Klab Maharlika at ang Tatlong-Ulong Yawa (Ikalawang Bahagi)
Klab Maharlika
at ang Tatlong-Ulong Yawa
(Ikalawang Bahagi)
BINAYBAY ko na ang daan papasok ng Fort Santiago. Lalong humahapdi ang sugat ko kapag nadadampian ng suot kong sandong basa ng pawis. Ilang beses pa akong pinagtitinginan. Naaamoy na siguro nila ang tumutulong dugo. Nahihirapan na rin akong gumamit ng kapangyarihan para makakilos nang mabilis. Hintayin mo 'ko, Gwen.
'Di ko sadyang mamangha sa batong istruktura ng Intramuros. Kahanga-hanga ang pagkakatayo sa moog na ito na hanggang ngayon ay matibay pa rin. Balita ko'y dito naglalagi ang maraming klase ng maligno't espiritu dahil sa kalumaan na rin ng lugar na pinamumugaran ng iba't ibang kababalaghan.
Nagtaasan pa nga ang mga balahibo ko nang simulang maramdaman ang mga kadugo kong maligno.
Sinundan ko lang ang nakatatak na mga paa sa daan. Ito raw ang mga huling yapak ni Dr. Jose Rizal bago siya barilin sa Bagumbayan. Binaybay ko iyon patungo sa lugar ng kaniyang piitan.
Pinasok ko ang isang teatrong gawa rin sa bato. Wala na itong bubong at giba na rin ang ilang pader. May nakita pa 'kong ilang kabataang nagpa-practice ng sayaw.
Malakas ang pakiramdam kong nasa malapit lang ang hinahanap ko.
"Hindi ka na makakalayo," galit na sigaw ng isang lalaki. Lumakad ako at nilagpasan ang isang pader na bato saka ko nakita ang dalawang nilalang na halos mahiga sa sahig. Nagkalat ang malansang mantsa ng itim na likido, dugo ng maligno.
Sa gitna nila'y nakatayo ang maliit na estatwa ni Pepe. Nasa silid kami na kaniyang huling pinaglagian.
Agad kong nilapitan ang lalaking naka-sandong puti—si DM. May hiwa ang kaniyang maputlang balat pero walang bahid ng dugo. Ang tanging meron lamang dugo ay ang mahahaba niyang pangil sa bibig.
"Nakarating ka rin, pre," bati niya sa akin.
"Anong nangyari?" Hindi pa rin mawala ang sindak sa reaksyon ko.
"Hindi ako tatablan ng lason ng yawang iyan. Wala akong dugo. I'm a living vampire you know. In fact, ako pa nga ang natakam. Masarap pala ang dugo ng demonyo, lasang barbecue sauce." Hinimod pa niya ang natira sa kaniyang labi.
Sa kabilang gilid ay nakahiga si Frank. Hindi siya kumikilos. Nakaikot ng 180 degrees ang ulo niya't bali-bali na rin ang mga braso't binti. Muntikan na akong masuka.
"Don't worry about him. Nag-shutdown lang siya. Babangon din 'yan mayamaya," paalala sa akin ni DM. Oo nga pala, isang amalanhig si Frank. At si DM naman ay isang danag¹.
Nilingon ko ang demonyong tinutukoy ni DM. Nakahandusay sa malapit ang isang itim na mamá. Halos kamukha iyon ng napatay ko kaninang yawa, kulay ginto nga lamang ang buhok.
Nyumalis ka na niyan, Makbarubak²! sigaw ng kakaibang boses.
Saka ko napansing nagkukumawag ang demonyo sa sahig. Hindi siya makabangon. Pinaglinaw ko ang aking paningin at saka ko nakitang may dalawang espiritung humahawak sa kaniya pababa. Ang mga braso nila'y nakakapit sa katawan ng demonyo at hinihila siya pailalim sa lupa. Dalawang babaeng kaperosa³ na nakasuot ng Maria Clara, white ladies. Sa hinuha ko'y mga ligaw silang kaluluwa dito sa Intramuros.
