Chapter 2: Eve
Chapter 2
"Eve"
Year: 2013, Metro Manila (Present)
"Hindi nga ako ang girlfriend mo!" bulyaw ni Pauline. Abala ito sa pag-aayos ng mga libro habang panay ang tawag sa kanya ng binatang nakahalukipkip sa tapat ng banyo.
"Kailan ba kasi ako susunduin ng kausap mo?" naiinis na tanong ni Adam. Nakatapis ito ng tuwalya habang pinapatuyo ang kanyang buhok.
"Hindi rin namin alam," sagot ni Pauline. Bagamat tatlong buwan na niya itong kausap, naiilang pa rin ito sa tuwing nakaharap sa kanya ang binata na walang pang-itaas. "At saka, magtapis ka nga!"
"Tsk, nakita mo na rin naman ito."
"Ito na ang–" pagpasok ni Tristan ay nakita nito si Adam na nagsusuot ng salawal sa nakatalikod na si Pauline. Agad ibinaba ni Tristan ang mga kahon na dala niya at binigyan ng malakas na batok si Adam.
"Aray! Taran–"
"Sige, ituloy mo. Ibabalik kita sa dagat na pinanggalingan mo," babala ni Tristan. Agad nitong itinulak si Adam papasok ng banyo, hinagisan ng damit at isinarado ang pinto. "Apat na buwan ka na naming kasama, wala ka pa ring maalala?"
Hindi sumasagot si Adam sa loob ng banyo. Tanging pag-agos lamang ng tubig at mga pag pagpag ng damit ang mga maririnig. Naglakad si Tristan patungo kay Pauline na abala pa rin sa sa pagbabasa nito.
"Prinsesa," ani ni Tristan. Agad siyang hinarap ng dalaga at piningot ang kanyang tainga. "Aray! Sorry! Pol."
"Ano ba iyon?" naiinis na tanong ni Pauline. Ang mukha nito ay hindi maipinta dahil sa pangalan binanggit ng kausap nito.
"Sa tingin ko hindi na tayo hinahanap ng ama mo," paliwanag ni Tristan. Pinipilit nitong bumulong upang walang ibang makarinig sa kanilang pinag-uusapan. "Sa tindahan ng halo-halo kasi napapansin kong minamatyagan tayo ng mga tauhan niya. Pero mula nang makilala natin itong si hubadero–"
"Ark," pagtama ni Pauline sa kausap.
"Oh, sige. Si Ark. Parang naaayon na sa atin ang lahat," pagpapatuloy ni Tristan.
"Pinag-uusapan niyo ba ko?" tanong ni Adam na nasa kanila nang likuran. Agad na napabalikwas ang dalawa pahiga sa kama.
"Ah, eh. Gusto ka lang naming pasalamatan dahil sa pagtulong mo sa amin apat na buwan na ang nakaraan," paliwanag ni Pauline.
Naglakad si Adam patungo sa kabilang kama. Hinila nito pabukas ang isang drawer at kumuha ng puting medyas. Binuklat nito ang mga kahon na ipinasok ni Tristan at may nakita itong pares ng sapatos.
"Ano ka ba naman Apple, basta ikaw," nakangiting sagot ni Adam. May nakita siyang mga candy at kumuha ng isa.
"Hindi nga siya si Apple," bulalas ni Tristan. Natatawa na lang si Pauline dahil tila hindi nakikinig sa kanila ang binatang abala sa pagbihis.
"Hindi ba, isang kindat ko lang pinasakay agad tayo noong may-ari ng isang yate sa Palawan? Tapos may mga isinanla ka namang mga dyamante na ewan ko ba kung saan mo kinuha. Tapos ang saya ko pa dahil sa Amusement Park mo ako unang dinala," paliwanag ni Adam. Para itong isang bata habang inaalala ang mga sinubukan nilang atraksyon.
"Oo nga eh, first time natin pareho," natatawang saad ni Pauline. "Akalain mo, sa tagal ng pagtitiyaga namin sa tindahan ng halo-halo, ikaw lang pala ang solusyon para makaalis kami?"
"Well, astig na siguro ako bago pa ako mawalan ng alaala," pagmamayabang ni Adam. Nakasuot na ito ng puting polo at nakataas pa ang kanyang kuwelyo. "Oh, tara. May pasok ka pa."
Naunang lumabas si Adam. Pumunta ito sa ibaba ng kanilang apartment na tinutuluyan upang ihanda ang bisekletang kanilang sasakyan. Sa loob ng kwarto ay naiwang nakatulala sina Pauline at Tristan.
