Chapter 6 - Love
Warning: This chapter contains sexual scenes. These scenes are intended for plot progression and to enhance character development.
Mahigpit ang kapit ni Mamá sa braso ko habang hinihila niya ako papasok ng sala. Manhid pa rin ang pisngi ko dahil sa malutong niyang sampal sa akin kanina, pero hindi iyon ang labis na bumabagabag sa isip ko. Paano si Lance? Paano na kami ni Lance?
"Criselda?! Ano'ng kaguluhan 'to?" natatarantang tanong ni Papá. Napatayo siya mula sa mahabang upuan at agad sinulyapan ang kamay ni Mamá na nakakapit sa akin.
"Ito kasing anak mo, Mariano..." mas pinisil pa ni Mamá ang braso ko at napapikit ako dahil doon. "Nahuli kong nakikipaghalikan sa bunsong anak ni Veronica!"
Halos umalingawngaw sa kabuuan ng sala ang boses ni Mamá. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Papá. Nag-igting ang panga niya at mabilis siyang humakbang papunta sa amin ni Mamá.
Tumayo siya sa harapan ko at mabigat akong tinitigan. Umiling-iling siya at napahilamos pa sa mukha niya. Lumuwag ang kapit ni Mamá sa braso ko hanggang sa tuluyan niyang bitawan ito.
"Maggie, totoo ba ang sinabi ng Mamá mo?!"
Umiwas ako ng tingin sa kaniya at saka marahang tumango. Pinatunog niya ang dila niya at napapadyak pa sa inis.
"Hindi ba't sabi ko sa 'yo, iwasan mo si Lance! Wala kang mapapala sa lalaking iyon! Para kang naghanap ng batong ipupukpok sa ulo mo!"
Ngayon ko na lamang ulit narining ang pagtaas ng boses ni Papá. Tuwing pagagalitan niya ako noon kapag may kasalanan ako, natatakot akong sumagot. Pero ngayon, hindi ko alam kung bakit hindi na ako natatakot.
"M-Mahal ko si Lance, Papá..."
Nanuyo ang lalamunan ko matapos lumabas sa bibig ko ang mga katagang iyon. Ni hindi ko pa nga diretsong nasasabi kay Lance iyon, ngunit mabilis ko lang inamin sa mga magulang ko.
Pagak na tumawa si Mamá. Napaangat ako ng tingin sa kaniya dahil doon.
"Mahal? Maggie? Naririnig mo ba ang sarili mo?" Napaismid siya at umikot pa ang mga mata. "Wala pang isang buwan simula nang makilala mo ang lalaking 'yon, tapos sasabihin mo na mahal mo na siya? Nahihibang ka na ba, anak?"
"Mabait po siya sa akin, Mamá. Naglaan siya ng oras para alamin ang mga bagay tungkol sa akin, para kilalanin ako..." bahagyang nanginig ang boses ko. "S-Si Lance po ang unang taong nagparamdam sa akin na mahalaga ako."
"Diyos ko naman, Maggie!" Napasapo ng noo si Papá bago niya dinampot ang mga nanlalamig kong palad. "Anak... binigyan ka lang niya ng kaunting atensyon, nahulog ka na agad?"
Atensyon? Parang biglang kumirot ang dibdib ko dahil sa sinabi ni Papá. Hindi iyon ang ibinigay sa akin ni Lance, ramdam ko sa halik niya at sa ilang beses niyang pagliligtas sa akin na hindi lang katiting na atensyon ang ibinagay niya sa akin.
Binawi ko ang kamay ko kay Papá. "Nagkakamali po kayo, nagmamahalan po kami ni Lance," pagdadahilan ko pa na mas lalong nagpagusot sa mukha ni Papá.
"Enough, Maggie!" singhal ni Mamá. "Umakyat ka na sa silid mo!"
Humalukipkip si Mamá at muli akong pinandilatan ng mga mata. Biglang binundol ng kaba ang dibdib ko. Tila hindi ko magugustuhan ang mga susunod na magaganap.
"Mula ngayon, hindi ka na puwedeng lumabas ng mansyon!" mariing utos ni Mamá.
