Chapter 3: Children's Party

Chapter 3

"Children's Party"

Year: 2013, Metro Manila (Present)

"Well, what are you wearing for the Halloween ball?" usisa ni Peter. Abala ito habang binubukalkal ang mga damit na naka display sa isang costume store.

"Peter Pan!" tumatawang sagot ni Noah. Kumuha ito ng pares ng na matulis na sapatos na kulay kayumanggi. Nang makitang sukat ito sa kanyang paa ay sinundan niya ang pagdampot sa sumbrerong patulis. Nakatayo siya sa harap ng isang malaking salamin at naghahanap ng magandang ipares sa kanyang pantalong luntian.

"Eh, hindi ba, masquerade ang theme ng ball?" usisa ni Peter. Nakatitig ito sa mga super hero costume na naka display sa salamin ng tindahan.

Kumuha si Noah ng manipis na maskarang pula. Maliit lamang ito at sapat lang upang matakpan ang palibot ng kanyang mga mata. Nang makitang bagay ito sa kulay ng iba pang damit na napili niya ay agad niya itong isinuot.

"Bagay ba?" pagyayabang ni Noah. Nakalagay pa ang kanyang hinlalaki at hintuturo sa kanyang baba. Nakahalukipkip ang isa niyang kamay na at naka pormang parang modelo.

"Noah, lahat naman sa iyo bagay," banat ni Peter kahit nakatalikod pa rin.

Natawa si Noah sa sinabi nito. Inilagay niya ang mga pinamili sa isang basket at nilapitan si Peter. Inaabot nito ang costume na kanyang napili. May kanipisan kasuotang nagustuhan ni Peter. Kulay pula at matatakpan ang kanyang buong katawan sa oras na ito ay kanyang suotin.

"Seryoso ka ba? Iyan?" humahalakhak na tanong ni Noah. Lalo itong natawa nang sukatin ito ni Peter sa kanyang harapan.

"Basta happy ka," tugon ni Peter. Hindi nito mapigilang magalak sa kasamang panay na ang tawa matapos ang mahabang panahong paghihintay.

Nginusuan na lamang siya ni Noah panay tango lamang ang mga isinagot nito. Napakamot siya ng kanyang ulo bago sila sabay nagtungo sa counter upang bayaran ang kanilang mga pinamili.

***

"Oh, ito. May raket tayo," balita ni Tristan. Inabot nito ang isang pamphlet na nakuha niya sa tapat ng isang malaking restaurant.

"Para saan iyan?" usisa ni Adam. Kinuha ito ang inaabot na papel. Nakasulat ang petsa ng isang kasiyahan at kung saan ito gaganapin. May mga listahan ng mga batang kasali at bilang ng mga taong dadalo. "Children's Halloween Party?"

"Oo, para may extrang pera tayo," sagot ni Tristan habang kinakalkal ang mga supot na dala nito.

"Hindi puwede, susunduin ko pa si Apple sa paaralan niya sa araw na iyan," giit ni Adam. Naiirita ito sa kasamang halatang pinaghihiwalay sila ni Pauline.

"Pauline nga sabi! Apple ka ng Apple hindi naman siya mukhang mansanas," sermon ni Tristan. Napipikon na rin ito sa binatang biglang sumulpot sa kanilang buhay.

"Iyon nga ang tawagan namin dati."

"Hindi nga siya ang girlfriend mo!"

"Nasaan na ba kasi iyang Miss Eve at nang makauwi na ako?" pabuntong-hiningang tanong ni Adam.

Sa nakalipas na tatlong buwan nang makabalik ito sa Maynila, tanging si Pauline lamang ang nakakausap ng taong nagpakilalang kamag-anak niya. May mga pagkakataong sinusubukang sagutin ni Adam ang telepono ngunit agad na ibinababa ito ni Miss Eve tuwing siya ang sumasagot.

Marahang umupo sa tabi ni Adam si Tristan. Seryoso ang mga titig nito sa binatang halatang marami na namang iniiip.

"Alam mo, Ark. Duda talaga ako sa Miss Eve na iyan, eh," saad ni Tristan. Napandantay ito sa kanyang kamay at napatingin sa kisame. "Kung kamag-anak mo talaga iyon, sana sinundo ka na agad dito kaisa ginawa pa kaming tagapag alaga mo."

"Ayos lang din naman," ani ni Adam. Napahinga ito nang malalim. "Hindi na ko nagrereklamo basta palagi kong kasama si Apple."

Napahugis kamao ang mga kamay ni Tristan. Akmang panggigilan na niya si Adam dahil sa sinasabi nito ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili.

"Alam mo, bahala ka sa buhay mo," saad ni Tristan. "Sa oras talaga na mahanap ko iyang Miss Eve na iyan, isasauli agad kita."

