Kiss Thief
"Taragis. Sino kaya 'yung kupal na 'yon?"
Alam mo 'yung pakiramdam na may gusto kang sapakin pero hindi mo alam kung sino ang sasapakin mo?
"Vela! O, gising ka na pala, e!" Lumapit si Terry sa akin. Oo nga pala, nagpapagising ako sa kanya para sa next class sa Psychology. "Dapat pumunta ka na sa room!"
Parang siya 'yung gusto kong sapakin. Naiinis na nga ako sa panaginip ko, e.
"Mag-ayos ka nga kahit kaunti!" utos niya. "Mukha kang minolestiya, 'Te! Ano ba 'yan?"
Ayokong nag-aayos ng sarili, sorry siya. Second year college kami sa Jesham at si Terry lang ang madalas kong utusang bulabugin ako sa puwesto ko 'pag gusto kong matulog.
Tambay ako ng library ng school kasi dito lang tahimik at pwedeng matulog nang hindi sinisita kapag maganda ang pagkakatago sa librarian. Ang kaso, nakakahalata na ako kasi parang paulit-ulit ang panaginip ko.
March 3, Monday
Alas dos ng hapon ang huling tingin ko sa oras bago ako nakaidlip. Pitong libro pa naman ang kinuha ko sa fiction section pero ilan lang ang nabasa ko. May ugali pa naman akong kapag inaantok, sumasandal agad sa upuan sabay tapal sa mukha ng libro para hindi ako masinag ng ilaw habang nakatingala.
Matagal ko naman na itong ginagawa. Ang kakaiba nga lang e ang nangyari sa panaginip ko.
Ang weird ng nangyari, kasi ang panaginip ko no'ng time na 'yon e hinahabol ako ng lalaking kamukha ni Freddy Krueger para patayin. Madilim ang paligid, nakikita ko ang masukal na daan pauwi sa amin kahit na sa isip-isip ko, nakatira naman kasi sa subdivision.
Papalubog ang araw, wala akong ibang inisip kundi gusto ko nang umuwi. Panay lang ang takbo ko, hinahabol ko ang kakaunting liwanag ng araw.
Mga panaginip kong hindi ko maintindihan kung bakit paulit-ulit na lang.
Bangungot na nga yata 'yon, ang kaso biglang nawala 'yung mala-Freddie Krueger na lalaki at biglang lumiwanag ang paligid.
Ayos na sana, e. Inisip kong nakaligtas na ako sa nakaka-badtrip na panaginip na 'yon, pero may biglang sumulpot mula sa liwanag—isang lalaking malabo ang rehistro ng mukha ang humalik sa akin.
At wag ka! Sa lips! Yuck, taragis!
Hindi ko nakita 'yung mukha niya kasi bigla akong nagising.
Pakiramdam ko tuloy, mas malala pa ang nangyaring halikan na 'yon kaysa paghabol sa akin ng nauna kong bangungot.
...............................................................................
Hindi ko alam kung ano'ng meron sa labas ng bintana ng classroom at ang sarap na lang tumulala. Alam ko na 'yung iisipin ng mga classmate kong mahaharot; lutang na naman si Vela. Kung alam lang nila kung gaano kadalas kong ini-imagine na mina-massacre ko sila isa-isa.
Hindi talaga sa tabi ng bintana ang upuan ko noon dito sa klase namin ng Soc. Sci. 2, pero gusto ko kasi sa pwede akong mag-space out kaya ninenok ko 'tong puwesto roon sa irregular student na mukhang parrot.
"Hi, Russ!"
Ay, eto na ho siya. Sino nga ba'ng hindi bumabati sa taong 'to? Parang lahat yata ng babae at bakla sa year namin, at mas lalo na sa iba't ibang bahagi ng campus, kilala siya e. Lalo pa, last year lang e siya ang inilaban ng BA Department sa school pageant. Tinatawag siyang Nick ng mga baklang mahihilig sa daks at borta, sa Nick Batman? Baitman? A, ewan. Kahawig daw niya. Di ko naman kilala 'yung taong 'yon, pero pinapalit nila sa pangalan niya. Wala namang lahi 'tong taong 'to pero taga-Zamboanga at nalahian daw ni McArthur ang descent, malay ko, pero parang ganoon. Siya lang ang kilala kong rugged look na hindi mukhang taong grasa.
Hindi ako pala-puna ng taong may hitsura, lalo na kapag lalaki, kasi ginagawa nilang pagkain ng ego kapag alam nilang pinagkakaguluhan sila ng mga babae. Kaso itong si Russel, iba. Minsan nga, naiinggit ako kina Shirley kasi nasasabunutan nila 'yung kulot na buhok ni Russel. Pinagkakatuwaan nila kasi natural ang pagka-brown. Parang gusto ko ring manabunot, pero 'yung mga classmate kong malalandi na ang uunahin ko.
Dumeretso siya sa harapang upuan ko. Sabagay, kahit naman may nakapagitang working table sa puwesto ko at sa harapan, walang pa ring nag-atim umupo roon kasi binabarubal ko ang likod. . . maliban sa kanya.
Nawawala ang focus ko sa labas ng bintana. Nakikita ko kasi siya sa dulo ng mata ko kahit na nakatingin ako sa katapat na poste ng kuryente.
Itinalikod niya 'yung upuan niya at humarap sa akin. Manti-trip na naman 'tong ungas na 'to.
"Bakit ang pangit mo na naman?" Napatingin naman agad ako nang masama sa kanya. Sabi na nga ba, mangungupal na naman 'to e.
"E, ikaw," sagot ko, "bakit ang yabang mo?"
Sa katunayan, hindi naman bago 'tong ganitong eksena sa aming dalawa. Ako lang naman ang mapalad na nilalang na hindi sinasaniban ng inasinang bulate kapag nakikita siya.
At ano naman sa kanya kung pangit ako? Pinakikialaman ba siya ng pagmumukha ko? Batuhin ko kaya 'to ng inuupuan kong monobloc?
"Wala ka pa ring boyfriend." Ayan na naman siya. Buti sana kung tanong e, kaso hindi. Ginagawang statement ang tono para ipamukha sa aking wala.
"Wala ka rin namang girlfriend. Gaya-gaya ka."
Alam mo 'yung kahit may hitsura siya, nawawalan ka ng pake kasi magaling manira ng araw.
Hindi ko alam kung anong nakakatawa sa sinabi ko at natawa siya. Ang dalas ng saltik nito e. Palibhasa, ako lang ang bumabara sa kanya.
"Ang pangit mo talaga!" pagdidiin pa niya, pagkatapos tumalikod na rin at yumuko sa mesa niya. Kung ako, library ang sleeping quarters; siya, lahat ng room na ginagamit namin. At matutulog lang siya kapag naasar na niya ako.
"Gago," sabi ko at pasimpleng sinipa ang likurang bahagi ng upuan niya. Makabawi man lang.
..................................................................
March 3, Wednesday
Malapit na nga raw kasi ang summer break kaya tinadtad kami ng projects at paperworks. Ang dami kong readings na nakakalat sa mesa sa dulong parte ng library kung saan ako tumatambay. Sinakop ko na ang isang buong mesang kasya ang sampung tao. Isang buong araw akong walang matinong tulog, matapos ko lang kahit isa sa term paper na nakatengga sa akin.
Kaso, sleeping quarters ko talaga ang library. Di pwedeng hindi ako makakatulog.
Palaging lumalalim ang tulog ko, lalo na pag nasasandal at titingala. Napaka-useful ng libro pantapal sa mukha.
Nakita ko na naman ang sarili kong nasa tuktok ng napakataas na building. Tinatanaw ko ang ibaba. Hinihintay kong mahulog ang sarili ko, o naghihintay ako kung may tutulak ba sa akin.
Mataas sa puwestong kinatatayuan ko, umiihip ang hangin, tinatangay ang buhok ko. Ewan ko kung dala ba ng airconditioning system ng library ang lamig kasi parang totoo.
May mga panaginip akong umuurong ako paharap sa dulo ng building para tumalon. Nakatanaw lang ako sa papalubog na araw, at alam kong hindi na ako makakauwi dahil wala na akong ibang matatakbuhan.
Siguro nga, inaasahan ko na. Kusa kong inihulog ang sarili ko mula sa itaas, iniisip na baka sakaling makabalik na ako sa amin ag ginawa ko 'yon.
Nararamdaman kong para akong hinihigop ng kung anong puwersa mula sa ilalim.
Ang kaso, na naman, imbis na kadiliman ang hinuhulugan ko, bigla na namang lumiwanag ang paligid. At, kung minamalas ka nga naman, may sumalo sa akin mula sa pagkakahulog ko. Isang lalaking parang nakita ko na dati pero hindi ko matandaan kung saan. Hinatak niya ang kamay ko at pinalapit sa kanya.
At ang nakakainis lang, nanghalik pa!
Ayos na sana, e! Akala ko pa naman, ligtas na ako sa sleep paralysis, pero ang sarap pumaralisa ng tao sa panaginip.
Kung pwede lang talaga! Kung pwede lang.
Hindi ko naman iniisip na kaya ganoon ang mga napapanaginipan ko e dahil No Boyfriend Since Birth ako. Hindi naman ako ganoon kahayok mahalikan ng kung sinong ipis na lalang ng sanlibutan. Pero, grabe naman. Parang mas gusto ko pang bangungutin na lang kaysa magmukhang nagwe-wet dreams. Yuck!
....................................................................
March 6, Saturday
Madalas, iniisip ko kung bakit kailangang magkaroon ng pasok tuwing Sabado ang mga college student. Ang dami kong ginagawang reports, maraming natatapos, pero parang hindi nababawasan.
Nakaubos na ako ng dalawang ream ng copy paper at parang gusto ko na lang silaban ang mga nakikita ng mata ko.
