Chapter 18 - Defeat
Nakadungaw ako sa labas ng bintana ng kotse ni Lance habang nakahawak ang dalawa kong kamay sa strap ng seatbelt. I gulped a couple of times to ease the dry air inside my mouth, but the silence between us is making it worse. Tahimik lang siyang nagmamaneho papunta sa school ni Zoe. Kung hindi lang talaga ako nag-aalala sa anak ko, hindi ako papayag na sumama siya sa akin.
Sobrang daming scenario na agad ang pumasok sa isip ko. Paano kung kunin nila Hugo si Zoe? Paano kung may gawin silang masama sa kaniya? Dapat yata pinasama ko na talaga siya kila Ate Amira pabalik sa Calapan.
Minasahe ko ang noo ko habang nakatanaw pa rin sa labas. And somehow, my cold palms calmed my loud thoughts.
"Why?" Namilog ang mga mata ko nang marinig ko ang buong boses ni Lance.
Napalingon ako sa kaniya. Both of his hands on the steering wheel, ocean eyes locked on the cemented street, sweat on his neck... almost touching the collar of his white polo.
"A-Ano'ng 'Why'?" tanong ko kasabay ng muli kong pag-iwas ng tingin sa kaniya. Tumigil ako sa pagmamasahe sa noo ko at ibinalik ko ang isa ko pang kamay sa strap ng seatbelt.
"Why did you not tell me you're pregnant... back then?"
I felt a pang on my chest. Parang may kung anong tumusok sa dibdib ko, pero imbes na hawakan ko iyon, mas hinigpitan ko ang kapit ko sa strap ng seatbelt. Ni minsan hindi ko naisip na maririnig ko ang tanong na 'yon. For all I care, Lance will never come back in my life. Nakakainis na mali ako. Destiny defeated me.
"Because I didn't know. H-Hindi ko pa alam na buntis na pala ako..." My voice almost sounded like a whisper. Hindi siya sumagot. And in his silence, I felt so low again.
Is that it? Ganito lang ang reaksyon niya?
Ibinaba ko ang mga kamay ko sa kandungan ko. I softly inhaled and exhaled, then I looked at him. Walang nagbago sa itsura niya, nakatitig pa rin siya sa kalsada. Although his grip on the steering wheel seems to be tighter now, I could see some veins on the back of his palms popping out.
"A-At kung sakaling alam ko, what makes you think you deserve to know about her?"
Napasulyap siya sa akin. Nakaawang ang mga labi, pero hindi siya nagsalita. He quickly shifted back his focus to driving.
Hindi ko alam kung bakit ko nasabi 'yon, but it felt good. Nawala ang kung anumang tumusok sa dibdib ko kanina. And so I continued shooting questions.
"Kung sinabi ko ba sa 'yo noon, Lance... hindi mo ba 'ko pagtatabuyan that night?" My voice trembled and my eyes felt heavy as images from that night flooded my mind.
Tumingala ako para pigilan ang pagbagsak ng mga luha ko bago ko muling itinapon ang tingin ko sa kaniya—ang mga matatalim kong tingin sa kaniya.
"Kung alam mong nabuntis mo ako noon, hindi mo na ba 'ko babastusin? Hindi mo 'ko liliitin? Hindi mo ba ipapamukha sa akin noon na... I was nothing? That I was just purely your source of entertainment back then? Maniniwala ka na ba sa akin?"
I looked away and bit my lips to stop myself from crying, but I failed. Nanlabo ang paningin ko kasabay ng pagbuhos ng mga luha ko.
"Maggie... it's not that—" I cut him off with a bitter chuckle as I quickly and harshly wiped my tears.
"Naaalala mo ba kung pa'no ako lumuhod sa harapan mo no'n, Lance?" Suminghot-singhot ako para tuluyan nang patahanin ang sarili. "Naaalala mo ba kung pa'no ako nagmakaawa para lang paniwalaan mo ako na hindi ako ang pumatay kay Landon?" Sinulyapan ko siya. Nagmamaneho pa rin siya, pero mas mabagal na kaysa sa kanina.
