11 Ang Salamisim ng Ikatlong Kapanahunan

IKALABING-ISANG HARAYA
ᜑᜁᜃᜎᜅ᜔ ᜁᜐᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Ang Salamisim ng
Ikatlong Kapanahunan


NOONG unang beses naming nakaharap ang higante, akala ko'y katapusan ko na. Hindi ko alam ang gagawin. Kahit pa pilay at sakit lang ng katawan ang inabot namin ni Rome noon, may dala pa ring takot kapag naaalala ko ang nangyari.

Ngunit ngayon na kasama na namin ang kapatid ko, parang nadagdagan ako ng lakas, ng tapang na kaharapin siyang muli kahit pa wala naman kaming naging paghahanda sa muling pagkikita namin ni Sumarang.

"Nakakatuwa naman. Totoo ngang nabuhay muli ang banwar na si Lam-ang sa inyong dalawa," pangi-ngising sabi ng higante. Kapantay na niya halos ang pinakamataas na puno sa paligid. Mas lumalalim pa ang sugat niya sa mukha. Tila mas lalong nagiging sariwa, tanda na unti-unting nagkakalamang muli ang kaniyang katawan mula sa pagkakamali ni Ninong na buhayin siyang muli. Ngunit paminsan-minsan ay naglalaho siya sa paningin namin, parang repleksyon lamang ng kaniyang imaheng tumatama sa malinaw na tubig ng ilog.

Kung lubos na pagbuhay muli ang hangad niya, siguradong puntirya niya ang agimat namin.

Itinapat ni Ysa sa mukha niya ang malapad na talim ng kaniyang espada. "And just like Lam-ang, we'll defeat you and throw you through nine mountains."

Malakas na humalakhak ang higante, mga tawang dumagundong sa aming pandinig.

"Hanggang pagbabanta na lamang ba kayo, mga bata. Hindi na mauulit muli ang nangyari. Ngayon, sisiguraduhin kong ako ang magwawagi." Itinaas niya ang hawak na sibat, itinutok sa kinapupuwestuhan naming tatlo, at saka inihagis.

"Talon!" sigaw ni Rome. Kaniya-kaniya kaming nagsilundagan palayo para iwasan ang matulis na sibat na singhaba ng mga kawayan sa gubat.

Napadausdos ako sa batuhan. May nakain pa yata akong mga buhangin. Napaaray ako sa hapdi ng mga bagong galos na natamo. Mabilis ang mga sumunod na nangyari.

Ipinalambot ni Rome ang kaniyang tingting at ipinaikot sa kaliwang binti ni Sumarang. Isinubo ni Rome ang sumpit at sunod-sunod na nag-ihip ng mga patusok na bala sa mukha ng higante.

Habang abala si Sumarang sa pagsangga ay umatake na si Ysa. Ibinuka niya ang kapa na nagdagdag ng sapat na hangin para makalundag siya nang mataas. Hawak ng dalawang kamay ay iniangat niya nang maigi ang hugis balahibong espada. Pinuntirya niya ang leeg ng kalaban ngunit—

"Ysa!" Naramdaman ni Sumarang ang pag-atake. Hinawakan niya ang nakabalot na latigong tingting sa kaniyang binti. Hindi pa nakabibitaw si Rome sa kabilang dulo kaya't nakalambitin siyang inihambalos ng kalaban sa pasugod na si Ysa.

Bago pa lumapag ang patalim sa leeg ng higante ay mabilis na lumipad si Rome papunta kay Ysa. Nagbangga ang kanilang katawan. Sabay silang nahulog papunta sa damuhan.

"Hinde!" sigaw ko. Nag-init bigla ang tainga ko't huminga nang malalim. Sumugod ako nang walang pakundangan. Umiikot sa katawan ko ang usok na nagmumula sa agimat. Pinaghalong kulay na puti, itim, at abo ang patalim ng hawak kong kampilan. Habang nakatalikod pa ang higante ay ubod lakas ko itong binigwas sa kaniya.

Hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari. Tumagos lamang sa katawan niya ang sandata. Akala ko'y matibay na espada na ang nalikha ko ngunit immateryal lang ito na gawa pa rin sa hamog kaya't ni wala man lang itong naging epekto sa kalaban.

Hinarap niya ako nang tumatawa. "'Yan na ba ang ipinagmamalaki niyong hinlog ng bayaning si Lam-ang? Isang malaking huwad!"

