12 Ang Sugo ng mga Panaginip

IKALABINDALAWANG HARAYA
ᜁᜃᜎᜊᜒᜈ᜔ᜇᜎᜏᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Ang Sugo ng mga Panaginip


MARAMI na akong nabalitaan tungkol sa kaniya. Simula nang malaman kong namatay ang tatay ko sa bangungot, hindi na maalis sa isip ko ang salitang iyon. Naghanap pa ako ng lohikal na eksplanasyon pero hindi ko rin naman maintindihan nang maayos.

Nakita ko na ang imahe niya, ilang beses na, sa mga kuwentong panakot sa mga bata para makatulog nang maaga. Totoo siya. Totoo ang lahat ng kahindik-hindik na istorya tungkol sa kaniya.

Ako na ba ang susunod niyang biktima? Nangalos ang buo kong katawan kahit wala akong maikilos. Parang nakulong ang kaluluwa ko sa metal na kabaong. Kaya pala hirap na hirap akong makahinga at hindi ko maigalaw ang mga braso't binti ko ay dahil nakapatong sa akin ang dambuhalang babae! Mas lalong sumisikip ang dibdib ko kapag nagpa-panic.

Naghahagilap ang bibig ko nang maihihinga. Gusto ko mang sumigaw para tawagin sina Rome pero hindi ko magawa. Hindi sila nakatingin sa akin.

"Hindi pa nila ako nakikita, batang bayani," paliwanag ng nilalang. "Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na huwag kang palilinlang? Sino ba ako upang pigilan ang mga tulad mo sa inyong kapalaran? Katulad ng iyong ninunong si Lam-ang, sanay na kayo sa kalakaran ng kasinungalingan. Iyan rin ang siyang magiging kapahamakan mo sa hinaharap, bata. Hindi ka magiging maingat sa pagtitiwala."

Gusto kong bigkasin ang mga katagang "Sino ka" at "Umalis ka sa ibabaw ko!" ngunit tumawa lamang ang dambuhala.

"Nakakakaawa naman ang lagay mo ngayon. Nasa pagitan ka ng pagkapukaw at pagkahimbing. Alam mo bang marami ang hindi na tuluyang nagigising sa kanilang pagtulog? Buti na lamang ay halina ko ang iyong huling nasaksihan." Tumawa muli siya nang malakas na himalang ako lamang ang nakaririnig.
Tinignan ko na lamang muli ang puwesto nina Ysa. Pinipilit kong igalaw ang mga daliri ko sa paa.

"Blblll," rinig kong sabi ng estatwa sa balikat ni Rome. Salamat. Narinig niya ang ungol ko. Nakaturo ang maliit niyang kamay sa akin at ang isa naman ay ikinukulbit sa pisngi ni Rome na abala sa pakikipag-usap.

"Ano 'yon, Bul-ul?" Sa wakas, lumingon din sila. "Liam! Nanginginig ka!"

Gising ako, Rome. Gusto kong sabihin sa kaniya. Hindi lang ako makakilos dahil sa nilalang na nakadagan sa akin ngayon.

"Wala na akong tawas, teka," kinuha niya ang kamay ko't handa nang kagatin ang aking hinlalaki.

Tumawa lang muli ang nilalang. "Sino ba ang nakaisip na iyan ang paraan upang magising sa bangungot? Hindi lamang ako karaniwang batibat. Ako ang kanilang pinuno, ang pinakauna sa kanila. At ngayon, nalalapit na ang aking muling pagbabalik! Hindi na ako makapaghintay pa na muling magising."

Wala akong naiintindihan sa sinasabi niya. Kaya't nag-ipon na lang ako nang laway at ubod lakas na idinura iyon sa nanlilimahid niyang mukha. Bibig ko na lang siguro ang tanging parte ng katawan ko na kaya kong igalaw.

"Bastos kang bata ka!" Himalang naiangat pa n'ya ang mabibigat niyang brasong puno ng lumalawlaw na taba at itinakip iyon sa bibig at ilong ko. "Magkikita rin naman tayo sa kabilang ibayo."

