Chapter 4: Maskara

Chapter 4

"Maskara"

Year: 2013, Metro Manila (Present)

Adam's POV:

Matiyaga kaming nakapila ni Tristan sa labas. Tawang-tawa ako sa kanya dahil pinipilit niyang sumayaw kahit halata namang hindi marunong talaga. Ang kamay niyang komang ay parang pakpak ng pato kung kanyang igalaw. Umiindayog ang bewang niya na parang naglalaro ng hula hoop.

"Mag-aalas nuebe na! Ang tagal naman," reklamo nito. Panay ang dabog ng kanyang paa habang umiindayog.

Nakahalukipkip lamang ako habang pinapanood siyang sumayaw. Halatang ngayon lang talaga siya nakagala. Malamang totoo ngang dati siyang kawal gaya ng mga kuwento niya. Iniligtas niya ang isang dalaga palayo sa malupit na kapalaran nito. Kung saan man siya nanggaling ay hindi ko na inintindi pa. Ang mahalaga, naalala ko si Apple. Si Apple na lagi akong inaalagaan.

Nakasuot pa rin ako ng maskara. Medyo nasanay na ako sa init nito sa loob nito simula pa kaninang hapon. Hindi ko maaring alisin dahil nga isa itong masquerade ball. Baka mawala pa ako sa karakter ko at hindi ako papasukin ng bouncer.

"Stan, umuwi na kaya-" Naputol ang aking sasabihin nang may rumagasang mga tao sa gilid namin. Mga sikat ata silang artista dahil nagtitilian ang mga babae sa harapan ng pila. May mga kumukuha pa ng litrato kasabay ng paghingi sa kanila ng autograph.

Bumagal ang oras. May dumaang isang binata sa harapan ko.

"Peter Pan," bulong ko. May kakaibang pakiramdam sa aking dibdib na hindi ko maipaliwanag. Nakasuot siya ng sumbrerong patulis, berdeng damit at maskarang itim. Sa loob ng aking maskara ay sinundan ko siya ng tingin. Bakas ko ang kalungkutan sa kanyang mga mga labi habang dumadaan. Pagdating niya sa unahan ng pila ay nasaksihan ko kung paano niya pinilit ngumiti. Nang makilala siya ng bantay ay agad na pinapasok.

Mabilis akong umalis sa pila. Yumuko sa harang sa aming gilid at agad naglakad.

"Hoy! Saan ka pupunta? Pang VIP lang diyan!" sita ni Tristan. Agad niyang hinawakan ang braso ko bago pa ako makahakbang.

"Halika na, may naisip ako," yaya ko. May tuwa sa aking tono. Hinila ko siya pailalim ng harang hanggang sa tuluyan na siyang makalusot.

Inalis ko ang aking maskara at inayos ang aking buhok. Nilakasan ko ang aking loob at inayos ang aking tayo. Inangasan ko ang aking lakad habang nakataas pa ang aking isang kilay. Mayabang akong naglakad mula sa likuran ng pila patungo sa harapan. Hindi nga ako nagkamali. Ilang hakbang pa lang ay nagtilian na ang mga dalagang nakatitig sa akin.

"Tangina, ang guwapo ko talaga," bulong ko. Nasa harapan na ako ng bouncer nang kindatan ko ito.

"VIP ka ba Sir?" tanong niya. Nakasuot siya ng masikip na damit na kulay itim. Isang mamang malaki na kalbo at naka shades kahit gabing-gabi na.

"Kasama ako nung Peter Pan," pagsisinungaling ko. Sinisingkitan ko pa ang aking mata at may pakagat labi pa baka sakaling makumbinsi ko siya.

"Ah kayo po sinabi niyang kasama niya? Nakamaskara daw po ang Spiderman ang kasama niya,eh. Wala naman kayong maskara."

"Ah, iyon lang ba?" Agad kong isinuot ang maskara ni Spiderman at nakapamewang sa harap niya. "Ayos na ba ito?"

Ilang pagpapapogi pa ay nakumbinsi ko rin siyang papasukin kami ni Tristan.

"Tangina mo. Iba ka talaga, Ark!" saad ng kasama ko. Pumapalakpak pa ang tainga nito sa mga pinagagagawa ko. Panay ang mahinang pagsapak niya sa aking balikat dahil sa sobrang bilib. "Ang dami naman ng nagagawa ng mukhang iyan. Sana all talaga!"

"Ayaw mo ba?" pagsakay ko sa mga biro niya. Bagamat hindi ko siya madalas makasundo ay maituturing ko na ring malapit na kaibigan si Tristan. Siya na lang halos ang kasama ko sa loob ng apat na buwan. Pinupuno nila ng mga bagong alaala ang utak kong nakalimot.

