10 Ang Muling Paggising

IKASAMPUNG HARAYA

ᜁᜃᜐᜋ᜔ᜉᜓᜅ᜔ ᜑᜇᜌ
Ang Muling Paggising


HINDI ako sigurado kung sa anong paraan ako mamamatay, kung sa pagkalunod ba o sa pagkahulog.

"Ahhhhhh!" sabay-sabay naming palahaw pagkatalon sa bangin. Napakabilis ng pangyayari. Nag-blur na lamang ang paligid sa paningin ko. Mabilis ring naglaho ang tili ni Rome.

Hindi ko na nagawa pang huminga nang malalim at agad akong niyakap ng malamig na tubig ng ilog. Pumikit ako. Kumirot ang bawat kalamnan kong nalamog na dahil sa pagkakabagsak na iyon.

Sa pagkakatantiya ko kanina'y mababaw lang naman ang ilog bagamat mabilis ang agos ngunit bakit ganito ang pakiramdam ko? Tila hindi makapa ng paa ko ang lupang ilalim at ngayo'y palutang-lutang lamang ako't dahang-dahang dinadala ng tubig.

Para akong may nilagusang ibang lugar. Pumasok ang mga bula sa suot kong jacket. Sinubukan kong magmulat. Sa una'y mahapdi ang pagkakalapat ng halos magkulay-putik na tubig ng ilog sa aking mga mata. Kinawag-kawag ko ang mga braso para mapanatiling nakalutang.

Madilim. Bahagya lamang na nakapasok ang liwanag mula sa langit. Tumingala ako. Siguro'y nasa ilang dipa na lang ang kailangan kong languyin para makaahon. Ngunit naunahan ako ng pagod ng aking katawan. Parang mas gusto kong manatili sa ilalim ng katubigan. Bumibigat ang pakiramdam ko. Gusto kong matulog muli.

Hindi maari! May kailangan pa akong gawin. Kailangan ko pang mabuhay. Pero ano nga ba ang ginagawa ko rito? Bakit ako nandito? Nasaan ang mga kasama ko? May mga kasama nga ba ako?

Naramdaman kong bumagal din ang pagtibok ng puso ko, sinusubukang makapagtipid ng hangin para magtagal sa kinalalagyan ko ngayon.

Nakita ko na lamang ang pendant ng suot kong kwintas na lumulutang-lutang sa harap ng mukha ko. Parang gusto niyang makaalis mula sa pagkakagapos ng gintong taling nakapaikot ngayon sa aking leeg. Sabay-sabay na pumasok sa ala-ala ko ang imahe ni Ninong, ng aking ina, at ng aking amang nakahimlay sa kawayan.

Nanigas ang aking katawan nang maisip na baka nasa likuran ko lamang ang anino ng higanteng isda. Nananaginip na naman ba 'ko? Muli na naman ba akong kakainin ng dambuhalang iyon?

Dahil sa pagkataranta'y nagmadali na akong lumangoy pataas. Tila lumapot ang tubig ng ilog at hirap na hirap ang mga braso ko sa paghawi. Parang mas lalo pang lumayo ang liwanag na aking nakikita.

"Liam." Napatigil ako sa tinig na iyon. Gusto kong sumigaw para itanong kung sino siya. Inikot ko ang paningin sa paligid. Sa gitna ng kadiliman ay umusbong ang malilit na liwanag na para bang mga alitaptap na nagpapaikot-ikot sa puno ng balete.

Lumapit ang mga liwanag na iyon sa akin hanggang sa mapagmasdan ko ang hindi bababa sa limang kakaibang mga nilalang. Mga limang dangkal lang ang sukat nila. May manipis na braso't binti. Sa likod ay pumapagaspas ang nagliliwanag na pares ng mga pakpak na katulad ng sa tutubi. Doon nagmumula ang kanilang liwanag, tila Christmas lights na nakalinya sa hugis ng kanilang mga pakpak. Gakamao ang ulo nilang may malalaki ring mga matang gaya ng sa isda. Balot ng kaliskis ang kanilang katawan. Para silang duwendeng lumilipad ngunit sa katubigan ang nililiparan. Hindi ko rin alam kung paano nangyari yon.