Gustong maghurumintado ng buo kong kalamnan, parehong nagwawala na paralisado. Kaunti na lamang ay mawawalan na ako ng hininga.
Kumilos ang nag-aalalalang si Ysa. Naglabas siyang muli ng hibla ng liwanag na naging mahabang sibat at siyang ipnantarak niya sa katawan ng nilalang.

"Ahhhhh!" Mabilis na naglaho ang babae. Muling bumalik sa dati ang mga aninong bumuo rito kanina. Mas nakahinga ako nang maayos at naglinaw ang paningin.

"Gising ka na!" sige ni Rome. Hindi na niya ako hinintay na makabangon. Tumalon siya't niyakap ako nang mahigpit. Mangiyak-ngiyak siya't nagpahid pa ng tumutulong. "A-akala ko . . . iiwan mo na kami, eh." Inalo lang siya ng bul-ul sa balikat niya. "Okay ka na ba? Wala bang masakit sa 'yo?"

Marami. Para akong inilibing ng buhay kanina, buhat-buhat ang isang toneladang bakal. "Okay lang ako." 'Yun na lang ang nasabi ko kay Rome para hindi na mag-aalala. Napasapo ako sa ulo at nakapa ang piraso ng telang nakapaikot doon. Saka ko napansing punit na pala ang kaliwang manggas ng suot kong gray na jacket.

"'Wag ka na munang bumangon. Naghihilom pa ang sugat mo sa sintido. Lunukin mo itong butil para makatulong sa paggaling mo." Kinalikot niya ang sumpit sa kaniyang kwintas. "Buti na lang at nakayanan mong magising nang mag-isa sa bangungot. Ubos na ang tawas ko. Ni hindi ko pa nga nakakagat yung daliri mo sa paa, eh."

Nginitian ko lang siya. Kung ganoon, hindi niya nakita. Hindi niya alam na kaya hindi ako makabangon ay dahil sa nilalang kanina. Tinawag niya ang sariling puno ng mga batibat. Naikuwento na sa akin iyon ni Ninong isang beses. Bangungot sa Tagalog, batibat sa Ilocano. Elemento sila ng kakahuyan na naghihiganti laban sa mga nakasaring sa kanila sa pamamagitan ng pagdagan sa mga biktima habang natutulog. At ang biktima ay hindi na muling nagigising. Iyon ang alamat ng bangungot. Naalala ko si Tatay. Hindi kaya ang nilalang na iyon ang dahilan kung bakit siya namatay? Anong gusto niya sa angkan namin?

Ngunit ang isa pa sa ipinagtataka ko ay si Ysa. Ang sabi ni Ninong, walang ibang puwedeng makakita sa batibat kung hindi ang biktima nito. Kaya't ang mga nakakapagkuwento ng sagupa nila ay iilan lamang, iyong mga nakakaligtas sa bangungot. Sigurado ako, si Ysa ang dahilan kung bakit naglaho ang nilalang, kung bakit tuluyan akong nagising. Nakita niya, nakita niya ang batibat.

"Namumutla ka, Liam," pag-aalala ni Rome. "Binangungot ka na naman ba?"

Tumango lang ako bilang tugon. Sa totoo'y parang hindi nga iyon panaginip, parang nandoon ako mismo sa pangyayari, piping saksi sa mga nagaganap. Napalunok ako ng laway.

"Hindi na nakakatulong sa 'yo ang palagian mong bangungot, Liam. It's draining your energy. Sa tingin ko, mas malalim pa ang narating mo sa iyong panaginip."

"A-anong ibig mong sabihin?"

Si Ysa ang sumagot. Naupo siya sa gilid ng kuwebang kinaroroonan namin, nakatakip sa mukha ang salakot na halatang ginawa niya para hindi ko siya makita. Ngayon ko lang napansin ang benda sa kaniyang kaliwang braso na gawa sa sinag na inilalabas ng kaniyang agimat. "According to our beliefs, may tatlong espiritu ang tao. Una ay ang kakarma, ang diwa ng taong buhay. Pangalawa ay ang alialia, ang kaluluwang humihiwalay kapag namamatay ang isang tao."

