Chapter 7 - Life

Mahinang tumikhim si Mamá pagkatapos niyang humigop ng sabaw. Naramdaman ko ang mabigat niyang pagtitig sa akin, halos hindi ko tuloy malunok ang pagkain ko. Parang bigla ring nanlambot ang mga daliri ko at muntik ko nang mabitawan ang kubyertos. Alam ko kasing may itatanong na naman siya tungkol sa amin ni Landon na iniiwasan ko nang pag-usapan.

"Nagpaalam pala si Landon sa akin kanina... lalabas daw kayo bukas? Manonood kayo ng sine sa bayan?" direkta niyang tanong sa akin.

"Opo."

Iyon lang ang isinagot ko at hindi ko rin siya sinulyapan. Kapag mas marami pa akong sinambit, baka mahuli niya ang katotohanan mula sa aking bibig. Hindi ako magaling magsinungaling, lalo pa't nandito sila Papá at Tiya Cristina.

"Hindi mo pa ba siya sasagutin, Maggie? Dalawang buwan na siyang nanliligaw, hindi ba?" pag-uusisa pa ni Mamá. Ramdam ko pa ring nakapako sa akin ang mga mata niya at hinihintay ang sagot ko.

"Ate naman..." mahinang protesta ni Tiya na nakaupo sa tabi ko.

Mabuti na nga lamang at nandito siya, kung hindi ay walang aawat kay Mamá na halos ipagtulakan na ako kay Landon.

"O? Bakit, Cristina?" Bahagyang tumaas ang boses ni Mamá at gano'n din ang mga kilay niya habang nakatingin kay Tiya.

"Napakatyagang manligaw ni Landon. Palaging dinadalhan si Maggie ng mga paborito niya at halos linggo-linggo din silang lumalabas. He is kind and smart, matipuno at magalang... what more can I ask for?" Ipinatong ni Mamá ang mga siko niya sa lamesa at pinagsalikop ang mga palad niya.

"And besides, Maggie looks happy! Ngayon ko lang yata nakita ang anak ko na palaging nakangiti pagkatapos ng mga date nila ni Landon," magiliw pa niyang dagdag.

Napalunok ako habang pinipilit kong iangat ang sulok ng mga nanginginig kong labi. Kung alam lang ni Mamá na kay Lance galing ang mga ngiti ko nitong nakaraang dalawang buwan, tiyak akong manggagalaiti siya sa galit. Tiyak akong hinding-hindi niya na ako papalabasin maging sa aking silid.

Mahina akong nagpakawala ng buntong-hininga at saka humigop ng sabaw. Ngunit nang malasahan ko ang asim nito, biglang umikot ang aking sikmura.

Napatakip ako ng bibig upang pigilan ang pagduduwal. Ganito rin ako kaninang umaga nang maamoy ko ang kapeng itinimpla ko para kay Papá.

"Anak, ayos ka lang?" malakas na tanong ni Papá kasabay ng pagkaskas ng upuan niya sa marmol na sahig.

Mula sa kabisera ng hapag ay patakbo siyang lumapit sa kinauupuan ko. Hindi ako makasagot sa kaniya. Natatakot akong kapag inalis ko ang palad ko sa aking bibig ay tuluyang masuka ako.

Dali-dali kong inabot ang aking baso at inubos ang tubig na laman noon.

"Maggie, may sakit ka ba?" muling tanong ni Papá.

Gumapang sa likod ko ang kamay ni Tiya Cristina at paulit-ulit niyang hinagod iyon. Kahit papaano'y nakabawas sa kakaibang sensasyon sa aking tiyan.

"Wala po, Papá. M-Masyado lang pong maasim ang sinampalukang manok ni Tiya..." mabagal kong saad.

"Aba, Maria Galina! Specialty ko 'yang pinupulaan mo!" nakangising sabat naman ni Tiya.

Napakamot ng ulo si Papá at napailing-iling pa. "Adobo ang specialty mo, Cristina... hindi iyan," panunuya niya kay Tiya na sinabayan pa ng tipid niyang pagtawa.

Bumusangot naman si Tiya, ngunit maya-maya pa'y nakisabay na rin sa pagtawa ng Papá.

***

Mariing nakakapit sa manibela ang kaliwang kamay ni Lance habang nakahawak naman ang kanan niya sa kaliwang kamay ko. Magkasalikop ang mga daliri namin. Malapad ang ngiti sa mga mapupula niyang labi. Isinasayaw-sayaw pa niya ang ulo niya na tila sinasabayan ang musikang galing sa radyo. Napakasaya niyang pagmasdan.