"Mga peste talaga kayong yawa. Kailanman ay hinding-hindi ka namin maiibigan," iritang sabi ng dalawa sa demonyo.
"Ano pa'ng ginagawa mo riyan, sarimaw?" tukoy sa akin ng isa.
Agad akong kumilos. Nilapitan ko ang malignong hirap makakilos at inilabas muli si K'filan.
"Sa amin lamang ang dugo't kamandag ng irago⁴," banta niya't iniangil pa ang gintong ngipin.
Nyumahinhik ka! sigaw ng kakaibang boses na siya 'ata ang kausap. Nag-iisa na lamang ang tinig nito.
"Saan niyo siya dinala?" tanong ko ngunit tinikom na niya ang bibig. Wala na akong mapapala sa demonyong ito. "Hindi ka magsasalita? Kung gano'n, makinig ka na lang sa kapatid mo," sabi ko sabay tusok ng patalim sa kaniyang burdadong dibdib. Tuluyang naglaho ang maligno. Nadagdagan din ng tattoo ang braso ko.
"Tsk. Balak ko pa naman sanang paglaruan 'yang sandata mo. Effective pala talaga 'yan. Ayoko pang maglaho sa mundong 'to," panghihinayang ni DM. Nakatayo na siya ngayon at unti-unting naghihilom ang mga hiwa sa balat.
"Okay ka na ba?" pag-aalala ko.
"Still kicking. Nakita mo na si Belle?"
Tumango ako.
"Bilisan na natin. Ililigtas pa natin si Barbie," tukoy niya kay Gwen.
"Ngunit, Ginoo," pigil ng dalawang kaluluwa. "Hindi ba't nangako kang sasamahan kami kapag tinulungan ka namin sa yawang iyon?" Agad nilang nilapitan si DM at mahigpit na hinawakan sa braso. "'Wag mo na kaming hayaang malumbay muli." May pagyapos at paghaplos pa sila.
DM naman. Sa lahat naman ng haharutin mo, 'yun pang mga clingy na espiritu.
"Ah. Eh," alinlangan niyang sabi bago ako tignan. "Pre, mauna ka na. At kung mailigtas mo siya, alam mo na kung sinong sunod mong ire-rescue," ngiwi niya.
"Hm," tangi kong naitugon. Hay, ang hilig talaga nito pumatol sa gulo.
"Ginoo, samahan mo na rin kami rito," tawag ng mga kaperosa.
Kinilabutan ako at bago pa mapigilan ay nagtatakbo na 'ko palayo. Iniwan ko na rin muna si Frank. 'Di naman siguro siya mapapano. Bahala ka d'yan, DM. Mamaya ka na.
Hinanap ko ang alam kong pinakamalapit na lagusan papunta sa dungeons ng Intramuros. Isa ito sa mga kilalang istruktura ng Walled City bilang dating moog ng mga sundalo noong panahon ng giyera.
Nilagpasan ko pa ang ilang turistang walang kamalay-malay sa mga kababalaghang nagaganap sa paligid. Tinago kong muli si K'filan.
Aanhin nila ang kamandag at dugo ni Gwen? isip-isip ko. Makapangyarihan kasi iyon. Hindi lamang pag-alis ng sumpa ang kaya nitong gawin.
May nasipat akong maliit na butas sa isang pader, ang bunganga ng dungeon.
Mablis na gumapang sa katawan ko ang kaba nang malamang papasok ako sa maliit na espasyo. Bakit kasi hindi pa rin nawawala ang claustrophobia ko. Gusto kong umatras pero mas kailangan kong iligtas si Gwen. Huminga pa ako nang malalim bago pinasok ang madilim na lungga. Ilang sapot ng gagamba ang muntikan ko nang makain. May mga nakapa pa 'ata akong itlog ng ipis.