"Tama!", singit ni Rome. "'Yun ang naalala ko at nasabi ko sa 'yo, Liam." Naalala ko ang puting liwanag na lumabas sa katawan ni Ninong noong namatay siya. Ito na rin siguro ang kaluluwang nagpakita sa akin sa kakahuyan at baka ngayo'y kasama na sa labing inihahatid ng mga katataoan sa kanilang paragos.

"At ang ikatlo," pagpapatuloy ni Ysa, "ang aniwaas. Ang kaluluwang naglalakbay sa mundo ng mga panaginip."

"So, it's true then?" tanong ni Rome. "Na may bukod na dimension tayong napupuntahan whenever we sleeps?"

"Thats the myth," sagot ni Ysa. "That place is so powerful it contains all living person's memories, desires, . . . and fears." Nahalata ko ang panginginig niya sa pagsasalaysay nito, na para bang binabagabag din siya ng mga karanasan ko. Hindi nga kaya niya nakita ang batibat ay dahil parehas kami ng napapanaginipan?

Gusto ko sanang itanong sa kaniya iyon ngunit masyado nang personal ang alaala ni Tatay para sa amin. Malalim ang paghinga niya. Matindi rin ang tinamo niya sa laban namin kay Sumarang kaya't hindi ko na muna siya aabalahin. Kailangan niya rin ng pahinga.

Sumuway na ako sa suhestiyon ni Rome. Pinilit kong maupo, isinandal ang likod kong puro pasa sa matigas na pader ng kuweba.

"Kaunting oras pa ang kailangan mo para kahit papa'no, gumaling 'yang mga sugat mo," sabi ni Rome. "Pero ang galing mo kanina, ha. Biruin mo, nabuhat mo 'yung mabigat na sibat na 'yon. Tapos, 'di ko rin agad na-gets 'yung trick mo kaya tuluyang nahulog si Sumarang sa portal. Amazing! Next time, sabihan mo lang ako agad ng plano mo, ha? Nabigla naman ako sa'yo eh."

"Ang galing mo rin kanina Rome. Paano mo nagawa yung spell?"

"Hindi ko rin alam. Isa 'yan sa pinag-aaralan ko sa Klab pero si Tandang Felicia talaga ang nagturo sa akin ng ibang malalakas na spell na hindi pa puwedeng gamitin sa samahan."

"At?" paghihintay ko sa kasunod niyang eksplanasyon. "Saan napunta si Sumarang?"

"I honestly don't know. Keme ko lang 'yung babalik natin siya sa tunay niyang pinanggalingan," pagtatapat niya na may kabadong ngiti. "That was the first time I used that spell successfully . . . well, not that successful. Kaya siguro tayo nawalan nang malay dahil sa force na inilalabas niya kapag nagamit ang portal. Unstable ang energy. Kung hindi lang din sa tulong ng bayani natin ngayong araw—si bul-ul!"

"Blbl?" Napaturo pa ang estatwa sa sarili, hindi sigurado na siya ang tinutukoy namin. "Blblnlll!" sabi niya na yehey siguro ang ibig sabihin.

"Magiging successful lang ang spell kung maayos ang pagkakatawag sa kapangyarihan ng anitong aming gagamitin bilang babaylan. At gabay ang tumutulong sa amin sa summoning. Kumbaga sa call, hindi wrong number ang matawag namin at sure na may load at signal para hindi mawala ang koneksyon."

"Salamat sa iyo. Kung hindi baka tuluyan na tayong natalo ni Sumarang," sabi ko habang binubukas-sara ang mga kamay.

Napansin siguro ni Rome ang pag-iisip ko. "Okay lang 'yon. First time mo pa namang gamitin ang powers mo kaya hindi ganoon ka-solid ang nabuo mong kampilan."
Akala ko talaga'y katapusan ko na noong lumagpas lamang ang sandata kong gawa sa usok ng aking agimat.