Napasinghap ako at kusang bumagsak ang luha ko. "Mamá... huwag naman po. Huwag niyo naman po akong pagbawalan na—"
"Maria Galina!" Pinutol ng buo at malakas na pagbigkas ni Papá sa pangalan ko ang pagsusumamo ko.
"Umakyat ka na sa silid mo. Huwag mo nang dagdagan pa ang kasalanan mo!" Nangininig ang boses ni Papá, halatang nagpipigil ng galit.
***
Hindi ko kinain ang hapunang hinatid ni Flor sa silid ko. Naririnig ko ang mga kulisap sa labas pero mas malakas pa roon ang mga hikbi ko. Hindi ako makatulog kahit na pagod na ang mga mata ko sa kaiiyak. Hindi ko yata kayang tanggapin ang parusa nila Mamá at Papá.
Tanaw mula sa kama ko ang liwanag ng buwan na tumatagos sa kurtinang nakatakip sa salaming pinto patungong balkonahe. Sumagi sa isipan ko ang unang pagtatapat ni Lance sa dagat noong bilog ang buwan. Kahit ang mismong balkonahe ng silid ko ay ipinapaalala rin siya.
Wala sa sariling napahawak ako sa mga labi ko. Kanina lang ay nakalapat dito ang mga malalambot na labi ni Lance. At kanina lang din, narinig kong sinabi niyang mahal niya na ako.
Naputol ang pagbabalik-tanaw ko nang mapansin ko ang isang anino sa may balkonahe. Dali-dali akong bumangon para silipin iyon. Dahan-dahan kong hinawi ang kurtina at impit na napatili nang makita ko kung sino ang may-ari ng anino.
"Maggie..."
Nanginginig ang mga daliri ko habang nagmamadali kong pinipihit ang bukasan ng pinto.
"Lance?! Paano ka nakaakyat dito?" pabulong kong tanong sa kaniya.
"Tinulungan ako ni Angelito," tipid niyang sagot.
Hinawakan ko ang braso niya para igiya siya papasok ng silid ko ngunit hinigit niya ang baywang ko at agad niya akong ikinulong sa mga bisig niya. Mainit ang yakap niya. Mahigpit, ngunit hindi sobrang higpit—sapat lamang.
"I'm sorry, Maggie... I'm so sorry. I should have been more careful," malumanay niyang saad. Bakas ko sa boses niya ang pag-aalala at pagsisisi. Hinahaplos ng kanang kamay niya ang buhok ko habang nanatiling nakayapos sa baywang ko ang kaliwa.
Inangat ko ang ulo ko upang salubungin ang mga mata niya. Namumungay ang mga ito at tila nahahabag sa akin.
"P-Pinagsisihan mo ba ang nangyari sa atin sa bangin, Lance?" nag-aalangan kong tanong.
Natatakot akong sumagot siya ng 'Oo'. Paano kong nadala lang siya ng bugso ng damdamin niya at hindi pala tunay ang mga binatawan niyang salita.
Gumusot ang noo niya. Binitawan niya ang baywang ko at inalis niya rin ang kamay niya sa likod ng ulo ko.
"Maggie, hindi... I will never regret that." Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay ko. Ipinako niya ang mga mata niya sa akin at doon ko lang napansin na tila nanunubig ang mga ito.
"I love you, Maggie." Parang musika sa tainga ko ang sinambit niya.
"Hindi ko alam kung paano o kung bakit, Maggie. Basta ang alam ko, tinamaan ako sa 'yo. I never felt like this before with anyone... sa 'yo lang," pag-amin niya. Nanginginig ang boses niya at nanlalamig ang mga palad niya. Halatang kinakabahan siya.
Malakas din ang kabog ng dibdib ko dahil sa mga tinuran niya. Hindi ako makapaniwala na nanggaling sa pilyong si Lance ang mga seryosong katagang iyon. Lumunok ako upang pakalmahin ang sarili.
"Lance, h-hindi ko alam kung ano'ng isasagot sa—"
"Wala, Maggie... wala kang dapat isagot." Idinikit niya ang noo niya sa akin.
"Just... let me love you..."