Hindi ko halos marinig ang sinasabi niya kahit pa napakalakas ng kaniyanh boses. Nakatitig lang ako sa hawak kong kampilan ng mga limang segundo siguro. Ang tapang na nabuo sa loob ko kanina'y tila apoy sa kandilang nahipan ng hangin. Literal na gawa lamang sa usok.

Ungol ni Rome ang nagpagising sa akin. Nasilayan ko siya sa damuhan na unti-unting bumabangon. Nasa balikat niya pa rin ang bul-ul na sumasampal-sampal sa kaniya ngayon para siya'y lalong magising. Si Ysa, nakahiga pa rin at walang malay. Ang layo ng narating ng salakot niya. Naglaho na rin ang ginawa niyang espada at baluti mula sa kaniyang liwanag. Masama ang pagkakabagsak nila kanina.

Wala na akong ibang maisip na gawin kung hindi ang tumakbo papunta sa kanila ngunit mabilis na pumagitna sa amin si Sumarang. Iwinasiwas nito ang malaking binti na siyang tumama sa dibdib ko't tumilapon ako sa pampang ng ilog.

Pakiramdam ko'y nabundol ako ng malaking sasakyan. Nahirapan akong huminga. Umiikot na ang paningin ko.

"Kukunin ko ang dapat na sa akin!" sigaw ni Sumarang. Nagngangalit ang kaniyang mga ngipin. "Isinusumpa ko ang buo ninyong angkan. Hindi niyo kailanman makakamit ang inyong pinakamimithi!" Kumulog ang langit. Naglakad muna siya papunta sa kakahuyan.

Sinubukan ko pa ring bumangon. Abala pa ang kalaban namin sa pagkuha ng kaniyang sibat na tumuhog ng tatlong puno kanina noong kaniya itong ibato sa amin.

Gising at nakabangon nang muli si Rome kahit hirap kumilos. Nakita ko siya sa buhanginan, idinadampi ang kaniyang ting-ting sa basang lupa. Naging maiksing patpat na lang ito. May sinusulat siya, iba't ibang hugis at mga kakaibang letra. Sa loob ng isang bilog ay nakaupo ang maliit na bul-ul. Bumubulong ito.

"Hold him off," utos sa akin ni Rome nang hindi niya ako nililingon. "I need just a few minutes to create a spell. Pababalikin natin siya sa kaniyang pinanggalingan." Madiin ang kaniyang pananalita kahit pa nagkukulay-ube na ang mga pasa niya sa braso.

Ito na siguro ang sinasabi niya kagabi sa akin, na bilang babaylan ay kailangan niya ng isang gabay, ang bul-ul. Lumamig ang ihip ng hangin. Tila nagtatawag sila ng mga ligaw na kaluluwa sa paligid.

Para magtagumpay, kakailanganin kong pigilan si Sumarang sa pag-atake.

Sa ilang buwelo ay nakuha niyang muli ang mahaba niyang sibat. Dinilaan pa niya ang dagtang kumaya't sa patalim nito.

Hindi ako makapapayag na hindi makakapaghiganti.

Baka kung ano na ang nangyari kay Ysa. Nilapitan ko siya at sinubukang gisingin.

"Mmm," tugon niya sa akin. Hinipo ko ang batok niya, basa ng dugo. Banayad pa naman ang hininga niya ngunit kailangan na niya ng lunas. Hindi kami makaaalis dito hangga't hindi namin natatalo si Sumarang.

"Mainam." Kinilabutan akong bigla sa boses ng higante. "Magsama na kayong dalawa papuntang sa kabilang ibayo." Itinutok niyang muli ang sibat sa puwesto namin.

Tumayo ako nang maigi at sinanggahan si Ysa kahit pa alam kong walang magagawa ang katawan kong puro galos na.

Pumikit ako't umusal ng dasal. Hinawakan kong muli ang nag-iinit kong agimat. Napanood ko kanina si Ysa kung paano niya manipulahin ang kaniyang mga sinag.

Iniangat ko ang kanang kamay sa harap ng kalaban.

"Ano 'yang ginagawa mo, munting banwar? Nagpaalam ka na ba sa kalupaang ito?"

Mabilis na lumabas ang makapal na usok mula sa aking palad na nagpapahina sa paningin niya. Binalot ng hamog ang paligid.

