1 Ang Lalaking Nakahimlay sa Ilalim ng Tubig

UNANG HARAYA
ᜂᜈᜅ᜔ ᜑᜇᜌ

Ang Lalaking Nakahimlay
sa Ilalim ng Tubig


SA GANITO palagi nagsisimula ang panaginip ko.

Mahigpit ang hawak ko sa puluhan ng pamingwit habang matamang nagmamasid sa mababaw at malinis na tubig ng ilog Pasig, nag-aabang ng kahit kaunting kislot ng alon, baka sakaling may mahuling isda kahit singhaba ng hinlililiit.

Natatandaan ko, ilang beses ko pang inayos ang pagkakaupo sa matigas na batuhan sa gilid ng ilog habang sinusuway ang ilang tutubi at bubuyog na umaaligid sa ibabaw ng water lilies na paminsan-minsan ay dumadapo sa hita ko. Binubugahan ko lang sila ng hangin o kaya'y dinuduraan para umalis. Hindi ko maigalaw ang aking kamay sa kadahilanang baka biglang may kumagat sa inilagay kong maliit na uod bilang pain at kakailanganin ko ng dalawang kamay para maiahon ang nahuling isda na sa malamang ay kasinghaba lang talaga ng hinliliit ko.

"Pokus, 'nak," boses ni Ninong na nagpagising sa akin mula sa kawalan. Alisto din siyang nag-aabang ng mahuhuli sa kaniyang biwas. Naninikit sa pawisan niyang batok ang mahaba niyang buhok na halos kulay puti na lahat. Dati'y tinatalian niya pa ito ng tela na tinatawag niyang putong para kahit papano'y makaginhawa sa kaniya sa maalinsangang panahon ng Maynila.

Ang layo ng itsura ko sa kaniya. Wala talagang magkakamaling magsabi na magkamag-anak kami. Sarat ang ilong ni Ninong at medyo pabilog ang mukha. Ako nama'y hindi man katangusan ay palaging napagkakamalang may lahing Arabo dahil sa makapal kong kilay at pilikmata.

Kamukhang-kamukha ko raw ang tatay ko sabi ni Ninong noong nakakakita pa siya. Bulag na ang kaliwa niyang mata dahil sa katarata at ang kabila nama'y nanlalabo na rin. Kaya't hindi ko rin alam kung paano siyang nakapagtatrabaho pa sa edad niya. Namamasukan siya kila kagawad sa kabilang barangay.

Siya na lang ang naalala kong kamag-anak. Hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa palagi niyang kuwento na ilang buwan pa lang daw akong ipinapanganak ay tinatawag ko na siyang Ninong sa tuwing dadalaw siya kaya siya na rin talaga ang kinuhang ninong ng mga magulang ko.

Hindi pa iyan ang pinakanakakatawa niyang kuwento. Palagi niya ring bilin sa akin na 'wag magpapakita ng kahinaan dahil ang mga lalaking nasa lahi namin ay hindi iyakin. Nagmula raw kami sa angkan ni Lam-ang, bayani sa isang kwentong-bayan. Tubong Ilocano kasi ang pamilya namin.

Sabi ni Ninong, tulad ni Lam-ang ay may dugo raw akong hindi sa pangkaraniwang-tao dahil ang kauna-unahang ninuno raw namin ay ang mga higanteng Aran at Angalo kung saan nanggaling ang apelyido kong Angalo. Sa pagkakatanda ko, ang dalawang higante na iyon ay ang unang babae at lalaking nalikha sa paniniwala ng mga Ilokano. Si Angalo raw ay naatasan na paglikha ng iba't-ibang likas-yamang magiging tahanan ng unang mga Pilipino at ang isa nga sa naging kaapuhan nila ay ang bayani na kung tawagin niya'y Apo Lam-ang.

Pinipigilan ko na lang ang tawa ko sa tuwing binabanggit ito ni Ninong dahil mukhang hindi naman siya nagbibiro at palaging seryoso ang tono kapag ang usapan na ay sa pinanggalingan naming angkan.