"Gusto syempre," pagyayabang niya. Mabilis niyang inikot ang kanyang ulo at naghanap ng mapagtatatambayan. "Tara, doon tayo sa maraming alak!"

Malaki ang club. Napakaraming tao. May DJ sa stage na napapalibutan ng iba't ibang kulay na ilaw. May malalaking speakers na parang tumatalon na dahil sa lakas ng mga tugtog. Sa gitna ay maraming taong sumasayaw. Hindi mahulugan ng karayom dahil sa kapal nito. Sa gilid ay may mga upuan at lamesa. Abala ako sa pagmatyag sa mga taong nakamaskara nang abutan ako ni Tristan ng alak.

"Oh, shot!" yaya niya. Sumasayaw pa ito habang nagtatatalon sa tugtog. Itinaas ko nang bahagya ang aking maskara upang makainom ang aking bibig. Kinuha ko ang basong inabot niya at mabilis na ininom. Napansin kong gumegewang na si Tristan.

"Hala! Lasing ka na agad?" usisa ko. Natatawa ako sa itsura niya dahil nakalahati niya na agad ang boteng hawak niya.

"Pasensya ka na, Ark. Bawal kasing uminom ng alak ang mga kawal ng kastilyo," paliwanag nito. May kaunting yamot sa kanyang tono. Mahigpit ang kanyang pagkakahawak sa bote na tila ayaw ibahagi ito.

"Kastilyo?" pagtataka ko. Lagi ko itong naririnig sa kanya. Ngunit sa dami ng nangyari sa akin ay hindi ko na alam kung totoo ba.

"Basta, ang tahanan ng Prinsesa," nauutal niyang sagot. Halatang lasing na siya.

Sa likod ng aking isip ay parang minsan na akong nag-alaga ng taong madaling malasing. Inalalalayan ko si Tristan sa isang upuan na walang tao habang hindi pa tuluyang naibababa ang maskara ko.

"Oh, kaya mo pa?" tanong ko. Nakangiti lang sa akin si Tristan at pinipilit na imulat ang kanyang mata. "Nakailang baso ka na ba?"

"Apat!" pagyayabang nito.

"Apat pa lang?" Humagalpak ako sa isinagot niya.

"Ganito talaga ang lahi ko. Madaling malasing," paliwanag ni Tristan . Pinanood ko kung paano niya lagyang muli ng alak ang baso. "Gusto mo kantahan pa kita, eh. Marunong din akong maggitara."

Tumigil ang oras.

"Gitara?"

Heto na naman. Mga pamilyar na kilos ng isang tao sa aking alaala na hindi ko maipinta ang itsura. Kanina sa Children's Party ay isang batang umiiyak sa ilalim ng puno ang biglang sumulpot sa imahinasyon ko. Ngayon, habang kaharap si Tristan ay tila nagbago ang paligid dahil sa huling sinabi niya. Ang disco floor ay parang naging isang sala. May mga binatilyong nag-iinuman na nakapalibot sa akin. Ang isa ay may hawak na tuta habang ang ilan ay naiidlip na sa sofa. Sa aking harap ay isang binatilyong walang mukha. May hawak siyang mikropono habang gumegewang. Panay ang buka ng kanyang labi halatang umaawit. Ngunit wala akong marinig na kahit ano mula sa kanyang bibig.

"Hoy!" bulyaw sa akin ni Tristan. Sa malakas niyang boses ay bumalik ang diwa ko sa maingay na party. "Ang sabi ko, tagay mo ulit!"

Hindi ko na tuluyang naibaba ang maskara ko. Walang pag-aalinlangang ininom ko ang punong laman ng baso. Napatingin ako sa boteng hawak niya.

"Naubos mo na agad lahat iyon?" pagtataka ko. Kanina lang ay marami pang laman ito bago kami umupo.

"Ikaw ang nakaubos!" bulalas ni Tristan. Tintaktak niya ang mga natitirang patak sa kanyang baso. Nang wala nang makuhang alkohol ay nakasimangot itong hurmaap sa akin. "Ang daya mo, hindi ka nalalasing!"

"Hindi nalalasing?"

Sa dami ng iniisip ko kanina ay hindi ko namalayang kanina pa ako tumutungga. Itinaas ko ang aking daliri upang bilangin ito at wala ngang senyales na ako ay nahihilo.

Marahan akong tumayo. Tinignan kung ako ay gumegewang. Ngunit matino akong nakapaglakad patungo sa bar na kinuhaan ni Tristan ng alak. Matapos akong bigyan ng dalawa pang bote ay nagtungo ako pabalik sa aking kaibigan.