Naramdaman ko ang mainit niyang hininga sa pisngi ko. Punong-puno ng sinseridad ang tinig niya.
"Lance, pinagbawalan na ako nila Mamá na makipagkita sa 'yo. Hindi na rin ako makakalabas ng mansyon," mapait kong winika.
Mariin akong pumikit at naramdaman ko ang pagdulas ng luha ko. Mabilis niyang pinalis ang mga iyon at ikunulong niya ang pisngi ko sa pagitan ng mga palad niya.
"Maggie, gagawa ako ng paraan, okay? Just trust me." Ramdam ko ang pagsusumamo sa tinig niya.
Mabagal akong tumango. Ipinatong ko ang mga kamay ko sa likod ng mga palad niya.
Maingat niyang iginawad ang isang magaang halik sa noo ko at parang bigla na lang naglaho ang lahat ng agam-agam ko.
***
Nakatulala ako habang umiinom ng kape sa terasa. Dalawang linggo na ang nakakalipas simula ng huli kaming nagkita ni Lance. Dalawang linggo na siyang walang paramdam. Pero siya pa rin ang laman ng mga panalangin ko. At kagaya ng ipinangako ko sa kaniya, magtitiwala ako, maghihintay ako.
Inilapit ko ang tasa sa aking bibig upang muling humigop ng kape ngunit bigla akong napakurap-kurap nang maaninag kong naglalakad papunta sa akin si Mamá. Kasabay niya si Landon na may bitbit na tungkos ng mga mirasol—ang paborito kong bulaklak.
"Maggie, may bisita ka," bungad ni Mamá nang makalapit sa akin. "Narito ang manliligaw mo—si Landon." Gumuhit sa mukha niya ang isang malawak na ngiti.
Manliligaw? May nobya si Landon at hindi na siya ang tinatangi ko. Akala ko'y malinaw na ang lahat sa aming dalawa.
Ibinaling ko ang tingin ko kay Landon. Alam kong pantay ang mga kilay ko at bahagyang nakaawang ang mga labi dahil naguguluhan ako.
"Hi, Maggie! Para sa 'yo," Inabot niya sa akin ang bulaklak at wala sa sariling napatayo naman ako para tanggapin iyon.
Lumapit sa likuran ko si Mamá at inakbayan ako. "Napakagandang bulaklak, hindi ba, Maggie?" masiglang papuri ni Mamá.
Tumango lang ako at inilapag sa lamesita ang bulaklak.
"O, siya, maiwan ko muna kayo. Magpapahanda ako ng meryenda," nakangiting pagpapaalam ni Mamá kasabay nang paghalik niya sa pisngi ko.
Isang maliit na ngiti naman ang ibinalik ni Landon kay Mamá bago siya umupo sa tapat ko. Yumuko ako at itinuon ang pansin sa mga bulaklak. Ito marahil ang unang beses na hindi ako masayang makakita ng mga mirasol.
Nang tuluyan nang makapasok si Mamá sa loob ng mansyon, agad napabuga ng hangin si Landon.
"M-Maggie..."
Nagbingi-bingihan ako sa pagtawag niya sa akin.
"Maggie..." Tumikhim siya. "Pinabibigay ni Lance ang mga 'yan..."
Biglang lumundag ang puso ko at agad akong napatingin sa kaniya.
"K-Kay Lance galing ang mga bulaklak na ito?" bulalas ko. Nanlalaki ang mga mata ko at parang nangilid din ang mga luha ko dahil sa sobrang kagalakan.
Lumapad ang ngiti sa mukha ni Landon. "Oo, Maggie. I know what's going on between you two. I know that my brother is in love with you..."
Napalitan ng ngisi ang ngiti niya at bigla namang uminit ang pisngi ko dahil sa pagkahiya.
"K-Kumusta siya?"
"Bakit hindi ikaw mismo ang magtanong sa kaniya niyan, bukas, Maggie?" mabilis na tugon ni Landon.
"B-Bukas? Magkikita kami ni Lance, bukas?" nauutal kong tanong.
Napahawak ako sa dibdib ko at naramdaman ko ang pagwawala ng puso ko. Halos umangat na ang palad ko dahil sa lakas ng kabog nito.