Hinahayaan ko na lang siya. Sabi ko pa nga, kaya siguro muntikan na akong maging six footer dahil may lahi akong higante. Kaya siguro malakas ang resistensya ko at hindi sakitin ay dahil sa dugong bayaning nananalaytay sa akin. Saka siya tatawa dahil matutuklasan niyang hindi ko naman siya sineseryoso.

Bakit nga ba mas marami pa siyang naibabahagi sa akin tungkol sa mga alamat at kwentong-bayan ngunit kapag nagtatanong na ako tungkol sa magulang ko ay hindi siya makasagot. Iniiba niya bigla ang usapan.

Apat na taon pa lang ako ay inampon na ako ni Ninong Pedro. Siya na ang nagpalaki sa akin at kumayod hanggang sa makaabot nga ako ng Senior High. Buti na nga lamang at bakasyon na, graduating na ako sa parating na pasukan. Kakailanganin na naman ulit namin ng perang gagastusin. Sinabi ko na sa kaniyang tutulong ako sa pamamasukan pero pinilit pa rin niyang doon na ako magpalibang sa summer job na pinasukan namin sa munisipyo.

"Matutong maghintay. 'Wag mainip. Lalong kang hindi lalapitan ng hinahanap mo." Napansin niya sigurong kanina ko pa niyuyukayok ang paa ko at napahalumbaba na.

"Arf!" Lumapit sa amin si Lobo, ang puting asong May batik na itim na inampon namin noong isang taon nang makita namin siyang nasagasaan ng jeep sa may tabing kalsada. Napagod na siguro paglalaro sa may gilid ng ilog at ngayo'y sumasang-ayon pa sa paulit-ulit na payo ni Ninong.

"Kung 'di lang mas masarap ang inihaw na tilapia kaysa sa pinakuluang okra na uulamin natin mamayang hapunan, 'di naman ako magtitiis ng pangingisda rito," sagot ko.

Natawa si Ninong. Hinagod ng mahina na niyang kamay ang kulay harina na balahibo ni Lobong nagkukumawag pa ang buntot. "Masiyado kang mainipin at pihikan, 'nak."

"Arf!" Akala ko pa'y gumagatong na naman ang aso namin sa sinabi ni Ninong pero may iba itong tinatahulan. Nagsimulang gumalaw ang hawak na biwas ni Ninong. Bumula-bula ang hinuhulugan nitong tubig hanggang sa bumulwak ng alon.

"Mukhang masarap ang ulam natin mamaya, 'nak." Ngunit mabilis ding naglaho ang ngiti ni Ninong. Nahirapan na siyang iahon at kontrolin ang bingwit kaya binitiwan ko na ang akin at kinuha ang kaniya.

"Ako na po." Hindi naman na siya tumanggi dahil mahina na rin ang tuhod niya. Pinakalma na lang niya si Lobo na palakas nang palakas ang tahol.

Mabigat ang nasa kabilang dulo ng pisi. Parang kahit ako'y hindi kakayaning iahon nang mag-isa. Nagsimula itong gumalaw at mag-iba ng direksyon. Akala ko pa'y maiiaangat ko na ngunit nadulas ako sa putikang tinatapakan ko't nawalan ng balanse.

Tumama ang tuhod ko sa matulis na mga bato sa ilalim ng ilog. Hindi ako kaagad nakabangon, ramdam ang hapdi ng sariwang sugat sa tuhod. Napaaray ako nang makita ang tumulong dugo ngunit pinigilan ko ang sarili na magpakita ng emosyon. Baka pagalitan na naman ako ni Ninong. 'Wag sensitive, malayo pa 'yan sa bituka, parang hindi ka lalaki, ah. Mga salitang inaasahan kong sasabihin niya ngunit paglingon ko'y hindi siya umiimik.

Nakatingin lang siya sa rumaragasang tubig. Nawala sa isip kong hawak ko pa rin ang bigwas. Nadala ako ng kung anumang humihila nito sa dulo at tuluyang napalusong sa ilalim ng ilog. Agad akong gininaw sa lamig ng tubig.

Lagpas tao rin pala ang lalim nito. Ni hindi maabot ng paa ko ang maburak na ilalim. Pinagaspas ko ang mga braso para makaahon. Paglutang ng aking ulo'y nasa gitna na pala ako ng ilog at lumalakas na ang agos nitong nagdala sa akin palayo ng pampang.