"Hindi ka makapagtago sa akin, bata," banta niya.

Ngunit hindi katulad niya, malinaw na malinaw ang paningin ko. Nakikita kong iwinawagayway niya ang sibat sa usok ngunit wala naman iyong nagagawa. Nauubo na siya.

Ito na ang pagkakataon ko. Nilapitan ko siya't niyakap sa binti. Nagulat pa siya nang binalot ko siya sa makapal na itim na usok na nagsilbi niyang baluti.

"Balak mo pa ba akong sanggalan?"
Tumigas ang nagawa kong usok na bahagyang nagpabigat sa kaniya.

Umalis ako sa pagkakayakap at pumunta sa likod niya. Tinitigan ko ang mga daliri ko sa kamay. Unti-unting lumabas ang mga hibla ng hamog mula sa aking mga kuko, katulad ng nagagawa ni Ysa ngunit ang sa akin ay kulay abo. Sumusunod sa galaw ko ang mga hibla.

Habang hinahanap ako ng higante'y ikinuyom ko ang mga kamao't parang pisi sa pamingwit na inihagis ang mga hibla papunta sa kaniyang leeg. Kusang bumalot dito ang mga usok. Hinila ko ang nagmistulang tali, hingpitan hanggang sa hindi na makahinga ang higante.

Ginamit ko na ang natitira pang lakas para pigilan siya sa kung anuman ang balak niyang gawin. Pinagpapawisan ako habang sinasakal siya ng mga ginawa kong makakapal na sinulid. Dagdag pa rito ang mabigat na kalasag na nakabalot sa kaniyang katawan. Nabitawan na niya ang sibat.

"Rome!" tawag ko. Sa isang kumpas ay natapos na niya ang guhit sa buhangin.

Nilapitan niya ako't sinamahan ako sa paghawak ng abong tali. "Hilahin natin siya papunta sa gaway," tawag niya sa kakaibang mga hugis. Nasa gilid lamang ang bul-ul nakapikit na tila nananalangin. Lumiwanag ng kulay dilaw ang mga guhit hanggang sa isang lagusan ang lumitaw sa gitna, gawa ito sa anino at tila hukay na nag-aabang sa sinumang mahuhulog doon.

Ngunit kahit pa magsama kami'y hindi namin kakayanin ang laki at bigat ni Sumarang.

Iniabot ko kay Rome ang dulo ng mga hibla. "Anong balak mo?"

"Tiwala lang," sabi ko sa kaniya. Hirap na hirap siya sa paghila niyon ngunit baka ito na lamang ang susi sa aming balak.

Tumakbo ako sa puwesto ng sibat na nabitawan ni Sumarang. Buong lakas kong dinampot iyon. Naglabas akong muli ng makapal na usok para tulungan akong buhatin ito. Huminga ako ng malalim, bumuwelo, at ubod lakas na inihagis ang mahabang sandata papunta sa dibdib ng kalaban.

Tuluyan nang naalis ni Sumarang ang mga sinulid sa kaniyang leeg gamit ang kaniyang malalakas na bisig at matatalas na kuko.

Agad niya ring nasalo ang sibat bago pa ito tumusok sa kaniyang katawan. "Hindi sa ngayon, bata," ngiti niya.
Ngunit hindi niya alam ay naglabas akong muli ng mga hibla sa aking mga daliri na ngayo'y nakabalot sa kaniyang kaliwang paa.

"Sa muli nating pagkikita," sabi ko sabay hila nito na siyang nagpatumba sa higante.

Sakto siyang nahiga sa ginawang hugis ni Rome at nahulog sa mala-aninong butas.

"Hindiii!" rinig naming sigaw niya na unti-unting naglaho sa kailaliman.
Magsasaya na sana kami ni Rome ngunit nang magsara ang lagusan ay naglabas ito ng malakas na puwersang nagpatilapon muli sa aming dalawa.

Tumama ang ulo ko sa batuhan. Mabilis akong nawalan nang malay.
Naghihingalo akong nagising sa kadiliman. Nasaan na ako? Nasaan na sina Rome at Ysa?

Nahihilo pa rin akong bumangon, kakapa-kapa sa paligid.
Unti-unting lumitaw ang bilog na buwan sa langit. Ganoon ba ako katagal na nakatulog?