"Nilalamig ka ba, mahal ko?"

Pinutol ng tanong niya ang pagtitig ko sa kaniya. Napakurap-kurap ako. Hindi ako makapaniwalang binigkas niya iyon.

"M-Mahal ko?" Mahina akong napahagikgik at inilapit ko pa ang mukha ko sa kaniya. "Saan mo naman napulot 'yan, Lance?... parang hindi bagay sa 'yo," dugtong ko at pabiro kong kinurot ang pisngi niya.

"You don't like our call sign?" seryosong tanong niya.

Napasandal ako sa upuan ko.

Call sign? Ano 'yon?

"Ano ba'ng gusto mong itawag ko sa 'yo?" Minasahe niya ang likod ng kaliwang palad ko at malagkit akong sinulyapan.

Ah, iyon pala ang call sign.

Napangiti naman ako at saka napalabi, iniisip kung ano bang magandang isagot sa tinuran niya.

"Ayos na sa akin ang 'mahal ko', Lance... I like it very much," mabagal kong sambit na nagpabungisngis sa kaniya.

Inilapit niya ang kamay ko sa mga labi niya at paulit-ulit niyang pinaulanan iyon ng halik habang nagmamaneho.

Pakiramdam ko'y basa na ng laway niya ang likod ng palad ko pero hinayaan ko lang siya. Gusto ko ang ganitong Lance. Gusto ko iyong mahigpit niyang yapos sa akin tuwing ihahatid na ako ni Landon pauwi sa mansyon. Gusto ko iyong mga pahabol niyang halik. Gusto ko iyong pakiramdam na parang ayaw niya na akong pakawalan.

Mananabik ako sa mga ganoong pakiramdam... lalo pa't babalik na siya ng Maynila sa susunod na linggo.

"Nandito na tayo, Lance." Marahan kong binawi ang kamay ko mula sa mga labi niya.

Ipinarada niya ang sasakyan malapit sa klinika ni Ate Amira. Sinabi ko kay Lance na magpapakonsulta ako kay Ate dahil sa hika ko. Hindi ko ikinuwento sa kaniya ang nangyari kagabi sa hapunan dahil ayokong mag-aalala pa siya.

Hindi pa kami nakakababa ng sasakyan, natanaw ko na ang isang pamilyar na lalaking naglalakad palabas ng klinika ni Ate. Matagal ko ring tinitigan ang lalaki bago ko nahanap sa dulo ng aking dila ang pangalan niya.

"Hugo Saldivar?"

"Sino, Maggie?"

Napalingon ako kay Lance. Akala ko ay hindi malakas ang inusal ko.

"Iyong matangkad na lalaking naka polo-barong na dilaw..." Nginuso ko ang entrada ng klinika ni Ate. Sa bandang unahan ng sasakyan namin, nakaparada naman ang sasakyan ng matandang Saldivar na may mga kasama pang dalawang tauhan.

"Who's that guy?" pabulong na tanong ni Lance.

"Dating Alkalde dito sa Calapan... si Hugo Saldivar." Maingat kong binigkas ang pangalan niya na tila ba may kakayahang makarinig ang mga poste sa gilid ng kalsada.

Naningkit ang mga mata ni Lance. Napahawak siya sa baba niya na parang may hinahanap sa isip.

"Shit!"

Biglang namilog ang mga mala-dagat niyang mata.

"Siya 'yong kuya ni Henry Saldivar!" bulalas niya.

"Henry?" kunot-noo kong tanong.

"Defendant sa kasong hinahawakan ni Kuya," mabilis niyang sagot.

Biglang nagbalik sa isip ko noong naghapunan sila Lance sa manyon. Natatandaan kong nabanggit ni Tita Veronica na Saldivar ang kalaban ni Landon sa kaso... ang mga maimpluwensyang Saldivar.

"Kaya ba nandito pa rin sa Calapan si Landon dahil sa kasong hinahawakan niya?"

Ikinulong ni Lance ang mukha ko sa mga palad niya. Binasa niya ang mga labi niya at saka malalim na bumuntong-hininga.

"Huwag mo na lang isipin ang tungkol diyan, mahal ko... tayo na!" nakangiti niyang anyaya sa akin.

***

Sinalubong agad ako ng yakap ni Ate Amira pagpasok namin ng klinika niya. Nang kumalas ako sa mga bisig niya, mahina niyang sinundot ang tagiliran ko kasabay ng pagsibol ng isang malisosyong ngiti sa mga labi niya.

"Sino 'tong foreigner na kasama mo, Maggie?"

Nginitian ni Ate si Lance na magalang namang tumango at ngumiti rin pabalik sa kaniya.