Natanaw ko ang isang silid na naiilawan ng mga dilaw na bumbilya. Pagkapasok ay saka ko nakita ang ilang estatwang tao na binihisan pa ng mga makalumang damit noong panahon ng giyera, mukhang exhibit ito para sa mga turista.
Kalmado ko iyong nilagpasan. May bantay na nakapansin sa pinanggalingan ko pero naabala na siya ng pagdating ng iba pang bisita. Marami pa ring may interes na bisitahin ang ganitong klase ng pasyalan.
Nagmadali na ako at nagpasikot-sikot sa underground tunnels. Naaalala ko rito ang Network⁵.
Pinagpula kong muli ang mata ko at napansin ang pamilyar na amoy. Narinig ko pa ang sigawan ng ilang mga tao sa ikatlong kanto ng lagusan.
Pagdating ko roon ay naabutan ko ang isang pamilya, mga magulang kasama ang kanilang dalawang anak. Nakaupo silang lahat sa sulok at nanginginig sa takot. Nakaharang ang ama para 'di masaktan ng kung sinumang kanilang pinagmamasdan.
Sa kabilang sulok ay nasilayan ko ang ikatlo at huling kapatid ng mga yawang kalibutan. Mas malaki ito sa nauna ko nang nakasagupa. Kaiba sa kanila, makukulay ang mga tattoo ng isang ito, kalbo at nakasuot ng pansundalong uniporme, tila ba isa sa mga rebultong nakapalibot sa Intramuros na ngayon ay buhay na kumikilos at nagwawala.
"Ngrrr!" Nakatalikod siya sa amin at may kung anong kinakagat. Tumalsik malapit sa paanan ko ang isang putol na braso.
Napahiyaw sa sindak ang pamilyang nagtatago sa sulok.
"Ngrr?" Napansin ng yawa ang ingay nila at humarap sa amin.
Saka ko nakitang ngasab-ngasab niya ang leeg ng isang babaeng may mahabang buhok—si Gwen!
Mas lalo pang bumilis ang takbo ng kabado kong puso. Nanakit ang lahat ng natamo kong sugat. Kumakalat na ang lasong itinanim ng demonyo sa dugo ko. Ngunit ang hapdi na iyon ay walang talab sa nararamdaman kong matinding emosyon nang makita ang lupaypay na katawan ni Gwen.
Hinarangan ko agad ang puwesto ng pamilya nang mahuling dito nakatingin ang mapupulang mata ng maligno.
"Nyarinaw! Nakaraning ka nin," sabi niya sa akin sa dumadagundong na boses, ang tinig na kanina ko pa naririnig na kumakausap sa dalawang malignong aking pinaslang. Ngunit hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.
"Nyako si Nagined⁶, ang nagiting na nandirignyang yawa!" Nalaglag ang kagat niyang katawan sa pagsigaw niyang iyon.
Saka ko lamang napansin ang walang-buhay na si Gwen. Kakulay lamang pala ng damit nito ang suot ni Gwen kanina. Gawa sa manipis na kahoy ang bangkay—isa lamang hungkag na estatwa, katulad ng nakita ko sa exhibit kanina.
Napagtanto kong kaya namumula ang mata ng demonyo ay dahil sa nagdurugo ito. Matalim na bagay ang ibinaon dito kaya nagkasugat ng ganoon. Hindi nakakakita nang maayos ang maligno. Kaya pala hindi rin siya makatingin sa akin nang diretso. Malamang ay naamoy niya lang ang dugong-sarimaw ko.
Nasaan ka, Gwen? tanong ko sa isip. Sana nasa ligtas na kalagayan lamang siya. Napangiti ako nang bahagya nang malamang nakaisip siya ng paraan para makatakas sa pinuno ng yawa.
"Nanga kapatingd!" sigaw ng maligno na muling nagpahilakbot sa amin. Sa gilid niya'y lumitaw ang dalawang anino na biglang sumanib sa katawan ng higanteng halimaw.
