Chapter 16 - Night

Warning: Mention of crime and suicide. Reader discretion is advised.

Nakakadalawang baso na ako ng malamig na tubig, pero parang nanunuyo pa rin ang lalamunan ko dahil sa rebelasyon ni Tita Linds. Nilapag ko ang baso sa dining table at saka ko marahas na minasahe ang noo ko.

Hindi ko maintindihan kung bakit hindi sinabi ni Papá na may una siyang asawa. Bakit hindi ko alam ang tungkol kay Dolor?

Ni sa panaginip ay hindi ko naisip na ang Bangin ni Dolor, na kinatatakutang puntahan noon ng mga taga Sta. Isabel... sa bangin kung saan nagtapat sa akin si Lance... sa bangin kung saan ko rin winakasan ang kuwento namin... doon pala nakahimlay ang lihim ni Papá. At panigurado akong ang lihim niya ang dahilan ng mga pasakit ko sa nakalipas na pitong taon. I am haunted by his ghosts. Sigurado na akong ang mga Saldivar ang may kagagawan ng lahat ng ito... and it's not Lance. Maybe, we were both victims here.

Pinuno ko ulit ng tubig ang baso ko bago ako umupo sa tabi ni Tita Linds sa sofa. Paulit-ulit kong kinakatok ang mga kuko ko sa babasaging baso habang nakatulala sa kawalan. The tapping sound irritates me, but somehow, it also calms me.

"Gail, ayos ka lang?" tanong ni Ate Amira dahilan para mapalingon ako sa kaniya. Magka-holding hands sila ni Kuya Nathaniel at nakaupo pa rin siya sa armrest ng sofa kung saan naman nakaupo si Kuya.

Sumimsim ako sa baso ko. Pagkatapos ay kumawala ang isang malalim na buntong-hininga sa akin. "H-Hindi ko alam, Ate," pabulong kong sagot.

Tumikhim si Tita Linds. Inilipat ko ang tingin ko sa kaniya."Gail, 'nak... sorry kung hindi ko agad sinabi 'yong tungkol kay Dolor ha?" Malambot na nakatitig sa akin ang mga mata niya. "Sorry kung itinago ko sa 'yo. Ayoko lang kasing madagdagan pa ang iniisip mo noon. Ayokong dagdagan ang stress mo kay Zoe." I could sense guilt in her voice. Malayong-malayo iyon sa magiliw at palabirong tono ni Tita.

Uminom ulit ako sa baso ko at saka ko ipinatong iyon sa babasaging coffee table sa harapan ko. "T-Tita Linds..." bahagyang nanginig ang tinig ko. "S-Sa tingin mo, alam kaya ng Mamá ang tungkol kay Dolor?"

Napalunok si Tita Linds, saglit na lumikot ang mga mata niya bago niya muling ipinako sa akin ang mga iyon. "Yes, Gail. Imposibleng hindi alam ni Criselda 'yon. Kalat na kalat sa buong Sta. Isabel ang tungkol kay Mariano at Dolor noon."

Napasinghap si Ate Amira. "Oh my God! Kung alam ni Senyora Criselda 'yon... bakit... b-bakit..." Hindi matapos-tapos ni Ate ang tanong niya. Panay din ang iling niya, na para bang mas gulong-gulo pa siya kaysa sa akin.

"Bakit 'ano', Ate?" usisa ko. Umusog ako sa sofa upang mas lumapit pa kila Ate Amira.

Binatawan niya ang kamay ni Kuya Nathaniel at ilang segundo silang nagkatinginan. Parehong tikom ang mga bibig nila at parang nag-uusap sila gamit ang mga mata nila.

"Show her, Mira..." Tumango si Kuya Nathaniel sa asawa niya.

Marahang dinukot ni Ate Amira ang cellphone niya mula sa bulsa ng pantalon niya. Mabilis siyang nag-scroll sa screen nito at saka niya inabot iyon sa akin. "Here, Gail... "

On the screen is a picture of a woman sitting in a white lounge chair, wearing a purple maxi dress and a sun hat. Nasa beachfront siya ng isang resort.