"N-Nobyo ko po, Ate..." nahihiya kong sagot na mas nagpalaki sa ngiti ni Ate Amira.

Kusa namang nag-angat ng palad niya si Lance at mabilis na nagpakilala kay Ate. "Ah... Lancelot Xavier Thomas ho. Nice to finally meet you, Dra. Navarro. Palagi po kayong kinukuwento ni Maggie sa akin..."

"Ay! Akala ko hindi ka nagtatagalog!" Nakipagkamay naman agad si Ate Amira.

Sakto namang bumaba sa hagdan ang asawa ni Ate na si Kuya Nathaniel. Nakasuot ito ng uniporme niyang pang-sundalo at kagaya ni Ate, si Lance agad ang una niyang napansin nang makalapit sa amin.

"May boyfriend na si Maggie, Nate!" magiliw na bungad ni Ate sa asawa kasabay ng pagkapit niya sa braso nito. "Dalaga na ang Maggie natin, may love life na!" dagdag pa niya na sinundan ng impit niyang pagtili.

Namula naman ang pisngi ko dahil sa kantyaw ni Ate. Napasulyap ako kay Lance nang hawakan niya ang baywang ko.

Inilapit niya ang bibig niya sa tainga ko at saka pabulong na nagtanong, "He's in the navy?"

Tumango lang ako at muling ibinalik ang pansin kila Ate Amira.

"H-Hi, Sir. Lancelot Xaxier, Maggie's boyfriend," muling pagpapakilala ni Lance kay Kuya Nathaniel.

"Sir? Tinawag niya akong Sir, Maggie?" Natatawang winika ni Kuya na nagpangiti naman kay Lance. "I like this guy!" pahabol pa niyang komento at saka magaang tinapik ang tiyan ni Lance.

Tahimik akong nakaupo sa unahan ng sasakyan habang pinaglalaruan ang mga labi ko. Sa palagay ko nga ay masyado akong tahimik at maya-maya lang baka mapapansin na ni Lance. Ayokong ibalita sa kaniya ang sinabi ni Ate Amira sa akin pagkatapos ng konsultasyon kanina. Hindi pa rin naman sigurado.

"Are you okay, mahal ko?" Naramdaman ko ang kamay niya sa hita ko dahilan para mapasulyap ako sa kaniya.

"O-Oo naman!" tugon ko. Ipinatong ko ang kaliwa kong kamay sa kamay niyang nasa ibabaw ng hita ko at unti-unti kong pinagsalikop ang mga daliri namin.

"Do you want ice cream? May gusto ka bang bilhin?... habang nandito pa tayo sa bayan?"

Umiling ako. Hindi ko gustong kumain ng ice cream ngayon.

Ang gusto ko lang ay yakapin siya nang mahigpit hanggang mag-umaga. Ang gusto ko lang ay sabay naming panoorin ang pagsikat ng araw sa baybay. Ang gusto ko lang ay hindi na kami magkahiwalay pa, pero alam ko namang imposible ang lahat ng iyon.

Binuksan niya ang radyo at kagaya kanina, sinayaw-sayaw niya ang ulo niya kasabay ng awitin.

***

Kulay kahel na ang langit nang makauwi kami sa kubo. Nagmamadaling lumapit si Lance sa may pintuan at tila sabik na sabik na buksan ang pinto. Kanina pa kasi nakaguhit sa mukha niya ang maaliwas niyang ngiti.

Parang nahulog ang puso ko pagbukas ni Lance ng pinto. Bumungad sa akin ang mga nakakalat na talulot ng puti at pulang rosas sa sahig. Sa gitna ng munti naming kubo ay may isang lamesang pinalalamutian ng mga maliliit na ilaw. Pinagigitnaan iyon ng dalawang upuang yari sa kawayan at nakapatong sa ibabaw noon ang isang tungkos ng mirasol, dalawang plato at isang bote ng wine.

"L-Lance... para saan ang mga ito?" nauutal kong tanong habang naglalakad papalapit sa lamesa.

"Para sa 'yo, mahal ko!" malakas niyang sagot. At mabilis niyang dinampi ang mga labi niya sa pisngi ko.

Kinuha niya ang mga bulaklak sa ibabaw ng lamesa at inabot iyon sa akin. "Flowers for you, mahal ko!" At muli na naman niyang hinalikan ang pisngi ko.

"Nakakadami ka na, mahal ko!" Kunwari'y mataray kong balik sa mga paulit-ulit niyang halik. Mahina lang siyang tumawa at saka nagmamadaling pumuwesto sa likod ko.