Sa library lang ako pwedeng mag-asikaso nang hindi ako nakakaabala at hindi ako inaabala. Masyadong masikip sa dorm at wala akong oras gumawa ng school related works. Ginagawa ko ang term paper sa Fundamentals of Rhythmic Activities. Taragis, mukhang pasasayawin pa kami nito bago matapos ang sem. Gusto ko na sanang umuwi kaso kailangan nang ipasa ang paper kinabukasan kahit na araw ng Linggo. Pa-espesyal ang mga propesor, talo pa namin ang belt kung mag-adjust. Binigyan pa naman kami ng catalog, at lahat ng ginamit kong references, puro mga libro na available sa library.
Hindi ko naman sinasadyang makatulog. Nakapangalumbaba lang ako gamit ang kanang kamay habang nagbabasa tungkol sa Evolutionary Psychology Theories. Pumikit lang akong saglit tapos wala na.
Nanaginip na naman ako pero hindi ko alam kung gising ba ako o tulog kasi naririnig ko ang mahinang ingay sa labas na umaabot sa second floor kung nasaan ang library. Hindi nga lang nag-meet ang tunog sa napanaginipan ko.
Nasa malawak akong damuhan, kulay dilaw ang paligid. Maraming ingay, pero wala namang ibang tao sa nakikita ko. Weird. Hindi ako binabangunot.
Humahangin sa paningin ko, gumagalaw 'yung mga damo. Malamig naman ang pakiramdam ko, inisip kong baka gawa ng aircon. Kaso parang mainit sa bandang tainga.
Pero alam mo 'yung akala mo, ayos lang ang lahat, pero may biglang epal na 'di mo kilala at bigla kang hahalikan sa pisngi mula sa direksyon na hindi mo alam kung saan nagmula?
Nagising na lang akong naumpog na sa mesa dahil bumagsak ang mukha ko mula sa kamay kong nakasuporta.
"Putaragis—!"
Hindi ko na alam kung saan ako maiinis. Sa paperworks, sa pagkakauntog ko sa mesa, o doon sa mga panakaw na halik sa panaginip ko.
Nakakarami na e. Nakakahalata na ako, ha.
..................................................................
Pare-parehas kaming sabog sa araw ng Lunes. Ang masaya lang yata e 'yung mga hindi nag-exert ng effort para ayusin ang mga term paper nila. Ang daming taong tinubuan ng eyebags. Si Terry nga, um-absent pa, makabawi lang ng tulog. Mga kampon ng dilim talaga 'yung mga prof na ang daming pinagagawa kung kailan closing ng academic year. Wala tuloy akong tagagising kaya kailangan kong mauna sa room bago pa lamunin ng dimensyon ng panaginip ang sistema ko.
"Russel!"
Hindi ko alam kung bakit kapag lumulutang ako sa kawalan at maririnig ko ang pangalan na iyan e bumabalik sa lupa ang isipan ko.
Nililingkis na naman ng mga mahaharot. Kailangan ko pang pigilan ang tawa ko kasi inaambahan niya ng suntok 'yung mga yumayakap sa kanya para magbanta, kaso bigla niyang babawiin saka ngingiti at sasaglit ng yakap tapos hindi na papansinin.
"Pangit," pagbati niya nang magtama ang tingin naming dalawa. At gaya ng dati, umupo siya sa upuan pero patalikod at ipinatong ang magkabilang braso sa sandalan ng monobloc.
"Yabang." Buti na lang at hindi ako pinag-iinitan ng pansklab nitong ungas na 'to.
"Laki ng maleta sa mata, a," aniya habang nginingisihan ako. Tsk, ang ganda ng ngipin, sarap bunutin isa-isa gamit ang tsani. "Kulang ka sa tulog? Di ka dumaan sa library?"
"Paki mo, bading?"
Napansin ko ang kaunting gulat sa mukha niya nang sabihin ko 'yon.
"Sinong bading?" tanong pa niya samantalang siya lang naman ang kausap ko. Umatras siya sa inuupuan at tinantiya ako ng tingin. "'Pag hinalikan kita diyan, tingnan natin kung sinong bading."
May napitik yata akong ugat at na-bad trip siya. Umayos agad siya ng upo at kanto-kanto ang tingin ko sa paligid—tinitingnan kung may makakapagturo sa akin ng ginawa kong mali.
"'La, problema mo?" sabi ko na lang bago ilipat ang tingin sa labas ng bintana.
........................................................................
Hindi nga pala ako dumaan ng library. Dalawang araw na rin. At dalawang araw nang walang wirdong panaginip. Gusto ko sanang pumunta roon kaso pauwi na rin naman ako. Si Terry lang naman ang hinihintay ko rito sa bahay kubo. Alas singko na, putik, nakikipag-tsismisan pa yata kay Ma'am Salcedo.
"Pangit."
Mata ko na lang ang ginalaw ko habang sinusundan ng tingin si Russel. Tatambay rin yata rito. Umupo siya sa katapat na upuan ng akin. Mabuti na lang at tatlong dipa ang layo naming dalawa. 'Pag nan-trip na naman 'to, babatuhin ko agad tapos tatakbo ako. Bahala na si Terry.
Alam mo 'yung buryong na buryong ka na sa buhay mo kaya napapansin mo na lahat ng maliliit na detalye sa mundo. At dahil walang ibang makita ang mata ko, binabad na ang tingin ko sa loob ng waiting shed a.k.a. bahay kubo ng Jesham.
Nabilang ko na kulang ilan ang bahay ng gagamba sa bubong ng kubo na ide-demolish na rin soon ni Manong Tupe 'pag nakita niya. Nabilang ko na rin kung ilan ang kawayang sandalan ng upuan sa kubo. Napansin ko ring hindi pala pantay ang pagkakasemento ng mga upuan. Sa ilalim pa naman niyan madalas pagtaguan ng mga bag ng mga estudyanteng binu-bully ng mga kaklase nila. Napansin kong ang kintab ng sapatos nitong nasa harapan ko. 'Yung iba kong mga kaklase, ang dudugyot ng black shoes. Kaso ang baduy ng binabasa. Ano 'yan? The Interpretation of Dreams . . . Psychology? Taragis, Freud. Sakit ko sa ulo. Ngayon ko lang napansin, nag-ahit siya ngayon, pero hindi sobrang linis. Ayaw pa ring alisin ang rugged look niya.
"Tapos ka nang titigan ako?"
Napapikit-pikit na lang ako nang masalubong ko ang tingin niyang nananantiya. Taragis, ano na ba'ng nangyayari sa Earth? Di ko na alam!
"Mukha ba 'kong nakatitig sa 'yo, ha?" masungit kong balik sa kanya.
Natawa siya. 'Yung klase ng tawa na pang-kontrabida at gusto mo nang salaksakin ng flagpole sa lalamunan para lang tumigil.
"E di, hindi," sabi na lang niya habang nginingisihan ako. Wakwakin ko kaya labi nito nang matigil.
Itinuon ko na lang sa iba ang tingin ko, baka may mag-assume ang iba sa paligid, mahirap na. Nagpatuloy na lang siya sa pagbabasa.
Naalala ko, meron palang report sa Friday about sa studies and theories ni Freud. Dreams Psychology. Dati, masaya lang magbasa ng dream intepretation sa mga libro ni Madame C sa mga maninipis na libro, doon sa ilalim ng fiction section sa bookstore. Pero no'ng nakilala ko si Freud at Jung, parang ayoko na.
"Russ," pagtawag ko habang nagbabasa siya.
"Bakit, Pangit?"
Taragis, pinanindigan talaga. "Report n'yo?" pagturo ko sa hawak niya.
"Oo, bakit?"
Tumango naman ako. "Ano'ng ibig sabihin 'pag nanaginip ka ng masama?"
"Depende," sagot niya. Aba, seryoso, matino nang kausap.
"Paanong depende?"
"Depende kung paanong masama. Sa negative dreams, pwedeng dahilan ng traumatic experience. O kaya threat simulation, warning sa possible threat in waking life. O pwedeng result lang ng emotional reaction mo noon sa isang particular event na nadadala mo lang ngayon kaya mo napapanaginipan."
Marami-raming makakalkal sa aking bad memories. Kaya siguro palagi akong nananaginip ng masama.
"E, paano kapag nanaginip ka ng may humahalik sa 'yo sa panaginip mo, ano'ng ibig sabihin no'n?"
Natigilan siya. Tiningnan ako ng deretso. Subukan lang niyang tumawa, babatuhin ko siya ng sapatos.
"Nagtatanong lang naman," depende ko agad bago nag-iwas ng tingin, pero ibinalik ko rin agad nang makita kong di siya nag-react ng kakaiba.
Nagkibit-balikat siya tapos itinuloy ang pagbabasa. "Nagiging form of wish-fulfillment ang dreams, in relation sa sexual content ng napanaginipan. Minsan, nangyayari sa panaginip ang mga bagay na hindi mo magawa in reality. So, kung nanaginip ka ng gano'n, baka kulang ka lang sa halik."
"Yuck, ha! As if namang gusto kong mahalikan!"
Hindi naman sa nagpapaka-overacting, pero, hello? Mabubuhay naman ang tao nang di nahahalikan, ano?
"Sabihin mo na kasi kung ano'ng gusto mong puntuhin, Pangit," dagdag pa niya kahit nakatingin lang sa libro pero nakangisi naman. "May pinagnanasahan ka, 'no?"
"Baliw! Mukha mo!"
Taragis, nasaan na ba si Terry? Bahala siya, lalayas na 'ko. Baka masapak ko pa 'tong Russel na 'to 'pag nagtagal pa 'ko rito.
..........................................
Nagpapasahan na ng mga panghuling pasakit sa school. Nakikini-kinita ko nang maraming luluhod sa mga prof pagkatapos ng second semester at sa simula ng summer class.
