong ng nakita naming tauhan siguro ng facility kaya huminto muna kami at yumuko sabay dahan-dahang naglakad paloob.

Wala namang nakapansin sa amin at abala sila sa pag-intindi ng hindi bababa sa dalawampung matatandang nagkalat sa hallway. CYung iba ay naglalaro ng BINGO sa gilid. Yung iba naman, nanonood ng TV o kaya'y naglalakad lang sa hallway na may hawak na manika. Lahat sila ay nakabihis ng simpleng pambahay na damit. Malinis ang puting pintura ng bawat kwarto. Tulad nga ng sabi ni Ysa, nakapokus sila sa kani-kanilang gawain at parang normal lang na may nakapasok na dalawang binata sa facility. Saan namin kaya makikita si Mama?

Napalingon ako sa isang matandang lalaking nakaupo sa wheelchair. Manipis na ang puting buhok niya at balot ang katawan niya ng nasa dalawang makapal na jacket. Rinig ko ang pag-ungol niya. May inaabot siya sa isang sulok malapit sa isang desk na walang bantay.

Nakita ko sa paanan niya ang isang stainless na baso. Sa gilid naman ay ang water dispenser. Iinom siguro siya pero walang bantay sa paligid na puwedeng tumulong sa kaniya.

Nagkusa na akong lumapit para iabot iyon. Tuwang-tuwa naman siya nang mahawakan na ang baso. "Salamat, utoy!"

Patay na. Dapat nga pala walang nakakapansin sa amin. Hinanap ko ulit si Rome pero baka napasama na siya sa ilang matatandang palakad-lakad sa paligid ng walang direksyon.

"Mahahanap mo rin siya," sabi sa akin ng matandang lalaki.

"Po?"

"Pamilyar ang awra mo. Hindi ba't isa kang Maginoo?"

Napalunok ako ng laway. "Ho?"

"Hmm. Kaninong hinlog ka? Dito sa lugar namin, hindi na pinapayagan ang mga tulad natin na makihalubilo sa isa't isa. Kaya nga ang tawag nila dito ay Pook ng Walang Hiwaga." Paos ang boses niya pero patuloy siya sa pagpapaliwanag. "'Wag kang mag-alala, bata. Tulad mo rin ako noon. Siguro nasa isang misyon ka nang samahan, ano?"

Hindi ko naman kayang magsinungaling sa kaniya at mukha rin naman siyang mabait. "Ah . . . ganun na nga, ho. K-kay Lam-ang ho ang angkan ko. May kilala po ba kayong Agnes Angalo?" Nagbakasakali na ako na baka kilala niya si Mama.

"Sabi na nga ba, kaamoy mo ang ilang Ilokanong nagmula sa lahi ng higanteng si Angalo. Bibihira na lang ang tulad niyo, ah. Kung ganoon ba'y maayos na napapangalagaan ang aso at ang tandang?"

"Op . . . opo."

"Mabuti kung ganoon. Ayon kasi sa sabi-sabi, bihira mabuhay hanggang sa pagtanda ang mga hinlog ni Lam-ang. Tignan mo si Diego Silang, pinaslang ng kaniyang sariling kasapi. Si dating pangulongngulong Ramon Magsaysay, marami pa siya sigurong magagawa sa bansa natin kung hindi lamang siya inatake ng mga maligno sa kaniyang naging huling misyon. Hindi ko alam kung sumpa ba iyon pero iho, nawa'y hindi ka matulad sa masamang kapalaran nila."

Pakiramdam ko'y nayanig ang bawat kalamnan ko sa sinasabi niya. Kilala ko ang mga taong binanggit niya dahil pinag-aaralan namin ito sa school pero hindi ako makapaniwala na dati silang nag-may-ari ng agimat ni Lam-ang. Mas lalo pang bumigat ang pakiramdam ko. Nawa'y makapagtagumpay nga kami sa misyong ito.

"Salamat po sa pag-aalala pero kailangan ko na pong makita si Ma—si Agnes Angalo."

"Ah . . . si Agnes ba?" tanong niyang parang hindi yata narinig ang sinabi ko kanina. "Ikatlong kwarto sa kanan. Mabait at magiliw na binibini. Madalas siyang tulala na parang may hinihintay. Puntahan mo na siya.

"S-s-salamat po.