"Mag-isa na lang ako no'n, Lance. Takot na takot ako. N-Nasusunog ang mansyon. Tapos h-hindi ko alam kung... kung n-nasaan sila Mamá at Papá... si Tiya Cristina... at 'yong mga kasambahay namin." Muling nag-unahan ang mga luha ko sa pisngi ko. Panay ang hikbi ko habang patuloy kong binabalikan ang gabing 'yon.
"They were all gone! You're all I have that night..."
Tuluyan nang nabasag ang boses ko at napuno ng mga paghikbi ko ang loob ng sasakyan ni Lance. Napahinto siya sa pagmamaneho. Sinalubong ng mga mata niyang kakulay ng dagat ang mga mugto kong mata.
"Ikaw na lang ang meron ako no'n, pero ano'ng sinabi mo?... 'I was never yours, Maggie'" Mapait akong ngumiti sa kaniya bago ko ibinalik ang pansin ko sa labas ng bintana.
"S-Stop crying, Maggie... please."
Binalewala ko ang bahagyang panginginig ng boses niya. Pinilit kong aliwin ang sarili ko sa mga nakikita ko sa labas ng bintana ng sasakyan niya.
"Stop crying. Matagal mawala ang pamumula ng mata mo kapag umiiyak ka. Zoe will get worried if she'll see you like that..." His voice sounded so sincere, and it hurts. Ang sakit marinig na nag-aalala siya sa akin. Ang sakit marinig na parang kilalang-kilala niya kami ng anak namin.
Naputol ang paghikbi ko nang biglang sumulpot ang isang box ng tissue sa may harap ng mukha ko. Nilingon ko si Lance na namumungay na ang mga mata habang nakatitig sa akin. Inaabot niya ang kahon sa akin.
I took three sheets and then I looked away again. Tinuyo ko ang mga luha ko at nagsimula na ulit magmaneho si Lance.
For about a minute or two, we were silent again until he asked one question that ignited a fire within me.
"Seven years, Maggie... you kept her like a secret. Don't you think I have the right to know?"
"Ang kapal din naman ng mukha mong ipaglaban 'yang 'right' mo?!" I snapped and fixed my furious eyes at him. Parang biglang nagpantig ang tainga ko sa sinabi niya.
"Wala kang karapatan kay Zoe. I'm doing this because I have no choice!" I gritted my teeth. "I need to protect her and I'll do anything for that. Kahit pa ang sumakay sa kotse ng walang kwentang lalaking kagaya mo!" galit kong sigaw sa kaniya.
Napakurap-kurap lang siya marahil sa lakas ng boses ko, pero kalmado siyang nagmaneho ulit. Then I heard him exhaled sharply.
"I have found my worth now, Maggie." He smiled to himself. His eyes were also smiling. May kakaibang ningning at pananabik sa mga mata niya. Pero hindi ako p'wedeng tumiklop lang ulit. "For the first time in my life, pakiramdam ko, may silbi na 'ko sa mundo. Si Zoe, our baby—"
"Shut up, Lance!" I exclaimed. Napayuko siya... at sa muling pag-angat ng mukha niya, burado na ang sayang nakaguhit doon kanina.
I felt guilty for a bit, but I need to keep my walls up. Ayoko nang matalo ulit, pero ayoko na ring sumabog. Walang maitutulong ang galit ko sa kaniya ngayon. Huminga ako nang malalim at muling kong ipinako ang mga mata ko sa kaniya.
"Please... Lance, don't cross the line. I need you now dahil kailangan kong puntahan agad ang anak ko. After this, you can continue playing the devil. P'wede mo na ulit isisi sa 'kin ang pagkamatay ng kuya mo." Malumanay kong binanggit ang mga mabibigat na salitang iyon na para bang handang-handa talaga ako sa kahit ano'ng ibato niya sa akin.
Napaurong ako sa upuan ko nang humarap sa akin si Lance. Bumabagal ang takbo ng sasakyan hanggang sa huminto ito. At parang bumabagal din ang oras habang mas lalong namumungay ang mga mata niya.
"No, Maggie. I don't want to be the devil anymore. Change of plans," he said as he moved closer to me.
