Chapter 3 - Stars
"Sino ang mukhang halimaw?"
Bahagyang nakabuka ang bibig ni Landon, pero si Lance—iyong kakulay ng dagat ang mga mata, nakatulala lang siya at nakatitig sa akin habang nakanganga. Tila mangha-mangha siya sa nakikita niya.
"B-Baka ho pasukin ng langaw ang bibig niyo, Sir?" magalang kong sita sa kaniya.
Napaatras siya at mabilis na napahilamos sa mukha niyang namumula pa. Siguro ay dahil sa init ng panahon. Napayuko naman si Landon, iyong mas matangkad sa kanilang dalawa. Rinig na rinig ko ang mahinang paghagikgik niya. Mukhang hindi dahil sa init kung bakit namumula ang pisngi ng kapatid niya. Napahiya siguro dahil sa sinabi niya kanina.
Lumapit sa akin ang nakangising si Angelito. Halatang natatawa rin siya sa reaksyon ni Lance.
"Senyorita, sila po ang mga bisita ng inyong Mamá." Ibinalik niya ang tingin sa dalawang panauhin.
Nag-angat ng tingin sa akin si Landon at nginitian niya ako. Kapansin-pansin ang malalim na biloy sa kanang pisngi niya at ang mapungay niyang kulay itim na mga mata. Mas mukhang banyaga si Lance kaysa sa kaniya, mas kamukha siguro nito ang ama nilang Amerikano. Bagama't nakatikom na ang bibig ni Lance, nanatili pa ring nakakunot ang noo niya. May hindi talaga kanais-nais sa awra niya, parang hinuhusgahan ako ng mga mata niya.
Humakbang papalapit sa akin si Landon at itinaas niya ang kaliwang kamay niya, "Hi, I'm Atty. Landon Vincent Thomas," pagpapakilala niya sa sarili. Agad naman akong nakipagkamay sa kaniya, sinamahan ko na rin ng isang tipid na ngiti.
"And this is my younger brother, Lancelot Xavier..." Itinuro niya si Lance.
Sandaling binalot ng katahimikan ang buong kubo. Hinihintay kong magsalita si Lance ngunit wala pa rin siyang imik. Nakapamulsa lamang siya at nakatingin sa akin. Mamula-mula pa rin ang mga pisngi.
"Lance!" mariing tawag ni Landon sa kaniya kasabay ng matunog na pagtapik sa balikat niya. Napaigtad naman si Lance. Mukhang lumipad sa kung saan ang isip niya. Hindi siguro niya maarok na ako ang tinutukoy niyang mukhang halimaw kanina.
"Ah!... Hi," tipid niyang sambit nang matauhan.
Isang mabilis na tango lang ang isinagot ko sa kaniya.
"Ikinagagalak ko po kayong makilala, Atty. Landon..."
"Drop the 'Attorney', Landon na lang, Miss... ?"
"Maria Galina," tugon ko. "Pero 'Maggie' na lang, 'yan ang palayaw ko," nakangiti kong dagdag habang nakatingin kay Landon. Hindi hamak na mas kaaya-aya siyang pagmasdan kaysa sa kapatid niyang pilyo at bargas manalita.
"Nice meeting you, Maggie." Buong-buo ang boses ni Landon, halatang maginoo.
Tumikhim si Lance dahilan para mapalingon kami sa kaniya.
"S-Sorry, Maggie... you probably heard me earlier. Hindi ko sinasadyang sabihin ang mga 'yon. Sorry, I didn't mean to insult you." Tila nag-iba ang ihip ng hangin dahil sa sincero niyang paghingi ng paumanhin. Wala na rin ang kunot sa noo niya at malambot siyang nakatingin sa akin.
"Ayos lang, Lance..." Pilit ko siyang nginitian bago muling ibinalik ang pansin ko kay Landon.
"Mabuti pa siguro'y tumuloy na tayo sa mansyon," anyaya ko. "Mainit na rin kasi rito..."
Tuluyan na akong tumalikod sa kanila at humakbang papalabas ng kubo.
"M-Maganda ka!"
Napahinto ang mga paa ko. Hindi iyon boses ni Landon o ni Angelito.