"Si Mamá!" I exclaimed and then I zoomed in the picture twice just to make sure na si Mamá nga talaga iyon. May kaunting linya na ang gilid ng mga mata niya, pero hindi pa rin nagbabago ang itsura niya: malamlam na mga mata, naka-arkong manipis na mga kilay, at mapupulang mga labi.

Hindi akong maaaring magkamali, si Mamá nga ang nasa picture. Pero ang resort sa likod niya... nagtambol ang puso ko nang mabasa ko ang pangalan ng resort sa likuran niya.

"Saldivar S-Shores?" Halos hindi ko mabanggit ang pangalan ng resort na nasa likod lang ni Mamá.

"Yes, Gail. Sa mga Saldivar ang resort na 'yan sa Puerto Galera... at diyan nakita ng tao ko si Senyora," salaysay ni Kuya Nathaniel.

"Si Papá? Si Tiya Cristina? Nandoon rin ba sila?"

"She's alone, Gail. Ang Mamá mo lang ang nasa resort," balik ni Kuya.

"Ano'ng ginagawa niya sa resort ng pamilya ng unang asawa ni Papá? At bakit siya lang? Nasaan sila Tiya? Buhay pa ba sila Tiya?" sunod-sunod kong tanong. I would have kept my questions to myself. Ngunit masyadong magulo ang isip ko para sarilinin ko ang mga iyon.

"We don't know yet, Gail," Ate Amira responded softly, as if she's also trying to comfort me. Ibinalik ko sa kaniya ang cellphone niya at inangat ko ang baso ko mula sa coffee table. Tinuktok ko na naman ulit ang mga kuko ko rito.

"And it's also weird... bakit siya pupunta sa resort ng mga Saldı var kung alam niya ang tungkol kay Dolor?" kunot-noong tanong ni Ate Amira. "I am so sorry if I'm going to say this, Gail..." Ipinako ni Ate ang mga bilugan at itim niyang mga mata sa akin. "Ang kapal naman ng mukha ni Senyora Criselda para mag-relax sa resort ng mga Saldivar, knowing that his husband, your father, is the reason why Dolor killed herself," mariing sambit ni Ate. Kung hindi nga siya humingi ng pasensiya kanina, baka nagulat ako sa mga salitang lumabas sa bibig niya.

Inubos ko na ang tubig ko para basain ang nanunuyo kong lalamunan. Malamig ang gabi, pero ramdam ko ang butil ng pawis na unti-unting namumuo sa noo ko at sa leeg ko.

Saglit na sumagi sa isip ko kung paano ako kinaladkad ni Mamá pauwi sa mansyon noong nahuli niya kami ni Lance sa bangin ni Dolor at kung paano niya ako sinampal noong sumugod sila nila Papá sa kubo namin ni Lance.

"B-Baka nga totoo ang sinasabi mo, Ate. Baka makapal talaga ang mukha ng Mamá." I chuckled bitterly.

"Dios Mio, Gail! Ano ba 'yang sinasabi mo?" Pinandilatan ako ng mga mata ni Tita Linds.

Mapait akong ngumiti sa kaniya. "Hindi ko lubusang kilala ang Mamá, Tita Linds. Lumaki akong malayo ang loob sa kaniya. Si Tiya Cristina ang nagpaka-ina sa akin, hindi si Mamá." Lumunok ako para itago ang panginginig ng boses ko. "Kaya hindi na ako magtataka kung may kinalaman siya sa nangyari sa akin... sa pamilya namin, seven years ago." Tuluyan nang nabasag ang boses ko kasabay ng pagbigat ng mga mata ko dahil sa mga nagbabadyang mga luha.

"Gail, anak... " mahinang na tawag sa akin ni Tita Linds. Naramdaman ko ang pagdampi ng palad niya sa likod ko.

I inhaled deeply to collect myself. My mother may not be the kindest mother there is, but she is still my mother. At ngayon na isa na akong ina, dapat nga ay mas naiintindihan ko siya. Hindi nagpapanglayo ang pakiramdam ko noon at ang nararamdaman ngayon ni Zoe. Noon, inilalayo ako ni Mamá kay Lance. Ngayon, inilalayo ko naman si Zoe kay Lance. But I don't know why I'm feeling this... I'm scared. Natatakot akong mapatunayang may kinalaman ang sarili kong ina sa sunod-sunod na aksidenteng sumira ng buhay ko.

