Chapter 15: Pampas
Chapter 15
"Pampas"
Year: 2013, Batanes (Present)
Adam's POV:
"Sigurado ka ba na nandito?" tanong sa akin ni Pauline. Hawak ko ang kanyang kamay habang paiba-iba kami ng dinadaanan. Nasa gitna kami ng masukal na gubat patungo sa paborito kong lugar sa Batanes.
"Huwag kang aapak kung saan-saan, puno rito ng patibong," babala ko.
Ilang minuto pa ay narating na namin ang talampas. Sa dulo ay may bangin. Tanaw ang napakagandang dagat na mas bughaw pa sa langit. Nagkalat ang mga dilaw na bulaklak sa damuhan. Mga talulot na nahulog mula sa puno ng Narra.
"Apple-" Nang masigurado kong ligtas na ay binitiwan ko na ang kasama ko. Para akong isang maliksing bata na tumakbo patungo sa puno.
Tatlo.
Dalawa.
Isang hakbang na lang at makikita ko na ang aking kasintahan sa likod ng puno ng Narra. Nakangiti na ako. Handa na ang aking mga bisig para kanyang mga yakap. Binasa ko na ang aking mga labi para siya ay halikan.
"Noah--" Natigilan ako nang wala akong nakitang kahit sino. Tanging mga damo at natuyong talulot lamang ang sumalubong sa akin sa kabilang bahagi ng puno.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Gusto nang bumigay ng aking mga tuhod. Ang taong hinahanap ko. Ang batang madalas kong katagpuin. Ang lalaking inaasam ng puso at isip ko ay wala maging sa paborito naming tapuan.
"Noah!" Pinakawalan ko ang isang malakas na sigaw.
Umikot sa karagatan ang boses ko na tila isang kulog. Ngunit tanging malakas na hangin ang isinukli sa akin ng dagat. Maalat. Malamig. Malungkot.
"Pambihira," bulong ko. Hindi ko namalayang umaagos na pala ang aking mga luha.
"Ayos ka lang?" tanong ni Pauline. Naabutan na ako nito sa ilalim ng puno.
"Pambihirang mata ito," natatawa kong tugon. "Dahil sa sobrang sanay na sa pag-iyak, hindi ko na maramdaman ang pagtulo ng mga luha ko."
Pinagmasdan lamang ako ni Pauline. Pinili niyang manahimik at hayaan akong lumuha. Pinilit kong punasan ang aking mga pisngi. Tumingala ako hanggang sa tumigil ang mga luha sa pag-agos.
"Tara na," yaya ko. Mabilis akong bumalik patungo sa gubat. Paglingon ko nakatitig lamang si Pauline sa puno ng Narra. "Pol!"
"Ark," malambing niyang bigkas. Hinahaplos nito ang katawan ng puno. Ang hangin ay inaalon ang mahaba niyang buhok kasabay ng paglaglag ng mga dilaw na bulaklak. "Itong uri ng Narra na ito, sa Palawan lang dapat mayroon. Paano nagkaroon nito dito sa Batanes?"
"Hindi ko alam," pabalang kong sagot. Abala ako kakaisip sa kasintahan kong pilit akong iniiwasan. Ang boyfriend kong paladesisyon. Ang nobyo kong lagi akong inuuna kaysa sa sarili niya.
Mabilis na sumunod sa akin si Pauline. Tinahak namin muli ang gubat hanggang sa makabalik kami sa aming grupo.
Kasama ko sina Regina at Pauline. Nakasakay kaming tatlo sa isang owner jeep habang binabagtas ang hilaga ng Batan. Ako ang nagmamaneho at katabi ko si Regina. Si Pauline naman ay panay ang paggala ng kanyang mga mata at napapatayo pa sa likod ng sasakyan.
"Pol, umupo ka lang. Baka mahulog ka pa at yari ako kay Tristan," saway ko sa kanya. Kitang-kita ko ang nag-aalalang mukha ni Pauline mula sa side mirror habang hinahawi ng malamig na hangin ang kanyang buhok.
