sumpa-an
The next story has been written as my official entry for the Horror Writing Challenge by ArtbyKarla (Kimmie_66) with the prompt:
5. A group of friends goes hiking in the mountains despite warnings from the locals about the tikbalang that roams the area. After disturbing an ancient ritual site, they begin to experience strange hallucinations and get lost in the dense forest. One by one, they fall victim to the tikbalang's curse, transforming them into creatures of legend.
Disclaimer: This story contains scenes of intense violence and supernatural horror that may be disturbing to some readers. It is intended for mature audiences only. Reader discretion is advised.
sumpa-an
isinulat ni
Bernard Christopher A. Catam
Naiihi na sa Naldo sa excitement. Bukas na bukas, pagkagising nila nang madaling araw ay aakyatin na nila ang tuktok ng Bundok San Cristobal. Sa gitna ng mga hamog ng umaga at maligamgam na sinag ng araw, luluhod siya sa harap ng tatlong buwan na niyang kasintahang si Alyssa, hawak ang singsing na binili niya katulong ang kaibigang si Dino. Nagtanong pa siya sa bespren ni Alyssa na si Krisha kung magugustuhan nga ba talaga nito ang surpresa niya ngayon. Kaya't sama-sama nilang inakyat ang bundok simula pa kaninang umaga kasama ng kaibigan rin nilang si Paul na mahilig mag-hiking at nag-suggest na dito gawin ang proposal.
Ilang oras na silang nagpapahinga sa tent na itinayo nila sa bahagi ng bundok na iyon, matagal nang lubog ang araw at nagbabantay ang bilog na buwan sa langit, ngunit hindi makatulog si Naldo sa pinakahihintay niyang sumpaan. Dahan-dahan niyang binuksan ang zipper ng malaki nilang tent upang 'di magising sina Dino at Paul. Lumabas siya't sandaling nilingon ang isa pang mas maliit na tent kung saan ngayon nahihimbing sina Alyssa at Krisha.
Kinilig na naman siyang 'di malaman kung sa nararamdaman ba o dahil sa pagpigil sa ihi kanina pa. Humakbang siya palayo at tumungo sa mas masukal na lugar. Wala halos ingay sa napili nilang pagpahingahan. Kahit maging mga kuliglig yata'y natulog upang magising nang maaga kinabukasan.
Matapos siyang umihi'y saka niya lamang napansin ang mga lumilipad na alitaptap sa paligid. Sinundan niya ang isa, sa ganda ng liwanag nito sa buntot. Dumapo ito sa isang bunton ng mga nakatayong kahoy na napalilibutan ng mga tuyong dahon. Nagitla pa siya nang makita ang isang bungo na may malapad na panga, bungo ng kabayong tinutusok ng mahabang kawayan. Gawa siguro ng mga nauna nang hikers sa kanila. O baka iyon ang natitirang bakas ng sagradong dambana para sa mga nilalang na nakatira sa Bundok ng San Cristobal, bagay na ibinabala sa kanila ng mga tao sa paanan ng tinaguriang 'Bundok ng Demonyo'.
Kinilabutan man, hindi naniniwala si Naldo sa sabi-sabi. Naisipan niyang sipain ang ilalim at kusang bumuwag ang dambana. Ni hindi siya tumigil para mag-tabi-tabi po.
May malamig na hangin na sumagi sa kanyang balat. Nakarinig siya ng paghingal sa paligid, ng pagtawa.
"Alyssa?" tawag ni Naldo. Napahawak siya sa dibdib nang bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Sino naman kaya ang gising sa mga oras na ito?
Narinig niyang muli ang ingay, parang halinghing ng hayop. Kumikilos ang mga anino sa paligid. "Sino 'yan?" tawag niyang hindi niya maisigaw dala ng takot. Baka naalimpungatan lang siya.
Babalik na sana siya sa tent nang siya'y mapaluhod sa sakit ng tiyan. Tila kinukuyom ang mga bituka niya nang malalakas na braso. Inalala niya kung anong huling kinain nila sa hapunan. Ngunit nanlamig ang kaniyang pakiramdam nang makitang humaba ang mga kuko niyang matatalim. Unti-unting gumapang ang itim na balahibo sa kaniyang mga braso. At ramdam niya ang paghaba ng kaniyang mga ngipin upang maging pangil. Ano'ng nangyayari sa akin?