"Ysa! Rome!" sigaw ko ngunit walang sumagot. Rinig ko lamang ay huni ng mga kuliglig at mga ibong sa gabi lamang lumalabas. Kakaiba ang dampi ng hangin sa balat ko. Wala na ako sa Ilog Amburayan. Ibang lugar itong kinatatayuan ko na ngayon.
Hikbi ng isang babae ang nagpatahimik sa akin. Nang masanay ang mata ko sa dilim ay rumehistro ang mapunong lugar. Natatago ng matataas na taniman ng gulay ang isang makaluma ngunit malaking bahay. Mukha iyong pinaghalong bahay-kubo na gawa sa kawayan at pawid at bahay-bato. Mga limang pamilya siguro ang kakasiya dito. Sa dami ng tanim nila sa bakuran ay di mapagkakailang marangyang angkan ang may-ari nito. Naalala ko tuloy ang tanim naming kamatis at ampalaya ni Ninong sa Pasig.

"Hindi ka na dapat pumunta," rinig kong bulong ng isang lalaki. Pababa siya ng hagdan mula sa ikalawang palapag. Ang mga ganitong klase ng bahay ay may mga hagdan sa likuran papunta sa bakuran.

Mahaba ang buhok ng lalaki. Halata ang matikas niyang pangangatawan sa suot niyang kamiseta. Bahag naman ang pang-ibaba at nakayapak. Nakadantay ang kaliwang kamay niya sa puluhan ng sandatang nasa baywang niya. Malinis ang puting putong sa kaniyang ulo. Ganito siguro manamit si Ninong noong kabataan niya.

Nagtago ako sa likod ng punong mangga, sinisilip kung sino ang kausap niya.

Ilang hakbang lang ay nakatayo ang babaeng kanina ko pa naririnig na humihikbi. Kakaiba ang tahi ng mahaba niyang berdeng bistida. Mahaba ang itim na itim niyang buhok. Saka ko napagtantong nakita ko na dati ang magandang dilag na ito sa panaginip. Naalala ko ang dalagang humuhuni ng awit pampatulog sa ilog, kandong ang sugatang lalaki na siya ring kaharap niya ngayon.

"Sa loob ng ilang gabi ay kinalimutan mo na ang lahat, Lam-ang," tawag ng mahiwagang babae sa kausap. Tama ba ang narinig ko? Ang ninuno kong si Lam-ang iyon? Saang lugar na ba ako napunta?

Hindi maaari. Nananaginip na naman siguro ako. Pero ngayon ay nasasaksihan ko ang tagpo ilang milenyo ang nakakaraan.

"Mahal kita, Sarindang. 'Yan ang katotohanan," sagot ni Lam-ang ngunit maging ako'y hindi ramdam ang sinseridad niya.

Tumigil sa pag-iyak ang babaeng tinawag niyang Sarindang. Pamilyar ang ngalan. Inalala ko kung naikuwento na ba ito sa akin ni Ninong. Hindi naman iyon ang ngalan ng napangasawa ni Lam-ang, hindi ba?

"Sayang lamang ang mga luha ko sa'yo. Gabi-gabi akong nagdarasal na sana'y nasa maayos ka lang na kalagayan. Tama nga naman. Ngunit masakit pa rin sa pakiramdam na iyon ay dahil nasa piling ka na ng iba. Ngayon mo sa akin sabihin na hindi mo mahal ang anak ng dayo na iyan, na ako nga ang siyang tunay mong iniirog."

"Sarindang . . .," pautal-utal na tawag ng lalaki. Mas mahigpit ang hawak niya sa sandata. Ni hindi siya makahakbang para lumapit. Iniiwas nito ang tingin sa kausap. "Ikaw ang una kong inibig ngunit hindi ko maaaring pabayaan si Ina."

"Kilala mo ako, Lam-ang. Kilala mo ang lahi naming aribai. Hindi kami kagaya ninyong mga tao. Gagawa ako ng paraan upang makahanap ng lunas sa sakit ng iyong ina," pagmamakaawa niya. Kaya pala kakaiba rin ang awra na nararamdaman ko sa kaniya dahil hindi siya tao. Malamang ay elemento o engkanto. Aribai? Narinig ko na iyon sa bibig ng kalaban naming si Sumarang. May kinalaman ba sila sa kasalukuyan naming nararanasan?