"Hindi ka pala dumaan ng library," bati agad ni Terry sa akin nang makita akong maaga sa room.
Hindi naman ako nagpagising sa kanya ngayong araw kaya malamang na hindi ako dumaan.
"Hinanap mo ba 'ko ro'n?" tanong ko sa kanya.
Umiling siya. "Hindi. May nagtanong lang kung nando'n ka."
Talaga ba? "Sino?"
Nagkibit-balikat siya tapos 'yung mukha pa, sumisigaw ng "Sino pa ba?"
Taragis talaga nito ni Terry. Minsan, matatampal ko na talaga 'to e. Sino pa ba'ng maghahanap sa 'kin maliban sa kanya at sa mga prof kong maraming pautos?
.............................................................
Nadismaya ako pagpunta ko sa library. May mga anak ng demonyong nakaupo sa puwesto ko palagi. Ayoko pa namang kumuha ng upuan sa ibang mesa kasi sinisita na ako ng librarian 'pag nahuhuli akong nakabuyangyang ang pagtulog. Baka i-ban pa ako, mahirap na.
Pero ang mas nakakainis, nag-text 'yung ka-dorm ko. Nasa dorm daw 'yung boypren niya sa kabilang school. Taragis, ginawa pang hotel 'yung tirahan namin. May choice naman ako: sa dorm, manonood ng kahalayan at makapatay after ng landian; o sa school muna hanggang sa makaramdam ang ka-dorm ko na may kasama pala siyang ibang tao sa tirahan namin.
At di naman halata kung ano ang pinili ko.
Nagsumiksik ako sa dulong bookshelf kahit na amoy panahon pa ni Magellan sa puwesto ko. Taragis, iba ang amoy ng mga libro sa tagong bahagi ng library. May kadiliman pa kasi dito itinambak lahat ng theses na ipinasa sa school. Intensyon ko ang makatulog. Nakatanghod lang ako habang nakasandal sa mga librong puro research ng mga graduating student mula pa noong nakaraang limang taon.
Naririnig ko pa ang ilang ingay sa labas ng library. Hindi malakas, mahina pero sapat na para sabihing abot ng pandinig. Pumikit ako at unti-unti nang nasasanay sa nananapak na amoy ng paligid.
Di ko alam kung paano kakabisaduhin at iintindihin sa mabilis na paraan ang Freudian psychoanalysis, lalo na kung sumasabay pa ang Accounting sa kailangang isipin.
Naalala ko tuloy 'yung sinabi ni Russel, "Minsan, nangyayari sa panaginip ang mga bagay na hindi mo magawa in reality."
Hindi ko naman alam kung ano ba ang mga bagay na 'yon.
Ang weird na naman ng panaginip ko. Nakita ko na naman 'yung playground na lagi kong pinupuntahan noong bata ako. Papalubog na naman ang araw at iniisip kong kailangan ko nang umuwi.
Kulay kahel na naman sa paligid, at may kinakausap ako habang naglalakad. Hindi ko maintindihan ang usapan namin, mukha naman akong masaya.
Nakakaramdam ako ng init sa kanan ko pero malamig sa bandang kaliwa.
Pinagpatuloy namin ang paglakad hanggang sa makarating kami sa entrance ng subdivision kung saan kami nakatira.
Nginitian ko ang kausap ko, di ko maipaliwanag pero parang kilala ko siya. Yumuko ako para magpasalamat kasi sinamahan niya ako. At least, di ako umuwing nag-iisa.
Lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa noo.
"Uwian na, Pangit . . ."
Tumumba ako sa sahig patagilid kaya ako nagising.
Napatayo agad ako at tiningnan ang paligid habang nag-aayos ng uniform at nagpupunas ng laway sa bibig.
Taragis! Anong klaseng panaginip 'yon?
....................................................................
Di ko talaga matanggap na may mga subject sa curriculum na kailangang alisin pansamantala ang mga dignidad naming mga estudyante, makapasa lang. Gaya ng nahinuha ko na noon, tama nga ako—pasasayawin kami sa Rhythmic Activities. Ang masakit pa, Tango ang trip ng prof namin.
Hindi ko alam kung naging masamang tao ba talaga ako sa mga kaklase ko kasi talagang wala akong mahanap na partner no'ng tinipon kami ni Sir Ronald sa gym.
"Saan na si Russel?"
"Sir, kami po ni Rodriguez ang partner!"
"Kami, Sir! Kami ni Luis! Sir, kami ni Luis!"
"Sandali! Sandali! Isa-isa lang! Batuhin ko kayo ng chalk, lumayo kayo sa 'kin."
"Russel! Kami partner ni Russel po!
Dinumog nila si Sir para makapagpalista. Siraulo din kasi 'tong prof namin, inaalam na kung sino ang pumapasok sa klase niya at kung sino ang hindi. Sabagay, final exam naman na niya 'to.
Thursday na pero gusto niyang mag-present kami hanggang sa Sabado. At kung pwede na raw ngayon o kaya bukas, mas maganda. Mga sugo talaga ng dilim. Akala naman niya, wala kaming ibang subject para unahin namin ang practice sa exam niya. Ako pa pagta-Tango-hin, buti sana kung hip-hop 'yan.
"Hoy, Terry!" Napasigaw agad ako kasi 'yung bukod-tanging inaasahan kong partner ko, may tinangay nang iba.
"Sorry, Vel!" nakangiti pa niyang sigaw sa akin. Taragis. Palibhasa, crush niya 'yung tinangay. Para-paraan din ang gaga.
Paano na 'to? Sino ang partner ko e halos lahat ng classmate ko, mga di ko naman ka-close?
Alam mo 'yung feeling na bumabalik na sa 'yo ang karma mo kasi napakasama ng ugali mo?
Ang bilis mag-assign ni Sir Ronald ng pairs. Binigyan niya ng number lahat bago i-dismiss ang may kapares na. Pinaalis niya agad para daw makapag-practice pa habang time pa niya.
At hindi maganda ang pakiramdam ko habang nakikitang bilang na lang sa kamay ang mga kaklase kong natira sa gym. Ang masakit pa, odd numbers ang bilang namin. Pito na lang kami. At may pares nang tatlo.
"Sir, magta-Tango ako mag-isa?" tanong ko na lang kasi wala talaga akong ka-pair.
"Ikaw ang bahala, Torres. Kung gusto mo, mag-Tango pa kayo ng anino mo. Sisihin mo 'yang mga classmate mong tamad at di pumapasok sa klase ko."
Taragis talaga. Ibabagsak ko talaga 'tong subject niya, bahala siya.
"Sir! Sorry, late!"
Napalingon ako sa likod ko. Humahangos palapit sa amin si Russel na kanina pa hinahanap ng mga chickading niya.
Nakakairita 'tong taong 'to. Bakit 'yung mga tao sa gym, mukhang dugyutin 'pag pawisan, pero siya, hindi. Napaka-unfair ng buhay talaga, oo.
"Vargas! Saan ka na naman nagsususuot, ha?"
"Sorry po. Inutusan ni Ma'am Toquero mag-akyat ng mga kahon ng exam booklets sa Faculty Room."
"Siya, siya! Maghanap ka ng partner mo sa final test."
"Ano hong gagawin, Sir?"
Itinuro ako ni Sir Ronald habang nakatingin sa record book niya. "Tanungin mo si Torres ng gagawin. Isa rin 'yang walang partner."
Ang sarap magmura.
"Hoy, Pangit, ano raw gagawin?"
Kung di ka ba naman tamaan ng napakalaking kamalasan sa mundo, oo. Sa dinami-rami ng makating naghahanap sa taong 'to kanina, ako pa talaga ang natiyempuhan.
"Hoy, ano na?"
May iba pa naman ang kaklase, di ba? Kaso, mga letseng nagsipag-drop na pala ang mga kupal. Baka may absent pa? Kaso taragis, pinakumpleto na kami ngayong araw e.
"Pangit! Huy! Ano? Tutulala ka lang?"
"Tango raw," tinatamad kong sagot.
"Anong Tango?"
.............
"Ten-ten-ten-ten! Tenenenenen! Ten-ten-ten-ten! Tenenenenen!"
At sinong matinong gago ang kakanta ng instrumental music? Itago na lang natin siya sa pangalang Russel.
Pinagamit sa amin ang art studio ni Sir Arjay. Ginamitan ng kalandian nito ni Russel kaya sino-solo namin ang lugar.
Nakakatuwa talaga ang teknolohiya dahil hindi na namin kailangang maranasang magdala ng naglalakihang speaker at CD player para lang makapagpatugtog ng music. Nag-download na lang si Russel ng mp3 ng tugtog at sinulit ang echo ng may kaliitang studio bilang speaker.
"Wala kang klase ng 7?" tanong ko, kasi ang alam ko, may klase night class siya since di niya napapasukan ang klase niya ng Rizal sa hapon.
"Wala na," sagot niya habang nanonood ng tutorial ng sayaw sa YouTube. Dancing ang talent niya last year no'ng sumali siya sa Mr. Jesham kaya malamang na alam na niya ang gagawin.
Mag-iisang oras na kaming nakasalampak sa wooden floor ng studio. Nakailang higa-bangon-upo na rin ako kahihintay na makabisa niya ang steps. Madali lang daw pero, taragis no'ng nakita ko, mukhang naglalandian 'yung dalawang nagsasayaw.
Yuck! Gagawin namin 'yon ni Russel? Kadiri, shet.
'Yung dignidad ko! Diyos ko, 'yung puri't dangal ko!
"Game, Pangit."
Tinulalaan ko lang siya habang inaalok niya 'yung kamay niya sa 'kin. Di ko talaga matanggap. Para sa dos na grado, titiisin ko 'tong kahihiyang 'to? Nakakahiya kung PE lang ang magpapabagsak sa akin.
"Nangangawit ako, dali na."