Mabilis niyang pinagpagan ng palad niya ang kawayang upuan. "Ayan, mahal ko, all good! You can sit now..."

Dahan-dahan ko namang ibinagsak ang puwitan ko sa upuan. Namilog ang mga mata ko nang mapansin ko ang nakahain sa lamesa.

"Lance... ito ba 'yong—"

"Medium rare steak with mashed potatoes, my favorite, mahal ko. Of course, paired with red wine," nakayuko niyang ibinulong sa aking tainga.

"Mukhang masarap, ha!" Bigla tuloy akong nagutom dahil sa mga pagkaing nakikita ko. 

Ngunit agad ring natabunan iyon nang may isuot siya sa leeg ko. Napayuko ako sa aking dibdib. Napakagandang perlas ang palawit ng kwintas na maingat na isinusuot sa akin ni Lance.

"Pure love... this necklace symbolizes my pure love for you, Maggie... it will never be tainted."

Nangininig ang tinig niya na para bang nahihirapan siyang bitawan ang mga salitang iyon. Na para bang naghihina siya. Na para bang iyon ang unang pagkakataon na sinambit niya pangakong iyon.

"I never felt like this with anyone, Maggie. I never knew that I could love this hard." Narinig ko ang pagsinghot niya. "But I am so scared right now, Maggie. I don't want us to end... but I—"

"Kailangan mo nang bumalik sa Maynila, hindi ba?" pagpuputol ko sa kaniya.

Inilipat ko ang bulaklak mula sa kandungan ko pabalik sa ibabaw ng lamesa. Hinawakan ko ang palawit ng kwintas ko at pinuno ko ng hangin ang baga ko. Tumayo ako at humarap sa kaniya.

"Sa susunod na linggo, hindi ba? Kaya ka ganito ngayon sa akin kasi aalis ka na. Babalik ka na sa dati mong buhay..."

Matapang kong sinalubong ang mga nanunubig niyang mga mata na punong-puno ng pagkagulat. Napaatras siya at napabuga ng hangin. Ni minsan ay hindi niya binanggit sa akin ang tungkol sa pag-alis niya. Kung hindi pa sinabi sa akin ni Landon ay hindi ko pa malalaman.

"Ayoko na Maggie..." Hinigit niya ang katawan ko at hinagkan niya ako ng ubod nang higpit. "Ayoko nang bumalik sa Manila nang hindi ka kasama..." Nabasag ang boses niya at parang nabasag din ang puso ko nang marinig ko ang mahinang paghikbi niya.

"Please, Maggie... sumama ka na lang sa akin sa Manila. I-I'll stop studying, magtatrabaho ako at i-ikaw muna ang pag-aaralin ko. S-Sumama ka na sa akin, please. Let's run away..." pautal-utal niyang binanggit ang mga salitang ni sa panaginip ay hindi ko akalaing maririnig ko.

"Please, Maggie. Magtanan na tayo," garalgal niyang pakiusap. 

Alam kong hirap-hirap siyang pigilan ang mga luha niya. Naririnig ko ang mabigat niyang paghinga habang nakasiksik ang ulo niya sa leeg ko. Wala akong ibang magawa kundi ang mas higpitan pa ang kapit ko sa likod niya. 

Alam ng Diyos na gustong-gusto kong pumayag sa alok ni Lance, ngunit hindi ko kayang sirain ang kinabukasan niya.

"Lance... mahal ko, kaunti na lang at makakapagtapos ka na. Kaunti na lang at magiging abogado ka na rin kagaya ng kuya mo..."

Hindi ko na nagawang pigilan pa ang mga mabibigat kong luha at kusa na silang nag-unahan sa pisngi ko.

"Lance... mahal ko. Puwede mo namang akong balikan dito... t-tuwing bakasyon mo. Sisiguraduhin kong hindi masisira itong kubo. B-Bibili ako ng cellphone... p-para makapag-usap tayo..." Basag na basag na ang boses ko dahil sa bigat ng nararamdaman ko.

Kumalas sa mga bisig ko si Lance. Inilipat niya ang mga kamay niya mula sa baywang ko papunta sa mga braso ko. Dahan-dahan naman akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Parang kinurot ang puso ko nang mapansin kong basa pa rin ang mga mata niya. Mabilis naman niyang pinalis ang mga luha ko.

Nginitian niya ako. Isang mapait na ngiti.

"H-Hindi mo ba ako mahal, Maggie?"

Ito ang pinakahuling bagay na nais kong maramdaman niya, ang pagdudahan niya ang pagmamahal ko sa kaniya.

