Chapter 25 - Fire
Sinulyapan ko ang orasan na nakapako sa pader na sinasandalan ng sofa sa sala. 10:30 PM—may oras pa ako para prituhin ang huling sampung piraso ng hilaw na lumpiang shanghai. Paborito kasi ito ni Zoe at ni Tita Linds. Ito at spaghetti lang naman ang lagi kong hinahanda para sa noche buena. Si Tita Linds naman ang nagluluto ng ulam at gumagawa ng dessert, tapos dito kami nagsasalo-salo sa apartment.
Palaging gano'n lang sa loob ng maraming taon. But this time, I know it will be different. 'Good' different.
Wala sa sariling napangiti na lang ako bigla habang pinapagulong-gulong sa mainit na mantika ang mga lumpia.
"Sunog na 'yang piniprito mo, Gail!" sigaw ni Tita Linds pagkapasok niya sa apartment.
Napaigtad ako at namilog ang mga mata ko nang makita kong dark brown na ang wrapper ng niluluto kong lumpia.
"Shi—" Natataranta kong pinatay ang kalan, saktong paglapit sa likuran ko ni Tita Linds.
Pabiro niyang sinundot ang tagiliran ko. "Bakit ba aligaga ka?" Humagikgik siya habang mabilis na binabasa ang mukha ko. Naningkit ang mga mata niya at napasinghap pa. "Naka-make up ka?" Inilapit niya pa ang mukha niya para mas matitigan ako. "Don't tell me, bibisita ngayon dito 'yong kupal mong ex?!"
"Shh! Tita! Marinig kayo ni Zoe!" Agad akong napalingon sa anak ko na bising-busy sa paggawa ng Christmas card para sa Papa niya. Nakadapa siya sa maliit na carpet sa sala at suot-suot ang unicorn headphones na niregalo ni Lance sa kaniya paglabas namin sa ospital more than a week ago.
Abot sa kusina ang pagkanta at pag-hum niya habang pinupuno ng glitters ang card na halos isang oras niya nang pinagkakaabalahan.
"And at last, I see the light..." Binibirit niya kahit na sobrang taas na ng kanta.
Napangiti na lang ako habang pinapanood siya. My heart is lighter these days. But it has this unexplainable warmth, na parang nag-aapoy ito—pero hindi sa galit. Hindi apoy na nakakapaso o nakakasunog.
Zoe's slowly healing from the harsh bullying she'd experienced. Araw-araw din kaming pinupuntahan dito ni Lance sa apartment simula no'ng ma-discharge si Zoe sa ospital.
Lance and I agreed that it's safer kung dito muna kami ni Zoe, sa maliit naming inuupahan. Mas mainam nang isipin ng kung sinumang may pakana ng lahat ng ito na hindi pa rin kami nagkakaayos ni Lance... that Lance is still playing the game.
"Akala ko pa naman, tayo lang ang mag-no-noche buena mamaya." May bahid ng pagtatampo ang boses ni Tita Linds. Sinadya niyang maingay na ilapag sa dining table ang bitbit niyang paper bag.
Malambing akong ngumiti sa kaniya. Dahan-dahan akong lumapit sa likod niya at saka ko siya niyakap.
"Tita Linds... pagbigyan mo na si Zoe. First Christmas niya 'to with Lance, eh..." mabagal kong saad habang nakapatong ang baba ko sa balikat niya.
Hindi niya ako pinapansin at parang hindi niya ako naririnig habang isa-isa niyang nilalabas mula sa paper bag ang mga tupperware na may lamang iba't-ibang putahe.
"Hmmp, Gail! Hindi mo ako makukuha sa paganyan-ganyan mo. Naglalambing ka lang kasi may kailangan ka..."
I scoffed before releasing her from my tight hug. Pinihit niya ang katawan niya at nakahalukipkip siyang humarap sa akin.
"Kaunti na lang talaga at isusumbong na kita kila Nathaniel. Sasabihin ko talaga kay Amira na nagkabalikan na kayo ng Attorney na 'yon!" taas-kilay niyang pagbabanta sa akin.
"Tita Linds naman..." Binasa ko ang mga labi ko bago ko siya malambot na tinitigan. "Hayaan niyo namang makapag-celebrate ng Pasko at New Year si Zoe nang masaya."
