Chapter 15 - Secrets
Maingat kong hinila mula sa cooling racks papunta sa lamesa ang tray ng muffin na iniwang pinapalamig ni Ma'am Lia dito sa kitchen. Isa-isa kong inilipat ang apat na piraso sa loob ng takeout box, at pagkatapos ay sinimulan ko na ring ibuhol ang ribbon ng kahon. Gugupitin ko pa lang sana ang sobrang laso nang biglang mag-ring ang cellphone ko. Dinukot ko iyon sa bulsa ng pantalon ko at mabilis kong inipit sa pagitan ng balikat at tainga ko.
"Nandito na sila Nathaniel at Amira, makakapag-early out ka ba, Gail?" tanong ni Tita Linds sa kabilang linya.
"Sorry, Tita Linds, pero hindi eh. May nangyari kasi rito sa café," sagot ko, sabay gupit sa mahabang buntot ng dilaw na ribbon.
"Ano'ng nangyari? Ayos ka lang ba?"
"Okay lang ako, Tita. S-Si Ma'am Lia... nag-collapse siya kanina."
Narinig ko ang malakas niyang pagsinghap. "Ano? K-Kumusta raw si Ma'am niyo?"
"Wala pa kaming balita. Hindi pa nag a-update si Ma'am Steph."
Binalik ko sa cooling rack ang tray ng muffin na may laman pang walong piraso. Saka ko hinawakan ang cellphone ko at itinapat ko ito sa tainga ko.
"Tsk! O ikaw, Gail. Hinay-hinay ka lang diyan at baka ikaw naman ang mahimatay. Baka nakakalimutan mo ang nangyari sa 'yo kagabi? Parang sumisipol ka na dahil sa hika mo," mariing paalala sa akin ni Tita Linds.
"Don't worry, Tita. Okay na ako," mabilis kong sagot. "Sige na Tita. Bababa ko na 'to. Hinihintay na ng customer 'yong takeout niya."
"Ingat, 'nak!" balik naman ni Tita Linds bago ko pinatay ang tawag.
I put away my phone and softly inhaled. Nagsinungaling na naman ako kay Tita Linds—I am not okay. Pagmulat ko pa lang ng mga mata ko kaninang umaga, bumagabag na agad sa isip ko kung ano ang koneksyon ng mga Saldivar sa pamilya namin, kay Lance, at sa pagkamatay ni Landon. At kung paano ko mapapanatiling ligtas si Zoe dito.
Hinigpitan ko ang tali ng apron ko at ng bandana ko. I exhaled sharply, then grabbed the box from the stainless kitchen table. Kusang kumurba ang mga labi ko pag hakbang ko palabas ng kitchen.
It's amazing how all my senses work out so well; sanay na sanay nang magsinungaling ang mukha ko. Sanay na sanay na akong magpanggap na masaya ako at walang nililihim na problema sa harap ng mga customers. Iyon nga lang... iba ang usapan pagdating sa kaniya.
"Choco lava muffin for Sir Lance!" I happily announced as I stood behind the checkout counter. Malapad ang ngiti ko kahit na parang babaligtad na ang sikmura ko.
Nakangiti rin siyang naglakad papalapit sa counter. Nakaputi na naman siyang long sleeves, nakarolyo hanggang sa siko. I'm starting to think na walang ibang kulay ang mga pantaas niya—puro puti lang.
"How are you?" he whispered as I handed him the box.
"Fine," tipid kong sagot. Nakatitig lang ako sa dilaw na ribbon ng kahon.
"P-Para ba kay Kath 'yan? Puwede kong palitan ng customized box... 'yong perfect pang-regalo sa girlfriend."
Napakagat ako sa labi ko matapos kong sabihin 'yon.
The hell, Maria Galina? I sounded so—
"Are you jealous?" Lance asked in his deep voice.
Napatingala ako sa kaniya. He's grinning like a devil, and I hate it. I hate that the more I stare at his smiling face, the faster my heart beats. Tinalo na ng bilis ng tibok ng puso ko ang kakaibang pakiramdam ko sa tiyan ko kanina.
I leaned closer to the edge of the counter. Inilapit ko ang mukha ko sa mukha niya. Close enough to see how his brows furrowed in confusion and how his pupils widened as my face came closer.