Tsk, may iba pa ba akong magagawa? Kinuha ko 'yung kamay niya at saka niya ako hinatak patayo. 'Pag talaga 'to nangupal naman, ayawan na.
Sinabi niya, naka-repeat lang 'yung tugtog kaya ayusin na raw namin.
"Basic lang tayo, 'wag na 'yung iba," paalala pa niya. Malamang, basic lang. Ano, gagawa pa ba siya ng pam-professional moves?
Hinawakan ng kanang kamay niya 'yung kaliwang kamay ko. Siya na rin ang nagpatong ng isa ko pang kamay sa balikat niya.
Nai-imagine ko ang sarili ko mula sa malayo na nanlalaki ang butas ng ilong habang nagpipigil ng sarili. Taragis talaga, masasabunutan ko 'yong Terry na 'yon pagkatapos nitong exam na 'to e.
"Tatlong step pa-side, ha. Left, right, left lang. Tapos lingon-lingon. 'Pag ako tinapakan mo, kutos ka sa 'kin."
Tarantado talaga 'tong isang 'to. Tatapakan ko talaga siya! Akala niya!
"Lapit kang kaunti sa 'kin. Alanganin 'yung distansya natin. Matitisod ka sa ginagawa mo."
Mapapahingi talaga ako ng tawad nito kakamura. Anong lapit pa ba ang gusto niya? 'Yung yakapin ko na siya, gano'n ba?
Lumapit naman ako at sinubukan kong silipin 'yung mukha niya. Hanggang baba lang niya 'yung height ko. Gaano ba 'to katangkad? Five foot two ang taas ko, 'takte, mas matangkad pala siya sa malapitan.
Shet, ano 'yung mabango? Taragis, amoy lalaki. Ano kaya'ng pabango nito ni Russel? Parang naamoy ko na 'to sa kung saan.
Pakiramdam ko, inusog ng palad niya 'yung hangin sa sikmura ko nang hawakan niya 'yung tagiliran ko. Ang weird ng nararamdam ng sikmura ko. Napalunok ako habang iniisip na gusto kong masuka. Putik, anong butterfly-butterfly sa tiyan, lintik, parang nabuhay lahat ng alaga kong bulate sa loob at naasinan e.
Naka-guide lang si Russel sa kilos ko kasi siya, alam niya ang kinikilos niya. Ako, mukha akong tangang pinandidilatan ang nakaawang niyang polo at nasisilip ko ang ayokong masilip doon. Kota na ang lalamunan ko kakalunok, di ako mapapanisan ng laway kahit di ako magsalita.
Paikot-ikot lang kami sa studio at sinusundan ang steps na tinuturo niya. Madali lang kasi nadadala niya ako sa kilos. Putik, laking pasasalamat ko na hindi kami pasmadong pareho.
"Humihinga ka pa ba?" tanong niya kaya tiningnan ko siya nang diretso sa mata.
"Ano?" inosente kong tanong. Putik talaga, nakakahiya, nagmumukha na 'kong tanga sa harap ng ungas na 'to!
Huminto siya sa pagkilos kaya huminto na rin ako.
"Okay ka lang?" tanong pa niya. "Walang hingahan, a. Hindi naman 'to swimming lesson."
Alam mo'yung feeling na gusto mong manapak pero di mo maipaliwanag ang nangyayari kasi . . . unexplainable talaga!
"Huy, Pangit, ano? Okay ka lang ba, ha?"
Ang swerte naman ng makakadagit dito sa ungas na 'to.
"Vela . . ."
"Bakit ang gwapo mong hayop ka."
Iyan ang gusto kong sabihin pero sinaniban yata ako ng masamang espiritung tanga kaya ang lumabas sa bibig ko e:
"Gusto ko ng siomai."
Napangiti siya sa sinabi ko. Taragis, pwede nang bumuka ang lupa at lamunin ako kasi ang bobo ko rin talaga kausap.
...................
Hindi ito ang normal na gabi ko araw-araw. Ganitong oras, dapat e nakahiga na ako sa kama ko sa dorm, nakasalpak ang earpod sa tainga at naghihintay makatulog. Alas otso pasado na at napakaganda ng balitang ibinigay sa akin ng ka-dorm ko. Sinagad yata ang stay ng lalaki niyang hindi pa rin pala umuuwi porke sinabi kong late na ako makakauwi. Nagpa-extend pa ng 9 p.m. Malas at sarado na ang library para tulugan ko.
"Gusto mo pa?"
Higit na yata sa lahat, itong kasama kong nag-abala pang ilibre ako ng siomai dahil lang iba ang lumabas sa bibig ko kaysa iniisip ko.
Gusto ko rin naman ng siomai na maraming bawang saka sili, pero baka isipin nito ni Russel, sinasamantala ko ang kabaitan niya.
"Sige na nga, akin na."
Di rin pala ako tumatanggi sa grasya, lalo na kapag ginugutom talaga ako. Di naman makapal ang mukha kong mang-agaw ng pagkain, nag-alok naman kasi siya.
May mga estudyante pa rin sa campus para sa night class. Maraming bag ang nasa bahay kubo at nakisiksik lang kami para may maupuan. Mukhang marami rin ang nagpa-practice sa school para sa finals.
"Anong oras ka uuwi?" tanong ni Russel. Baka gusto na rin nitong umuwi, maaga nang nagpapahiwatig.
"9 pa. May ibang tao sa dorm, hinihintay ko lang umalis." Tiningnan ko siya. "Uuwi ka na ba?"
Nakatingin lang siya sa harapan namin habang inuubos 'yung iniinom niyang iced tea. Minadali ko na ring ubusin 'yung kinakain ko.
Hindi ko alam kung okay na ba 'yung prinaktis naming steps. Di ko halos natandaan dahil para akong sinaniban ng tuod kanina habang nagsasayaw kami. Pero alam ko namang di ko siya natapakan at proud ako roon.
"Mamaya." Sa wakas, sumagot na rin.
Napansin kong sabay kaming bumuntonghininga. Malapit na ang summer pero malamig pa rin tuwing gabi. May constellations akong hinahanap tuwing gabi kapag hindi maulap at nakita ko na naman iyon di-kalayuan sa buwang hindi buo pero maliwanag pa rin.
"Lapit na ng summer break," sabi ng katabi ko.
"Lapit na rin matapos ang school days," sagot ko.
Kailangan ko na sigurong magsabi sa pamilya ko na uuwi na ako sa amin pagkatapos ng clearance. Sa wakas, pansamantalang bakasyon.
"Wala ka pa ring boyfriend."
"Taragis 'yan." Lumayo ako nang kaunti at tiningnan ko siya nang masama. "Wala kang patawad, 'no?"
Nakangiti lang siya nang matipid tapos nagsuklay ng buhok. Tumingala siya tapos nag-unat.
Nang-aasar ba 'to? Bakit parang hindi?
"Ikaw, bakit wala ka pang girlfriend?" tanong ko na lang, makabawi sa habit naming dalawa mula pa noong first sem.
Humikab siya. Nahawa ako pero pinigilan kong humikab, ang sakit pa naman sa lalamunan. Inaantok na siguro 'to kausap ako.
Sabagay, kailan ko ba 'to kinausap nang maayos, e tuwing nag-aasaran kami sa room, deretso tulog din naman siya.
"'Di ko nga alam kung paano kakausapin 'yon e."
Nagulat ako nang kaunti kasi sumagot. "Sino? May girlfriend ka na?"
"Wala, baliw."
Pinaningkitan ko siya ng mata. May syota na siguro 'to, di lang nagsasabi.
"Di nga." Hinampas ko 'yung balikat niya. "Taken ka na, 'no? Landi mo."
"Wala nga kasi."
"'Wag nang mag-deny, meron 'yan. Sino? Maganda? Classmate natin?"
Ayaw pa kasing umamin, wala namang magtataka.
"Maganda. Classmate ko." Nag-iwas siya ng tingin habang naiinis.
Tumawa ako nang malakas. "Ayun! Kunwari ka pang walang girlfriend, ayaw mo lang yatang sugurin ng pansklab mo."
"E hindi nga kasi kami."
"Sus, e bakit di mo ligawan, tanga."
"E bakit? Magpapaligaw ka ba?"
---------------
Alam mo 'yung nakakainis? 'Yung nakakatawa ang sitwasyon pero di ka makatawa kasi di mo alam kung paano mo 'yon tatawanan.
Naiwan ako kagabi sa bahay kubo pagkatapos ng naputol na usapan namin ni Russel.
"E bakit? Magpapaligaw ka ba?"
No'ng sinabi niya 'yon, tinulalaan ko lang siya. Tatawa na dapat ako pero di ko rin alam kung bakit di ko naituloy. Siya lang ang natawa, at napaka-bitter pa, tapos bigla niyang sinabing "Pilit kasi nang pilit. Sinabi na kasing . . ." Tumayo siya at nagpagpag ng damit. Hindi siya nagpaalam at iniwan na lang akong mag-isa.
Taragis, napuyat pa 'ko dahil sa kagagawan ng kupal na 'yon. Paulit-ulit na nagpa-flash sa isip ko 'yung mukha niyang napakaseryoso tapos biglang tumawa ng pagkapait-pait. Sabi ko pa naman sa sarili ko, pinagtitripan lang ako ni Russel. Kaso, 'takte, buong gabi kong niritwal 'yan sa sarili ko hanggang sa di na ako nakatulog at inabot na ng umaga.
Di naman gano'n ka-espesyal 'yung sinabi niya, kaso napakamalisyosa ng utak ko at di talaga tinigilan ang kaiisip doon. Pumasok tuloy akong puyat at naka-zombie mode.
Ang daming bubuyog sa paligid pagtapak na pagtapak ko sa room. Masyado pa akong inaantok para isa-isahin ang mga ingay.