Inirapan ako ng mga singkit niyang mata. Her purpleish eyeshadow made it more irritating to look at. "Si Zoe lang ba talaga ang masaya mamaya saka sa New Year?" tanong niya na nagpa-awang ng mga labi ko. "New Year pa ang putukan, Gail ha? Baka sa September may umuuha ng bata rito!" sabay malisosyo siyang humagikgik.
"Tita, ano ba yang sinasabi niyo?!" Gusot na gusot na ang noo ko. Good thing Zoe is wearing headphones.
Parang hindi maubos-ubos ang tawa ni Tita Linds habang ako naman ay parang namumulang makopa na sa pinaghalong hiya at inis.
"Ano'ng 'ano'?! For sure, alam mo naman ang tinutukoy ko." At mas lalo pang lumakas ang pagtawa niya.
"Tama na, Tita. Baka marinig ka ni Zoe. Hindi na naman mauubos ang tanong ng batang 'yan 'pag nagkataon." Magkakiskis ang mga ngipin ko habang pinapatahimik si Tita Linds.
It took a few more seconds before she slowly bit her lips, shook her head, and pinched her nose to stop from laughing even more.
"'Nak..." Malakas siyang bumuntong-hininga at saka niya dinampot ang mga kamay ko. "Gustong-gusto kong maging masaya ka. Ang sa 'kin lang, siguraduhin mong hindi ka na masasaktan ulit. Kasi pag 'yang Atty. Lance na 'yan pinaiyak ka ulit, matitikman niya talaga 'tong kamao ni Belinda Batumbakal!" Itinaas niya sa hangin ang nakakuyom niyang kanang kamao at sabay kaming nagtawanan.
Hindi man ako nakaramdam ng ganitong klaseng pagmamahal kay Mamá, napunan naman iyon ni Tita Linds. She's a bit of everything. A loving mother and a trusted friend—my best friend.
"Teka nga, baka makalimutan ko 'tong regalo ko sa 'yo, Gail." Malawak ang ngisi ni Tita habang may dinudukot sa bulsa ng maong niyang pantalon.
Inabot niya sa akin ang isang maliit na box. Walang itong balot kaya nabasa ko agad kung ano ang regalo niya. Nanlaki ang mga mata ko habang binubuksan ko ang box na mas maliit pa sa palad ko.
Baka prank lang 'to, pero nang makita ko ang banig ng maliliit na mga puting tableta, hindi ko na napigilan ang pagpoprotesta ko.
"Tita Linds! Ano 'to?!"
"Pills," diretsong sagot niya. "Mag-start ka sa first day ng mens mo, tapos dapat—"
"Alam kong pills 'to, Tita!" gigil kong sagot. "Pero I swear, Lance and I haven't done that yet!" Muntik pa akong pumiyok sa pagdadahilan ko.
"Ay, kawawa ka naman. Walang dilig!" pang-aasar ni Tita Linds.
"Wow! Nagsalita ang menopause!" ganti ko sa kaniya.
Ready na sana si Tita Linds na sigawan ako, pero biglang bumukas ang pinto ng apartment. Nagmamadali kong tinago sa bulsa ng palda ko ang pakete ng pills.
"Yehey! Papa's here na!" Zoe exclaimed cheerfully. Sinampay niya sa leeg niya ang headphone niya bago siya tumakbo papunta kay Lance.
Puno ng naglalakihang paper bag ang parehong kamay ni Lance, at bago pa man niya mailapag iyon, sinalubong na agad siya ng yakap ni Zoe. Napaluhod siya habang nakataas ang dalawang braso... like a scarecrow. But he is smiling, genuinely smiling just like how he smiled yesterday and the day before that—araw-araw.
Araw-araw gumuguhit sa mukha niya ang nakatutunaw niyang ngiti tuwing magkakasama kaming tatlo.
Lumapit ako sa kanila at isa-isa kong inalis sa braso ni Lance ang mga bitbit niya. Agad naman niyang ikinulong sa braso niya ang anak namin.
"Merry Christmas, my princess," bulong ni Lance kay Zoe.
Inangat ni Lance ang isang tuhod niya. Itinukod niya ang kanang palad niya sa sahig habang ang kaliwa ay mahigpit na nakayapos kay Zoe. Marahan siyang tumayo habang buhat-buhat si Zoe.