"Guwapong-guwapo ka sa sarili mo, 'no? Attorney?" I teased with a smirk on my face.
He gulped and then stepped back. Iniwan niya ang box ng muffin sa counter. Itinago niya ang mga kamay niya sa magkabilang bulsa ng pantalon niya at ipinako niya sa akin ang mga mala-dagat niyang mata.
"Mukhang okay ka na talaga, Gail," mabagal niyang binigkas, na para bang naghihintay siya ng sagot o kahit ano'ng reaksiyon mula sa akin. But I was just silent. Ako ang unang kumalas sa pagtitig niya, napayuko ako.
"I'll go ahead," he added. Again, I didn't look at him nor react.
I heard his footsteps as he walked away. Pahina nang pahina ang mga yabag niya, palayo nang palayo sa akin. Pero bigla akong natauhan nang mapansin kong nasa counter pa rin ang takeout niya. Inangat ko ang ulo ko; wala na siya sa harapan ko. Nagpalinga-linga ako at nakita kong malapit na siya sa pinto ng café.
"W-Wait! 'Yong muffin for Kath!"
Agad kong dinampot ang box at tumakbo papunta kay Lance. Medyo hinihingal ako nang makalapit sa kaniya. I extended my right arm, iniaabot sa kaniya ang binili niya.
"That's not for Kath," he calmly said. "That's for my baby... for Zoe. Pakibigay na lang sa kaniya." His voice cracked.
Napakurap-kurap ako at napalunok sa sinabi niya. Kusang bumagsak ang bisig kong nakataas sa ere, hawak ang box ng muffins. Parang umurong ang dila ko at kahit gusto kong kontrahin ang sinabi niya, hindi ako makapagsalita.
"L-Lance..." nabubulol kong tawag sa kaniya. I closed my eyes as my jaw tightened. I took one deep breath before I spoke again, still with eyelids shut. "Lance, ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na hindi mo anak si—"
But I failed to complete my protest. When I opened my eyes, Lance had already walked out the door. Narinig ko na lang ang kalansing ng windchime na nakasabit sa taas ng pinto ng café.
***
10:00 PM na ako nakauwi sa apartment. Paakyat pa lang ako ng hagdan, rinig na rinig ko na ang bungisngis ni Zoe at ni Ate Amira. Kakatok pa lang sana ako sa pinto nang bigla akong pagbuksan ni Tita Linds.
"O! Nandito na si Gail," masiglang anunsyo niya. Akala mo nanalo ng jackpot sa gameshow, may pagtaas pa talaga ng kamay niya habang nakaturo ang palad sa akin at sumasayaw-sayaw ang mga daliri. Kulang na lang ay magsaboy siya ng confetti.
"Gail!" malakas na tawag ni Ate Amira sa akin habang papatayo siya mula sa pagkakasalampak sa sahig ng sala. Naka-indian sit din si Zoe doon. Mukhang pinagtutulungan nilang buuin ang mga bagong jigsaw puzzle na panigurado akong pasalubong nila Ate kay Zoe. They know her obsession about jigsaw puzzles.
Ibinaba ko ang tote bag ko sa sofa at nagmamadali akong tumakbo papunta kay Ate. Dinampot niya agad ang mga kamay ko. Saglit niyang tinitigan ang mga mata ko, at doon ko napansin ang panunubig ng mga bilugan niyang mata.
"Na-miss kita, Gail," naluluha niyang usal bago niya ako kinulong sa mga bisig niya.
Simula noong umalis ako sa Calapan at iniwan ang pangalan ko, sila Ate Amira, ang asawa niyang si Kuya Nathaniel, at ang tiyahin nitong si Tita Linds ang nagsilbing pamilya ko. Sila lang ang mayroon kami ni Zoe. Sila lang din ang tumutulong sa akin para mahanap ko ang katotohanan sa likod ng pagkasunog ng mansyon at ng krimeng bumago sa buhay ko.
Kaya kahit malayo na ako sa Calapan—sa Sta. Isabel, ang mahigpit na yakap ni Ate Amira sa akin ngayon ang tila naghatid sa akin pauwi roon. Her embrace feels like home.