"I'm fine. Para lang nagangabayo sa labas ng kastil-" Naputol ang kanyang sinasabi nang maalalang may iba nga pala kaming kasama. "Huwag mo na akong intindihin. Pagtuunan mo ng pansin iyang pagmamaneho mo."
"Nakakaurat. Nawawala na ang signal!" bulalas ni Regina. Kanina pa nito sinusubukang tawagan si Nico upang makibalita. "Hindi ko rin magamit ang GPS ko!"
"Oh, ito." May inilabas akong mapa at compass at inabot sa kanya. "Marunong ka bang gumamit niyan?"
"Ang jurasic naman nito," reklamo niya. Binukalkal ni Regina ang malaking papel. Hindi nito malaman kung nasaan na kami sa mapa.
"Taga rito ka ba talaga?" naiirita kong tugon. Mabagal ang aking pagmamaneho. Sinisigurado kong masusuyod ko ang buong paligid. Umaasa akong makikita ko sa isang sulok si Noah.
"Pasubok nga." Kinuha ni Pauline ang mapa at tila isang propesyonal kung basahin ito. "Limang kilometro sa kaliwa ay may malaking simbahan."
"Tama! Sa simbahan na iyon una kitang nakita noong mga teenagers pa lang tayo, Adam," saad ni Regina. Nagliliwanag ang mata nito habang unti-unting sumusulpot sa malayo ang krus sa bubong ng simbahan. "May kaibigan si Noah na laging nandiyan, eh. Ano nga ulit ang pangalan niya?"
"Kelvin... Kelvin Smith," tugon ko.
"Kilala mo?" usisa ni Regina.
Hindi ko na lamang siya sinagot. Hindi kagaya niya, halos lagi kong naririnig ang pangalan ng mga kababata ni Noah. Panay ang kuwento sa akin ng batang bersyon ng aking nobyo tungkol sa mga nagiging kaibigan nito tuwing tumatalon ako sa nakaraan.
Napatigil kami sa tapat ng simbahan. Medyo basa pa ang labas dahil sa mga hamog na nagmula sa madaling araw. May makukulay na bulaklak ng bogambilya sa paligid. Ang hangin ay nangangamoy bagong sibol na ilangilang. Iginala ko ang aking paningin. Maaga pa at araw ng Lunes kaya wala talagang tao.
"Adam?" saad ng isang lalaki. Hindi pa kami nakakababa ng sasakyan nang may sumalubong sa aming binata mula sa gilid ng simbahan. Nakasuot ito damit na pang pari at may dala siyang biblia. "How are you? Long time no see!"
"I'm great!" bulalas ko. Agad ko siyang namukhaan. Kalahating Americano at may lahing banyaga na kagaya ko. "Listen, Kelvin. Do you know where Noah is?"
"He's here yesterday," magalang na sagot ni Kelvin. Napapikit pa ito habang inaalala ang mga naganap kahapon. Nagsimula siyang matawa dahil sa kanyang nagunita. "Kinuha ko siyang wedding singer. Ayun! Nag-iiyakan lahat ng guest dahil ang lungkot ng pagkakakanta ni Noah."
"Alam mo ba kung nasaan na siya?" tanong ni Regina. Panay na ang palo nito sa kanyang balat dahil nagsisimula na siyang lamukin.
"Hindi, eh." tugon ni Kelvin. Lumapit pa ito sa amin upang mas makausap namin siya nang maayos. "May problema ba?"
"Mahabang kuwento," sagot ko. "Sige, salamat. Mukhang marami pa kaming pupuntahan."
"Teka lang!" Papaandarin ko na sana ang sasakyan nang bigla niyang hinawakan ang braso ko. Agad na sumakay si Kelvin sa likod ng sasakyan. "Isama ninyo ako. Bored na bored na ko rito. At isa pa, mas maraming mata, mas madaling natin siyang mahanap."
"Where do you think he went?" tanong ko kay Kelvin. Mabilis kong pinihit ang susi at pinaandar ang sasakyan.
"Subukan natin sa isa pa naming kabarkada," sagot ni Kelvin. Inaayos nito ang pagkakabotones ng kanyang damit habang tumutulin ang aming andar. "Unahin natin si Naldo."