Tumigil sila sa paglapit at pinagmasdan lamang ako. Hindi! Nakasunod ang tingin nila sa agimat kong gumagalaw ayon sa alon.

Lumapit ang isa na bahagayng nagpaurong sa akin. Berde ang nangingibabaw na kulay niya. Nakataas ang kamay niya na hinayaan kong hawakan ang pangil na agimat. "L-lam-aang . . .," pautal-utal niyang sabi sa akin. Nage-echo ang kaniyang boses. Nakikilala niya ba ang dating may-ari ng abuhing aso?

Nilingon niya saglit ang mga kasamahan niyang nagsimula na ring magbulungan, "Lam-ang. Lam-ang. Lam-ang," paulit-ulit nilang sambit. Halos masilaw ako ng iba't ibang ibang kulay nilang liwanag na nagsimula na ring lumakas.

Patuloy na lumapit ang kulay berdeng nilalang. Hinawakan niya ng dalawang kamay ang agimat at niyakap. Saglit siyang pumikit hanggang sa magliwanag ang buo niyang katawan.

Napatakip ang mga braso ko sa aking paningin. Pagsilip ko'y nakabitaw na siya sa agimat na ngayo'y pinalilibutan na muli ng hamog. May kakaibang ingay ang nagmula sa pangil na parang sa hayop hanggang sa lumabas mula roon ang kulay abong usok.

Sa 'di malamang dahilan ay nakaamoy ako ng parang lumot na sinusunog. Dumami nang dumami ang usok. Nagpaikot-ikot ito sa harapan ko. Nakanganga lamang ang mga nilalang ng tubig habang nanonood.

Bumilis ang kilos ng usok hanggang sa magporma ng sa isang . . . aso? Nakatayo ang tatsulok na mga tainga, matulis ang nguso, at mahaba ang dalawang binti sa unahan. Ngunit ang kalahati ng kaniyang katawan ay hindi na nabuo pa ang porma. Para iyong usok ng kandilang kamamatay lamang ng sindi at ang dulo'y nanggagaling sa pangil na pendant ng kwintas ko.

Lumingon-lingon ang abuhing aso, tila may inaamoy. Hamog lamang ang kaniyang mata pero alam kong napatingin siya sa akin. May kung anong kuryenteng dumaloy sa katawan ko nang kami'y magkatitigan. Lumapit siya. Akala ko'y lalapain niya ako ngunit tumingala lamang siya at umungol nang napakalakas.

Kahit ang mga tutubing-isda na nilalang ay naghiyawan sa matitinis na boses. Sa isip ko lamang ba rumerehistro ang mga ingay na iyon dahil nakalutang pa rin ako sa ilalim ng ilog?

Nagtatakbo-takbo ang aso gamit ang kaniyang dalawang binti sa unahan na parang nakita muli ang kaniyang amo. Ngunit ang kalahating bahagi ay nananatiling walang pormang usok at hindi humihiwalay mula sa pagkakatali sa agimat.

Nilabas niya ang kaniyang dila at humingal-hingal na parang ngayon niya lang naranasang huminga muli.

Nag-panic ako bigla nang makitang tumatakbo na siya papunta sa akin. Ako naman itong nakatigil lamang para salubungin niya.

"Awooo!"

Iniharang ko ang dalawa kong braso. Naramdaman kong yumakap sa akin ang usok at dahan-dahang hinigop ng agimat. Pagmulat ko'y naglaho na ang abuhing-aso maging ang mga nilalang ng katubigan.

"Liam!" iyon na naman ang pamilyar na boses. Sa 'di kalayuan ay naglinaw ang imahe ng punong kawayan. Halos 'di ko makita sa dilim ang dulong pinag-uugatan noon.

Sa gitna'y lumitaw ang tulog na mukha ng isang lalaki. "'Tay?" tawag ko.

Panigurado, nananaginip na naman ako. Sabi ko na nga ba. Liam, gising, Liam!

"Hindi ka nananaginip." Malalim ang boses ng aking ama. "Ang mga litao."

"Ang alin po?"

"Sila ang muling gumising ng abuhing aso ni Lam-ang. Mga kaibgan sila ng ninuno natin at karamihan ay dito naglalagi sa Ilog Amburayan, ang ilog na kaniyang pinaglagian pagkagaling sa labanan. Dugo niya'y dumanak sa tubig na dahilan para mangamatay ang mga isdang naninirahan dito."

