Chapter 11: Their First Meeting
Chapter 11
"Their First Meeting"
Year: 2013, Metro Manila (Present)
Adam's POV
Maulan. Mausok. Mahamog. Ewan ko ba kung anong nakain ko at tumuloy pa rin ako sa sinasabi nilang Christmas Party. Kalahating oras na akong palibot-libot sa lugar na nakasaad sa papel na hawak ko pero hindi ko makita ang sinasabi nilang Marahuyo Hotel.
Pambihira talaga!
Ang nakakainis pa, wala akong dalang payong. Mukha akong tanga sa suot ko. Tuxedo na kulay itim pero nakasumbrerong pang delivery guy na ginagamit naming pang sideline ni Tristan. Wala, eh. Kailangan ko ng pantakip sa mukha ko. Kung wala akong taklob, malamang hindi na ako nakalayo sa apartment nang walang nagkakagulo sa itsura kong ito.
Saan nga ba ako nagmula? Malalaman ko na kaya?
Anak ng tokwa! Ang malinis kong pantalon na iningatan kong hindi mabasa biglang naputikan. Ito ay natalsikan ng nagmamadaling taxi.
Bad trip!
Gumilid muna ako sa isang sulok at nagpatila ng ulan. Kaunti na lang at malapit na talaga akong umuwi. Tinignan ko ang mga sasakyang hindi gumagalaw sa aking harapan. Madilim na. Sinasalo ng malakas na ulan ang lahat ng ilaw sa kalsada. Sa gilid ng eskinita ay may pila ng mga taong pasakay ng bus. Pinagmasdan ko ito. May driver na hinihingal at ang ilang bahagi ng sasakyan ay kinakalawang na. Siningkitan ko ang aking mata. Sa apat na buwan ko rito sa Maynila, bakit hindi nga ba ako sumasakay ng bus? Tumila na ang ulan. Sinubukan kong humakbang patungo sa pila ng sasakyan.
Isa..
Dalawa...
Napahinto ako. Biglang bumilis ang tibok ng aking dibdib. May kakaibang takot na bumalot sa aking katawan na siyang nagpatigil sa akin sa pagpunta sa bus.
Hindi ko maintindihan.
Biglang kumidlat. May mga imaheng lumitaw sa aking isipan. Imahe ng isang binatang hinahatak ko patayo sa aming sinasakyan. Nagpupumiglas siya habang pinipilit ko siyang hatakin patalon. May bangin. May bato. May gubat. May dagat na may malalakas na alon. Hindi ko na nakita ang mga susunod na nangyari dahil lalong sumakit ang ulo ko. Napaupo ako sa aspalto. Ang likod ko ay nakasandal sa pader sa madilim na eskinita. Inipit ko ang aking ulo sa pagitan ng dalawa kong tuhod. Huminga ako nga malalim hanggang sa mawala ang pananakit nito.
Ilang minuto pa ay tumila na ang ulan. Nagbuga ako ng mainit na hangin habang ninananam ang paggaan ng aking isipan. Wala na ang mga imahe. Nakatingala ako habang nakatingin rin sa langit na walang buwan. Walang liwanag. Walang bituin.
"I'm just a speck in the universe." May biglang bumulong sa ulo ko.
Ayan na naman ang kakaibang boses. Boses na tila may kausap na ibang tao. Muli akong napayuko. Pinilit kong takpan ng aking palad ang aking mga tainga. Nangingibabaw ang malabong boses sa aking utak kahit malakas ang busina ng mga sasakyan sa aking harapan. Naririnig ko ang mga bulong ng isang tao. May mga sinasabi siyang hindi ko naiintindihan. Higit sa lahat, may dalang lungkot ang bawat himig na kanyang pinapakawalan. Pinikit ko ang aking mga mata. Tanging silweta ng isang binata ang nakikita ko.
Nakangiti. Walang pangitaas. Hinahaplos ang buhok ko.
"You are my universe in a speck!" bigla kong isinigaw sa eskinita. Kusang lumabas ang mga salitang iyon sa aking bibig. Mabilis na napalayo sa akin ang mga taong dumadaan sa pag-aakalang nababaliw na ako.
Hindi ko alam kung saan ko nakuha iyon.
Kung bakit ko nasabi.
Kung para kanino.