Namula ako sa hiya. Pamilyar din ang pangalan ni Ronaldo Hidalgo. Naalala ko ang muntikan naming away ni Naldo noon nang pagselosan ko siya dahil kay Noah.
"Tara, sa palengke," bulalas ko.
"Anong palengke?" Humahalakhak si Kelvin habang binabagtas na namin ang highway.
"Hindi ba kargador siya rati?" pagtataka ko.
"Ang tagal na noon," tugon ni Kelvin. Panay lamang ang ngiti niya habang tinititigan ang bawat taong aming nadadaanan. "Doon tayo sa mall!"
"Sa mall na siya nagtratrabaho?" usisa ni Regina.
"Siya ang may-ari ng mall!" sigaw ni Kelvin.
"Seryoso?" Halos maapakan ko ang preno ng sasakyan dahil sa gulat.
Kalahating oras ang lumipas nang marating namin ang mall. Iniwan ko ang sasakyan sa kanto sakay ang dalawang babaeng kasama namin. Mabilis kaming tumakbo ni Kelvin papasok sa loob. Hindi gaya sa Maynila, maliit lamang ang gusaling aming pinuntahan. Wala ring gaanong tao dahil hindi pa talaga ito bukas. Ngunit dahil kakilala ni Kelvin ang may-ari, mabilis kaming pinagbuksan ng bantay. Natagpuan namin ang aming sarili sa tapat ng isang malaking opisina.
"Father Kelvin!" bulalas ni Naldo. Nagulat ako sa itinawag nito sa katabi ko. Mabilis niya akong nilingon at unti-unti niya akong naalala. "Adam? Oh, nasaan si Noah?"
"Iyon nga rin ang ipinunta ko rito," tugon ko. "Nakita mo ba siya?"
"Hindi, pare. Pasensya na."
"Sige, I need to go. Sa iba na lang ako maghahanap."
"Hay nako, totoo nga ang sinabi ni Noah," ani Kelvin. Palabas na sana ako nang bigla akong natigilan sa sinabi niya.
"Na ano?" usisa ko. Medyo nagpanting ang aking tainga dahil sa aking narinig.
"Na padalos-dalos ka raw," dagdag ni Naldo. Mabilis itong pumunta sa computer niya at tila may inaaral na isang bagay. "Parang napansin ko siya kahapon na nahagip ng CCTV. Siya lang naman ang kakilala kong natural na pula ang buhok kaya hindi ako puwedeng magkamali."
Ilang segundo rin siyang naghanap. Panay na ang padyak ng aking paa at gusto ko nang tumakbo pabalik sa sasakyan.
"Aha!" bulyaw ni Naldo. "Ito siya, oh!"
Mabilis kaming napatakbo ni Kelvin sa tabi nito. Tinuro nito ang pigura ng isang lalaki sa screen. Nanlaki maging ang aking mata nang mamukhaan ko siya. Ang matikas niyang tindig. Ang kulay tanso niyang buhok. Ang malungkot niyang mukha.
"There! Pasakay ng jeep," saad ni Nardo. Kitang-kita namin ang kuha ni Noah sa CCTV sa tapat ng mall. Pinalakihan ni Naldo ang larawan upang mas mabasa ang plaka ng sasakyan. "San Antonio Bukid? Anong gagawin niya sa bukid?"
"Gian!" sagot ni Kelvin. "Malamang nasa kanila Gian si Noah!"
Ramdam ko ang pagtalon ng aking puso. May kaunti akong tuwa dahil may patutunguhan na ang paghahanap ko kahit papano.
"Sige, Naldo. Salamat," paalam ko kay Naldo bago kami humarurot palabas.
"Sama ako!" bulalas nito. May kinuha itong maliit na kahon sa kanyang lamesa bago kami lumabas. "Oops!"
"Ano iyan?" usisa ni Kelvin.
"Muntikan ko nang maiwan," halakhak ni Naldo. "Para ito sa amin ni Misis."
