Chapter 17 - Visitors

"Nakita mo na ba ang mga mukhang 'to sa Calapan, Mira?" tanong ni Kuya Nathaniel sa asawa habang pinagmamasdan ang sketch ng babae at lalaking naabutan ko sa bahay nila Lance noong gabing pinatay si Landon.

Nakasandal si Kuya sa countertop, malapit sa lababo, katabi niya si Ate Amira na hinihipan naman ang mainit niyang kape.

"No, Nate. Hindi sila pamilyar sa 'kin. I don't think na naging pasyente ko rin sila sa clinic," sagot ni Ate at saka siya uminom ng kape mula sa tasa niya.

Unang agenda namin habang nag-aalmusal ay ang magpagawa ng sketch ng mga suspect sa pagpatay kay Landon. Isang lalaking halos ka-edad ko lang ang pinapunta ni Kuya sa apartment para roon. Pinilit kong halukayin ang utak ko, inilarawan ko sa kaniya ang itsura ng babae at lalaking inakala kong kasambahay nila Lance. Wala pang isang oras nang matapos ng lalaki ang sketch. Nagpasalamat lang si Kuya sa kaniya at umalis na rin siya agad.

Hinarap ni Kuya ang sketch kay Tita Linds na nakatayo sa likod ng upuan ko. Tumingala ako saglit para tingnan ang reaksyon ni Tita, pero napailing lang siya. Hindi niya rin nakikilala ang mga suspect.

"Baka hindi sila taga-Calapan, Kuya," komento ko. "Baka nga hindi sila taga-Mindoro... baka galing sa ibang lugar tapos binayaran lang para—"

Napahinto ako at napalunok ng laway nang biglang sumagi sa isipan ko ang duguang katawan ni Landon. Sumandal ako sa upuan ko at huminga ako nang malalim bago ko tinuloy ang teorya ko. "Baka... baka binayaran lang sila ng mga Saldivar para patayin si Landon."

Nilapag ni Kuya Nathaniel sa ibabaw ng babasaging dining table ang sketch at mahina siyang napabuntong-hininga. "Kailangan pa natin makahanap ng ebidensya to prove that, Gail," mabagal niyang sambit.

"Pero p'wedeng tama talaga si Gail. Hired killers 'yang mga 'yan," pagsingit naman ni Tita Linds. "Tumira rin naman ako sa Sta. Isabel, Nathaniel, at ngayon ko lang din nakita 'yang dalawang 'yan." Nginuso ni Tita ang papel sa lamesa.

"Ipapahanap ko sila sa mga tao ko," tugon ni Kuya. Hinawakan niya sa baywang si Ate Amira at maingat na hinigit siya papunta sa tabi niya. Saglit silang nagtinginan, para na naman silang nag-uusap gamit ang mga mata nila.

"Babalik na kami bukas sa Calapan, Gail." Si Ate Amira ang unang nagsalita sa kanilang dalawa, pero pareho silang nakatingin sa akin.

"Kailangan mong mag-doble ingat, Gail... lalo na ngayong nagawang makalapit ni Hugo Saldivar kay Zoe," dugtong ni Kuya Nathaniel. Bakas ko sa boses niya at sa mga naka-kurba niyang mga kilay ang pag-aalala.

Inusog ko ang inuupuan ko papalapit sa lamesa. Napangiwi ako dahil sa nakakangilong tunog ng pagkaskas ng bakal na paa ng upuan sa tiles na sahig.

Mabilis kong minasahe ang noo ko at mabagal akong bumuga ng hangin. "Hindi pa rin ako makapaniwalang nangyayari lahat ng 'to dahil sa unang asawa ni Papá, dahil kay Dolor..."

Naramdaman ko ang magaang paglapat ng palad ni Tita Linds sa kaliwang balikat ko. Kanina pa siya nakatayo sa likuran ko na para bang binabantayan ako. She gently squeezed my shoulder, and somehow, it comforted me.

"Killing Landon and framing me for it..." I paused and moistened my lips. Kusa ring nagsara ang mga palad ko dahil unti-unti na akong kinakain ng galit na kahit ang malambing na pag-alo ni Tita Linds ay alam kong walang magagawa.

I closed my eyes and inhaled deeply. Sinusubukan kong pakalmahin ang sarili ko.