"Ayun, oh!" bulalas ni Tristan. Agad nitong biunuksan ang isa at nilagyan ang kanyang baso. Itatagay na sana niya nang bigla kong agawin ito. "Hoy, abnuy!"

"Abnuy."

Para na naman akong wala sa party. Isang tao lang ang maaring tumawag sa akin nang ganoon. Bumalik sa aking ulo ang silweta ng binatilyong naka uniporme. Parang nasa High School ang kanyang suot habang may hawak na mga papel. Tumatakbo kami sa isang corridor habang hawak niya ang isa kong kamay.

"Abnuy ka talaga!" tumatawa niyang tawag habang tumatalikod. Gaya ng dati, wala siyang mukha.

"Tulala ka na naman!" sigaw ni Tristan. Sinusubukan niyang agawin ang aking iniinom. Mabilis kong naitago ang mga bote sa ilalim ng mesa. Nakatitig siya sa akin na may masamang tingin. Sinisinok pa ito bago magsalita. "Alam mo ikaw, isa pang tawag mo ng Apple kay Pauline, uupakan na talaga kita!"

"Paano kung ayaw ko?" Itinagay ko ang baso. Kinuha ang bote at sinalinan ito.

Nakatitig sa akin ng matagal si Tristan. Hindi ko siya inurungan. Nakailang tagay na ako nang may mapansin akong kakaiba sa kanyang mga mata.

"Teka, umiiyak ka ba?" usisa ko. Pinipigilan kong ibuga sa kanya ang alak sa aking bibig bago ako humagalpak.

"Tangina mo, hindi!" pagsisinungling niya. Sumisinghot pa siya ng sipon habang tumatanggi.

"Weh?" pang-aasar ko. Nilagyan ko ang kanyang baso at marahang inabot sa kanya. Ang akala ko ay iinumin niya agad iyon ngunit tinitigan niya lamang ito sa lamesa.

"Ikaw kasi, eh!" dadag ni Tristan. Ramdam ko ang pagod sa kanyang boses habang sinusubukang punasan ang kanyang mga luha. "Asungot ka, eh. Hindi ko tuloy maligawan ng maayos si Pauline."

"Siya nga kasi ang girlfrie-"

"Hindi nga sabi, eh!" sigaw ni Tristan. Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang hampasin niya bigla ang lamesa.

Napatingin sa amin ang ibang mga nagsasayawan. Kinawayan ko silang lahat upang ipamukhang ayos lamang kami ng may topak kong kaibigan.

"Kumalma ka nga, papauwiin tayo agad dahil sa ginagawa mo!" pagsaway ko.

"Ikaw kasi, ang kulit mo!" giit ng kasama ko. Matalim ang kanyang mga titig. Dinuduro pa ako ng kanyang daliri. "Kaming dalawa na ni Pauline nagsasabi sa iyo na hindi nga siya si Apple!"

"Kung hindi siya ay sino?" usisa ko. Hindi na rin ako gaanong nagtanong pa dahil mula nang makilala ko silang dalawa ay hindi naman sila nagpanggap talaga na matagal ko nang kakilala. Ako lang ang mapilit. Tinulungan lang nila ako kapalit nang pag-alis namin sa isla.

"Aba, malay ko! Baka iyong Miss Eve na laging tumatawag!" saad ni Tristan. Nakakunot ang kanyang noo habang nagpapaliwanag. "Tamang-tama, Eve na kumain ng ipinagbabawal na mansanas."

Natigilan ako sa sinabi niya. May punto si Tristan. Sa tagal ng pag-iisip ko kung sino ang palaging tumatawag sa amin, malamang may kinalaman siya sa Apple na kakilala ko. Nasa kanya ang susi upang maibalik ang aking alala. Ang pinagtataka ko, bakit hindi pa rin siya nagpapakita sa akin.

Itinaas kong muli ang mga bote. Nagsalitan kami ng tagay ni Tristan. Hinayaan ko siyang magkuwento. Ang buhay nila sa sikretong palasyo, kung totoo man ito. Ang pangarap ni Pauline na maging doktor. Ang tungkol sa malupit na Sultan ng Lazulian. Lumipas ang oras at wala nang laman ang mga bote namin. Ngunit ang pinagtataka ko, hindi nga ako nalalasing.

Hindi ko alam kung bakit.

Tatayo na sana ako upang kumuha ng isa pang alak nang bigla akong salubungin ng isang binata. Ang binatang naka costume na nakaagaw sa aking atensyon sa labas kanina.