"Ang isa sa natutunan ko kay Gwen ay maniwala sa sarili. Magtiwala ka lang, mapa-practice mo pa 'yan. At least nagamit mo 'yung mga parang sinulid na nagagawa rin ng kapatido mo. One step at a time."

"Pinapalakas mo lang ang loob ko, eh." Napabaling ang atensyon ko sa loob ng kuweba. "P-pero nasaan na ba tayo?" Inikot ko ang paningin sa paligid.

"Nasa loob na tayo ng balete, sa Nettwork. Naghanap lang muna kami ng masisilungan at mapagpapahingahan. Alam na ni Ysa ang papunta sa facility ng nanay niyo."

Tila lumundag ang puso ko pagkabanggit niya kay Mama. Naaalala ko na naman si Tatay at ang mahiwagang babeng kausap niya noong gabing iyon?

Handa na sana akong ikuwento ang panaginip ko sa kanila pero napigilan ako ng biglaang pagyanig ng lupa.
Nagising si Ysa at napatayo nang biglaan.

Inalalayan ako ni Rome para makatayo rin.

"We have to go," sabi ni Ysa. "Nagbabago na ang direksyon ng lagusan. Sundan niyo lang ako."

Paika-ika akong sumunod ng pagtakbo sa dalawa papunta sa kadiliman. Kung magkakaroon man ng isang sagupaan laban sa mga kalaban, hindi ko na alam kung kakayanin pa naming manalo o makatakas man lang.

Hirap na sa pag-akay sa akin si Rome. Malabo na't wala na siyang suot na salamin sa mata kaya't ako naman ang nakaabang sa tuwing may bagay na titilapid sa amin.

Ngayon ko lang nalakaran nang maigi ang lagusan sa pagitan ng mga puno ng balete na tinatawag nilang Network. Nung unang beses na punta ko dito, kadiliman lang ang nakita ko. Ngayon, ang pader at kisame ay kusang nagbabago ng anyong kada limang minuto naming lakad-takbo. Nagiging gawa ito sa bato, sa lupa, sa semento, sa bakal, o kahoy. Iba't iba rin ang nga ingay na aming naririnig. May tunog ng ibon at insekto, sasakyan at tren, ingay ng mga tao sa pamilihan, at kahit pa iyak ng mga sanggol o kaya'y dasal ng mga nananalangin. Baka mabaliw ako kung mag-isa akong maglalakbay rito.

Paminsan-minsan ding may lumilitaw na mga hayop at nilalang na mukhang hayop pero mga maligno pala, sabi ni Rome.

Minabuti ko nang ikuwento sa kanila ang mga napanaginipan ko habang kami'y patuloy na sumusulong papunta sa pinakamalapit na puno ng balete sa facility na kinaroroonan ni Mama.

"So, you basically time travel?" usisa ni Rome noong naikuwento ko na ang tungkol kina Lam-ang at Sarindang.

"Parang ganoon na nga. Pero mga sinaunang memorya na lamang sila. Hindi pa rin ako makapaniwala na may iba pang inibig ang bayani bukod kay Ines."

"Me too. Shocks, hindi rin pala sila perpekto 'no?"

"That's how they manipulated history," singit ni Ysa. Kanina pa siya nangunguna sa lakad namin, tahimik lang na nakamasid sa paligid. Kita ko lamang ang bubong ng suot niyang salakot at ang kapang pawid na mistulang mga pakpak na lumilipad habang tumatakbo siya. "Hindi alam ng mga timawa, ng mga normal na tao, ang kabuuan ng kasaysayan. They have to do that to paint a heroic image because once it was tarnished, no one will believe them anymore."

"Pero hindi naman niyon mabubura ang mga kabayanihang nagawa niya, hindi ba?" tanong ko kahit namamalat na ang boses.

"And that's how they trick gullible persons like you."