"Wala ka nang magagawa, Sarindang. Wala na tayong magagawa pa." Halos hindi ko na maulinigan ang sinasabi ni Lam-ang dahil sa napakalungkot niyong tono. "Sumangguni na ako sa mga manga-odon, at kahit pa sa mga albularyo. Hindi nila alam ang dahilan at maging ang lunas para kay Ina. Mga manggagamot na kilala ng dayo ang maaring makapagpagaling sa kaniya. Kailangan nating tanggapin na hindi lahat ay kayang tugunan ng mga kapangyarihang handog sa atin ng mga anito."

"Kaya ba't mabilis din kayong nag-isang dibdib ng tagapagmana ng mayamang angkan na iyan? Dahil lamang sa ginto? Ng karangyaan?"

Kumunot ang noo ni Lam-ang. Hindi niya nagustuhan ang sinasabi ng dalaga. "Hindi totoo iyan, Sarindang! Gagawin ko ang lahat para sa aking ina." Lumalabas ang kitid niya sa leeg habang nagsasalita ng pabulong at pilit ang galit. "Mahal kita, Sarindang. Minahal kita nang lubos."

"Bakit kung kailan natin natagpuan sa isa't isa ang kaligayahang matagal na nating hinahanap ay saka naman hahadlangan ng tadhana? Kasalanan ba'ng maging maaaya?" Ramdam ni Lam-ang ang himutok ng kaniyang iniibig ngunit alam nilang parehas na isa lamang ang patutunguhan nito.

"Umalis ka na habang maaga pa," utos ni Lam-ang. "Habang tulog pa silang lahat. Hindi maganda ang tingin ng mga tagarito sa tulad mong aribai."

"Alam ko," taim na sagot ni Sarindang. Pinahid niya ang tumulong luha. "Para sa kanila'y kampon kami ng kadiliman. Ngunit alam kong hindi iyon totoo. Malayo sa katotohan ang mga kathang salaysay na naririnig kong umiikot sa bayang ito. Huwag mo sanang hayaang madungisan ang ngalan ng aming lahi. Tandaan mo, hindi ka rin nila katulad."

Napalunok ng laway si Lam-ang. Tinutukoy siguro nila ang dugo ng anitong nananalaytay sa bayani, at maging sa sakin na rin.

"Bago ako lumisan, isang babala ang iiwan ko," sabi ni Sarindang. Tinitigan siya ng lalaki at naghintay ng sasabihin. "Ilang gabi ko nang mapapanaginipan ang masamang kapalarang iyong mararanasan. Nabanggit ko na sa iyo ito noon ngunit sadiyang matigas ang iyong ulo. Sa araw na ikaw ay lalahok sa pagsisid ng isdang rarang sa ilog, tanda ng inyong pagsasama ng anak ng dayo, ay siya ring huling araw mo sa lupaing ito."

Nagngitngit ang nga ngipin ni Lam-ang. "Matagal ko na ring sinabi sa iyo na panaginip lang iyan, Sarindang. Kadalasan ay hindi magkakatotoo, haraya na likha lamang ng ating pag-iisip."

"Maaaring tama ka nga ngunit ang pangitain ng tulad naming bantay-kalikasan ay hindi mapagtatatong banta ng kinabukasan. Ang maalamat na berkakan, ang higanteng isda ang iyong magiging huling hantungan."

Kapwa sila napahinga nang malalim.

"Sana'y tama ka nga, Lam-ang. Sana'y tama ka nga." Sa pagtalikod ni Sarindang ay siya namang paglabas mula sa mga anino ng dalawang hayop sa gilid ni Lam-ang—isang abuhing asong ga-beywang niya ang tangkad at isang makisig na puting tandang na ipinagaspas pa ang mga pakpak.

"Iingatan ka ng iyong mga alaga. Hanggang sa muli," huling sambit ng dalaga bago siya tuluyang kainin ng kadiliman.

Naiwan si Lam-ang na nakatayo sa ibaba ng hagdan. Hinimas na lamang niya ang ulo ng mga alaga bilang pagtanggap sa kaniyang sasapitin.

Hindi man sakto sa mga naririnig kong kuwento ay halos ganito nga ang laman ng epiko ni Lam-ang. Alam kong totoo ang sinabi ni Sarindang, na mamamatay siya habang sumisisid sa ilog, kakainin ng isdang siya ko rin laging napapanaginipan.