Gumalaw-galaw ang ulo niyang parang nangingisay. Lumiko-liko ito sa mga direksyong hindi na kayang gawin ng isang normal na tao. Hanggang sa unti-unting tumubo ang dalawang bukol sa magkabilaan niyang balikat. Patuloy ito sa paglaki at nagkaroon ng mata, ilong at bibig—naging tatlo ang ulo ng yawa!
"Nagined! Nasaan ang irago?" tanong ng kaliwa niyang ulo.
"Kung 'di ka ba naman timang. Pinatakas mo!" sigaw ng kanan. "Pulos yabang ka lang kasi."
"Nganot sinyinisi ngo ko!" sagot ni Nagined at naghandang ngasabin ang ulo ng mga kapatid na hindi rin naman nagpatalo.
Nagsuntukan, nagsabunutan, at nagkagatan ang mga demonyong sabay-sabay rin namang napahiyaw sa sakit dahil iisa lamang ang kanilang katawan.
Kung ganoon ay buhay pa rin sina Arapayan at Makbarubak.
"Wala tayong mapapala rito," sabay-sabay nilang sabi. Tumuwad itong tila may gagawing kakaiba nang bigla itong lumundag nang pagkataas. Nawasak ang kisame ng dungeon na gawa sa matitibay na bato at lupa. Nagkabutas ang lagusan. Nasilip ko pa ang langit na dumidilim na.
Nang dahil sa ginawa ng halimaw ay unti-unting gumuguho ang parteng iyon ng tunnel.
Hinarap kong muli ang takot na takot na mag-anak pero may lalaki nang nauna sa akin para iligtas sila. Matangkad at mahaba ang itim na buhok. Naka-bahag lamang siya at may suot na pulang putong sa ulo. Naglalabas ng enerhiya ang kaniyang katawan na pansamantalang sumasalo sa mga nahuhulog na bato at lupa. Isa siyang katambay⁷, tinaguriang bantay na anito ng mga timawa⁸, guardian angel sa madaling-sabi.
"Ako na ang bahala rito. Sundan mo na ang yawang iyon," utos niya sa akin.
Sumunod ako sa suhestiyon niya. Nilabas ko ang K'filan at itinarak ang patalim sa butas na ginawa ng demonyo. Binuhat ko ang sariling katawan hanggang sa makaakyat palabas. Saka lamang ako nakahinga nang maayos.
Tuluyan nang nagiba ang parteng iyon ng dungeon. Sana'y nailigtas nga ng katambay ang mag-anak.
Lumubog na ang araw. Natatabunan ng mga bituin ang langit. Nagmadali na ako at hinanap ang tatlong-ulong yawa, kung saan man siya nagsuot.
Ang nilabasan ko'y ang kilalang balwarte sa Intramuros. May ilan-ilan pang turistang kumukuha ng litrato sa bahaging iyon. Wala man lang nakapansin sa nangyaring pagguho. Malamang ay hindi rito napagawi ang demonyo. Gwen, nasaan ka ba?
Lumiko ako papunta sa kanang bahagi ng balwarte, sa may bukanang nakaharap sa ilog Pasig at doon ko natagpuan ang halimaw. Umaaligid-aligid itong may hinahabol na amoy. Buti na lamang ay wala nang mga tambay na namamasyal sa dakong 'yon.
"Sarimaw!" Nasipat niya ako.
Hinawakan kong mabuti si K'filan pero bago pa ako makakilos ay mabilis siyang nakasugod. Isinakal niya ang malaking kamay sa leeg ko. Napahiga ako sa batuhan. Mas lalo pa 'atang sumirit ang dugo sa mga sugat ko. Gumuhit ang matutulis na kuko ng demonyo sa balat ko.
"Sagabal," sabay-sabay nilang sabi sa akin.
"Patayin na natin siya."
"Kainin na lang natin."
"Nyay panggaganitan pa ang haring-ibon sa kanya," awat ni Nagined, ang ulo sa gitna.
Sinamantala ko na ang pagtatalo nila para itarak ang patalim ng sandata ko sa kanilang tagiliran.
