Puwera sa Likod, Puwera sa Harap

For Day 2 of #Halimaween2024, here's the mythical prompt:

Day 2 – Idaemonon

It lives underground and pokes its fingers through the ground every 6am and 6pm. When it decides to come out of the ground, it tends to hide some of your things.

For this, I thought of a short side quest about one of my main characters in #BaleteChronicles: Unang Aklat. So, there will be details that you may fully understand if you read the first book in #Baleteverse. But, it can still be read as a story about the Idaemonon and a tease for more.

Puwera sa Likod, Puwera sa Harap

ni Bernard Christopher A. Catam

Ilang buwan makalipas ang muli nilang pagtungo sa kanilang probinsiya, mas naiintindihan na ni Mak-Mak ang mundong kanilang kinagagawalang magkakapatid. Bilang bunso, nakadama din siya ng inggit sa dalawa niyang kuya at ate ngunit agad namang napalitan ng panghihinayang at kalungkutan nang maalalang ang mga kapatid ay dumanas nang napakahirap na mga pagsubok no'n kasama at kalaban ng mga anito at maligno ngunit siya'y nagawa pang makasama ang kanilang lola sa ilang araw nitong natitira sa kalupaan.

Na-miss niya bigla ang kaniyang lola. Alam niyang ang pagpanaw nito ay kasama na sa mga 'di makalilimutan at 'di pangkaraniwang karanasan sa kanilang pamilya ngunit magpa-hanggang ngayon, ginagawa nila ang lahat upang ibalik muli ang normalidad sa pakiramdam, kahit pa alam naman ng lahat na hindi na ito mangyayari.

Ngayon nga'y napagdesisyunan niyang 'di na muna umuwi kahit alas-siyete na ng gabi upang makasali pa sa huling laro ng tagu-taguan ng mga kababata niya rito sa Maynila. Hindi naman siya siguro papagalitan at alam naman na nang buo nilang mag-anak ang kakayahang kaniyang angkin.

Nagsimula nang magbilang ang taya. Nagsipulasan ang mga kasama niyang bata. Siya nama'y halos makipagpatintero sa mga ilang dumadaang traysikel at motor sa kalsada upang makatawid sa may bandang likuran ng isang lumang gusaling napalilibutan na ng matatas na damo.

Pangiti-ngiti pa siyang dumikit sa may mataas na pader at pasilip-silip sa taya habang ito'y naghahanap ng kalaro.

Isang sigaw ang pumukaw sa kaniyang atensyion, boses ni Juancho, ang bagong saltang bata sa kanilang lugar. Iniwan na muna niya saglit ang ibang kalaro at agad na tumakbo sa likurang bahagi ng gusali. Mas lalo pang nagtaasan ang mga ligaw na damo at mangilan-ngilang puno doon. Maririnig din ang ingay ng mabantot na ilog sa malapit.

Hindi na siya nangailangan pa ng flashlight. Ilaw lamang ng buwan sa langit at angkin niyang kakayahang kalinawan ng paningin sa gabi ay sapat na, kakayahang namana niya sa ninuno niyang may lahing anito na noo'y mistulang sumpa ngunit sa kaniya'y nakatulong pa upang mas tapangan ang loob sa tuwing papasok ng kadiliman sapagkat kahit gaano kalalim ang gabi, gising ang mga nilalang na nahihimlay rito.

Naabutan niya si Juancho na halos mahiga sa lupa at hinihila ang binti mula sa kung anumang ugat ng malaking puno. Hubad na ang kaniyang dalawang tsinelas ngunit hirap na hirap pa rin siya sa pagtanggal ng kaniyang mga paa sa pagkakasabit.

"Juancho!" tawag niya. Bago pa magsimula ang laro, narinig ni Mak-Mak si Juancho na nagyayabang na wala siyang kinatatakutan kahit sa pinaka-liblib na sulok ng kanilang lugar. Kaya siguro nakaabot sa lugar na 'to paghahanap lamang ng tataguan.

Ngunit tila hindi siya naririnig ng kalaro. Bagkus ay napahawak ito sa mga pisnging basa na ng malamig na pawis at titig na titig sa mga ugat.

Hindi. Hindi iyon basta mga ugat. Mahahaba at sing-itim iyon ng lupang basa sa ulan, may mahahabang kuko na tila galamay ng kung anumang lamang-lupa. Mahigpit na nakakapit ang mga daliri sa dalawang binti ng bata.