"It's like hitting two birds with one stone, Gail..."

Narinig ko ang boses ni Ate Amira. Nagmulat ako ng mga mata at ibinalik ko ang pansin ko sa sketch.

"A-Ano nga ulit ang atraso ni Landon sa mga Saldivar?" nag-aalangang tanong ni Tita Linds. Inalis niya ang kamay niya sa balikat ko at mabilis siyang umupo sa tabi ko.

"Defendant sa kasong hinahawakan noon ni Landon si Henry, 'yong bunsong kapatid ni Hugo, Tita Linds." Kumunot ang noo ni Tita sa naging sagot ko.

"O? E 'di dapat umpisa pa lang pina-imbestigahan na nila Lance ang mga Saldivar dahil obvious naman ang motibo nila, 'di ba?"

Gumusot ang mukha ko sa tanong ni Tita.

Bakit nga hindi ginawa nila Lance 'yon? Bakit ako? Bakit ako ang idinidiin niya?

"'Yan din ang pinagtataka ko, Tiyang," seryosong sagot ni Kuya Nathaniel. "Hindi ko alam bakit walang tinuturong suspect ang pamilya ni Lance maliban sa..."

"Maliban sa 'kin, Kuya?" Mapait akong napangiti. Mas lalong humigpit ang pagkakakuyom ng mga palad ko sa ibabaw ng kandungan ko.

Humalukipkip si Kuya Nathaniel at tumuwid ng tayo niya. "'An unidentified woman in her early twenties was last seen fleeing the crime scene'— 'yan ang nakasulat sa report, Gail. No names were mentioned. No other description cited."

What he said would have comforted me. Pero hindi ko maintindihan kung bakit mas nangingibaw pa rin sa akin ang kakaibang pakiramdam sa sikmura ko. Parang nagbubuhol-buhol ang bituka ko. At sa tingin ko, hindi iyon mawawala kung hindi ko sasabihin ang tanong na gumugulo sa isipan ko.

"P-Pero bakit sa mata ni Lance... ako pa rin ang pumatay sa kuya niya?"

"And does it bother you, Gail?" mataray na balik ni Ate Amira sa akin. "Mahal mo pa rin ang lalaking 'yon? After what he did to you?" Her tone was challenging and yet I kept silent.

"Mira..." pabulong na saway ni Kuya Nathaniel sa asawa.

Nakaawang ang mga labi ko pero walang lumalabas na boses sa akin. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam kung ano'ng isasagot ko kay Ate. Gusto kong sabihing 'hindi na', pero naduwag ang dila ko.

"See?!" Humalukipkip si Ate at tinaasan niya pa ako ng kilay. "Ni hindi ka man lang nag-disagree, Gail?"

Pinipiga na ng mga kamay ko ang palda ng bestida ko, pero nanatiling nakatikom ang bibig ko.

"You know what? Don't mind answering, Gail. Alam ko na ang sagot," dismayadong sinabi ni Ate.

"Amira? Kalma," awat ni Tita Linds.

Tumikhim si Kuya Nathaniel. "Tama na ang sermon, Mira... hindi 'yan ang kailangan ni Gail ngayon." Hahawakan niya sana ang braso ni Ate Amira pero umiwas ito sa kaniya.

Nahihiyang namulsa na lang si Kuya at inilipat ang tingin sa akin. "So... ready na ba ang mga gamit ni Zoe? Pati 'yong mga papeles niya?" pag-iiba ni Kuya sa usapan.

Oo nga pala. 'Yong napagkasunduan namin tungkol kay Zoe, na kukupkupin nila ang anak ko kapag sumulpot si Lance... to keep her safe. Napabalik ng tanong ni Kuya ang tinig ko.

"H-Hindi ko na p-pasasamahin sa inyo si Zoe sa Calapan, Kuya," nauutal kong sagot. "She'll stay with me. Mas mapoprotektahan ko siya kung magkasama kami."

Tumango-tango lang si Kuya Nathaniel, samantalang si Ate naman ay nakatitig lang sa akin, nakahalukipkip pa rin.

"Sigurado ka ba sa desisyon mo, 'nak? Pa'no kung kunin si Zoe sa 'yo ni Lance?" nag-aalalang tanong ni Tita Linds.