Hindi na lamang siya pinansin ni Adam. Muli niyang tinignan ang hawak niyang pamphlet.

"Saan ba itong Children's Party na ito?" usisa ni Adam.

"Sa Malate."

"Eh, nakalagay dito kailangan ng costume. May dala ka ba?"

Nginitian siya ni Tristan. Ang itsura nito ay halatang handa na at matagal nang pinagplanuhan ang kanyang planong paghiwalayin si Adam at Pauline. Mukha itong maangas habang nakataas pa ang isang kilay.

"Say no more, my hubaderong friend," pagbida ni Tristan. Inilabas nito ang dala niyang supot at ibinulatlat sa harap ni Adam. "Charan!"

"Hoy!" Nanlaki ang mata ni Adam sa nakita nito. Manipis na tela na tila batak na batak kapag kanyang sinuot. "Babakat ang ano ko diyan!"

"Problema mo na iyon!" sagot ni Tristan. Pinipigilan niya ang pagbulalas ng kanyang hagalpak. "Management mismo ng event nagbigay niyan. Superhero costume ang susuotin ng mga serbidoro."

"Hindi iyan puwede. Mga bata ang pupuntahan natin!" giit ni Adam. Kinuha nito ang isang damit at inangat sa harapan niya.

"Oh, ito." Binigyan ni Tristan si Adam ng isang daang piso.

"Para saan ito?"

"Bumili ka ng adult diaper. Siguraduhin mong hindi babakat iyang ano mo!" bulalas ni Tristan. Humahagalpak pa ito sa kama katatawa.

***

Sa loob ng isang restaurant sa Malate ginanap ang Children's Party. May napaaraming bata na naka suot ng mga kakaibang costume. May mga nagtatakbuhan sa gilid habang ang ilan ay tahimik na nakaupo habang may mga hawak na lobo. Nasa edad anim hanggang pito ang mga batang kasali sa naturang selebrasyon. Sa gilid ay abala si Adam sa pag-aayos ng mga pagkain habang suot ang damit na binigay ng kaibigan.

"Bakit hindi mo suot ang maskara mo?" puna ni Tristan. May dala siyang mga lobo na kulay pula at candy na hugis kalabasa.

"Mainit, eh," reklamo ni Adam. Inilapag nito ang bitbit niyang sorbetes at tsokolate bago isinuot muli ang kanyang maskara.

Dahan-dahan siyang pinagmasdan ni Tristan. Ang suot na pulang costume na bakat na bakat sa malaking katawan nito. Hindi niya napigilan humagigik nang mapatingin sa bumabakat na salawal ni Adam.

"Buti naman bumili ka ng diaper."

"Baliw, nagdoble lang ako ng trunks," naiinis na tugon ni Adam sa kaibigang tumatawa.

"Oh, amin na ang isang daan ko."

"Ulul! Touch move! Akin na iyon," giit ni Adam. "Buti ka nga, cowboy lang iyang costume mo."

"Ganoon talaga, ako nakahanap ng raket, eh."

Nagbabangayan silang dalawa nang may biglang may nadapang batang lalaki malapit sa pinto. Agad na umiyak ito matapos matapon ang mga candy na dala niya. Napatakbo sina Adam at Tristan sa direksyon nito dahil nagsisimula nang damputin ng iba pang bata ang mga candy na nagkalat sa sahig.

"Taha na, kukunin natin sa kanila mamaya. Okay?" saad ni Tristan sa bata. Sa halip na tumigil sa pag-iyak ay lalong nagwala ito. "Tsk, paano ba ito?"

"Subukan ko," sabi ni Adam. Nagtungo siya sa harap ng bata at tinignan muna kung ayos lang ba ito. "Nasaan ang masakit?"

Medyo napatigil sa pagwawala ang bata. Itinuro nito ang isang daliri na may maliit na pamamaga. Kumuha si Adam ng yelo at binalot ng malinis na tuwalya.

"Oh, lalagyan ni Kuya ng yelo, ah. Malamig ito para hindi na mamaga," saad ni Adam. Mabilis na namanhid ang kirot sa kamay ng bata na dahilan upang tuluyang tumigil sa pag-iyak ito.

"Thank you, Kuya Spiderman," sabi ng bata. Sinisinghot pa nito ang kanyang sipon. Kumuha si Adam ng malinis na tuwalya. Pinunasan niya ang luha ng bata bago pasingahin ito.

"Huwag ka muna magtatakbo, ha? Upo muna tayo doon sa harap. Hintayin mo ako doon para mapalitan ko ang mga candy mo," malambing na yaya ni Adam. Ang kalmado niyang boses ay may kakaibang kapayapaang dala sa paslit na nakatitig sa kanya.