Bigla akong kinalibutan. Hindi kaya mangyari din ang palagi kong pangitain? Na hindi lamang iyon basta masamang panaginip kung hindi isang bangungot na magkakatotoo? Isang haraya?
Paglingon ko sa malaking bahay ay bigla na lamang nagbago ang paligid.

Iyon pa rin ang likuran ng bahay-bato kanina ngunit mas luma ngayon kung pagmasdan, tila gintong kinakalawang na. Matataas na damo rin ang pumalit sa kaninang masaganang taniman.

Tinanaw kong muli ang ibaba ng hagdan. Sira-sira na ang mga hakbang niyon na gawa sa kahoy. Nakaupo sa pinakababa ang isang matangkad na lalaki. Nakayuko siya, sapo ng pagod na mga kamay ang ulo. Nakasuot na siya ng modernong T-shirt at pantalon. Hindi kaya nakabalik na ako sa kasalukuyan?

Tinapik-tapik ko pa ang pisngi para malaman kung nananaginip pa rin ba ako at kung oo ay magising na sana. Baka kung ano na'ng nangyari kina Rome at Ysa.

Naagaw ang atensyon ko ng isa pang dilag na nakatayo ilang hakbang mula sa bahay, sa kinapupuwestuhan mismo ni Sarindnag kanina. Pero ibang babae ito. Maiksi ang buhok, luma ang suot na bistida at nangingitim ang ilalim ng kaniyang mga matang mugto sa pag-iyak.
"Akala ko ba'y nagmamahalan tayo hanggang kamatayan?" matapang niyang sagot sa lalaki.

Tumayo ang matangkad na lalaki na siyang ikinagulat ko. Kamukha ko siya. Hindi, si tatay ito noong buhay pa siya. Mali, buhay pa naman talaga siya pero nakatakas na ba siya sa sinasabi niyang kulungan niya? Ito na ba yung sinasabi niyang muli naming pagkikita? Maaari ko na ba siyang yakapin ulit?

Pero sino itong kausap niya? Hindi ito si Mama. Malayo sa mukhang natatandaan ko.

"Mahal kita. Minahal kita pero kasalanan ito, isang pagkakamali!" pasigaw na sagot ni Tatay. Gusto ko sana siyang lapitan ngunit ayokong istorbohin ang pag-uusap nila.

"Kasalanan ba ang magmahal kung pareho naman tayong naging masaya?" tanong ng babae.

Pamilyar ang eksena. Ganito halos ang mga linya kanina ni Lam-ang at Sarindang. Anong nangyayari? Bumabalik-balik ba ako sa ganitong klase ng tagpo? Ito ba ang kasabihan nilang ang kasaysayan ay nauulit?"

"Bumalik ka na sa iyong pamilya, Sabel. May anak kang babae sa iyong asawa. Kailangan ka niya."

"Ngunit kailangan kita. Kailangan natin ang isa't isa. Noong isang araw lang ay handa na nating takasan ang mga pinanggalingan natin, hindi ba? Bakit ngayon ay nagbago ang isip mo? Anong nangyari?" Sunod-sunod niyang tanong.

Ilang segundo bago nakasagot si tatay. "Ang aking mag-ina. May sarili akong pamilya, Sabel. Hindi na tama ang ginagawa natin. Parehas lang nating sinasaktan ang mga sarili nating pamilya."

"Nagpakatotoo lang ako. Ganun din ang gawin mo. Hindi tayo nababagay sa kanila. Iba ang kapalaran nating mula sa lahi ng mga anito. Balang araw, iiwan mo rin sila. May iba tayong tungkuling ipinataw sa atin." May kung anong bagay na hinugot ang babae mula sa kaniyang damit, sa gintong kwintas na nakasabit sa kaniyang leeg ay nasa dulo noon ang agimat ng tandang, ang puting balahibo na ngayo'y pag-aari na ni Ysa.

May inilabas din si tatay. Ang pangil ng aso sa kaniyang gintong kwintas. Nilaro-laro iyon ng kaniyang mga daliri.

"Suko na 'ko, Sabel. Masiyadong mabigat ang responsibilidad na ibinibigay sa atin ng samahan. Hindi ito ang ginusto ko." Pinigtas niya gamit lamang ang isang kamay ang kwintas sa kaniyang leeg at itinapon iyon sa harap ng babae. "Kamalasan lang ang dala ng agimat na iyan. Itinatakwil ko na ngayong gabing ito ang anumang koneksyon ko sa kanila." Sino ba ang tinutukoy niya? Anong samahan iyon? Ang Klab Maharlika ba?