"'Nong! Ninong!" tawag ko't nagtangka pang lumangoy ngunit nakita ko lang si Ninong na nakatayo sa gilid ng ilog, tahimik lang akong pinagmamasdan. Kumakaway ang mga braso niyang tila nagpapaalam. Walang bakas ng ekspresyon sa kaniyang maputlang mukha. Maging si Lobo'y hindi rin kumikibo. Ano'ng nangyari sa kanila?

Nahirapan na akong huminga. Nakaramdam ako lalo ng pagkataranta nang makitang nagdilim bigla ang tubig ng ilog, nangitim na parang tinta hanggang sa may humila ng paa ko pailalim.

Hindi ko iyon napaghandaan at nakalunok pa nang kaunting tubig.

"Liam, anak ko!" tawag ng isang lalaki sa may kailaliman. Tinig niya'y tila yagitgit ng mahunang kahoy.

Naglinaw ang aking paningin at nakita ang isang bunton ng berde at matayog na kawayang tumubo mula sa putikang ilalim ng ilog at ang taas ay lumagpas na sa ibabaw. Tapyas ang gitnang kawayan at doo'y nakahimlay ang katawan ng mamáng nagsalita kanina. Madilim kaya hindi ko maaninagan nang maayos ang kaniyang pananamit o kung may suot nga ba.

"Ako 'to, anak." Naka-krus ang mga braso niya sa dibdib na parang bangkay na ililibing. Ngunit imbis na matakot ay namangha ako sa itsura niya. Kahawig ko siya kung ako'y nasa edad na apatnapu. Umaalon-alon ang mahahabang hibla ng kaniyang buhok.

Hinayaan ko ang katawan kong dalhin pababa ng tubig upang magpantay ang aming paningin. "S-sino ka?" 'Di ako makapaniwalang may lalabas na tinig sa bibig ko kahit nasa ilalim kami ng ilog ngunit parang unti-unting naging hangin ang katubigan. Nakahihinga na ako nang maayos pero magaan pa rin ang pakiramdam kong tila nasa ibabaw ng buwang walang grabidad.

"Alam kong nakikilala mo ako, anak. Ako 'to, ang iyong ama." Napangiti siya.

"Sino? Patay na ang tatay ko," sagot ko sa kaniya. Matagal na panahon na nung siya'y tahimik na lumisan. Ang sabi ni Ninong, namatay sa bangungot. Naiwan ang nanay ko sa probinsiya namin sa Ilocos na gabi-gabing umiiyak. Hindi niya madaling natanggap ang nga pangyayari. Kaya't minabuti na ni Ninong na ako'y kupkupin at dalhin dito sa Maynila.

"Patawarin mo ako, anak. Hindi ko ginusto ang nangyari." Malumanay siyang magsalita, bawat bigkas ay lumilikha ng mumunting alon sa tapat ng bibig niya. "Ngunit paniwalaan mo ako. Buhay pa ako, nakakulong sa kahoy na ito. Ikaw at ang iyong kapatid ang susi upang magbalik akong muli sa inyong piling."

"Kapatid?" Masiyado pa akong bata noon pero naaalala ko ang inosenteng mukha ng isang-taong gulang na batang babaeng karga-karga ng isa pa naming kamag-anak noong araw na kaunin ako ni Ninong. Ngayon ko lang ulit naaalala na may kapatid nga pala ako.

"Katulad mo'y lumaki rin siya sa pangangalaga ng iba. Hanapin mo ang kapatid mo at kapag kayo'y nagkita, magkasama niyong apuhapin ang gintong tapis. Kayo lamang dalawang mula sa ating angkan ang makahahanap noon, ang bagay na makapagpapalaya sa akin mula sa matagal na pagkakakulong."

"T-teka. Wala akong maintindihan." Napasapo pa ako sa ulo nang bahagya itong sumakit dahil sa mga naririnig ko. Totoo nga ba'ng ang lalaking ito ang aking ama?