"Mag-iiyakan na naman kayong dalawa diyan," pabirong sita ng asawa niyang si Kuya Nathaniel na nakaupo sa dining chair.
Kumalas ako sa mga bisig ni Ate Amira. Suminghot-singhot naman siya at inayos ang tuwid niyang buhok na nagusot sa yakapan namin.
Sinulyapan ko si Zoe na abala pa rin sa puzzle. I cleared my throat to steady my voice. "May pasalubong din ako sa 'yo, Zoe!" Sinubukan kong gawing masigla ang boses ko, pero hindi pa rin ako pinansin ng anak ko. Mukhang masama pa rin ang loob sa pagpunit ko ng picture ng Papa niya, sa picture ni Lance.
"Nagtatampururot pa rin 'yan, Gail," pabulong na komento ni Tita.
Tumango lang ako pabalik kay Tita Linds at kinuha ang bag ko sa tabi niya. Inilabas ko mula roon ang kahon ng muffins na binili ni Lance sa café kanina.
Umupo ako sa harap ni Zoe at nilapag ang kahon ng muffin sa harap niya.
"For you, baby," I said, smiling at her. Pero nagbingi-bingihan siya at nagpatuloy pa rin sa paglalaro ng puzzle. I cleared my throat again, "G-Galing 'yan sa Papa mo."
Hindi ako makapaniwala sa sinabi ko, at mukhang ganoon din si Tita Linds. "Susmaryosep, Gail!" bulalas niya.
"Gail..." mahinang tawag ni Ate Amira na nakaupo sa tabi ng asawa niya. Nakakunot ang noo ni Ate, samantalang napailing-iling naman si Kuya Nathaniel. Both of them are clearly frustrated at me.
Pero si Zoe... kitang-kita ko kung paano namilog ang mga mata niya at kung paano gumuhit sa mukha niya ang pinakapaborito kong ngiti sa buong mundo. And that's all that matters to me.
"This is from Papa?" she asked with disbelief.
"Y-Yes, anak," I answered back. Nginitian ko pa siya kahit na nanginginig ang gilid ng mga labi ko.
Niyakap niya ang kahon at agad tumayo. Naglaglagan mula sa palda niya ang ilang maliit na piraso ng puzzle.
Humarap siya kay Kuya Nathaniel. "See! See, I told you Tito Nate! Buhay pa ang real Papa ko. Hindi naman si Papa Greg ang Papa ko... kasi nakita ni Aksana 'yong picture ni Papa Greg sa internet, may iba siyang family," malakas niyang pagyayabang kay Kuya. "May muffins pa ako from Papa kasi he loves me!" dagdag pa niya.
And I couldn't help but get teary-eyed as I watched her. Nakangiti si Kuya Nathaniel sa kaniya, kahit alam kong nagulat sila ni Ate sa sikretong binunyag ko kay Zoe.
Tumakbo si Zoe papunta kay Tita Linds. "Mamita, can you open this, please?" malambing na tanong ni Zoe, sabay abot ng kahon kay Tita Linds.
"Sure, apo. Pero isa lang ang puwede mong kainin, ha?" masaya namang tugon ni Tita Linds habang inaalis ang buhol ng ribbon ng kahon.
Agad kinagatan ni Zoe ang choco lava muffin. "So yummy!" sigaw niya at nagtatatalon pa.
Nakangiti lang ako habang pinapanood siya. Nagulat na lang ako nang bigla siyang humarap sa akin at niyakap ako.
"Thank you, Mama!" she said as she rested her head on my stomach.
"You're welcome, baby!"
Inangat niya ang mukha niya at muli akong nginitian. "Aha! I will write a letter for Papa. Can you give it to him, Mama?" tanong niya habang nakatingala sa akin ang mga nagniningning niyang mata.
"S-Sure, anak..." I responded.
Bitbit ang isang piraso ng muffin, masayang naglakad si Zoe papasok ng kuwarto namin.
"I'll be back with the letter, Mama!" pahabol niya bago niya isinara ang pinto.
***
I settled uncomfortably on our small couch. My hands were jittery. Hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang mga kamay ko dahil sa kabang bumabalot sa akin. Pinagtutulungan ligpitin nila Kuya Nathaniel at Tita Linds ang mga naiwang laruan ni Zoe sa sala. Pareho silang tahimik habang ibinabalik sa box ang iba pang jigsaw puzzle na hindi pa nabubuo ni Zoe.