Aray. Ang sakit naman marinig no'n, lalo na sa kapatid ko pa. Buong buhay ko, lumaki ako sa imahe ni Lam-ang na matapang at walang dungis na bayani. Bukambibig siya ni Ninong, na tularan ko raw upang maging mas matagumpay sa hinaharap. Ngunit kasalanan ba kung namuhay ka sa kasinungalingang pilit na isinusubo ng mga taong mahalaga sa iyo? Mas naintindihan ko na si Ysa noong sinabi niyang hindi niya ipinagmamalaki maging kamag-anak si Ninong.

"He's still a hero for the majority but we must not deny the mistakes he had done in the past. Someone was hurt because of his cheating. That aribai that you are telling, Sarindang? Hanggang ngayon kilala siya na mangkukulam. Sa nakasulat na epiko, isa lamang siya sa humadlang sa bayani at ang sabi'y siya ang nang-akit ngunit sadiyang matibay ang pagmamahal ni Lam-ang kay Ines. Lies! Just imagine the pain she had suffered knowing that he chose someone for wealth."

Umangal ako. "Parang hindi lang naman iyon dahil sa salapi. May malubhang sakit ang ina niya kaya niya siguro nagawa iyon." Nang masabi ko na, hindi na ako sigurado kung tama  pa rin ba ang katwiran ko.

"End doesn't justify the means," diin ni Ysa. "Hindi porke't hindi mo naranasan ay hindi na nangyari. You have to acknowledge that some people were hurt. It's not just Sarindang. We may not know but Ines might not had the best marriage life. And the fact that it was the prominent story, his heroic deed, perpetuates the lost image of that aribai, of the girls and women who were cheated on but never had the chance to explain their side. Imagine that!" Ramdam na ramdam ko ang poot ni Ysa sa mga salita niya. Hindi ko rin siya masisisi bilang siya'y isang babae.

"I'm sorry," sambit ko. "I . . . hope your okay." Hindi ko alam kung ano ang naranasan niya nang iwan namin siya sa mga kamag-anak namin, nang siya ay magsanay sa Klab Maharlika, at ngayo'y maituturing ng tulisan pero patuloy pa rin sa plano namin. Kung sana'y kasama ko lang siya sa paglaki, baka sakaling alam ko ang mga tamang salita na makakapagpagaan sa sakit na nararamdaman niya.

"It's okay. It's not your fault," pabulong niyang sagot habang lumiliko kami sa kahabaan ng lagusan. May mga water pipes sa pader at patay-sinding mga ilaw sa kisame. Iba't ibang ibang lugar ang pinagkokonekta ng Network kaya't maging istruktura na gawa ng tao ay nakadugtong na rito. "Isang bagay na natutunan ko kasama ng mga kailianes," pagpapatuloy niya. "Magkaiba ang paniniwala sa pagtitiwala. You just don't believe anything just because it's plausible. Sometimes, too much belief hides the flaws. You choose to trust someone even though he commits mistakes because you believe that he will do the right thing in the end."

Saan niya kaya nalaman ang mga ganoong klaseng kalalim na pilosopiya? Parang hindi na ako naniniwalang 14 years old lang siya kung mag-isip.

Napapatango na lang ang tahimik na si Rome. Pinagbibigyan siguro kami na magkapatid na mag-usap at magtalo sa nakaraang may kinalaman sa amin. 'Yun nga ba o nakikipagkuwentuhan kang siya sa bul-ul na nasa balikat niya. Maalin man, nagpatuloy lang kami sa paglalakad.

"May isa pa akong napanaginipan pagkatapos no'n. Si Tatay." Narining ko pa ang buntong-hininga ni Ysa bago ako nagpatuloy. "Sa parehong bahay at lugar, nakita ko si Tatay, may kausap na babae."

"Mother mo?" tanong ni Rome.

"Hindi. Hindi ko siya kilala pero tila malalim ang pagkakakilanlan nila ni Tatay."

"Anong pinaguusapan nila?"

"Sa tingin ko, may babae si Tatay."

Halos mabungo kami sa malapad na kapa ni Ysa nang bigla siyang huminto.