"Hindi ko hahayaang mangyari 'yan, Tita," mariin kong sagot.

***

Kaunti pa lang ang customers ng Café Amor; dalawang table pa lang ang may laman. Sa Table 5, may isang estudyanteng mahaba ang buhok na umiinom ng Iced Caramel Macchiato habang nakatitig sa laptop niya. Sa Table 2 naman, 'yong lalaking madalas dinadalaw si Ma'am Steph. He looks decent—guwapo, chinito, maputi, at mukha namang hindi manyakis. Pero palaging iritable si Jasper kapag nasa café siya.

"Psst, Jasper!" Siniko ko si Jasper na nagbibilang ng change fund sa POS. "Nandito na naman 'yung chinitong laging naghahanap kay Ma'am Steph," bulong ko, sabay nguso sa Table 2.

Tinuloy lang ni Jasper ang pagbibilang niya ng barya. "Hayaan mo siya, Gail. Hindi naman 'yan bibili, nagpapa-epal lang 'yan kay Ma'am Steph!" malakas niyang sagot. Sa tingin ko nga ay sinasadya niyang iparinig sa lalaki 'yon.

"Ano'ng hindi? 'Di ba nag-bulk order 'yan noong nakaraan, tapos umalis sila ni Ma'am Steph?"

Sinara ni Jasper ang cash tray ng POS machine. Narinig ko ang tunog no'n bago siya humarap sa 'kin. "Kasi nga pinapamukha niya sa akin na mapera siya," sarkatisko niyang sagot.

"Sa 'yo? Bakit naman sa 'yo, Jasper?" kunot-noong tanong ko.

"Wala!" iritadong niyang sagot.

"Shhh! Ayan na, papalapit na rito..." sita ko sa kaniya nang makita kong tumayo na sa upuan ang lalaki.

"Ikaw na muna bahala rito, Gail. CR lang ako... nakaka-jebs 'yang pagmumukha ng lalaking 'yan, e!" nakabusangot na pagpapaalam sa akin ni Jasper. Tumango lang ako at mabilis siyang nagmartsa papuntang banyo.

Nginitian ako ng lalaki nang makalapit siya sa checkout counter. Hindi ko na hinintay pang magsalita siya, dahil alam ko naman na ang sasabihin niya.

"Si Ma'am Steph po ba? Nasa kitchen po. Sabihan ko lang po siyang na'ndito kayo, Sir."

"Thank you, Gail," sagot ng chinitong lalaking kinaiinisan ni Jasper.

***

Alas-tres na ng hapon nang makaramdam ako ng antok. Nakadalawang patagong hikab rin ako habang nagtatakal ng coffee beans bago ko isalang sa grinder. Kahit nga ang amoy ng gina-grind kong kape ay hindi ako kayang gisingin. Hindi kasi ako pinatulog kagabi ng mga tanong ni Zoe. Ano'ng pangalan ng Papa niya? Bakit hindi namin kasama ang Papa niya? Kilala ba siya ng Papa niya? Pero ang pinakamalala sa lahat ay 'yong—"Why did you lie, Mama?"

"Hello, Senyorita... kumusta ka?"

Napaigtad ako nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon. It was sweet and soft. Iisang mukha lang ang biglang sumulpot sa utak ko nang marinig ko ang malambing na tinig na iyon. Binatawan ko ang measuring cup na puno ng coffee beans at dahan-dahan akong humarap sa counter.

"F-Flor!"

Hindi ako p'wedeng magkamali, si Flor nga ang kaharap ko!

Hanggang dibdib ang nakalugay niyang tuwid na buhok, kulay itim na mga mata, at morenang kutis. Malapad ang ngiti niya sa akin.

Nakalimutan ko na ang paalala sa akin nila Kuya Nathaniel simula nang magtago ako rito sa Maynila—no one should know about my real identity, hindi ako si Maria Galina Dela Vega; ako si Abigail Ortiz. Ngayong kaharap ko ang isa sa mga naging kaibigan ko noon sa Sta. Isabel, ang taga-luto namin noon sa mansyon, ang palagi kong kasa-kasama sa baybay noon... parang nakalimutan ko na si Gail.

Patakbo akong lumabas ng checkout counter at mahigpit ko siyang niyakap. Wala na akong pake kung mapansin ako ng ilang customer, o ni Jasper na nag seserve ng order sa Table 6.