"Vela, sino naging partner mo?" agang pambungad sa akin ni Terry pagpasok ko. Taragis, ako pa talaga ang tatanungin niya e napakapaasaa niyang gaga siya.
Dumeretso na lang ako sa puwesto kong may nakaupo. Di ko alam kung masama lang ba ang mukha ko dahil puyat ako o talagang tanggap na ng nakaupo roon na mali siya ng napiling upuan para puwestuhan. Umalis din kasi agad at inalok ang upuan sa akin.
'Yan, ganiyan, tinuturuan ng World Geography kaya matutong lumugar.
"Sino 'yung ka-partner ni Russel sa PE?"
"Pwede pa bang magpalit? Tanong ko nga kay Sir Ronald."
Pakiramdam ko, hinihigop ako ng kailaliman ng lupa kahit nasa second floor kami. Ang bigat ng ulo ko, kusang bumagsak sa mesa, pagkaupo na pagkaupo ko.
'Pag nakita ko talaga 'yung Russel na 'yon, sasapakin ko talaga 'yon. Kino-corrupt niya ang sistema ko.
Mabuti na lang at walang exam ngayon o kaya surprise quiz. Ang alam ko, sa Monday pa. Dapat lang. Tuyot na ang utak ko para mag-memorize.
"Russel!"
Taragis na buhay 'to, oo. Nagtitilian na ang mga chickading niya.
"Russel, may partner ka na sa PE?"
"Russ, wala pa ako!"
"Bakla, may Vincent ka na! 'Wag kang ano! Russ, wala akong partner, promise. Gusto mo partner tayo?"
Mga punyeta. Ang iingay!
Narinig ko na may tumapik sa mesa ko. Katabi pa naman ng ulo kong nakayuko kaya lalong ang sakit sa tainga ng tunog at vibration ng kahoy.
"Pangit."
Ang sama ng tingin ko pag-angat ko ng mukha para tingnan siya. Tarantado talaga 'to e. Sinasagad na ako, ang aga-aga.
"Papansin ka rin, 'no?"
Natawa siya. "Hitsura mo, mukha kang mangkukulam."
"Tigilan mo na nga ako!" sigaw ko sa kanya. Napasabunot na lang ako kasi ang sakit na nga ng ulo ko dahil sa puyat, mang-aasar pa! Sino ba'ng hindi maiinis, aber? "Kagabi ka pa, ha! Kagabi ka pa!"
Lalong lumakas ang tawa niya. "Inaano ka?"
"Pwede ba, kahit ngayon lang, stop ka muna, ha? Napu-frustrate ako sa 'yo e! Taragis, buong magdamag mo na 'kong hindi pinatahimik, pati ba naman hanggang ngayon? Wala kang konsiderasyon, ha?"
Ibinagsak ko ang magkabila kong siko sa mesa at ipinatong sa mga palad ko ang mukha kong ang sarap lamukusin.
"Wala pa 'kong ginagawa sa 'yo, Pangit!"
Napundi na nga yata ako at kung ano na ang nasabi ko sa kanya.
"Tigilan mo na 'ko, Russel! Imbis na sa 'kin mo ituon 'yang pangungulit mo, ibang babae na lang ang buwisitin mo, 'wag na ako! Masakit na ang ulo ko!"
Alam mo 'yung pakiramdam na inis na inis ka na at marami ka pang gustong sabihin pero di ka makapalag pa sa kinaiinisan mo kasi masyado ka nang pagod para pumalag. 'Yung gusto mo na lang umiyak dahil sa frustration pero dahil feeling strong ka, pipigilan mo na lang.
'Takte, pakiramdam ko, bumigat lalo ang tibok ng puso ko. Di pa naman ako sanay na nagtataas ng boses.
Di ko alam kung ano'ng nangyari pero biglang tumahimik sa room. Akala ko, imagination ko lang pero tumahimik pala talaga.
"Sorry, Vela . . ." Narinig ko sa harapan ko.
"Tantanan mo 'ko."
"Di ko naman alam—"
"Di ka ba nakakaramdam, ha? Ayoko sa 'yo! Pakisaksak nga 'yan sa utak mo!"
Nakakainis! Alam mo 'yung feeling na ang hirap pigilan ng panginginig ng labi mo kasi gusto mo nang umiyak?
Ang masakit lang, parang matagal nang naipon sa loob, no'ng nagkaroon lang ng maliit na butas, saka bumulwak lahat.
Taragis, nakakasira ng badimage.
March 14, Friday
May practice dapat kami ni Russel para sa exam bukas sa PE, kaso wala ako sa mood makita ang pagmumukha niya. Tinapos nga namin ang subject sa Man 1 nang tahimik. Di ko alam kung ano'ng sumapi sa mga kaklase ko na ultimo prof namin e nanibago sa katahimikan. May project presentation at report sina Chris sa Accounting para sa finals pero di ko na rin pinasukan. Tapos naman na ang grupo ko kaya bahala na kung makita pa ako sa attendance o hindi.
Nilapitan din ako ni Terry bago ako tumambay sa library. Nagtanong kung may sakit ba 'ko dahil isinigaw ko nga kaninang masakit ang ulo ko, pero itinaboy ko lang din kasi ayoko talaga muna ng kausap.
Nakakainis, ang aga-aga, sirang-sira na ang araw ko. Iba talaga ang nagagawa ng walang tulog. Di na rin ako nagtaka kung bakit pagkaupong-pagkaupo ko sa puwesto ko sa library, pagpikit ko, kinuha na agad ako ng liwanag.
Pati sa panaginip, damang-dama ko na di maganda ang araw ko. Papalubog pa rin ang araw at nakarating na ako sa tapat ng bahay namin. Hindi ko alam kung bakit natatakot pa rin ako. Matagal na rin akong di nakakauwi sa bahay. Matutuwa naman si Tatay 'pag nakita niya ulit akong nasa amin, kaso di pa rin nagbubukas ang gate. Di pa rin siya lumalabas.
Tabi-tabi ang bahay sa subdivision namin, pero sa nakita ko, binabalot lang ng dilim ang malawak na paligid at bukod-tanging ang bahay lang namin ang nakikita ko.
Parang nabubuo na naman ang mga humahabol sa akin sa mga panaginip ko at nararamdaman ko sila. Lalo kong naramdaman ang lamig sa paligid.
May kakaiba akong naaalala dahil sa amoy ng paligid. Ang bango pero nakakalungkot. Mabango pero parang may parte sa aking nagtatampo. Di ko maipaliwanag nang malinaw.
Hindi pa bumubukas ang gate, di pa 'ko pwedeng pumasok sa bahay. Di pa nga siguro ako makakauwi kahit malapit naman na ako.
"Vela . . ."
Narinig ko sa panaginip ang pagtawag sa pangalan ko kaya alanganin akong napadilat.
"Di ka pa ba uuwi?"
Gusto ko na ring umuwi.
Tumango na lang ako bilang sagot. Binalikan pala ako ni Terry sa library.
Wala sa sarili akong umalisng personal sleeping quarters ko at pupungas-pungas na umuwi sa dorm. Gusto kona lang matulog. Napapagod ako kahit wala naman akong ginawa buong maghapon.Dine-drain ako ng utak ko sa mga walang kakuwenta-kuwentang mga bagay.
------
Sabado naman pero nagtambakan ang mga nagpapa-final exam dahil clearance na sa Monday. Ang aga ng summer break, nagpapa-early enrollment na ang school kaya parang dumoble ang bilang ng mga estudyante.
Nasa bandang gitna lang ako ng bleachers sa gym, malapit sa entrance. Pinanonood ang mga kaklase kong gawin 'yung sayaw na malamang ay buong maghapon nilang sinubukang i-perfect kahapon pa.
"Dichioso! Nag-almusal ka ba? Bakit ang lamya!" Nagwawala na naman si Sir Ronald. 'Yung iba, nahihiya kaya nagkakamali. 'Yung mga bakla sa bakla, nilulugi kami sa grade kasi masyadong ginalingan.
Napapangiti ako kapag nagkakatapakan na ng sapatos, may ngumingiyaw dahil sa sakit at kaartehan, may mga ngayon lang yata naisipang mag-practice dahil di alam ang steps. Si Terry, nagpasuyo pang kuhanan siya ng video habang nagsasayaw kasama si Quesada. Pinagbigyan ko naman kasi siya lang ang taga-gising ko mula pa no'ng freshmen year—bagay na di ko pinagkakatiwala sa iba kong mga kaklase. Tuwang-tuwa siya kasi sinasayaw siya ng crush niya, panay ang hagikhik at palo sa ka-partner kapag nagkakamali siya ng step. Buti, di ko pala siya nakapareha, kundi isang palo niya sa akin, sisikmuraan ko talaga siya.
"Pangit."
Speaking of kapareha, galing ang boses sa likuran ko, sa bandang itaas, pero di ko na nilingon. Wala namang ibang tumatawag sa aking Pangit maliban sa isang tao.
"Galit ka pa rin?"
Di ko siya pinansin. Ni-replay ko na lang ang kuha ko kay Terry na katatapos lang sa kaharutan niya.
"Vela! 'Te! Vel—" Nakita kong natigilan siya pagkalingon na pagkalingon sa akin. Napansin kong tiningnan niya 'yung mga classmate naming babae bago ibinalik sa akin ang tingin.
Inaabot ko na sa kanya 'yung phone niya kahit di pa siya nakakalapit sa puwesto ko.
"Nakuhanan mo?" kalmadong tanong ni Terry, nakailang sulyap din sa likuran ko. Taragis, napaka-obvious kumilos, nakakahiya.
"Malamang," sagot ko na lang. Matipid siyang ngumiti sa akin at pasimpleng tinuturo ng tingin ang likuran ko.
Di naman na niya kailangang ituro, alam ko namang may demonyong bumubulong sa likuran ko.
"Sorry na, Pangit."