"At least, alam nating buhay siya. Your mother is still alive, and that's all that matters now, Gail," mabagal na sabi ni Ate Amira. Mabagal din akong tumango-tango sa kaniya bilang pagsang-ayon.

"Gail, huwag mo sanang mamasamain ito, pero magbabakasakali ako..." Inagaw ng seryosong boses ni Kuya Nathaniel ang pansin ko. "Ano ba talagang nangyari ng gabing 'yon? 'Yong buong detalye? Everything you've witnessed that night, seven years ago?"

"Nate?!" saway ni Ate Amira sa asawa.

"Nathaniel? Ngayon pa talaga?" iritadong sikmat naman ni Tita Linds sa pamangkin niya.

Nanlamig ang mga palad ko sa tanong ni Kuya. Noong gabi kasing dumating ako sa clinic ni Ate, hindi ko nagawang isalaysay nang buo ang nangyari sa akin. Ang tanging nabanggit ko lang ay tumakas ako palayo sa bahay nila Lance. Tapos, pag-uwi ko sa hacienda, nasusunog na ang mansyon at no'ng tumakbo naman ako sa kubo namin ni Lance, pinagtabuyan niya ako at hindi siya naniwalang inosente ako.

"I'm sorry, Maggie..." wala sa sariling usal ni Kuya Nathaniel. He bit his lips and cleared his throat. "I mean... sorry, Gail. Alam kong mahirap para sa 'yong balikan ang gabing 'yon, pero malaki ang matutulong no'n sa paghahanap natin ng mga sagot," malumanay na sabi ni Kuya. Batid ko sa tono ng pananalita niya at sa pagguhit ng mga linya sa noo niya ang kagustuhan niyang malaman ang buong kuwento.

"What if hindi pa ready si Gail, Nate?"

"I won't force her. Kaya nga, sabi ko... nagbabakasakali lang ako," sagot ni Kuya sa asawa, sabay malambing niyang hinaplos ang braso nito.

"Kaya mo na ba, 'nak?" tanong sa akin ni Tita Linds.

Pinagsalikop ko ang mga nanlalamig kong kamay. "Pipilitin kong kayanin, Tita," sagot ko.

***

Isang mahinang katok ang narinig ko sa pinto ng kuwarto ko. Hindi na ako nagmadali pang bumangon dahil hindi ko rin naman mabubuksan iyon. Kinando ng Mamá ang pinto ng silid ko sa labas.

"Diyan ka lang sa kuwarto mo hangga't hindi pa bumabalik sa Maynila ang pisteng Lance na 'yon!"

Parang naririnig ko pa rin ang nanggagalaiti at nanginginig na tinig ni Mamá. Masakit pa rin ang magkabilang pisngi ko dahil sa mga sampal niya. Walang nagawa ang pagluhod ni Tiya Cristina sa harapan niya kanina para lang hindi ako ikulong sa silid ko. Hindi na rin ako umaasang kampihan ng Papá. Kitang-kita ko kung paano sinipa ng tauhan niya si Lance sa kubo kanina.

Muli na namang nag-unahan ang mga luha ko, kasabay ng muling pagkatok ng tao sa labas. Agad kong pinalis ang mga luha ko at umupo ako sa gilid ng kama.

Nakita ko ang anino ng tao sa siwang ng pinto, may inilusot siyang puting papel sa ilalim ng pinto. Iyon ang mabilis na nakapagpatakbo sa akin papunta sa may pintuan.

Binuklat ko agad ang nakatuping papel. Tumalon ang puso ko nang mabasa ko kung ano ang nakasulat doon.

Maggie,

Magkita tayo bukas, 8:00 PM, sa bahay. I will wait for you. Hindi na kita pipiliting sumama sa akin, mahal ko. But please, just let me see you one last time before I go. One last time, Maggie, please. I love you.