"Akala ko hindi na tayo magkikita, Flor! Na-miss kita!" Nanginginig ang boses ko habang sinasabi iyon. Nararamdaman ko rin ang mga nagbabadyang luha. Tumingala ako para pigilan iyon.

We parted from our tight hug. I sniffled to stop myself from crying. Nagawa ko naman iyon, pero hindi si Flor. Nag-uunahan na sa pisngi niya ang mga luha niya pagharap niya sa akin.

"N-Na-miss ko rin po k-kayo, Senyorita M-Maggie," humihikbi niyang binigkas.

Dinampot ko ang mga kamay niya. "Gail... Gail ang itawag mo sa 'kin, Flor. Hindi ako si Maggie rito."

Tumango siya at marahang binawi ang mga kamay niya. Mabilis niyang pinunasan ang mga luha niya at saka ulit ngumiti sa akin.

"Break ka na muna, Gail... ako na'ng bahala," alok ni Jasper. Hindi ko namalayan na nasa likod ko na pala siya. "Mag-usap muna kayo ng bisita mo."

"Thank you," I mouthed and smiled at him.

Paglabas namin sa Café Amor, hinintuan ni Flor ang isang pulang Mazda na nakaparada sa tapat ng café.

"Kotse mo?"

"Yes po, Senyori—Gail," nahihiya niyang sagot. Sumakay siya sa driver's seat at umupo naman ako sa tabi niya.

Maraming nang nagbago kay Flor. Mula sa pananamit niya hanggang sa pustura niya. Naka-blazer siya at pencil-cut skirt; mukhang sa opisina siya nagtatrabaho. Nakasukbit din sa balikat niya ang isang itim na shoulder bag na sa tantya ko ay ilang libo rin ang presyo. At nagmamaneho na siya ng sarili niyang sasakyan. Mas nakaaangat na siya sa buhay kaysa sa akin.

"S-Si Angelito, may balita ka ba sa kaniya?" Iyon ang unang tanong ko. Nobyo niya si Angelito noon. Tinatago lang nila kila Mamá at Papá pero hindi nila 'yon nailihim sa akin.

Inangat ni Flor ang kaliwang kamay niya. Napansin ko agad ang singsing na suot niya. "Asawa ko na po siya!" masaya niyang ibinalita sa akin.

Namilog ang mga mata ko at impit akong napatili. "Oh my God! Congrats sa inyo, Flor! Sabi ko na nga ba magkakatuluyan kayo!"

"Thank you, Senyori—Gail."

Napahagikgik ako. "Masasanay ka rin, Flor."

I licked my lips as I thought of another question. Sobrang dami kong gustong itanong sa kaniya, pero fifteen minutes lang ang break ko; nakakahiya naman kay Jasper kung sosobra ako.

"Dito na ba kayo nakatira sa Manila?" Nakaguhit pa rin sa mukha ko ang ngiting iniwan ng binalita ni Flor kanina. Bigla ko rin kasing naisip na kung dito na sila nakatira ni Angelito, madadagdagan ang mga taong alam kong masasandalan namin ni Zoe.

"Yes po. Dito na rin kasi ako nagtatrabaho." Nakita kong napalunok siya bago siya yumuko. "S-Sa law firm ni Atty. Lance..." pabulong niyang dugtong.

Agad nabura ang ngiti sa mga labi ko.

"Y-You're working for him?" My voice cracked. Flor nodded slowly, shyly.

Alam kong alam na niya ang tungkol sa amin ni Lance base sa reaksyon niya. Nahihiya siyang aminin sa akin na nagta-trabaho siya sa law firm ni Lance... nagtatrabaho siya para sa lalaking iniwan ako sa ere.

How? Why?

Gusto kong alamin ang mga 'yon mula kay Flor, pero wala na rin namang saysay pa. At kung dahil kay Lance ay umayos ang pamumuhay niya... ano pa'ng laban ko ro'n?

"Ano ba talagang pinunta mo rito, Flor?" malamig kong tanong sa kaniya. Nag-angat siya ng tingin sa akin, pero hindi ko sinalubong ang mga mata niya.

"G-Gusto ko lang po talaga kayong makita, Senyorita Maggie..."