Muling nawala ang imahe ng binata sa aking ulo. Pinilit kong tumayo kahit may hapdi pa rin sa sa aking bumbunan. Hinahaplos ko ang aking sentido sa pagtatangkang mawala ang kirot. Nakasandal ang isa kong kamay sa pader habang umaangat pataas.
"Makauwi na nga lang," bulong ko. Nananakit pa rin ang aking ulo habang nakatitig sa rutang tatahakin ko pauwi.
Bigla akong natigilan.
May kung anong mabilis na ibong lumipad sa aking harapan. Kulay puti o kulay ginto. Hindi ko masyadong napansin dahil sa tulin nito. Sa isang iglap ay gumanda ang aking pakiramdam. Ang ulo kong parang minamason kanina ay biglang gumaan. Sinundan ko ng tingin ang direksyong tinungo ng ibon. Nangibabaw ang kuryosidad ko sa kulay nitong kumikislap sa gabi.
Napadpad ako sa kabilang eskinita. Napunta sa isang kanto habang hinahanap ang kasunod na ruta. Panay ang gala ng aking mga mata nang biglang ayan na naman siya! Kulay puti. Isang kuwago. Mabilis na dumapo sa poste ng ilaw bago lumipad nang matulin patungo sa kabilang kanto.
Marahan akong naglakad. Hanggang sa tumulin. Hindi ko na napansing ako ay tumatakbo na. Narating ko ang isang kalsada. Wala masyadong tao. May dalawang mamahaling hotel sa magkabilang dulo na puno ng mga tao. Sinubukan kong maglakad patungo sa isa. Bigla akong natigilan nang biglang bumulaga sa harap ko ang kuwago. Kulay ginto naman. Lumilipad sa tapat ng mukha ko na tila pinipigilan ako sa paglalakad. Sinundan ko ito ng tingin. Lumipad ito patungo sa aking likuran. Nakita ko itong pumasok sa malaking gusali. Mabilis ko itong sinundan.
Hinihingal akong nakayuko sa tapat ng gusali. Hinahabol ko ang aking hininga habang nakadantay ang aking mga kamay sa aking tuhod. Marahan kong inangat ang aking ulo patungo sa gusali sa harap ko. Detalyado ang pagkakagawa nito. Bawat sulok ay yari sa marmol. Sa entrada ay may pulang carpet. May mga mahinang ilaw na kumikislap sa madilim na loob nito. Napatingin ako sa labas. Wala na ang ibong sinusundan ko. Inangat ko pa ang aking ulo hanggang sa makita ko ang pangalan ng gusali, Marahuyo. Maganda, nakakaakit, nakakahumaling gaya ng mga musika sa loob.
"Finally, you are here!" bulyaw ni Nico. Mabilis niya akong hinatak sa entrada papasok sa gusali. Bagamat madilim ay ramdam ko ang tuwa sa kanyang hininga habang hinihila ako patungo sa hagdan. Dinala niya ako sa isang pribadong lamesa na tanaw ang entablado sa ibaba. "Ate, ito na siya!"
"Yes! Yes! Finally!" Pumapalakpak ang tainga ni Regina habang nakatayo kami sa veranda. Nakasuot siya ng pulang evening gown. Pinilit ko siyang nginitian kahit naasiwa ako sa makapal niyang lipstick. "What the hell is that on your head?"
Mabilis niyang inagaw ang aking subrero at inilapag sa lamesa. Kumuha siya ng suklay sa kanyang bag at sinimulang ayusin ang buhok ko.
Biglang mas dumilim pa. Namatay halos lahat ng ilaw at may isang malaking spot light na dumapo sa gitna ng entablado.
"Ladies and Gentlemen!" sabi ng host. "The moment we've all been waiting for."
"Putangina, simula na!" Nasaksihan ko ang pag-aaligaga ni Nico. Mabilis itong tumakbo pababa. Narinig ko ang bawat hakbang niyang may kasamang pangamba. "Ate, ikaw muna ang bahala sa kanya."
Dinala ako ni Regina sa dulo ng veranda. Tanaw namin mismo sa aming puwesto ang buong entablado. Sa aming ibaba ay maraming lamesa. May mga taong halatang pangbigatin ang mga suot habang nakatitig sa entablado.
"Dito tayo," saad ni Regina. Pinagmamasdan ko siya habang may hinahalungkat sa kanyang bag. Napatingin siya sa akin at iniharap niya ang ulo ko sa entablado. "Doon ka tumingin. Sabihin mo kung may naalala ka na!"