Narinig niyang muli ang bungisngis, ngayo'y mas malakas na at wala nang balak itago pa. "Tiyak na ba ang iyong l-l-layunin... " bulong ng kung sinumang napalilibutan nang dilim.
"S-sino ka?" tanong niya kahit nahirapa nang huminga. Nangangasim ang bibig niya, naglalaway sa kung anuman. Nanlalabo ang kaniyang paningin.
Sinubukan niyang tumayo para makabalik sa tent ngunit tanging mga punong hindi pamilyar ang nasa kaniyang harapan. Ito na nga ba ang sabi-sabi ng mga tagarito na nilalang? Nililigaw na ba siya ng tikbalang?
"Mahal mo nga ba o baka nadadala ka lang ng ambisyon?" malalim na boses ang nagtanong. Napatingin siya sa kaliwa at nakita ang higanteng kanina pa pala nakatayo roon. May subo itong sigarilyong kahawig ng madalas na hithitin ng kaibigang si Paul. May hawak itong tuod na ipupukol sa kaniya.
Kung 'di lamang siya nakakilos agad nang mabilis ay siguradong nailibing na siya sa lupa. Kakaiba ang nararamdaman ngayon ni Naldo. Hindi siya ito. May kung anong sumanib sa kaniyang nagbibigay ngayon ng lakas at liksi... at nang kauhawan sa dugo.
Baka trick ito ng tikbalang. Hindi siya makakapayag. Agad niyang sinugod ang kapre, umakyat sa mabalahibo nitong mga braso, gamit ang pangil ay kinagat ang mapakla nitong leeg.
Nagkukumawag ang nilalang na siya'y paalisin ngunit sa dami nang dugong dumanak ay nanghina ito't natumba. Kinanin na lamang ng anino ang mapagkutyang kapre habang si Naldo ay nilalasap pa ang itim na dugo ng kaniyang napaslang.
"Nasaan ang mga kaibigan mo?" tanong ng isang maliit na boses. Sa kanan ay nakaupo sa mataas na punso ang isang nuno, mahaba ang balbas nito at may ngiting nang-uuyam. "Baka iniwan ka na nila kasi hindi ka naman na nila kailangan. Hihihi."
Mas lalong nagalit si Naldo. "Hindi niyo ako kilala," bulong niya sabay sugod. Hindi umalis sa puwesto ang nuno na parang siya'y hinihintay. Dinampot niya ito at kinagat ang maliit na ulo hanggang sa mapigtal ang leeg. Ngunit tumatawa pa rin ito kaya't kaniyang nilapag sa lupa't buong lakas na pinagtatapakan hanggang maging tila pisaot na kamatis.
Bago maglaho'y nabanaag niya ang boses ni Dino sa mga tawa nitong nagtutunog hikbi. Hindi. Niloloko siya ng tikbalang. Ginagamit ang mga kaibigan niya upang siya'y mas lalong panghinaan ng loob.
Bago pa siya makapag-isip muli'y humapdi ang kaniyang mga balikat nang dumapo ang matatalim na kuko ng isang manananggal. Mga isang dipa ang inilipad niya bago niya napagmasdan ang nakapanghihilakbot na itsura ng tumangay sa kaniya. "Na-inlab ka lang naman sa kagandahan, hind sa mas malalim na dahilan," tukso nito, mga salitang kay Krisha niya lang naririnig dati.
Hinawakan niya ang mapuputlang braso ng manananggal at buong lakas na iniangat ang kaniyang katawan upang ipitin ng kaniyang mga binti ang ulo nito. Nawala sa direksyon ang nilalang sa kaniyang paglipad at pareho silang bumagsak sa ibabaw ng malaking tent.
Hindi ininda ni Naldo ang paglamog ng kaniyang katawan sa pagkakabagsak. Sa wakas, nakabalik siyang muli sa lugar nila. Wala sa tent ang mga kaibigan niya at maging sina Alyssa. Nakabukas ang mga zipper ng tent. Mukhang nakatakas sila bago pa siya atakihin ng mga maligno.