Lance

Hindi sapat ang tatlong buwan para malaman ko kung totoong galing nga kay Lance ang sulat. Hindi ko alam ang itsura ng sulat-kamay niya, ito ang unang liham na natanggap ko mula sa kaniya. Pero kumapit ako sa katiting na pag-asang makikita ko pa ulit siya—kahit sa huling sa pagkakataon.

Nang sumunod na gabi, hindi na ako nagdalawang isip na tumakas sa mansyon. Dumaan ako sa balkonahe ng kuwarto gamit ang pinagbuhol-buhol kong kumot. Nakababa naman ako nang walang gasgas at wala rin akong kahirap-hirap na nakalabas ng hacienda.

Hingal na hingal ako nang makarating sa tapat ng bahay nila Lance. Iyon ang unang beses na nakita ko 'yon sa malapitan. Palagi lang kasi naming dinadaanan iyon tuwing lumalabas kami ni Lance, kahit kailan ay hindi namin hinintuan.

Nakasindi ang mga ilaw sa labas ng dalawang palapag na lumang bahay. Ang unang palapag ay gawa sa bato, ang pangalawa naman ay gawa sa kahoy. Yari sa capiz ang mga nakasaradong bintana. Ang kuwento sa akin ni Lance, minana ng nanay niya ang bahay mula pa sa lola ng lola nila at panahon pa ng mga kastila itinayo ito.

Nakaparada sa labas ang kotseng ginagamit ni Lance tuwing pumapasyal kami sa bayan. Tahimik ang malamig na gabing iyon, wala akong naririnig maliban sa mga kuliglig.

Huminga ako nang malalim bago ako kumatok sa kahoy na pintuan, ngunit walang sumagot.

"L-Lance?" mahina kong tinawag ang pangalan niya, wala pa ring sumasagot. Nagpasya akong subukang itulak ang pinto.

Napasinghap ako nang bumukas ito. Wala na akong pinalipas pang sandali at agad akong pumasok sa loob. Binati agad ako ng magarbong hagdang kahoy paakyat sa itaas. Bukas ang lahat ng ilaw sa sala kaya kitang-kita ko ang kusina sa kanan ng hagdan at maging ang nakabukas na silid sa bandang kaliwa naman ng hagdan.

"Lance?" Umalingawngaw lang ang boses ko sa buong palapag. "Lance? Landon?" Wala pa ring sumasagot. Nakapagtatakang bukas ang pinto ng bahay nila at maging ang mga ilaw, pero wala sila pareho rito.

Nag-umpisa nang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko rin maintindihan ang mga paa ko, parang kusang humakbang ang mga ito papunta sa bukas na silid.

Kaiba sa maliwanag na sala, madilim ang silid. Naaaninag ko lang ang lamesa sa gitna dahil sa ilaw na nanggagaling sa cellphone sa sahig malapit sa paanan ng lamesa. Humakbang ako para sana damputin iyon, ngunit may nagpahinto sa mga paa ko.

May natapakan akong bagay na parang babasagin. Narinig ko ang pagkalat ng mga piraso ng kung ano na parang katunog ng mga bubog.

Unti-unti akong humakbang pabalik sa may pintuan at kinapa-kapa ko ang pindutan ng ilaw sa pader.

"Aghhh!!!"

Kasabay ng pagliwanag sa silid ang nakabibingi kong sigaw. Nakahandusay sa kahoy na sahig ang duguang katawan ni Landon.

Wala siyang malay at parang hindi na siya humihinga. Kulay pula na ang polo niya, tanging ang kuwelyo na lang nito ang puti. Hindi ako makaiyak dahil nilamon ako ng sobrang takot. Pakiramdam ko ay aatakihin ako ng hika dahil parang may batong dumagan sa dibdib ko. Paulit-ulit akong humigop ng hangin habang pinipilit kong pagalawin ang mga nanlalambot kong mga binti.

Nang makahakbang ako papalapit sa kaniya, doon na ako napahagulgol. Muli kong narinig ang tunog na parang mga malilit na piraso ng bubog. Napatingin ako sa mga paa ko. Ang antipara pala ni Landon ang natapakan ko kanina.