"Anong pinagsasabi mo?" pagtataka ko.
"Basta!" giit ni Regina. Nagmamadali siya sa paghahalungkat. "Panoorin mo siyang tumugtog."
"Sino-"
Natigilan ako nang biglang kumiskis ang bow ng biyulin sa pisi ng instrumento. Ang isang nota ay naging dalawa, naging tatlo, dumami na tila mga makukulay na dambanang naglalaro sa buong paligid. Sa gitna ng entablado ay may binata. Nakayuko habang nasa kanyang leeg ang hawak niyang instrumento. Patuloy lamang siya sa pagtugtog. Nakapako ako sa pinapakawalang niyang musika. Hindi ako makakilos. Nanlaki ang mga mata ko sa pamilyar na piyesa na kanyang isinasabuhay.
Matinis.
Marahan.
Malungkot.
"Ano, may naalala ka na?" pangungulit ni Regina. Gusto ko siyang lingunin ngunit tila nanigas na ang aking leeg at hindi ko magalaw.
"Wala, eh," pagsisinungaling ko.
Marahang inangat ng binata ang kanyang mukha. Nakatingin ito sa kawalan. Bagamat malayo ay tumatalbog sa basa niyang mga mata ang ilaw sa paligid. Hindi ko alam kung may nakakapansin bang ibang tao sa kanyang pagluha. Pinagmasdan ko siyang maigi. Ang binatang nakita ko sa paaralan noong isang linggo. Ang lalaking kabardagulan nina Regina at Nico.
"Noah... Noah Arroyo," malambing kong bulong.
"Remember him now?" tanong ni Regina.
Hindi ko siya sinagot. Nakatitig lamang ako kay Noah habang patuloy siyang tumutugtog. Ang pamilyar na melodiya. Ang mga kilos ng kanyang mga kamay habang kinikiskis ang biyulin. Ang mga dambana sa pailigid ay napalitan ng mga niyebe. Sa isang iglap ay tila nagbago ang buong paligid. Nakatitig pa rin ako kay Noah. Tila ang buong entablado ay naging nagyeyelong lawa. Sa gitna ng yelo ay nakatayo si Noah. Napapalibutan siya ng pine trees. May mga snow sa buong paligid. Marahuyo. Nakakaakit siyang pagmasdan sa suot niyang puting tuxedo. Para siyang anghel na gawa sa yelo.
Ang buong lugar ay natatabunan ng puti. May mga kuneho at usang naghahabulan sa isang dulo. Sa aking harapan ay muling lumipad ang puting kuwago. Matulin hanggang sa maging ginto. Lumagpas ito kay Noah. Dumapo sa isang bahay sa malayo. Napatitig ako nang maigi sa pamilyar na bahay. Malaki, maganda, amoy champorado.
Isiningkit ko ang aking mga mata. Si Noah ay patuloy lamang sa pagtugtog sa gitna ng lawa habang tinititigan ko ang bahay sa likuran niya. May mag-asawa sa labas. May isang batang paslit sa ibabaw ng lamesa. Tinitigan ko silang mabuti. Ang mga pamilyar nilang mukha. Ang mga masasaya nilang boses. Higit sa lahat ay ang nakakaulila nilang tawa.
"Nanay? Tatay?" bulong ko. Namukhaan ko ang babaeng may kasamang bata na tumulong sa aking magpagamot sa ospital bago ako makita ni Pauline. Ang sayang dala niya. Ang kapanatagang hatid niya. Ang tahanang kinatatayuan naming tatlo.
Ilang saglit pa ay biglang napatigil si Noah. Biglang naglaho ang lahat sa harapan ko. Ang lawa, ang masayang pamilya, ang mapait na amoy ng tablea.
"Anyare?" bulyaw ni Regina. Nakadungaw pa rin ito sa veranda samantalang ako ay mabilis na napaupo.
"We have some technical problems," sabi ng host. May mga bulungan sa ibaba at nagkakagulo ang ibang tao dahil maging ang microphone ay ayaw nang gumana.
"Oh, so may naalala ka na?" usisa ni Regina. Nakapamewang pa siya at pumapadyak.
"Ang Nanay at Tatay ko," tipid kong sagot. Nakakunot ang aking noo habang nakatitig sa sahig.
"Eh, si Noah, naalala mo na?"