Bigla akong kinabahan. May alam ba si Ysa na hindi ko alam?

Napasinghap na lang si Rome. "Family drama is real."

"Ysa," tawag ko sa kaniya ngunit hindi siya lumilingon. Anong nararamdaman niya ngayon? Gusto kong malaman.

Hoink. Hoink. Hoink. Naagaw ang atensyon naming lahat nang may humarang na hayop sa daraanan namin, isang itim na baboy ramong may katamtamang laki. Nginungudngod niya ang sahig na tila naghahanap ng makakain. Hindi niya siguro kami napapansin o sanay lang siya sa presenya ng mga tao.

"Ah . . . guys, hindi ba 'yan delikado," bulong ni Rome sa amin.

"Blb?" dagdag ni Bul-ul.

"We continue. Move slowly," utos ni Yana. Napalunok ako nang laway.

Ngunit bago pa kami makahakbang ay sabay-sabay kaming nagulantang nang ang baboy-ramo kanina na abala sa paghahanap ng makakain ay siya na ngayong kinakain ng isang higanteng nilalang. Ni hindi na gawa pang umiri ng hayop nang siya'y binuhay at buong-buong isinubo ng isang maitim at malaking taong may mahahabang braso at binti. Halos umabot ang kamay niya sa kaniyang bukong-bukong. Matatalas ang kuko niya at naka-bahag lamang na sa tingin ko ay milenya nang hindi nalalabhan.

Balot ng peklat ang kawayan niyang himalang nahalata ko pa sa nanlilimahid na niyang balat, hindi lang basta peklat kung 'di mga tattoo.
At ang pinaka nakapanghihilakbot ay ang ulo niya. Mali, wala siyang ulo! Ang parte ng leeg niya ay napapalibutan ng matatalas na ngipin at mahabang dila niya ang tumulong na lulunin ang baboy-ramo.

"Ahhhhh!" malakas naming sigaw ni Rome. Nawala bigla ang mga sakit namin sa katawan dahil tumakbo na kami palayo. Bahala na si Batman.

Pero sabay pa kaming nauntog sa pader na kahoy. Natumba kami pareho sa sahig na gawa sa matatabang ugat ng puno. Nag-iba na muli ang anyo ng lagusan.

Lumingon ako sa kanan, may masikip na siwang na puwede naming pagtakasan.

"Ysa, halika na," aya ko ngunit nanatili siyang nakatayo sa harap ng nilalang, pinapanood iyon habang unti-unting nilulunok ang kinaing hayop. Tumulo pa ang malagkit na laway ng higante. Hindi siya kasing taas ni Sumarang pero sapat na ang itsura niya para kami'y magtago pabalik sa aming pinanggalingan.

"Teka," singit ni Rome. "Bakit hindi niya tayo inaatake?" Nagtaka rin ako. Kadalasan sa mga nakakatakot na maligno, puntirya ang mga tao lalo na ang mga Maginoong tulad namin.

"Hindi niya tayo nakikita," sabi ni Ysa.

"Ano?" tanong ni Rome.

"Hindi niya tayo naririnig."

"Bakit?"

"Hindi niya tayo naamoy."

"Paano nangyari 'yon?"

"Kung hindi ka titigil sa tanong mo, baka ikaw ang sunod kong ipalamon sa pugot."

Sabay kaming napalunok ni Rome sa takot.

"Pugot ang tawag diyan?" Hindi na dapat pala ako nagtanong. Malamang, dahil wala ngang ulo, bibig lang ang natira sa pang-itaas na parte ng katawan niya. "Ang ibig kong sabihin, hindi ba dapat mga espiritu ng prayle ang pugot?"

Tinaasan lang ako ng kilay ni Rome. Ewan ko ba kung sumasang-ayon siya o pinatatahimik na niya ako.

"That's the Spanish version. This one, ito ang orihinal. Maybe they can sense us somehow," sagot ni Ysa.

Nagtaasan bigla ang mga balahibo ko. "Huwag mo namang sabihin 'yan."