"Merry Christmas, Papa!" Zoe responded, then she grinned at Lance, showing the gap on her front teeth. "See, eet's gen!" Tinuro ni Zoe ang upper teeth niyang may puwang na'ng isa.
"Kailan pa natanggal 'yong isa, Mahal?" Lance asked me, giving me a quick glance.
Sasagot na sana ako, pero biglang sumingit si Tita Linds.
"Mahal?" pag-uulit nito sa tinawag sa akin ni Lance dahilan para mapatingin si Lance sa kaniya.
"Ah... M-Merry Christmas po, T-Tita Linds." Napayuko ako nang marinig ko ang panginginig sa boses ni Lance. He is obviously nervous.
"Ano'ng Tita Linds? Close ba tayo?" mataray na tugon ni Tita. She even raised her microbladed brows.
Patay. Umatake na si Belinda Batumbakal.
"Madam Linda. 'Yan ang itawag mo sa akin, Lance," dugtong pa ni Tita Linds na mas lalong nagpakaba kay Lance. Nakita ko ang paggalaw ng lalagukan niya nang lumunok siya.
"Merry Christmas, Madam Linda," Lance greeted politely.
"Mamita, you're so mean to Papa!" bulalas ni Zoe habang karga-karga pa rin ni Lance.
Bigla na lang humagalpak ng tawa si Tita Linds. Napuno ng paalon-alon niyang halakhak ang buong apartment.
Nagkatinginan kami ni Lance. "Is she okay?" nag-aalangang bulong niya and I just nodded.
"Whooo!" Tita Linds exhaled sharply. Humupa na rin ang tawa niya at binalik niya ang pansin niya kay Zoe. "I'm just joking, apo." Magaan niyang pinisil ang pisngi ni Zoe.
Mabilis niyang pinasadahan ng tingin si Lance. "Puwedeng-puwede mo akong tawaging Tita Linds, pamilya ka naman eh!" nakangiti niyang wika kay Lance. "Merry Christmas, Attorney!"
***
The holidays were full of happy memories for my family, but not for Café Amor, especially for Ma'am Steph.
Simula no'ng Pasko hanggang sa matapos ang January, hindi na siya pumasok sa café. Her father died, and she struggled to heal from the loss. Ang alam namin, nag-travel siya abroad. February came, and saglit na bumalik sa dati ang sigla ng buong café. Bumalik din si Ma'am Steph—pero hindi rin nagtagal. Something terrible happened to her, and she had to take an emergency medical leave.
"Pa'no Shayne, kayo na munang bahala rito sa café, ha?" pagpaalam sa amin ni Ma'am Lia. Mabilis niyang inabot ang susi niya sa café kay Ma'am Shayne, ang bago naming assistant manager.
Last week pa sana ang last day ni Ma'am Lia para mag-focus sa family business nila at sa pregnancy niya, pero dahil sa nangyari kay Ma'am Steph, she extended for a couple of days para sa orientation ni Ma'am Shayne. At ngayong gabi naman, sumaglit lang talaga siya sa café bago ang flight niya papuntang Iloilo para bisitahin si Ma'am Steph.
"Ma'am Lia, don't worry. Hindi namin pababayaan ang café," nakangiting tugon ni Ma'am Shayne. "Right, Gail?" tinapunan niya ako ng tingin.
"Yes, of course, Ma'am Shayne." I smiled and nodded at her. "Kami na pong bahala dito sa café, Ma'am Lia. Ikumusta niyo na lang po kami kay Ma'am Steph," magiliw kong balik kay Ma'am Lia, na sinamahan ko pa ng isang matamis na ngiti.
She lightly squeezed my hand and then hugged me. Nagulat ako roon, dahil hindi naman uso sa amin ni Ma'am Lia ang emosyonal na yakapan.
"Atty. Lance told me..." she whispered. Naningkit ang mga mata ko. "He had to... may pinapa-trace kasi siyang hotel sa Cebu sa akin, one of our subsidiaries," she continued, and then she parted from our hug.
Hotelier ang tatay ni Ma'am Lia, the most prominent hotelier in the Philippines. At kay Ma'am Lia niya iniwan ang buong kompanya nila, kaya naiintindihan ko kung bakit nag-consult si Lance sa kaniya. But... Cebu... ano'ng meron sa Cebu?