Kahit napupuno na ng mga hikbi ko ang buong silid, pinilit ko pa ring makalapit kay Landon. Napaluhod ako sa tabi ng duguang katawan niya. Inalog-alog ko siya at paulit-ulit kong tinawag ang pangalan niya.

"L-Landon! Landon!"

May sugat siya malapit sa gitna ng dibdib niya na walang tigil sa pagdurugo. Hindi na ako nakapag-isip pa, diniinan ko iyon, baka kaya pang mapahinto ng mga nanginginig kong palad ang pagdurugo.

"Tulong! Tulungan niyo kami!"

Dinampot ko ang kaliwang palapulsuhan niya. Wala... wala na siyang pulso pero mainit pa ang balat niya. Mas lalong lumakas ang pagtangis ko.

Nakarinig ako ng mga nagmamadaling yabag mula sa likuran ko. Napatayo ako at napalingon ako roon.

Halos mahulog ang panga ng babaeng kasambahay nila Landon. Ang lalaki namang kasabay niyang bumaba ng hagdan ay tila na-estatwa rin.

"Ano'ng ginawa mo kay Sir?!" tanong ng babae sa akin.

"W-Wala po, w-wala akong g-ginawa sa kaniya," humihikbi kong sagot. "Tumawag po kayo ng ambulansya..."

Tumakbo papalapit sa akin ang lalaki. Samantalang nanatili namang nakatayo sa may pintuan ang babae, pinapanood ang kilos ko.

"Ano'ng ambulansya? Pulis! Pulis ang tawagin mo!" pasigaw na utos ng lalaki sa babae.

Napatid ang mga luha ko at parang may hanging bumara sa lalamunan ko. Pinagbibintangan ba nila ako?

"Pinatay mo si Sir!" singhal ng lalaki sa akin. "Dali, tumawag ka ng Pulis!" sigaw ulit niya sa babaeng kasambahay.

"H-Hindi po ako, maniwala kayo..." pagsusumamo ko.

"Sa presinto ka na lang magpaliwanag!" tugon ng lalaki.

Tumalikod ang babae para siguro sundin ang sinabi ng lalaki. Akmang hahawakan na ng lalaki ang mga bisig ko, pero mabilis akong nakatakbo palayo sa kaniya.

"Gail, stop! Stop right there!"

Napabalik ako sa ulirat ng buong boses ni Kuya Nathaniel.

Wala na ako sa Sta. Isabel, nasa apartment na ulit ako. Nakahawak sa mga nakakuyom kong kamao si Tita Linds. Sinasalinan naman ni Ate Amira ng tubig ang baso ko.

"Nakita ka kamo ng kasambahay nila Landon?" tanong ni Kuya.

"Yes, Kuya. Dalawa sila, isang babae at isang lalaki, mga nasa late 30s siguro sila."

"Shit!" malutong na mura ni Kuya. Gumusot naman ang mukha ko, at gano'n din si Ate Amira.

"O? Bakit, Nathaniel?" tanong Tita Linds.

Napahilamos ng mukha si Kuya. "Base sa mga reports na nakarating sa 'kin, walang kasambahay sila Landon. No'ng naunang bumalik sa Manila ang nanay nila ni Lance, wala na silang ibang nakasama sa ancestral house nila sa Calapan maliban sa caretaker nilang si Mang Felipe. He was 52 years old when the crime happened."

Parang binuhusan ako ng isang balde ng malamig na tubig. Ibig sabihin ba no'n, 'yong dalawang inakala kong kasambahay nila Lance ang pumatay kay Landon?

"So, 'yong naabutan ni Gail sa bahay nila Lance..."

"Yes, Mira. Malaki ang chance na sila mismo ang pumatay kay Landon," diretsong sagot ni Kuya.

"Naaalala mo pa ba ang itsura nila, Gail?"

"Hinding-hindi ko makakalimutan ang itsura nila, Tita Linds," sagot ko. Ang nag-iisang tiyak kong sagot sa napakaraming tanong na hatid ng gabing ito.

***

MsLynLuna

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top