"Alam mo, pamilyar talaga siya, eh. Hindi ko lang maalala talaga," ani ni Tristan. Pumikit pa ito sa pagtatangkang gunitain kung saan niya ito unang nakita.
"Ano ka ba? Sabi nga ni Miss Eve, kakilala niya si Ark. Noon nga, pag-uwi namin agad ng Amusement Park tinawagan agad ako," pagmamayabang ni Pauline. Mabilis niyang ipinuson ang kanyang buhok at itinago sa isang sumbrero. "Tapos pinadalhan pa agad tayo ng maraming pera. Hinanapan pa tayo ng tutuluyan. Ito nga pinag-aaral pa ako."
"Pero para kasing may mali," giit ni Tristan. Nakakunot ang noo nito at tila hindi mapalagay. Napaupo siya sa gilid ng kama at napayuko. "Kasi kung kakilala niya talaga si Ark, bakit hindi pa niya kinukuha sa atin?"
"Stan, hayaan mo na," saad ni Paulin. Himinga ito ng malalim senyales na hindi ito nagagambala sa mga nangyayari sa kanila. "Alam mo namang matagal ko nang pangarap ito."
Napaupo nang maayos si Tristan. Sinuklian niya ng matamis na ngiti ang babaeng kausap. Pinagmasdan niya si Pauline. Hindi niya mapigilang mamangha sa gandang taglay nito. Ang dalagang matagal na niyang hinahangaan. Ang prinsesang kanyang iniligtas mula sa mapait na kapalaran nito.
"Speaking of–" pagtigil ni Pauline sa ginagawa nito nang biglang tumunog ang kanyang telepono. Nagtatalon siya sa tuwa nang marinig ang pamilyar na boses na linggo-linggong tumatawag sa kanya. "Hello Miss Eve?"
"Kamusta siya? Ayos lang ba?" tanong ng boses sa kabilang linya.
Nagsalitan sila ng impormasyon. Tungkol sa pag-aaral ni Pauline ng medisina, sa mga gamit na nakuha nila, maging ang kasalukuyang kalagayan ni Adam. Matapos ang ilang minuto ay ibinaba ni Pauline ang telepono.
"Sa tingin mo, Miss Eve talaga ang tunay niyang pangalan?" pagtataka ni Tristan. Umiral na naman ang kuryosidad nito sa estrangherong palihim silang tinutulungan.
"Hindi ko alam. Minsan kasi boses lalaki na nagiging babae," paliwanag ni Pauline.
***
Ibinaba ni Gaile ang telepono. Sa loob ng kanyang opisina ay kausap niya si Peter.
"Oh, mukhang ayos naman na ang lahat," saad ni Gaile. Nakabungisngis pa ito habang kumikindat. Nagagalak ito sa takbo ng kanilang mga pinaplano.
"How are you doing that? Babaeng-babae ang boses mo even though you're–" nahihiyang tanong ni Peter.
"Trans?" tumatawang tugon ni Gaile. "Talent ko na siguro. Kahit papaano, natutupad na ang mga paghahanda natin para sa love life mo."
Naudlot ang pag-uusap nila nang biglang may kumatok sa pinto. Agad na napatakbo si Peter upang pagbuksan ito.
"Lunch?" yaya ni Noah. Abot tainga ang ngiti nito. Maganda ang pagkakasuklay ng kanyang buhok at gamit ang paborito niyang pabango.
Wagas ang ngiti sa mukha ni Peter na paunlakan ito. Masigla siyang lumabas ng opisina ni Gaile. Sabay silang naglakad ni Noah si pasilyo habang masayang nagkukuwentuhan tungkol sa mga balak nilang puntahan. Mga pamamasyal na kanilang plinano at mga aktibidad na gusto nilang subukan.
Samantala, sa kabilang dulo ng pasilyo ay may mahinang pagtaktak ng daliri sa isang lamesang yari sa kahoy. Matalim ang titig ni Regina sa direksyon ng opisina ni Gaile. Nakadantay ang kanyang siko sa lamesa habang tinataktak sa kahoy ang kanyang matatalas na kuko. Pinagmamasdan niya mula sa pader na gawa sa salamin ang bawat kilos ni Gaile sa opisina nito.
Iginala ni Regina ang kanyang tingin papunta kay Noah sa pasilyo. Ang mga mata ni Regina na nanlilisik ay biglang umamo nang pagmasdan ang pinsan niyang may mabuting puso. Ang pilit nitong mga ngiti. Ang maayos na itsura nito. Ang buhok ni Noah na kasing kintab ng tanso. Ang mata niyang kasing tapang ng kape.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top