Napabungisngis si Landon at napatango-tango pa. "Oo, Maggie. Birthday gift ko na kay Lance bukas ang mailabas kita rito sa mansyon."
"Thank you, Landon!" naluluha kong pagpapasalamat sa kaniya.
***
Nauunang maglakad sa akin si Landon, tahimik lang akong nakasunod sa kaniya habang binabaybay namin ang mabatong bahagi ng dalampasigan. Umikot ang buong buhay ko sa Sta. Isabel, pero mabibilang sa kamay ang ilang beses na napasyal ako rito sa dulong bahagi ng baybay. Bukod sa mabato ang buhangin, malumot din ang dagat kaya hindi rin kaaya-ayang lumangoy sa bahaging ito.
Huminto si Landon sa tapat ng isang maliit na kubo na tila bagong tayo pa lamang.
"Kaninong bahay ito, Landon?" tanong ko kasabay ng paglapit ko sa kubo.
"Sa akin..." sagot ng isang pamilyar na tinig.
Iniluwa ng pinto si Lance na nakasuot ng puting kamiseta at kupas na pantalong maong. Tumataas-baba ang malapad niyang dibdib habang nakapako sa akin ang mga mata niyang kakulay ng dagat.
"Lance!" Kusang gumalaw ang mga paa ko at mabilis akong tumakbo papunta sa kaniya.
Ipinulupot ko ang mga nanlalambot kong braso sa likod niya at mahigpit ko siyang hinagkan. Ganoon din ang ginawa niya. Niyakap niya rin ako. Iyong yakap na napunan ang dalawang linggo kong pananabik sa kaniya.
"I miss you, Maggie," malambing niyang bulong sa tainga ko.
Malakas na umubo si Landon at sabay kaming kumalas ni Lance sa mahigpit naming yakapan.
"Okay, lovebirds... I'll be back before 6:00 PM." Salitan niya kaming sinulyapan ni Landon.
"Kailangan kong ihatid si Maggie on time. If I failed to do that, baka hindi na kayo makaulit," seryosong paalala niya kay Lance.
"Noted, Kuya. Salamat!" nakangiting sagot naman ni Lance kasabay ng paghawak niya sa baywang ko.
***
Magkasalikop ang mga daliri namin ni Lance nang tumuloy kami sa kubo. Ang una ko agad napansin ay ang papag na may makapal na kutson. Iyon lang kasi ang muwebles sa loob at ang upuang gawa sa kawayan na kasya ang dalawang tao. May pinto malapit sa paanan ng kama na sa tingin ko ay patungong banyo.
"Dito ka ba natutulog?" tanong ko kay Lance.
Pakiwari ko kasi'y iyon lang ang puwedeng gawin dito. Walang kusina kung saan puwede kang magluto, wala ring ibang pwedeng pagkaabalahan dahil wala namang kuryente.
"Kagabi, dito ako natulog. Kahapon ng umaga ko lang din kasi natapos 'to."
Kumunot ang noo ko at napaharap sa kaniya. "I-Ikaw ang gumawa nito?" usisa ko.
"Yes, Maggie. I built this for us!" Namilog ang mga mata niya at gumuhit ang isang nakatutunaw na ngiti sa mga labi niya.
"Hindi raw pumupunta rito ang mga Dela Vega kaya naisip kong magtayo ng kubo rito... a place for us to be free." Mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng maliit na kubo bago ibinalik sa akin ang titig niya.
"Lance... ginawa mo talaga 'to? Sa loob ng dalawang linggo?"
Tumango-tango siya at magaang kinagat ang labi niya. "H-Hindi mo ba nagustuhan, Maggie?"
Napangisi ako sa tanong niya. Binatawan ko ang mga kamay niya at ikinulong ko sa mga palad ko ang pisngi niyang tila nasunog na rin ng araw at init dito sa probinsiya.
"Lance, gustong-gusto ko," mabagal kong binigkas habang nakatitig sa mga nangungusap niyang mga mata.
"Ang saya-saya ko nga ngayon dahil nakita ulit kita, nahagkan kita... kung alam mo lang kung gaano ako nanabik sa 'yo." Bahagyang nabasag ang tinig ko at naramdaman ko rin ang pamamasa ng mga mata ko.