Alam kong hindi nila inaasahan ang sinabi ko kay Zoe kanina. Alam kong dismayado silang lahat sa akin. But I was left with no choice. I couldn't last another day knowing that my daughter is mad at me.
Narinig ko ang mga papalapit na hakbang ni Ate Amira. Huminga ako nang malalim at nag-ipon ng hangin sa baga ko.
"Really, Gail?" Nakahalukipkip si Ate habang nakatayo sa harapan ko.
Napayuko ako. Pinisil-pisil ko ang foam ng sofa dahil sa totoo lang, naiinis din ako sa sarili ko.
"Seven years, Gail... seven years nating trinabaho 'to para maging safe lang si Zoe sa totoong tatay niya. Then you told her that?" Nanginginig ang boses ni Ate Amira, halatang pinipigilan niyang tuluyang sumabog ang galit at pagkadismaya niya sa akin.
"Kay Lance ba talaga galing 'yan?" Nginuso niya ang box ng muffin sa tabi ko.
"Y-Yes, Ate," nahihiya kong sagot. Nakayuko pa rin ako, parang kuting na nasindak.
"Seryoso? Lance gave you that?" she asked again.
I slowly nodded. Then I heard her grunt in frustration.
"Nate, ikaw na nga ang kumausap dito kay Maggie," halos pasigaw niyang utos sa asawa. "I mean kay Gail, kung desidido pa talaga siyang panindigan ang pagiging 'Abigail Ortiz' niya!" mariin niyang dagdag.
"Mira, calm down, please..." malumanay na tugon ni Kuya Nathaniel.
Tinaasan lang ni Ate Amira ng kilay ang asawa niya bago siya nagmartsa pabalik sa inuupuan niyang silya kanina.
Napakamot sa batok si Kuya Nathaniel bago siya umupo sa pang-isahang sofa malapit sa couch na inuupuan ko. Tumabi naman sa akin si Tita Linds pagkatapos niyang ligpitin ang mga naiwan ni Zoe kanina.
Lumunok ako at mabilis kong sinulyapan si Ate Amira. Bakas ko pa rin sa salubong niyang mga kilay ang inis.
"I'm sorry, Ate. A-Alam na ni Lance ang tungkol kay Zoe," mahinang panimula ko. Muli kong pinisil ang foam ng sofa. "Hindi ko rin naman ini-expect na matagal kong maitatago sa kaniya, Ate, Kuya..." Inilipat ko ang tingin kay Kuya Nathaniel na paulit-ulit na minamasahe ang sentido niya. "Lance has his means now. Abogado na siya. May pera at may sariling law firm pa." I ended my statement with a deep sigh.
"Hindi mo man lang itinanggi kay Zoe, Gail?" tanong ni Kuya. "We've prepared for this. We even created a persona for her father. Si Greg!" Namilog ang mga itim na mata ni Kuya at inihinto niya ang pagmasahe sa ulo niya. "Tinuruan na kita, 'di ba? Sasabihin mo na si Greg ang tatay niya—"
"Hindi mo ba narinig si Zoe kanina, Kuya? Nakita ng classmate niya 'yong picture no'ng Greg na inembento mo, online!" Hindi ko na napigilan ang pagtaas ng boses ko.
"Saan mo ba kasi pinulot 'yon, Nathaniel?" sabat ni Tita Linds.
"S-Sa dating app," pabulong na sagot ni Kuya.
"Dios Mio, Nathaniel! Para kang hindi sundalo. Sana naman nagpa-photoshop ka na lang!" matinis na balik ni Tita.
"Tiyang naman." Napahilamos ng mukha si Kuya at napakamot sa buhok niya.
Clearly, hindi na maniniwala sa akin si Zoe na si Greg ang tatay niya. The only thing I could do right now is to be selfish, at ipagdamot siya kay Lance. Hinding-hindi ako papayag na makalapit si Lance kay Zoe.