"I mean, they literally originated from the victims of Igorot headhunters. Just like how Lam-ang's father had died."

Inaalala ko ang epiko. Pagkapanganak ni Lam-ang ay naglakbay na siya agad pa-Norte para maghiganti sa ama niyang pinugutan ng kanilang tribo. Bakit parang lahat ng mga nakakasalubong naming nilalang ay may kinalaman sa amin?

"Okay, gets na," sinigt ni Rome ."Puwedeng umalis na tayo?"

Humakbang si Ysa.

"Teka lang. Teka lang, dahan-dahan naman."

"Liko tayo ng kaliwa, nakikita ko na ang butas palabas ng balete."

Sa wakas, matatapos rin ang paglalakbay namin sa Network.
Nauna pa rin si Yssa sa mabagal na lakad-gapang na ginawa namin para malagpasan ang pugot. Sa sandaling nasilayan na namin ang liwanag at maihinga ang sariwang hangin ng labas ay tatakbo kaming lumabas ng lagusan.

"Shems, muntikan na tayo doon," nasabi na lamang ni Rome.

Simbilis ng tambol ang tibok ng puso ko.

Lumayo kami ng mga dalawampung hakbang mula sa malaking puno ng balete bago kami huminga para habulin ang aming hininga.

"Nandito na tayo," sabi ni Ysa. Sabay-sabay naming nilingon ang isang palapag na building sa loob ng isang mataas na bakod na gawa sa makapal na alambre. Matutulis na dulo ang nakahanay sa itaas laban sa sinumang tresspasser. Kulay puti ang pintura ng buong building. Tanaw sa gilid ang malaking pangalan ng pasilidad, Sinait Homes.

Kung ganoon, nakarating kami mula Amburayan papuntang bayan ng Sinait sa Ilocos Sur ng ilang oras na paglalakbay lamang sa loob ng Network.

Lumakad kami nang kaunti upang ikutin ang bakod. Pinigilan agad kami ni Ysa na lumapit sa bandang tarangkahan. Walang bantay roon pero sarado ang mataas na gate.

"How can we get in?" tanong ni Rome. "Parang walang nagpapasok."

"Maybe no visitors are allowed today," sagot ni Ysa na palinga-linga sa loob.

"Pero sabi mo natatanaw mo si Mama dito paminsan-minsan?" tanong ko.
"Sundan niyo lang ako."

Sinunod nga namin si Ysa habang dahan-dahan kaming lumakad paikot ng building. Sa may bandang likuran, malayo sa gate ay naroon ang munting bakuran ng lugar. Nakatanim doon ang iba't- ibang klase ng halamang may malalaking dahon at bulaklak. Ang ilan naman ay mga prutas at gulay na nakasabit sa buwig. Siguro'y alaga ito ng mga matatandang nananahan sa lugar na ito.

May kung anong kinalikot si Ysa sa may kawad na bakuran, hinawi ang ilang madahong damo at napanganga kami ni Rome sa butas na kahit papaano'y magkakasiya kami kung maingat na papasok.

"P-pero bakit hindi mo tinry pumasok noon?" usisa ko.

"You'll know when you try it."

Matapang na humakbang si Rome. "My friends are in danger so kailangan na nating magmadali. Let's do this." Yumuko siya at sinubukang pumasok hanggang sa may asul na puwersang bigla na lamang nagpatalbog sa kaniya palayo. Napahiga siya mga tatlong dipa mula sa bakod. Tumama ang likod niya sa matigas na lupa.

"Rome, okay ka lang?" dali-dali kong kumusta. Pero nakabangon din naman siya agad. Nahilo lang nang kaunti.

"Blblbl!"

"Oh, no. Bul-ul!" Mabilis niyang dinakot ang estatwang mas malayo ang pinagtaksilan. Ukit lang ang mukha nito pero na-imagine kong umiiyak ito. "I'm here na." Kinandong siya ni Rome na parang batang inaaway ng kalaro. "What is that thing?"