"Walang anuman. Sana bumisita ka ulit. Kailanman ay hindi ako binisita ng mga anak ko, eh. Hindi nila tanggap ang kapalaran nila bilang Maginoo. Hindi ko naman sila masisisi kung gusto nilang mabuhay nang matiwasay." Nakaramdam ako ng hapdi sa sinabi niya. Ano kaya ang pakiramdam ngayon ni Mama na ilang taon nang hindi namin nadadalaw?

"Mag-ingat kayo." Ngumiti siya at lumabas ang halos maubos na na ngipin.

Sinuklian ko lang siya ng ngiti at umalis na nang makita kong kaya naman na niyang kumuha ng maiinom.

Ang weird pero sana nga'y walang masamang mangyari sa amin ni Ysa.
Sinunod ko ang direksyong sinabi niya.

Hinihingal pa akong pumasok sa maliit na kwarto. Doon nakita ko si Rome na nakaupo na, subo-subo ang kutsara sa bibig.

"Liam!" masayang bati niya sa'kin. "Ansarap nitong pinakbet, oh. Nauna na ko kumain. Gutom na gutom na ko, eh. Saka itong parang basang sisig."

"Dinengdeng ang tawag diyaan," singit sa kaniya ng may isang malamyos na boses. Sa harap ni Rome ay nakaupo ang isang babaeng may maikling buhok. Plain na brown ang suot niyang bistida. May nunal siya sa noo, may kaputian, at nananatili ang kagandahan kahit sa edad niya ngayon. "Liam, anak," tawag niya sa aking tila tumutunaw ngayon sa puso ko.

Hindi ko alam kung ano'ng ire-react. Kinakabahan ako kaya napatigil lang ako sa bungad ng pinto.

"Halika, ipakilala mo sa akin itong kaibigan mo." Walang pinagbago ang boses niya, ang boses niyang humehele sa akin noong bata pa ako at hirap makatulog, tinig na ngayo'y tila musika sa aking tainga.

"M-ma? Mama?" pautal-utal kong tawag sa kaniya.

Malawak ang ngiti niya at lumabas ang mapuputi niyang ngipin. Napangiti rin ako. Tila ba naglaho ang mga sakit na nararamdaman ko nang makita siya.

Napalunok akong muli ng laway bago lumapit sa kanila.

Sinubukan niyang hawakan ang nakabalot na tela sa ulo ko. "Anong nangyari dito, anak?"

"A-ayos lang po ito, Ma."

"Grabe, Liam," tawag ni Rome. "Hindi mo naman sinabing ang ganda-ganda ng nanay ko. Artistahin. Kamukha mo pa," pabiro niyang nagpatawa kay Mama.

Parang ayoko munang magsalita. Gusto ko lang siyang marinig na tumatawa.

"Ma, ikaw ba talaga iyan?"

"Oo, Liam. Okay lang ako dito. Malungkot pero kinakaya naman sa araw-araw. Hindi ko akalaing bibisita ka."

"Patay na si Ninong." Hindi ko alam kung bakit bigla naman akong napadiresto ng sabi. Naalala ko si Ysa. Sana nakikita niya ngayon kung gaano katiwasay ang awra ni Mama.

Napatigil si Rome sa pagkain at lumunok na lamang ng tubig habang nag-uusap kami ni Mama.

"Ramdam ko nga,” sabi ni Mama. May bahid ng lungkot ang kaniyang mukha. "Mukhang napalaki ka naman niya nang ayos."

"Opo. Naging mabuting magulang po si Ninong."

Napapikit si Mama. Hindi ko sinasadya. "Naku, ang ibig ko pong sabhin, pangalawang magulang."

"Okay lang, anak. Naiintindihan ko. Totoo namang hindi ko nagampanan ang tungkulin ko sa iyo. Lalo na't hndi naging madali sa akin ang mga nangyayari pero walang hihigit sa lumbay na naramdaman mo siguro habang ikaw ay lumalaki."

"Okay lang ako, Ma. Masaya naman kami ni Ninong at Lobo sa Pasig. Wala na din nga lang ngayon ang aso namin pero may mga bago naman akong kaibigan." Itinuro ko si Rome.

"Grabe ka naman sa akin. Alam ko namang mahal mo aso mo pero 'wag mo naman i-compare."