"H-Hindi ko na kayang itanggi kay Zoe, Kuya. Naaawa na rin ako sa anak ko..." I gulped as my voice started to quiver. "P-Pero kay Lance... itatanggi ko kay Lance hanggang sa dulo, Kuya. Kaya kong magsinungaling sa kaniya, na hindi niya anak si Zoe," I declared with conviction. Ikinuyom ko ang mga kamao ko at nilipat ko ang mga ito sa kandungan ko.
Dahan-dahan akong bumuga ng hangin. "Pero, what if... what if hindi pala si Lance ang tunay na kalaban ko rito?" My question echoed through the open-plan living and dining area of my studio-type apartment. Ilang segundo kaming binalot ng katahimikan. Tanging ugong lang ng window-type aircon sa sala ang naririnig ko.
"What do you mean?" Si Ate Amira ang unang bumasag ng katahimikan. Bumaba siya ng dining chair at umupo sa armrest ng inuupuan ni Kuya Nathaniel.
"Ang mga Saldivar, Ate," diretsong sagot ko sa kaniya.
Mabilis kong sinulyapan si Tita Linds. "Nakuwento mo na ba sa kanila, Tita Linds, 'yong nangyari kay Zoe no'ng isang araw?"
"Yes, Gail," tugon ni Tita.
"Hindi ko nga alam kung paano nalaman ni Hugo Saldivar ang tungkol kay Zoe... at ang tungkol kay Lance. Siya ang nagsabi sa bata na si Lance ang tatay niya. He even gave her Lance's photo." I bit my lip.
Napailing-iling na lang si Kuya Nathaniel habang nagpapatunog ng dila niya. Si Ate Amira naman ay magaang tinapik-tapik ang balikat ng asawa niya.
"Pakiramdam ko may kinalaman din ang mga Saldivar sa pagkasunog ng mansyon namin noon." Napapikit ako nang sumagi na naman sa isip ko ang gabing bumago ng kapalaran ko.
Nagmulat ako ng mga mata nang maramdaman ko ang mga kamay ni Tita Linds sa ibabaw ng nakatikom kong kamao. "B-But I can't point my fingers at them. Dahil wala akong matandaan na may galit ang pamilya nila sa amin. Ang alam ko lang kasi noon, tinalo ni Tiyo Manuel sa pagka-Mayor si Hugo... that's it. Wala nang ibang dahilan para magtanim ng galit ang mga Saldivar sa aming Dela Vega..."
"Tiyang, hindi mo po ba nasabi kay Gail ang tungkol kay Dolor?" seryosong tanong ni Kuya Nathaniel.
"Dolor?" sabay naming banggit ni Ate Amira.
Binitawan ni Tita Linds ang mga kamay ko at tumuwid siya ng pagkakaupo niya.
Sinulyapan ko si Kuya Nathaniel na muli na namang napa-masahe sa noo niya. "Si Dolor na laman ng kuwentong bayan sa Sta. Isabel, Kuya?" pag-uusisa ko sa kaniya.
"O-Oo," pagaralgal niyang sagot.
"Nakababatang kapatid ni Hugo Saldivar si Dolor... si Dolores Saldivar. Nag-iisang kapatid na babae ni Hugo at ni Henry Saldivar," pagsasalaysay ni Tita Linds.
Napasinghap ako at napatakip pa sa bibig ko. Halos lumuwa rin ang mga mata ni Ate Amira. Mukhang kaming dalawa lang ang hindi nakakaalam ng sikretong iyon.
"H-Hindi ba siya 'yong nasiraan ng bait?" nag-aalangang sambit ni Ate.
"Oo, nabaliw si Dolor dahil sa pag-ibig." Bumuntong-hininga si Tita Linds. "Hindi niya kinaya 'yong sakit... kaya tinapos niya ang buhay niya sa bangin," malungkot na pahayag ni Tita Linds. May kung ano sa nanginginig na tinig ni Tita Linds na nagdadala rin sa akin ng takot.
"Ano'ng kinalaman naming mga Dela Vega kay Dolor Saldivar?" matapang kong tanong, kahit na halos tumalon na palabas ng dibdib ko ang puso ko at nagsisitayuan na lahat ng balahibo ko.
"Gail... s-si Dolor... s-siya ang unang asawa ng Papá mo," nauutal na sagot ni Tita Linds. "Si Mariano ang nabigong pag-ibig ni Dolor."
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top