Naalala ko bigla ang panaginip ko. Ang bayaning sugatan, kandong ng isang umaawit na dilag. Itatanong ko sana kay ama kung sino ang dilag na iyon ngunit biglang lumabo ang kaniyang imahe.

"Hindi na ako magtatagal, anak."

"Saan po ba kayo naroroon?"

"Magkakatagpo rin tayo. Nalalapit na, Sa ngayon, samahan mo muna ang kapatid mo."

Napalinga tuloy ako sa paligid.

"Kailangan niya ng tulong mo. Siya ang kasalukyang amo ng nag-aalab na tandang. Nauna na nga lamang magising ang kaniya ngunit hindi pa huli ang lahat. Kakayanin mo ring magamit nang husto ang agimat, sa tunay nitong pakay—ang pagpapalaya sa akin. Humayo ka." Tuluyang naglaho ang imahe ng aking ama.

Nasaan na ba sina Ysa at Rome? Kailangan ko silang mahanap. Nagkaroon ako ng panibagong sigla upang ipagpatuloy ang aking nasimulan. Napahawak ako bigla sa aking agimat. Nagulat pa ako nang naglabas ito ng usok na bumalot sa katawan ko.

Nagsimula ulit akong lumangoy pataas at ramdam kong tinutulungan ako ng usok para makaahon nang mas mabilis. Unti-unting lumapit ang liwanag hanggang sa maiangat ko ang ulo sa tubig.

Napapikit pa akong muli sa pagtama ng matinding liwanag. Nasa gitna ng langit ang araw, tanghaling-tapat. Nagkukumawag ang mga paa ko sa ilalim, pinipilit na hindi tangayin ng agos.

Naalala ko bigla ang mga kasamahan kong nag-dive din sa ilog. "Rome! Ysa!" Umalingawngaw lang ang boses ko sa mga batuhan at puno sa gilid ng ilog.

Napalingon ako sa pampang nang may maabot ang aking paningin. Nakatayo sa gilid si Ysa, basang-basa ang suot niyang kulay lumot na kamiseta at pantalon. Nakalatag naman sa buhanginan ang pawid niyang kapa, katabi ng matigas niyang salakot at boots.

Nakapameywang pa siya't nakatingin lang siya sa akin na parang hinihintay lang akong makaahon. Gusto ko sanang sigawan siya na tulungan ako pero ilang beses na akong nakakalunok ng tubig. May kalaliman at mabilis rin ang agos ng ilog.

Napapagod na ang mga binti at braso ko sa paglangoy. Kaunti na lang ay tuluyan na akong aanudin.

Dahan-dahang napalitan ng pag-aalala ang mukha ni Ysa kaya't mabilis siyang nagtatakbo papunta sa akin. Matapang niyang sinisid ang ilog.

Pinilit kong makabuga pa rin ng hangin nang maayos habang ako'y inaakay niya papunta sa pampang.

Sabay pa kaming hinihingal na humiga sa buhangin.

Paglingon niya sa akin, alam ko na agad ang itatanong niya. "Hindi ka ba marunong lumangoy?" Tono niya'y hindi makapaniwala.

"M-marunong naman . . . slight," sagot ko habang hinahabol pa ang hininga. Ang totoo'y inunahan ako ng takot at kaba kaya't hindi ako makakilos agad. Nakakahiya tuloy na ang mas nakababata ko pang kapatid ang mas marunong lumangoy sa aming dalawa.

Dinama ko ang pagtaas-baba ng aking dibdib. Gaano ako katagal sa ilaim ng ilog kanina? Hindi ko na kaya pang isipin. Sinubukan kong makaupo, isinandal ang likod sa pinakamalapit na batuhan.

"S-s-salamat," tangi kong naiusal sa kaniya.

Hindi na niya ako hinintay pa na makapagpahinga kahit kaunti. Hinablot na niya ang nakalatag niyang kapa at salakot.

"Teka, mag-costume ka na agad?"

Tinignan niya lang ako nang masama. "'Di 'to costume. At oo, kailangan na nating bilisan. Baka masundan na tayo ng mga dakes."