Napatawa muli si Mama. "Hindi ako makapaniwalang malaki ka na, anak. Namana mo ang tangkad mo sa iyong ama. Alam mo ba, Rome, na nahirapan pa akong ipangaak itong si Liam noon. Ilang buwan pa lang ay alam na niyang bumigkas ng Mama at Tata."

"Ma, naman," sabi ko na parang nahihiya sa ikinukwento niya kay Rome.

"Wow, maaga po pala siyang natutong magsalita. Kaso, antahimik po niya sa klase namin. Iisang school nga po pala ang pinapasukan namin. Palagi nga po siyang nahuhuli ng teacher na natutulog."

"Rome!" subok kong saway pero pinagtawanan lang nila ako. Alam niyang naiilang ako kapag ako ang pinaguusapan kaya iniba na ni Rome ang paksa.

"Ang sarap po ng luto niyo, Tita."

"Buti naman at nagustuhan mo. Hindi ba't isa ka ring babaylan?"

"Hala, paano niyo po nalaman?'

"Isa akong baglan, tawag ng tulad natin dito sa Ilocos."

"Hindi ko alam yun, ah," nasabi ko na lang.

"Wala rin kasing gustong magbigay alam no'n, Liam. Hindi ko man ginusto na mapalayo ka sa akin pero wala ako sa tamang kondisyon noon. Ako ang tagapamagitan sa angkan natin pero hindi ko makontrol nang maayos ang ibinigay sa akin ni Apo. Kaya dinala ako sa lugar na 'to. Ang alam ng karamihan lalo na ng mga kamag-anak nating wala pang malay sa kababalaghan ay may sakit na ako sa pag-iisip. Pero kahit pa ganoon, hindi pa rin dapat na bumaba ang turing natin sa mga taong may pinagdadaanang emosyonal at sikolohikal tulad ng ilang matatandang nakasama ko rito."

Ganoon pala ang nangyari kay Mama. Pinilit lang nila na ilayo kami sa isa't isa at ang masakit ay mga sarili pa naming kamag-anak.

"Gayon pa man, kahit pa hindi ko na nagagamit ang kapangyarihan ko dito sa lugar na 'to ay patuloy pa rin ang pagganap ko sa tungkulin sa akin ng mga anito."

"Ano pong ibig sabihin niyo?" tanong ni Rome habang pinupunasan ang madungis na bibig.

"Dati sa angkan namin, ako ang tinatawag nila sa tuwing may lumilisan na ka-angkan namin. Bilang baglan, layunin natin na ipaabot sa mga anito ang dalangin ng mga kamag-anak ng namatay upang ito'y magkaroon ng maayos na paglalakbay papunta sa kabilang ibayo."

Naalala ko ang katataoan at ang higante nilang bangkang panghimpapawid. Maraming seremonya pa pala ang pinagdadaanan bago mailibing ang bangkay ng mga yumao.

"Hindi madali sa mga naririto sa pasilidad ang tanggapin na iniwan na sila ng nga mahal nila sa buhay kaya ako na pinakabata dito ang kumakausap sa kanila paminsan-minsan, pinapaalala na kahit papaano'y naging masagana ang buhay nila nang sa gayon mas madali nilang matanggap ang hinaharap. Alam naman nating lahat na doon pa rin ang punta natin, sa kabilang ibayo. Hindi nga lang lahat ng tao'y pare-pareho ng pagtanggap dito. Wala silang kamag-anak na magbibigay-alay sa mga anito  upang mas mapadali ang kanilang paglalakbay. At iyon na ang naging tungkulin ko dito araw-araw."

"That's . . . that's a selfless duty, Madam," tanging naging komento ni Rome. Kita ko ang paghanga niya sa reaksyon niya. "I hope I can do my duties as good as yours."

"'Wag ka lang matakot na ipakita ang totoong ikaw. Maging mabuti at masaya para sa kapwa mo." Nagngitian sila. "Oo nga pala, ito ang aking gabay, si Alutiit," tinuro niya ang isang maliit na butiking kulay berde na tahimik na nakadapo pala sa kaniyang braso.

"Inay ko po," gulat ni Rome. "Kanina pa ba siya diyaan?"

"Nakakatuwa talaga itong kaibigan mo, Liam. Oo. Pero di ko na siya nakakausap. Isa na lamang siyang normal na butiki sa ngayon dahil nga sa lugar na ito."