"Opo, Kuya Spiderman."

Hinawakan ni Adam ang kamay ng bata at dinala sa harapan. Matapos mapalitan ang mga candy at tsokolate nito ay mabilis na itong sumigla.

"Thank you, Kuya," saad muli ng bata. Sinimulan nitong buksan ang candy gamit ang maayos niyang kamay.

"Thank you, Kuya." Tila may isa pang boses ng bata na naririnig si Adam mula sa malayo.

Yumuko si Adam upang pagmasdan ang paslit. Sinimulan niyang haplusin ang buhok nito. "You're welcome, App-"

Biglang natigilan si Adam. Tila ang maingay na paligid ay napalitan ng maaliwalas na kapatagan. Napalitan ang mga palamuti sa party ng mga dilaw na bulaklak na patuloy na bumabagsak mula sa langit. Sa isang sulok ay may naririnig siyang alon ng dagat. Sa kabila ay naaninag niya ang kumakaluskos na dahon ng isang malaking puno. Pinilit niya itong titigan ngunit hindi niya matukoy kung anong klase ito. Sa kanyang harapan ay isang batang umiiyak. May hawak na biyulin ang kaliwang kamay nito samantalang may kuwaderno ang kanan. Isang batang lalaki na walang mukha ngunit may buhok na kulay tanso.

"Ark! Ark!" sigaw ni Tristan. Agad na nanumbalik sa reyalidad si Adam. "Pinapabuksan niya ang candy, oh."

Muling napagtingin si Adam sa batang lalaking kaharap niya. Nginitian niya muli ang bata bago buksan ang candy nito.

***

"Hay, grabe. Nakakapagod!" bulalas ni Tristan. Gabi na nang matapos ang Children's Party. Nakasuot pa rin ito ng cowboy costume habang nagpapaalam sa mga batang sinusundo ng kanilang mga magulang. "Ang hirap kumita ng pera sa Maynila."

Napansin nito si Adam na nakatulala lang sa gilid ng pinto. Nakatitig ito sa batang pinatahan niya kanina. Panay ang kaway nito sa kanya habang nagpapaalam dala ang malaking basket na puno ng tsokolate.

"Infairness sa iyo, magaling kang mag-alaga ng bata ha?" saad ni Tristan. "Kapag nagkaanak ako, gagawin kitang Ninong."

Panay ang daldal niya ngunit tahimik lamang si Adam sa pinto.

"Hoy! Anong nangyari sa iyo?" bulalas ni Tristan. Inakbayan nito si Adam at kinusot ang buhok nito. "Kanina ka pa tulala."

"Stan, may alam ka bang lugar sa Palawan na may bangin tapos may malaking punong puro dilaw kapag namulaklak?" usisa ni Adam. Hindi maalis sa isip nito ang tanawing sumulpot sa kanyang isipan kanina.

"Ark, sa laki ng Bayan ng Lazuli, malamang maraming ganoon doon," sagot ni Tristan. Sinimulan na nitong ilagay sa kanyang supot ang mga binigay sa kanilang natirang pagkain sa restaurant. "Bakit ba?"

Inalog ni Adam ang ulo nito upang mawala ang kanyang mga iniisip. Sinimulan na ni Adam ibaba ang zipper ng kanyang suot.

"Nevermind. Tara, magbihis na tayo," yaya ni Adam.

"Oh, teka lang!" pagpigil sa kanya ni Tristan. Kinuha nito ang maskara ni Adam at isinuot muli sa ulo ng kaibigan.

"Ano na naman? Kating-kati na ako sa suot ko!" reklamo ni Adam.

Itinuro ni Tristan ang isang malaking gusali sa tapat ng restaurant. Sa ibaba ay may isang malaking bar na may magagarbong liwanag. May malakas na tugtog na dumadagundong hanggang sa kabilang kanto. May mga binata't dalagang naka costume habang matiyagang nakapila sa labas. Maging sa labas ng gusali ay nagsasayawan na ang mga tao.

"Halloween Ball. Free admission," saad ni Tristan. Abot tainga ang ngiti nito habang isinusuot ang kanyang cowboy hat. "Tara!"

"Tsk, umuwi na tayo! Gusto ko nang matulog," reklamo ni Adam. Akmang aalisin niya muli ang maskara ng Spiderman costume niya nang tabigin ni Tristan ang mga kamay niyo.

"Tara na! Minsan na nga lang kami maka alis sa islang iyon," paliwanag ni Tristan. Kinuha niya ang mga pasalubong nila at inilagay sa kanyang bag. "Gusto ko ring maranasang mag party sa siyudad."

Agad niyang hinila ang kamay ni Adam patungo sa maingay na Halloween Ball.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bl#bxb