May napansin akong hawak niyang itim at pahabang bagay pero agad niya iyong itinago sa likod ng kaniyang pawid na kapa.

Tumayo na rin ako at sinubukang magpagpag ng mga buhanging dumikit sa basa kong damit. "Wala bang kahit init powers 'yang hard light mo?" tanong ko.

"Anong init powers ka diyan? Light is not equivalent to heat. Edi sana kanina pa ako tuyo." Napataas pa siya ng kilay.

"Nagbakasakali lang." Saka ko naalalang nawawala pa ang isang kasama namin. "Si Rome? Kasama mo ba siya?"

"Nandiyan lang 'yan sa tabi-tabi."

Nakalangoy ba si Rome kanina sa lakas ng agos ng ilog? Nakaahon nga kaya siya o baka nadakip na ng mga nakakatakot na engkantong iyon? Hindi maari.

Nagsimulang maglakad si Ysa. Tumakbo ako sa harap niya. "Sandali, hindi pa tayo puwedeng umalis ng wala si Rome."

"Kung hindi dahil sa kaibigan mo, hindi sana tayo nasundan ng Klab. Hindi sana tayo tumatakas ngayon sa lupon ng mga maligno."

Hangang ngayon ay hindi pa rin siya maniwalang walang masamang balak ang nakilala kong Klab Maharlika. Hindi rin naman ako sigurado pero ayokong isipin na tama nga si Ysa.

Hindi pa rin ako umalis sa harap niya. Wala naman siyang nagawa kung hindi tumigil.

"B-b-bllbl." Sabay kaming napalingon sa kakaibang ingay sa 'di kalayuan.  May kumakaluskos sa damuhan.

Naalerto kaming dalawa at baka kalaban na naman ito na sasalubong sa amin. Hinarap namin parehas ang direksyon ng ingay at naghanda ngunit hindi namin inaasahan ang lumabas sa damuhan

"Blblbbbl." Napatingin kami sa baba. Isang maliit na taong gawa sa kahoy ang naglalakad ngayon papunta sa amin. Kasing-laki lang siya ng mga dagang nakikita ko sa may tambakan ng basura malapit sa amin. Ukit ang nagsilbing mukha niya. Ang bu-lul ni Rome!

"Oh, looks like your friend woke him up successfully," komento ni Ysa. Parehas kaming nakahinga nang maluwag.

Napatigil ang bul-ul sa pagmartsa at inangat ang ulo sa amin na para bang nakakakita ang maliit na guhit na nagsisilbi niyang mga mata. "Bll?"

Nakaramdam ba siya ng pamilyaridad? Kung totoo ngang nagising ni Rome ang bul-ul, kaluluwa na ba ni Ninong ang nakasanib sa kaniya ngayon kaya't malaya na siyang nakakakilos?

Yumuko ako at inilapit ang mukha sa kaniya. "Ninong? Ikaw na ba 'yan?"

"Blblb." Wala akong maintindihan sa sagot niya.

Sa tuwa ay maingat ko siyang dinampot gamit ang dalawang kamay ko. Gusto ko siyang yakapin ngunit baka biglang masira ko ang kahoy niyang katawan. "Hindi ako makapaniwala. Si Liam 'to, Ninong."

"Lblbll."

Inilapit ko siya sa kasama ko. "At si Ysa, mga inaanak mo."

Nawirduhan man ay tila nakaabang rin si Ysa sa isasagot ng bul-ul.

"BLBLBLBL!"

"Aray!" Nagalit yata siya't bigla na lamang kinagat ang daliri ko. Nabitawan ko siya. Buti na lamang ay malambot ang buhanging nailagpakan niya. "Ansakit non, ha." Ang totoo'y di naman gaano dahil sa kahoy lang din gawa ang ukit ng bibig niya.

Narinig kong tumatawa si Ysa.

"Baka wala lang sa mood si Ninong," sabi ko.