"Hindi ba 'yan nangangagat?"

"Hindi. Sa totoo niyan, lolo pa ito ni Liam."

"Ano po?" gulat kong tanong.

"Kalolololohan mo ang anitong sumapi sa butiking ito noon. Tinutulungan pa rin tayo ng mga ninuno natin kahit papa'no."

"Wow, kaya pala sabi nila, huwag daw naming gambalain yung itim na paruparo, lola daw namin 'yon sabi ng mga kamag-anak ko dati," kuwento ni Rome.

"Parang ganoon na nga." Inilapag na muna niya ang butiki sa tabi na nagsimulang maghanap ng makakaing insekto sa paligid.

"Na-miss ko tuloy si Bul-ul. Baka siya na ang gabay na para sa akin."

"Ah, Ma," singit ko. Gustuhin ko mang makipagkuwentuhan pero may hinahabol kaming oras.

"Sige, anak. Sabihin mo na ang pakay niyo?"

"Ma, ang pumatay kay Ninong ay isang higante, si Sumarang. Ilang beses namin siyang nakalaban pero sa ngayon ay natalo siya ng gaway ni Rome pero pakay nila ang mga agimat ni Lam-ang. Gusto nilang gamitin ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay. Ang sabi sa amin ni Tandang Felicia, ah isang kokok sa Klab, isa pang sangkap ang habol nila, ang gintong tapis."

"Kung ganoon, muli silang nagbalik."

"Sino pong sila?"

Nag-isip nang malalim si Mama bago sumagot. "Anak, may napapanaginipan ka bang babae?"

"Ah, sino po doon? Iba-iba po ang nakikita ko sa panaginip."

"Hindi puwedeng basta na lamang nabuhay si Sumarang. Ilang milenya na siyang natutulog. May kasama siya, may tumutulong sa kaniyang maghiganti, si Sarindang."

Sarindang? Narinig ko na ang ngalan na yon. Tama, siya ang babaeng kausap ni Lam-ang sa panaginip ko.

"We've heard of her pero sino ba talaga siya?" tanong ni Rome.

Napakunot ng noo si Mama, nagseryoso ang mukha niya. "Ayon sa alamat, sa tunay na kasaysayang mga kalahi lang din namin ang nakakaalam, siya ang unang mangingibig ng bayaning si Lam-ang. Isa siyang aribai, kamag-anak ng mga diwatng bantay ng kalikasan. Isa sa abilidad niya ang makita ang hinaharap bilang pangitain. Pero iba ang pinili ng bayani na pakasalan. Simula noon, ginamit na ni Sarindang ang kapangyarihan niya upang maghiganti sa lahat ng mga kalalakihang nagpadala sa tukso at makasariling intensyon, lalo na ng mga nagmula sa lahi ni Lam-ang. Sa pagkakatanda ko ay natalo na siya noon ng mga Maharlika gamit rin ang kapangyarihan ng aso at tandang, ikinulong sa isang itim na kawayan pero nagagawa pa rin niyang magpakita sa panaginip. Ginamit niya ang kapangyarihan nang dilim upang doon isagawa ang kaniyang layunin. Siya ang unang batibat, sa kaniya nagmula ang mga maligno ng mga bangungot. Sila ang nagbibigay ng masasamang panaginip at pangitain hanggang sa mawalan na lamang ng hininga ang kanilang mga biktima."

Pareho kaming nanginig ni Rome sa takot dahil sa kuwento ni Mama.

Naalala ko ang huli kong bangungot. Kung ganoon ay nasaksihan ko pala sa aking pagtulog ang huling ala-ala ni Sarindang bago siya naging batibat, ang dahilan ng kaniyang paghihiganti noong siya'y pagtaksilan ni Lam-ang.

"N-nakita ko na siya," sabi ko kahit hindi ako sigurado. "Ang batibat, s-sa huli kong panaginip, nagpakita siya."

"Hindi mo nakukwento kanina," sabi ni Rome.

"Wala nang oras eh. Nung magising ako, akala ko napansin niyo nang gising ako pero hindi ko maigalaw ang buo kong katawan. May malaking babaeng nakadagan sa ibabaw ko. Sabi niya, muli na siyang magigising. Pinakilala niya ang sarili na pinagmulan ng mga batibat."