"Lance, mahal na mahal na mahal kita." Muling nahulog ang mga luha ko, pero nanatiling nakapako ang mga mata ko sa mga mata niyang kakulay ng dagat.

"Bakit ayaw mong sumama sa akin?"

"Kasi mali..." Suminghot ako at makailang ulit na lumunok ng laway. "Ayokong isakrispisyo mo ang pangarap mo para sa akin. Makakapaghintay ako, Lance. Pero hindi ang pangarap mo...."

Pinalandas niya ang palad niya sa pisngi ko at malambing niyang hinalikan ang noo ko.

"Ikaw... ikaw, Maggie... ikaw lang ang pangarap ko," malamyos niyang tugon.

Nalunod ako sa mga salitang iyon.

Nang gabing iyon, hindi ako umuwi sa mansyon. Nang gabing iyon, naging makasarili ako at inangkin ko ang mga bagay na gusto ko. Pinagsaluhan namin ang malamig na gabi sa munti naming tahanan. Niyakap ko siya nang mahigpit hanggang mag-umaga. Sabay naming sinalubong ang pagsikat ng araw sa baybay. Paulit-ulit kong ibinulong sa kaniya na ayokong magkahiwalay kami... ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana.

Sapagkat narito na ako ngayon sa Maynila, sa lugar na ilang beses niyang inalok sa akin—nakikipagsapalaran sa buhay. Walang mga magulang, walang mansyon, walang mga kaibigan at wala na ring natitirang pagmamahal sa kahit na sino o sa kahit na ano... maliban sa buhay na unti-unting nabubuo sa sinapupunan ko.

***

Ala-una ng madaling araw nang unang beses kong maramdaman ang pananakit ng tiyan ko. Bumalik lang ako sa tulog at hindi ko pinansin iyon. Pero mas tumindi ang kirot, kumalat hanggang sa balakang ko. Bumangon na ako dahil hindi na rin ako mapakali sa sakit. Pagtayo ko ay bigla na lang umagos ang mainit na likido sa aking mga hita.

Napakagat ako sa labi ko at paika-ikang lumabas ng silid hanggang sa makarating ako sa tapat ng kuwarto ni Tita Linds.

"Tita Linds!" buong lakas kong tawag sa kaniya kasabay ng mga malalakas ding pagkatok sa pinto.

Naka-daster siya at naka-rollers pa ang buhok. Saglit siyang nagkusot ng mga mata bago napatingin sa nakaumbok kong tiyan pababa sa mga mga hita ko.

"G-Gail?!" nauutal niyang tawag sa hiram kong pangalan.

"Tita Linds, manganganak na po ako..." Impit akong napaungol nang muli na namang humilab ang tiyan ko.

Nakahawak ang isa kong kamay sa malamig na bakal sa kama, ang isa naman ay sa kamay ni Tita Linds nakakapit. Fully-dilated na ako pagdating sa lying-in. Kaunti na lang at makakaraos na, pero pakiramdam ko'y malalagutan na ako ng hininga sa dahil sa pagkahapo.

"Tita Linds... h-hindi ko na po yata kaya..." nanghihina kong bulong.

"Gail, kaunti na lang. One last push at makikita mo na ang anak mo," mariin niyang sabi sa akin. Humigpit din ang kapit niya sa kamay ko at pinunasan niya ng butil-butil na pawis sa noo ko.

"Tita... napapapikit na po ako, h-hindi ko na k-kaya..."

"Maria Galina Dela Vega!" sigaw niya sa akin na nagpabalik ng ulirat ko. "One last push, anak!"

Huminga ako nang malalim at itinikom ko ang bibig ko. Hinigpitan ko ang kapit ko kay Tita Linds at inangat ko likod ko. Tinitigan ko ang tiyan ko at saka ako umire. Parang lalabas na ang ugat ko sa leeg ko at parang mapapatid na ang hininga ko. Ngunit nang marinig ko ang iyak niya, nakalimutan ko ang lahat ng pagod. Nakalimutan ko ang lahat ng sakit. Nakalimutan kong mag-isa ako.

"Baby out! 1:43 AM!" Narinig kong sigaw ng doktora.

Maingat na ipinatong ng nurse sa dibdib ko ang anak ko.

"Napakagandang bata, Gail," mangiyak-ngiyak na komento ni Tita Linds.

"Hello, Cordelia Zoe. I'm your Mama... Gail," nakangiti kong bulong sa anak ko na may mga matang kakulay din ng dagat, pero hindi kasing tingkad ng sa kaniya. Mas payapa ang dagat na ito.

***

MsLynLuna

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top