Kumaluskos muli ang mga damo sa gilid. Sa ngayo'y mas malakas at mas mabilis. Niluwa ng talahiban si Rome. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kami. "Liam!" Bigla akong niyakap kahit pa basang-basa ang lahat ng panamit ko. "Akala ko hindi ko na kayo makikita. Wala na ko salamin, eh, kaya pasensiya na, natagalan ako hanapin kayo." Mangiyak-ngiyak pa siya. Natigil lang nang makita niya ang bul-ul na nakaupo na ngayon sa lupa katulad ng orihinal niyang puwesto noong isang lilok pa lang siya.

"Bul-ul!" Tawag ni Rome. "Pasaway ka talaga. Sabi ko, 'wag mo 'kong tatakbuhan. Kagigising mo pa lang sa katawang iyan. Hindi ka pa sanay." Parang magulang si Rome kung magpangaral. "Halika na dito." Dinampot niyang muli ang bul-ul at ipinatong sa balikat niya. Hindi naman na ito nagreklamo at tahimik na lamang na naupo.

Tinanong ko na agad siya para sigurado. "K-kaninong kaluluwa ang nagising mo, Rome?"

Nilingon muna niya ang bul-ul. "Hindi ko rin sigurado."

"Blblbl," sagot ng estatwang tila nagrereklamo.

"Oo na, oo na. Malabo pa raw ang alaala niya sa ngayon kaya hindi pa niya malaman ang pangalan niya."

"N-naiintindihan mo siya?"

"Oo. Baka dala ng pagiging babaylan ko. Kaso—" Lumungkot ang tono ni Rome. "Hindi siya ang Ninong mo. Mararamdaman ko kung siya nga ito pero hindi. I'm sorry, Liam."

"Okay lang," mabilis kong sagot. Hindi ko rin naman ine-expect na gagana nga ang panawagan niya pero mas lalo ko tuloy na-miss si Ninong. "At least may bago tayong nakilalang kaibigan. Hi, Bul-ul!"

"Bllll!"

Hindi ko sigurado kung binelatan niya ba ako o ano. Eh, wala naman siyang dila na lumabas. Matatawa yata ako imbis na mainis.

"So, are we good now?" singit ni Ysa.

Inirapan lang siya ni Rome. Pagod na rin siguro kung makikipag-away pa. "Oh, my anitos!" Napasinghap siya na ikinagulat namin. "Sina Frank!"

Bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Naalala ko ang pagligtas sa sakin ni Frank sa sapa. Kahit literal na walang buhay ang reaksyon niya, alam kong puno siya ng pag-aalala noong mga oras na 'yon. Totoo nga ang sabi ni Rome, may butihing puso ang amalanhig na 'yon sa mga kasamahan niya. Hindi niya ako hinayaang malunod at lamunin ng berberoka.

Napalingon ako sa kabilang pampang ng ilog. Ano na kayang nangyari sa kanila? Nakaligtas kaya sila ni Simm sa halimaw? Nakatakas kaya sila sa lupon ng mga dakes?"

"I'm sure they're fine," singit muli ni Ysa. "I saw one of them having fire powers. That and the pond's water will give them enough time to retreat. I hope they're safe."

"At paano ka nakakasigurado?" Naghahalo ang galit at pangamba sa tono ni Rome. "Hindi mo sila kilala, hindi mo kami kilala. I don't now what will happen to Frank or Simm. We need to go back." Nangingilid ang luha ni Rome nang tumingin siya sa akin.

Hindi agad ako makasagot. Gustuhin ko man silang balikan ngunit may plano si Ysa. Isa pa, naalala ko ang sinabi ni Gwen. "They'll be okay," subok kong pagpapahinahon kay Rome. "Nangako si Gwen."

"Bllblll!" tanging tugon ng bul-ul sa balikat niya.

Dug! Yumanig bigla ang lupa. Sabay-sabay kaming napalingon sa mga puno sa gilid namin. Kung 'di ako nagkakamali, napapalibutan ng malagong kagubatan ang Ilog Amburayan.

Dug! Dug! Dug! Palakas nang palakas ang dagundong. Nagliparan ang mga ibong nakadapo sa mga punong-kahoy. Gumalaw rin ang mga punong tila may humahawi, palapit sa amin.

"Shit!" Napamura na si Ysa. Pareho siguro kami ng nararamdaman. Hindi na ito basta ligaw na hayop lang. Malalim ang paghinga ng paparating. Pamilyar ang amoy.