"Gosh, Liam. Baka nga si Sarindang 'yon. Hindi kaya siya ang source ng nightmares mo? Kaya palagi ka na lang binabangungot?"

"Hindi si Sumarang o ang berkakan ang matinding kalaban ni Lam-ang kung hindi ang babaeng umibig sa kaniya at kaniyang pinagtaksilan. Si Sarindang na nagbagong-anyo bilang bangungot na siya rin niyang kinatatakutan dati pero ngayo'y nagagamit niya sa muling paghihiganti. Patawarin mo ko, anak." Mangiyak-ngiyak na si Mama. "Kung alam ko lang, pinilit ko nang umalis dito sa lugar na 'to para puntahan ka. H-hindi ko akalaing sa sarili ko pang anak siya muling nagpapakita. Kumikilos na naman siya para muling mabuhay. Malamang ay inaalam niya sa iyo ang lokasyon ng tapis katulad ng nangyari sa ninuno nating sina Dayang Kandarapa, pamangkin ni Lakandula, at ang dayong mangingibig nitong si Juan de Salcedo."

Parang may naalala si Rome. "'Di ba siya 'yung Kastila na nakarating dito sa Ilocos noon at nagmina ng ginto?"

"Ganoon na nga. Alam ni Dayang ang kinaroroonan ng tapis at ginamit ni Sarindang ang pagtataksil ni Juan noon kay Dayang. Nagsimula itong magpakita muli sa mga panaginip pero nakayanan ng ninuno namin na panatilihing lihim ang lokasyon na kailangan ko nang sabihin sa inyo."

Napahawak ako sa aking katawan. Hindi kaya'y ginagamit lang ako ni Sarindang para makakuha ng impormasyon? "P-pero Ma—"

"Wala ang presensiya niya ngayon dito, anak, dahil sa likhang harang ng lugar na ito kaya hindi niya maririnig ang sasabihin ko," sabi niyang parang alam na ang nasa sa isip ko. "Totoo ang balitang ang gintong tapis ay nasa lugar kung saan ipinanganak at inilibing si Ines, sa Kalanutian na ngayo'y Marnay sa Sinait ang tawag. May burol doon na ngalan ay Bantay Dayawan, sa kuwebang dating balay ng ninuno nating si Aran. Naging tahanan na lamang iyon ng mga ahas at paniki. Ang mga sumubok na hanapin doon ang gintong tapis ay umuwing bigo dahil tanging mga nagmamay-ari lamang ng agimat ang makahanap ng tamang lagusan. Ang hindi nila alam, isang hibla na lamang ang natitira sa inabel, nakapaikot sa kadete, sa gintong habihan ni Ines. Iyon ang puntirya nila. Nasa sa iyo ba ang agimat?"

"O-opo, Ma. Binigay sa akin ni Ninong ang agimat ng abuhing aso bago siya  . . . bago siya paslangin ni Sumarang."

"Ingatan mo, anak. Baka iyan ng sunod niyang kuhanin. Malakas ang kapangyarihan niyan lalo na kapag nagkita sila ng agimat ng Tandang. Ang aso ang may tadhana sa paglikha."

"Totoo po, Tita," singit ni Rome. "Nakakalikha na po si Liam ng sandata na sa usok."

"Huwag mo lamang abusuhin, anak. Ang aso ay nagmula rin sa mga alaga ng anito ng kadiliman na si Sipnget. Orihinal silang gawa sa anino at ang isa ay ipinamana niya kay Angalo, ang asong ngayo'y pinagmulan ng alaga ni Lam-ang at ngayo'y napaamo mo. Ang tandang? Nahanap niyo ba ang kasalukuyang nagmamay-ari?"

"Opo Ma," sabik kong sagot. "Iniingatan po ni Ysa ngayon. Pasensiya na rin po kasi hindi siya nakapasok ngayon dahil siya ang bantay muna nang mga agimat namin. Pero nasa labas lang siya, puwede natin siyang puntahan kahit hanggang sa bakuran lang," yaya ko. Nakangiti pa nga ako nang ibalita sa kaniya. "Ma, lumaki naman po nang maayos si Ysa sa samahan pero ngayon ay pinaghahanap na siya kaya kakailanganin na namin ng tulong mo para matalo ang kalaban."