Nang marating namin ang sasakyan ay may binabayarang bata si Pauline. May hawak siyang laruan na gawa sa dalawang lata. Mayroon itong tali sa magkabilang dulo.
"Salamat po, ate ganda," saad ng bata bago tumakbo palayo.
"Laruan?" usisa ko.
"Laruan na binebenta ng bata," paliwanag ni Pauline. Mabilis itong sumakay at itinago ang dala niya. "Binili ko na. Kawawa naman, eh. Hindi pa raw siya kumakain."
Agad kong pinaandar ang sasakyan nang makaayos na kaming lahat. Makalipas ang isang oras ay natagpuan ko ang aking sarili sa isang pamilyar na lugar. Malawak na burol. Napapalibutan ng mga halaman.
"Ang ganda rito," bulalas ni Pauline. Nakatayo ito habag umiihip ang preskong simoy ng hangin sa kanyang balat.
Pinagmasdan ko ang kapaligiran. Ang pamilyar na amoy ng mga mais. May mga nakatanim na vuyavuy sa malayo. Isa-isa nang nagsibabaan ang mga kasama ko. Naiwan ako sa sasakyan. Nakatitig ako sa daanan na maalikabok. Puno ng lubak at may mga nakausling bato. Natatawa ako abang inaalala ang unang araw ko sa Batanes noong taong 2006. Kung paano ako ipinasyal ni Noah sakay ng motor.
"Shhh! Nanginginig ako."
Tila nakikita ko sa kalsada ang itsura naming dalawa noong araw na iyon. Siya ang nag mamaneho ng motor habang mahigpit ang yakap ko sa kanyang likod.
"Nanginginig your face! Eh, mukhang sarap na sarap ka riyan."
"Well, hello there. Look who's talking."
Natawa akong muli habang inalala ang pagkapa sa harapan niya.
"Adam, behave ihahatid kita sa kanila Nico, sige."
Bumalik ang aking diwa nang may makita akong kalabaw na paparating mula sa malayo. May binatang nakasakay at may salakot pa sa ulo.
"Gian!" sigaw ni Naldo. Humarurot ito upang kausapin ang binata. Ilang segundo lang ay sumunod na rin ako.
"Adam, hinahanap mo raw si Top 1?" tanong ni Gian.
"Oo, nag-aalala na nga ako sa kanya," tugon ko. "Miss na miss ko na ang boyfriend ko."
Hindi ko na inasahang may alam si Gian Montemayor tungkol sa kinaroroonan ng aking nobyo. Malamang ay abala ito sa bukid at wala nang panahon upang makipagkita kay Noah.
Matagal bago sumagot si Gian. Hawak nito ang tali ng kalabaw habang may dala pa siyang ibang lubid sa kariton. Pinagmamasdan niya ako habang nakayuko.
Nakatitig lamang ako sa kalsada. Wala akong imik. Sobra na ang aking pangungulila. Pinilit kong palabasin muli ang imahe naming dalawa ni Noah habang nasa motor. Ang kulitan namin sa malubak na kalsada.
"Nakita ko siya," saad ni Gian.
Tila wala akong naririnig. Abala ako sa sarili kong mundo. Natatawa ako habang muli kong ginugunita ang itsura namin ni Noah. Ang mahigpit kong hawak sa bewang niya.
"Nakikinig ba ito?"
Ang pagngudngod ko ng mukha ko sa mabango niyang likod. Umaapaw ang aking puso habang kami ay namamasyal sa Batanes.
"Adam? Huy! Hala."
Ang pagdala niya sa akin sa isang magandang tanawin. May malawak na damuhan at may malaking parola sa dulo.
"Parola!"
Natigilan ako sa pagkatulala ko nang bigla umungol ang kalabaw sa harap ko.
"May sinasabi ba kayo?" tanong ko kay Naldo at Gian.
"Nasa Parola!" bulalas muli ni Gian.
Mabilis na nagliwanag ang aking mukha. Napatingin ako sa kalabaw na panay at wagayway ng kanyang tainga. Hindi ko alam ang aking magiging reaksyon. Kung maniniwala ba ako sa pag-asang hatid ng mga salita niya. Nasa dulo na kami halos ng bayan at nasa tuktok na ng mapa ang sinasabi niyang parola.