"Mr. Ibarra!" sigaw sa akin ng lasing na si Peter Pan.

***

Lasing na Noah's POV :

Kanina pa ako naghihintay sa Party. Nakaka dalawang baso pa lang ako. Sabi ko kanina pampalakas lang ng loob para sumayaw sa dance floor. Pero, ewan ko ba kung saan ako nagmana bakit ang dali kong malasing. Heto ngayon ako at gumegewang kakahanap sa kasama ko.

Ang usapan namin ni Mr. Peter Ibarra, alas nuebe kami magkikita pero ang gago, mag-aalas dose na wala pa rin. Hindi naman ako puwedeng magalit dahil nag text naman siya kanina na traffic. Ang abnuy, sa EDSA ba naman dumaan, malamang hindi talaga gagalaw ang sasakyan sa ganitong oras.

Pero abot tainga ang ngiti ko nang makita ko siya na suot ang Spiderman costume magkasabay naming binili. Pero ang baliw, hindi tinakpan ang bibig para makapaglasing.

"Mr. Ibarra!" tawag ko sa kanya.

Natagpuan ko siyang may kainumang lalaki na nakasuot ng cowboy. Pero bulagta na sa lamesa ang kasama nito.

"Oh, may padding ba iyang suot mo? Parang mas lumaki ang katawan mo?" usisa ko. Hindi ko alam kung nahihilo ba ako o lumaki na ang katawan niya kasing laki ng kay-

Agad kong inalog ang aking ulo bago ko pa maisip ang pangalan niya.

"Hindi ako si," sigaw niya. Ngunit hindi ko siya gaanong marinig dahil sa biglang paglakas ng tugtog ng club. Mabilis kong iginala ang aking tingin upang tingnan kung may iba pang nakasuot ng Spiderman.

"Adik, ikaw lang ang Spiderman dito, Mr. Peter Ibarra! Tara na!" Mabilis ko siyang niyaya sa dance floor at sumayaw.

Malakas na tugtugin kasabay ng malilikot na ilaw. Maraming tao habang kaharap ko si Spiderman na napipilitang sumayaw. Ang lakas na siguro ng tama ko dahil panay ang hawak ko sa kanyang balikat habang kumikembot at nagtatalon.

"Wooh!" sigaw ko.

Bakit nga ba ako nandito? Bakit nga ba ako nagpapakalasing? Bakit ko nga ba nililibang ang sarili ko kay Peter? Bakit nga ba kahit anong bitaw ko sa mga bagay na nagpapaalala sa akin sa iyo, ay hindi pa rin kita magawang kalimutan?

Pinapanood lamang ako ni Spiderman habang nagtatalon at ibinubuhos ang lahat ng sama ng loob ko sa pag-indayog sa ingay ng club. Marahil ay inuunawa na lamang ako ni Peter at hindi na ito umiimik habang kasayaw ko ito.

Tumama ang relo sa alas dose. Senyales na papalitan na ng DJ ang mga kanta. Ang maiingay na tugtugin ay napalitan ng pang-slow dance. Uupo na sana ako nang bilang iharang ni Spiderman ang kanyang braso.

"Teka lang, mukhang gusto mo pang maglabas ng kinikimkim mo," sabi ni Spiderman. Pamilyar ang kanyang boses. Sa sobrang hilo ko ay hinayaan ko siyang ilagay ang mga kamay ko sa kanyang balikat. Magkayakap kaming sumasayaw sa mabagal na kanta gaya ng mga magkasintahang nakapalibot sa amin.

"Mr. Ibarra, I'm sorry," saad ko. Ako ay nasa kanyang balikat ngunit ang puso at isip ko ay nasa malayo.

"Sorry for what?" sagot ni Spiderman.

"Sa iyo ako laging tumatakbo simula noong araw na iyon," reklamo ko. Ramdam ko ang unang luhang pumapatak mula sa aking mata patungo sa kanyang balikat. Nagsimulang patugtugin ng DJ ang awiting "The Day You Said Goodnight" ng Hale. Para niya akong hinehele habang humihikbi sa kanyang leeg.

Hindi siya sumasagot. Hinayaan niya lang akong umiyak. Ilang minuto kaming ganoon hanggang sa maibuhos ko ang lahat sa kanyang balikat. Isinasyaw niya ako na parang superhero na dumuduyan sa langit.

"Sige lang, ibuhos mo lang ang lahat," saad niya. Pamilyar talaga ang kanyang boses ngunit hindi ko matukoy dahil na rin sa epekto ng alak.