Akala ko pa ay sasamahan niya akong matuwa sa balita na buhay at maayos ang isa pa niyang anak pero kapwa kami ni Rome na nagtataka na nakatulala lang siya sa akin.

"Anak . . ." tawag ni Mama. "Sino si Ysa?"

Tama ba ang narinig ko? Teka, baka iba ang pangalan niya noong bata kami kaya baka hindi siya nakikilala ni Mama.

"Si Ysa, Ma. Kapatid kong babae. Bunsong anak niyo po? Nandito rin siya. Miss na niya kayo. Magkikita-kita na ulit tayo, Ma."

"Liam, ikaw lang ang anak ko. Isa lang ang naging anak ko. Wala nang iba pa."

Parang umurong saglit ang hininga ko  Nagmanhid ang katawan ko sa sinabi ni Mama. Hindi ko alam ang sunod na sasabihin. Biglang gumulo ang isip ko, puno ng tanong at pagtataka. Hindi kaya totoo ang sabi nilang dementia ni Mama? Kaya hindi niya maalala si Ysa? Pero hinde, kilalang-kilala pa rin niya ako. Sabi nga niya, kuwento-kuwento lang na may sakit siya sa pag-iisip. Hindi iyon totoo. Pero ano yung sinasabi niya? Naalala ko, may batang babae akong kapatid. Malaki na siya ngayon, si Ysa.

"Ma, hindi mo ba natatandaan si Ysa? Noong nasa ilog tayo, kamatayan ni Tatay. Inampon ako ni Ninong pero siya ay dinala ng ibang kamag-anak natin."

Pumatak ang isang luha ni Mama sa gilid ng kaniyang kaliwang mata.
"Anak, mukhang mamanipula na ni Sarindang ang mga panaginip mo. Naapektuhan ang alaala mo."

"Hindi, Ma. Tandang-tanda ko, si Ysa. Kapatid ko!" mataas na ang tono ko.
"Anak, maniwala ka sa akin. Wala kang kapatid. Alam ko dahil ako ang nagluwal sa iyo. Kung sinuman ang nasa labas ng lugar na to na may hawak ng agimat, hindi mo siya kapatid."

At iyon na ang mga salitang tila pumukaw sa akin sa matagal na pagkakatulog.

"Imposible 'yon, Ma. Nagpakita pa sa akin si Tatay. Siya po ang nagsabi sa akin na hanapin si Ysa at ang tapis. Magkakasama-sama pa po tayo." Nanginginig ang boses ko. Hindi ko na rin alam kung may katotohanan ba ang mga sinasabi ko.

"Huminahon ka, anak. Musmos ka pa lamang noon kaya naiintindihan ko kung hindi mo pa madaling matanggap."

"Hindi. Hindi niyo po ako naiintindihan, Ma. Matagal ko na pong alam na bangungot ang ikinamatay ni Tatay. Malamang ay pakana rin ni Sarindang. Nakakulong lang ang kaluluwa niya sa kung saan."

"At sino ang nagsabi sa iyo niyan, anak?" Napatahimik ako nang tila may galit na sa tono ni Mama.

"S-si Ninong po."

"Kasinungalingan. Anak, makinig ka sa akin nang maigi. Hindi mo tatay ang nagpapakita sa iyo. Matagal na siyang pumanaw. Ang kaluluwa niya siguro ay malaya nang naglalakbay sa kabilang ibayo. Alam ko dahil isa akong baglan. Iniligtas ka niya mula sa pagkalunod sa Ilog. Bata ka pa noon, hindi mo pa kayang lumangoy sa malalim. Hindi mo ba maalala?"

Para akong binunggo ng rumaragasang alon. Rumehistro sa isip ko ang eksena bago kami nagkakawalay ni Mama. Ang mga taong naka-itim sa tabi ng ilog noon. Namanipula na rin ba ng kalaban maging ang mga ala-ala ko? Kaya ba siya ang nag-utos sa akin na hanapin ang tandang at ang alamin ang lokasyon ng tapis? Hindi si tatay ang gustong bumalik sa reyalidad.

"Sa ilog siya namatay, Liam. Nalunod. Hindi sa bangungot."

*****
END OF SECOND ACT

Yehey! Last 3 chapters na lang. The next part was the longest chapter I have written so far. Excited na 'ko sa climax. Hehehe. (ノ ̄皿 ̄)ノ ⌒== ┫

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top