Nakakurba ang mga kilay ko pagharap ko kay Ma'am Lia. There's an uneasy feeling lingering in my throat. Sinubukan kong lumunok para mawala iyon.
"Mag-iingat kayo, Shayne..." Sinulyapan ni Ma'am Lia si Ma'am Shayne. "...G-Gail," nag-aalangan niyang banggit sa pangalan ko.
She knows. Alam niya nang hindi ako si Gail.
I instinctively looked down. Nahihiya ako sa ilang buwang harap-harapan akong nagsinungaling sa kaniya para lang makapagtrabaho sa café niya.
"Ah, nand'yan na 'yong sundo ko." Nag-angat ako ng tingin kay Ma'am Lia, na nakatanaw na ngayon sa may pintuan. "Mukhang may bisita ka rin, Gail," she said playfully.
I slowly looked behind me. Nakita ko si sir Andrew na nakatitig kay Ma'am Lia. May bitbit siyang lemonade sa kaliwang kamay niya, isa sa mga pinaglilihian ni Ma'am Lia. Nakatayo naman sa tabi niya si Lance, may bitbit siyang isang bouquet ng sunflowers—my favorite.
***
"Kitchen lang ako, Gail... linisin ko 'yong oven." Kumunot ang noo ko sa sinabi ni Ma'am Shayne. Kanina pa kasi namin tapos linisin 'yong mga oven sa kitchen. Sigurado akong nagdadahilan lang siya para maiwan kaming dalawa ni Lance.
Sumagot pa rin ako kahit na alam ko naman na ang plano niya. "O-Okay... Ma'am Shayne."
Napabuga tuloy siya ng mahinang tawa bago tuluyang pumasok sa kusina.
"For you, mahal..." halos pabulong na sabi ni Lance sabay abot sa akin ng bouquet.
"You remembered," nahihiya kong sambit habang tinatanggap ang mga bulaklak.
Dumalaw naman siya kahapon sa bahay, kaya hindi ko maintindihan kung bakit parang lulundag na palabas ng dibdib ko ang puso ko.
"Of course, Maggie. I remember everything about you," he said huskily.
"U-Upo tayo," alok ko sa kaniya. He simply nodded and then pulled the chair from the nearest table to us.
Upo tayo? Ano'ng klaseng sagot 'yan, Maggie? Napapikit ako saglit dahil sa inis ko sa sarili.
Para akong robot na umupo sa silya sa Table 1. Nilagay ko sa ibabaw ng kandungan ko ang bouquet at mabilis kong pinasadahan ng mga palad ko ang nakalugay kong buhok.
I suddenly felt conscious. Lance was sitting in front of me—flawlessly, wearing his black coat over his white top, and here I am, looking tired from my 8-hour shift. Ni hindi ko nga alam kung may harina pa ako sa mukha o baka maputla na ang mga labi ko.
"H-Hindi ka ba dadaan sa bahay m-mamaya?" pautal kong tanong.
He cleared his throat. "Hindi na." Ipinako niya sa akin ang mga mala-dagat niyang mata. "I-I don't know if I could handle Zoe's reaction kapag nagpaalam ako sa kaniya," he said slowly.
Aalis siya?
Tumuwid ako ng pagkakaupo ko. I gulped to moisten my throat. "S-Saan ka pupunta?"
"Sa Cebu," mabilis niyang sagot. "I received an intel that he's there—si Mang Felipe, nasa Busay, Cebu siya, working as a maintenance staff on a hotel," malumanay niyang pagpapatuloy.
And then it all made sense to me. Iyong sinabi ni Ma'am Lia kanina tungkol sa hotel sa Cebu na tinanong sa kaniya ni Lance. Iyong picture ng matandang lalaki sa glass writing board sa conference room sa opisina ni Lance. And this conversation that I'm having with him.
"He's your witness, Lance?" My question doesn't sound like a question.
"Yes, Maggie. He's our last shot," he swallowed hard. "Our only shot," he declared.
Inabot niya ang kamay kong nakapatong sa lamesa. Then he gently caressed my knuckles. "Kaunti na lang, Maggie... Kuya Landon will finally have the justice he deserved," he said with so much conviction that his eyes almost darkened.