Sa pagsisinungaling niyang iyon, tuluyan na akong sumabog. Hindi ito simpleng kamustahan lang. I'm sure of it!

I unlocked the car's door. Hindi na ako nagsalita pa at basta na lang akong lumabas ng sasakyan niya. 

Why do I feel betrayed? Bigla na lang tumulo ang mga luha ko. She called my name but I didn't look back. Narinig ko na lang ang pag-andar ng kotse niya.

Marami na talagang nagbago kay Flor.

***

Pinunasan ko ang pisngi ko at inayos ko ang bandana ko habang naglalakad ako pabalik ng café. Natigilan ang mga paa ko nang makita ko ang repleksyon ko sa glass window. Namumula ang ilong ko at and gilid ng mga mata ko. I looked awful, halatang bagong iyak. Hindi ako p'wedeng makitang ganito ng mga customers.

Kaya imbes na dumiretso ako sa loob ng café, nagpasya akong magpahangin muna sa labas. Sinulyapan ko ang relo ko; may limang minuto pa naman ako. Enough to de-puff my reddish eyes and to collect myself.

Hapon na pero maalinsangan pa rin. Panay ang punas ko ng pawis sa leeg ko habang patuloy lang sa paglalakad palayo sa café. Napahinto ako nang biglang may tumigil na puting van sa tapat ko.

Bumukas ang pinto no'n. Sumambulat sa akin ang isang lalaking nakatakip ng itim na bonnet ang buong mukha, mata niya lang ang kita.

"Pasok! Dali!" sigaw niya.

Natuod ang mga paa ko sa kinatatayuan ko. Lumingon ako sa likod ko. Lalong namawis ang leeg ko nang mapagtanto kong malayo na pala ako sa Café Amor. Kung tatakbo ako pabalik, paniguradong maaabutan lang niya ako.

Napasinghap ako nang bumaba siya at isa pang lalaking galing sa passenger's seat. Hinawakan nila ang magkabilang braso ko at pilit akong sinasakay sa van.

"N-No... No! Bitawan niyo ko!" protesta ko. "Help! Tulong!"

Itatakip na sana ng isa sa mga lalaki ang malapad niyang palad sa bibig ko, pero siniko ko siya. Napadaing siya sa sakit at nabitawan ang braso ko. Mas humigpit ang kapit ng isa sa kaliwang braso ko. Nagpupumiglas ako sa kaniya hanggang sa isang tinig ang nagpahinto sa akin.

"Maggie, don't resist, anak. Please..."

Nanlamig ang buong katawan ko. Pilit kong pinahaba ang leeg ko para silipin ang loob ng van. Halos lumuwa ang mga mata ko sa nakita ko. Nakaupo katabi ng isang lalaking puro puti na ang buhok... nakaupo katabi ni Hugo Saldivar si Mamá.

"Get in! Ipapaliwanag ko lahat sa'yo, anak. 'Lika na..."

Inilahad ni Mamá ang palad niya sa akin. Kusang nahulog ang mga luha ko. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko... kung masaya ba akong makita siya after seven years o mas matimbang ang pagkasuklam ko sa kaniya.

Kasama niya si Hugo Saldivar. Kasama niya ang nagpapatay kay Landon. Kasama niya ang sumira sa buhay ko!

"Don't cry, Maggie... na'ndito na ako. Come here, anak. Sumama ka na sa akin." My mother's voice was trembling. She sounded so... 'motherly'. Pero hindi na no'n mababago ang tingin ko sa kaniya—kakampi siya ng mga Saldivar!

"No, Mamá! Hindi ako sasama sa 'yo!" Buong lakas kong sinigaw iyon sa mukha niya at muli akong nagpumiglas. "Tulong! Tulungan niyo—"

Binusalan ako ng lalaki at hindi na ulit ako nakasigaw. Kakagatin ko na sana ang palad niya nang isang itim na sasakyan ang huminto sa kabilang kalsada, katapat ng van.

"Puta! Ang babagal niyo kasi!" singhal ni Hugo.

Lumuwag ang pagkakahawak sa akin ng dalawang lalaki. Kitang-kita ko kung paano nagmamadaling bumaba mula sa bagong dating na sasakyan ang kahuli-hulihang taong gusto kong makita ngayon—si Lance.