Humanda kaming tatlo sa pag-atake.

Humakbang pauna si Ysa. Inilabas niya ang kwintas sa leeg at hinaplos ang pendant na balahibo. Mula roon ay naglabas ito ng liwanag na bumalot sa katawan ng kapatid ko. Kumapal ang liwanag na iyon na parang kumikinang na armor na hindi nakikita.

May banayad na hanging umikot-ikot sa katawan niya't nagpagalaw ng suot niyang kapa at maging sa
maiksi niyang buhok.

Nagkahugis ang liwanag ng tandang sa isang mahabang espadang magkahalong kulay puti at dilaw. Bahagya itong nakabaliko. Saka ko lamang naintindihang hugis balahibo ito ngunit dalawang talampakan ang haba.

Hinawakan ni Ysa nang mabuti ang kaniyang patalim, inurong ang kanang paa biglang paghahanda. Hindi ko maiwasang mapamangha.

Kakayanin mo ring magamit nang husto ang agimat. Naalala ko ang sinabi ni Tatay.

Hindi na rin ako nagpatalo at hinawakan ko ang suot kong agimat. Muli, naglabas ito ng makapal na usok na ngayo'y kulay madilim na abo. Umikot-ikot muna sa katawan ko hanggang sa magporma sa aking harapan. Iniangat ko ang aking kamay at nag-isip ng kahit anong klase ng sandata hanggang sa mag-ipon ang usok at maghugis espadang limang talampakan ang haba. Isang talampakan naman ang kapal ng patalim. Halos mabitawan ko iyon sa pag-iiisp na baka mabigat ngunit tamang-tama lamang ang gaan sa pagkakahawak ko. Astig!

"Liam." Napalingon ako kay Rome. Nakahanda na rin ang sandatang tingting niya at ang sumpit. "Those are kampilan blades katulad ng ginamit ni Lam-ang," tukoy niya sa mga hawak namin ni Ysa. "You've managed to recreate them with just smoke and light? That's amazing, "

Hindi ko maiwasang mapangiti. Ginaya ko si Ysa sa kaniyang porma at matapang na hinarap ang kagubatan.

"Mga batang banwar," pamilyar ang boses. Sa likod ng mga dahon ng talisay ay bumungad ang malaking ulo ng isang higante. Mulat ang mga mata niyang may peklat. Abot tainga ang kaniyang ngiti nang makita kami. Humakbang siya at tuluyang lumabas ang kaniyang kabuuan.

Katulad pa rin noong huli ko siyang nakaharap, malalaki ang mga muscle sa katawan na balot nga tattoos, nakasuot lamang  ng kulay putik na bahag, at nakayapak.

Iniangat niya ang hawak na malaking sibat na nagpayuko sa akin, ang sandatang kumitil sa buhay ni Ninong.

"Sa wakas, nagkita-kita tayong muli. Maraming salamat sa pagdala sa akin ng aso at ng tandang. Tama nga ang aribai, ganito lamang kadali ang dapat kong gawin." Bumubukas ang sugat niya sa bibig at mata habang nagsasalita.

"Screw you!" sigaw ni Ysa at dumura pa sa tabi. Ako na mismo ang nagulat sa kaniya. Sa hula ko'y hindi lang ngayon sila nagkita.

"Mataray ka pa ring babae ka. Makikita mo," at naghanda na siyang umatake.

*************************

[Thank you so much for reading!
Lalo na doon sa mga nakaabang palagi. Kayo talaga ang dahilan kung bakit gusto kong ipagpatuloy ito.

Sadly, I need to finish few things muna. Nasa kalagitnaan na ako ng thesis ko and need munang tapusin ang manuscript ng Balete Chronicles for publishing. After that, babalikan ko po ito. Nasa middle na rin naman ang story. I'll make sure to finish this for Wattys 2022. Promise yarn!

In the mean time, gusto kong magpasalamat sa pagsama sa akin ngayong 2021! I hope you enjoy your reading experience. God bless sa inyo at sa family niyo. Keep safe.

Happy New Year! 🥳]

Good news, I just published my thesis last week at ga-graduate na rin bukas. I will upload the remaining chapters in coming days. Happy reading!
(◍•ᴗ•◍)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top