"I told you," singit ni Ysa. "It's a magical border that they made. Walang puwedeng pumasok na may dalang kahit anong mahiwagang bagay. That's why I can't just get in. I can't leave my agimat here."

Naiintindihan ko naman ang dilemma niya pero parang may mali pa rin. Lumapit sa akin si Ysa at hinarap ako. Seryoso ang mukha, as in mas seryoso sa nakasanayan namin.

"I know she wanted to see us both. She needs us both. But for now, this is our chance to confirm the golden tapis' location. I'll stay here. Iingatan ko nang maigi ang agimat. Be quick. If we can get the fabric ahead of our enemies, we can defeat them. After that, we have all the time to meet her. This is our last chance." Mabigat ang hininga niya sa bawat pagsambit niya ng plano.

Tumingin muna ako kay Rome bago magdesisyon.

"If I were you, I'll wait for our friends first. Baka malapit na sila."

"Kukulangin na tayo sa oras. Nararamdaman mo ba?" katwiran ni Ysa.

Malamig ang simoy ng hangin. Nauulinigan ko ang mahinang ingay ng mga dakes na nagpatayo muli ng balahibo ko. Hindi ko alam kung makakarating nga agad sina Gwen pero tulad ng sinabi ni Ysa kanina, magkaiba ang paniniwala sa pagtitiwala.

Naintindihan siguro ni Rome ang katwiran ko at tumango lamang siya.
Hinubad ko ang suot na kwintas. Hinaplos muna ang pangil na pendant bago ibinigay kay Ysa. Isinuot niya ito sa kaniyang leeg. Parehas naming naramdaman ang mabilis na paglabas ng matinding enerhiyang nagmumula sa dalawang agimat nang muling magsama ang tandang at ang abuhing aso. "Makakaganti rin tayo para kay Ninong," bulong ko.

"I guess so." Hinubad rin ni Rome ang kaniyang sumpit at inilagay sa nakalahad na palad ni Ysa. "Ingatan mo 'yan, girl. Daming laman na deadly weapons and herbs n'an." Kinuha niya rin ang sandatang patpat niya sa braso at ibinigay kay Ysa. "Take care of my Orlando. That's all I have."

Tinaasan muna siya ng kilay ni Ysa bago na-realize ni Rome. "Oh." Maingat niyang kinuha ang bul-ul. "We'll meet soon. I miss you na agad."

"Bll?"

"Oo nga 'no." Hinarap kami ni Rome. "Tama si bul-ul. Paano nga?"

"Ha?"

"Ah . . . Rome, nakalimutan mo 'ata," sabi ko, "Ikaw kang nakakaintindi sa kaniya."

"Ay, sorry. Sabi niya, hindi ba daw tayo mahuhuli sa loob. Mga bata lang tayo saka andungis na ng attire natin."

"'Wag lang kayo magpakita sa mga bantay na nurse. Hindi naman kayo papansin ng mga matatandang nasa loob. Madali niyo siyang makikita."

"What a plan," sarkastikong sabi ni Rome. Iaabot sana niya si Bul-ul kay Ysa pero umiling ito at nagpababa na lamang mag-isa sa lupa.

"Halika na," aya ko at muli na kaming humarap sa butas ng bakuran. Kinabahan pa ako na baka bigla kaming tumalsik katulad ng nangyari kanina pero parang manipis na hangin lamang ang aming nilagpasan.

Nakapasok kami ng ligtas ni Rome sa bakuran.

Nilingon ko si Ysa. Tinanguan niya lang ako. May isinigaw siya pero hindi ko na siya narinig. Mukhang pati boses niya hindi na rin nakakapasok sa bakod. Nabasa ko kahit papano sa bibig niya ang salitang "sorry." Siguro ang sabi niya'y babantayan niya nang maigi ang mga agimat at humihingi na agad ng tawad kung bakit hindi siya nakasama sa ngayon. Kinawayan ko lang siya at nginitian.

Nauna nang naglakad si Rome papunta sa likuran ng building.

"See you, Mama," sambit ko at sumunod na sa kaniya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top