"Sigurado kayo?" kinakabahan kong tanong. Panay ang lunok ko sa aking laway. Nagmakaawa sa langit na sana ay tunay nga ang narinig ko.
"Oo nga. Kagagaling ko lang doon!" bulalas ni Gian. Sinimulan nitong kamutin ang likod ng alaga niya na kanina pa ako tinatabig ng kanyang sungay. "Dalian mo baka umalis agad iyon!"
Nagmadali akong sumakay sa sasakyan. Dinala ko silang lahat sa sinasabi ni Gian. Isa ito sa pinakamababang lugar sa isla ng Batan. Malapit na kami sa tabing dagat. Napapalibutan ang paligid ng puti dahil sa nagkalat na pampas. Isang mataas na halamang damo. Parang malaking bersyon ng mga dandelions. Puno ng puting balahibo ang dulo. Kadalasang ginagamit sa kasal o dekorasyon sa bahay.
"Should we call his name?" usisa ni Regina.
"Huwag," sagot ko. "Siguradong magtatago lalo iyon kapag nalaman niyang nandito ako."
Iginala ko ang aking paningin. Masyadong malawak ang paligid at wala akong makitang tao. Namumugto na ang aking mga mata. Kinagat ko ang aking mga labi upang pigilan ang pagnanangis ng boses ko. Tuluyan na ngang nabasa ng aking mga luha ang alikabok sa aking paa. Kagaya kanina ay wala na akong naramdaman. Ako talaga ay manhid na. Sanay na sa lungkot. Sanay na sa pasakit. Sanay na sa lumbay na dala ng pangungulila ko.
"Noa-" Sisigaw na sana ako nang mapansin ko sila.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat na ibong kumikinang na mabilis na lumipad sa aking harapan. Agad akong kumaripas. Nagulat ang mga kasama ko nang bigla akong tumakbo sa direksyon ng parola. Tumagos ako sa mga damong pampas. Nagkalat ang puti balahibo sa hangin dahil sa paghawi ko sa mga halaman. Halos dalawapung metro ang aking itinakbo. Naglipana ang mga puting balahibo ng pampas na tila pakpak ng isang anghel sa likod ko.
Paglabas ko sa damuhan ay wala na ang mga ibon. Sa aking harapan ay ang dalampasigan. Maputing buhangin na may malawak na dagat sa harapan.
Sa tabing dagat ay nakita ko siya. Nakaupo sa buhangin. Tumatalsik sa kanya ang malalakas na alon. Tila mga bahagharing kumikislap ang bawat butil ng tubig na lumilipad sa hangin. Nakadantay ang kanyang mga kamay habang nakatingin sa langit. Pinagmasdan ko siya mula sa malayo habang panay ang punas niya sa kanyang mukha. Halatang umiiyak din ito. Nangungulila gaya ko.
Umaapaw ako sa ligaya nang makita ang pamilyar niyang anyo. Ang makisig niyang likod. Ang matikas niyang mga braso. Ang malapad niyang balikat. Ang buhok niyang kasing pula ng lumulubog na araw.
Pupuntahan ko na sana siya nang may biglang pumigil sa akin sa pagtakbo.
"Ark, teka," bulong ni Pauline. Nakasunod ito sa akin sa damuhan. "Hindi ba sinabi mo nilalayuan ka niya?"
"Pero--" pagpipilit ko.
"Hayaan mong subukan ko," saad niya. Nakangiti ito habang pinagmamasdan ang likod ni Noah. "Hayaan mo namang makabawi ako sa inyo."
Marahan siyang tumayo. Pinanood ko siya habang naglalakad sa buhangin. Ang maliit niyang paa ay nag-iiwan ng mga bakas. Malambing ang kanyang bawat paghakbang hindi gaya ng malalakas na hampas ng alon sa malayo.
Naiwan akong natatakpan ng mga pampas. Nangungulila sa nobyo kong ilang metro lamang ang layo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top