Agad na hinanap ni Naldo ang mahabang kutsilyo sa dala niyang backpack na ginamit nila kanina sa pagluluto ng kanilang hapunan.
Hinarap niyang muli ang manananggal na gumagapang palayo. Sinabunutan niya ang kulot nitong buhok at gigil na gigil na hiniwa ang dalawang malapad na pakpak sa likod. Dumanak ang itim na dugo. At bago pa ito makaalpas ay pinagsasaksak niya ang dibdib nito.
"Hindi niyo ako maloloko!" sigaw ni Naldo sa nilalang na tuluyan nang nalagutan nang hininga.
"Ikaw lang ang lumilinlang sa sarili mo," pamilyar ngunit may halong pananakot ang tinig ng nagsalita.
Lumingon si Naldo sa kaniyang likuran, umaangil. Hindi na niya mapigilan pa ang silakbo ng kaniyang nararamdaman. Unti-unti nang nawawala ang kaniyang pagiging tao.
Humarap sa kaniya ang matangkad na nilalang, sa kabayo ang ibaba ng katawan at ang ulong may malaking panga'y napaibabawan ng mahaba at tuwid na buhok—ang tikbalang!
Bumungisngis uli ito't tila hinihintay lang siyang sumugod. "Sa katunaya'y dala lang ng pagiging makasarili ang mga ikinikilos mo dahil duwag ka, duwag kang maging mag-isa." At humagalpak ang tawa nitong hindi na maisara ang bibig sa lakas.
Tuluyan nang nagpakain si Naldo sa nararamdaman. Hindi na siya tao. Isa na siyang aswang. Kumuha siya ng tuyong kahoy sa gilid, tumakbo papunta sa tikbalang, at isinalpak nang ubod ng lakas ang kahoy sa malaking bibig ng nilalang. Nahiga ito't hindi makahinga.
"At sino'ng tinutukoy mo'ng makasarili?" tanong ni Naldo. Hindi pa siya nakuntento't dinaganan ang katawan ng tikbalang. Inubos na niya ang natitira pang lakas ng katawan niyang aswang upang itulak ang kahoy sa bibig ng nilalang hanggang sa tumagos sa batok nito.
Kusang tumulo ang luha sa mga pisngi ni Naldo dala ng halo-halong emosyon, ng takot, lumbay, poot, at pangamba. Pinukpok niya ang ulo't bumubulong sa sarili, "Hindi ako papadala sa mga salita niyo."
Ngunit wala nang sumasagot sa kaniya. Kung totoo man ang kuwentong-bayan tungkol sa bantay ng bundok, nasa harap niya nga ito ngayo't hindi na humihinga pa.
Gumaan ang kaniyang pakiramdam. Naglaho na ang mga balahibo sa kaniyang balat at bumalik na rin sa normal ang kaniyang mga kuko't ngipin. Wala na ang sumpa ng tikbalang.
Nagising na siya sa napakalalim na bangungot na iyon.
Sumisilip na ang liwanag sa paligid, sa mga puno't damong napalilibutan ng hamog.
"Alyssa! Dino! Nasaan kayo?" tawag niya sa mga kasamahan. "Paul? Krisha?" Ngunit walang tumutugon sa panawagan niya.
Nilingon niya ang paligid. Bukas ang mga tent. Sigurado siyang nakalabas na ang mga ito. Napatingin siya sa kaniyang mga kamay na puno ng sugat at galos. Nakukulayan ito ng pula, ng dugo mula sa mga napaslang niya.
Sa puwesto kung saan niya pinatay ang tikbalang, naroon at nakahiga ang kaniyang kasintahan, mulat ang mga matang wala nang kaluluwa, nakasalpak sa bibig ang kahoy.
"Hindi maari." Napaluhod siya't humagulhol sa pag-iyak. "Hindi!" huli niyang sigaw.
Sa lugar na iyon sana mangyayari ang sumpaang kaniyang pinakahihintay, sumpaang ngayo'y hindi niya kailanman matatakasan.
********************************************************
*Cover from Canva
For more Philippine mythology and supernatural stories, you may browse my profile and pick your choice of adventures under Balete Chronicles and Klab Maharlika banners
Thank you for reading.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top