"Hindi puwede. Iyan lang ang mag-iingat sa iyo sa masaklap na kapalaran," banta ni Sabel. Itinago niyang muli ang agimat niya.

"Tay!" Mula sa gilid ni Tatay ay lumabas sa anino ang isang batang lalaki. Wala pa itong saplot at halatang kagigising lamang.

"Liam!" tawag ni Tatay. Lumakas ang tibok ng puso ko sa tagpong ito. Nasa kasalukuyan na nga ako ngunit ilang taon sa nakalipas. Tatlong taon pa lang ako nan. Ni hindi ko na nga matandang ang eksenang ito. "Hating-gabi pa lang, gising ka na."

"Mumu, mumu," tanging naitugon ng batang ako.

Yumuko si Tatay para punasan ang luha at uhog ko. "Panaginip lang 'yon, Liam. Balik ka na sa tabi ni Mama. Susunod na ako."

Sabay naming nilingon ang babae ngunit wala na siya sa kinapupuwestuhan niya. Katulad ni Sarindang, mabilis siyang naglaho. Sino iyon? At bakit nasa kaniya ang agimat ng Tandang? Bakit kilala niya si Tatay?

Nangingilid na ang luha ko sa aking nasasaksihan. Ngayon ko lamang ulit nakita si Tatay. Baka nga iyon ang huling pagtatagpo namin bago siya lumisan katulad ng sabi sa akin ni Ninong, namatay sa bangungot.
Gusto ko siyang lapitan at yakapin ngunit alam kong hindi niya rin naman ako maririnig at mararamdaman. Kusang tumulo ang mga luha ko. Ipinikit ko na lamang ito.

"Liiaaamm."

Sino 'yon? Tinig ng babae. Napalunok ako ng laway. Pagmulat ko'y wala na ako sa likuran ng malaking bahay. Bagkus ay nasa loob ako ng tila isang kuweba. Gawa sa mamasa-masang bato ang pader.

Hindi ito pader kung hindi kisame. Nakahiga ako. Siguro'y nagising na ko sa malalim na tulog na iyon.

Ramdam kong tuyo na ang suot kong damit at jacket pero may nakataling tela sa noo ko.

Babangon na sana ako ngunit hindi ko maramdaman ang mga braso at binti ko, hindi ko maigalaw. Malalim rin ang aking paghinga na tila ba may buhat-buhat akong mabigat na bagay. Pinagpapawisan ako nang malamig.
Paralisado ang buong katawan ko!
Sinubukan kong igalaw ang mga mata ko at tumingin sa naaninagan ko sa dulo ng aking mga paa. Malabo man ang paningin ay nahulaan kong sina Rome at Ysa 'yung nakatayo sa dulo ng kinahihigaan ko. Matalik ang kanilang pag-uusap, hindi nila alam na gising na ako.

Sinubukan kong sumigaw ngunit wala nang tinig na lumalabas sa bibig ko. Tila maging lalamunan ko ay paralisado.

"Liaaamm!" tawag muli ng nakatatakot na boses ng babae.

Ang mga anino sa paligid ay bigla na lamang naipon at nabuo, ilang pulgada mula sa mukha ko. Nagporma iyon ng hugis tao, isang dambuhalang mas malaki pa sa mga napapanood kong sumo wrestler. Parang gawa sa putik ang kaniyang balat na naglalaman ng mabibigat na taba. Sa ulo'y naghulma ang matabang mukha na may mahaba at sabog-sabog na buhok. "Himalang nakikita mo na ako, banwar." Ang sabi ng nilalang. Tumulo pa ang laway niya mula sa bibig niyang nangingitim ang labi at may matutulis na hilera ng ngipin. "Nahalina ka ba sa ganda ako?"

******
Thank you so much for waiting! Hahahah, after almost a year, ngayon lang ulit nagkaroon ng panibagong update. Chapters 1-10 ay ni-republish ko due to minor and major changes kaya kung isa ka sa nakabasa noong original version, you may reread the first ten chapters kasi baka malito ka na sa character dynamics here. Hehe.

Also, I think I got gaway as Tagalog term for spell from jhonarosejoy's another Phillipine Mythology story, Hinirang. Browse her profile if you want to read it as well. Highly recommended!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top