"Just so you know... maganda ka." Nanginginig ang boses ni Lance. Napangiti ako sa sinabi niya ngunit hindi ko na siya nilingon.
***
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa salamin habang nagmamadali kong sinusuklay ang mahaba at kulay-kape kong buhok. Nasa hapag kainan na raw kasi ang mga bisita ng Mamá at ako na lang ang hinihintay para simulan na ang hapunan.
Saktong-sakto sa akin ang puting bestida na binili ng Mamá. Hanggang tuhod ko ang haba ng palda at ang hugis-makopa nitong mga manggas ay abot sa aking mga siko.
Napahinto ako sa pagsusuklay nang may marinig akong kaluskos galing sa labas. Dali-dali akong tumakbo patungong balkonahe. Nasa ikalawang palapag ang silid ko, tanaw ko ang hardin sa ibaba na puno ng mga rosas at ilang mga halamang hindi namumulaklak.
Dumungaw ako sa baba, ngunit wala akong makita dahil tapos nang mag takipsilim. Wala ring bituin sa langit at natatakpan ng ulap ang bilog na buwan.
Gumusot ang ilong ko nang maamoy ko ang mabahong usok ng sigarilyo. Inilapit ko pa ang sarili ko sa marmol na bakod ng balkonahe at pilit na tinalasan ang mga mata ko. Ngunit wala pa rin akong matanaw sa baba ni isang anino.
Maya-maya pa'y muli kong narinig ang mahinang kaluskos at naaninag ko ang paglalakad ng isang matangkad na lalaki.
Sino'ng tampalasan ang susuway sa utos ng Papá? Mahigpit niyang ipinagbabawal ang paninigarilyo sa hacienda. At sa hardin pa talaga? Hindi na naawa sa mga halaman ng Mamá!
Hindi ko pa rin makita ang estranghero kaya nagpasya akong sumampa sa bakod ng balkonahe. Kasing lapad noon ang baywang ko at hanggang baywang ko lang din ang taas kaya walang kahirap-hirap akong dumapa sa malamig na marmol. Muli kong sinilip ang tao sa baba. Napasinghap ako nang makilala ko kung sino ang lalaki.
"L-Lance?" mahina kong sambit. Kumunot ang noo ko nang masaksihan ko ang paghithit-buga niya malapit sa mga puting rosas.
Napatingala siya. Mukhang narinig niya ako. Natataranta kong itinago ang aking mukha.
Isinayad ko ang paa ko sa sahig ng balkonahe upang bumaba na. Ngunit madulas ang tela ng aking bestida. Sa halip na sa balkonahe ako makababa, dumausdos ang aking katawan pababa.
Hindi na ako nakasigaw dahil sa bilis ng pangyayari. Ang tanging nagawa ko lang ay ang ipikit ang aking mga mata.
"Ugh!" Narinig kong daing ng boses ng isang lalaki. Agad kong minulat ang mga mata ko.
"Shit! H-Hulog ng langit," nakangiting usal ni Lance.
Nakadapa ako sa matigas niyang dibdib. Magkalapit ang mga mukha namin at halos magkadikit na ang dulo ng mga ilong namin. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Nakalimutan yata ng dugo kong dumaloy sa aking mga ugat dahil hindi ko maigalaw ang mga paa ko.
"Dios Mio, Galina!"
Boses iyon ni Tiya Cristina.
Agad akong napabalikwas at napaupo sa kandungan ni Lance. Kitang-kita ko ang ngiti sa mukha niya. Aba't tila nasisiyahan pa siya sa itsura naming dalawa!
"Maggie?! Anong ginagawa mo riyan?!" Narinig ko ang matinis na boses ng Mamá.
Ilang dipa mula sa amin, nakita kong nakatayo sila Mamá at Papá na parehong nanlalaki ang mga mata, si Tiya Cristina na nakahawak sa bibig niya, si Landon na nakangiti habang umiling-iling katabi ng isang babaeng pinandidilatan naman ng mga mata si Lance—siya siguro ang kababata ng Mamá, ang nanay nila Landon at Lance.
Mabilis uminit ang mga pisngi ko. Nakakahiya. Gustuhin ko mang tumayo ngunit hindi ko pa rin maigalaw ang mga binti ko kahit ang mga hinlilit ko.