"Wahhhhhh!" Dumanak ang itim na likidong kasing labnaw ng tinta.
Nahawakan ng halimaw ang braso ko at pinilipit. Nagngitngit ang mga ngipin ko sa sakit. Nabitawan ko ang espada na nasagi ng kamay ng demonyo at tumalsik sa dulo ng bukana.
"Katapusan mo na!"
"Yawa!" sigaw ng isang babae sa likuran. Napatigil ang halimaw na kikitil na sana ng buhay ko.
Sabay pa kaming nagulat sa nakita—si Gwen! Suot na lamang niya ang panloob niyang pang-itaas na damit. Malamang ay sa kaniya nga 'yung nasa estatwa kanina na ginamit niyang panlinlang sa halimaw.
Walang mapagsidlan ang tuwa ko nang makitang ligtas siya.
"Kailangan mo ang kamandag at dugo ng isang irago, hindi ba? Puwes, wala itong silbi kung patay na ako." Dinampot niya ang tumalsik kong sandata kanina at idinikit ang patalim sa leeg niyang may suot na kwintas ng kalayo⁹.
"Hindi!" nangangatal kong sigaw. Anong binabalak mo, Gwen? Ngunit tama siya. Mawawala ang bisa ng kamandag niya kung patay na ang pinanggalingan nito.
Humakbang paurong si Gwen papunta sa dulo pa ng arkong entablado. Isang hakbang na lamang ay siguradong hulog siya sa malamig na tubig ng ilog Pasig.
Kaniyang idinikit nang husto ang patalim hanggang sa tumulo ang dalisay na dugo. Siya'y umurong pa hanggang sa dahan-dahang bumigay ang bigat ng kaniyang katawan. Tumalon siya.
"Nyindee!" palahaw ng tatlong-ulong yawa. Binitiwan na niya ako at mabilis na kumilos para sundan ang nahuhulog na si Gwen. Tumalon ito mula sa balwarte.
Hindi yata ako nakahinga nang ilang segundo dahil sa eksenang nasaksihan ko.
Pagod man ay pinilit kong makatayo. Paika-ika akong naglakad palapit sa dulo ng bulwagan.
Sumalubong sa akin ang dilaw na pating na pakpakan—si Belle. Matiwasay na nakaupo sa likod niya si Gwen. Lumapag silang muli sa balwarte at tinabihan ako.
Hinanap ko kung saan napunta ang demonyo. Nakita ko na lamang na halos malunod siya sa malakas na agos ng ilog Pasig.
May mga galamay na lumitaw sa tubig, mga kamay na puno ng kaliskis. Hanggang sa nagpakita ang 'di bababa sa sampung magagandang dilag na may buntot ng isda. Mahigpit nilang pinipilipit ang kawawang halimaw at tila hinehele pa sa malambing na boses.
Hindi ko namalayang humakbang na pala ako. Kung 'di lamang ako pinigilan ni Gwen ay malamang na nahulog na ako at kasamang nalulunod na ngayon sa ilog. Nakakaakit ang mga boses ng mga dilag na 'yon.
"Mga magindara¹⁰," sabi sa akin ni Gwen.
Nawala ako sa trance nang masilayang muli ang ngiti niya. "Ano?"
"Mga kapatid kong bantay-tubig. Nakausap ko sila kanina." Nilingon niyang muli ang halimaw na ngayon ay unti-unti nang kinain ng ilog. "Sila na ang bahala sa ama ni Rabot. Malaki rin ang atraso niya sa mga magindara."
Inalala ko ang alamat. Ang mga magindara ay kamag-anak din ng mga irago, kalahating-tao at kalahating isda na tulad ni Gwen ay may magagandang boses na kahali-halina.
"Pinahanga mo 'ko, Pres," nasabi ko na lang sa kaniya.
"Ako pa." Inabot na niyang muli ang sandata ko. Pinunasan niya ang tumulong dugo sa leeg niya sabay hawak sa pendant ng kwintas niyang mukhang maliit na niyog, ang dating pinaglalagyan ng kapangyarihan ng kalayo. Saglit pa itong nagliwanag sa berdeng ilaw.