"H-Huh?" Iyon lang ang nasabi ko. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko.
Habang papalapit nang papalapit ang mukha niya sa mukha ko, pabilis din nang pabilis ang kabog ng puso ko.
His gaze was fixed on my lips. I swallowed hard as I stared at his ocean eyes.
Is he going to kiss me?
Without thinking, I closed my eyes. Kanina lang, halos isumpa ko siya. Tapos ngayon, nakapikit ako para tanggapin ang halik niya.
"M-Maggie," malambing niyang bigkas sa pangalan ko.
Mas dumiin ang pagpikit ko nang maramdaman ko sa pisngi ko ang maligamgam niyang hininga.
Then I heard a clicking sound. Tinanggal niya ang seatbelt ko.
God! What was I thinking?
Nang imulat ko ang mga mata ko, nakasandal na si Lance sa driver's seat at pagsilip ko sa labas, nasa tapat na kami ng school ni Zoe.
"Maggie... we're here. Hinihintay ka na ni Zoe. She's over there." Nakangiti niyang itinuro si Zoe na nakaupo sa waiting shed, malapit sa gate ng school.
"I-Ingat ka," nag-aalangan kong bulong bago ako bumaba ng sasakyan niya.
Sinalubong agad ako ng yakap ni Zoe nang makita niya akong naglalakad pa lang papunta sa kaniya.
"Mama, what's wrong? Is Mamita sick? Bakit ikaw ang sumundo sa 'kin?" sunod-sunod niyang tanong habang nakayapos sa akin ang mga maliliit niyang braso.
Iniharap ko siya sa akin at tumalungko ako para magpantay ang mga mata namin.
"M-May pinuntahan lang si Mamita," pagsisinungaling ko.
"Tumakas ka ba sa work, Mama? You're still wearing your uniform, eh!" sabay humagikgik siya. Naka-bandana pa kasi ako at hindi ko na nahubad 'yon sa sobrang pagmamadali ko kanina.
"No, Tito Jasper knows that I'm here," I responded and she seems to buy it. Tumayo na ako at hinawakan ko ang kamay niya. "Let's go home na, baby!"
Habang naglalakad kami ni Zoe palayo sa waiting shed, napansin kong nakahinto pa rin ang sasakyan ni Lance sa tapat ng school. The windows were tinted and I couldn't see him, but I know that he's probably watching me and Zoe.
"What are you looking at Mama?" Napalingon na rin tuloy si Zoe sa kotse ni Lance nang mapansin niyang nakatingin ako roon.
"Nothing, baby... it's nothing."
***
Walang bituin sa madilim na langit na pinagmamasdan ko mula sa maliit na balcony ng apartment. Mahimbing na rin ang tulog ni Zoe sa kuwarto niya. But I couldn't sleep yet. Binabagabag ako ng mga nangyari buong araw. Ang pagbisita sa akin ni Flor, si Mamá at si Hugo na sakay ng van... at si Lance. Ang pagtakbo niya papunta sa akin kanina no'ng muntik na akong dukutin ng mga tauhan ni Hugo. Ang paghalik niya sa noo ko. How I shouted at him inside his car. How I cried in front of him and how I closed my eyes earlier thinking that he would kiss me again.
"Ugh! Nakakainis ka, Maria Galina! Ang rupok mo! Ang rupok, rupok mo!" Para akong tangang pinapagalitan ang sarili habang magaan kong sinasabunutan ang ulo ko.
"Oo nga!" asar sa akin ni Tita Linds na hindi ko napansing nasa likuran ko na pala.
"Tita naman..." Nakabusangot ako pagharap ko sa kaniya.
Ngumisi lang siya sa akin, sabay abot ng isang baso ng mainit na gatas.
"Thank you," balik ko sa kaniya. Sumandal ako sa railings ng balcony at hinipan ko ang baso ko.
"In-update ko na pala si Nathaniel. Sinabi ko 'yong tungkol kay Criselda at Hugo..." bungad na kuwento ni Tita habang nakasandal din siya sa bakal na railings at pinapanood ako. "Papahalukay raw ng Kuya Nathaniel mo kung ano'ng meron sa Mamá mo at do'n sa panganay na Saldivar."