Narinig ko ang mga nagmamadaling yabag ng Papá, mabigat na mga yabag. Nakita kong tumatakbo siya patungo sa akin. Kasunod niya si Tiya at si Mamá pati na rin ang pamilya ni Lance.
Napaigik ako nang maramdam ko ang kamay ni Lance sa baywang ko, marahan niya akong binuhat at saka inalalayan hanggang sa makatayo kaming dalawa.
"Are you okay, Maggie?" bulong niya.
Hindi ko na nagawang makasagot pa sa kaniya dahil isang malutong na sampal mula sa kanyang ina ang dumapo sa pisngi niya.
Napasinghap ako dahil sa lakas noon. Kitang-kita ko ang pag-alog ng ulo ni Lance.
"What the hell are you doing Lance?! Hindi ka na nahiya kila Criselda at Mariano?! Pati ba naman ang unica hija nila!" bulyaw ng kaibigan ng Mamá.
Saglit na hinawakan ni Lance ang pisngi niya at saka niya ibinato sa malayo ang tingin niya.
"I-I didn't do anything..." mabagal na bigkas ni Lance.
"Mom, calm down..." mahinang pag-awat ni Landon kasabay ng paghawak niya sa mga braso ng nanay niya.
Agad akong niyapos ni Tiya. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko at ipinako niya sa akin ang mga nangungusap niyang mga mata. "Umamin ka sa akin Galina, ano'ng ginagawa niyo rito sa hardin?"
Napaawang ang labi ko dahil sa tanong ni Tiya. Akala ba nila'y nagniniig kami rito ni Lance?
"W-Wala ho. N-Nahulog po kasi ako mula sa balkonahe. Sinalo lamang ako ni Lance kaya ganoon ang posisyon namin kanina," nagmamadali kong paliwanag.
"Ano?! Nahulog ka anak?" Halos umalingawngaw sa hardin ang tinig ng Papá.
Tumango-tango ako habang wala sa sariling pinaglalaruan ang mga kuko ko.
"A-Ayos ka lang ba, iha?" tanong sa akin ng nanay nila Lance. Hindi kagaya ng mabigat niyang pagtitig sa sariling anak, malambing siyang nakatingin sa akin.
"Ayos lang po ako..."
"Bakit ka nahulog, ano bang ginagawa mo, Maggie?"
Huminga ako nang malalim bago sumagot sa pag-uusisa ng Mamá. "Sinisilip ko po kung sino ang naninigarilyo sa hardin, Mamá..."
Napasapo sa noo ang nanay nila Lance. Muli niyang sinulyapan si Lance. "You're smoking again?! Dito pa talaga Lance, ha?" Bakas ko sa tono niyang dismayado siya sa anak niya o higit pa ro'n ang nararamdaman niya—nanggagalaiti siya kay Lance. Nanginginig ang mga labi niya habang sinisigawan ang anak.
Marahas siyang bumuntong-hininga bago niya ibinalik ang pansin kila Mamá at Papá. "Criselda, Mariano, I'm really sorry for my son's behavior..."
"Hayaan mo na, Veronica. Let's just go inside... lalamig na ang hapunan," kalmadong sagot ni Mamá.
Hinawakan ako sa kamay ni Tiya Cristina, malambing niyang hinahaplos ang mga daliri ko habang akay-akay niya ako papasok sa mansyon.
Mabilis kong nilingon si Lance. Paika-ika ang lakad niya habang naka-akbay siya sa balikat ng kuya niya. Paika-ika ang lakad niya pero nagtatawanan silang magkapatid. Paano niya nagagawang tumawa pagkatapos ng ginawa ng nanay niya kanina? Baka sanay na siya sa ganoong pagtrato? Nakakalungkot naman kung ganoon.
"Kahabag-habag..." bulong ko.
"Ang alin, Galina?" tanong ni Tiya.
"W-Wala po, Tiya," pagsisinungaling ko.
***
Tahimik kaming kumain ng hapunan, marahil ay dahil sa eskandalong nangyari kanina sa hardin.
"So... how's your first three years as a lawyer, Landon?"