"Maggie, mas masaya ako, kasi kasama kita ngayong birthday ko." Punong-puno ng lambing ang pagkakasabi niya sa akin.
Suminghot ako at agad inalis ang mga kamay ko sa pisngi niya. "Oo nga pala, may regalo ako sa 'yo!"
Dinukot ko mula sa bulsa ng aking puting bestida ang ginawa kong pulseras para sa kaniya. Yari iyon sa mga sigay na kinokolekta ko noon tuwing namamasyal ako sa baybay.
Kinuha ko ang kaliwang braso niya at isinuot ko ang regalo ko sa kaniya.
"Happy birthday, Lance!" nakangiti kong pagbati. "Ginawa ko para sa 'yo. P-Pasensiya na Lance kung 'yan lang ang nakayanan—"
Pinutol ng bibig niya ang mga salitang inihanda ko. Unti-unting sinamsam ng mga labi niya ang paghinga ko. Bumilis ang tibok ng puso ko at muli ko na namang naramdaman ang kakaibang sensasyon sa buong katawan ko, kagaya noong unang halik namin sa Bangin ni Dolor.
Napasinghap ako nang humiwalay ang mga labi niya sa akin.
"Ito ang pinakamagandang regalong natanggap ko, Maggie," hinihingal niyang sambit.
Hindi ko alam kung ang pulseras ba ang tinutukoy niya, o ang halik ko, o ako mismo dahil nakapako pa rin sa akin ang mga mata niya. Pulang-pula ang mga labi niya at parang tinatawag ako ng mga iyon.
Naramdaman ko ang pag-init ng mga pisngi ko na mas lumala pa nang pinalandas niya ang mga daliri niya roon. Maingat niyang hinawi ang ilang hibla ng mahaba kong buhok palayo sa aking mukha.
"Napakagandang regalo ang makasama ka..." usal niya habang banayad na hinahaplos ang pisngi ko.
Saglit akong napapikit para mas damhin ang mainit niyang palad at upang mag-ipon na rin ng lakas ng loob para sabihin sa kaniya ang kanina pang itinatambol ng puso ko.
Huminga ako nang malalim at marahan akong nagmulat ng mga mata.
"Lance... tinatangi kita. Mahal kita, Lance."
Napalunok siya sa sinabi ko. Napayuko naman ako dahil bigla akong binundol ng hiya. Ngunit bago ko pa tuluyang maitago ang mukha ko, hinawakan na ni Lance ang baba ko at dahan-dahan niyang itinaas ito.
Nanlaki ang mga mata ko nang magsalubong ang mga tingin namin, dahil kitang-kita ko kung paano nahulog mula sa mga mata niya ang mga luha niya. Hindi niya pinalis ang mga iyon. Lumuluha siya ngunit nagniningning ang mga mata niya.
"Mahal na mahal din kita, Maria Galina."
Parang nagbuhol-buhol ang laman ng tiyan ko. Parang may lumilipad na mga paru-paro sa sikmura ko. Parang sasabog na ang dibdib ko dahil sa lakas ng kabog nito. Bigla ring sumagi sa isipan ko ang mukha ni Mamá noong nahuli niya kami ni Lance sa bangin. Tila namanhid ang katawan ko at nawala ang boses ko dahil sa halo-halong emosyong sabay-sabay kong nararamdaman.
Ngunit nang igawad ni Lance ang isang matamis na halik sa aking labi, tuluyang pumayapa ang mundo ko.
Tinugon ko ang halik niya hanggang sa lumalim iyon. Bumaba ang mga labi niya sa leeg ko at kusa namang gumapang ang mga kamay ko sa buhok niya.
Lancelot Xavier Thomas. Tandaan mo, Maria Galina.
Sa kaniya ang mga labing pumapaso sa balat mo at sa kaniya ang mga kamay na mabagal kang hinuhubaran. Sa kaniya ang mga bisig na maingat kang inihihiga sa kama at sa kaniya ang mga matang kakulay ng dagat na namumungay at nakatitig sa iyo ngayon.