"Sa w-wakas, mahal ko... matatapos na lahat ng 'to." Hindi ko alam kung bakit bigla na lang gumaralal ang boses ko kasabay ng panunubig ng mga mata ko.
I softly sniffled and forced a smile on my face. Masaya dapat ako ngayon dahil unti-unti na kaming lumalapit sa katotohanan, pero may kung anong butas sa dibdib ko na ilang taon ko na'ng sinusubukang punan, ngunit paulit-ulit lang akong nabibigo.
"S-Sila Papá at Tiya Cristina na lang ang kulang, Lance. S-Sila na lang..." Kusa nang nahulog ang pinipigilan kong mga luha.
"Hey... don't cry..." He carefully wiped the tears from my cheeks.
"A-Alam kong b-buhay pa sila, Lance. M-May iniwan pa ngang sulat sa akin si Tiya... sabi niya magkikita k-kami ulit..."
Napatayo si Lance sa upuan niya. Lumapit siya sa gilid ko at walang kahirap-hirap niyang inusog ang upuan ko para mapaharap ako sa kaniya.
Yumuko siya para magpantay ang mata namin. Kulang na lang ay mapaluhod na siya. Ikinulong niya sa mga palad niya ang mukha ko.
"Maggie, I assure you... you will see them again. I promise you will have your family back." Punong-puno ng kasiguraduhan ang boses niya habang binibitawan ang mga salitang iyon. Ramdam na ramdam ko sa pisngi ko ang mainit niyang hininga.
He softly kissed my forehead before standing up straight again. "Habang wala pa sila, Maggie. Let this remind you of home."
May kinuha siya sa bulsa niya. Halos mahulog ang panga ko nang makitang nakabitin sa kanang palad niya ang kuwintas na binigay niya sa akin noon—may palawit iyong perlas.
Hindi ako maaaring magkamali, iyon ang kuwintas na itinapon ko noon sa bangin ni Dolor.
Napatayo ako at humakbang papalapit sa kaniya, mangha-manghang pinagmamasdan ang perlas sa kuwintas.
"P-Paano mo—"
"Binawi ko sa dagat," nakangiting tugon niya.
Ibig sabihin, 'yong narinig kong nahulog galing sa bangin na akala ko kahoy lang o tipak ng bato ay...
"I-ikaw 'yon, Lance?" maluha-luha kong tanong sa kaniya.
"Yes, Maggie," his voice cracked. Nanunubig na rin ang mga mata niya.
Biglang bumuhos ang mga ala-ala ko mula sa huling araw ko sa Calapan. Natatandaan kong nakita ko siya sa pantalan, basang-basa at iika-ikang lumalakad habang papalayo ang sinasakyan kong barko.
Pure love... this necklace symbolizes my pure love for you, Maggie... it will never be tainted.
Iyon ang mga binatawan niyang salita noong unang beses niyang binigay sa akin ang kuwintas. Akala ko ay kasinungalingan lang iyon, but tonight, he proved me wrong.
"You... Lance... y-you remind me of home," I said almost breathlessly.
Without thinking, I pulled him into a tight hug, clinging to him as if he could patch that hole in my chest.
At sa tingin ko, nagawa niya. Natabunan niya ang malaking butas sa dibdib ko nang inangat niya ang baba ko para igawad sa akin ang isang malalim na halik.
***
Normal na Martes na umaga sa Café Amor, wala pang customer dahil kabubukas pa lang namin ni Ma'am Shayne. Wala pa, maliban sa matandang lalaking nakakadalawang balik na sa café at hinahanap si Ma'am Steph.
Siniko ako ni Ma'am Shayne na nagpupunas ng ibabaw ng bread stand. "Ayan na naman siya, Gail..." Nginuso niya ang pinto. Kitang-kita ko sa labas ang matandang lalaking may mahabang peklat sa mukha, naninigarilyo at panay ang silip sa amin sa café. "Report na kaya natin sa pulis 'yan, Gail? Nakakatakot eh!"
"B-Baka stalker ni Ma'am Steph?" wala sa sariling sagot ko habang pinaglalaruan ko ang kwintas na galing kay Lance. "P-Parang may gano'n kasing nabanggit si Jasper sa akin dati."