Si Papá ang unang bumasag ng katahimakan sa hapag kainan. Sa kabisera siya nakaupo at lahat kami ay napalingon sa kaniya. Kakaiba kasi talaga ang taglay na tinig ng Papá—buo at malalim. Iyon ang klase ng tinig na mamarapatin mong sundin at pakinggan.
Katapat ko si Tita Veronica sa lamesa at nasaksihan ko ang unti-unting pagguhit sa mukha niya ng isang malapad na ngiti nang bigkasin ni Papá ang tanong na iyon.
"Naku, Mariano. Nakakatuwa itong si Landon... sa tatlong taon ay wala pang naipapatalong kaso itong panganay ko." Malambing niyang pinisil ang braso ni Landon na nahihiya namang ngumiti kay Papá.
"Talaga? You must be very proud, Veronica!" nakangiting komento ng Mamá.
Sumimsim sa baso niya si Landon at saka mabagal na nagpunas ng bibig. Napakamatipuno talaga ng bawat galaw niya. Tila isa siyang maharlika kung umasta. Gusto ko rin ang pananamit niya at hindi ko rin maipagkakaila ang kagwapuhang taglay niya.
"Mukhang ngayon pa lang po matatalo, Tita," pabiro niyang balik kay Mamá. Lumabas na naman ang biloy sa pisngi niya. Biglang nagtambol ang puso ko dahil sa nakatutunaw niyang ngiti.
"Bakit naman, iho?" kunot-noong tanong ng Papá.
"A-Ah, wala po, sa tingin ko lang po, Tito..." Yumuko si Landon at saka tinikman ang panghimagas na buko pandan sa platito niya.
"Saldivar kasi ang kalaban," bulong ni Tita Veronica habang nakayuko na parang ipinagbabawal ang pagsabat niya.
Natigilan sa pagkain si Landon at narinig ko ang pagpapatunog ng dila ni Lance. Mukhang bawal nga yata ang sinabi ng nanay nila.
"Mom! That's confidential." Bakas ko ang inis sa tinig ni Landon. Napahilot pa siya sa noo niya at nahihiyang ngumiti kila Mamá at Papá.
Tumikhim si Papá. "Don't worry, iho. Hindi naman kami nakikisali sa mga ganyang usapin... lalo sa mga Saldivar. Alam mo naman ang kuwento-kuwento sa pamilya nila rito sa Calapan, hindi ba?" Halos pabulong na binigkas ni Papá.
Isang tango lang ang isinagot ni Landon doon. Mukhang nagkakaintindihan sila, pero ako—wala akong ideya sa tinutukoy ng Papá. Wala akong ibang alam na kuwento sa mga Saldivar maliban sa tatlong henerasyon sa pamilya nila ang umupong Alkalde ng Calapan bago natalo ng pinsan ni Papá nitong nagdaang eleksyon.
"Ikaw, Maggie? You're going to college next year, right?" paglilihis ni Tita Veronica sa usapan.
"Opo, Tita."
"Sa Manila ba? Maganda kung sa Manila, mas madalas kayong magkikita ni Landon doon..." Sinundan ng impit na hagikgik ang sinabi niya.
Napasulyap ako kay Landon na tila hindi narinig ang tinuran ng nanay niya. Mukhang abala siya sa pagkain ng panghimagas o baka nagkukunwari lang na abala. Napalunok ako sa huli kong naisip.
"Sa Manila nga sana, Veronica, pero ayaw naman payagan nito ni Mariano at Cristina..." Humaba ang nguso ni Mamá.
"Ate, magulo sa Maynila..." malumanay na sagot ni Tiya na katabi ko sa hapag.
"Payagan niyo na. Hindi ba't iyon naman ang gusto natin? Ang magkapalayagan ng loob itong si Landon ko at si Maggie niyo. Hmmn?"
Parang biglang tumalon ang puso ko sa sinabi ni Tita Veronica. Pakiramdam ko'y may nagsaboy ng mga bituin sa tiyan ko dahil may kakaibang kiliti akong naramdaman doon.
"A-Ano po, Tita?"
Alam kong lumabas iyon sa bibig ko kasabay ng malakas na "What?!" ni Landon.
Sabay kaming nagtanong, ngunit magkaiba ang tono.