"Maggie, napakaganda mo..." malamyos niyang ibinulong habang pinagmamasdan ang hubad kong katawan.
Nahihiya akong itinakip ang kaliwang braso ko sa aking dibdib, habang ang kanan naman ay inaabot ang kumot. Ngunit pinigilan ako ni Lance.
"Don't, Maggie..." namamaos niyang hiling.
"Nahihiya ako, Lance..." pabulong kong sagot.
Inilagay niya ang palad niya sa likod ko at inalalayan niya ako hanggang sa makaupo. Ginabayan niya ang mga kamay ko papunta sa laylayan ng kamiseta niya.
"Take off my clothes, Maggie..."
"H-Ha?" Naliliyo ang utak ko sa utos niya. Ngunit kusang humigpit ang kapit ng mga daliri ko sa damit niya.
"Hubaran mo ako, Maggie..."
Napalunok ako sa sinabi niya. Kahit nanginginig ang mga kamay ko ay sinunod ko ang nais niya. Hinubad ko ang kamiseta niya at ako rin ang nagtanggal ng sinturon niya.
Napakakisig ng katawan ni Lance. Malapad ang dibdib niya at matigas ang tiyan. Nakita ko na ito noon sa dagat, ngunit iba pala talaga ang pakiramdam kapag nahahawakan ko na.
Maya-maya pa'y muli niya akong inihiga. Maingat niyang ipinuwesto ang sarili sa ibabaw ko at muli niya akong hinalikan sa labi... sa leeg... sa dibdib. At sa bawat halik niyang tila gumuguhit ng mapa sa bawat bahagi ng katawan ko, pakiramdam ko'y sinasamba niya ako.
"I love you so much, Maggie."
Nanginging ang boses niya at nanginginig naman ang mga binti ko habang unti-unti kaming nagiging isa.
"You're shaking, Maggie... just breathe..."
Hinimas niya ang binti ko at marahan niyang hinalikan ang noo ko. Pumikit ako at nag-ipon ng hangin sa baga ko. Unti-unti ko iyong pinakawalan.
"Lance, dahan-dahan lang..."
"Of course," malambing niyang sagot at muli niyang hinalikan ang mga labi ko.
Umangat ang likod ko nang ganap kaming maging isa. Bumaon ang kuko ko sa likod niya dahil sa kakaibang hapding nararamdaman ko. Tumulo ang luha ko, ngunit binalot din ako ng kakaibang sarap habang mabagal siyang gumagalaw sa ibabaw ko.
Gumapang ang mga labi niya sa panga ko hanggang makarating ang mga iyon sa likod ng tainga ko. Paulit-ulit niya iyong hinahalikan, sinusubukang pawiin ang sakit.
"Sorry, Maggie... sorry. Does it hurt too much? Do you want me to stop?"
"Hu-wag... Lance..." ungol ko.
Naramdaman ko ang unti-unting pagbilis niya. Mas lumakas pa ang mga ungol ko at kahit gusto kong pigilan ang sarili ko, bigo ako. Parang wala na akong kontrol sa katawan ko.
"Shit! Maggie... you're driving me crazy..."
Muli niyang siniil ng halik ang mga labi ko ngunit naririnig ko pa rin ang mga takas kong halinghing. Umakyat ang kaliwang kamay niya sa baywang ko at mahigpit niyang hinawakan iyon. Bumilis pa ang paggalaw niya na sinasabayan ng mahina at nakahahalinang pag-ungol niya. Sa bawat pag-ulos niya ay ramdam ko ang lalim at init ng koneksiyon namin na parang apoy na sumisiklab sa ilalim ng aming balat.
Hindi ko mawari ang nararamdaman ko, bumibigat ang katawan ni Lance sa ibabaw ko, ngunit para akong lumulutang. Biglang napakapit ang kanang kamay niya sa unan, kasabay noon ang pagdaloy ng kakaibang init sa aking loob—isang pagsabog na hindi ko inaasahan. Binalot ng mga hingal namin ang buong kubo.
Lancelot Xavier Thomas. Tandaan mo, Maria Galina. Siya ang una... at siya rin ang huli.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top