"Hindi ko maintindihan." Pinilit ko siyang alalahanin ngunit iba't ibang edad ng lalaki ang lumalabas sa aking isipan. "May bata, binata. May... may sa-"
"Hay nako!" bulyaw ni Regina. Nakayuko pa rin ako at pinipilit na mag-isip nang maayos pero panay pa rin ang kanyang bulalas. "Baliw na ata iyang si Nico at Noah. Time traveler ka raw! Lagi mo raw silang pinupuntahan noong mga bata pa sila kaya nakikita mo ang mga batang version nila!"
Hindi ko na siya naririnig. Tila naiwan ang diwa ko sa nagyeyelong lawa kanina.
"Taika nga!"
Mabilis na inilapag ni Regina ang dalawang bagay sa lamesa. Mga bagay na kanina pa niya hinahalungkat sa kanyang bag.
"Oh! Ninakaw ko kay Nico sa kotse habang isinasako nila ako," mataray na handog ni Regina.
Tila isang milgarong nawala ang paninigas ng aking leeg. Ang aking diwa ay mabilis na bumalik sa aking katawan. Sa lamesa ako ay napalingon. Bumilis ang tibok ng aking puso nang makita ko ang dalawang bagay.
Isang journal at isang gintong kuwintas na hugis kuwago.
"Owlie?" bulalas ko. May mga ala-ala nang bumabalik ngunit hanggang kabataan ko pa lamang ang nagugunita ko.
"Can I have your attention please?" nagpanting ang aking tainga sa pamilyar na boses ng isang lalaki.
"Shit! Ayan na si Peter Ibarra," tili ni Regina. Inaalog nito ang aking braso dahil sa sobrang inis.
"Ibarra?" pagtataka ko. Hindi ko maipaliwanag ang pagkulo ng aking dugo habang naririnig ang boses niya sa entablado.
Ipinulupol ko sa aking pulso ang aking kuwintas. Marahan kong binuksan ang journal upang basahin ang unang pahina nito. Nakayuko pa ako at babasahin na sana ang mga nakasulat nang hatakin ako ni Regina patayo.
"Tumingin ka sa baba dali!" utos niya. Napatitig muli ako sa entablado. May mga taong nakatayo sa paligid. May dalawang lalaki sa entablado. May hawak na biyulin si Noah. Sa harap niya ay may hawak na micropono si Peter.
"Napakasuwerte ko dahil sa dami ng mga tala sa langit nakita kita," sabi niya kay Noah.
Ang mga linyang iyon!
Hindi ako mapakali. Iyon ang mga salitang minsan kong nabasa sa isang libro na inihandog ko sa isang tao. Tuluyan nang rumagasa ang dugo ko patungo sa aking ulo. Ramdam ko ang aking panginginig. Matinding galit. Matinding selos. Naalala ko ang lawa sa likod ng isang bahay sa Palawan. Ang mukha ng lalaki na kasama ko habang nagbibilang ng mga tala sa gabi. Ang binatang kasama ko lagi sa pagtulog. Ang binatang ka-partner ko sa quiz bee sa Saturnino High School. Ang binatang sinisimulang luhuran ni Peter.
"Noah," bulong ko. Ang boses ko ay unti-unting naglalaho.
"Will you marry me, Noah Arroyo?" tanong ni Peter matapos ito ay lumuhod.
"Adam!" malakas na sigaw ni Regina. Gulat na gulat ito sa kanyang nasaksihan. Ngunit hindi siya sa entablado nakatingin kundi sa nangyayari sa akin.
Ang katawan ko ay nanginginig. Ang balat ko ay nagiging transparent. Ang anyo ko ay naglalaho sa dilim.
Anong nangyayari sa akin?
Wala na ako nang napatingin silang lahat sa direksyon ni Regina. Nahimatay ito sa ibabaw ng mga naiwan kong damit. Huling kong nakita si Noah na tumatakbo pababa ng entablado na tila nakatitig sa aking mga mata. Tila siya lamang ang nakakakita sa katawan kong naglalaho sa hangin.
Tuluyan na akong naglaho. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Napatitig ako sa naiwan kong journal. Sa unang pahina ay nakalagay ang isang petsa.
"Late entry: June 8, 1996. Ang una naming pagkikita ng mabait na kuya," ayon sa sulat-kamay ng isang bata.
꧁༒༺🦉༻༒꧂
Year: June 8, 1996, Batanes (Past)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top