"Thanks, Tita," I quickly answered and then I took a sip from my cup.
"Eh... sa inyo ng kupal mo'ng ex? Ano na'ng meron?" Muntik na akong maubo sa tanong ni Tita Linds. Buti na lang at kaunti lang ang nainom kong gatas.
I cleared my throat and then I faced her. "We talked—argued. Actually, hindi e, Tita Linds. We didn't argue, tinanggap niya lang lahat ng sinabi ko. Galit na galit na ako sa kaniya kanina pero... he was just taking it all in. Kalmado lang siya."
Kumunot ang noo ni Tita Linds. Kumalansing ang mga gintong pulseras niya nang humalukipkip siya.
"Baka naman kasi tanggap niya na 'yong panggagago niya sa 'yo. Binuntis ka tapos sasabihin niyang 'di ka niya mahal? Tapos ikaw pa ang pinagbintangan niya sa murder ng kuya niya?"
May tono ng panunuya ang sinabi ni Tita Linds, pero alam kong totoo rin ang mga iyon. Bigla tuloy akong dinalaw ng lungkot. Napa-isip din kasi ako sa sinabi ni Lance kanina na 'change of plans.' Pero mukhang iisa lang naman talaga ang plano niya—ang mapanagot ang pumatay sa Kuya niya. And in his eyes—it's me.
"Ay, sorry 'nak. Napapasenti ka na naman tuloy!" Malambing na hinaplos-haplos ni Tita Linds ang braso ko at pilit niya akong nginitian.
"Hindi, Tita Linds. Okay lang. Kailangan ko ring paulit-ulit na maramdaman 'to, para makalimutan na siya ng isip ko." Napabuga ako hangin at muli akong uminom sa baso ko.
"Gail, hindi naman ito ang kalaban mo..." Itinuro ni Tita Linds ang sentido ko. "Ito..." Inilipat niya ang hintuturo niya sa dibdib ko. "'Yang puso mo."
At mukhang talo na ako, Tita. Matagal na akong talo.
***
Labindalawang tahimik na araw lang ang dumaan, and I didn't mind it. Pakiramdam ko ay bumalik na ulit ako sa pagiging Abigail Ortiz. I thought everything was finally in order, until I saw Lance and Kath at the café, dating.
Magkatapat ang upuan nilang dalawa sa Table 1. Doon pa talaga nila napiling puwesto sa pinakamalapit na lamesa sa checkout counter. Ako ang nasa cashier ngayon dahil naka-sick leave si Jasper. Mula sa kinatatayuan ko, malinaw na malinaw kung paano sila nagpapalitan ng mga matatamis na ngiti habang magkasalikop ang mga kamay nila sa ibabaw ng lamesa.
Kadiri! Para akong nanonood ng teleseryeng wala namang chemistry ang mga bida!
"Ang haba ng nguso natin, Gail, ah!" Napabalik ako sa ulirat ng biro ni Ma'am Lia. Akala ko nasa kusina pa siya at nagbe-bake ng pastries. "Smile, Gail. Ang aga-aga, nakasimangot ka na," dugtong pa niya na nagpangiti naman sa akin.
"Sorry, Ma'am Lia. M-May naalala lang po kasi ako," pagdadahilan ko.
May dinukot siya mula sa bulsa ng dress niya. "For you, Gail," she said as she handed me a pastel yellow envelope.
Kumurba ang mga kilay ko sa pagtataka, pero mabilis ko rin namang binuksan ang inabot sa akin ni Ma'am Lia. Napasinghap ako at nanlaki ang mga mata ko sa nabasa ko sa papel.
"Oh my God! Church wedding niyo po ni Sir Andrew?"
"Yes, Gail." Tumango-tango si Ma'am Lia habang kumukurba ang mga labi niya. "Andrew insisted on having another wedding bago ako manganak."
Naitakip ko sa bibig ko ang hawak kong invitation dahil sa gulat. "B-Buntis ka, Ma'am?"
Mahinang humagikgik si Ma'am Lia. "Oo. Baby boy." Marahan niyang hinaplos ang tiyan niya.