"Mukhang proud rin si Elmo," sambit ko.
"I really miss him."
"Me, too." 'Di ko inasahang pipiyok pa ako sa sagot ko.
"Ngunit sinong binabanggit nilang haring-ibon?" pagtataka niya. Narinig niya rin siguro ang banta ni Nagined kanina kahit hindi halos maintindihan.
"Isang sinaunang alamat," ang nasabi ko na lang kahit pa alam kong may mas malaking panganib na parating. Mukhang kilala ng tatlong yawa ang isinumpang hari. "Kung anuman ang balak nila sa makapangyarihang kamandag at dugo mo, siguradong hindi na nila maitutuloy pa."
Kruu! tawag ni Belle. Ikinampay pa niya ang mga palikpik.
"Ayos ka na rin ba?"
Kruu.
"Si Rome na ang bahalang magpahilom sa mga sugat mo."
"Ahh!" Napahawak bigla si Gwen sa sintido niya. Napapikit siya sa sakit.
"Anong nangyayari?" pag-aalala ko.
Ilang saglit ay humarap na siya sa akin. "Nag-iwan ng mensahe si Rome. Okay na raw si Lily ngayon, wala na ang mga lason at nagpapahinga na. Nakahanda na rin daw ang lunas na iinumin mo para sa mga sugat mo." Unfair talaga kung bakit sila lang ang nakapag-uusap sa isip.
"Mabuti naman." Nagpasalamat ako sa Maykapal. Hinawakan ko ang mainit niyang kamay na hindi naman niya inalis. "Ang akala ko'y kinain ka na ng demonyong 'yon kanina sa dungeon." Ang akala ko'y ako ang magliligtas sa kaniya, kabaligtaran pa pala. She's one of a kind.
"Gumamit ako ng camouflage at decoy. Saka may mga tumulong din sa 'king ligaw na espiritu."
"'Yung katambay ba ang tinutukoy mo?"
"Hindi. Mga kaperosang nagpapagala-gala diyan sa dungeon. Andami pala nila dito sa Intramuros, no?"
"Tama." Bigla na lamang akong may naalala. "Oh, shoot!"
"Bakit? May nakalimutan ka ba?"
"Si DM!"
WAKAS
***
¹DANAG malignong hayok sa dugo ng mga tao mula sa paniniwala ng mga Isneg
²MAKBARUBAK isa sa tatlong malignong nababalot ng batik ang katawan at itinuring na "demonyo" sa kasalukuyang panahon: sila'y mula sa lahi ni Asuang at ang sabi-sabi ay pinagmulan ng malignong si Rabot
³KAPEROSA ligaw na kaluluwa ng mga yumao; White Lady sa Ingles
⁴IRAGO kalahating-tao at kalahating ahas na may magandang boses na kahali-halina tulad ni Oryol sa epiko ng Ibalóng
⁵NETWORK tawag ng mga Maharlika sa lagusan sa pagitan ng mga puno ng balete na nakakalat sa bansa at ginagamit bilang mabilis na paraan para makapunta sa malalayong lugar
⁶NAGINED isa sa tatlong malignong nababalot ng batik ang katawan at itinuring na "demonyo" sa kasalukuyang panahon: sila'y mula sa lahi ni Asuang at ang sabi-sabi ay pinagmulan ng malignong si Rabot
⁷KATAMBAY mababang anito ng Kabikulan na tinaguriang bantay ng mga timawa
⁸TIMAWA tawag sa mga karaniwan o malalayang tao
⁹KALAYO ang apoy ni Gugurang na itinago ng kapatid niyang anito na si Asuang
¹⁰MAGINDARA kalahating-tao at kalahating isda na may magagandang boses na kahali-halina; kamag-anak din ng mga irago
*PHOTO FROM PHILIPPINE SPIRITS (Nagined, Arapayan
and Makabarubak)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top