"Sakay na!" utos ni Hugo sa dalawang tauhan niya.

Tumatakbo papunta sa akin si Lance habang mabilis niyang kinakasa ang baril niya.

"Hugo, wait! Si Maggie!" sigaw ni Mamá kasabay ng pagsampa ng dalawang lalaki sa van.

Akmang bababa si Mamá ng sasakyan, pero niyapos ni Hugo ang puson niya para pigilan siya.

"May ibang pagkakataon pa, Criselda," mariing pagbabanta ni Hugo habang matalim na nakatitig sa akin. Pabagsak niyang sinara ang pinto ng van at humarurot na ang sasakyan nila palayo sa akin.

Parang biglang tumigil ang ikot ng mundo. Parang biglang namanhid ang buong katawan ko. Wala akong ibang maramdaman maliban sa init ng mga luha kong dumudulas sa pisngi ko.

Kasama ni Hugo si Mamá. At sa itsura ng pagkakayapos ni Hugo sa kaniya kanina... parang... parang may relasyon silang dalawa.

Patuloy lang ako sa paghikbi hanggang sa marinig ko ang boses niya.

"Ayos ka lang? Are you hurt? Gail?"

Naririnig ko ang hingal ni Lance. Lumipat siya sa harapan ko at nakikita ko siyang inaalog ang magkabilang balikat ko, pero hindi ko iyon nararamdaman.

"Gail! Gail!"

Paulit-ulit niya akong tinatawag, pero hindi iyon sapat para matauhan ako. Tuluyan na nga yatang tumigil ang mundo ko. Ngunit muling umikot iyon ng ubod nang bagal nang dumampi sa noo ko ang mainit niyang mga labi.

"Maggie..." malambing niyang binigkas ang pangalan ko habang pinupunasan niya ang mga luha ko. Ramdam na ramdam ko ang mainit niyang hininga na tila pumapaso sa akin.

I should push him away... kagaya ng ginawa ko sa mga tauhan ni Hugo kanina.

I should have pushed him, but I couldn't. I-I don't want to.

"Maggie... are you hurt?" he asked as he locked his blue eyes on me.

Sobrang lapit ng mga mata niya sa akin. Natatakot akong malunod na naman sa dagat niya. And so... I bravely stepped away.

"Si Mamá.... k-kasama ni Hugo si M-Mamá," putol-putol kong usal. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nasaksihan ko kanina. Nagsisimula nang sumikip ang paghinga ko. Napahawak ako sa dibdib ko.

"Breathe, Maggie... breathe, please." Parang mas lalo akong nanghina dahil sa boses ni Lance at dahil sa mga namumungay niyang mga mata. 

"Si Zoe!" I blurted out. Bigla na lang nanginig ang mga daliri ko dahil sa kaba. "Kailangan kong puntahan si Zoe! Baka siya naman ang subukang dukutin ni Hugo!"

"Where is she? I'll drive!" Natatarantang tanong ni Lance. Itinago niya sa tagiliran niya ang baril niya at saka niya dinampot ang palapulsuhan ko.

"No!" Marahas kong binawi ang kamay ko. "Wala kang karapatang makita siya, Lance!" Mas tumindi pa ang panginginig ng mga kamay ko.

Napahilamos si Lance at pinatunog ang dila niya. "Tsk! Maggie, please naman... ngayon pa ba?" Yumuko siya para magtama ang mga paningin namin, but I looked away.

"Sige, ganito na lang..." He cleared his throat. "I'll drive, then I'll stay inside my car. I-I won't get near her."

Gusto ko siyang sigawan. Gusto kong sabihin na... hindi siya kailangan ni Zoe, hindi namin siya kailangan. Pero alam kong mali ako, ni sasakyan nga wala ako para mapuntahan ko agad si Zoe. I didn't even know how to punch someone. I can't protect her like this. Pinuno ko ng hangin ang baga ko at saka ko matapang na sinalubong ang mga mata niya.

"Maggie, please. I just want to see my baby... I just want to make sure she's safe. Both of you."

There's something about his shaky voice, the way his eyes softened, and his desperate tone that made him look vulnerable. And I hate myself for falling for it. Again.

"Let's go," I softly answered.

***

MsLynLuna

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top