"Idaemonon," bulong ni Mak-Mak sa sarili. Isa sa mga itinuro sa kaniya ng kaniyang lola ay ang pagkilala sa iba't ibang uri ng maligno. Hindi niya lang inakala na ang isa'y makikita niya rito malapit sa siyudad na kanilang kinalakihan. Madalas na kapre, duwende, o mga naligaw na santelmo lamang ang kaniyang nakikita noon ngunit ang idaemonon ay isang nilalang na magpa-hanggang ngayo'y 'di pa rin maintindihan ang tunay na laman at pinagmulan.

"Demonyo! Demonyo!" sigaw ng batang si Juancho'ng naghahalo na ang tumulong uhog sa laway ng kaniyang bibig.

Agad na lumapit si Mak-Mak, lumuhod sa tabi ng kalaro't tinulungang tanggalin ang mahahabang daliri ngunit ang mga ito'y singdulas ng naipong lumot sa gilid ng ilog, at ang mga kuko'y singtalas ng bagong-hasang labaha.

Sinundan ng mga mata niya ang dulo ng mga daliring nakalabas sa sampung butas sa lupa na unti-unting bumubulwak. Tila hindi 'ata nagustuhan ng nilalang ang itinawag ni Juancho rito't ngayo'y magpapakita na sa kanila ng tunay nitong itsura.

Umangat mula sa lupa ang malaking anino, lumiwanag ng pula ang mga mata nito, nakatitig lamang sa kanilang dalawa.

Hindi tumigil si Juancho sa pagsigaw ngunit si Mak-Mak ay matamang pinagmasdan ang nilalang. Hindi niya pa rin maintindihan ang itsura nito, kung ito ba'y anong klase ng lamang-lupa o espiritu. Isang bagay lamang ang pumasok sa isip niya, kalmado ito at walang balak silang saktan. Ngunit bakit?

Chrp. Napalingon siya sa may bunton ng damo sa likuran ng nilalang at doo'y napansin ang apat na inakay ng ibong maya. Kung nasaan ang inahin, hindi niya alam. Gutom na ba ang mga ito? O naghahanap ng kakalinga?

Napansin siguro ng idaemonon ang pagtitig niya sa mga ibon kaya't iniharang nito ang mala-aninong katawan sa pagitan nila.

Nagyo'y nakuha na ni Mak-Mak ang nais ng nilalang. Itinaas niya ang dalawang kamay tanda ng pagsuko. "Sorry po! Pakawalan mo na siya, please! 'Di po namin sinasadya.," pagmamakaawa niya sa nakatitig na nilalang.

Nang medyo tumahan na ang kalaro niyang si Juancho'y dahan-dahang niluwagan ng idaemonon ang pagkakakapit ng mahahaba nitong daliri sa bata't kusang pinakawalan.

Agad na nagtatakbo palayo si Juancho. "Mama!" sigaw nito.

Alam ni Mak-Mak na lalagnatin ito ng ilang araw, magkukuwentong na-engkanto ngunit unti-unti ring lalabo ang ala-ala sa kung ano talaga ang nangyari, penomelohiyang sabi ng kaniyang lola, na ang mga utak ng normal na tao'y kusang itinatama ang mga nasaksihan hanggang sa mas maging kanais-nais at angkop lamang sa kaya nilang unawain.

Ngunit hindi normal si Mak-Mak.

"Salamat," tugon niya sa idaemonon na agad na bumalik sa ilalim ng lupa't ang tanging natira lamang ay ang mga daliri nitong nakausli na nagmistulang mga itim at patpating kawayang 'di mo maipagkakaiba sa mga nakapaligid na damo't halaman. "Salamat," ulit niya.

Ang tanda niyang sabi ng kaniyang lola'y lumalabas ang mga idaemonon sa oras na ala-sais ng umaga hanggang ala-sais lamang ng hapon ngunit ngayo'y mag-a-alas-otso na. Tila isa lamang ito sa katunayang nagbabago na ang patakarang nakasanayan sa pagitan ng mga maligno at mga taong naninirahan sa lupaing ito.

Ngunit ang engkuwentrong ito'y may mas mahalaga pang leksyon para kay Mak-Mak, na hindi lahat ng mukhang nakakatakot ay gustong manakit, na hindi lahat ng karahasa'y dulot ng kasamaan. Minsan ay dala ng kagustuhang maligtas ang sarili o ang mga pinoprotektahan. Itatanim ito sa isip ni Mak-Mak sa mga susunod pang pakikipagsapalaran nilang magkakapatid.

Image Source: https://www.pinterest.com/pin/roots-scarecrow-1--541206080190961475/

Cover from Canva

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top