"Oh . . ." Napatakip pa ng bibig si Terry saka humagikhik.
'Takte, isa rin 'to e!
"Sige na, 'Te. Una na ako, ha. Mag-usap muna kayo ni Fafa Russ."
"Mauna ka na, Terry, at baka masipa pa kita."
Kaunti na lang ang classmate naming nasa gym. Nakatapos na ang higit sa kalahati. Parang tinatamad na akong mag-exam.
"Sorry na, Vela," sabi ng nasa likuran ko.
Taragis. Bakit ba nagso-sorry 'to?
Nakakarami na si Sir Ronald ng nabibigyan ng grades. Umalis na rin ang iba para humabol ng review sa next exam namin sa Accounting. Cover to cover pa naman. Maganda na rin 'yan para kung sakaling mag-perform kami ng kupal na partner ko, di nakakailang kumilos sa harap ng pansklab niya.
Napansin yata ni Sir na ang tagal kung paisa-isa ang sasayaw. Kukulangin na ang ten minutes ng natitirang oras ng subject niya kung panonoorin at bibigyan ng grade ang kada pares.
"Baba na rito! Torres! Vargas! Ano pa'ng tinatanga-tanga n'yo diyan! Ise-seventy ko na kayong dalawa!"
Kanang kamay talaga ni Lucifer 'tong si Sir. Ibang klase ring manermon e.
Bumaba na ako. Nararamdaman kong nakasunod lang si Russel sa akin. Parang kinakain ng presensya niya 'yung likuran ko. Pamilyar ang pakiramdam samantalang palagi ko naman 'tong nasa harap.
Nagkahanapan na ng puwesto, tumayo ako sa dulo. Wala rin namang choice si Russel kundi huminto kung saan ako hihinto. Pinilit ko pang iwasan ang tingin ng mga classmate kong babaeng nagulat yata kasi ka-partner ko 'yung crush nila.
Kanina pa pine-play 'yung tugtog pero iba ang dating sa akin ngayon. Di ko masabi kung gawa ba ng mas malapit ang speaker sa puwesto namin kaya ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Gumuguhit sa katawan ang pasada ng violin at piano ng La Cumparsita. Posible bang makagawa ng friction ang sound waves at physical body? Namamawis na ako kahit di naman mainit.
"Puwesto!" sigaw ni Sir Ronald habang pumapalakpak. "Sabay-sabay na para tapos agad! May meeting pa kami!"
Di ko na alam kung ano 'yung ginawa namin no'ng nakaraan ni Russel. Nakalimutan ko na. Humarap ako sa kanya at itinutok na lang ang tingin sa leeg niyang kapantay lang ng paningin ko habang ginagala ang mata sa manggas ng PE uniform niya.
Taragis, literal bang may mansanas sa Adam's apple nito? Angat na angat na, a. 'Takte, naaamoy ko na naman 'yung pabango niya. Parang naamoy ko na 'to noon, di ko lang matandaan kung saan.
Itinaas niya ang kanang kamay niya. Di naman na siya nag-alok dahil ipinatong ko naman agad ang kamay ko sa balikat niya at hinawakan din siya sa kamay. Alangang mag-pabebe pa ako, lalo ko lang patatagalin e sinasaniban na nga ng pagiging mandirigma si Sir Ronald.
Ni-replay ni Sir 'yung tugtog. Kinikilabutan ako sa tunog ng instrumentals, parang naghahamon ng digmaan sa kaluluwa. O baka kinikilabutan ako kasi di ko alam ang gagawin. Ang tanga kasi, di nag-practice kahapon.
"Alam mo pa 'yung steps?" tanong ni Russel. Napahugot ako ng hininga kasi ang kalmado niyang magtanong.
"Di ko alam, 'takte."
"Ready!"
Ina mo, Sir, maganda.
"Kanan, kaliwa, kanan, atras, abante," paalala sa akin ni Russel bago kami kumilos.
Mukha lang madali kapag sinasalita, ginawa ko naman ang sinabi niya, ang kaso . . .
"Aray!"
"Sorry po!"
"Sorry, patabi! Patabi! Excuse!"
. . . para kaming mga bump car na nagbubungguan, makuha lang 'yung prinaktis (daw) naming steps. Ang masakit, kanya-kanya kami ng paling ng mga paa.
"Do'n kasi tayo sa malayo!" reklamo ko.
"Malayo na 'yon, di na tayo makikita ni Sir!" sagot niya.
Halos nagbubulyawan na kami kasi ang lakas talaga ng tugtog sa katabi naming speaker.
"Titirahin ko talaga 'yang mga sumasalubong sa atin, mga demonyo talaga 'yan e," sabi ko habang paikot-ikot kami ng puwesto at mukhang hindi na nagsasayaw.
"Mase-seventy tayo nito, ano ba 'yan?" reklamo ni Russel kasi talagang sinagasaan namin 'yung mga kasabay naming sumayaw.
Sinulyapan namin si Sir Ronald. Kagat-kagat 'yung kuko habang asiwang pinanonood kami.
Sir, your face says it all. Tanggap na namin. At wala kang karapatang mag-complain dahil business ang course namin at hindi arts.
Pinahinto na rin kami ni Sir nang manawa na siya kapapanood ng mga estudyante niyang naging zombie dancers sa final exam niya.
Alam mo 'yung napagod ka sa physical na exam pero satisfied ka kasi nakapanakit ka ng mga kaklase mong matagal mo nang pinapangarap mabigwasan?
Hiningal kaming pare-pareho. Sino ba'ng hindi?
Iiling-iling si Sir Ronald habang binigyan kami ng grade para sa performance namin. At nagulat ako kasi nakakuha pa kami ng tumataginting na otsenta. Pwede na, lumapat man lang bago ang tres sa equivalent grade.
"Yes! Sa wakas, natapos na rin!"
"Thank you po, Sir!"
"See you next year, Sir!"
Agad ang balik ko sa gamit ko roon sa bleachers. Makapagpunas man lang ng mukha dahil ang dugyot ko na talaga tingnan. Lalo pang dumikit 'yung mahaba kong buhok sa mukha at batok kong pawisan.
"Di ka na galit?"
Napapikit ako at masama ang tingin nang lingunin si Russel na nakasunod din sa akin dahil nasa itaas na upuan ang bag niya.
"Bakit ako magagalit, aber?" masungit kong tanong.
"Wala lang. Kasi mukha kang galit e."
"E ano naman sa 'yo kung mukha akong galit, ha?" Isinukbit ko na ang backpack ko sa balikat. Bababa na sana ako kaso hinatak niya agad ang bag ko.
"Galit ka nga sa akin?"
"Paki mo ba?"
"Kung galit ka, sorry."
"Aanhin ko 'yang sorry mo?" Tinabig ko ang kamay niyang nasa bag ko. "Tigilan mo nga ako. Ang weird mo."
Dali-dali ang pagbaba ko. May exam pa kami sa Accounting at mabuti na lang dahil alam ko sa sarili kong makakasagot ako kahit pagawin pa kami ng napakaraming balance sheet at income statement. Siguro, dadaan muna ako sa rest room para makapaghilamos man lang. Buti na lang at naisipan kong magbaon ng extra blouse, may pamalit ako.
"Vela!"
Taragis, ano na namang problema nito?
Huminto ako. Nilingon at dinuro ko siya agad. "Di mo ba ako titigilan?"
"Nagso-sorry nga ako."
"Ano nga ang paki ko sa sorry mo?"
"Galit ka kasi!"
Itinaas ko ang magkabila kong kamay para sabihing Ano ngayon?
Mabilis akong naglakad at dumiretso sa ladies' room ng CAS building.
Bahala siya, di na siya makakasunod sa akin. Magso-sorry? Aanhin ko 'yang sorry niya? Ano'ng ginawa niya para mag-sorry sa akin?
Dumeretso agad ako sa sink at ibinabad ang mukha ko sa malamig na tubig. Mahaba na talaga ang buhok ko, umabot na hanggang baywang. Makapagpagupit na nga bago mag-summer para di lalong mainit.
May suklay ako sa bag pero ngayon ko na lang ulit gagamitin pagkalipas ng tatlong buwan. Kamalas-malasan pa, naiwan ko kay Terry 'yung panali ko sa buhok.
Alas tres na, may thirty minutes pa para makapaghanda sa Accounting. Mabilis akong nagbihis para makaalis na. Sumulyap ako sa salamin ng restroom at sinuklay ng daliri ang buhok ko. Dapat talaga, hindi na ako nagsuklay. Bumagsak na naman ang buhok ko. Babatiin na naman ako nina Chris na nagpapaganda. Minsan ko na nga lang makita, aasarin pa ako.
Lumabas na ako ng restroom at ang gara ng bungad sa akin pagbukas ko ng pinto.
"Sorry na kasi."
Tumaas lalo ang kilay ko kay Russel. Don't tell me, naghintay 'to sa akin dito sa labas ng restroom?
"Ano ba?" dabog ko habang hinahawi ang buhok kong nililipad na naman ng hanging sumisingit sa loob ng building. "Di ka ba titigil?"
"Nagso-sorry kasi ako, di mo tinatanggap."
Nagtuloy-tuloy ako ng lakad papunta sa hagdanan. Pila na naman kasi sa elevator pagtanaw ko mula sa malayo.
"Luluhod pa ba ako?"
"Ang kulit mo! Para saan nga kasi?"
"Kasi nga, galit ka sa akin."
"Ano ngayon?"
"Sorry na! Di ko na uulitin."
Huminto ako bago pa man makatapak sa unang baitang ng hagdan. Nilingon ko siya at nakita ko sa mukha niyang di siya naiinis kahit na ang sungit ko kanina pa.
"Bakit ka ba nagkakaganyan?" deretso kong tanong. "Di ka naman dating ganyan, a."