"Yawa! Stalker nga yata ni Steph 'yan!" Napahinto sa pagpupunas si Ma'am Shayne at napakapit siya sa braso ko. Pawis na ang mga palad niya sa kaba. "Tumawag ka na kaya ng pulis, Gail."
"S-Sige Ma'am... t-tatawag ako." Nahawa na rin ako sa takot niya at nanginig na ang boses ko.
Kinapa ko ang cellphone ko sa bulsa ko, pero wala. "Naiwan ko pa 'ata sa locker," bulong ko.
Napabitaw si Ma'am Shayne sa braso ko at kinapa-kapa niya rin ang bulsa niya.
"Yawa!" Napapadyak siya sa inis at mariing napapikit. "Naiwan kong naka-charge 'yong phone ko sa bahay." Sinapo niya ang noo niya at halos sabay kaming napabuntong-hininga. "I will lock the door, and you go get your phone, Gail," kalmado niyang utos sa akin.
Tumango-tango ako bago lakad-takbong pumunta sa kitchen kung nasaan ang locker.
I swiftly grabbed my bag from the locker, not wanting to waste any minute. Sumalampak ako sa sahig habang nanginginig ang mga daliri kong hinahalukay ang shoulder bag ko, pero hindi ko pa rin makita ang cellphone ko.
"Shit! Asan na ba 'yon?!"
Isa-isa kong nilabas ang laman ng bag ko. Ngunit natigilan ako nang may marinig akong tunog ng nabasag na salamin galing sa labas.
Dahan-dahan akong tumayo. Ibinato ko sa loob ng locker ang bag ko at mabagal akong naglakad papunta sa pinto ng kusina. I gently pressed my ear against the stainless steel door.
Wala naman akong narinig na kahit anong kakaiba, pero bigla na lang kumawala sa siwang ng pinto ng kusina ang itim na itim na usok.
Hindi na ako nakapag-isip o nakapagtakip man lang ng ilong, tinulak ko ang pinto, at sumambulat sa akin ang makapal na usok sa kabuuan ng café. Ni hindi ko makita kung nasaan na si Ma'am Shayne.
Tumingala ako sa kisame. Hindi gumagana 'yong smoke detectors namin.
"Shit!"
Inangat ko ang laylayan ng apron ko at tinakip ko 'yon sa ilong ko.
"Ma'am Shayne!!!" buong lakas kong sigaw habang paisa-isa ang hakbang ko.
Bigla na lang akong nakarinig ng isang malakas na putok. Napayuko ako at napapikit. Pagdilat ko, nakita kong kinakain na ng apoy ang mga coffee machine.
My fingers started to shake uncontrollably. Para na naman akong binalik sa gabing iyon—iyong gabing pinapanood kong tupukin ng apoy ang buong mansyon namin sa Sta. Isabel.
Mas nangalit pa ang apoy, mas naging kahel ito na halos maging kulay pula na!
Then I heard someone coughing, malapit sa mga coffee machine, malapit sa checkout counter.
"G-Gail..."
Boses iyon ni Ma'am Shayne.
Nararamdaman ko na ang init sa balat ko. Nilingon ko ang kusina, at mukhang hindi pa roon umaabot ang apoy. I could escape through that, pero hindi ko puwedeng iwan si Ma'am Shayne.
Itinukod ko ang mga siko ko sa mainit na sahig at dahan-dahan akong gumapang papunta sa counter. Pakiramdam ko ay numinipis na ang hangin sa baga ko at naririnig ko na ang pagbigat ng paghinga ko.
Amoy nasusunog na kahoy, wire, plastic, kemikal at kape—halo-halong amoy na pilit sumisiksik sa ilong ko papunta sa naninikip kong dibdib.
"M-Ma'am..." garalgal kong tawag.
Wala na akong nakikitang ibang kulay bukod sa itim at pula. Wala na akong ibang nararamdaman kundi ang init na pumapaso sa akin. Wala na akong ibang naririnig bukod sa sumisipol kong paghinga.
Then I saw him—Landon.
Nakangiti siya habang lumalapit sa akin. Inilahad niya ang palad niya, at hindi ako nagdalawang-isip na abutin iyon.
And in an instant, everything faded to white.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top