"Nasa malapit lang ang iyong kapatid. Nasasabik na akong makita kayong muli." Bigla siyang pumikit na parang itinuloy na ang kaniyang pagkakahimlay.

"Sandali!" May mga itatanong pa sana 'ko sa kaniya ngunit may bagay na pumigil sa akin para lumapit. Isang malaking anino ang naaninagan ko sa likuran ng mga kawayan.

Tila tumigil sa pag-agos ang ilog, nagbago ng direksyon at ngayon ay hinihigop ng dambuhalang bagay na iyon. Nagmulat ang isang pares ng mga matang kulay kahel at sintangkad ko ang laki at haba. Nilamon ng higanteng isda ang kawayan kasama ang lalaking nagpakilalang aking ama. Sumayad pa ang bibig nito sa putikang sahig at ngayo'y palapit na sa akin upang ako naman ang kainin.

Sinubukan kong lumangoy paahon ngunit hindi gumagalaw ang aking binti, pinupulikat. Tuluyan na akong nagtaranta hanggang sa  dumilim na lamang ang aking paligid.

Nagising akong humihingal at pawis na pawis mula sa masamang panaginip na iyon. Pakiramdam ko'y para din akong muntikan nang malunod at ngayon lang nakaahon.

"Rrring!" Bigla-biglang tumunog ang bell ng aming eskwelahan hudyat ng awasan. Tsk, nakatulog na naman pala ko sa school. Pinahid ko pa ang namuong laway sa gilid ng bibig at sinapo ang pisnging namaga sa pagkakadantay sa arm chair kong mahuna na.

Mabilis na naglabasan ang mga kaklase ko para makauwi. Samantalang ako'y pilit na pinapakalma muna ang sarili dahil nananatiling mabilis ang tibok ng puso.

Sa ganoong paraan ako madalas na gumigising. Paulit-ulit ang panaginip na ito, sa tuwing malapit na akong lamunin ng higanteng isda. Kaya madalas ay napupuyat ako sa takot na kapag nakatulog muli'y baka hindi na ako magising.

Ngunit kakaiba ang huling bangungot na iyon sapagkat nagpakita ang aking ama na nagsasabing buhay pa siya. Ngayon ko lamang siya ulit nakita at sa ganoong klaseng sitwasyon pa. Totoo nga bang buhay pa siya? Pero bakit wala akong maintindihan sa sinasabi niya?

Ah, saka ko na iisipin kapag nakauwi na ako. Madami akong itatanong kay Ninong.

Patayo na sana ako sakbit ang mabigat kong backpack nang makitang may hangal na namang nagtali ng bag ko sa bakal na sandalan ng upuan. Lintik talaga. Kapag nahuli ko sila.

"Liam." Bahagya pa akong nagulat nang biglang sumulpot sa tabi ko ang isa sa kaklase kong lalaki. Malinis at maayos ang uniform niyang halatang galing sa pamilyang maykaya. Makapal ang lens ng suot niyang salamin sa mata. Ayos na ayos ang itim na buhok at amoy rosas pa ang pabango. Napaamoy tuloy ako bigla sa sarili ko kung amoy anghit na naman ba ako dahil pawisan.

Hindi ko siya sinagot pero nakatitig lang siya sa akin, parang nag-aabang ng kung ano. Ano nga bang pangalan niya ulit? Rein? Ram?

"Rome," tugon niyang parang nabasa ang nasasaisip ko.

"Bakit? Anong meron?" tanong ko habang inaalis ang bag ko sa pagkakatali.

"K-kaklase mo ako."

"Oo nga." Weirdo.

Tumayo na ako't akmang aalis nang hawakan niya ang braso ko. May parang kuryenteng dumaloy sa balat ko. Lumabo bigla ang paningin ko dahil parang naging imahe ang itsura ni Rome sa harapan ko. Parang hindi siya totoong nandito.

"Anong—" Ngunit parehas kaming natigilan at nagulat sa nangyari, walang mahagilap na sagot.

"Kailangan ka ng Ninong mo," basag niya sa katahimikan.

"Ha?" Paano niya nakilala si 'Nong. 'Di ko naman siya ka-close at wala rin akong pinagkukuwentuhan sa mga kaklase ko.