Nagtagal din ang tingin ko sa kanya. Hindi naman siya sumagot ng kahit ano. Nag-iwas lang siya ng tingin pagkatapos kakamot ng ulo dahil sa inis.
"Ewan ko sa 'yo." Dumeretsona ako ng akyat para makaabot man lang sa next subject.
------
Mas sanay akong di talaga nagsusuklay. Kaya tipong sala-salabit na parang mga kable ng kuryente sa bawat tuktok ng bahay sa Maynila ang kadalasang lagay ng buhok ko. 'Yung kailangang himay ang gawin at hindi lang basta suklay. Kaya di na ako nagulat nang batiin ako ni Chris kasi panay ang hawi ko sa buhok ko habang nag-e-exam kami. Siya lang talaga ang irregular student na mas madalas kong kakulitan maliban kay Russel.
"Smile ka ngang 'onti, Vel," pang-aasar ni Chris sa kabilang mesa. "Pi-picture-an kita, dali. Iwo-wallpaper ko lang."
"Gago," bulong ko, baka kasi marinig kami ni ma'am.
Pang-asar ang mahinang tawa ni Chris. Tinanaw ko si ma'am na nasa may likuran at nagtse-check yata ng iba niyang exam. Nagbilog agad ako ng papel. Babatuhin ko sana ng scratch paper si Chris kaso natigilan siya nang madako ang tingin sa katapat kong upuan. Sumeryoso siyang bigla at bumalik na lang sa pagsusulat.
Nilipat ko agad ang tingin ko kay Russel na nasa harapan ko. Ano na naman kaya ang issue nito? Kanina pa 'to sa PE, a.
Napatingin ako sa table kong inipitan ni Chris ng papel.
"Taragis ka, Christopher," sabi ko sa kanya at kinuha 'yung papel. Inihagis ko sa kanya pabalik, ang kaso nabitin ang pagkakabato kasi hindi ko naman binilot.
Dadamputin ko na sana kaso naunahan ako ni ma'am!
Pareho yata kaming nagkaroon ng sudden heart attack ni Chris pagtingin na pagtingin namin sa hawak na papel ni ma'am.
"Ano 'to? Nangongodigo kayo sa exam ko?" masungit na tanong ni ma'am habang tinitingnan sa harap at likod 'yung pinulot niyang papel. Kumunot ang noo niya at nananantiya ang tingin sa akin.
"Ma'am, di akin galing 'yan!" katwiran ko agad sabay turo sa kabilang mesa. "Si Chris 'yung—"
Naatras ako sa upuan ko nang ibagsak ni ma'am 'yung papel sa table ko. Taragis, mapapatay ko talaga 'tong Chris na 'to e!
"Give me your paper," utos ni ma'am.
"Ma'am?"
"Paper. Bilis."
Slow-mo pa ako habang inaabot sa kanya 'yung worksheet saka ledger ko. Sana lang e pwedeng makasunog ang tingin para nag-combust na 'tong Chris na 'to. Ako pa pinahamak.
"Ikaw rin," utos ni ma'am kay Chris.
"Hala, ma'am! Di naman kodigo 'yon, ma'am e!"
"Paper o palalabasin kita?"
Kung wala lang si ma'am sa pagitan namin, tumawa na ako nang pagkalakas-lakas.
"Nag-e-exam kayo tapos kung ano-ano ang ginagawa?"
Sinundan ko lang si ma'am ng tingin habang tangay-tangay na ang worksheet namin ni kupal. Sayang 'yung tatlong T-account sa likod na di ko pa nasasagutan.
Nagsa-sign language na langkami ni Chris habang di nakalingon si ma'am. Tarantado kasi talaga e. Kinuha ko'yung papel na pinulot ni ma'am at itinaas ko pa kay Chris bago lukutin. Angkaso, binuklat ko rin nang may mabasa akong mali. Taragis, di ko alam saan akongingiwi. Doon ba sa nakasulat o sa pangit ng pagkakasulat.
May gusto si Russel sa 'yo.
--------
Sa library ako dumeretso pagkatapos ng mga exam namin. Naalala ko 'yung librong itinago ko no'ng Martes. Mabasa na habang di pa tapos ang buong sem.
"The Received View on Experiencing and Recollecting Dream Content."
Na-amaze lang ako sa explanation doon. Na hindi misleading memories ang pagkakaalala sa mga panaginip kung sakaling malabo 'yon sa alaala pagkagising. Parang sa content ng panaginip na A, B, C, D, at E; kung sakaling ang matandaan lang ay A, C, at E, hindi 'yon matatawag na mali, kundi kulang.
Bigla tuloy pumasok sa isip ko 'yung mga panaginip ko nitong nakaraan. Di naman ako naglu-lucid dream, at malay ko ba kung paano gawin 'yon kaya di na naulit 'yung mga pagliliwanag at mga nakakainis na pagdating ng kung sinong lalaki para lang makanakaw ng halik sa panaginip ko. Pero may pamilyar na amoy naman akong naaalala paggising, at lahat e nangyayari lang talaga sa library.
"Minsan, nangyayari sa panaginip ang mga bagay na hindi mo magawa in reality."
Bigla na namang pumasok sa isip ko 'yung sinabi ni Russel no'ng nakaraan. Isa lang naman ang gusto kong mangyari: gusto ko lang makauwi sa amin.
"May gusto si Russel sa 'yo."
Kapag inaatake ka nga naman ng traydor mong memorya. Inaalala ang di dapat alalahanin. Tinawanan lang ako ni Chris no'ng nakita niyang nabasa ko 'yon. Ang sama kasi ng timpla ng mukha ko pagtingin ko sa kanya.
"E bakit? Magpapaligaw ka ba?"
Inumpog-umpog ko na lang 'yung ulo ko sa nakalapag na libro kasi nakaka-badtrip, parang may topak ang ulo ko at nire-replay ang mga dapat di naman binabalik sa alaala.
"Baliw ka na, Vela. Baliw ka. Ano ba 'tong iniisip mo?"
Taragis talaga, kalokohan!
"Nandito ka na naman?"
"Ha? A, hindi, ma'am, ano kasi—"
Napasilip ako sa kaliwa dahil doon sa maingay. Pamilyar kasi 'yung lalaking-lalaking boses na kausap ng librarian.
"Di ka pumunta kahapon, a. Nandito naman siya."
Aba, iba talaga 'pag bigla mong naiisip, kusang nagpapakita. Kailan pa natutong mag-library 'tong Russel na 'to?
Yumuko agad ako sa mesa ko nang marinig kong papalapit sa puwesto ko 'yung tunog ng sapatos niya. Ngayon ko lang talaga siya nakitang pumunta ng library. Siguro magri-research. Kaso, tapos na 'yung mga pasakit na papers at exam namin, a. Ano pa'ng iri-research niya?
Ilang segundo rin bago ko napansin ang sarili kong nagpipigil ng hininga. Nag-sink in lang nang huminto ang tunog sa harapan ko mismo.
Ano? Dito pa talaga siya pupuwesto sa mesa ko e ang daming libreng upuan doon sa kabilang mesa?
Nag-urong na ng upuan. 'Takte, mukhang dito nga talaga sa harapan ko uupo—sandali. 'Yung amoy sa panaginip ko, naaamoy ko na. Pero hindi naman 'yon 'yung pabangong naamoy ko kay Russel no'ng practice, a. Si Russel ba 'to o ibang tao?
"Tulog ka na ba?"
A, si Russel nga.
"Sana, di ka na galit sa akin."
Don't tell me, kinakausap ako nito . . . habang iniisip niyang tulog ako?
"Di ko alam 'yung kasalanan ko, pero kasi nagagalit ka. Di ko alam kung saan ako magso-sorry."
Umurong nang kaunti 'yung mesa. Yumuko rin siya sa mesa no'ng sumilip ako nang kaunti mula sa pagkakayuko ko.
"Sorry na talaga kung ako'y medyo tanga. Alam ko nang mali ako, 'wag sanang magtampo, sorry na."
Ano ba talaga'ng topak nitong taong 'to? Di ko talaga siya ma-gets.
Sandali siyang tumahimik. Pamilyar ang lamig ng aircon, pamilyar din ang eksena. Di ko maipaliwanag, parang nangyari na.
"Inaasar ako ni Chris kanina, mas maganda ka raw ngayon, kaya siguro di mo ako pinapansin."
'Takte, siraulo talaga 'yung isang 'yon. Sinapian na naman ng kagaguhan.
"Dapat, di ka na lang kasi nag-ayos para di ka niya pinansin. Ikaw, pinapansin mo rin."
At kasalanan ko pa palang nanlalagkit ako? Saka, ano naman kung pinapansin ko si Chris? Inggit siya?
"Makasalita, akala mo kami."
"Ha?" Napansin ko ang bigla niyang pagbangon mula sa pagkakayuko. "Gising ka ba?"
Taragis, may sinabi ba ako?
"Vela?" Hinawi niya 'yung buhok kaya bumangon na lang din ako kaysa panindigan ko ang pagtutulug-tulugan.
Nakita ko ang gulat sa mukha niya pagtingin na pagtingin ko sa kanya. Gusto kong matawa kasi ngayon ko lang siya nakitang mamula nang sobra.
"K-kanina ka pa gising?"
Alam mo 'yung kahit anong pilit mong pigilan 'yung ngiti mo e kusa pa ring lumalabas?
Alam ko, inis ako sa kanya, no'ng isang araw pa. Pero kasi, di ko naman ine-expect na may mga ganito pala siyang ginagawa.
"Russ, ano ba talaga'ng problema mo sa akin?" nakangisi kong tanong.
Natatawa talaga ako. Di ko lubos maisip na hahantong kami sa ganitong eksena. 'Yung hitsura pa naman niya, parang pusang di maihi.
"Sabi ni Chris, may gusto ka raw sa akin."