Hindi ko maitatago ang ngiti sa mga labi ko, samantalang si Landon naman ay hindi maipinta ang mukha. Ito ang unang pagkakataon na nakita kong kumunot ang noo niya. Hindi niya yata ibig ang suhestiyon na iyon.
Maria Galina... kay malas mo naman! Ang unang lalaking nagustuhan mo ay hindi ka gusto.
***
Kagaya ng ibang gabing hindi ako dinadalaw ng antok, tahimik akong lumabas ng silid ko upang magpahangin sa dagat. Malapit lang iyon sa mansyon, limang minutong lakaran lang.
Bilog ang buwan ngunit walang bituin sa langit. Malamang ay bubuhos na naman ang ulan mamayang madaling araw. Napahawak ako sa dibdib ko nang maramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Tila nagwawala yata dahil sa mga naganap ngayong araw.
Humakbang ako papalapit sa dagat. Hinayaan kong mabasa ng dagat ang mga paa ko. Hinayaan kong isayaw ng hangin ang buhok ko. Hinayaan kong dalhin ng hangin ang mga gumugulo sa isipan ko. Gustong-gusto ko ang amoy ng dagat, may kakaiba iyong hatid na kapayapaan sa puso ko na lubos kong kailangan ngayong gabi.
"Nagmamahal na ba ako?" mapait kong tanong sa sarili. "Bakit ganito... bakit may hapdi..." Humigpit ang hawak ko sa dibdib ko.
Pumikit ako at sinamsam ko ang sariwang ihip ng hangin. Napaismid ako nang biglang humalo sa simoy ang mabahong amoy ng sigarilyo.
"Can't sleep?"
Napatingin ako sa likod ko at nakita ko si Lance na naninigarilyo na naman.
"Hindi ka ba nababahuan diyan?" naiiritang tanong ko sa kaniya.
"Bakit? Susumbong mo ulit ako sa nanay ko?" mapang-asar niyang tugon sa akin.
"Hindi, Lance... hindi kita isusumbong kung tutulungan mo ako..."
Naningkit ang mga mata niyang kakulay ng dagat. Halata sa mukha niya ang pagtataka sa sinabi ko.
"Tutulungan saan?"
"Sa kuya mo... kay Landon." Matapang kong sinalubong ang mga mata niya. Nahuli ko ang pamimilog ng mga iyon. "Tulungan mo akong mapalapit sa kaniya at hindi kita isusumbong kay Tita Veronica," diretsong saad ko.
Ilang segundo siyang tila na-estatwa sa sinabi ko. Kung hindi siya makapaniwala sa tinuran ko, mas lalo ako. Gusto kong bawiin ang mga salitang iyon, pero hindi ko kaya. Alam ko sa sarili kong may pagtingin ako kay Landon at ang isang lalaking kagaya niya ay kasing ilap ng mga bituin sa langit ngayong gabi.
"You like him?" natatawa niyang tanong.
"S-Siguro..." Muntik nang matabunan ng tunog ng alon ang tinig ko.
"Siguro?" Bumuga siya ng malakas na tawa at saka itinapon sa buhangin ang sigarilyo niya.
"You're making a deal with me, Maggie. Tapos hindi ka pala sigurado sa nararamdaman mo kay Kuya?"
Mas lumakas pa ang halakhak niya, bigla tuloy akong dinalaw ng hiya.
"Bakit? May sigurado ba pagdating sa pag-ibig?" paghahamon ko.
"Oo! Ako!" malakas niyang sagot. "I am sure that I like you..."
Napalunok ako sa sinabi niya at sa unang pagkakataon sa gabing ito, hindi kapayapaan ang naramdaman ko rito sa dalampasigan. Halo-halong emosyon ang bumalot sa akin, samu't-saring tanong ang sabay-sabay nagsulputan sa isipan ko.
"Gusto kita, Maggie," banayad niyang ibinulong.
Mukhang bumaba na ang mga tala kaya wala sila sa langit, hinila sila ng mga mata ni Lance. Kitang-kita ko kung paano nagningning ang mga mata niya nang sambitin niya ang mga katagang iyon. Mas makinang pa sila kaysa sa dagat na nasisinagan ng bilog na buwan at mas maliwanag pa sa tunay na mga bituin.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top