"Maniwala ka sa akin." Tipid ang mga salita niyang tila maging siya'y nahihirapan magpaliwanag.

"Lumayo ka." Hindi ko rin alam kung bakit iyon na lamang ang nasabi ko. Siguro'y dala pa rin ng kabang naramdaman ko nung binangungot na naman ako kanina. Naalimpungatan 'ata ako.

Lumabas na ako ng klase at hindi na siya nilingon muli. Nagmamadali akong makaalis para makauwi nang maaga. Pero napatigil na naman ako nang makitang walang katao-tao sa hallway. Saan napunta ang mga estudyante? Teka, hindi ba bakasyon na? Bakit andito pa ako sa school?

Nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa akin. Pinagpatuloy ko na lamang ang lakad-takbo nang mapansin ang basang sahig na daraanan ko. Umulan ba? Saan nanggaling ang tubig? Sakop no'n ang buong sahig kaya wala akong ibang nagawa kung hindi sumulong.

Paglapat ng sapatos ko sa tubig ay parang humakbang ako sa malalim na dagat dahil bigla akong nahulog. Paano?

Nag-panic akong muli't sinubukang makaahon. Hinubad ko ang suot na bag na nagpapabigat sa akin ngunit kahit anong hampas ng mga binti ko at kawag ng mga braso ko'y hindi ko maabot ang ibabaw ng tubig na pinagkalubugan ko. Nasisilaw lang ang mga mata ko ng liwanag sa taas.

Bumulusok pababa ang isang lalaking nakilala ko agad, si Rome. Mabilis siyang nakalangoy sa puwesto ko.

"Kapit," bigkas ng bibig niyang walang tinig. Mabilis kaming nakaahon. Muli akong nakalanghap ng hangin. Pagmulat ko'y nasa loob na ako ng maliit kong kwarto sa barong-barong namin. Madilim dahil patay ang ilaw. Nakabalot pa ng kumot ang katawan kong hindi naman basa. Saka ko lang naintindihang nananaginip pa rin pala ako kanina.

Nang masanay ang paningin ko sa dilim ay agad na humulma ang anino ng ilang tao sa dulo ng higaan ko. May lalaking nakaluhod sa gilid, kagat-kagat ang hinlalaki ko sa kaliwang kamay.

"Rome." Agad rin niyang inalis ang pagkakagat at pagkakahawak sa daliri ko at maiging tumayo. Tumama ang liwanag ng buwan mula sa bukas kong bintana sa metal na tsapang naka-pin sa damit niya. Nahihiya siyang ngumiti, hindi alam ang sasabihin. Inayos niya pa ang suot na salamin sa mata.

"A-anong ginagawa mo?" tanong ko.

"Ang tagal mo kasing magising kaya iniligtas na kita sa masamang panaginip."

"Ano?"

Ang katabi niyang babae ang sumagot. Mahaba at paalon ang buhok nito at may suot ring metal na tsapa sa dibdib.  "Binangungot ka. Gumamit si Rome ng espesyal na spell para sundan ka."

"Ano 'ka mo?"

Uulitin pa sana ng babae ang sagot niya ngunit pinangunahan siya ni Rome. "Ah, eh. Si Gwen nga pala," turo niya sa katabi. "Galing kami sa Klab Maharlika at nasa panganib ang Ninong mo."

/ᐠ。ꞈ。ᐟ\

[This is a rough draft ng first chapter so baka may changes pa ako na gagawin. To be honest, wala pa ako sa 2% sa pagsusulat. Medyo magulo pa rin ang outline. But I really wanted to share this with you na, guys, kasi mahal ko kayo. Ayieee.

Parang sneak peak na rin sa latest installment ng Balete Chronicles.

Kapag naayos ko na at plantsado na ang outline, I'll start uploading this again. And just like what I did with Sumpa ng Ibalóng, it will be a continuous and regular updates. And hopefully, makaabot sa Wattys 2021. Hehe ]

Na hindi naman na nakaabot. Hahahaha. It's been a year noong una ko itong ipinost last 2021. Right now, I'm writing the last 2 chapters.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top