Kinagat niya 'yung labi niya sabay hilamos ng palad sa mukha. Taragis, gusto ko na talagang tumawa nang malakas, kung di lang bawal mag-ingay. Di siya makali sa ikikilos.
"Wait lang! Mag-e-explain ako," sabi agad niya.
First time ko talaga siyang makitang di alam ang gagawin. Ha-ha! Nakahanap ng katapat.
"Game, explain," sabi ko, humalukipkip at nag-dekuwatro pa.
Tinitigan niya ako nang deretso sa mata. Alanganin ang pagkakakagat niya sa labi, biglang kakamot ng ulo, mapapahilamos, susubukang magsalita pero mapapahinto rin.
"Totoo?" tanong ko pa. Pinipigilan ko talagang tawanan siya.
"Hindi—I mean, ano, kasi ganito . . . ugh!"
Parang tanga. Kanina, ang lamig dito, ngayon biglang uminit. Di naman malakas ang tibok ng puso ko pero ang lalim ng paghinga.
Ang cute pala ni Russel 'pag di na alam ang gagawin.
"'Wag mo na lang sagutin," sabi ko at tumayo na. Kinuha ko 'yung binabasa kong libro para isauli sa shelf. Ang awkward na, pero natatawa talaga ako.
"Galit ka ba?" narinig ko sa kanya. Paglingon ko, nasa dulo na siya ng shelf at di mawari ang mukha. "Di ko naman kasi sinasadya."
"Ang alin?"
Di siya nakasagot. Tinitigan lang ako.
Nginitian ko na lang siya. "Sige na. Kahit di mo sabihin, alam ko na."
Wala nang kahit anong lumabas mula sa kanya. Umalis na lang ako para di na lumala ang akward moment naming dalawa.
Taragis, kung di langalanganin umaming ang lakas makaganda ng reaksyon niya, baka . . .
----
Huling linggo na sa school. Clearance na rin at nagkakahanapan na ng mga prof na pipirma sa mga papel na hihingin ng registrar para makapag-release ng access sa student's profile namin sa school website. Ang dami kasing pauso, pinahihirapan lang nila ang mga estudyante nila.
Tapos na ang mga exam kaya ayos lang na di ako sumabay sa mga zombie student na magmamakaawa ng magandang grade, o kahit pasang-awa man lang. Gano'n kasi ang nangyari last year at pinagsisihan namin ni Terry 'yung tatlong araw na pagpila sa Faculty room tapos wala pala kaming mapapala.
"Kailan ka babalik?" tanong ng kasama ko sa dorm bago ako umalis para umuwi sa bahay.
"Monday naman ngayon, baka sa Miyerkules," sagot ko na lang. Alam ko naman kasing maglalampungan lang kayo ng jowa mong mukhang tipaklong na di nabakunahan.
Hapon na ako bumiyahe, puno ang bag ng mga gamit na ibabalik ko rin sa dorm pagsapit ng June. Halos tatlong oras ang biyahe gawa ng napakabigat na traffic. Papalubog na ang araw, pero ang ganda ng langit, naghalo ang pink, violet, at orange sa ulap.
Matutuwa siguro si Tatay 'pag nalaman niyang nakauwi na ako sa amin.
Makalipas ang tatlong oras sa kalsada, natanaw ko na sakay ng jeep ang playground na palaruan namin ng mga kababata ko noon. Sira na ang dalawang swing. Kalawangin na ang padulasan at see-saw. Ginagawa na lang tambayan o kaya meeting place ang playround, pero di na talaga nagagamit.
Marami pa rin namang madamong bahagi sa mga bakanteng lote ng Evergreen, pero mas marami na ang natayuan ng bagong bahay. Natapos na nga 'yung ibang ginagawa pa lang no'ng bago ako mag-dorm.
Hindi na gaanong maliwanag sa paligid nang makarating ako sa bahay.
"O! Nakauwi ka na pala, Vela," bati sa akin ni Ate Grace bago ko susian ang gate.
"Ate Grace, wala pong naghanap sa akin?"
"Wala naman. Walang naghanap."
Walang naghanap.
Tuluyan na ngang lumubog ang araw nang magbukasan na ang ilaw sa kanya-kanyang bahay at poste.
"Nakauwi na ako, 'Tay."
Bati ko sa picture ni Tatay na nasa pasimano ng cabinet sa tabi ng pintuan sa sala at saglit na hinimas ang urn na pinaglalagyan ng abo niya.
Medyo matagal na rin pala.Makapaghanda nga nang kaunti sa death anniversary ni Tatay.
March 21, Wednesday
Nakakagulat dahil kaunti lang ang nakita kong estudyante pagpunta ko sa school. Akala ko pa naman e tapos na ang pagpapa-clearance ng karamihan kaya kaunti lang ang naghahanap sa mga prof. 'Yon pala, nauna nang nagbakasyon ang ibang mga prof at sinabing babalik daw sila next week.
Mukhang kahit sila, alam na dudumugin sila ngayong linggo kaya inunahan na ang pwedeng mangyari. Mas malala pa pala ito sa inaasahan ko.
"'Te! Buti nakapagpapirma na ako kay Ma'am Salcedo saka kay Sir Madriaga bago mag-Siargao." Ipinakita sa akin ni Terry 'yung clearance niyang may limang pirma na ng prof namin. "Nakauwi ka na sa inyo?"
"Oo," sagot ko habang pinagkukumpara ang clearance naming dalawa. Nakumpleto ko na ang anim naming subject. Nagdagdag ako ng tanong kasi may pirma na siya sa admin office at sa library. "May pirma ka na ng librarian?"
"Oo, 'te. Hanggang Friday na lang daw 'yung librarian dito, mukhang hahabol sa mauunang magbakasyon."
Kilalang-kilala na ako ng librarian sa Jesham, sa araw-araw ba namang gawin kong sleeping quarters ang teritoryo niya e, ewan ko na lang.
Sa huling pagkakataon sa sem na ito, sinamantala ko na ang pagtambay sa library.
Nagpapirma ako kay Ma'am Labriaga, 'yung mabait na librarian na sinisita lang naman ako 'pag nakikita ako sa entrance na natutulog.
"Ma'am, pwedeng magbasa pa rin ngayong araw?" tanong ko pa habang pumipirma sa log book.
"Pwede pa rin naman. Di ka naman maglalabas ng libro?"
"Di naman, ma'am," sabi ko kaya pumayag na rin siyang solohin ko ang puwesto ko bago pa man ako mag-enjoy sa summer vacation.
Iginala ko ang paningin ko sa mga mesang nakikita sa entrance pa lang. Itinabi ko na ang gamit ko sa baggage counter ng library at nilakad ang aisle. Dinadama ang pink na tiles dahil dalawang buwan din akong di makakatambay rito.
Limang magkakasunod na matataas na bookshelf ang nilampasan ko bago ko hinintuan ang harapan ng mesa kung saan ako laging nakapuwesto. Isa sa mga mesang isinisingit sa mga pagitan ng mga bookshelf para malapit sa iba't ibang section ng library.
Nagbago ang timpla ng mukha ko at sumandal sa lagi kong upuan.
Naalala ko pa no'ng unang beses akong tumambay rito, halos wala akong makausap na kahit sino. Pilit pa ang pagpasok ko sa school, lalo pa't kamamatay lang no'n ni Tatay. Nagkahabulan kasi ng saksak sa subdivision namin at ako ang napagdiskitahan dahil gabing-gabi na akong umuwi.
Laking pagsisisi ko pa naman no'n dahil ang huling unday e si Tatay ang sumalo pagbukas na pagbukas niya ng gate naming kinakalampag ko, makatakas lang.
"Sabi ko kasi sa 'yo, 'nak, umuwi bago lumubog ang araw. Tigas ng ulo mo kahit kailan."
Pumikit ako at huminga nang malalim. Alas kuwatro na ng hapon at alas singko ang closing ng library. Makakabalik naman ulit ako sa bahay bago lumubog ang araw.
Ang lamig talaga sa puwesto ko. Dama lalo ang ginahawa kasi galing ako sa maghapong pag-iikot sa school, makaipon lang ng mga pirma para sa clearance.
Huling araw na . . .
Naging komportable lang talaga ako sa library at matic ang tulog ko pagpikit.
Lumubog na ang araw. Madilim sa paligid at di pa rin ako pinagbubuksan ni Tatay ng gate.
Alam ko namang kasalanan ko kung bakit di ako nilalabas ni Tatay. Tumayo na lang ako sa tapat ng gate para maghintay kung kailan makakauwi.
May mga sinasabi akong di ko maintindihan—di ako malungkot, di rin naman ako masaya. Di ko alam kung sino ang kinakausap ko, basta may sinasabi ako sa harapan ng gate.
Bumalik na naman 'yung pamilyar na amoy—at masyadong matapang para sa ilong. May humuhugot na naman sa akin mula sa madilim na panaginip at dahan-dahan na namang nagliliwanag.
Napadilat ako nang di ko na matiis ang kati ng ilong ko dahil doon sa amoy. Umabante ako para maka-hatsing, ang kaso . . .
"Put—!"
Napatakip agad ako ng bibig pagkalayo na pagkalayo ko sa kanya.
Pati yata siya, nagulat sa nangyari.
"W-wala akong ginawa, ha," depensa agad niya habang pinandidilatan ako ng mata. "T-tinitingnan ko lang kung . . . kung gising ka."
Taragis! Ano 'yon? At ako pa ang nanghalik sa kanya?
"Nandiyan na naman kayong dalawa." Sabay kaming napatingin sa nagsalita. "Mag-log out na at magliligpit na ako."
Sino'ng nandito na naman? Kaming dalawa?
"Ay, ikaw, Russel, bago ka umuwi, tulungan mo ulit akong magsara nitong library, ha."
Unti-unti akong tumingin sa kanya.
Don'ttell me . . .
The End...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top