"Double congratulations po, Ma'am Lia!" masigla kong bati sa kaniya. Halos mapalundag ako sa saya.
"Thank you, Gail! Aabangan ko rin 'yong wedding mo ha?"
"Naku, Ma'am! Malabo pa 'yon sa sabaw ng pusit!" natatawang sagot ko sa kaniya.
Come to think of it... may Sir Andrew si Ma'am Lia, si Ma'am Steph naman, may Sir Chinito. And then there was me—kasalukuyang pinapanood ang ex kong nakikipaglandian sa girlfriend niya dito mismo sa Café Amor.
Napabuntong-hininga na lang ako.
Inubos ko ang halos fifteen minutes sa pagsasalansan ng mga bagong baked na cookies at brownies ni Ma'am Lia. Napatayo ako mula sa pagkakayuko ko sa breadstand nang mapansin kong wala na sila Lance at Kath sa Table nila.
"Hi, Gail!"
"Ay, higad!" bulalas ko nang batiin ako ni Kath na nakatayo na sa harap ng counter.
Napakagat ako ng labi ko dahil sa salitang nabitawan ko. It was so inappropriate!
Nakakahiya ka, Maria Galina!
I straightened and forced a smile on my face. "Hi, Atty. Kath! Do you need anything else po? Brown sugar... stevia... white sugar—"
"No. I don't need any kind of sugar," she responded quickly. "And please, Gail... Kath na lang."
"Uhm... W-What do you need, K-Kath?" putol-putol kong tanong sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit parang namamawis ang mga palad ko at parang aangat na ang kapeng ininom ko kaninang umaga dahil sa kaba.
"Alam kong magkasama kayo ni Lance, almost two weeks ago..." She paused and leaned closer to the counter. "You two went to Zoe's school," she whispered.
"Ah... 'yon ba? Wala kang dapat ipag-alala, Kath. Sinamahan lang ako ni Lance," mabilis kong sagot. Baka kasi kapag binilisan ko, hindi mahalata ni Kath ang namumuong kaba sa dibdib ko.
"Why do you sound so defensive?"
Napakurap-kurap ako sa tanong niya at wala sa sariling napayuko. Now, I do look guilty.
"Did he kiss you again?"
Kasabay ng tanong ni Kath ay ang pagdaan sa isip ko kung paano hinalikan ni Lance ang noo ko nang hapong 'yon. At kung paano ko tinanggap lang iyon.
"N-No..." sagot ko kasabay ng pag-angat ko ng ulo ko.
"You looked guilty, Gail. Namumula ka na!" Nakangisi niyang itinuro ang pisngi ko. "But I'll give you the benefit of the doubt."
Napalitan ang ngisi niya ng mahinang pagtawa. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang reaksyon niya. She should get mad at me. Pero tinatawanan niya lang ako.
"Ano'ng nakakatawa, Kath?" I asked as I pursed my lips.
"I'm sorry, I just can't help it," she responded as she tried to stop herself from laughing even more. "Here..." Inabot niya sa akin ang calling card niya. "Let's talk somewhere... somewhere without Lance. Just give me a call when you're ready."
Tinititigan ko ang mukha niya. Walang bahid ng inis. She just keeps on smiling at me, pleasantly, as if I'm a friend.
Itinago ko sa bulsa ng pantalon ang calling card ni Kath. Kinaway niya ang kanang kamay niya. "Bye," she mouthed, and then she walked away.
Hindi pa nakakarating sa may pintuan si Kath nang lumabas naman si Lance galing sa restroom ng café. Tumakbo siya papunta sa girlfriend niya. Hinawakan niya ang kamay ni Kath at saka sila naglakad palabas ng Café Amor.
Malapit na talagang kumawala sa sikmura ko ang ininom kong kape. Hindi ko rin maintindihan kung bakit bumibigat ang paghinga ko.
Napahawak ako sa dibdib ko. "Bakit ka ba nagseselos, Maggie? Remember, you hate him. You loathe him... you—fine!" I clenched my fist on my chest.
"Love him all you want. Mapapagod ka rin," I told myself.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top