Naalala ko ang mga pagdamay na ginawa sa akin ni Peter Ibarra. Ang pagtitiyaga niya sa akin sa bangin. Ang pag-iwan niya sa mga oportunidad sa Amerika. Higit sa lahat ay ang araw-araw niyang pangangamusta sa akin upang siguraduhing ayos lamang ako.

Kahit papaano ay napunan niya ang puwang na naiwan mo. Pero bakit sobrang lalim at walang may kayang pumuno?

Ako ang nagyaya kay Peter na pumunta sa Halloween Ball. May sasabihin akong importante sa kanya. Sa ilang buwang pagtitiyaga niya sa akin, panahon na siguro upang suklian ko na lahat ng iyon. Nangako ako sa aking sarili na tatanggapin ko na siya paglagpas ng relo sa alas dose.

Nang wala na akong mailuluha pa ay hinarap ko na si Peter na nakasuot ng Spiderman. Pinunasan ko ang aking pisngi at sininghot ang aking sipon. Bagamat nakamaskara siya, ay wala namang tabing ang kanyang bibig. Kitang-kita ko ang nakasimangot niyang mga labi habang nakatitig sa mukha kong pilit na tumatawa.

Nilunok ko ang aking laway. Hinawakan ko ang kanyang pisngi. Ang kanyang mga kamay ay nasa bewang ko pa rin habang mabagal kaming sumasayaw sa mahinang awitin. Huminga ako nang malalim.

"Mr. Peter Ibarra, sinasagot na kita," saad ko.

Bigla ko siyang hinalikan. Sa una ay wala siyang reaksyon hanngang sa nagsimulang gumanti ang mga labi niya. Mapusok, malungkot, may halong pangungulila. Hinila niya palapit ang bewang ko habang sinusuklian ang aking mga halik. Naramdaman ko ang matatamis niyang labi. Ang labi niyang kasing lambot ng marshmallow.

Tumagilid ang ulo niya sa kanan. Sunod sa kaliwa. Gamit ang kanyang dila ay inabot niya ang dila ko.

Ang mga halik na ito!

Ang katawan ng tao ay may sariling memorya. May mga bagay na nakakalumitan ng isip ngunit kabisado ng katawan.

Hindi ako nakakilos. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig. Siya lang ang ganito kung humalik. Mabilis akong napakalas. Si Spiderman na kaharap ko ay may maskara pa rin na tanging bibig lamang walang takip. Marahan ko itong itinaas. Daig pa ng mga speaker ang lakas ng kabog ng aking dibdib. Kaunting angat pa ng kanyang maskara ay nakita ko ang kanyang pamilyar na ilong. Napalunok ako muli ng laway. Nawala ang kalasingan ko dahil sa kaba. Itinaas ko lalo ang kanyang maskara upang kumpirmahin ang mga kutob ko.

Nalunod ako sa dagat ng emosyon. Marahan, masaya, malungkot. Kuanting taas pa ay tumabad sa aking ang mga mata niyang kasing bughaw ng sapiro.

Siya nga. Si Adam ang kaharap ko!

"Wah!" sigaw niya. Namilipit siya sa sakit.

Bigla niyang hinawakan ang kanyang ulo dahil sa sobrang kirot. Agad siyang napahiga at napamaluktot. Biglang nagsitakbuhan ang mga nakapalibot sa amin. Maging ang tugtog ay mabilis na tumigil. Gaya nga ng kintatakutan ko ay tumatagos ang mga liwanag sa kanyang balat. Unti-unti siyang nagiging transparent.

Kung mahalin ka ay ikapapahamak mo, mabuti pang tuluyan mo na akong kalimutan.

Mabilis akong tumakbo. Kumaripas patungo sa mga nagkakagulong tao. Umakyat ako ng hagdan kung saan ay makikita ko pa rin siya. Nakapalibot ang mga tao sa kanya. Ang kawawa niyang itsura na parang sanggol na nakatiklop sa sahig. Nagingisay, namimilipit sa sakit. Ipinagdasal ko na hindi na siya tuluyang maglaho. Nanginginig ako habang nakatitig sa kanya. Ilang segundo pa ay tumigil na siya sa pagpilipit. Hindi na naging transparent ang kanyang balat.

Dininig ng langit ang panalangin ko.

Kinuha ko ang aking cell phone upang humingi ng saklolo. Hindi ko malaman kung tatawag ba ako ng ambulansya o hihingi ng tulong kay si Nico. Ilang minuto pa ay may dalagang rumagasa papasok sa loob ng bar. Siya ring ang dalagang kasama niya sa Amusement Park apat na buwan na ang nakaraan. Halatang may kasusap ito sa telepono habang patungo kay Adam na nakasuot ng Spiderman.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bl#bxb